Submitted by Internasyonalismo on
Introduksyon
Handang-handa na ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri sa pambansang halalan sa susunod na taon. Pera, armas at makinarya ay nakahanda na para sa isang madugong tunggalian na inaasahan sanang maghasik ng ilusyon sa masa para sa "mapayapa" at "malinis" na halalan.
Sa kabila ng katotohanan na may bisa pa rin ang burges na eleksyon bilang "shabu" sa kaisipan ng manggagawang Pilipino, dumarami na ang nakaramdam ng masamang epekto ng "pampulitikang drogang" pinaiinom ng mapagsamantalang uri sa malawak na masang api.
Kaya nararapat lamang na suriin ng mga rebolusyonaryong elemento sa Pilipinas ano ang katangian ng burges na eleksyon; sa anong kondisyon ito nagagamit ng proletaryado para sa kanyang makauring interes at kung ang mga kondisyon na ito ay umiiral pa ba sa ating panahon. Ikalawa, kaya pa bang kopyahin ng burgesyang Pilipino ang mga tipo ng eleksyon sa abanteng kapitalistang mga bansa kung saan nagawang sinupin ng burgesya ang paglalako ng mistipikasyon ng demokrasya at eleksyon, sa kabila na dumarami rin doon ang tumaas na ang kamulatan na ang "heroin" at "cocaine" ay mas masama pa ang epekto sa "shabu".
I. Ang Kanan sa usapin ng eleksyon
Ang Kanan ay nahati sa dalawang malaking paksyon: ang administrasyon ni Gloria Arroyo at ang oposisyon. Ang oposisyon naman ay nahati din sa ibat-ibang paksyon na nakabatay sa personalidad. Bagamat may mga indikasyong nais ng naghaharing uri na buhayin muli ang "sistemang dalawang partido" gaya ng sa Amerika, labis itong nahirapan dahil sa pagiging atrasado ng burges na demokrasya sa Pilipinas at sa matagal na panahong pamamayani ng dinastiyang politikal sa bansa. Ang ambisyong kopyahin ang sistemang "pagiging tapat sa partido" sa halip na sa personalidad ay matagal ng pinapangarap ng Kaliwa sa Pilipinas subalit halos imposible na ito dahil sa lumalalang kabulukan ng sistema.
Nais ng naghaharing uri na muling palakasin ang mistipikasyon sa eleksyon at demokrasya sa hanay ng masa. Obligadong silang gawin ito dahil mabilis na nawawala ang bisa ng eleksyon bilang "shabu". Kung patuloy na walang epektibong paraan ang mapagsamantalang uri para gawing "malinis at kapani-paniwala" ang resulta ng halalan sa susunod na taon, nababahala itong tuluyan ng maglaho ang impluwensya ng mistipikasyon ng masa sa eleksyon at palagi na lang i-resolba ang bangayan ng mga paksyon sa pamamagitan ng armadong labanan o "ekstra-legal" na paraan, mga paraan na tanda ng anarkiya sa lipunang kapitalista sa halip na mistipikasyon ng demokrasya at paraang "konstitusyunal". Ito ang layunin ng kaaway sa halalang 2010; layunin na lalupang naging mahirap dahil sa Maguindanao masaker noong Nobyembre, ang pinakamarahas na pamamaslang sa kasaysayan ng Pilipinas na may kaugnayan sa eleksyon.
Ang administrasyon
Labis na kinamuhian ng malawak na masa ang paksyong Arroyo. Kung opinyong publiko lang ang pagbatayan, hindi na mananalo ang mga manok ng administrasyon para sa pambansang posisyon sa halalan sa susunod na taon. Dahil dito, para sa naghaharing uri, isa ng liability ang paksyong Arroyo sa Malakanyang. Ang pagpapatuloy ng paksyong ito sa paghawak ng estado ay tiyak na magtutulak sa masa upang suriin ang kabulukan ng eleksyon. Dito takot na takot ang mga kaaway sa uri: ang lubusang mawalan ng tiwala ang nakararami sa eleksyon.
Ngayon pa lang, parang mga dagang naglundagan sa nalulunod na barko ng administrasyon ang maraming membro nito at lumipat na sa oposisyon para lalaki ang oportunidad na manalo. Ang mga nanatili sa administrasyon ay yaong mga politiko na kayang ipanalo ang sarili dahil makapangyarihan ito sa kani-kanilang teritoryo hawak ang 3Gs (guns, gold and goons). Karamihan sa kanila ay mga warlords at naghahari sa pamamagitan ng takot at karahasan.
Sa kabila ng maraming pera at malakas na makinarya, hindi madali sa administrasyon na ipanalo ang mga kandidato nito sa mga pambansang posisyon laluna sa pagka-presidente. Kaya ang kanilang pambato na si Gilbert Teodoro ay napilitang mag-astang "independyente" mula sa paksyong Arroyo at desperadong i-project ang sarili na hindi tuta ni Gloria.
