Submitted by Internasyonalismo on
Attachment | Size |
---|---|
internasyunal_polyeto_enero_2023.pdf | 78.45 KB |
Sa Britanya mula noong Hunyo ang sigaw ay umalingawngaw sa bawat welga:
"Tama na!"
Ang napakalaking kilusang ito, na tinawag na "Galit sa Tag-init", ay naging Galit sa Taglagas, at pagkatapos ay Galit sa Taglamig.
Ang alon ng mga welga sa UK ay simbolo ng umuunlad na pakikibaka ng mga manggagawa sa buong mundo:
- Sa Espanya, kung saan nagwelga ang mga doktor at pediatrician sa Madrid noong katapusan ng Nobyembre, gayundin ang mga airline at rail sector noong Disyembre. Ang mga karagdagang welga sa sektor ng kalusugan ay binalak para sa Enero sa maraming rehiyon.
- Sa Alemanya, kung saan ang pagtaas ng mga presyo ay nagdulot ng takot sa mga may-ari ng kompanya kung ano ang kahihinatnan ng wala pang katulad na krisis sa enerhiya. Ang malalaking industriya ng metal at elektrikal ay sumailalim sa serye ng paghina noong Nobyembre.
- Sa Italya, isang welga ng mga air traffic controller noong kalagitnaan ng Oktubre bilang dagdag sa mga piloto ng EasyJet. Kinailangan pa ngang ipagbawal ng gobyerno ang lahat ng welga tuwing holiday.
- Sa Belgium, kung saan nanawagan ng mga pambansang welga noong Nobyembre 9 at Disyembre 16.
- Sa Gresya, kung saan ang isang demonstrasyon sa Athens noong Nobyembre ay nagpakilos ng libu-libong manggagawa mula sa pribadong sektor, na sumisigaw ng "Hindi na matiis ang halaga ng pamumuhay".
- Sa Pransya, kung saan, nitong mga nakaraang buwan, nagkaroon ng sunud-sunod na welga sa pampublikong sasakyan at mga ospital
- Sa Portugal, kung saan hinihingi ng mga manggagawa ang minimum na sahod na 800 euro, kumpara sa kasalukuyang 705. Noong Nobyembre 18, nagwelga ang serbisyo sibil. Noong Disyembre, nagkaroon ng mga welga sa buong sektor ng transportasyon.
- Sa Estados Unidos, namagitan ang Mababang Kapulungan para maayos ang giriang industriyal at maiwasan ang welga sa tren pang-kargamento. Noong Enero, libu-libong nurse ang nagwelga sa New York.
Ang listahan ay walang katapusan dahil, sa katotohanan, kahit saan ay mayroong maraming maliliit na welga, na nakahiwalay sa isa't isa, sa iba't ibang negosyo at sa pampublikong sektor. Dahil sa lahat ng dako, sa bawat bansa, sa bawat sektor, ang pamumuhay at mga kondisyon sa pagtrabaho ay lumalala, kahit saan tumataas ang presyo at napakababa ng sahod, kahit saan ay may kontraktwalisasyon at pleksibilidad, kahit saan ay may mala-impiyernong pagtrabaho at hindi sapat na manggagawa, kahit saan ay may kahila-hilakbot na malalang kondisyon ng pabahay, lalo na para sa mga kabataan.
Mula noong pandemya ng Covid-19, ang mga ospital ay naging simbolo ng pang-araw-araw na realidad para sa lahat ng manggagawa: kulang sa kawani at labis na pinagsamantalahan, hanggang sa punto ng pagkahapo, para sa sahod na hindi kayang makapagbayad ng mga bayarin.
Ang pinalawig na alon ng mga welga na tumama sa UK mula noong Hunyo, isang bansa kung saan ang proletaryado ay tila sumuko na sa kanyang kapalaran mula noong mga taon ni Thatcher, ay nagpahayag ng isang tunay na paglaban, isang pagbabago ng saloobin sa loob ng uring manggagawa, hindi lamang sa UK, ngunit internasyonal. Ang mga pakikibakang ito ay nagpakita na sa harap ng papalalim na krisis, ang mga pinagsamantalahan ay ayaw ng idiin pa.
