Submitted by ICConline on
Pero paano natin isalarawan ang pagbulusok-pababa ng kapitalistang lipunan? Hindi ibig sabihin na kung magkapareho ang mga sintomas ay magkatulad na ang sakit ng iba't-ibang indibidwal, maliban lang kung magkatulad sila ng uri o parehong klase. Ayon sa katangian ng pagbulusok-pababa ng nagdaang mga lipunan, ganun din ba ang pagkonsidera natin sa kapitalismo? Ang lumang mga sintomas at mga sanhi ba ay mapanatili ang kanilang katumpakan kung ilapat sa kapitalismo?
Sa antas ng materyal na produksyon, ang pagpailalim ng panlipunang sistema sa pag-unlad ng produktibong mga pwersa ay isang batas na nanatiling balido sa ilalim ng kapitalismo. Hangga't ang sangkatauhan ay nabubuhay sa ilalim ng 'paghari ng nesisidad', hangga't hindi pa umabot sa yugto ng kasaganaan na papawi sa mga problema ng materyal na ikabubuhay o mailagay man lang ito sa segundaryong posisyon - yugto na napakalayo pa sa sangkatauhan - ang unang tungkulin ng isang pang-ekonomiyang sistema ay pagpapaunlad pa rin ng produktibong mga pwersa. Higit pa, nang naging pangkalahatan ang kompetisyon sa ekonomiya ng pamilihan, ginawang mas makapangyarihan ng kapitalismo (sa sistemang ito ang kapital na hindi lalago ay maglalaho o mapunta sa ibang mga kamay) ang nesisidad sa pagpapaunlad.
Kaya tiyak para sa kapitalismo, gaya sa pyudalismo at pang-aalipin, ang hindi sapat na pag-unlad ng produktibong mga pwersa ay kumakatawan, sa istorikal na pakahulugan, sa isang nakamamatay na pagtigil.
Pero kung dumating na ang kondisyong ito, ito ba ay kumakatawan na sa di-mapigilang yugto ng pagbulusok-pababa tulad ng ibang mga lipunan?
Ang kapitalismo ay unang-una, nanatiling lipunan na nahahati sa mga uri; pangalawa, isang lipunan na ang tao ay patuloy na nabubuhay sa ilalim ng dominasyon ng kanilang pang-ekonomiyang pangangailangan, at kaya di-mulat na napailalim sa kanilang panlipunang mga istruktura. Makita natin sa kapitalismo ang ilang esensyal na mga katangian sa nagdaang mga lipunan, at sa partikular ang mga katangian na nagpakita na hindi mapigilan ang yugto ng pagbulusok-pababa. Ang mga katangiang ito ay masuma sa sumusunod: nahuhuli ang kolektibong kamulatan sa realidad, ang pagsandal ng kapangyarihan ng nagharing uri sa bisa ng produktibong mga relasyon, ang bigat at hatak ng mga kustombre at kaugaliang nakuha mula sa lumang lipunan, ang imposibilidad na maabot ang bagong panlipunang porma na hindi pa napatunayang lipas na ang luma, at bago magsimulang uusbong sa loob ng lipunan ang bagong istorikal na tungkulin. Tulad ng mga lipunang nauna dito, ang kapitalismo ay kailangang dadaan sa yugto ng pagbulusok-pababa.
Subalit, katabi ng mga katangiang ito na komon sa lahat ng mga lipunang nakabatay sa pagsasamantala, may mga katangian din ang kapitalismo na ibang-iba sa pang-aalipin at pyudalismo. Unang-una, ang sistema na papalit sa kapitalismo ay hindi sistema ng pagsasamantala. Kaya, ang pagbulusok-pababa ng kapitalismo ay naglalaman ng bagong partikularidad kaugnay sa ibang mga sistema.
