Tesis ni Lenin hinggil sa burgis na demokrasya at proletaryong diktadurya

Printer-friendly version

Isinalin at muli naming inilimbag ang Tesis ni Lenin na sinumite niya sa Kongreso ng Pagtatatag ng Komunistang Internasyunal noong 1919. May introduksyon na rin na sinulat ang IKT sa Tesis na ito (na kasama na rin naming isinalin).

Napakahalaga at napapanahon na muling basahin at pag-aralan ang Tesis ni Lenin lalupa't nalalapit na ang burges na eleksyon sa Pilipinas kung saan lantaran at walang kahihiyan ang kutsabahan ng Kanan at Kaliwa para pabanguhin ang burges na demokrasya gamit ang "radikal" at "rebolusyonaryong" lenggwahe. Masahol pa, ginamit ng mga traydor na ito sa marxismo si Lenin para bigyang palusot ang kanilang katrayduran sa marxismo at proletaryong rebolusyon.

Bukambibig ng Kaliwa ang "pagtatanggol sa demokrasya" kaya sila lumahok sa eleksyon at nagnanais pumasok sa kapitalistang estado. Pinagsisigawan nila ang isang "malinis" at "maka-mamamayang" kapitalistang estado kaya nag-aagawan sila para makapasok dito. Mas masahol pa, gamit ang taktika ng mga marxista sa panahon na sumusulong pa ang kapitalismo at may paksyon pa ng burgesya na progresibo, dinistrungka nila ito ngayon sa panahon na nasa dekadenteng yugto na ang sistema at lahat ng mga paksyon ng naghaharing uri ay ganap ng reaksyonaryo at kontra-rebolusyonaryo.

Nakakasuka ang pinaggagawa ng Kaliwa kung saan para silang mga pokpok na naglalambitin sa loob ng malalaking burges na partido para lamang makapasok sa bulok na estado.

Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo at laluna ng pumasok ito sa kanyang naaagnas na yugto noong 1980s, ang paglahok ng mga rebolusyonaryo sa burges na eleksyon ay gananp ng kontra-rebolusyonaryo at tahasan ng nagsisilbi para panatilihin ang mapagsamantalahang kaayusan sa lipunan. Pero hindi lang ito. Higit sa lahat, ang burges-demokratikong programa o minimum na programa ng mga komunistang organisasyon sa 19 siglo ay hindi na angkop sa ating panahon. Ang tanging programa sa kasalukuyan ay: pandaigdigang komunistang rebolusyon at pagtatayo ng diktadura ng proletaryado bilang unang hakbang para makamit ang komunismo.

Internasyonalismo

Disyembre 2009

----------------------------------- 

Ang ika-20 siglo ay nagtatapos sa ingay ng isang malawakang konsertong nagbubunyi sa pagsulong ng demokrasya sa buong mundo at sa dapat nitong mga benepisyo. Sa buong siglo, ang mga tagumpay nito ay ipinagbunyi laban sa mga diktadurya ma-pula man o kayumanggi, at ang kanyang mga bayani - Gandhi, Walesa, Mandela, Martin Luther King atbp - ay pinarangalan sa pagpapatupad nila sa kanyang "mga dakila at maka-kawanggawang prinsipyo". Kung ating paniwalaan ang propaganda, ang kalagayan mula nang bumagsak ang Berlin Wall at ang mga pakikibakang naganap mula dito para ipagtanggol at paunlarin ang demokrasya ay naging batayan ng pag-asa para sa kinabukasan ng katahimikan at kaayusan na dapat ay ganap na nakakaengganyo para sa sangkatauhan sa pangkalahatan. Ipinakita sa atin ang mga regular na krusada ng mga dakilang demokrasya, para sapilitang ipatupad at ipagtanggol ang mga "karapatang pantao" sa mga bansang di nirerespeto ang mga ito, sa pamamagitan ng lakas kung kinakailangan - ibig sabihin kapalit ng mga pinakamasahol na patayan. Inaalayan tayo ng natawin ng isang Pandaigdigang Hukuman ng Hustisya, na itinayo para husgahan at parusahan ang sinumang napatunayang nakagawa ng mga "krimen laban sa sangkatauhan". Hayaang manginig ang mga diktador! At sa darating na mga taon, pinapangakuan tayo ng paglitaw ng isang "pandaigdigang demokrasya" na nakabatay sa "lumalaking papel ng lipunang sibil". Ang kasalukuyang mga demonstrasyon sa negosasyon ng WTO, sa pangunguna ng Roquefort Revolutionary Jose Bove, ay ang mga unang anyo nitong "pandaigdigang demokrasya" o kahit ang "People's International" na nakibaka laban sa diktadurya ng pamilihan, walang pakundangang kapitalismo, at masamang pagkain. Para sa kasalukuyang mga proletaryo, ang tanging makabuluhang pakikibaka ay parang nasa pagtatayo ng mga demokratikong rehimen sa bawat bansa sa buong daigdig, na nagsusulong ng pantay na mga karapatan ng mga babae't lalake at ng mga lahi, at nagtataguyod ng "pag-uugali ng isang mabuting mamamayan". Ang ibat-ibang mga tagalako ng ideolohiya, at laluna sa Kaliwa, ay mas lalung pinapakilos para hikayatin ang mga manggagawa na ito'y isang magandang laban at tinutulak sila para dito. At para sa sinumang nagdududa at nag-aalinlangan sa pagsali, ang mensahe ay: "Sa kabila ng mga kamalian nito, ang demokrasya ang tanging rehimen na maaaring mareporma at maperpekto - at kung sabagay wala namang pag-asa para sa iba pa". Sa ginta ng lumalawak na kahirapan at barbarismo na sapilitang pinapataw sa atin ng kapitalismo, parang wala na ngang posibilidad kundi ang umasta bilang isang mabuting mamamayan, tanggapin ang sistema dahil sinabihan tayong wala nang ibang mapagpilian.

