Submitted by Internasyonalismo on
Attachment | Size |
---|---|
internasyunal_polyeto_abril_2023.pdf | 30.1 KB |
"Tama na!" - Britanya. "Hindi dagdag na isang taon, walang kaltas ni isang euro" - Pransya. "Lumalalim ang galit" - Espanya. "Para sa ating lahat" - Alemanya. Ang lahat ng mga islogan na ito, na sinisigaw sa buong mundo sa panahon ng mga welga sa mga nakaraang buwan, ay nagpapakita kung gaano ipinahayag ng mga pakikibaka ng kasalukuyang manggagawa ang pagtanggi sa pangkalahatang paglala ng ating pamumuhay at kalagayan sa pagtrabaho. Sa Denmark, Portugal, Netherlands, Estados Unidos, Canada, Mexico, China... ang parehong mga welga laban sa parehong hindi na talaga matiis na pagsasamantala. "Ang tunay na hirap: hindi makapag-init, kumain, mag-alaga sa sarili, magmaneho!"
Ngunit ang ating mga pakikibaka ay higit pa dyan. Sa mga demonstrasyon, nagsimula nating makita sa ilang mga plakard ang pagtutol sa digmaan sa Ukraine, ang pagtutol na gumawa ng mas maraming mga armas at bomba, upang higpitan ang ating mga sinturon sa ngalan ng pag unlad ng ekonomiya ng digmaan: "Walang pera para sa digmaan, walang pera para sa mga armas, pera para sa sahod, pera para sa mga pensiyon" naririnig natin sa panahon ng mga demonstrasyon sa Pransya. Ipinapahayag din nila ang pagtutol na makita ang planeta na nawasak sa ngalan ng tubo.
Ang ating mga pakikibaka ay ang tanging tumututol sa ganitong dinamiko ng pagwasak-sa-sarili, ang tanging tumututol sa kamatayan na ipinangako ng kapitalismo sa buong sangkatauhan. Dahil, iniwanan ng sariling lohika nito, ang dekadenteng sistemang ito ay hinahatak ang mas malaking bahagi ng sangkatauhan sa digmaan at kapighatian, sisirain nito ang planeta ng greenhouse gases, sirang kagubatan, at bomba.
Dinadala ng kapitalismo ang sangkatauhan sa kapahamakan!
Ang uri na naghari sa lipunan ng mundo, ang burgesya, ay bahagyang alam ang katotohanang ito, ang barbarikong kinabukasan na ipinangako sa atin ng naghihingalong sistema nito. Kailangan mo lamang basahin ang mga pag aaral at prediksyon ng sarili nitong mga eksperto upang makita ito.
Ayon sa "Global Risks Report" na iniharap sa World Economic Forum sa Davos noong Enero 2023: "Ang mga unang taon ng dekada na ito ay nagpahayag ng isang partikular na nakakagambala na panahon sa kasaysayan ng tao. Ang pagbabalik sa isang 'bagong normal' kasunod ng pandemyang COVID 19 ay mabilis na ginambala ng pagsiklab ng digmaan sa Ukraine, na simula ng panibagong serye ng krisis sa pagkain at enerhiya [...]. Sa 2023, nagsimulang naharap ang mundo sa serye ng mga panganib [...]: implasyon, krisis sa gastos ng pamumuhay, mga digmaang pangkalakalan [...], komprontasyong geopolitikal at ang multo ng digmaang nukleyar [...], hindi masustining laki ng utang [...], pagbaba ng pag-unlad ng tao [...], ang lumalaking presyur ng pagbabago ng klima sa mga epekto at ambisyon [...]. Pagsama-samahin, ang mga ito ay nagsalubungan upang hubugin ang isang natatangi, hindi tiyak at magulong dekada na darating."
Sa totoo lang, ang darating na dekada ay hindi gaanong "walang katiyakan" tulad ng sinasabi ng parehong Ulat: "Ang susunod na dekada ay mailalarawan sa pamamagitan ng krisis sa kapaligiran at lipunan [...], ang 'krisis sa gastos ng pamumuhay' [...], pagkawala ng biodiversity at pagbagsak ng ecosystem [...], komprontasyon sa geo-ekonomiko [...], malakihang sapilitang migrasyon [...], pandaigdigang pagkapira-piraso ng ekonomiya, tensyong geo-politikal [...]. Naging pamantayan na digmaang pang-ekonomiya, na may pagtaas ng komprontasyon sa pagitan ng mga pandaigdigang kapangyarihan [...]. Ang kamakailang pagtaas sa paggasta ng militar [...] ay maaaring humantong sa isang pandaigdigang paligsahan ng armas [...], na may naka-target na pag deploy ng mga bagong teknolohiya ng armas na may potensyal ng mas mapanirang lawak kaysa sa nakikita sa mga nakaraang dekada."
