Submitted by ICConline on
Artikulong inilathala sa Proletarian Tribune (Rusya)
1. Mula nang matalo ang dakilang internasyonal na rebolusyonaryong kilusan ng internasyonal na rebolusyonaryong daluyong sa kalagitnaan ng 1920s, walang ni-isang termino na mas binaliktad o inabuso kaysa yaong sa sosyalismo, komunismo at marxismo. Ang ideya na ang mga Stalinistang rehimen ng dating Eastern Bloc, o mga bansang tulad ng China, Cuba at North Korea ngayon, ay mga ekspresyon ng komunismo o marxismo ay tunay na malaking kasinungalingan sa ika-20 siglo, na sinadyang pinanatili ng lahat ng mga paksyon ng naghaharing uri mula sa dulong kanan hanggang sa dulong kaliwa. Sa panahon ng imperyalistang pandaigdigang gera sa 1939-45, ang katha-kathang "depensahan ang sosyalistang amang bayan" ay ginamit, kasama ang "anti-pasismo" at ang "depensahan ang demokrasya", para mobilisahin ang manggagawa kapwa sa loob at labas ng Rusya para sa pinakamalaking patayan sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Sa panahon mula 1945-89, kung saan nangibabaw ang tunggalian sa pagitan ng dalawang imperyalistang bloke sa ilalim ng dalawang magkatunggaling kampo na pinamunuan ng Amerika at Rusya, ang kasinungalingan ay mas malawak na ginamit: sa silangan, para bigyang katwiran ang mga ambisyon ng Rusong kapital; sa kanluran, kapwa bilang ideolohikal na takip para sa imperyalistang tunggalian ("depensahan ang demokrasya laban sa totalitaryanismong sobyet") at bilang instrumento upang lasunin ang kamulatan ng uring manggagawa: itinuturo ang mga labor camps sa Rusya upang igiit sa sariling bayan ang mensahe-- kung 'yan ay sosyalismo, hindi ba dapat kapitalismo ang piliin mo, kahit pa man sa mga pagkakamali at mga pagkukulang nito? At ang paksang ito ay lalo pang kumalat at pinatingkad nang gumuho ang Bloke sa Silangan na di-umano ay nagkahulugan ng "kamatayan ng komunismo", "pagkabangkaruta ng marxismo", at maging katapusan na mismo ng uring manggagawa. Ang karagdagang laman sa gilingan ng burgesya ay mula sa "dulong" kaliwa ng kapitalismo, mga Trotskyista sa partikular--kahit pa man sa kanilang kritikal na pagtingin sa mga "burukratikong depormasyon" nito, na patuloy na kumikilala sa makauring pundasyon ng Stalinistang edipisyo.
2. Itong gabundok na tambak ng ideolohikal na pambabaluktot ay nagsilbi din para ikubli ang tunay na karugtong at tuloy-tuloy na pag-unlad ng marxismo sa ika-20 siglo. Ang mga pekeng tagapagtanggol ng marxismo -- mga Stalinista, Trotskyista, lahat ng klase ng "marxolohista", makabago at pilosopo -- ang nangingibabaw sa mata ng publiko, habang ang totoong mga tagapagtanggol ay naglaho sa mga sulok, tinaboy bilang walang kabuluhan na mga sekta at higit pa, bilang mga tira mula sa naglahong daigdig, na lalo pang sinusupil at pinatatahimik. Para muling buuin ang tunay na karugtong ng marxismo sa siglong ito, samakatwid, kailangang simulan sa kahulugan kung ano ang marxismo. Mula sa unang mga deklarasyon sa Manipesto ng Komunista sa 1848, ipinapaliwanag ng marxismo ang kanyang sarili hindi bilang produkto ng nabubukod na mga "palaisip" na henyo, kundi bilang teoritikal na ekspresyon ng totoo at buhay na kilusan ng proletaryado.
Kaya, ito ay walang iba kundi teorya ng pakikibaka at paglaban--isang teoryang patutunayan ang kanyang pagtindig sa adhikain ng pinagsamantalahang uri sa pamamagitan ng matatag na pagtatanggol sa kagyat at makasaysayang mga interes ng manggagawa. Sa pagtatanggol nito, habang nakabatay sa kapasidad na manatiling tapat sa pundamental at hindi mababagong mga prinsipyo tulad ng proletaryong internasyonalismo, ay kinakailangan din ang patuloy na pagpapayaman sa marxistang teorya sa tuwiran at buhay na ugnayan sa karanasan ng uring manggagawa. Dagdag pa, bilang produkto ng uri na naglalarawan sa kolektibong pagkilos at pakikibaka, ang marxismo mismo ay mapaunlad lamang sa pamamagitan ng organisadong kolektibidad -- sa pamamagitan ng mga rebolusyonaryong praksyon at partido. Kaya ang Manipesto ng Komunista ay lumitaw bilang programa ng unang marxistang organisasyon sa kasaysayan -- ang Liga Komunista.