At dahil ang posisyon sa estado sa mga atrasadong bansa gaya ng Pilipinas ay buhay at kamatayan para sa pang-ekonomiyang posisyon ng mga politiko, obligadong may pampulitikang posisyon pa rin si Gloria Arroyo. Kaya naman ay tatakbo siyang kandidato sa mababang kapulungan ng Kongreso[1]. Ang iba naman ay mga kapamilya at kamag-anak ang pinatatakbo nasa kampo man ng adminsitrasyon o oposisyon.
Ang oposisyon
Sa lahat ng mga partido at personalidad na nag-aagawan sa kapangyarihan, dalawang partido ang nasa unahan, ang partido Liberal na kinabibilangan nila Noynoy Aquino at Mar Roxas at ang Partido Nacionalista nina Manny Villar at Loren Legarda ng Nationalist People's Coalition (NPC).
Tila ba pinaiinit ngayon ang tunggalian ng dalawang "popular" na partido ng malalaking burgesya. Ilan sa mga dahilan ay:
Una, ang dalawang pinaka-lumang malaking burges na partido sa Pilipinas - ang Partido Liberal (LP) at Partido Nacionalista (NP) - ay nais muling buhayin ng burgesyang Pilipino, na tila nangongopya sa istilo ng burges na pulitika sa Estados Unidos. Sa kasaysayan, ang dalawang partidong ito ang pinanggalingan ng mga politikong Pilipino.
Ang NP ang kauna-unahang partidong itinayo ng burgesyang Pilipino noong 1907. Dala-dala nito ang mapayapa at repormistang linya sa pagkamit ng "pambansang kalayaan" mula sa kolonyalistang Amerikano. Kinukumpara ang NP bilang Republican Party (ng USA) sa Pilipinas.
Maraming bantog na mga tradisyunal na politiko na naging pangulo na galing sa NP. At isa na dito ay ang dating diktador na si Ferdinand Marcos. Kabilang din sa NP ang anti-manggagawang si Blas Ople, ang Kalihim ng Paggawa ng rehimeng Marcos.
Ang LP naman ay isplit mula sa NP noong 1945. Ito ang ikalawang pinakamatandang burges na partido sa Pilipinas, na binansagan ding Democratic Party (ng USA) sa Pilipinas. Gaya ng NP, maraming bantog din na kapitalistang politiko ang mula sa LP. Isa na dito si Manuel Roxas, ang unang presidente ng Republika ng Pilipinas. Kabilang din si Franklin Drilon, ang anti-manggagawang Kalihim ng Paggawa ng rehimeng Aquino.
Kapwa ang NP at LP ay kabilang sa koalisyon noong 2004 eleksyon na sumusuporta kay Gloria Arroyo bilang pangulo. Ibig sabihin, kabilang ang mga partidong ito sa mga dapat sisihin kung bakit nanalo si Arroyo.
Pangalawa, ang dalawang partidong ito ay nasa oposisyon. Gustong ipakita ng burgesya na nasa mga partidong ito at sa mga personalidad nila ang magsasalba sa sistema mula sa pampulitikang krisis ng administrasyong GMA.
Pangatlo, niromantisa ng burgesya ang personalidad ng dalawang kandidato sa bawat partido. si Noynoy Aquino[2] daw ang magbabalik ng demokrasya na pinaglalaban at pinatupad ng kanilang mga magulang. Katunayan, "martir" si Ninoy Aquino dahil pinaslang siya ng paksyong Marcos noong 1983. Pinangalandakan naman ni Manny Villar[3], galing umano sa mahirap, na maaring aasenso ang mga naghihikahos basta may "sipag at tiyaga" lamang.
Kung hindi man solido ang administrasyon, ganun din ang oposisyon. Walang unipikadong tiket ang administrasyon at oposisyon sa lahat ng posisyon. Lalong lumala ang pagkahati-hati ng mga paksyon ng burgesya habang papalapit ang eleksyon.
Walang maasahan ang masang anakpawis sa administrasyon at oposisyon dahil iisa lamang ang pinagtatanggol ng mga ito: pambansang kapitalismo.
II. Ang Kaliwa sa usapin ng eleksyon
Maliban sa polisiyang boykot ng maoistang partido (PKP) noong panahon ng batas militar, matagal ng lumalahok ang Kaliwa sa eleksyon magmula pa noong 1940s.
Ang polisiyang boykot naman ng PKP noong 1980s ay hindi nakabatay sa marxistang pagsusuri kundi sa ekstremismo ng gerilyang pakikidigma.
Ang kontra-rebolusyonaryong batayan ng Kaliwa
Iba-iba ang palusot ng ibat-ibang paksyon ng Kaliwa kung bakit sila lumalahok sa eleksyon:
Maoistang PKP. Batay sa kanilang "pagsusuma" sa karanasang boykot noong 1980s, ginigiit ng Partido Komunista ng Pilipinas na "hindi mali" ang paglahok sa eleksyon at pagpasok sa estado basta ito ay "nagsisilbi" sa pagsusulong ng "digmaang bayan" at "may kwalipikadong mga kadre para dito". Kung dati nilalait nila ang kanilang mga karibal dahil sa paglahok sa eleksyon, ang PKP na ngayon ang nangunguna at atat na atat na marami ang makapasok sa senado, kongreso at lokal na gobyerno.
