Submitted by Internasyonalismo on
Magkaroon ng malaking pagtitipon ang mga pangunahing lider ng mga bansang myembro ng Association of South-East Asian Nations (ASEAN) ngayong Disyembre 2006. Nagkandarapa ang gobyerno ng Pilipinas bilang punong-abalang bansa sa paghahanda para sa mga bisita at higit sa lahat laban sa banta ng mga "terorista" - ang mga kaaway ng rehimeng Arroyo.
Tampok na pag-uusapan sa pagtitipong ito ay ang pagbubuo ng isang ASEAN Charter kung saan ang modelo ay ang charter ng European Union (EU). Ginigiit ito ng Malaysia, Indonesia at Thailand, at kung paniwalaan natin ang propaganda ng burgesya, "sa ASEAN charter aasenso ang mamamayang Asyano".
EU Charter : Modelo ng Kapalpakan at hindi Kasaganaan
Lumitaw ang EU mula sa European Economic Community (EEC) noong "Cold War" bilang kaalyado ng USA upang hadlangan ang paglawak ng impluwensiya ng imperyalistang USSR. Pagbagsak ng USSR nawalan na rin ng batayan ang "alyansang" ito at nagkanya-kanyang diskarte na ang mga ito "laban" sa USA.
Ang pangunahing layunin ng EU ay konsolidahin ang rehiyon laban sa tumitinding kompetisyon sa pangdaigdigang pamilihan. Nangingibabaw sa EU ang imperyalistang Germany, subalit ito'y hindi nangangahulugan na nasa ilalim na ng impluwensiya nito ang imperyalistang Great Britain at France. Sapagkat sa loob mismo ng EU ay kaalyado pa rin ng bansang America ang Great Britain habang nanatiling "ka-kompetisyon" nito ang France at Germany. Subalit sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, laluna sa kanyang dekomposisyon na yugto, ay obligadong magkanya-kanya ng depensa ang mga kapitalistang bansa laban sa iba pa kahit ito ay "kaalyado" o kabilang sa isang grupo tulad ng EU. Kahit sa pangdaigdigang pamilihan ay nangingibabaw talaga ang ungusan at unggoyan ng bawat bansa para mananatiling nakatayo ang kani-kanilang pambansang kapitalismo. Mga pangyayaring hindi mapipigilan ng anumang rehiyonal na pagkakaisa tulad ng EU na patuloy pa ring nanaginip ng "pagkakaisa ng buong Europe". Mga pagpapatunay na ang bawat bansa sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay may imperyalistang katangian. Ang modelo ng ASEAN - EU Charter - ay napatunayang palpak at lalong nagpapahirap sa mga manggagawa sa Europe.
"Let Asians exploit Asians": Ang ASEAN Charter ay ang kadenang gagapos ng mga manggagawa sa mga kapitalistang estado sa ASEAN
Walang ibang patutunguhan ang ibat-ibang "regional economic cooperation" sa bawat sulok ng mundo kundi mas maigting na kompetisyon sa pandaigdigang pamilihihan na sa kahuli-hulihan ay hahantong pa rin sa digmaan dahil ang imperyalismo ay digmaan, ang dekadenteng kapitalismo ay walang kataposang kaguluhan. Ang mahihinang mga bansa ay kakainin ng buhay ng mga malalakas na bansa. At ang bawat bansa ay magtutulakan "kaalyado" ka man o kaaway. Ibig sabihin, "isa laban sa lahat".
Sa rehiyonalismo ay lilitaw ang bagong maghari-hariang mga imperyalistang bansa na siyang kokontrol sa mga bansa sa rehiyon. Sa Asia ay ang China "ka-kompetinsya" ang Japan na kaalyado ng America, sa Latin America ay ang Venezuela at Cuba, sa Middle East naman ay ang Iran kaaway ang Israel na kaalyado naman ng America.
Sa loob ng ASEAN ay nariyan ang girian at agawan ng imperyalistang China, Japan at USA para makontrol nito ang rehiyon at magagamit ang ekonomiya ng una para palakasin ang mga pambansang imperyalistang ekonomiya ng huli. Hindi pa kasama dito ang girian ng mga pambansang kapitalista ng bawat myembrong bansa ng ASEAN. Hindi ito maiiwasan sa sitwasyong wala ng bagong pamilihan habang patuloy ang krisis sa sobrang produksyon. Ito ang mangyayari sa sitwasyong hindi na sapat ang mga pambansang teritoryo para sagipin ang naghihingalong pandaigdigang sistema. Katunayan, ang matinding kompetisyon ay nasa antas na ng pagkuha ng espasyo ng bawat pambansang ekonomiya sa hindi na sapat na pandaigdigang pamilihan.
Narito ang layunin ng mga kapitalista sa ASEAN sa plano nitong pagbubuo ng ASEAN charter at "nagkakaisang" ASEAN - para magkaroon ng leverage sa kompetisyon sa pandaigdigang pamilihan at "masiguro" ang rehiyonal na merkado. Layunin na siguradong hindi makakamit dahil nasa dekadenteng yugto na ang internasyonal na kapitalismo na ang pangunahing katangian ay (1) krisis sa sobrang produksyon at (2) hindi na sapat at sagad na ang pamilihan sa pambansa at internasyonal na antas. Kaya ang dulo ay pag-aagawan, digmaan at kaguluhan. Maaring idagdag na rin na gagawin ng USA, China at Japan ang lahat para lamang makontrol ang ASEAN at ang ekonomiya nito.