3. Sa ika-19 siglo, nang ang kapitalismo ay lumalawak pa, isang sistema na nasa kanyang pasulong na yugto, hindi masyadong kinakailangan ng burgesya na itago ang mapagsamantalang kalikasan ng kanyang paghari sa pamamagitan ng pagkukunwari na ang itim ay puti at ang kapitalismo ay tunay na sosyalismo. Ang ideolohikal na pambabaluktot sa ganitong tipo ay higit sa lahat tipikal na makikita sa makasaysayang pagbulusok pababa ng kapitalismo, at pinakamalinaw na pinakita sa mga pagsisikap ng burgesya na gamitin mismo ang "marxismo" bilang instrumento ng mistipikasyon. Subalit kahit sa pasulong na yugto ng kapitalismo, ang walang awang panggigipit ng dominanteng ideolohiya ay kadalasan nagkahugis sa maling mga bersyon ng sosyalismo na ipinuslit sa loob ng kilusang manggagawa. Dahil dito, naobliga ang Manipesto ng Komunista na pag-ibahin ang sarili mula sa "pyudal", "burges" at "peti-burges" na sosyalismo, at ang marxistang praksyon sa loob ng Unang Internasyonal ay nakibaka sa dalawahang pakikidigma laban sa Bakuninismo sa isang banda, at Lassallean na "estadong sosyalismo" sa kabilang banda.
4. Ang mga partido ng Ikalawang Internasyonal ay itinatag sa batayan ng marxismo, at sa ganitong punto ay nagrepresenta ng isang mahalagang hakbang pasulong mula sa Unang Internasyonal, na isang koalisyon ng iba't-ibang tendensya sa loob ng kilusang paggawa. Pero dahil kumikilos sila sa panahon ng pambihirang kapitalistang pag-unlad, sa panahon na ang pakikibaka para sa mga reporma ang susing konsentrasyon ng enerhiya ng uring proletaryo, ang mga sosyal-demokratikong partido ay partikular na bulnerable sa presyur na mahigop sa loob ng kapitalistang sistema. Ang mga presyur ay makikita mismo sa loob ng mga partidong ito sa pamamagitan ng pag-unlad ng mga tunguhing repormista na nagsimulang mangatwiran na ang prediksyon ng marxismo hinggil sa hindi maiwasang pagbagsak ng kapitalismo ay dapat "baguhin" at isinulong ang pananaw hinggil sa posibilidad ng mapayapang ebolusyon patungong sosyalismo kahit walang anumang rebolusyonaryong pakikibaka.
Sa panahong iyon -- partikular sa huling bahagi ng 1890s at maagang bahagi ng 1900s -- ang pagpapatuloy ng marxismo ay dinadala ng "kaliwang" tendensya na kapwa siyang pinakamatatag na tagapagtanggol ng mga batayang marxistang prinsipyo, at ang unang nakakita sa bagong kalagayan para sa proletaryong pakikibaka na sumusulong habang ang kapitalismo ay umabot na sa hangganan ng kanyang paakyat na yugto. Ang mga pangalan na bumubuo ng kaliwang bahagi ng sosyal-demokrasya ay kilalang-kilala -- Lenin sa Rusya, Rosa Luxemburg sa Alemanya, Pannekoek sa Holland, Bordiga sa Italya -- pero mahalaga din na matandaan na ang mga militanteng ito ay hindi kumikilos ng hiwalay. Habang lalong lumawak ang pagdaloy ng oportunismo sa loob ng Internasyonal, naobliga silang kumilos bilang organisadong mga praksyon -- ang Bolshevik sa Rusya, grupong Tribune sa Holland, at iba pa, sa loob ng kani-kanilang mga partido at sa internasyonal.
5. Ang imperyalistang gera sa 1914 at ang rebolusyong Ruso sa 1917 ay parehong kumpirmasyon sa marxistang pananaw na ang kapitalismo ay hindi maiiwasang papasok sa "yugto ng panlipunang rebolusyon", at nagpasiklab ng pundamental na pagkahati sa kilusang paggawa. Sa unang pagkakataon, ang mga organisasyon na parehong tumutukoy kay Marx at Engels ay nakikita ang kanilang mga sarili na nasa magkabilang bahagi ng barikada: ang opisyal na mga sosyal-demokratikong partido, kung saan mayorya nito ay nahulog sa mga kamay ng mga naunang "repormista", sumuporta sa imperyalistang gera batay sa pagsangguni nito sa mga sinaunang mga sulatin ni Marx, at tinuligsa ang rebolusyong Oktubre sa pamamagitan ng pangangatwiran na ang Rusya ay dapat dumaan sa burges na yugto ng pag-unlad. Pero sa kanilang ginawa, tuluyan na silang tumungo sa kampo ng burgesya, naging mga sarhentong taga-rekrut para sa gera sa 1914 at sa bloodhounds sa kontra-rebolusyon sa 1918.