Paano magsisilbi? Pangunahin ang pagkuha ng milyun-milyong pondo ng estado (na galing din naman sa pawis ng masang nagbabanat ng buto) at sa mga politiko para pambili ng armas at buhayin ang parasitikong armadong hukbo na nasa absolutong pamumuno ng PKP. Pangalawa, pagbibigay ng mga proyekto sa kanilang "baseng masa" upang manatili itong "tapat na tagasunod" sa panawagan ng Kaliwa.
"Leninistang" PMP. "Tapat" kay Lenin, pinanindigan nila na ang parliyamento ay maaring gawing "entablado" para sa "rebolusyonaryong" propaganda gaya ng ginawa ng mga marxista noong 19 siglo. Dagdag pa, "teoretikal" na batayan nila ang libro ni Lenin na "Kaliwang-komunismo, sakit ng kamusmusan" sa panahon ng debate ng Ikatlong Internasyunal sa usapin ng paglahok sa burges na eleksyon. Subalit, ang "katapatan" nila sa "Leninismo" ay "pinaunlad" (distrungka) pa nila: pakipag-alyansa sa burges na oposisyon at paggamit sa kanilang "baseng masa" bilang panglyabe sa kanilang pagtraydor sa marxismo at paghimod sa puwet ng malalaking burges na partido para makakuha ng malaking pondo. Para sa Partido ng Manggagawang Pilipino, ang pagpasok sa parliyamento ay "malaking tulong" upang mapalakas ang kilusang manggagawa. Sa madaling sabi, kailangan diumanong pasukin ang anumang laro ng burgesya at huwag silang hayaang masolo ang mga laro na sila ang may likha.
Neo-Trotskyistang PLM. Ang grupong ito ang tapat na tagasunod sa "radikal" na elektoralismo ni Hugo Chavez sa Venezuela at sa kanyang "sosyalismo sa 21 siglo". Nagdadala ng mas radikal na lenggwahe na katangian ng mga Trotskyista gaya ng "partido para sa sosyalismo" at "sosyalismo ngayon na!". Modelo ng Partido Lakas ng Masa ang pagkapanalo ng Kaliwa sa Latin at Central America.
Repormistang Akbayan. Sa lahat ng paksyon ng Kaliwa, ito ang tahasang nanindigan na makamit ang "panlipunang pagbabago" sa pamamagitan ng mga reporma at pagiging mayorya sa estado laluna sa parliyamento.
Samakatuwid, lahat sila ay nagkaisa na ang paglahok sa eleksyon at parliyamento ay "epektibong" paraan daw ng masa para mapalakas ang "kilusang masa", ito man ay para sa "rebolusyon" o para sa "reporma".
Gamit ang mga sulatin at salita ng mga bantog na marxistang lider sa 19 siglo, nilalason nila ang kaisipan ng masang manggagawa laluna ang mga abanteng elemento nito na angkop pa rin ang taktika ng mga marxista noong sumusulong pa ang kapitalismo sa panahon na nasa permanenteng pagbulusok-pababa na ang sistema at wala na itong kapasidad na magbigay ng anumang makabuluhang reporma. Dagdag pa, nirebisa nila ang rebolusyonaryong diwa ng paglahok sa eleksyon ng mga komunista noong 19 siglo. Kung ang mga marxista mahigit 100 taon na ang nakaraan ay lumahok sa burges na parliyamento sa pamamagitan ng sariling lakas ng kilusang manggagawa, ang mga "tapat" na tagasunod nila ngayon ay lumalahok batay sa kapasidad (pera at makinarya) ng alinmang paksyon ng Kanan kung saan sila pumailalim. Ang tawag dito ng Kaliwa ay "pragmatismo", "praktikalidad" o "pakikipag-isang prente" na walang ibang kahulugan kundi kontra-rebolusyonismo at pagtraydor sa rebolusyonaryong diwa ng marxismo.
Maliban sa maoistang PKP, RPA-ABB, MLPP, na may pang-engganyo sa Kanan para sila suportahan - armadong hukbo - ang ibang paksyon ng Kaliwa ay parang namamalimos sa Kanan upang ipasok lamang sa kanilang makinarya at bigyan ng pera gamit ang pagmamayabang na mayroon silang "malawak na baseng masa" na matransporma sa boto.
Sa balanse ng pwersa ng Kanan at Kaliwa sa Pilipinas at sa hatian ng kanilang paggawa laban sa proletaryong rebolusyon, malayo pang payagan ng naghaharing uri na ibigay sa Kaliwa ang Malakanyang gaya ng ginawa ng mga kapatid nila sa uri sa Latin at Central America. Hindi rin katulad ng Venezuela ang Pilipinas na may malapit na padrino: Cuba at may likas na yaman gaya ng langis. Dagdag pa, malinaw na mas mahina ang Kaliwa kaysa Kanan sa ngayon. Kaya naman ay nagpupumilit ang Kaliwa na sisilong sa malalaking partido ng burgesya para lamang makapasok sa bulok na estado at parliyamento.