Ang sosyalismo ang unang sistema sa kasaysayan na hindi lilitaw sa loob ng lipunang papalitan nito. Ang pyudal na pang-ekonomiyang mga relasyon ay isinilang sa loob ng katapusan ng Imperyong Romano, sa malalaking kalupaan na humigit-kumulang naging independyente sa sentral na kapangyarihan; ang kapitalismo ay isinilang sa loob ng mga burghs at pagkatapos sa mga lungsod ng lipunang pyudal. Sa parehong mga kaso, ang nagharing uri sa hinaharap ay dahan-dahang pinapalitan ang una.
Salungat dito, walang posibilidad ang proletaryado na mabuo ang bagong lipunan sa loob ng kapitalismo. Bilang pinagsamantalahang uri, na direktang pinanggalingan ng tubo ng nagharing uri, hindi nito maitulak pasulong ang sariling istorikal na tungkulin na hindi total na durugin ang kapangyarihan ng naturang uri. Kabaliktaran sa nakaraan, ang mutwal na pag-iral ng dalawang sistema ay hindi maari. Dahil ang kapitalismo ang unang sistema na pinag-ugnay ang buong pandaigdigang produksyon sa iisang direksyon tungo sa integradong mundo, imposible ang sosyalismo sa isang bansa. Nagkahulugan ito na ang dekadenteng kapitalismo ay isang pagbulusok-pababa na obligadong mas malinaw, mas marahas kaysa nakaraan.
Nagtagal ang pyudalismo sa Pransya kahit sa ilalim ng pormang monarkiyal, hanggang sa ika-18 siglo, salamat sa kasaganaan ng burgesya na nagbibigay ng parsyal na satispaksyon sa pang-ekonomiyang pangangailangan na hindi na mismo maibigay ng pyudalismo. Hindi ito ang kaso sa kapitalismo na siya mismo ang nagtulak sa sarili sa libingan. Hindi isang mapakinabangang kakompetinsya ang tagahukay nito na maari nitong mapagbigyan, kahit pansamantala, kundi mortal na kaaway na bunga ng ilang siglong pang-aapi kung saan ang lahat ng kompromiso ay imposible. Hindi makontrol ng lipunan ang marahas at totoong mga bunga ng dekadenteng dekadenteng kapitalismo. Kaya, sa isang banda ang pagbulusok-pababa nito ay mas maigting kaysa nakaraan, at sa kabilang banda, mas maiksi: ang mas malaking ebidensya ng kanyang mga epekto ay nagkahulugan ng mas biglaang yugto ng reaksyon.
Ang proletaryado
Salungat sa ibang rebolusyonaryong mga uri sa kasaysayan, ang proletaryado ay hindi lumitaw sa panahon ng pagbulusok-pababa sa nakaraang sistema ng produksyon, kundi sa kanyang simula. Nang naabot ng kapitalistang lipunan ang tugatog, ganap ng maunlad ang proletaryado bilang pang-ekonomiyang uri; nang nagsimulang pumasok ito sa kanyang dekadenteng yugto, ang kanyang tagahukay ay nasa tugatog na ng kanyang kalakasan sa bilang. Ang katapusan ng kapitalismo ay hindi mangyari, tulad sa nakaraan, nang ang arkitekto sa kanyang pagkadurog ay isinilang at lumaki sa tambak ng dumi ng bumulusok-pababa na lumang mundo.
Dalawang iba pang mga salik ang tumulong para paiksihin ang dekadenteng kapitalismo:
a - Mas maliit na importansya ng ideolohikal na mga relasyon. Sa ilalim ng sistema ng sahurang paggawa at kapital walang relihiyoso, pulitikal o personal na relasyong namagitan sa mga relasyon ng pagsasamantala (kabaliktaran noong panahon ng pang-aalipin at pyudalismo). Lumitaw ang mas direktang ugnayan ng buhay panlipunan at pang-ekonomiya. Kaya, mas mabilis na reaksyon ang nangyayari sa panlipunang antas sa pang-ekonomiyang kahirapan na katangian ng yugto ng pagbulusok-pababa.
b - Panghuli at higit sa lahat, nabubuhay lamang sa kompetisyon (sa nasyunal at internasyunal na antas), hindi iiral ang kapitalismo kung hindi uunlad.