Malinaw na pinakita nito na ang pagsunod sa marxismo ay mapapatunayan hindi sa mga banal na deklarasyon o tatak ng partido kundi sa buhay na praktika. Ang kaliwang tendensya ang nag-iisang nagwagayway ng bandila ng proletaryong internasyonalismo sa panahon ng imperyalistang holocaust, na siyang nagsama-sama para ipagtanggol ang proletaryong rebolusyon sa Rusya, at siyang namuno sa mga welga at pag-alsa na pumutok sa maraming mga bansa pagkatapos ng gera. At ang tunguhin ding ito ang siyang naging batayang grupo nang itinatag ang Komunistang Internasyonal noong 1919.
6. Ang 1919 ang rurok ng rebolusyonaryong alon pagkatapos ng gera at ang mga posisyon ng Komunistang Internasyonal sa kanyang kongreso ng pagtatatag ay nagpahayag ng pinaka-abanteng mga posisyon sa proletaryong kilusan: para sa lubusang pagkalas sa mga sosyal-patriyotikong traydor, para sa mga paraan ng aksyong masa na hinihingi ng bagong yugto ng dekadenteng kapitalismo, para sa pagdurog sa kapitalistang estado, at para sa internasyunal na diktadura ng sobyet ng manggagawa. Ang programatikong kaliwanagan na ito ay nasalamin at ibinunga ng napakalaking lakas ng rebolusyonaryong agos, subalit inihanda din ito ng mga naunang kontribusyong pulitikal at teoritikal sa mga kaliwang praksyon sa loob ng mga lumang partido : kung kaya't, laban sa legalista at gradwalistang pananaw tungo sa kapangyarihan na siyang posisyon ni Kautsky, pinaliwanag at pinaunlad nila Luxemburg at Pannekoek ang pananaw sa pangmasang welga bilang batayang larangan ng rebolusyon; laban sa parlyamentaryong cretinism ni Kautsky, binangon nila Pannekoek, Bukharin at Lenin at dinalisay ang paggiit ni Marx sa pangangailangang durugin ang burges na estado at itayo ang "estado ng komyun". Ang mga teoritikal na pagpapaunlad na ito ay mahahalagang mga usapin sa praktikal na pulitika sa yugto kung saan nagbubukang-liwayway na ang rebolusyon.
7. Ang pag-atras ng rebolusyonaryong agos at ang pagkabukod ng rebolusyong Ruso ay nagbigay-daan sa proseso ng paghina kapwa sa loob ng Komunistang Internasyonal at kapangyarihang sobyet sa Rusya. Ang partidong Bolshevik ay lalong nasanib sa burukratikong makinarya ng estado na lumalaki sa baliktad na proporsyon sa sariling mga organo ng kapangyarihan at partisipasyon -- mga sobyet, komite sa pabrika at mga pulang kawal. Sa loob ng Internasyonal, ang mga pagsisikap na makakuha ng suportang masa ay nagbunga ng mga oportunistang "solusyon" -- lumalaking pagbibigay-diin sa pagkilos sa loob ng parlyamento at mga unyon, ang panawagan sa "mga mamamayan ng silangan" na mag-alsa laban sa imperyalismo, at higit sa lahat, ang patakaran ng pakikipag-isang prente na nagtapon sa lahat ng tagumpay sa kalinawan hinggil sa kapitalistang kalikasan ng mga sosyal-patriyotiko.
Pero gaya ng ang paglaki ng oportunismo sa Ikalawang Internasyonal ay nagbunsod ng proletaryong pagtugon sa porma ng kaliwang tendensya, ang paglaki ng oportunismo sa Ikatlong Internasyonal ay sinalubong din ng pagtutol ng mga tendensya ng kaliwang komunista -- marami sa kanilang tagapagsalita, gaya nila Pannekoek at Bordiga, ay pinatunayan ang mga sarili bilang pinakamagaling na tagapagtanggol ng marxismo sa lumang Internasyonal. Ang kaliwang komunista ay talagang isang internasyonal na tendensya at makikita sa maraming mga bansa, mula sa Bulgaria hanggang sa Britanya at mula sa Amerika hanggang sa Timog Aprika. Subalit ang kanyang pinaka-importanteng mga representante ay makikita sa mga bansa kung saan pinakamalakas ang marxistang tradisyon : Alemanya, Italya at Rusya.