Sa ngayon at sa malapit na hinaharap, kontento na ang burgesyang Pilipino na nasa oposisyon ang Kaliwa. Samakatuwid, mananatiling minorya ang Kaliwa sa loob ng kapitalistang estado dahil ang papel nito ay "bombero" sa loob ng kilusang masa sa panahon na muling magliyab ang rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado.
Sa kabila nito, ang lantarang pakikipag-alyansa at suporta ng Kaliwa sa iba't-ibang paksyon ng malaking partido ng burgesya at personalidad ay mensahe na rin ng una sa naghaharing uri na wala silang dapat ikabahala sa pagpasok nito sa estado at parliyamento dahil wala naman itong seryosong intensyon na wasakin ang kapitalistang sistema. Samakatuwid, ang Kaliwa sa Pilipinas ay katulad din ng Kaliwa sa Central at Latin America na nasa kapangyarihan ngayon sa pamamagitan ng elektoralismo: pwersa para ipagtanggol ang pambansang kapitalismo.
Gaano man ka "radikal" at "rebolusyonaryo" ang palusot ng Kaliwa sa kanilang paglahok sa eleksyon, ang tunay nilang layunin ay ilayo ang masang proletaryado at maralita sa rebolusyonaryong landas tungo sa pagdurog sa estado at kapitalismo.
III. Pananaw ng mga komunista sa eleksyon at parliyamentarismo
Malinaw ang pagsusuri ng mga marxista sa burges na eleksyon at parliyamentarismo mula pa noong 19 siglo: ang mga ito ay tereyn ng burgesya at hindi ng manggagawa.
Subalit may obhetibong panahon na maaring magamit ang mga ito ng manggagawa para mapalakas ang sarili: una, sumusulong pa ang kapitalismo at wala pa sa agenda ang pagtatayo ng diktadura ng proletaryado; ikalawa, dahil sumusulong pa ang kapitalismo, maari pang makakuha ng makabuluhang mga reporma ang manggagawa sa loob ng sistema kung saan isang paraan ang pagpasok ng mga komunista sa parliyamento; ikatlo, dahil may progresibong paksyon pa ang burgesya at dahil dito, tunay na arena talaga ng labanan ang parliyamento, may mga panahong nakipag-alyansa ang proletaryado sa progresibong saray ng kaaway nila sa uri laban sa pyudalismo.
Ang ganitong pakikitungo sa eleksyon at parliyamento ay lubusang nakabatay sa antas/ebolusyon ng kapitalismo at sa paglala ng mga internal na kontradiksyon ng sistema.
Nang nagbago na ang katangian ng kapitalismo sa pagpasok ng 20 siglo, ang parliyamento kasama na ang mga unyon ay lubusan ng nasanib sa estado. Sa pagpasok ng dekadenteng kapitalismo, ang estado na lang ang tanging sandalan ng sistema para manatili. Kaya kailangang palakasin ito, na walang ibig sabihin kundi ang pagiging dominante ng ehekutibo sa pagkontrol sa lipunan.
Subalit ang pagbabago ng sitwasyon ay nagluwal ng mainit na debate sa loob ng Komunistang Internasyunal noong 1920s. Ang mayorya ay nanindigan na angkop pa rin na lumahok ang mga rebolusyonaryo sa burges na parliyamento at unyon habang ang minorya - ang kaliwang-komunista - ay nanindigan na lipas na ang sitwasyon na nagtulak sa uri na lumahok sa mga ito dahil ang nasa agenda na ay ang pag-agaw ng kapangyarihan - diktadura ng proletaryado.
Ang mayorya sa Komunistang Internasyunal na pinangunahan nila Lenin[4] at Trostky ay pabor sa partisipasyon habang ang minorya na kinabilangan ng praksyon nila Bordiga sa Italya, KAPD sa Alemanya, Sylvia Pankhurst sa Britanya, at iba pa ay tumindig tutol sa partisipasyon.
Sa halos 100 taon napatunayan na tama ang minorya noon at mali ang mayorya. Ang mga partido komunista at sosyalista na pumasok sa parliyamento at unyon noon ay tuluyan ng tumiwalag sa marxistang prinsipyo at niyakap ang interes ng burgesya. Nagtraydor ang mga ito sa internasyunalismo noong WW II.