Muli naming nilimbag ang Tesis sa Burgis na Demokrasya at Proletaryong Diktadurya na inihapag ni Lenin noong ika-4 ng Marso 1919 sa Unang Kongreso ng Komunistang Internasyunal, unang-una at higit sa lahat upang sagutin itong mapanlinlang na ideolohiyang umaatake, na pinupuntirya lalung-lalo na sa uring mangagagawa, ang tanging uri na may kakayahang tuligsain at ibagsak ang buong sistema. Ang Tesis ay nagpaalala sa atin sa partikular na ang demokrasya ay ang tanging pinaka-epektibong porma ng diktaduryang nang-aapi sa manggagawa, at nagtatanggol sa burgesya at sa mga pribilihiyo nito bilang isang mapagsamantalang uri. Tamang dineklara nito na "habang mas nagiging ‘puro' ang demokrasya (‘) ay mas lalung hayagang nalalantad ang pang-aapi ng kapital at ang diktadurya ng burgesya". Sa panghuli, ang Tesis ay nagpaalala sa atin na ang Digmaang Pandaigdig ay isinusulong "sa ngalan ng kalayaan at pagkakapantay-pantay". Ang ika-20 siglo - ang pinakamadugo at pinakamabangis sa kasaysayan ng sangkatauhan - ay saksi sa kasinungalingang ito na inuulit-ulit ng napakamaraming beses, upang bigyan ng katarungan ang Pangalawang Digmaang Pandaigdig at ang di-mabilang na mga digmaang lokal at patayan mula noon.

Ang kasalukuyang paglilimbag sa Tesis na ito ay naging makatarungan din sa pangangailangang bigyan ng kasinungalingan ang burgesyang propaganda na nagkukunwaring ang tunay na komunismo ay kahalintulad ng Stalinismo - ang isa sa pinakamalalang diktaduryang naranasan ng pandaigdigang proletaryo - at si Stalin ang tagapagmana ni Lenin, na kung tutuusin siya'y kabaliktaran ni Lenin. Si Lenin mismo ang sumulat at naghapag ng Tesis, na nagpakita na ang komunismo ang siyang tunay na demokrasya, na ang demokrasyang burgis ay walang iba kundi isang peke na gawa-gawa lamang upang bigyang katarungan ang pananatili ng sistema nito. Si Lenin, na di hamak na mas na magaling kay sa kanino man, ang nagtatanggol sa prinsipyo na "ang diktadurya ng proletaryo ay ang pwersahang pagsupil sa paglaban ng mga mapagsamantala, ibig sabihin, ang minorya sa populasyon, ang mga malalaking panginoong maylupa at mga kapitalista", at ito'y ‘isang pagpapalawak ng aktwal na mga demokratikong pagpapatupad, sa lawak na kailan ma'y hindi pa naging bantog sa buong mundo, sa uring manggagawang inaalipin ng kapitalismo".

Ang Stalinistang diktadurya ay walang pagkahalintulad sa diktadurya ng proletaryo na isinusulong ni Lenin, ito'y sepulturero nito. Ang Stalinistang ideolohiya ay walang pagkahalintulad sa mga proletaryong prinsipyong ipinagtanggol ni Lenin, ito'y dambuhalang katrayduran sa mga ito. Sa isinulat namin sa International Review blg. 60, habang ang Stalinismo ay nag-umpisa nang bumagsak: "Sa panimula, ito'y isang mahirap na yugto para sa proletaryo. Maliban sa tumataas na bigat ng mga demokratikong mistipikasyon, sa Kanluran at ganun din sa Silangan, kailangang intindihin nito ang mga bagong kalagayan na kanyang nilalabanan". Nilimbag namin itong Tesis na ipinagtibay ng Unang Kongreso ng Komunistang Internasyunal, bilang mayor na pampulitikang sandata para sa proletaryo upang harapin ang kahirapan nito, at labanan ang kasalukuyang opensiba ng naghaharing uri, na naglalayong lasunin ang kaisipan ng manggagawa sa pamamagitan ng pagpapaniwala sa kanila na ang demokrasyang burgis ay ang tanging "maari at makataong" rehimen.

Nilalaman ng Tesis

1. Ang paglago ng rebolusyonaryong kilusan ng proletaryo sa lahat ng bansa ay nagpagalit sa burgesya at sa mga ahente nito sa loob ng mga samahan ng manggagawa na gumawa ng mga nag-aalburutong  hakbang na maghanap ng teoritikal na mga argumento na magtatanggol sa paghahari ng mga mapagsamantala. Sa mga ito, ang partikular na pagdidiin ay inilagay sa pagtatakwil sa diktadurya at sa pagtatanggol sa demokrasya. Ang kamalian at pagka-ipokrito ng argumentong ito, na inulit-ulit ng ilang libong porma sa kapitalistang pahayagan at sa kumperensya sa Berne ng Dilaw na Internasyunal noong Pebrero 1919, ay naging malinaw sa kaninuman kung sino ang ayaw gumawa ng katrayduran sa mga prinsipyo ng sosyalismo.