8. Sa Alemanya, ang lalim ng marxistang tradisyon na sinabayan ng napakalaking pwersa mula sa aktwal na kilusan ng masang proletaryo, sa kasukdulan na ng rebolusyonaryong alon, ay nagbunga na ng ilang pinakaabanteng pampulitikang mga posisyon, partikular sa mga usaping parlyamentaryo at unyon. Pero ang kaliwang komunismo doon ay lumitaw bilang tugon sa unang mga palatandaan ng oportunismo sa Partido Komunistang Aleman at sa Internasyonal, at pinangunahan ng KAPD, binuo sa 1920 nang ang kaliwang oposisyon sa loob ng KPD ay pinatalsik sa hindi prinsipyadong maniobra. Kahit pinuna ng liderato ng KI na "kamusmusan" at "anarko-sindikalista", ang pagtakwil ng KAPD sa lumang parlyamentaryo at pang-unyong mga taktika ay nakabatay sa malalim na marxistang pagsusuri sa dekadenteng kapitalismo, kung saan naging lipas na ang mga taktikang ito at humihingi na ng mga bagong porma ng makauring organisasyon -- mga komite sa pabrika, at konseho ng manggagawa; ganun din ang masasabi sa pagtakwil nito sa lumang konsepto ng "pangmasang partido" ng sosyal-demokrasya pabor sa pananaw sa partido bilang nukleyus na may malinaw na programa -- pananaw na tuwirang namana mula sa Bolshevismo. Dahil sa mahigpit na pagtatanggol ng KAPD sa mga natamo nito laban sa pagbabalik ng mga lumang sosyal-demokratikong taktika, naging batayang elemento ito sa isang internasyunal na tunguhin na makikita sa maraming mga bansa, partikular sa Holland, na ang kanyang rebolusyonaryong kilusan ay mahigpit na nakaugnay sa Alemanya sa pamamagitan ng mga sulatin nina Pannekoek at Gorter.
Hindi ibig sabihin na ang kaliwang komunismo sa Alemanya sa maagang bahagi ng 20s ay hindi nagdurusa mula sa mga mahahalagang kahinaan. Ang tendensya nito na tingnan ang dekadenteng kapitalismo sa porma ng pangwakas na "krisis ng kamatayan" sa halip na isang mataas na proseso ay siyang naging dahilan kung bakit nakita ang pag-atras ng rebolusyonaryong alon at nadarang ito sa peligro ng boluntarismo; kaugnay nito ay ang kahinaan sa usapin ng organisasyon na tumungo sa wala sa panahon na pagkalas sa Komunistang Internasyonal at ang walang inabot na pagsisikap na magtayo ng bagong Internasyonal sa 1922. Ang mga bitak sa kanyang baluti ang naging balakid para malabanan ang alon ng kontra-rebolusyon na pumasok mula sa 1920s at nagresulta sa nakakapinsalang proseso ng pagkawatak-watak, nagbuo ng teorya sa pamamagitan ng ideolohiya ng "konseholismo" na tumanggi sa pangangailangan ng isang naiibang pampulitikang organisasyon.
9. Sa Italya, sa kabilang banda, ang kaliwang komunista -- na sa simula ay kontrolado ang mayoryang posisyon sa loob ng Partido Komunista ng Italya -- partikular na malinaw ang usapin sa organisasyon at hindi lang nakapaglunsad ng magiting na pakikibaka laban sa oportunismo sa lobb ng humihinang Internasyonal, kundi nagbunga din ng isang komunistang praksyon na nakaligtas sa pagkawasak ng rebolusyonaryong kilusan at napaunlad ang marxistang teorya sa panahon ng kadiliman ng kontra-rebolusyon. Pero sa panahon ng maagang bahagi ng 1920s, ang kanyang mga argumento pabor sa hindi paglahok sa burges na parlyamento, laban sa pagsanib ng komunistang taliba sa mga sentristang partido para mabigyang ilusyon ng "pangmasang impluwensya", laban sa islogan ng Pakikipag-isang Prente at sa "gobyerno ng manggagawa" ay nakabatay sa malinaw na pag-intindi sa marxistang pamamaraan.
10. Ang pagkabukod ng rebolusyon sa Rusya ay tumungo sa lumalaking paghihiwalay sa pagitan ng uring manggagawa at sa lalong naging burukratiko na makinarya ng estado -- ang pinakamasamang ekspresyon ng hiwalayang ito ay ang pagsupil sa mga rebolusyonaryong manggagawa at marino sa Kronstadt ng mismong Bolshevik na partido ng manggagawa, na lalo pang nasalubid sa estado.
