Submitted by Internasyonalismo on
Galit na galit ang manggagawang Pilipino sa garapalang ginawa ng mababang kapulungan sa Pilipinas na iratsada ang Con-Ass at sagasaan ang karibal na Senado sa usaping ito. Ang mga kaaway ni Gloria sa loob ng naghaharing uri at ang lahat ng grupo ng kaliwa ay galit din subalit sa ibang mga kadahilanan.
Galit ang mga kapitalistang kaaway ni Arroyo dahil siguradong mas pahigpitin pa ng paksyon ni GMA ang paghawak sa kapangyarihan at lalong mahihirapang papalit sa legal na paraan ang mga karibal nito. Galit din ang mga grupo ng kaliwa dahil "lubusang yuyurakan ng bagong saligang batas ang kasarinlan ng Pilipinas".
Magkaiba ang mga dahilan pero iisa lamang ang ipinaglalaban ng paksyong anti-Arroyo at mga grupong kaliwa — panatilihin ang kapitalistang sistema sa Pilipinas na may pinakamagandang palamuti para manatili sa mistipikasyon ang proletaryado sa bansa.
Ang galit nila ay nakasentro sa "garapalan" at "hindi demokratikong paraan" na ginawa ng mababang kapulungan at hindi pa sa katangian mismo ng isang burges na parlamento sa panahon ng dekadenteng kapitalismo. Ibig sabihin, kung hindi garapalan at demokratiko ang paraan ay "tagumpay" na ito ng uring manggagawa.
Kaya hindi ipagtaka kung sa susunod na mga araw ay magkapit-bisig na naman ang mga pwersang anti-Gloria — kapitalista-haciendero, tradisyonal na oposisyon, repormista, konserbatibong relihiyosong grupo tulad ng El Shaddai at mga kaliwa — laban sa Con-Ass ng mababang kapulungan.
Gayong totoo ang mga akusasyon ng elitistang oposisyon at grupong kaliwa sa pansariling motibo ng paksyong Arroyo bakit nito minamadali ang Con-Ass at pagbabago sa Konstitusyon, ang hindi nila maipaliwanag ay kung bakit ito nangyari at sa anong sitwasyon ito nakabatay.
Ang huling sandalan ng bumubulusok na sistema para hindi mahulog sa kumunoy ng pagkadurog ay ang estado. Ang sentralisasyon ng lahat ng kapangyarihan sa estado ay kinakailangan ng uring kapitalista para mapigilan kahit papano ang tuluyang pagkawasak ng sistema. Nasa desperadong yugto na ngayon ang naghihingalong sistema.
Paksyon man ni Gloria o kahit anong paksyon ng naghaharing uri ang nasa poder, gagawin din nito ang ginagawa ni Arroyo ngayon, sa paraan man ng demokrasya o diktadura. Babaguhin ang Konstitusyon para lalo pang pahigpitin ang kontrol ng burges na estado sa buong lipunan.
Para sa uring kapitalista, ang mga batas at Konstitusyon ay kailangang magamit nila para depensahan ang naghihingalong sistema. At ang protektor ng sistema ay ang estado. Kaya kailangang isentralisa sa estado ang kontrol sa buong lipunan sa panahon na malapit ng mamatay ang sistema.
May isa pang mayor na aral na hindi naipaliwanag ng mga grupong kaliwa sa bansa : ang mistipikasyon ng burges na demokrasya at parlamento.