Totoo na walang lipunan sa nakaraan na makapagpatuloy na hindi tiyakin ang pag-unlad ng produktibong mga pwersa. Pero sa nakaraan ang pag-unlad na ito ay hindi talaga tunay na batayang katangian ng umiiral na mga relasyon ng produksyon. Ang mga tubo at prebilihiyo ng mga myembro ng nagharing uri ay hindi direktang nakasalalay sa kanilang kapasidad na tiyakin ang kanilang sariling pang-ekonomiyang paglawak. Ang tubo na napiga nila mula sa paggawa ng mga magsasaka o alipin ay para sa kanilang personal na konsumsyon at luho. Nagkataon lamang na nagsilbi ito para paunlarin ang produksyon. Nang ang mga sistemang ito ay nagsimulang banggain ang kanyang mga pang-ekonomiyang kontradiksyon, nangyari ang pagbagal ng pag-unlad at maging istagnasyon kung hindi madaling hihina ang nagharing uri at lalong maghirap, at ang pang-ekonomiyang buhay ng lipunan ay maparalisa.
Sa ilalim ng kapitalismo, kung hindi matiyak ang paglaki ng akumulasyon ng kapital, ang buong proseso ng pagpiga ng tubo at ang buong proseso mismo ng produksyon, ay maharangan. Ito ang isa sa esensyal na mga katangian ng kapitalistang sistema.
Ngayon ang prinsipal na katangian ng pagbulusok-pababa ng sistema ay ang lumalaking kawalan ng posibilidad ng lipunan na uunlad ang ekonomiya na hindi iiwan ang umiiral na mga relasyon ng produksyon. Kaya mahirap isipin ang matagal na yugto ng dekadenteng kapitalismo at malinaw na ang pagbulusok-pababa ng isang sistema ay istorikal na penomenon, ang mga dahilan at prinsipal na mga manipestasyon nito ay saktong mailatag. Ang yugto ng dekadenteng kapitalistang sistema ay nagpakita ng magkatulad na katangian ng dekadenteng mga yugto ng nagdaang mga lipunan, pero sa iba't-ibang dahilan, ang dekadenteng kapitalismo ay mas maiksi at mas matindi kaysa yugto ng pagbulusok-pababa ng ibang mga sistema. Sa pagkasabi nito, kailangan harapin ngayon ng pagsusuring ito ang realidad ng kapitalismo.
Ang teorya ng pagbulusok-pababa at ang kasalukuyang kapitalismo
Maaring sabihin na magsimula tayo ng pag-aaral sa puntong ito. Sa iba't-ibang kadahilanan, ito ang tamang gawin. Ang konsepto ng dekadenteng kapitalismo ay nagkaroon lamang ng interes sa mga rebolusyonaryo sa simula ng nakakagulat na pagputok ng Unang Digmaang Pandaigdig. Walang duda, ang isplit sa pagitan ng Ikalawa at Ikatlong mga Internasyunal sa panahon ng Unang Digmaang pandaigdig ay nangyari sa konteksto ng debate hinggil sa katapusan ng pasulong na yugto ng kapitalismo at sa pagpasok nito sa panahon ng 'gera at rebolusyon'. Subalit, mula noon sa mahigit limampung taong tagumpay ng kontra-rebolusyon, at dahil nga sa kontra-rebolusyon, nagkulang ang rebolusyonaryong teorya sa lawak at lalim ng pananaw na kailangan sana para maintindihan ang mga pagbabagong dinaanan ng realidad sa mundo.