Pero dahil sa ito ay isang tunay na proletaryong partido, ang Bolshevismo ay nagdulot din ng maraming internal na reaksyon laban sa sariling panghihina. Si Lenin mismo -- sa 1917 ang pinakamahusay na tagapagsalita ng kaliwang bahagi ng partido -- nagsagawa ng malubhang pagpuna na may kaugnayan sa pagdausdos ng partido tungo sa burukratismo, partikular sa panahon na malapit na siyang mamatay, at sa parehong panahon, si Trotsky ang naging pangunahing representante ng kaliwang oposisyon na naghahangad maibalik muli ang klase ng proletaryong demokrasya sa loob ng partido, at nakipaglaban sa pinakamasahol na ekspresyon ng Stalinistang kontra-rebolusyon, partikular ang teorya ng "sosyalismo sa isang bansa". Pero dahil sa kalakhan ay pinarupok ng Bolshebismo ang kanyang sariling papel bilang proletaryong taliba sa pamamagitan ng pagsanib sa estado, ang pinakamahalagang tendensya ng kaliwa sa loob ng partido ay napunta sa hindi masyadong kilala na mga personahe na siyang naging mas malapit sa uri kaysa estado.
Noong 1919, ang Grupo ng Demokratikong Sentralismo, na pinamunuan nila Ossinki, Smirnov at Sapranov ay nagsimulang nagbabala laban sa "unti-unting paglaho" ng mga sobyet at ang lumalaking pagtalikod sa mga prinsipyo ng Komyun ng Paris. Magkatulad na kritisismo ang nangyari sa 1921 ng Grupo ng Oposisyong Manggagawa na pinamunuan nila Kollantai at Shliapnikov, kahit na ang huli ay napatunayang hindi masyadong matatag at nagtagal kaysa grupong "Decist", na patuloy na gumagampan ng mahalagang papel sa buong 20s, at nagpaunlad ng mga katulad na pamamaraan sa kaliwang Italyano. Sa 1923, ang Grupo ng Manggagawa sa pamumuno ni Miasnikov ay nagpalabas ng Manipesto at nagsagawa ng mahalagang interbensyon sa mga welga ng manggagawa ng taong iyon. Ang kanyang mga posisyon at pagsusuri ay katulad ng sa KAPD.
Lahat ng mga grupong ito ay hindi lang lumitaw mula sa partidong Bolshevik; patuloy silang nakipaglaban sa loob ng partido para makabalik sa orihinal na mga prinsipyo ng rebolusyon. Subalit habang ang mga pwersa ng kontra-rebolusyon ay umaakyat na sa hirarkeya sa loob ng partido; ang susing isyu ay ang kapasidad ng iba't-ibang grupong oposisyon na makita ang totoong kalikasan ng kontra-rebolusyon at basagin ang anumang sentimental na katapatan sa kanyang organisadong ekspresyon. Ito ang nagpatunay sa pundamental na kaibahan ni Trotsky at sa kaliwang komunistang Ruso: habang ang una ay nanatili sa buong buhay niya na natali sa paniniwala sa pagtatanggol sa Unyong Sobyet at kahit sa proletaryong kalikasan ng mga Stalinistang partido, ang mga kaliwang komunista ay nakikita na ang tagumpay ng Stalinismo -- kasama ang "kaliwang" pihit nito, na nakakalito sa maraming tagasunod ni Trotsky -- ay nagkahulugan sa tagumpay ng kaaway sa uri at nagpahiwatig ng pangangailangan ng bagong rebolusyon.
Subalit, marami sa mga magagaling na elemento ng Trotskyistang oposisyon -- ang tinatawag na "ayaw sumunod" -- mismo ay tumungo sa posisyon ng kaliwang komunista sa huling bahagi ng 30s. Pero ang Stalinistang terror ay dumurog sa halos lahat ng mga grupong ito sa katapusan ng dekada.
11. Ang 1930s, sa mga salita ni Victor Serge, ay tinaguriang "hatinggabi ng siglo". Ang huling mga alipato ng apoy ng rebolusyonaryong agos -- ang pangkalahatang welga sa Britanya sa 1926, ang pag-alsa sa Shanghai sa 1927, ay napatay na. Ang mga partido komunista ay naging partido ng pambansang pagtatanggol; ang pasista at Stalinistang terror ay pinakamabangis doon mismo sa mga bansang pinakamalakas ang rebolusyonaryong kilusan; at ang buong kapitalistang mundo ay naghahanda para sa panibagong imperyalistang holocaust. Sa ganitong kondisyon, ang nakaligtas na rebolusyonaryong minorya ay nahaharap sa pagtapon, panunupil, at lalong pagkabukod. Habang ang uri sa pangkalahatan ay sumuko sa demoralisasyon at sa ideolohiya ng gera ng burgesya, hindi maaasahan ng mga rebolusyonaryo na magkaroon sila ng malawakang impluwensya sa kagyat na mga pakikibaka ng uri.