2. Unang una, ang argumento ay gumagamit ng abstraktong konsepto ng "demokrasya" at "diktadurya", na hindi ipinaliwanag kung anong uri ang pinag-uusapan. Ang paglalagay sa usapin sa ganitong paraan, sa labas o sa ibabaw ng makauring paninindigan, na para bang ito'y balido bilang isang paninindigan ng buong sangkatauhan, ay isang talamak na paglapastangan sa batayang teorya ng sosyalismo, ang teorya ng makauring pakikibaka, na kinikilala pa rin sa salita, at ito'y totoo, ng mga sosyalistang lumipat na sa kampo ng burgesya, pero kung titingnan sa kanilang gawa ito'y kinakalimutan na. Dahil walang sibilisadong kapitalistang bansa na mayroong "demokrasya na abstrakto", ang meron lamang ay burgis na demokrasya, at ang usapin ay hindi tungkol sa "diktadurya na abstrakto" kundi sa diktadurya ng inaaping uri, ibig sabihin, ng proletaryo, laban sa mga mapang-api ug mapagsamantala, ibig sabihin, ang burgesya, upang gapiin ang paglaban na sinusulong ng mga mapang-api sa kanilang pagsisikap na mapanatili ang kanilang paghahari.

3. Ang kasayasayan ay nagturo sa atin na ang inaaping uri ay hindi noon at hindi kailan man makakapwesto sa kapangyarihan nang hindi dumadaan sa yugto ng diktadurya, ibig sabihin, nang walang pag-agaw sa pampulitikang kapangyarihan at sa pwersahang pagsupil sa pinaka-desperado at naghuhuramentadong paglaban, na takot gumawa ng krimen, na siyang palaging iwinasiwas ng mga mapang-api. Ang burgesya, na ang paghahari ay kasalukuyang ipinagtanggol ng mga sosyalista na nagpahayag ng pagkamuhi sa "diktadurya sa pangkalahatan" at tumindig ng buong katawan at kaluluwa para sa "demokrasya sa pangkalahatan", ay nagkaroon ng kapangyarihan sa mga sibilisadong bansa sa pamamagitan ng serye ng mga pag-aalsa, digmaang sibil, ng pwersahang pagsupil sa paghahari ng monarkiya, ng mga panginoong pyudal at mga may-ari ng alipin, at sa kanilang pagsisikap na manunumbalik. Kung ilang libo at ilang milyong beses, sa kanilang mga aklat at polyeto, sa kanilang mga resolusyon sa kongreso at mga talumpati, na ang mga sosyalista sa bawat bansa ay nagpaliwanag sa mga mamamayan sa makauring katangian ng mga rebolusyong ito. Kung kaya't ang kasalukuyang  pagtatanggol sa "burgis na demokrasya" sa mga talumpati tungkol sa "demokrasya", at ang kasalukuyang pagtutol laban sa proletaryong diktadurya dahil sa paghangad tungkol sa "diktadurya", ay isang talamak na pagtatraydor sa sosyalismo, isang tiyak na paglipat sa kampo ng burgesya, pagtanggi sa karapatan ng proletaryo sa kanyang pampulitikang rebolusyon, isang pagtatanggol sa burgis na repormismo, at ito'y mismo sa isang yugto ng kasaysayan na kung saan ang burgis na repormismo ay nalalantad na at nabasag sa buong daigdig at kung saan ang digmaan ay lumikha ng isang rebolusyonaryong sitwasyon.

4. Sa kanilang pagkilala sa makauring katangian ng burgis na demokrasya, sa burgis na parlyamentarismo, ang lahat ng sosyalista ay nagpapaliwanag sa mga ideyang ipinapahayag sa pinakasyentipikong pamamaraan nila Marx at Engels nang sabihin nilang kahit ang pinaka-demokratikong burgis na republika ay walang iba kundi isang instrumento kung saan ang burgesya ay umaalipin sa uring manggagawa, kung saan ang kakarampot na mga kapitalista ang humahawak sa masang manggagawa. Walang ni isang rebolusyonaryo o isang Marxista sa mga nagpahayag ngayon ng pagkamuhi laban sa diktadurya at nagtataguyod ng demokrasya ang hindi sumusumpa ng buong lakas at taimtim sa mga manggagawa na kinikilala niya ang batayang katotohanang ito ng sosyalismo; pero sa ngayon, kung saan ang mga pagtutuligsa at pagkilos ay nag-uumpisa na sa hanay ng rebolusyonaryong proletaryo, na naglalayong buwagin ito at lumalaban para sa diktadurya ng proletaryo, itong mga traydor sa sosyalismo ay pinipresenta ang usapin na para bang nagbigay ang burgesya ng regalo ng "purong demokrasya" sa mga manggagawa, na para bang tinatakwil ng burgesya ang paglaban nito at handang magpailalim sa mayorya ng manggagawa, na para bang sa demokratikong republika ay walang galamay ng Estado para sa pang-aapi ng kapital sa paggawa.

5. Ang Komyun ng Paris, kung saan ang sinumang nais mahirang na isang sosyalista ay bukambibig ito, dahil alam nilang ang masang manggagawa ay may malaki at wagas na simpatiya dito, ay malinaw na nagpapatunay sa makasaysayang kondisyon at limitadong kahalagahan ng burgis na parlyamentarismo at burgis na demokrasya, na mga progresibong institusyon kung ihahambing sa sinaunang panahon, pero nang pagdating sa yugto ng proletaryong rebolusyon ay kinakailangang baguhin mula sa ibaba pataas. Si Marx mismo, ang naglagay ng pinakamataas na halaga sa makasaysayang kahalagahan ng Komyun, na sa kanyang pag-aanalisa dito ay naglantad sa mapagsamantalang katangian ng burgis na demokrasya at burgis na parlyamentarismo, na kung saan ang inaaping uri ay binibigyan ng karapatan, minsan sa loob ng ilang taon, na mamili kung sinong kagawad ng naghaharing uri ang kakatawan at tatraydor sa sambayanan sa loob ng Parlyamento. Sa ngayon na lang, kung saan ang kilusang Sobyet  na umagaw sa buong daigdig ay nagsusulong ng adhikain ng Komyun, na ang mga traydor sa sosyalismo ay nakalimot na sa mga praktikal na karanasan at sa mga kongkretong aral ng Komyun ng Paris at inuulit-ulit ang lumang burgis na basura tungkol sa "demokrasya sa pagkalahatan". Ang Komyun ay hindi isang institusyong parlyamento.