Ang lumalaking kahayukan ng imperyalistang China sa tubo at ang napipintong pagsabog ng krisis sa kanyang pambansang ekonomiya ang magtutulak sa kanya na maging mas agresibo sa darating na mga taon upang makipag-kompetinsya sa mga lumang imperyalistang bansa sa pagkontrol sa pamilihan hindi lang sa Asya kundi sa buong mundo.
Sa umiigting na kompetisyon at sa desperadong pagsisikap ng mga kapitalista sa Asean para makamit ang kanilang layunin, aapakan nito ang likod ng mga manggagawa sa ASEAN. Lalong lalala ang cheap labor, kontraktwalisasyon, outsourcing, flexibilization at iba pang mga paraan upang makapiga ng maksimum na tubo. Ang bawat pagpiga ng tubo ay pangungunahan ng mga estadong kapitalista. At sa bawat pag-apak sa masang manggagawa, dala-dala ng bawat kapitalista ang panawagang: "Let us protect Asia" at "Let Asians benefit Asia".
Kahit anumang propaganda at panlilinlang ng uring kapitalista, ng mga estado nito kakutsaba ang mga repormistang "civil society". Ang ASEAN charter ay ang kadenang gagapos sa mga manggagawa sa Asean at piring-sa-mata para mahati-hati ang pandaigdigang pagkakaisa ng manggagawa. Ang ASEAN charter ay rehiyonalismo laban sa internasyonalismo na idadaan ng bawat Asean members sa nasyonalismo.
Ito rin ang ginagawa ng mga kapitalista sa ibang mga rehiyon sa mundo - rehiyonalismo na iniengganyo ng bago at lumang imperyalistang mga bansa. Ito ay manipestasyon ng walang solusyon sa krisis ng kapitalismo at imperyalistang tensyon.
Internasyonal na Rebolusyon : Ang Tanging Solusyon sa Pandaigdigang Krisis Ngayon
Isang pagkakamali ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa Asya kung manawagan ng mga reporma sa mga estadong kapitalista na "depensahan" ang kapakanan ng manggagawa sa gitna ng kaguluhang kagagawan ng dekadenteng sistema. Ito ay imposible dahil wala ng kapasidad ang kapitalismo sa kasalukuyan para ibigay ang mga ito. Kabaliktaran lamang ang gagawin ng mga kapitalistang estado para mananatiling nakatayo sa tumitinding kompetisyon sa ilalim ng naghihingalong sistema - lalo pang pagsamantalahan at alipustain nito ang uring manggagawa, hindi lang sa Asya kundi sa buong mundo. Ito ang katotohanang kailangang ipaliwanag ng diretsahan ng mga militanteng komunista sa masang manggagawa. Ang rehiyonal na pagkakaisa ay isang patibong para mahati-hati pa rin ang mga manggagawa sa mundo. Kailangang iwasan ito at sa halip ang isulong ay ang internasyonal na rebolusyon ng manggagawa.
Isang patibong kung papasok ang uring manggagawa sa panawagang pambansang paghawak sa industriya (nationalization of industrialies) dahil ang ibig sabihin nito ay kapitalismo sa kamay ng estado. Sahurang-alipin pa rin ang mga manggagawa. Ito ang ipinakita ng mga general strikes ng mga state employees sa France, Brirain, USA, at iba pang mga bansa sa Europa at maging sa Pilipinas kung saan libu-libong manggagawa ng estado ang naglunsad ng mga militanteng kilos-protesta at welga. Hindi estadong kapitalismo ang solusyon sa sinasabing "privatization, deregulation at liberalization" kundi durugin ang kapitalismo - estado man o pribado - sa pamamagitan ng proletaryong rebolusyon.
At lalong mali kung makipagkaisa ang masang manggagawa sa pang-uudyok ng mga radikal na partido at grupo, sa isang paksyon ng burgesya o sa isang "broad united front" kasama ang mga maka-kapitalistang pwersa. Makompromiso lamang nito ang makauring interes sa layuning "mapalakas at mapalaki" ang mobilisasyon sa pamamagitan ng multi-class at "popular" na mga kahilingan. Magresulta lamang ito sa pinaghalong "nasyonalismo at sosyalismo" na sa tunay na buhay ay magkatunggali dahil ang una ay interes ng burgesya at ang huli ay interes ng manggagawa.
Kahit obligasyon ng mga komunista na samahan at pangunahan ang laban ng masang manggagawa sa anumang kahilingan nila para sa kanilang kapakanan ay dapat ding walang pagod na ipaliwanag sa kanila na wala ng maasahang reporma sa kapitalismo at ang tanging paraan upang makalaya sa kahirapan ay ilunsad ang sosyalistang rebolusyon at agawin ng manggagawa ang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga konseho ng manggagawa. Ang emansipasyon ng manggagawa ay nasa kamay mismo ng uring manggagawa. Lalaya lamang ang ibang pinagsamantalahang uri sa lipunan kung lalaya ang manggagawa sa pagiging sahurang-alipin.
Internasyonalismo hindi rehiyonalismo; pagkakaisa ng manggagawa sa buong mundo at hindi rehiyonal na pagbuklod-buklod; proletaryong rebolusyon para sa sosyalismo at hindi pagdepensa ng pambansa o rehiyonal na ekonomiya. Ito ang dapat nating isulong. Isang direktang panawagan sa pag-agaw ng kapangyarihan sa pamamagitan ng isang rebolusyon, hindi ilusyon para sa mga reporma habang tumitindi ang kompetisyon ng bawat rehiyon at bawat bansa. Ibagsak ang mga naghaharing burgesya sa kani-kanilang mga bansa at itayo ang sosyalismo sa pandaigdigang saklaw. (Tess, 09/22/06)