Ang pagkabigo ni Trotsky na maintindihan ito ay lalong umakay sa kanyang kaliwang oposisyon tungo sa oportunistang direksyon -- ang "French turn" tungo sa mga sosyal-demokratikong partido, kapitulasyon sa anti-pasismo, at iba pa -- sa bigong pag-asa na "makuha ang masa". Ang ultimong resulta ng tunguhing ito, para sa Trotskyismo sa halip na kay Trotsky mismo, ay ang integrasyon nito sa makinaryang pandigma ng burgesya sa panahon ng 1940s. Mula noon ang Trotskyismo, tulad ng sosyal-demokrasya at Stalinismo, ay naging bahagi na ng pampulitikang makinarya ng kapital, na kahit pa man sa lahat ng pagkukunwari nito, ay wala ng anupamang kinalaman sa pagpapatuloy ng marxismo.
12. Kabaliktaran sa ganitong linya, ang kaliwang praksyong Italyano sa pamamagitan ng rebyung Bilan ay angkop na ipinaliwanag ang tungkulin ng panahon: una, huwag magtraydor sa batayang mga prinsipyo ng internasyonalismo sa harap ng martsa papuntang gera; ikalawa, gumawa ng "pagtatasa" sa kabiguan ng rebolusyonaryong alon at sa rebolusyong Ruso sa partikular, at ipaliwanag ng mabuti ang mga wastong aral para magsilbing teoritikal na pundasyon sa mga bagong partido na lilitaw sa darating na muling pagbangon ng makauring tunggalian.
Ang digmaan sa Espanya ay isang partikular na mabagsik na pagsubok para sa mga rebolusyonaryo ng panahong iyon, karamihan sa kanila ay sumuko sa sirena ng anti-pasismo at bigong makita na ang digmaan ay imperyalista sa parehong magkabilang panig, isang pangkalahatang pagsasanay para sa darating na pandaigdigang digmaan. Pero matatag na nanindigan ang Bilan, nanawagan ng makauring pakikibaka laban sa parehong mga paksyong pasista at republikano ng burgesya, tulad ng pagkondena ni Lenin sa parehong panig sa Unang Imperyalistang Digmaan.
At kasabay nito, ang teoritikal na kontribusyon na ginawa ng tendensyang ito -- na sa kalaunan umabot sa mga praksyon ng Belgium, Pransya at Mexico -- ay napakalaki at hindi mapapalitan. Sa kanyang pagsusuri sa paghina ng rebolusyong Ruso -- na hindi tumungo sa pag-aalinlangan sa proletaryong katangian ng 1917; sa kanyang imbestigasyon sa mga problema sa darating na yugto ng transisyon; sa kanyang mga sulatin hinggil sa pang-ekonomiyang krisis at sa mga pundasyon ng dekadenteng kapitalismo; sa kanyang malinaw na pagpapaliwanag sa teorya ng partido at sa praksyon; sa kanyang walang humpay na pakikipagtunggali at palitan sa ibang proletaryong pampulitikang tunguhin; dito at sa iba pang mga larangan, ang kaliwang praksyong Italyano ay walang duda na nagpatupad sa tungkulin na ilatag ang programatikong batayan para sa proletaryong organisasyon sa hinaharap.
13. Ang pagkabiyak-biyak ng mga grupo ng kaliwang komunista sa Alemanya ay tinapos ng Nazismo, kahit may ilang tagong rebolusyonaryong pagkilos na patuloy na ginagawa ilalim sa rehimen ni Hitler. Sa panahon noong 1930s, ang pagtatanggol sa rebolusyonaryong posisyon ng kaliwang Aleman ay sa kalakhan ay ginagawa sa Holland, partikular sa mga sulatin ng Grupo ng mga Internasyonalistang Komunista, at sa Amerika din sa grupong pinamumunuan ni Paul Mattick. Tulad ng Bilan, ang kaliwang Dutch ay nanatiling tapat sa internasyonalismo sa harap ng lahat ng lokal na imperyalistang digmaan, na nagbukas tungo sa pandaigdigang patayan, itinakwil ang tukso sa "pagtatanggol sa demokrasya".