Narito ang ilang sipi mula sa Tesis Hinggil sa Parliyamentarismo ni Amadeo Bordiga, na sinumite bilang posisyon ng kaliwa sa debate sa Ikalawang Kongreso ng Komunistang Internasyunal (KI) noong 1920. Para sa amin, napakahalaga ng mga siping ito para maunawaan ng mga komunista at nagsusuring elemento sa Pilipinas ang debate noong 1920s hinggil sa parliyamentarismo, lalupa't ang nabasa lamang ng mga "komunista" sa Pilipinas ay ang mga sulatin ni Lenin:
a. "Under these historical conditions, under which the revolutionary conquest of power by the proletariat has become the main problem of the movement, every political activity of the Party must be dedicated to this goal. It is necessary to break with the bourgeois lie once and for all, with the lie that tries to make people believe that every clash of the hostile parties, every struggle for the conquest of power, must be played out in the framework of the democratic mechanism, in election campaigns and parliamentary debates. It will not be possible to achieve this goal without renouncing completely the traditional method of calling on workers to participate in the elections, where they work side by side with the bourgeois class, without putting and end to the spectacle of the proletariat appearing on the same parliamentary ground as its exploiters".[5]
b. "Communists deny the possibility that the working class will ever conquer power through a majority of parliamentary seats. The armed revolutionary struggle alone will take it to its goal. The conquest of power by the proletariat, which forms the starting point of communist economic construction, leads to the violent and careful abolition of the democratic organs and their replacement by organs of proletarian power - by workers' councils. The exploiting class is in this way robbed of all political rights and the dictatorship of the proletariat, i.e. a government system with class representation, is set up. The abolition of parliamentarism becomes a historical task of the communist movement. Even more, representative democracy is precisely the first form of bourgeois society that must be brought down, and moreover even before capitalist property".[6]
c. "In the present historical epoch, which has opened with the end of the world war and its consequences for the social organisation of the bourgeoisie - with the Russian revolution as the first realisation of the idea of the conquest of power by the working class, and the formation of the new International in opposition to the traitors of the social democracy - and in the countries where the democratic order was introduced a long time ago, there is no possibility of exploiting parliamentarism for the revolutionary cause of communism. Clarity of propaganda no less than preparation for the final struggle for the dictatorship of the proletariat demand that communists carry out propaganda for a boycott of the elections on the part of the workers".[7]
Sa kasamaang-palad, iilan lamang sa mga "rebolusyonaryo" sa Pilipinas ang kilala si Amadeo Bordiga at may alam sa mga debate sa loob ng Komunistang Internasyunal. Ang kinagisnang "marxismo" ng mga rebolusyonaryo sa Pilipinas noong 1920s ay ang kontra-rebolusyonaryong ideolohiya ng Stalinismo. Ang multo ng Stalinismo ay nanatiling nakalukob sa lahat ng paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas, maka-Stalinismo man sila o nagpahayag ng pagiging "anti-Stalinismo".[8]
Ang burges na parliyamento ngayon ay ganap ng naging mabahong kulungan ng mga baboy. Isang "talking shop" na walang ngipin. Ang totoong nagpatakbo sa lipunan ay ang ehekutibo dahil ito ang kailangan ng naghaharing uri sa panahon na desperado itong isalba ang naaagnas na sistema. Dagdag pa, tuluyan na ring itinakwil ng mga "tapat" sa "marxismo-leninismo" ang batayan ng mga marxista sa 19 siglo sa paglahok sa parliyamento. Pera at posisyon sa estado na pangunahing layunin ng Kaliwa ngayon gamit ang "radikal" na lenggwahe na hindi naman salungat sa burges na kaayusan - demokrasya, nasyunalismo, nasyunalisasyon, atbp.
Matatag ang paninindigan ng mga komunista sa usapin ng parliyamentarismo: hindi na ito sandata at larangan ng pakikibaka ng manggagawa para isulong ang komunistang rebolusyon sa panahon ng dekadenteng kapitalismo. Hindi na maibalik ang kalagayan noong 19 siglo na naging batayan ng mga rebolusyonaryo noon sa paglahok sa eleksyon. Nasa panahon na tayo ng proletaryong rebolusyon at pagtatayo ng diktadura ng proletaryado sa pandaigdigang saklaw.
IV. Dekomposisyon (Pagkaagnas) at ang pangingibabaw ng burges na ideolohiyang "bawat isa para sa kanyang sarili" at "isa laban sa lahat"
Sa likod ng mga alyansa, pakikipag-ibigan, at pagsasanib pwersa ng ibat-ibang personalidad at paksyon para matiyak ang kanilang tagumpay sa eleksyon ay ang katotohanang nangingibabaw na ngayon ang ideolohiyang "bawat isa para sa kanyang sarili" at "isa laban sa lahat".
Ang mga "alyansa" at "pagsasanib pwersa" ng ibat-ibang paksyon ay temporaryo lamang habang ang permanente ay ang kanilang maigting na kompetisyon na kadalasan ay nauuwi sa madugong tunggalian.
Ang mga paksyong tumulong para mapatalsik si Erap at makaupo si Gloria noong Edsa Dos ay nawasak. Ang "Team Unity" na pinamunuan ng paksyong Arroyo noong 2004 ay hiwa-hiwalay na ngayon. Ang LP at NP na kasapi dito ay kumalas agad at naging "oposisyon".
Bilang paghahanda sa halalan sa 2010, ang naghaharing partido ng administrasyon ay niyanig ngayon ng balimbingan. Marami sa mga kasapi nito ay lumipat na sa oposisyon - LP o NP. Ang NP naman ay nakipagsanib pwersa sa manok ng NPC pagka-bise presidente na si Loren Legarda, sa maoistang Bayan Muna at sa KBL ni Ferdinand Marcos Jr. Habang ang LP naman ay nakipagsanib pwersa sa Akbayan at mga grupong sosyal-demokratiko na may hawak ng maraming NGOs. Ang "leninistang" Sanlakas ay pumasok sa kampo ni Erap Estrada.