Bukambibig ng kapitalistang oposisyon at kaliwa ang akusasyon ng "kawalan ng demokrasya" sa nangyaring maniobrahan sa mababang kapulungan sa nagdaang mga araw. Tinakpan ng mga ito ang katotohanan na hungkag ang burges na demokrasya ng kapitalistang sistema. Katunayan, pinaiiral ang demokrasya sa loob ng mababang kapulungan dahil desisyon ng mayorya ang nangingibabaw. Kaya lang, hamak na mas marami ang mga tuta ng paksyong Arroyo sa loob ng kongreso kaysa mga alipures ng burges na oposisyon. Galit ang minorya kasi nanalo ang mayorya. Hindi ba ito ang burges na demokrasya? Paramihan ng bilang. Dagdag pa, kasama ang minorya sa loob ng kongreso sa pagpapakita na "buhay ang demokrasya" sa pugad ng mga baboy – mga debate, diskusyon, caucuses at iba pang paraan para "marinig" ang boses ng lahat ng mambabatas kasama na ang minorya.
Kasabwat ang mga grupong kaliwa sa panlilinlang sa uring manggagawa na ang "kawalan ng maksimisasyon ng burges na demokrasya" ang problema sa Pilipinas. Tinago nila ang katotohanan na hindi ang kawalan nito kundi ang pagiging inutil ng maksimisadong demokrasya sa ilalim ng dekadenteng kapitalistang sistema ang tunay na problema. Ang demokrasya ay tulad din ng diktadura, mga porma ng paghari ng uring kapitalista sa yugto ng kanyang paghihingalo. Gaya ng diktadura, ang demokrasya ay ginagamit para manatili sa kapangyarihan ang uring mapagsamantala.
Sa panahon ng pasulong na kapitalismo (ika-19 siglo), may kabuluhan sa makauring pakikibaka ng proletaryado ang pakikibaka para sa burges demokrasya. Ngunit sa kasalukuyang panahon na nasa yugto na ng dekadenteng kapitalismo ang mundo, ang burges na demokrasya ay naging hadlang na sa pagsulong ng proletaryong rebolusyon. Sa halip ito ay nagging piring na sa uri para hindi nito makikita ang landas patungo sa rebolusyonaryong pagbabago.
May kaibahan ba sa antas ng pagsasamantala at pang-aapi sa manggagawa ang "pinakademokratikong bansa" sa mundo – ang imperyalistang Amerika sa mga pasistang estado gaya ng kay Saddam Hussien sa Iraq, o ng diktadura ni Marcos at ang demokratikong pamahalaan ni Cory Aquino? WALA.
Mapatalsik man si GMA sa Malakanyang at mapalitan man ito ng "pinakamatinong" kapitalistang politiko o "ideyalistang" opisyal ng AFP/PNP na suportado ng mga grupong kaliwa at rebeldeng sundalo, imposibleng maligtas ang uring manggagawa mula sa pagsasamantala at pang-aapi ng kapital.
Kahit pa si Tito Guingona, Ping Lacson, Susan Roces, Trillanes, Gen. Danny Lim, Gringo Honasan o Erap Estrada ang nasa poder ngayon, gagawin din nila ang ginawa ni Gloria – isalba ang bulok na sistema sa anumang paraan. Isang malaking kasinungalingan ang sinasabi ng burges na oposisyon at ng mga repormista na si Gloria lang ang problema.
Wala sa kahit alinmang paksyon ng burgesya ang kaligtasan ng uring manggagawa. Ang kaligtasan ng uri ay nasa kamay mismo ng masang manggagawa. Walang ibang uri na nagnanais baguhin ang bulok na kongreso at sistema kundi ang proletaryado lamang.
Walang ibang solusyon kundi durugin ang burges na parlamento at estado; durugin ang kapitalistang sistema at tapusin ang paghahari ng uring kapitalista-haciendero sa bansa.
Maraming itinuturo ang kasaysayan ng pakikibaka ng manggagawang Pilipino. Mga aral na maliwanag na manipestasyon din sa mga aral mula sa karanasan ng internasyonal na pakikibaka ng uri sa loob ng mahigit 200 taon.
Bulok ang Kongreso dahil bulok na ang kapitalistang sistema. Kailangan na itong palitan sa pamamagitan ng sosyalistang rebolusyon, ng rebolusyon ng mga manggagawa mismo. (Tess, 12/08/06)