Sa inflation na mahigit 11% at ang pag-anunsyo ng isang badyet sa pagtitipid ng pamahalaan ni Sunak, nagkaroon ng mga welga sa halos lahat ng sektor: Transport (tren, bus, tubo, paliparan) at kalusugan, mga manggagawa sa koreo ng Royal Mail, mga lingkod sibil sa Defra, mga empleyado ng Amazon, mga manggagawa sa paaralan sa Scotland, mga manggagawa sa langis ng North Sea... Ang laki ng pagkilos ng mga manggagawang pangkalusugan ay hindi nakikita sa bansang ito sa loob ng mahigit isang siglo! At inaasahang magwelga ang mga guro mula Pebrero.
Sa Pransya, nagpasya din ang gobyerno na magpataw ng bagong "reporma" na gagawing legal ang pagpapahaba ng edad ng pagreretiro. Ang layunin ay simple: upang makatipid ng pera sa pamamagitan ng pagpiga sa uring manggagawa na parang lemon, hanggang sa sementeryo. Sa mga konkretong termino, ito ay mangangahulugan ng pagtatrabaho nang matanda, may sakit, pagod o magretiro na may nabawasan at miserableng pensiyon. Kadalasan, bukod pa rito, ang redundancy ay maranasan na bago pa ang nakamamatay na edad.
Ang mga pag-atake sa ating mga kondisyon sa pamumuhay ay hindi titigil. Patuloy na lalala ang pandaigdigang krisis sa ekonomiya. Upang magtagumpay sa internasyunal na arena ng merkado at kompetisyon, ang bawat burgesya sa bawat bansa ay magpapataw ng mas matinding hindi matiis na kalagayan sa pamumuhay at paggawa sa uring manggagawa, habang humihimok ng "pagkakaisa sa Ukraine" o "kinabukasan ng pambansang ekonomiya".
Ito ay higit na totoo sa pag-unlad ng ekonomiya ng digmaan. Ang pagtaas ng proporsyon ng paggawa at iba pang mapagkukunan ay nakadirekta sa ekonomiya ng digmaan. Hindi lang sa Ukraine, kundi pati na rin sa Ethiopia, Yemen, Syria, Mali, Niger, Congo, atbp., nangangahulugan ito ng mga bomba, bala at kamatayan! Sa ibang lugar, nangangahulugan ito ng takot, inflation at pinabilis na trabaho. Ang bawat pamahalaan ay nananawagan ng "sakripisyo"!
Naharap sa sistemang kapitalista na nagtulak sa sangkatauhan sa kahirapan at digmaan, sa kompetisyon at pagkahati-hati, nasa uring manggagawa (mga nagpapasahod sa lahat ng sektor, sa lahat ng bansa, walang trabaho o nagtatrabaho, mayroon man o walang kwalipikasyon, nagtatrabaho o nagretiro. ..) para itulak ang ibang perspektiba. Sa pagtanggi sa mga "sakripisyo" na ito, sa pamamagitan ng pagbuo ng malawakang nagkakaisang pakikibaka, maipakita nito na posible ang ibang mundo.
Kung hati-hati, mahina tayo
Kung hati-hati, talo tayo.
Sa loob ng maraming buwan, sa lahat ng bansa at sa lahat ng sektor, may mga welga. Pero hiwa-hiwalay sila sa isa't isa. Ang bawat isa ay para sa kanilang sariling welga, sa kanilang sariling pabrika, kanilang depot, kanilang negosyo, kanilang bahagi ng pampublikong sektor. Walang tunay na kaugnayan sa pagitan ng mga pakikibakang ito, kahit na ito ay isang tawiran lang ng kalye sa mga nag-aklas mula sa ospital tungo sa mga paaralan o sa supermarket sa tapat. Minsan ang dibisyong ito ay lubhang naging katawa-tawa dahil, kahit sa parehong negosyo, ang mga welga ay hinati-hati sa bawat korporasyon, o koponan, o yunit. Kailangan mong isipin ang mga manggagawa sa opisina na nagwelga sa iba't ibang oras pero pareho silang mga teknikal na kawani, o ang mga nasa unang palapag na nagwelga sa kanilang sarili nang walang anumang koneksyon sa mga nasa ikalawang palapag. Minsan ito talaga ang nangyayari!
Ang kalat-kalat na mga welga, pagkukulong ng lahat sa kani-kanilang sariling sulok, ay nilalaro ang laro ng burgesya - pinapahina tayo nito, binabawasan tayo sa kawalan ng lakas, pinapagod tayo nito at inaakay tayo sa pagkatalo.
