Hindi Israel o Palestine! Ang mga manggagawa ay walang bansa!

Printer-friendly version

Simula noong Sabado, isang delubyo ng apoy at bakal ang umuulan sa mga taong naninirahan sa Israel at Gaza. Sa isang panig, Hamas. Sa kabilang panig, ang hukbo ng Israel. Sa gitna, ay mga sibilyan na binobomba, binabaril, pinatay at hinostage. Libu-libo na ang namatay.

Sa buong mundo, nanawagan ang burgesya na pumili tayo ng panig. Para sa Palestine laban sa pang-aapi ng Israel. O para sa tugon ng Israel laban sa terorismo ng Palestine. Tinuligsa ng bawat isa ang barbaridad ng katunggali upang bigyang katwiran ang digmaan. Sa loob ng ilang dekada inaapi ng estado ng Israel ang mamamayang Palestino, sa pamamagitan ng blokeyo, pang-uusig, checkpoint at pagpapahiya, kaya lehitimo ang paghihiganti. Ang mga organisasyong Palestino ay pumapatay ng mga inosenteng tao sa pamamagitan ng mga pag-atake gamit ang kutsilyo at pambobomba. Bawat panig ay nanawagan na patayn ang katunggali.

Ang nakamamatay na lohikang ito ay lohika ng imperyalistang digmaan! Ang ating mga mapagsamantala at ang kanilang mga estado ang laging naglulunsad ng walang awang digmaan para ipagtanggol ang kanilang sariling interes. At tayo, ang uring manggagawa, ang pinagsasamantalahan, ang laging nagbabayad, ng ating buhay.

Para sa atin, mga proletaryado, walang panig na pipiliin, wala tayong bansa, walang bansang ipagtatanggol! Sa magkabilang panig ng hangganan, tayo ay magkapatid sa uri! Israel man o Palestine!

Walang katapusan ang digmaan sa Gitnang Silangan

Ang ikadalawampung siglo ay siglo ng mga digmaan, ang pinakamalupit na digmaan sa kasaysayan ng tao, at wala sa mga ito ang nagsilbi sa interes ng mga manggagawa. Ang huli ay palaging tinatawag na lumahok at mamatay na milyun-milyon ang bilang para sa interes ng mga nagsasamantala sa kanila, sa ngalan ng pagtatanggol sa "amang bayan", "sibilisasyon", "demokrasya", maging sa "sosyalistang inang bayan" (tulad ng ipinakilala ni Stalin sa USSR at sa gulag).

Ngayon, may panibagong digmaan sa Gitnang Silangan. Sa magkabilang panig, nanawagan ang mga naghaharing paksyon sa mga pinagsamantalahan na "ipagtanggol ang sariling bayan", Hudyo man o Palestino. Ang mga manggagawang Hudyo sa Israel ay pinagsamantalahan ng mga kapitalistang Hudyo, ang mga manggagawang Palestino na pinagsasamantalahan ng mga kapitalistang Hudyo o ng mga kapitalistang Arabo (at kadalasan ay mas mabangis kaysa sa mga kapitalistang Hudyo dahil, sa mga kumpanyang Palestino, ang batas sa paggawa ay batas pa rin ng dating Imperyong Ottoman).

Mabigat na nagdurusa ang mga manggagawang Hudyo dahil sa kabaliwan ng burgesya sa digmaan na dinanas nila sa loob ng limang digmaan mula pa noong 1948. Sa sandaling nakalabas sila mula sa mga kampo ng konsentrasyon at ghettos ng Uropa na winasak ng pandaigdigang digmaan, ang mga lolo at lola ng mga taong ngayon ay nagsusuot ng uniporme ng Tsahal (Israel Defence Forces) ay hinatak sa digmaan sa pagitan ng Israel at ng mga bansang Arabo. Pagkatapos ay ang kanilang mga magulang ay nagbayad ng dugo sa mga digmaan ng '67, '73 at '82. Ang mga sundalong ito ay hindi kasuklam-suklam na mga berdugo na ang tanging iniisip ay patayin ang mga batang Palestino. Sila ay mga batang conscript, karamihan ay mga manggagawa, na namamatay sa takot at pagkasuklam, na napilitang kumilos bilang mga pulis at ang mga utak ay puno ng propaganda tungkol sa "barbaridad" ng mga Arabo.

Ang mga manggagawang Palestino din, ay teribleng nagbayad ng dugo. Pinalayas mula sa kanilang mga tahanan noong 1948 sa pamamagitan ng digmaang isinagawa ng kanilang mga lider, ginugol nila ang karamihan sa kanilang buhay sa mga kampo ng konsentrasyon, na naka-conscript bilang mga tinedyer sa Fatah, PFLP o milisya ng Hamas.