Ngayon, sa dulo ng ideolohikal tunel na ito, sawimpalad din na kadalasan ang iba't-ibang mga tunguhin na umaangking bahagi ng rebolusyonaryong proletaryong kilusan ay nanatiling nahati sa pagitan ng labis na nadala sa ‘bagong mga implikasyon' o ‘bagong realidad' (napalitan na ang marxismo) at sa mga nanatiling relihiyosong kumapit sa lumang mga teksto at ideya bilang reaksyon sa unang tendensya (cf. ang 'Bordigistang' Internasyunal na Partido Komunista sa kanilang sigaw na 'walang nagbago'; ang kanilang 'walang nagbago' sa rebolusyonaryong programa mula 1848). Sa pagitan ng dalawang kampong ito pero sabay-sabay na nahulog sa parehong mga tendensya, makita natin ang mga Trotskyista na dumikit sa ‘Transisyunal na Programa" ni Trotsky subalit handang sundin ang bawat usong teorya, (nagsariling pangasiwa, neo-kapitalismo, third worldism), nang makita na ang naturang mga teorya ay nakatulong para makakuha ng ilang rekrut. Ang epekto nito ay ang konsepto ng ‘pagbulusok-pababa', na ginawan lamang ni Marx ng pahapyaw na balangkas, ay nanatiling napakalabong ideya at napaligiran ng kalituhan para maiwasan natin ang pagbaybay sa kanyang kahulugan sa simula ng pag-aaral na ito.
Ang super-istruktura
Maaring magmukhang ilohikal na simulan ang 'konprontasyon ng realidad' sa pamamagitan ng pagsuri sa super-istruktura ng kapitalismo (ideolohiya, pulitika, tunggaliang panlipunan), at hindi ang ekonomiya, ang una, sa huling pagsusuri ay produkto lamang ng huli. Pero, gamitin natin ang paraang ito para mas madaling masundan ang ating argumento. Walang duda, habang sa pangkalahatan madaling makilala sa modernong kapitalismo ang mga manipestasyon sa super-istruktura ng dekadenteng yugto (bawat modernong moralista naobligang pana-panahon ay magsalita ng 'krisis ng sibilisasyon', at iba pa), bihira nating makita ang isang malinaw at lohikal na pagsusuri sa ekonomikong proseso. Kaya, mayorya ng mga paliwanag ng ating 'krisis ng sibilisasyon' ay hindi lumagpas sa ideyalistang empirisismo. Sa pamamagitan na unang suriin ang ‘super-istruktura', hindi lang natin ginawang mas simple ang pag-unawa sa pagsimula sa pinaka-simpleng mga aspeto; pero para masagot ang pang-ekonomiyang problema sa huli, palawakin natin ang mahalagang argumento dito, sa ganun makamit ang pagkakaugnay na mahalaga sa anumang syentipikong pag-aaral.
Sa larangang ideolohikal
Hindi natin lubusang maaral dito ang ugnayan sa pagitan ng dominanteng ideolohiya sa buhay ng kapitalismo sa nagdaang mga dekada. Ma-istablisa lamang natin ang lawak ng pagkaagnas ng dominanteng ideolohiya.