Sa harap ng napakalaking perspektibang ito, walang magagawa ang burgesya. Hindi ito at ang sistema nito ang solusyon, sila ang dahilan ng problema. Kung, sa mainstream media, sinusubukan nitong papaniwalain tayo na ginagawa nito ang lahat upang labanan ang global warming, na posible ang isang "berde" at "sustainable" na kapitalismo, alam nito ang lawak ng mga kasinungalingan nito. Dahil, tulad ng tinutukoy ng 'Global Risks Report': "Ngayon, ang mga antas ng atmospera ng carbon dioxide, methane at nitrous oxide ay lahat umabot sa napakataas. Malamang hindi makamit ang pandaigdigang ambisyon ng target na emisyon na limitahan ang pag-init sa 1.5°C. Ang mga kamakailang pangyayari ay naglantad ng isang pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang kinakailangan ng syensya at kung ano ang kapaki-pakinabang sa pulitika."
Sa totoo lang, ang "pagkakaiba" na ito ay hindi limitado sa isyu ng klima. Ipinapahayag nito ang pundamental na kontradiksyon ng isang sistemang pang-ekonomiya na nakabatay hindi sa satispaksyon ng pangangailangan ng tao kundi sa tubo at kompetisyon, sa pagkaganid sa likas na yaman at sa mabangis na pagsasamantala sa uri na lumilikha ng karamihan sa yamang panlipunan: ang proletaryado, ang mga sahurang manggagawa ng lahat ng bansa.
Posible pa ba ang iba pang kinabukasan?
Ang kapitalismo at burgesya ay isa sa dalawang haligi ng lipunan, ang isa ay dinadala nito ang sangkatauhan tungo sa kahirapan at digmaan, tungo sa barbarismo at pagkawasak. Ang kabilang haligi ay ang proletaryado at ang pakikibaka nito. Sa loob ng isang taon, sa mga kilusang panlipunan na umuunlad sa Pransya, Britanya, at Espanya, ang mga manggagawa, pensyonado, ang mga walang trabaho at mga estudyante ay magkasama. Ang aktibong pakikiisa na ito, ang kolektibong pakikibaka, ay saksi sa malalim na katangian ng pakikibaka ng manggagawa: isang pakikibaka para sa isang radikal na ibang mundo, isang mundo na walang pagsasamantala o mga uri ng lipunan, walang kumpetisyon, walang mga hangganan o bansa. "Magkasama ang mga manggagawa", sigaw ng mga welgista sa UK. "Makibaka tayo ng sama-sama o matutulog tayo sa kalye", kumpirmasyon ng mga demonstrador sa Pransya. Ang bandila na "Para sa ating lahat" kung saan naganap ang welga laban sa mga pag-atake sa kondisyon ng pamumuhay sa Alemanya noong 27 Marso ay malinaw na nagpakita ng pangkalahatang lumalaking damdamin sa uring manggagawa: lahat tayo ay nasa iisang bangka at lahat tayo ay nakikipaglaban para sa isa't isa. Ang mga welga sa Alemanya, UK at Pransya ay inspirasyon ng bawat isa. Sa Pransya, malinaw na nagwelga ang mga manggagawa bilang pakikiisa sa kanilang mga kapatid sa uri na nakikipaglaban sa Britanya: "Kami ay nakikiisa sa mga manggagawang Briton, na ilang linggong nagwelga para sa mas mataas na sahod". Ang damdamin na ito ng internasyunal na pakikiisa ay eksaktong kabaligtaran ng kapitalistang mundo na nahahati sa mga bansang nakikipagkumpitensya, hanggang sa at kasama ang digmaan. Naaalala nito ang nag-iisang sigaw ng ating uri mula pa noong 1848: "Walang bansa ang proletaryado! Mga manggagawa ng mundo, magkaisa!"
1968
Sa buong mundo, nagbabago ang estado ng pag-iisip sa lipunan. Matapos ang ilang dekada ng pagiging pasibo at pagpipigil, nagsimula nang makahanap ng daan ang uring manggagawa sa pakikibaka at paggalang sa sarili. Ito ay ipinakita ng 'Galit sa Tag-init' at ang pagbabalik ng mga welga sa UK, halos apatnapung taon matapos ang pagkatalo ng mga minero kay Thatcher noong 1985.