Ganito na ang kalakaran sa burges na politika sa Pilipinas magmula pa noong "ibinalik ang demokrasya" noong 1986. Ang "katapatan" ng bawat politiko ay para sa kanyang sarili lamang. Wala ng iba pa. Ang malinaw na halimbawa nito ay si Loren Legarda, Bayan Muna at si Bayani Fernando.
Si Legarda, na sa una ay nag-ambisyong maging presidente (bise-presidente na ang tinakbohan niya noong 2004) ay bumaba sa pagiging bise ng ang maging concensus ng NPC na maging manok sa pagiging presidente ay si Chiz Escudero. Nang opisyal ng umatras si Chiz at umalis sa NPC, parang nasa limbo si Legarda. Kaya nga galit siya kay Chiz dahil bakit hindi agad nagsabi na aatras pala. Itutuloy sana niya ang pagiging presidente sa ilalim ng NPC. Kaya obligado itong pumailalim sa NP ni Villar dahil maliban sa mahirapan na siyang sasama sa labanang presidensyal ay selyado na rin ang mga bise-presidente ng ibang malalaking partido laluna ng LP.
Ang Bayan Muna, matapos tanggihan ng LP ang kanilang alok na ipasok bilang kandidato ang kanilang dalawang senador, ay walang pag-alinlangang sumilong sa NP, sa kabila ng alam na ng publiko na si Villar isang isang oportunistang trapo sa dahilang ang NP lamang ang bukas ang palad na pumayag na maging "guest candidates" ang kanilang dalawang kandidato para senador.
Si Bayani Fernando, na atat na atat na maging kandidatong pangulo ng administrasyon, at sa simula ay nagpahayag ng "katapatan" sa partidong Palaka anuman ang maging desisyon nito kung sino ang pipiliing kandidato, ay tumiwalag sa partido ng administrasyon para maging bise-presidente ni Dick Gordon.
Habang nalalapit ang araw ng eleksyon ay lalo pang iinit ang kanya-kanyang diskarte ng bawat isa para sa kanyang sarili. Kahit ang mga "kaalyado" at "kapartido" ay handang ilaglag sa huli para lamang manalo. Sa simula ay "alyansa" at "pagsasanib-pwersa"; sa huli ay kanya-kanya at laglagan.
Dahil mabilis na kumikipot ang yamang pag-aagawan, isang buhay at kamatayan na para sa lahat ng paksyon ng burgesya ang kapangyarihan, na lalupang itutulak ng naaagnas na ideolohiya para sa armadong labanan, pandaraya, pananakot at pamimili ng boto para lamang manalo. Sa totoo lang, walang sinumang kandidato ang naniniwalang manalo siya sa isang "malinis" na halalan dahil alam niyang gawin ng kanyang karibal ang lahat para maluklok sa poder.
At tiyak, pagkatapos ng halalan, ay may panibago na namang hanayan ng pampulitikang pwersa, depende kung sino o aling paksyon ang uupo sa Malakanyang. Ang padron ng bulok na politika sa Pilipinas ay ganito: ang kaibigan ngayon ay kaaway bukas; ang kaaway noon ay kaibigan na ngayon.
Ang padron ng ikot ng burges na pulitika sa bansa ay hindi magbabago: ang administrasyon ngayon ay naging oposisyon; ang oposisyon ngayon ay naging administrasyon. At paiikutin na naman nila ang ulo ng masa. Ito ang demokrasya sa panahon ng dekadenteng kapitalismo.
Subalit hindi lang sa hanay ng burgesya nanalanta ang idelohiyang "bawat isa para sa kanyang sarili" at "isa laban sa lahat". Dahil nangingibabaw ito sa lipunan, pinasok din nito kahit ang pinagsamantalahan at inaaping mga uri sa lipunan. Isang halimbawa dito ay ang usapin ng eleksyon:
Kung suriing maigi, dumarami ang mahihirap na hindi na umaasa sa eleksyon para maiahon sila sa kahirapan. Ibig sabihin, hindi na "sagrado" para sa kanila ang kanilang boto. Pero hindi rin naman sila nagtuloy-tuloy na namulat na magrebolusyon. Ano ang nangyari?
Karamihan sa mga mahihirap na impluwensyado ng bulok na ideolohiya ay ginawang kalakal ang kanilang boto. Pinagbili nila ito sa sinumang politiko na may mataas na presyong pambayad sa kanila para may pantawid-gutom sa loob ng ilang araw. Itoy indikasyon ng nakatagong kamulatan ng dumaraming masa na wala ng kabuluhan sa kanilang buhay ang burges na eleksyon maliban sa pera at materyal na makuha sa mga politikong nangangailangan ng kanilang boto. Alam nila na pagkatapos ng eleksyon, walang pagbabago sa kanilang buhay sinuman ang uupo sa kapangyarihan. Sa kabilang banda, ito ay negatibong ekspresyon din ng kawalan ng pakialam ng nakararami sa politika. Para sa kanila, ang politika ay para lamang sa mayayaman.