Mahirap i-partikularisa ano ang bumubuo sa kapitalistang ideolohiya: una, dahil hinigop nito ang mga elemento ng ideolohikal na mana na komon sa makauring mga lipunan sa loob ng ilang libong taon. Pangalawa, sa ilalim ng naturang bulag na mekanikal na sistema, ang pagsandal ng panlipunang mga relasyon kaugnay sa mga kagamitan ng produksyon, ang ideolohiya bilang instrumento sa preserbasyon ng mga relasyong ito ay hindi gumagampan ng sentral na papel tulad sa nakaraan kahit pa napakahalaga nito. Subalit, nagpatotoo na ang 'etika sa paggawa', 'pagsamba sa panlipunang progreso', 'tiwala at respeto sa mga institusyon' o 'paniwala sa kapitalistang kinabukasan' ang bumubuo sa mga pundasyon ng dominanteng ideolohiya. Lahat ng ito ay marahas na napawi sa nagdaang limampung taon bilang resulta ng kabangisan ng kapitalistang buhay. Lalong mahirap umawit ng mga papuri at sambahin ang mga prinsipyo ng lipunan kung saan sa limampung taon ay nakitaan ng 100 milyong pinatay dahil sa mga digmaan kung saan lalong lumilinaw ang kawalan ng kabuluhan; isang lipunan na pinakita ang kawalan mismo niya ng kapasidad na mabigyan ng pinaka-batayang ikabubuhay ang dalawa sa tatlo ka tao; isang lipunan kung saan ang dalawang makapangyarihan sa ekonomiya ay gumastos sa armas katumbas ng kita ng isang-katlo ng sangkatauhan; isang lipunan kung saan ang pinaka-prebilihiyadong mga erya sa mundo, ang halaga ng karapatang hindi mamatay sa gutom ay isang mala-halimaw na buhay sa araw-araw.
Ang malalaking mga gawa ng ideolohiya tulad nila Hitler, Mussolini, Stalin, Mao, at iba pa...(penomena na maikumpara sa mga kulto ng kabanalan ng mga emperador ng dekadenteng Roma at sa mga monarkiya ng katapusan ng pyudalismo); ang krisis sa Simbahan; ang kahirapan ng kapitalismo na iwanan ang mga paraan ng pagtuturo na sa matagal na panahon ay hindi tugma sa teknikal na mga pangangailangan; kabilang na ang krisis sa unibersidad, ang pangunahing sentro ng nagharing ideolohiya (cf. 'Le mouvement etudiant' at 'Critique' in Revolution Internationale, old Series, no 3), lahat ng ito ay malalang mga ekspresyon ng unang sintomas ng pagbulusok-pababa: ang pagkaagnas ng ideolohiya.
Ang pagkaagnas na ito sa nagdaang labindalawang taon o higit pa ay nakitaan ng pambihirang uso sa hanay ng kabataan. Ang pagkamuhi ng kasalukuyang henerasyon sa modernong daigdig, na nagbunga ng iba't-ibang pagtatangka para makaiwas sa 'kawalang halaga' o aktitud ng konprontasyon, ay ilang libo ng sinasabi ng mga pahayagan at media. Ang 'luksong pasulong' na ito ay huli ng dumating, (mahigit limampung taon matapos ang 1914 at sa rebolusyonaryong mga alon sa 1917-23). At isang dahilan nito ay laging may puwang sa pagitan ng mga pormang ideolohikal at ng ebolusyon ng sosyo-ekonomikong realidad. Kinailangang hintayin ang pagdating ng isang henerasyon na hindi nakaranas sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig o nakaranas ng marahas na atake ng kontra-rebolusyon pagkatapos ng 1917-23 na rebolusyonaryong alon. Dagdag pa, itong huling pag-unlad ay maipaliwanag ng ekonomikong istabilidad na tinatamasa bunga ng rekonstruksyon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang unang mga palatandaan ng kahinaan ay hindi naramdaman kung hindi lilipas ang ilang taon, partikular sa hanay ng kabataan, ang unang panlipunang saray na naapektohan ng mga problema ng kawalan ng trabaho.
Sa antas ng pilosopiya, lumiliit ang lugar para sa mga ideya na nagsasabing mas ‘matiwasay' ang lipunan. Ang mga intelektwal ngayon ay kinikilala ang mga sarili bilang mga rebolusyonaryo o demoralisado, pesimistiko at walang pakialam. Ang hindi paniniwala sa bagong mga ideya at mistisismo ay muling naging uso (cf. Revolution Internationale, old Series, no 6).