6. Ang kahalagahan ng Komyun ay kinabibilangan pa nito, na gumawa ito ng pagsisikap na buwagin at bunutin ang burgis na makinarya ng Estado, ang galamay ng mga kagawad, hukuman, hukbo, at pulisya, at palitan ito ng nagsasariling nangangasiwang samahang masa ng manggagawa na hindi hinihiwalay ang mga lehislatibo at ehekutibong kapangyarihan. Ang lahat ng mga burgis na demokratikong republika ng ating panahon, kabilang na ang Aleman, na kung saan ang mga traydor sa sosyalismo, na gumawa ng paglapastangan sa katotohanan, ay tinatagurian ito na proletaryo, ay pinapanatili ang burgis na galamay ng Estado. Ito'y muling patunay, na malinaw at walang pagkakamali, na ang hiyaw sa pagtatanggol sa "demokrasya" ay walang iba kundi ang pagtatanggol sa burgesya at sa kanilang mga pribilihiyo sa pagsasamantala.

7. Ang "kalayaan sa pagtitipon" ay maaaring gamitin bilang halimbawa ng demanda para sa "purong demokrasya". Bawat mulat-sa-uri na manggagawa na hindi humihiwalay sa kanyang uri ay makaintindi kaagad na isang pagpapatiwakal ang pangakuan ang mga mapagsamantala ng kalayaan sa pagtitipon sa mga panahon at kalagayang nanlaban sila sa kanilang pagkabagsak at nagtatanggol sa kanilang mga pribilihiyo. Maging sa Inglatera noong 1649, o sa Pransya noong 1793, ay hindi gumagarantiya ang rebolusyonaryong burgesya ng kalayaan sa pagtitipon sa mga maharlika at nobilidad nang ang mga ito ay nagpatawag ng mga dayuhang sundalo papunta sa kanilang bansa at "nagtipon" upang mag-organisa ng pagtatangka sa panunumbalik. Kung ang burgesya sa kasalukuyan, na matagal nang naging reaksyonaryo, ay magdedemanda na ang proletaryo ay gagarantiya bago pa man na ang "kalayaan sa pagtitipon" ay maibigay sa mga mapagsamantala sa kabila nang mga paglabang ginawa ng mga kapitalista sa pangangamkam laban sa kanila, ang mga manggagawa ay matatawa lamang sa burgis na ipokrasyang ito. Sa kabilang banda ay alam na ng mga manggagawa na kahit sa pinaka-demokratikong burgis na republika ang "kalayaan sa pagtitipon" ay hungkag na kataga, dahil ang mga mayayaman ay may mga pampubliko at pribadong gusaling nasa kanilang kontrol, mayroon ding labis na panahon para sa mga pagtitipon, at nagtatamasa sa proteksyon ng burgis na galamay ng kapangyarihan. Ang proletaryo sa kabisera at kanayunan, pati ang mga maliliit na magsasaka, na siyang pinakamalaking mayorya sa populasyon, ay wala kahit sa una, sa pangalawa o pangatlo. Habang ito ay totoo, ang "pagkapantay-pantay", ibig sabihin, "ang purong demokrasya", ay isang panlilinlang. Para manalo ng tunay na pagkakapantay-pantay, para makamit ang makatotohanang demokrasya para sa mga manggagawa, ang mga mapagsamantala ay kailangan munang pagkaitan ng lahat ng mga pampubliko at pribadong mansiyon, ang mga manggagawa ay kailangang mabigyan ng libangan at nang kanilang kalayaan sa pagtitipon na ipinagtanggol ng mga armadong manggagawa at hindi ng mga anak ng nobilidad o mga opisyales na galing sa mga kapitalistang sirkulo na siyang may kumand sa takot na mga tagasunod.

Pagkatapos lamang ng mga pagbabagong ito ay maaari nang magsalita ng "kalayaan sa pagtitipon" , ng pagkakapantay-pantay, nang hindi nangungutya sa mga manggagawa, sa masang anak-pawis, sa mahihirap. Subalit walang sinumang makakagawa ng pagbabagong ito maliban sa abanteng destakamento ng masang anak-pawis, ang proletaryo, sa pamamagitan ng pagpapatalsik sa mga mapagsamantala, ang burgesya.