Kaya naman ang burgesya ay binuhos ang lahat para panatilihin ito. Sa lahat ng mga bansa, pareho ang estratehiya: hati-hati ang mga gobeyrno. Nagpapanggap silang sinusuportahan ito o ang sektor na iyon para mas mahusay na atakehin ang iba. Itinatampok nila ang isang sektor, o kahit isang kumpanya, sa pamamagitan ng paggawa ng mga pangako na hinding-hindi nila tutuparin, upang maitago ang pagsalakay ng mga pag-atake na nagaganap sa iba. Upang mas mahusay na hatiin, nagbibigay sila ng limitadong suporta sa isang grupo at bawasan ang mga karapatan ng iba pa. Batas sa lahat ng dako ang mga negosasyon ay sa bawat sangay at bawat kumpanya.
Sa Pransya, ang pag-anunsyo ng reporma sa pensiyon, na makakaapekto sa buong uring manggagawa, ay sinamahan ng isang nakakabinging "debate" ng media sa hindi patas na reporma para dito o sa bahaging iyon ng populasyon. Dapat itong gawing mas patas sa pamamagitan ng pagkilala sa mga partikular na kwalipikasyon ng mga apprentice, ilang manwal na manggagawa, kababaihan... Palaging pareho ang bitag!
Kailangang panghawakan ng uring manggagawa sa sariling mga kamay ang pakikibaka
Bakit may ganitong pagkahati-hati? Mga propaganda at maniobra lamang ba ng gobyerno ang nagtatagumpay sa paghahati sa atin sa ganitong paraan, na pinananatiling hiwalay sa isa't isa ang mga welga at pakikibaka ng uring manggagawa?
Lumalaki ang pakiramdam na nasa iisang bangka tayo. Nagiging mas malinaw ang ideya na ang isang malakihang nagkakaisang pakikibaka na may malawak na pakikiisa ay maaaring baguhin ang balanse ng pwersa sa pagitan ng mga uri. Kaya bakit nakikita natin ang mga dibisyon sa pagitan ng mga manggagawa sa loob ng maraming buwan sa bawat bansa at sa bawat sektor?
Sa UK, ang mga nagwelgang manggagawa ay tradisyonal na nagpiket sa labas ng kanilang lugar ng trabaho. Sa loob ng ilang buwan, ang mga organisadong piket ay hindi nagkakalayo, minsan ay nagaganap lamang ng isang araw ang pagitan, kung minsan ang mga pakikibaka ay nangyari nang sabay-sabay ngunit sa mga piket na pinaghihiwalay ng ilang daang metro ngunit walang pagtatangkang mag-ugnay. Lahat ay nagwelga, ngunit natali sa picket line. Kung hindi malalabanan ang pagka hiwa-hiwalay na ito, nang hindi nagkakaroon ng tunay na pagkakaisa sa pakikibaka, maaaring maubos nito ang ating diwa sa pakikipaglaban. Nitong mga nakaraang linggo ay mas naging maliwanag ang deadlock at ang panganib na dulot ng sitwasyong ito. Ang mga manggagawang iyon na nag-'rolling strike' sa nakalipas na anim na buwan ay maaari na ngayong makaramdam ng pagod at kawalan ng lakas.
Gayunpaman, sa ilang mga picket lines na aming binisita, ipinahayag sa amin ng mga manggagawa ang kanilang nararamdaman na kabilang sa isang mas malawak na pakikibaka kaysa sa kanilang amo, kanilang departamento, kanilang sektor. May lumalagong pakiramdam ng pangangailangan na makibaka na sama-sama.
Ngunit sa loob ng maraming buwan, sa lahat ng bansa, sa lahat ng sektor, ang mga unyon ang nag-oorganisa ng lahat ng kalat-kalat na pakikibakang ito. Ang mga unyon ang nagpapasya sa estratehiya na naghahati at naghihiwalay, at nagtataguyod na ang mga negosasyon ay magaganap sa bawat sangay, sa bawat sektor. Pinipili ng mga unyon na magtakda ng mga partikular na kahilingan at ang mga unyon ay nagbabala, higit sa lahat, na "palalabnawin natin ang sarili nating pakikibaka kung gagawa tayo ng mga nagkakaisang kahilingan".
Gayunpaman, alam ng mga unyon na ang galit ay lumalaki, na nanganganib na umapaw at masira ang mga hadlang na kanilang binuo sa pagitan at sa loob ng pribadong sektor at pampublikong sektor. Alam nila na ang ideya ng "isang nagkakaisang pakikibaka" ay nahihinog sa loob ng uri.