Sa larangan ng arte, ang pagbulusok-pababa ay makita mismo sa partikular na marahas na paraan, at tatagal pa ang diskusyon sa ebolusyon sa arte sa harap ng abnormal na mundo. Tulad ng nagdaang mga yugto ng pagbulusok-pababa, ang arte, kung hindi ito titigil sa walang katapusang pabalik-balik sa nakaraang mga porma, ay nanindigan laban sa umiiral na kaayusan, o kadalasan ay ekspresyon ng kalagiman.
Nang ang mundo ng mga ideya ay dumaan sa naturang ligalig, ito ay palatandaan na may nangyari sa antas ng materyal na produksyon.
Sa panlipunang antas
Sa pagbulusok-pababa ng kapitalismo, lumalaki ang mga tunggalian ng mga paksyon ng nagharing uri. Kahit ang paglala ng kompetisyon sa pagitan ng mga kapital sa loob ng isang bansa ay may panahong pinagaan ito sa pamamagitan ng konsentrasyon (na maaring aabot sa punto na ang estado ang kokontrol sa buong proseso ng produksyon), ang kompetisyon sa antas ng pandaigdigang pamilihan ay lumaki hanggang sa kabaliwan:
1914-18: 20 milyon patay 1939-45: 50 milyon patay.
Simula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa pamamagitan ng mga digmaan sa pambansang pagpapalaya, ang digmaan sa pagitan ng iba't-ibang kapitalistang mga bloke ay hindi tumigil at nagbunga ng dagdag na milyun-milyong patay, na sinasakripisyo sa altar ng pandaigdigang dominasyon. Ngayon hindi na makapiga ng sapat na tubo ang mga kapitalista para hati-hatiin ang mundo sa batayan ng kooperasyon. Ang pagbulusok-pababa ng nagdaang mga lipunan ay nagbunga ng pagkasira ng buong mga bansa; ngayon, posibleng buong mundo ang magunaw.
Paglaki ng mga pakikibaka ng pinagsamantalahang uri
Sa ika-19 siglo ang mga pakikibaka ng uring manggagawa sa pangkalahatan ay repormista ang katangian, ibig sabihin naghahanap na mapabuti ang kalagayan ng uri sa loob ng sistema (ang Komuna sa Paris, na isang rebolusyonaryo, ay mas ‘aksidente ng kasaysayan' kaysa palatandaan ng panahon). Sa takbo ng mga pakikibakang ito, sa esensya ang proletaryado ay kumikilos at halos nag-iisa bilang pinagsamantalahang uri. Sa pagputok ng Unang Digmaang Pandaigdig ang mga tunggaliang ito ay dumaan sa radikal na transpormasyon kapwa sa kanilang lawak at laman. Ang umuunlad na kilusan ay hindi na lang natali sa ilang pabrika o isang lungsod. Ang buong Uropa ay nagliyab sa pinaka-makapangyarihang proletaryong kilusan sa kasaysayan. Ang kanyang laman ay hindi na repormahin ang sistema kundi radikal na ibagsak ito. Ang paksyon sa Rusya ng pandaigdigang proletaryo ay nagawang durugin ang makinarya ng burges na estado at temporaryong naagaw ang kapangyarihan mismo.
Matapos ang tatlong taong digmaan, napatunayan ng kapitalismo ang kanyang istorikal na kawalan ng kapasidad na ipagpatuloy ang pagtiyak ng pag-unlad ng sangkatauhan. Sabay-sabay na binago ng proletaryado ang kanyang pakikibaka mula sa pagiging pinagsamantalahang uri tungo sa rebolusyonaryong pakikibaka na sa unang pagkakataon sa kasayayan, at sa pandaigdigang lawak, ay kumakatawan sa pagiging kandidato ng pinagsamantalahang uri sa liderato ng sangkatauhan. Mula ng panahong iyon, lahat ay nagbago sa 'panlipunang tereyn' ng kapitalismo.