8. Ang "kalayaan sa prensa" ay isa ring nangungunang kataga ng "purong demokrasya". Subalit alam ng mga manggagawa, at ito'y inaamin ng ilang milyong ulit ng mga sosyalista sa lahat ng bansa, na ang kalayaang ito ay mapanlinlang habang ang pinakamagaling na paglilimbag at ang pinakamalaking pondo ng papel ay nasa kamay ng mga kapitalista, at habang ang kapital ay nanatiling  siyang may kapangyarihan sa prensa, kapangyarihan na sa buong daigdig ay mas malinaw, matingkad at nagdududang  naipahayag, mas umunlad ang demokrasya at ang republikang rehimen, halimbawa na nito ang Amerika. Para manalo ng tunay na pagkakapantay-pantay at demokrasya para sa masang anak-pawis, para sa mga manggagawa at magsasaka, kinakailangan munang pagkaitan ang mga kapitalista ng pagkakataong makakuha ng mga manunulat na magsisilbi sa kanila, na makakabili ng mga bahay-limbagan at pagsusuburno sa mga pahayagan. At para dito kinakailangang iwaksi ang yugo ng kapital, patalsikin ang mga mapagsamantala at gapiin ang kanilang paglaban. Ang mga kapitalista ay palaging nagbibigay sa pangalan ng kalayaan na kalayaan ng mga mayayaman na magkamal ng ganansya at kalayaan ng mahihirap na mamatay sa gutom. Binigyan ng mga kapitalista ang pangalan ng kalayaan sa prensa na kalayaan ng mga mayayaman na magsuborno sa prensa, sa kalayaang gumamit ng yaman upang gumawa at magbaluktot ng tinatawag na opinyong publiko. Ang mga tagapagtanggol ng "purong demokrasya" ay muling inilantad ang mga sarili bilang mga tagapagtanggol ng marumi at korap na sistema ng paghahari ng mga mayayaman sa kagamitan sa pangmasang edukasyon, bilang mga manlilinlang sa mamamayan na sa pamamagitan ng pinong pakinggan subalit puro mga maling pananalita ay pumipigil sa huli mula sa kongkreto at makasaysayang gawaing pagpapalaya sa prensa mula sa kapital. Ang tunay na kalayaan at pagkapantay-pantay ay matatagpuan sa sistemang ipinupundar ng mga komunista, na kung saan walang pagkakataong yumaman nang dahil sa kahirapan ng iba, walang obhetibong pagkakataong isaslalim ang prensa, direkta o di-direkta, sa kapangyarihan ng salapi, kung saan walang makakahadlang sa mga manggagawa (o kahit na anong malalaking grupo ng mga manggagawa) na magkaroon at gumamit ng pantay na karapatan sa paggamit sa mga prensa at papel na pagmamay-ari ng lipunan.

9. Ang kasaysayan ng ika-19 at ika-20 siglo ay nagpapakita sa atin, kahit bago pa man ang digmaan, kung ano ang ibig sabihin nitong punong-puno ng papuring "purong" demokrasya sa ilalim ng kapitalismo. Palaging pinanindigan ng mga marxista na habang mas lalong umunlad, mas nagiging "puro" ang demokrasya, habang mas lalong naging hayag, matingkad at marahas ang makauring pakikibaka, ay mas lalong naging malinaw na nakikita ang pang-aapi ng kapital at ang diktadurya ng burgesya. Ang kaganapang Dreyfus sa republikang Pransya, ang mga madugong sagupaan sa pagitan ng mga nagwewelgang manggagawa at ng mga mersenaryong inaarmasan ng mga kapitalista sa malaya at demokratikong republika ng Amerika, ang mga ito at ang ilang libong kahalintulad ng mga nagaganap ang nagpapakita sa katotohanang pilit ngunit bigong maitatago ng burgesya, na sa realidad ang pananakot at ang diktaduryang burgis ang naghahari sa pinaka-demokratikong republika, at ang mga ito'y hayagang lumalabas kung sa tingin ng mga mapagsamantala ay nasa panganib ang kapangyarihan ng kapital.

10. Ang imperyalistang digmaan ng 1914-18 ay naglantad sa tunay na katangian ng demokrasyang burgis, kahit sa mga pinaka-atrasadong manggagawa, kahit sa mga pinakamalayang republika, na isang diktadurya ng burgesya. Upang pagyamanin ang grupo ng mga milyonaryo at biyonaryong Aleman at Inglis, ilang milyong katao ang namatay at ang diktaduryang militar ay ipinundar sa mga pinakamalayang republika. Ang diktaduryang militar na ito ay nagpapatuloy sa mga bansang Entente kahit matapos matalo ang Alemanya. Ang digmaan, higit sa lahat, ang nagbukas sa mga mata ng masang manggagawa, pumunit sa maling hibla mula sa demokrasyang burgis, at naglantad sa sangkatauhan sa buong balon ng ispekulasyon at pagka-ganid sa ganansya sa panahon ng digmaan at sa may kaugnayan sa digmaan. Isinusulong ng burgesya ang digmaang ito sa ngalan ng kalayaan at pagkapantay-pantay; sa ngalan ng kalayaan at pagkapantay-pantay ang mga kontraktor ng digmaan ay malakihang nagpalago ng kanilang yaman. Walang anumang pagsisikap ang Yellow Berne International na magtatagumpay na itago sa masa ang mapagsamantalang katangian ng burgis na kalayaan, burgis na pagkapantay-pantay, at burgis na demokrasya, na ngayo'y lubusan nang nalalantad.