Ngunit lahat tayo ay nararamdaman ang mga kahirapan at kasalukuyang limitasyon ng ating mga pakikibaka. Naharap sa mapandurog na krisis sa ekonomiya, implasyon, at mga pag atake ng gobyerno na tinatawag nilang "mga reporma", hindi pa natin magagawang magtatag ng balanse ng pwersa pabor sa atin. Kadalasan ay nabukod sa magkakahiwalay na welga, o nademoralisa dahil sa mga demonstrasyon na nagiging mga prusisyon lamang, nang walang mga pulong o talakayan, walang pangkalahatang mga asembleya o mga kolektibong organisasyon, lahat tayo ay naghahangad na magkaroon ng mas malawak, mas malakas, nagkakaisang kilusan. Sa mga demonstrasyon sa Pransya, ang panawagan para sa isang bagong Mayo 68 ay patuloy na naririnig. Nakaharap sa "reporma" na nagpapaantala sa edad ng pagreretiro sa 64, ang pinakasikat na islogan sa mga plakard ay: " Binigyan mo kami ng 64, bibigyan ka namin ng Mayo 68".
Noong 1968, nagkaisa ang proletaryado sa Pransya sa pamamagitan ng pagtangan ng pakikibaka sa sarili nitong mga kamay. Kasunod ng malalaking demonstrasyon noong 13 Mayo na nagprotesta laban sa panunupil ng pulisya sa mga estudyante, ang mga walkout at pangkalahatang pagtitipon ay kumalat na parang mabilis na pagkalat ng apoy sa mga pabrika at lahat ng mga lugar ng trabaho na nagtapos sa welga ng may 9 milyong welgista, ang pinakamalaking welga sa kasaysayan ng internasyonal na kilusang manggagawa. Sa harap ng dinamikong ito ng ekstensyon at pagkakaisa ng pakikibaka ng manggagawa, nagmadali ang pamahalaan at mga unyon na lumagda sa isang kasunduan para sa pangkalahatang dagdag sahod upang matigil ang kilusan. Kasabay ng muling paggising na ito ng pakikibaka ng mga manggagawa, nagkaroon ng malakas na pagbabalik sa ideya ng rebolusyon, na tinalakay ng maraming manggagawang nakibaka.
Ang kaganapan sa ganitong lawak ay katibayan ng isang pundamental na pagbabago sa buhay ng lipunan: ito ang katapusan ng kakila-kilabot na kontra-rebolusyon na bumalot sa uring manggagawa mula noong katapusan ng 1920s dahil sa kabiguan ng pandaigdigang rebolusyon kasunod ng unang tagumpay nito noong Oktubre 1917 sa Rusya. Isang kontra-rebolusyon na nagkahugis sa kasuklam-suklam na mukha ng Stalinismo at Pasismo, na nagbukas ng pintuan sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig na may 60 milyong patay at pagkatapos ay nagpatuloy sa loob ng dalawang dekada pa. Ngunit ang muling pagbangon ng pakikibaka na nagsimula sa Pransya noong 1968 ay mabilis na nakumpirma sa lahat ng bahagi ng mundo sa pamamagitan ng serye ng mga pakikibaka sa lawak na hindi nakita sa loob ng ilang dekada:
- Ang mainit na taglagas ng 1969 sa Italya, na kilala rin bilang 'galit sa Mayo', kung saan nakita ang napakalaking pakikibaka sa mga pangunahing sentro ng industriya at isang malinaw na hamon sa liderato ng unyon.
- Ang pag-alsa ng mga manggagawa sa Córdoba, Argentina, sa parehong taon.
- Ang napakalaking welga ng mga manggagawa sa Baltic sa Poland sa taglamig ng 1970-71.
- Maraming iba pang mga pakikibaka sa mga sumusunod na taon sa halos lahat ng bansa sa Uropa, lalo na sa UK.
- Noong 1980, sa Poland, sa harap ng pagtaas ng presyo ng pagkain, dinala pa ng mga welgista ang pandaigdigang alon na ito sa pamamagitan ng pagtangan ng pakikibaka sa kanilang sariling mga kamay, pagtitipon sa malalaking pangkalahatang asembleya, pagpapasiya para sa kanilang sarili kung ano ang mga kahilingan at kung anong mga aksyon ang gagawin, at, higit sa lahat, patuloy na nagsisikap na palawakin ang pakikibaka. Sa harap ng ganitong pagpapakita ng lakas ng mga manggagawa, hindi lamang ang burgesya ng Poland ang nanginginig, kundi ang naghaharing uri sa lahat ng bansa.