Patuloy itong nagpapalalim sa kanyang pag-aaral sa usapin hinggil sa unyonismo, sa bagong mga porma sa organisasyon ng manggagawa sa panahon ng naaagnas na kapitalismo, sa materyal na batayan ng kapitalistang krisis, at ang tendensya tungong kapitalismo ng estado. Patuloy itong gumagawa ng mahalagang interbensyon sa makauring pakikibaka laluna sa mga walang trabaho. Pero ang kaliwang Aleman, na nadala sa pagkatalo ng rebolusyong Ruso, ay lalong dumausdos tungo sa konseholista na pagtakwil sa pampulitikang organisasyon -- at kung gayon, walang malinaw na papel para sa sarili. Kakambal nito ay ang buong pagtakwil sa Bolshevismo at sa rebolusyong Ruso, na kinikilalang burges mula sa simula. Ang mga teorisasyon na ito ay binhi ng kanyang pagbagsak sa hinaharap. Kahit na nagpatuloy ang kaliwang komunismo sa Holland sa ilalim ng okupasyon ng Nazi at nakapagbuo ng mahalagang organisasyon pagkatapos ng gera -- ang Spartacusbund; na sa una ay bumalik tungo sa maka-partido na posisyon ng KAPD -- ang konsesyon ng kaliwang Dutch sa anarkismo sa usaping organisasyonal ay naging pahirap sa kanya sa pagpapanatili ng anumang organisadong pagpapatuloy sa huling mga taon. Ngayon ay malapit ng maglaho ang tendensyang ito.
14. Ang kaliwang Italyano, sa kabilang banda, ay nakapagpanatili ng organisasyunal na pagpapatuloy, pero hindi pumayag ang kontra-rebolusyon na walang makukuhang kabayaran. Bago pa ang digmaan, ang praksyong Italyano ay nagkawatak-watak dahil sa "teorya ng pang-ekonomiyang gera" na tumangging nalalapit na ang pandaigdigang digmaan pero nagpatuloy ang kanyang pagkilos partikular sa paglitaw ng praksyong Pranses sa kalagitnaan ng imperyalistang kaguluhan. Sa pagtatapos ng digmaan, ang pagputok ng mayor na pakikibaka ng proletaryado sa Italya ay lumikha ng lalong kalituhan sa hanay ng praksyon, nang ang mayorya ay bumalik sa Italya para buuin, kasama si Bordiga na naging di-aktibo sa pulitika mula sa huling dekada ng 20s, ang Internasyunalistang Partido Komunista ng Italya, na kahit tutol sa imperyalistang digmaan ay itinayo sa hindi malinaw na programatikong batayan at sa maling pagsusuri sa panahong yaon na ipinalagay na isang sumusulong na rebolusyonaryong pakikidigma.
Ang pampulitikang oryentasyon na ito ay tinutulan ng mayorya ng praksyong Pranses na mas madaling nakakita na ang yugto ay nanatiling pagtatagumpay ng kontra-rebolusyon, at samakatwid ang mga tungkulin ng praksyon ay hindi pa nakompleto.
Kaya ang Gauche Communiste de France ay nagpatuloy sa pagkilos sa diwa ng Bilan, at habang hindi pinabayaan ang responsibilidad sa interbensyon sa kagyat na pakikibaka ng uri, nagkonsentra sa kanyang pagsisikap sa gawaing pampulitika at teoretikal na klaripikasyon, at nakagawa ng maraming importanteng pagsulong, partikular sa usapin ng kapitalismo ng estado, ang yugto ng transisyon, ang unyon at ang partido. Habang mahigpit na pinanindigan ang marxistang pamamaraan na katulad ng kaliwang komunistang Italyano, nagawa din nitong isanib ang iilan sa pinakamahusay na kontribusyon ng kaliwang Aleman-Dutch sa kanyang pangkabuuang programatikong sangkap/armori.
15. Subalit sa 1952, dahil sa pagkamamali nito hinggil sa paniniwala sa nalalapit na ikatlong digmaang pandaigdig, nabuwag ang GCF. Sa parehong taon, ang IPK sa Italya ay nagambala sa pagkabiyak sa pagitan ng "Bordigistang" tendensya at ang tendensyang pinamunuan ni Onorato Damen, isang militante na nanatiling aktibo sa pulitika sa Italya sa buong pasistang panahon. Ang "Bordigistang" tendensya ay mas malinaw sa kanyang pag-intindi sa reaksyunaryong katangian ng yugto, pero sa kanyang pagsisikap na matatag na manindigan sa marxismo ay nauwi pabalik sa dogmatismo. Ang kanyang (bago!) teorya ng "di-nagbabagong maxismo" ang nagtulak sa kanya sa lalong pagbalewala sa mga pagpapaunlad na ginawa ng Praksyon sa dekada treynta at umatras pabalik sa "kinaugalian" ng Komunistang Internasyonal sa maraming isyu. Ang klase-klaseng mga Bordigistang grupo ngayon (tatlo sa kanila ay tinatawag ang mga sarili na "Internasyunal na Partido Komunista) ay direktang inanak ng tendensyang ito.