11. Sa mga bansa ng Uropa kung saan ang kapitalismo ay pinakamaunlad, at ito'y sa Alemanya, ang unang mga buwan ng lubos na republikang kalayaan na kasunod ng pagbagsak ng imperyalistang  Aleman, ay nagpakita sa manggagawang Aleman at sa buong daigdig sa tunay na makauring nilalaman ng burgis na demokratikong republika. Ang pagpaslang kina Karl Liebknecht at Rosa Luxemburg ay isang kaganapang may pandaigdigan at makasaysayang kabuluhan hindi lamang dahil ang pinakamahusay na mga tao at pangulo ng isang tunay na proletaryong komunistang internasyunal ay nakapanlulumong nasawi, kundi dahil ito rin ay naglalantad sa makauring katangian ng nangungunang estado sa Uropa, na maaring sabihin ng walang pagmamalabis, ng nangungunang estado sa buong daigdig. Kung ang mga bilanggo, yaong mga taong isinasailalim sa proteksyon ng kapangyarihang Estado, ay maaaring paslangin ng walang pakundangan ng mga opisyal at kapitalista sa ilalim ng gobyerno ng mga sosyal-patriyotiko, ang demokratikong republika kung saan ito'y maaaring maganap ay isang diktadurya ng burgesya. Yaong mga nagpahayag ng pagkamuhi sa pagpaslang kina Karl Liebknecht at Rosa Luxemburg ngunit hindi nakakaintindi sa katotohanang ito ay nagpapakita lamang sa kanilang katangahan o sa kanilang pagka-ipokrito. Sa isa sa pinakamalaya at pinakaabanteng republika sa buong daigdig, ang republikang Aleman, may kalayaang patayin ang mga nakakulong na lider at hindi napaparusahan. Hindi ito mababago habang nananatili ang kapitalismo, dahil ang pag-unlad ng demokrasya ay hindi nagpapurol kundi nagpatalas sa makauring pakikibaka, na sa ngayon, bilang resulta ng digmaan at sa mga epekto nito, ay umabot na sa antas ng pagkulo.

Sa buong sibilisadong daigdig ang mga Bolsheviks ay dinidistiyero, inuusig at kinukulong; sa Switzerland, isa sa mga pinakamalayang burgis na republika, at sa Amerika, may mga pogroms laban sa Bolsheviks. Sa paninindigan ng "demokrasya sa kabuuan", o sa "purong demokrasya", ito'y isang simpleng katawa-tawa na ang mga progresibo, sibilisado, demokratikong bansa, lubos na armado, ay matatakot sa presensya ng ilang dosenang tao mula sa atrasado, gutom at wasak na Rusya, kinikilala bilang mga mababangis at mga kriminal sa milyon-milyong kopya ng burgis na pahayagan. Ito'y malinaw na ang isang panlipunang sistemang nagpapalitaw sa ganitong kontradiksyon sa totoo ay diktadurya ng burgesya.

12. Sa ganitong kalagayan ang diktadurya ng proletaryo ay hindi lamang ganap na nabigyang katarungan, bilang paraan ng paggapi sa mga mapagsamantala at pagsupil sa kanilang pag-aalsa, kundi ito'y mas mahalaga sa masang manggagawa bilang kanilang tanging proteksyon laban sa burgis na diktaduryang tumungo sa digmaan at naghahanda para sa mga panibagong digmaan.

Ang tanging bagay na hindi naintindihan ng mga sosyalista, isang kabiguang sumasalamin sa kanilang makitid na kaalaman, sa kanilang pagkahumaling sa mga burgis na pananaw, sa kanilang politikal na pagtraydor sa proletaryo, na sa kapitalistang lipunan, sa panahong ang makauring pakikibaka, kung saan ito'y nakatungtong, ay mas umiigting, walang sinuman sa pagitan ng diktadurya ng burgesya at sa diktadurya ng proletaryo. Ang panaginip na mayroon pang ibang pangatlong paraan ay isang reaksyunaryong panaghoy ng mga petiburgis. Ang katibayan nito ay makikita sa naging karanasan sa ilang daang taon ng burgis na demokrasya at ng kilusang manggagawa sa lahat ng mga abanteng bansa, at sa partikular ang karanasan ng nakaraang limang taon. Pareho ring katibayan ang ipinapakita ng pang-ekonomiyang teorya, ng buong laman ng Marxismo, na nag-aanalisa sa pang-ekonomiyang pangangailangan ng burgis na diktadurya sa bawat ekomiyang pangkalakal, isang diktaduryang maaring ibagsak ng isang uri, na sa pag-unlad ng kapitalismo ay umusbong at umunlad, naging organisado at makapangyarihan, ang uri ng mga proletaryo.

13. Ang pangalawang teoritikal at pampulitikang kamalian ng mga sosyalista ay ang kanilang kawalan ng pag-intindi na ang mga anyo ng demokrasya ay di maiiwasang nagbago sa nagdaang mga siglo mula nang ito'y lumitaw sa Antigong Panahon, na ang isang naghaharing uri ay nagbigay daan sa iba. Sa mga republika ng Antigong Greece, sa mga syudad ng panahong medyibal, sa mga abanteng kapitalistang Estado, ang demokrasya ay may iba't-ibang anyo at nasasakopan. Isang malaking kabulastugan ang maniwala na ang pinakamahalagang rebolusyon sa kasaysayan ng sangkatauhan, ang unang paglipat ng kapangyarihan mula sa kamay ng mapagsamantalang minorya patungo sa pinagsasamatalahang mayorya, ay magaganap sa estruktura ng lumang burgis na parlyamentong demokrasya, na walang malaking pagbabago, na walang pagbubuo ng mga bagong anyo ng demokrasya, bagong institusyon, bagong kalagayan para sa kanilang gamit, atbp.

14. Ang diktadurya ng proletaryo ay katulad ng diktadurya ng ibang mga uri na, tulad ng ibang diktadurya, nagmula sa pangangailangang supilin sa pamamagitan ng dahas ang paglaban ng isang uring nawalan na ng pampulitikang kapangyarihan. Ang pundamental na pagkakaiba sa pagitan ng diktadurya ng proletaryo at sa diktadurya ng ibang mga uri, ang mga malalaking panginoong maylupa ng Middle Ages at ang burgesya sa lahat ng sibilisadong kapitalistang bansa, ay naglalaman nito, na habang ang diktadurya ng mga malalaking panginoong maylupa at ng burgesya ay marahas na sinusupil ang himagsik ng malaking mayorya ng populasyon, ang masang manggagawa, ang diktadurya ng proletaryo naman ay ang marahas na pagsupil sa paglaban ng mga mapagsamantala, ang minorya ng populasyon, ang malalaking panginoong maylupa at mga kapitalista.