Ang rebolusyonaryong alon sa 1917-23 ay natalo at ang proletaryadong Ruso, nahiwalay at nag-iisa, ay tinalian ang mga kamay nila ng ilan sa sariling mga lider. Pero, kahit sa bigat ng pagkatalo at sa kalituhang itinanim ng ilang dekada ng karanasang Sobyet, ang 'proletaryong banta', sa halip na maglaho ay nanatiling katotohanan sa buhay ng kapitalistang lipunan. Ginigiit ang sarili sa kalat-kalat, nakabukod, na mga proletaryong pag-alsa, at sa kanyang araw-araw na mga pakikibaka, ang uring manggagawa ay kumakatawan sa malakas na presensya sa buong limampung taon ng kasaysayan: lahat ng mga estado ng daigdig ay naging mga organo sa pagtatangol ng mga manggagawa, sa ibang salita, mga organo para tiyakin ang istriktong pagpigil sa rebolusyonaryong uri. Ang lumang mga porma ng organisasyon ng uring manggagawa, ang mga unyon, ay naging esensyal na elementong bahagi ng makinarya ng estado para tumulong sa pagpigil sa rebolusyonaryong uri.
At kung ang 'kasaganaan' matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay napaniwala ang ilang tao na ‘tapos na ang tunggalian ng uri', ang bagong sigasig ng mga pakikibaka ng mga manggagawa kasunod ng 1968 sa buong mundo ay mabisang nagpaalala sa bawat isa sa patuloy na pag-iral ng rebolusyonaryong uring manggagawa at nagpahayag na ang sangkatauhan ay nasa bingit ng pinaka-importanteng rebolusyonaryong alon sa kasaysayan.
Sa pampulitikang larangan
Ang paglakas ng estado ay isa sa pinakamalinaw na mga manipestasyon ng pagbulusok-pababa ng nakaraang mga lipunan. Isa din ito sa pangunahing mga katangian ng kapitalismo mula 1914. Ang kapitalismo ng estado, na pinaka-ulyaning porma ng sistema, pero natutuwa ang mga kapitalista at burukrata sa buong mundo na tawaging 'sosyalismo', ay simpleng huling ekspresyon ng tendensyang ito.
Ang estado ay gumagampan ng mahalagang papel sa unang mga araw ng kapitalismong industriyal sa panahon ng primitibong akumulasyon ng kapital. Ito ang nagtulak sa ilang mga eksperto sa paggiit na ang modernong kapitalismo ng estado, partikular sa di-maunlad na mga bansa, ay palatandaan ng bagong pag-unlad ng pandaigdigang kapitalismo. Subalit, sa konting istorikal na kaalaman ay maari ng maunawaan bakit ang estado-ismo sa ating panahon ay kaiba sa napapanahong interbensyon ng burges na estado sa ika-18 at 19 na mga siglo.
Sa siglo ngayon, ang estado-ismo ay hindi na lang tiga-suportang aspeto ng sistema kundi patuloy at hindi na mapigilang proseso. Ang kanyang batayan ay hindi na nakaugat sa pakikibaka laban sa mga labi ng hindi-pa-kapitalista, pyudal na mga relasyon kundi sa pakikibaka ng kapitalismo laban sa sariling panloob na mga kontradiksyon. Ang direktang mga dahilan ng paglakas ng estado sa ating panahon ay ekspresyon ng lahat ng kahirapan bunga sa kawalan ng kapasidad ng kapitalistang mga relasyon ng produksyon na umangkop sa pag-unlad ng mga produktibong pwersa. Katunayan, naabot ng estado ang kanyang kapangyarihan ngayon dahil ito lamang ang tanging kapitalistang institusyon na may kapasidad na pangasiwaan ang naluging mga kompanya; sa realisasyon ng pang-ekonomiyang sentralisasyon at sa ‘rasyunalisasyon' na ipinataw ng intensipikasyon sa internasyunal na kompetisyon sa said na pamilihan sa bawat bansa; ang nangyaring mga digmaan at paghahanda para sa mga digmaan, na naging pangunahing nesisidad para sa patuloy na pag-iral ng bawat bansa; titiyakin ang pagkakaisa ng panlipunang mga mekanismo na patuloy na nanganganib na magkawatak-watak.