Ang tendensyang Damen ay mas malinaw sa batayang pampulitikang usapin tulad ng papel ng partido, usaping unyon, pambansang pagpapalaya at kapitalismo ng estado, pero hindi dumako sa mga ugat ng kamaliang nagawa sa orihinal na pagbuo ng IPK. Sa panahon ng 1950s at 1960s, ang mga grupong ito ay tumigil sa pampulitikang pagkilos, sa partikular ang Bordigistang tendensya para "protektahan" ang sarili sa likod ng pader ng sektaryanismo. Halos natapos ng burgesya ang pagpawi sa lahat ng organisadong ekspresyon ng marxismo, sa pagputol sa mahalagang lubid na dugtong sa mga rebolusyonaryong organisasyon sa kasalukuyan sa dakilang tradisyon ng kilusang manggagawa.
16. Sa katapusan ng 1960s, muling lumitaw sa entablado ng kasaysayan ang manggagawa sa pangkalahatang welga sa Pransya sa 1968, at ang sumunod na pagsabog ng mga pakikibaka ng manggagawa sa buong daigdig. Ang panunumbalik nito ay nagsilang ng mga bagong pulitikalisadong mga elemento na naghahanap ng kalinawan para sa komunistang posisyon, nagbigay ng bagong buhay sa umiiral na mga rebolusyonaryong grupo at pagkatapos ay nagpalitaw ng mga bagong organisasyon na naghahangad ibalik ang minanang tradisyon at akumulasyon ng mga posisyon ng kaliwang komunista. Sa una, itong bagong pampulitikang mga grupo, bilang reaksyon sa "awtoritaryan" na imahe ng Bolshevismo, ay malalim na nahulma sa konseholistang ideolohiya, pero habang ito ay umaabot na sa kawastohan ng pag-iisip, lalong nagawa nitong ilagay sa likod nito ang anti-organisasyonal na bias at nakita ang pagpapatuloy nito sa buong marxistang tradisyon.
Hindi aksidental na sa kasalukuyan, halos lahat na umiiral na rebolusyonaryong grupo ay inanak mula sa kaliwang Italyano na tendensya, na naglagay ng mariing diin sa usaping organisasyunal at sa pangangailangang i-preserba ng buo ang rebolusyonaryong tradisyon. Magkatulad ang mga grupong Bordigista at ang International Bureau for the Revolutionary Party na mga tagapagmana ng Internasyunalistang Partido Komunista ng Italya, habang ang Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa malaking bahagi ay inanak ng Gauche Communiste de France.
17. Ang muling pagbangon ng proletaryado sa katapusan ng 60s ay tumahak ng pasikut-sikot na daan, tumahak sa mga pagkilos na pagsulong at pag-atras, sumalubong ng maraming harang sa daan, kung saan wala ng mas hihigit pa kaysa kampanya ng burgesya hinggil sa kamatayan ng komunismo, bahagi nito ang direktang pag-atake sa kaliwang komunista mismo, maling pinaratangan at nilait na siyang pinanggalingan ng "negationistang" tunguhin na tumanggi sa pag-iral ng Nazi gas chambers.
Ang kahirapan sa buong prosesong ito ay nagdulot ng maraming paghihirap sa daraanan ng rebolusyonaryong pagkilos at layunin, sumasagka sa kanyang paglaki at pagsulong, at sagabal sa kanyang pagkakaisa. Pero kahit sa ganitong mga kahinaan, ang "kaliwang komunistang" kilusan ngayon ang natitirang tanging buhay na karugtong sa tunay na marxismo, ang tanging posibleng "tulay" sa pagbuo ng pandaigdigang partido komunista sa hinaharap. Kaya lubhang napaka-importante na ang bagong mga militanteng elemento na patuloy na lumilitaw sa buong mundo sa panahon ngayon, anuman ang mangyari, na makipag-ugnayan sa mga grupo ng kaliwang komunista, makipag-debate sa kanila, at sa huli ay makipag-isang pwersa sa kanila; at sa pamamagitan nito ay magagawa nila ang kanilang sariling kontribusyon sa pagbuo ng rebolusyonaryong partido, at kung wala ito ay walang magtatagumpay na rebolusyon.
Internasyunal na Komunistang Tunguhin, Septyembre 1998