Mula dito ay dapat din na ang diktadurya ng proletaryo ay magkaroon hindi lamang ng pagbabago sa mga anyo at institusyon ng demokrasya, kundi ng isang natatanging pagbabago na magreresulta  sa paglawak ng aktwal na mga demokratikong pagpapatupad, sa lawak na kailanma'y hindi pa naging bantog sa buong mundo, sa uring manggagawa na inaalipin ng kapitalismo.

At kung tutuusin ang mga anyong ginagamit ng diktadurya ng proletaryo, na kasalukuyan nang pinanday, ang kapangyarihang Sobyet sa Rusya, ang mga konseho ng manggagawa sa Alemanya, ang mga komite ng shop stewards sa Britanya at sa kahalintulad na mga institusyong Sobyet sa ibang bansa, lahat ng mga ito ang bumubuo na maging totoo ang mga demokratikong karapatan at pribilihiyo para sa uring manggagawa, para sa malaking mayorya ng populasyon; na ibig sabihin nito ay nagiging posible na ang pagsasabuhay ng mga karapatan at pribilihiyong ito sa paraan at lawak na kailanma'y hindi naging posible sa mga pinaka-demokratikong burgis na republika. 

Ang esensya ng kapangyarihang Sobyet ay nakabatay sa ganito, na ang permanente at tanging pundasyon ng buong kapangyarihang Sobyet, sa buong aparatus ng Estado, ay ang organisasyong masa ng mismong mga uri na inaapi ng mga kapitalista, ang mga manggagawa at mala-manggagawa (mga magsasakang hindi nagsasamantala sa paggawa at palaging napilitang magbenta kahit bahagi ng kanilang paggawa). Ang masa, na kahit sa pinaka-demokratikong burgis na republika, na kung saan sa batas ay may pantay na mga karapatan, ngunit sinasagkaan ng ilang libong paraan at panlilinlang na sumali sa pampulitikang buhay at isabuhay ang mga demokratikong karapatan at kalayaan, ay kasalukuyang nahihila sa tuloy-tuloy, walang sagka at mapagpasyang partisipasyon sa demokratikong pamamahala sa Estado.

15. Ang pagkapantay-pantay ng mga mamamayan, kahit anumang kasarian, pananampalataya, lahi, nasyunalidad, na kung saan ang burgis na demokrasya ay palaging nangangako sa lahat ng sulok ngunit hindi naman natutupad, at hindi nito maaaring ipatupad dahil ang papel ng kapitalismo, na ginawang isang lubos na realidad sa isang bigwas ng rehimeng Soviet, o ng proletaryong diktadurya, dahil tanging ang kapangyarihan ng mga manggagawa, na hindi interesado sa pribadong pagmamay-ari ng kagamitan ng produksyon at sa pakikipagtunggali para sa kanilang pamamahagi at muling pamamahagi, ang maaaring makagawa nito.

16. Ang lumang demokrasya, ang burgis na demokrasya at parlyamentarismo, ay napaka-organisado na kung saan ang uring manggagawa ay ang pinaka taga-labas sa makinarya ng pamamahala. Ang kapangyarihang Sobyet, ang proletaryong diktadurya, sa kabilang banda, ay napaka-organisado kung saan hinihila nito ang masang manggagawa papalapit sa makinarya ng pamamahala. Ang pagsasanib ng lehislatibo at ehekutibong kapangyarihan sa organisasyong Sobyet ng Estado ay nagsisilbi rin sa parehong layunin, tulad ng pagpapalit sa yunit ng produksyon, sa pagawaan, ng isang pamamahalang teritoryal.

17. Ang hukbo ay isang kasangkapan para sa pang-aapi hindi lamang sa ilalim ng monarkiya; ganito rin ito sa lahat ng burgis na republika, kahit sa pinaka-demokratiko. Tanging ang kapangyarihang Sobyet, bilang tanging naitayong organisasyong Estado ng mismong mga uring inaapi ng mga kapitalista, ang nasa posisyong lusawin ang pagpapailalim ng militar sa burgis na kumand at totohanang isanib ang proletaryo sa militar, na armasan ang proletaryo at disarmahan ang burgesya, na kung wala nito ang tagumpay ng sosyalismo ay imposible.

18. Ang organisasyong Sobyet ng Estado ay dinedesinyo upang bigyan ang proletaryo, bilang isang uri na pinaka-konsentrado at edukado ng kapitalismo, ng nangungunang papel sa Estado. Ang karanasan ng lahat ng rebolusyon at ng lahat ng kilusan ng mga inaaliping uri, ang karanasan ng pandaigdigang sosyalistang kilusan, ay nagtuturo sa atin na tanging ang proletaryo ang nasa posisyong pagkaisahin ang kalat-kalat at atrasadong saray ng manggagawa at inaaping populasyon at dalhin at pamunuan sila.

19. Tanging ang organisasyong Sobyet ng Estado ang nagpabagsak, sa isang bigwas at lubos, sa luma, ibig sabihin, ang burgis na aparatus ng burukrasya at hukuman, na sa ilalim ng kapitalismo, kahit sa pinaka-demokratikong republika, nananatili at kailangang manatili, na para sa mga manggagawa at sa masang anak-pawis ay isang malaking hadlang upang maging epektibo ang demokrasya. Ang  Komyun ng Paris ang gumawa ng unang pandaigdigan at makasaysayang hakbang sa ganitong direksyon, ang rehimeng Sobyet ang pangalawa.