Sa maikling salita, ang tungkulin ng estado ay pigilan sa pamamagitan ng pwersa (na siyang may monopolyo) ang edipisyo na mabilis na gumuguho.
Sa kapitalismo ng estado sa di-maunlad na mga bansa, walang posibilidad na ito ay di-masyadong ulyaning porma ng sistema kaysa abanteng mga bansa. Ang mga bansang ito ay hindi 'batang kapitalismo', kundi pinakamahinang sektor ng pandaigdigang kapital. Kaya naramdaman nila ang internal na mga kontradiksyon ng pandaigdigang kapitalismo na mas marahas, at kaya kailangang mas mabilis at mas pwersado silang magluwal ng estadipikadong porma ng sistema.
Ang kaso ng Unyong Sobyet ay hindi salungat sa dekadenteng katangian ng estadipikadong kapitalismo. Dito, tulad sa ibang lugar, nasaid ang limitasyong pinataw ng kapitalismo, at ang malupit na mga hakbangin na ginagawa ng bawat bansa para makapagpatuloy sa pandaigdigang pamilihan. Ito ang mga pormang naging batayan ng pagpapalakas ng estado. Dito, tulad sa ibang lugar, ang kahinaan o kawalan ng pribadong kapital ay naging prinsipal na nakapagpabilis sa proseso. Ang katotohanang ang dalawang prinsipal na mga salik na ito, sa kaso ng Rusya, na bunga ng isang sitwasyon na resulta ng kabiguan ng proletaryong rebolusyon ay hindi nakapagbago sa mga pangunahing laman ng problema. Ang mga partikularidad ay nagpaliwanag lamang sa isang bagay: bakit ang Unyong Sobyet ang unang nagsakongkreto sa magiging pangkalahatang tendensya sa buong mundo.
Ang pagkaagnas ng ideolohiya, sa dominanteng mga prinsipyo; tunggalian sa panlipunang mga relasyon sa lahat ng antas; mga antagonismo na umabot sa antas ng pana-panahong mga kombulsyon sa loob ng nagharing uri at sa pagitan ng nagharing uri at pinagsamantalahang uri; paglakas ng makinarya ng pananakot, ng estado, at integrasyon ng buong buhay panlipunan sa ilalim ng direktang kontrol nito; makita natin sa modernong kapitalismo ang lahat ng mga katangian ng naaagnas na sibilisasyon, lahat ng mga katangian ng isang dekadenteng sistema.
Pero paano ang inpra-istruktura, sa antas ng materyal na produksyon? Tulad ng pinakita natin, ang naturang penomena ng krisis ay hindi lilitaw na walang kasabay na pagbulusok-pababa sa ekonomiya. Mula sa marxistang pananaw, ang mga problemang lumitaw sa super-istruktura ng lipunan sa huling pagsusuri ay palatandaan lamang ng krisis sa materyal na produksyon..
Mula 1914 hanggang 1939 ang mga istatistika, na makikita natin, ay napakalinaw at iilan lamang ang tatanggi na ito ay panahon ng istagnasyon. Subalit, simula ng matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang takbo ng kasaysayan ay parang may malaking pagbabago; ang mga sintomas ng pagbulusok-pababa ng ‘super-istruktura' ay patuloy na lumalaki pero ayon sa umiiral na istatistika ang kapitalismo ay dumaan sa walang katulad na yugto ng pag-unlad.
Naglaho na ba ang marxismo sa barbarismo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig? Nabubuhay ba tayo sa ilalim ng 'neo-kapitalismo'? O ito ay mga manipestasyon ng krisis na babala na ang pagbulusok-pababa ay tatagal pa?