V. Tungkulin ng mga rebolusyonaryo sa Pilipinas
Ganun pa man, hindi pa rin maaring sabihin na madilim ang kinabukasan ng manggagawang Pilipino sa usapin ng pagkamulat sa rebolusyonaryong landas. Ang kahirapan bunga ng krisis ng sistema ay nanatiling matabang lupa upang patuloy na makibaka ang proletaryado. Sa kanilang mga pakikibaka laban sa pagsasamantala at pang-aabuso ng mga kapitalista at estado iluluwal at uunlad ang kamulatang rebolusyoanaryo.
Bilang bahagi ng internasyunal na uri, tiyak na may malaking impluwensya sa mga manggagawa sa Pilipinas ang sumusulong na independyenteng kilusang proletaryo sa buong mundo laluna sa Uropa. Ang paglitaw ng mga nagsusuring elemento sa Pilipinas sa nagdaang tatlong taon ang positibong indikasyon ng potensyalidad ng pag-unlad ng rebolusyonaryong kamulatan sa hanay ng masang api sa darating na panahon. Malaking tulong din ang mabilis na pagkalantad ng Kaliwa na walang kaibahan sa Kanan dahil sa patuloy na pakikipag-alyansa ng una sa huli at sa pagiging palamuti lamang nito sa parliyamento upang mamulat ang masa na walang maasahan sa estado at eleksyon.
Ang tungkulin ng mga rebolusyonaryo sa panahong ito ay ipaliwanag sa masang manggagawa laluna sa mga abanteng elemento nito na hindi arena ng pakikibaka ang eleksyon at parliyamento. Para makawala ang proletaryado sa impluwensya ng burges na ideolohiya, isa sa kailangang iwaksi ay ang elektoralismo at parliyamentarismo. Subalit hindi ito sapat. Kailangan ding iwaksi ng uri ang ideolohiya ng Kaliwa - burges na demokrasya, unyonismo, nasyunalismo, pakikipag-alyansa sa isang paksyon ng burgesya at gerilya-ismo.
Ang minimithing kalayaan ng proletaryado ay wala sa repormasyon sa mga demokratikong institusyon ng burgesya kundi nasa pagdurog sa mga ito at palitan ng mga organo ng manggagawa, laluna ang mga sobyet o konseho ng manggagawa bilang kongkretong ekspresyon ng kanilang pampulitikang kapangyarihan.
Maling-mali ang paniniwala na makamit ang sosyalismo o mawasak ang kapitalismo sa pagpasok sa gobyerno. Sa pagpasok ng mga grupong Kaliwa sa eleksyon, ginagampanan nila mismo ang kanilang tungkulin - ang ilihis ang manggagawa sa makauring pakikibaka.
Ang tama at napapanahong panawagan para sa uri ay: Rebolusyon ng manggagawa, hindi burges na eleksyon!
Ngunit kailangang linawin na hindi ito magagawa ng mga manggagawa sa Pilipinas lamang. Ang pagbaka sa burges na ideolohiya ay isang pandaigdigang tungkulin ng uri kung saan ang mas may malaking potensyal na epektibong makagawa nito ay ang praksyon ng uri na mas mayaman sa karanasan at mas organisado: ang mga kapatid na manggagawa sa Uropa.
Ang dekomposisyon o pagkaagnas ng dekadenteng kapitalismo ay hindi awtomatik na kusang mawasak ang kapitalismo at maitayo ang komunismo mula sa mga guho nito. Isa lamang ito sa mga posibilidad. Ang isa pang posibilidad ay kapwa mawasak ang burgesya at manggagawa at papasok ang mundo sa walang kataposang barbarismo.
Kaya napakahalaga ng papel ng mga komunistang organisasyon, laluna ng isang internasyunal na partido upang magtagumpay ang komunistang rebolusyon.
Ganun pa man, napakahirap ng mga tungkuling ito sa kasalukuyang antas ng tunggalian ng uri sa Pilipinas. Ang malinaw: hindi maipatupad ang mga rebolusyonaryong tungkulin sa pamamagitan ng paglahok ng mga komunista at uring manggagawa sa eleksyon. #
Piolo Mangahas
[1]Dahil sa obsesyon ng Kaliwa laluna ng mga maoista sa "charter change" at "term extension" ni Gloria, ginigiit nila na ito ang dahilan kung bakit nais pa rin ni GMA na tatakbong kongresista. Napakitid ng ganitong pagsusuri dahil hindi ito umaayon sa takbo ng pampulitikang realidad batay sa interes ng naghaharing uri sa kabuuan. Hindi lamang ang paksyong Arroyo ang interesadong baguhin ang kapitalistang saligang batas para iangkop sa pangangailangan ng bulok na sistema na binabayo ng matinding krisis ngayon. At hindi lang din ang pamilyang Arroyo ang nagnanais na makapasok sa estado ang halos lahat ng kanilang pamilya o kamag-anak. Lahat ng paksyon ng burgesya ay ito ang interes at ginagawa. Ang nasa likod ng ganitong "protesta" ng Kaliwa ay ang layuning pabanguhin sa harap ng masa ang burges na demokrasya at paasahin na maari pang repormahin ang estado. Ang kasalukuyang kabulukan ng sistema at atrasadong moda ng produksyon sa bansa ang nagluwal ng mga pampulitikang dinastiya ng lahat ng paksyon ng naghaharing uri. Hindi rin imposible na isa sa ambisyon ni Gloria ay maging primero ministro. Pero mangyari lamang ito kung mayorya sa Kongreso ay mga kaalyado niya at payag na siya ang hahawak sa posisyong ito. Pero mahirap itong hulaan sa ngayon dahil lumalaki ang posibilidad na galing sa oposisyon ang maging presidente ng Pilipinas sa susunod na taon.