Ang pinakamalaking masaker sa mga Palestino ay hindi isinagawa ng hukbo ng Israel, kundi ng mga bansang doon sila itinapon, tulad ng Jordan at Lebanon: noong Setyembre 1970 ("Black September") maramihan silang pinatay ng "Little King" na si Hussein, hanggang sa punto na ang ilan sa kanila ay lumikas papuntang Israel upang makatakas sa kamatayan. Noong Setyembre 1982, pinaslang sila ng mga milisyang Arabo (aminadong Kristiyano at kaalyado ng Israel) sa mga kampo ng Sabra at Shatila sa Beirut.

Nasyonalismo at relihiyon, lason para sa mga pinagsamantalahan

Ngayon, sa ngalan ng "Palestinian homeland", ang mga manggagawang Arabo ay muling pinakilos laban sa mga Israeli, na ang karamihan sa kanila ay mga manggagawang Israeli, gayundin ang huli ay hinihikayat na mamatay para ipagtanggol ang "lupang pangako".

Kasuklam-suklam na umaagos ang propagandang nasyonalista mula sa magkabilang panig, ang propagandang nagpapamanhid ng isip na dinisenyo upang gawing mabangis na hayop ang mga tao. Mahigit kalahating siglo na itong iwinasiwas ng burgesya ng Israel at Arabo. Ang mga manggagawang Israeli at Arabo ay palaging sinabihan na kailangan nilang ipagtanggol ang lupain ng kanilang mga ninuno. Para sa una, ang sistematikong militarisasyon ng lipunan ay naging mapagkubkob na psychosis upang gawin silang "mabubuting sundalo". Para sa huli, ang hangarin ay nakatuon sa pakikipaglaban sa Israel upang magkaroon ng tahanan. At upang magawa ito, ang mga pinuno ng mga bansang Arabo kung saan sila ay mga refugee ay itinabi sa kampo ng konsentrasyon sa loob ng ilang dekada, na may hindi matiis na mga kondisyon ng pamumuhay.

Ang nasyonalismo ay isa sa pinakamasamang ideolohiyang inimbento ng burgesya. Ito ay ideolohiya na tinatakpan ang antagonismo sa pagitan ng mga mapagsamantala at pinagsamantalahan, upang pag-isahin silang lahat sa likod ng iisang watawat, kung saan ang mga pinagsamantalahan ay papatayin para paglingkuran ang mga mapagsamantala, sa pagtatanggol sa interes at pribilehiyo ng naghaharing uri.

Upang makompleto ang lahat ng ito, sa digmaang ito ay idinagdag ang lason ng propaganda ng relihiyon, isang klase na lumikha ng nakakabaliw na panatisismo. Ang mga Hudyo ay pinakilos para ipagtanggol ang Wailing Wall ng Templo ni Solomon sa pamamagitan ng kanilang dugo. Ang mga Muslim ay kailangang magbuwis ng kanilang buhay para sa Mosque ng Omar at sa mga banal na lugar ng Islam. Ang nangyayari ngayon sa Israel at Palestine ay malinaw na patunay na ang relihiyon ay "opyum ng mga tao", tulad ng sinabi ng mga rebolusyonaryo ng ika-19 siglo. Ang layunin ng relihiyon ay aliwin ang mga pinagsamantalahan at inaapi. Sinabihan sila na ang buhay sa lupa ay impiyerno at maging masaya sila matapos mamatay kung alam nila paano maliligtas. At ang kaligtasang ito ay makakamit sa pamamagitan ng sakripisyo, pagpapasakop, kahit na isuko ang kanilang buhay sa paglilingkod sa "banal na digmaan".

Ang katotohanan, sa simula ng ika-21 siglo, ang mga ideolohiya at pamahiin na nagmula pa noong sinaunang panahon o ng Middle Ages ay malawak pa ring ginagamit upang himukin ang mga tao na isakripisyo ang kanilang buhay ay malawakang pinakita sa nalulubog sa barbarismo na Gitnang Silangan, kasama ang iba pang maraming bahagi ng mundo.

Mga malalaking kapangyarihan ang may pananagutan sa digmaan

Ang mga pinuno ng mga malalaking kapangyarihan ang lumikha ng mala-impiyernong sitwasyon kung saan ang mga pinagsamantalahang mamamayan ng rehiyong ito ay libu-libong namamatay ngayon. Ito ay ang burgesya ng Uropa, at partikular na ang burgesyang Briton sa kanyang "Balfour Declaration" ng 1917, na, upang hatiin at sakupin, ay nagpahintulot sa paglikha ng isang "tahanan ng mga Hudyo" sa Palestine, kaya itinataguyod ang sobinistang utopyang Zionismo. Ang mga burgesya ring ito pagkatapos manalo sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay itinapon ang daan-daang libong mga Hudyo sa Gitnang Uropa sa Palestine pagkatapos lisanin ang mga kampo o malayong gumagala mula sa rehiyong pinagmulan. Nangangahulugan ito na hindi nila kailangang dalhin sila sa kanilang mga bansa.