20. Ang pagpawi ng kapangyarihang Estado ay ang layunin ng lahat ng sosyalista, kabilang at higit sa lahat si Marx. Kung ang layuning ito ay hindi makamit, ang tunay na demokrasya, ang pagkapantay-pantay at kalayaan, ay hindi makakamit. Subalit tanging ang Sobyet at proletaryong demokrasya ang tutungo sa layuning ito, dahil inuumpisahan kaagad nito ang paghahanda para sa lubusang pagpawi ng anumang anyo ng Estado sa pamamagitan ng paghatak sa mga organisasyon ng masang anakpawis papunta sa tuloy-tuloy at walang sagkang partisipasyon sa pamamahalang Estado.

21. Ang lubusang pagkabangkarote ng mga sosyalistang nagtitipon sa Berne, ang lubos na kawalan ng pag-unawa na kanilang ipinapakita sa bagong proletaryong demokrasya, ay malinaw na makikita sa mga sumusunod. Noong ika-10 ng Pebrero 1919 dinideklara ni Branting na ang internasyunal na kumperensya ng Yellow International sa Berne ay tapos na. Noong ika-11 ng Pebrero 1919 ang mga kasapi nito sa Berlin ay nagpahayag ng isang apela ng mga "Independents" sa proletaryo sa pahayagang Freiheit. Sa apelang ito ang burgis na katangian ng Scheidemann ay tinanggap. Binatikos ang huli dahil sa kagustohan nitong lusawin ang mga konseho ng manggagawa, na tinaguriang "tagadala at tagapagtanggol" ng rebolusyon, at inihapag ang mungkahing gawing legal ang mga konseho, na bigyan sila ng mga karapatang ayon sa batas, at bigyan din sila ng karapatang isantabi ang anumang desisyon ng Pambansang Asembliya at ipasa ang ito sa isang pambansang reperendum.

Ang nasabing mungkahi ay nagsasalamin sa lubusang pagkabangkaroteng intelektwal ng mga teoritisyang nagtatanggol sa demokrasya ngunit hindi nakaunawa sa burgis na katangian nito. Ang katawa-tawang pagtatangkang ito na pagkaisahin ang sistema ng mga konseho, ang proletaryong diktadurya, at ng Pambansang Asembliya, ang diktadurya ng burgesya, ay lubusang naglalantad sa kasalatan sa pag-iisip ng mga sosyalistang dilaw at ng mga sosyal-demokrata, at ng kanilang peti-burgis na patakaran, gayon man sa kanilang duwag na konsesyon sa hindi mapigilang lumalagong pwersa ng bagong proletaryong demokrasya.

Ang mayorya ng Yellow International sa Berne, na kumukondena sa Bolshevismo ngunit hindi nangahas, sa takot sa masang anakpawis, na pormal na bumoto sa resolusyon sa ganung linya, ay gumalaw ng tama ayon sa makauring paninindigan. Ang mayoryang ito ay lubusang nakikiisa sa mga Rusong Menshevik at sa mga Sosyal-Rebolusyonaryo at ganun din sa mga Scheidemann sa Alemanya. Ang mga Rusong Menshevik at mga Sosyal-Rebolusyonaryo, na nagrereklamo sa pag-uusig ng mga Bolshevik, ay pilit itinatago ang katotohanan na ang pag-uusig na ito ay dahil sa kanilang pagsali sa digmaang sibil na kakampi ng burgesya laban sa proletaryo. Sa ganito ring paraan na ang mga Scheidemann at ang kanilang partido sa Alemanya ay sumali sa digmaang sibil na kakampi ng burgesya laban sa mga manggagawa.

Kaya't natural lamang na ang mayorya ng mga dumalo sa Yellow International sa Berne ay lumabas na sang-ayon sa pagkondena sa mga Bolshevik. Ngunit ito'y hindi kumakatawan ng pagtatanggol sa "purong demokrasya"; ito'y isang pagtatanggol sa sarili ng mga taong nakaramdam na sa digmaang sibil sila ay nasa tabi ng burgesya laban sa proletaryo.

Sa ganitong mga kadahilanan, ang kapasyahan ng mayorya ng Yellow International ay kailangang ihayag na tama sa punto ng makauring pananaw. Subali't ang proletaryo ay hindi dapat matakot sa katotohanan, kundi tingnan ito ng matuwid sa mukha at hugutin ang mga pampulitikang kongklusyon mula dito.

Batay sa mga tesis na ito at matapos marinig ang mga ulat ng mga delegado mula sa iba't-ibang bansa, ang kongreso ng Komunistang Internasyunal ay nagpahayag na ang sentrong tungkulin ng mga partidong komunista sa mga bansang hindi pa naitatag ang kapangyarihang Sobyet ay ang:

Magpaliwanag sa malawak na masa ng uring manggagawa sa makasaysayang kahulugan ng pampulitika at praktikal na pangangailangan ng bagong proletaryong demokrasya na siyang papalit sa burgis na demokrasya at parlyamentarismo.

Magpalawak at magtayo ng mga konseho ng manggagawa sa lahat ng sangay ng industriya, sa hukbo at hukbong-dagat, at sa mga manggagawa sa agrikultura at mga maliliit na magsasaka.

Magpanalo ng seguro at mulat na komunistang mayorya sa mga konseho. #