Sa loob ng dalawang dekada, mula 1968 hanggang 1989, isang buong henerasyon ng mga manggagawa ang nagkaroon ng karanasan sa pakikibaka. Ang maraming pagkatalo nito, at kung minsan ay mga tagumpay, ay nagbigay-daan sa henerasyong ito upang harapin ang maraming patibong na itinakda ng burgesya para isabotahe, hatiin at idemoralisa. Ang mga pakikibaka nito ay dapat magbigay daan sa atin upang makahalaw ng mahahalagang aral para sa ating kasalukuyan at hinaharap na mga pakikibaka: tanging sa bukas na pagtitipon lamang at napakalaking pangkalahatang mga pagtitipon, awtonomiya, tunay na pagpapasya sa direksyon ng kilusan, na labas at maging laban sa kontrol ng unyon, maaari nating ilatag ang batayan para sa isang nagkakaisa at lumalagong pakikibaka, na isinasagawa nang may pagkakaisa sa pagitan ng lahat ng sektor, lahat ng henerasyon. Mga pulong masa kung saan nararamdaman nating nagkakaisa at nagtitiwala sa ating kolektibong lakas. Mga pangmasang miting kung saan maaari nating sama-samang pagtibayin ang tumataas na nagkakaisang mga kahilingan. Pangmasang pulong kung saan tayo nagtitipon at kung saan maaari tayong pumunta na may mga malalaking delegasyon upang salubungin ang ating mga kapatid sa uri, mga manggagawa sa mga pabrika, ospital, paaralan, shopping center, opisina... yung mga pinakamalapit sa atin.
Kailangang magsama sama, magdebate, ang bagong henerasyon ng mga manggagawa, na ngayon ay dinadala ang sulo, upang muling mahalaw ang mga dakilang aral ng mga nakaraang pakikibaka. Kailangang sabihin ng mas matandang henerasyon sa nakakabatang henerasyon ang kanilang mga pakikibaka, upang ang naipong karanasan ay maipasa at maging sandata sa mga pakikibaka na darating.
Ano naman ang bukas?
Pero kailangan din nating umabante. Ang alon ng pandaigdigang pakikibaka na nagsimula noong Mayo 1968 ay reaksyon sa pagbagal ng paglago at muling paglitaw ng kawalan ng trabaho ng karamihan. Ngayon, mas malala na ang sitwasyon. Ang mapaminsalang kalagayan ng kapitalismo ay inilagay sa peligro ang mismong kaligtasan ng sangkatauhan. Kung hindi tayo magtagumpay sa pagpapabagsak nito, unti unting papalit ang barbarismo.
Ang momentum ng Mayo '68 ay naputol sa pamamagitan ng dobleng kasinungalingan ng burgesya: nang bumagsak ang mga rehimeng Stalinista noong 1989-91, sinabi nila na ang pagbagsak ng Stalinismo ay nangangahulugan ng pagkamatay ng komunismo at bumukas ang isang bagong panahon ng kapayapaan at kasaganaan. Pagkalipas ng tatlong dekada, alam natin mula sa karanasan na sa halip na kapayapaan at kasaganaan, naranasan natin ang digmaan at kahirapan. Kailangan pa rin nating maunawaan na ang Stalinismo ay ang kabaliktaran ng komunismo, na ito ay partikular na brutal na anyo ng kapitalismo ng estado na lumitaw mula sa kontra-rebolusyon ng 1920s. Sa pagpalsipika ng kasaysayan, sa pagpasa ng Stalinismo bilang komunismo (tulad ng USSR kahapon at China, Cuba, Venezuela o North Korea ngayon!), nagawa ng burgesya na papaniwalain ang uring manggagawa na ang rebolusyonaryong proyekto ng pagpapalaya nito ay maaari lamang humantong sa kapahamakan. Hanggang sa ang hinala at kawalan ng tiwala ay napunta sa mismong salitang "rebolusyon".
Ngunit sa pakikibaka, unti unti nating linangin ang ating kolektibong lakas, tiwala sa sarili, pakikiisa, pagkakaisa, sariling organisasyon. Sa pakikibaka, unti-unti nating mapagtanto na tayo, ang uring manggagawa, ay may kakayahang mag-alok ng ibang kinabukasan kaysa sa bangungot na ipinangako ng nabubulok na kapitalistang sistema: ang komunistang rebolusyon.
Lumalago ang perspektiba ng proletaryong rebolusyon, sa ating isipan at sa ating mga pakikibaka.
Ang hinaharap ay para sa makauring pakikibaka!
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
22 Abril 2023
Salin mula sa: https://en.internationalism.org/content/17345/we-have-go-further-1968