[2]Ang pamilyang Aquino at ang pamilyang Cojuangco (si Corazon na asawa ni Ninoy Aquino ay isang Conjuangco) ay kapwa malalaking kapitalista-haciendero.
Noong presidente pa si Corazon Aquino (1986-1992), pinangunahan niya ang polisiyang total war kung saan daang libong sibilyan ang namatay at nawalan ng tirahan at hanapbuhay. Sa kanyang pamumuno din nangyari ang masaker sa mga magsasaka noong 1987. Pag-aari din ng pamilya ni Corazon Cojuangco Aquino ang Hacienda Luisita kung saan daan-daang magsasaka ang nakaranas ng karahasan at pang-aapi.
[3]Si Manny Villa ang isa sa pinakamayamang kapitalista sa Pilipinas. Malaking bahagi ng kanyang negosyo ay real state at housing. Alyado ni Erap Estrada noong ito ay nahalal bilang presidente sa 1998 at naging speaker of the House. Subalit biglang bumaligtad sa kampo ng oposisyon noong kasagsagan ng pakikibaka para patalsikin si Estrada. Dahil dito ay napanatili ni Villa rang kanyang imahe sa mata ng publiko. Noong 2007 ay naging kaalyado ulit ni Erap. At ngayon ay hindi na naman dahil sa kanyang ambisyong maging presidente.
Ang "sipag" at "tiyaga" na ginamit ni Villar para maging isa sa pinakamayamang Pilipino ay "sipag" sa pagsasamantala at "tiyaga" sa pagiging oportunista para makaakyat sa pwesto. Ang "sipag" at "tiyaga" na nais ni Villar na gawin ng masang anakpawis ay sipag at tiyaga para maging isang modelong sahurang-alipin ng mga kapitalista.
Ang pahayag ni Satur Ocampo sa media, kandidatong senador ng maoistang Bayan Muna, na pinakamalapit daw sa programa nila ang programa ng NP ni Manny Villar ay patunay lamang na walang kaibahan ang programa ng Kanan at Kaliwa sa pagtatanggol sa pambansang kapitalismo. Sa ngayon, plantsado na ang alyansang Bayan Muna-NP. Guest candidates ng NP sila Ocampo at Maza para senador. Guest candidte din ng NP si Bongbong Marcos, anak ng dating diktador na si Ferdinand Marcos. Nagawa ni Villar na ipasok sa kanyang partido ang nasa dulong Kanan at Kaliwa dahil sa kanyang "sipag at tiyaga".
[4]Sumulat pa si Lenin ng pampleto na nagtatanggol sa partisipasyon sa burges na parliyamento at sa mga union: "Kaliwang-komunismo: Sakit ng Kamusmusan".
[5]Tesis 7.
[6]Tesis 2.
[7]Tesis 6.
[8]Ang maoistang PKP ay may palusot sa kanilang paglahok sa burges na parliyamento: "gamitin ang posisyon sa loob ng estado upang mapalakas ang armadong pakikibaka sa kanayunan". Ngunit sa praktika, kabaliktaran ang nangyari: ang armadong hukbo nila ang ginagamit para pang-lyabe upang manalo ang kanilang mga kandidato at alyado. Ang polisiyang boykot ng PKP noong 1970s hanggang 1986 ay hindi nakabatay sa marxistang pagsusuri sa burges na eleksyon kundi sa radikal na peti-burges na pagkapit sa gerilyang pakikidigma sa kanayunan, na sinasabi naman nilang isang "mayor na taktikal na pagkakamali" noong 1986.
Habang ang mga "leninista" naman, na bukambibig ang "sentralidad ng kilusang paggawa", ay tahasan ng bumitaw kahit sa kanilang "leninistang" prinsipyo sa usapin ng partisipasyon sa eleksyon: "para manalo ang ating party-list at lokal na mga kandidato, kailangan natin ng pera na makukuha lamang sa pamamagitan ng pagsuporta at pakipag-usap sa malalaking burges na politiko at partido." Ang ganitong "pargmatismo" ng mga "leninista" sa Pilipinas ay lantarang elektoralismo at repormismo, at kahit hibo ng "leninismo" ay wala na ito. Katunayan, desperado na nilang pinasok ang partido ni Joseph "Erap" Estrada, ang pinatalsik na presidente noong Edsa Dos dahil sa pandarambong, at kung saan ay kasama silang sumigaw sa lansangan sa pagpapatalsik sa kaniya para sa eleksyon sa 2010 dahil naunahan na sila ng ibang paksyon ng Kaliwa sa NP at LP.