Ang mga burgesya ring ito, una ang mga Briton at Pranses, pagkatapos ay ang burgesyang Amerikano, ang matinding nag-armas sa Estado ng Israel upang bigyan ito ng papel bilang sibat ng bloke ng Kanluran sa rehiyong ito noong panahon ng Cold War, samantalang ang USSR, sa panig nito, ay inarmasan ang mga kaalyado nitong Arabo hangga't maaari. Kung wala ang mga malalaking "sponsors" na ito, hindi magaganap ang mga digmaan noong 1956, ‘67, ‘73 at ‘82.

Ngayon, ang mga burgesya ng Lebanon, Iran at marahil Russia ay inarmasan at nagtutulak sa Hamas. Ang Estados Unidos ay nagpadala lamang ng pinakamalaking aircraft carrier nito sa Mediterranean at inihayag ang mga panibagong pagbigay ng armas sa Israel. Sa katunayan, ang lahat ng mga mayor na kapangyarihan ay direktang lumahok sa digmaang ito at sa mga masaker na ito!

Ang panibagong digmaang ito ay nagbabanta na ibalibag sa matinding kaguluhan ang buong Gitnang Silangan! Hindi ito ang kataposan ng pagdalamhati sa madugong tunggalian sa sulok na ito ng mundo. Ang lawak ng mga pagpatay ay nagpahiwatig na ang barbaridad ay umabot na sa bagong antas: ang mga kabataang sumasayaw sa piyesta ng putok ng mga machine gun, mga kababaihan at mga bata na malapitang pinatay sa kalye, na walang ibang layunin kundi ang masiyahan sa pagnanais na makapaghiganti, sunud-sunod na mga pambobomba para lipulin ang buong populasyon, dalawang milyong tao sa Gaza ang pinagkaitan ng lahat, tubig, kuryente, gas, pagkain... Walang lohikang militar sa lahat ng kalupitan na ito, sa lahat ng krimen na ito! Ang magkabilang panig ay nalublob sa pinaka-kakila-kilabot at di-makatwirang galit na pumatay!

Pero may mas seryoso pa: hindi na muling magsasara ang Pandora’s box na ito. Tulad ng Iraq, Afghanistan, Syria at Libya, wala ng atrasan, walang "panunumalik ng kapayapaan". Hinahatak ng kapitalismo ang lumalaking bahagi ng sangkatauhan sa digmaan, kamatayan at pagkabulok ng lipunan. Ang digmaan sa Ukraine ay halos dalawang taon nang nagaganap at nakulong sa walang katapusang patayan. May mga masaker din sa Nagorno-Karabakh. At may banta na ng panibagong digmaan sa pagitan ng mga bansa ng dating Yugoslavia. Ang kapitalismo ay digmaan!

Upang wakasan ang digmaan, kailangang ibagsak ang kapitalismo

Ang mga manggagawa ng lahat ng bansa ay kailangang tumanggi na pumanig sa anumang burges na kampo. Sa partikular, kailangan nilang tumangging magpaloko sa retorika ng mga partidong nagsasabing para sa uring manggagawa, ng mga partido ng kaliwa at dulong-kaliwa, na humihiling sa kanila na magpakita ng "pagkakaisa sa masang Palestino" sa kanilang paghahanap ng kanilang karapatan sa isang "sariling bayan". Ang sariling bayan ng Palestino ay walang iba kundi isang burges na estado na naglilingkod sa uring mapagsamantala at inaapi ang mga masang ito, na may mga pulis at bilangguan. Ang pakikiisa ng mga manggagawa ng mga pinaka-abanteng kapitalistang bansa ay hindi para sa mga "Palestino" tulad ng hindi ito para sa mga "Israeli", na mayroong mapagsamantala at pinagsamantalahan. Ito ay para sa mga manggagawa at walang trabaho ng Israel at Palestine (na, higit sa lahat, ay naglunsad ng mga pakikibaka laban sa mga nagsamantala sa kanila sa kabila ng lahat ng brainwashing sa kanila), tulad ng ginagawa ng mga manggagawa sa iba pang mga bansa ng mundo. Ang pinakamagandang pakikiisa na maibibigay nila ay tiyak hindi upang hikayatin sila sa kanilang mga ilusyon ng nasyonalismo.

Ang solidaridad na ito ay higit sa lahat ay nangangahulugan ng pagpapaunlad ng kanilang pakikibaka laban sa kapitalistang sistema na responsable sa lahat ng digmaan, isang pakikibaka laban sa kanilang sariling burgesya.

Makakamit ng uring manggagawa ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagbagsak sa kapitalismo sa pandaigdigang saklaw, at ngayon ito ay nangangahulugan ng pagpapaunlad ng mga pakikibaka nito sa makauring tereyn, laban sa napakalupit na pag-atake sa ekonomiya na pinataw na isang sistema na nasa wala ng kalutasan na krisis.

Laban sa nasyonalismo, laban sa mga digmaan na nais kayong hatakin ng mga nagsasamantala sa inyo:

Mga manggagawa ng lahat ng bansa, magkaisa!


IKT, 9 Oktubre 2023

Source URL: https://en.internationalism.org/content/17406/neither-israel-nor-palestine-workers-have-no-fatherland

 

Rubric: 

Barbarismo sa Gitnang Silangan