Iyon ang dahilan kung bakit, halimbawa sa UK, ang mga unyon ay nagsimulang mag-usap-usap tungkol sa magkasanib na mga aksyon sa mga sektor, na maingat nilang iniiwasan hanggang ngayon, at ang mga salitang "pagkakaisa" at "pakikiisa" ay nagsimula nang lumabas sa kanilang mga talumpati. Hindi sila titigil sa paghati-hati sa mga manggagawa, ngunit upang maipagpatuloy ito, dinadala nila ang mga kahilingan ng uri. Sa ganitong paraan pinapanatili nila ang kontrol sa direksyon ng mga pakikibaka.
Sa Pransya, na nahaharap sa pag-atake sa uri sa pamamagitan ng pag-anunsyo ng mga reporma sa pensiyon, ipinakita ng mga unyon ang kanilang pagkakaisa at kanilang determinasyon; nanawagan sila ng malalaking demonstrasyon sa lansangan at pakikipaglaban sa gobyerno. Iginiit nila na ang repormang ito ay hindi dapat ipasa, na ito ay dapat tanggihan ng milyun-milyong tao.
Labis-labis ang retorika at mga pangako. Ngunit ano ang katotohanan? Para ipaliwanag ito, kailangan lang nating tandaan ang kilusan na lumaban sa panukalang reporma sa pensiyon ni Macron noong 2019-2020. Naharap sa tumataas na pakikibaka at paglago ng pagkakaisa lampas sa mga henerasyon, ginamit ng mga unyon ang parehong estratehiya, na nagtataguyod ng "pagsama-sama ng mga pakikibaka", na lumikha ng isang ilusyon ng unitaryong kilusan, kung saan ang mga demonstrador ay pinakilos ayon sa sektor at kumpanya, hindi pinagsama-sama ang lahat, kundi pinagbukod-bukod. Hinati ng mga bandila ng unyon at ng mga kinatawan ng unyon ang mga nagmartsa ayon sa sektor, ayon sa kumpanya at ayon sa planta. Higit sa lahat, walang mga talakayan at walang mga pagpupulong. Ang mensahe sa dulo: "Maghiwa-hiwalay kasama ang inyong mga katrabaho at umuwi, hanggang sa muli". Pinalakas ng todo ang sound system upang matiyak na hindi magkarinigan sa isa’t isa ang mga manggagawa dahil ang talagang nagpapanginig sa burgesya ay kapag kinontrol ng mga manggagawa ang kanilang mga pakikibaka sa kanilang sariling mga kamay, kapag inayos nila ang kanilang mga sarili, kapag nagsimula silang magkita-kita, para makipagdebate. ... para maging isang uri sa pakikibaka!
Sa UK at sa Pransya, tulad ng sa ibang lugar, upang maapektuhan ang balanse ng mga puwersa na magbibigay-daan sa atin na labanan ang patuloy na pag-atake sa ating pamumuhay at mga kondisyon sa pagtatrabaho, na bukas ay magiging mas marahas, kailangan natin, saanman natin magagawa, na magsama-sama upang magdebate at isulong ang mga pamamaraan ng pakikibaka na magbubuklod at magpapalakas sa uring manggagawa at pahintulutan ito, sa depinidong yugto ng kasaysayan nito, na yugyugin ang burgesya at ang sistema nito:
- sa pagsusuri na palawakin ang suporta at pagkakaisa lampas sa lugar ng trabaho, kumpanya, institusyon, sektor ng aktibidad, syempre ng syudad, rehiyon at bansa;
- sa sariling organisasyon ng pakikibaka ng mga manggagawa, partikular sa pamamagitan ng mga pangkalahatang asembliya, nang hindi isinusuko ang kontrol sa tinatawag na “mga espesyalista” sa pakikibaka, ang mga unyon, at ang kanilang organisasyon;
- sa pamamagitan ng pinakamalawak na posibleng diskusyon sa pangkalahatang pangangailangan ng pakikibaka, sa mga aral na mapupulot sa mga nakaraang pakikibaka at gayundin sa kanilang mga pagkatalo, dahil may mga kabiguan sa hinaharap, ngunit ang pinakamalaking pagkatalo ay nagmula sa hindi paglaban sa mga pag-atake. Ang paglunsad ng pakikibaka ay ang unang tagumpay ng pinagsamantalahan.
Noong 1985, sa ilalim ni Thatcher, ang mga minero ng Britanya ay nakibaka sa loob ng isang buong taon, na may napakalaking tapang at determinasyon, ngunit ibinukod sila ng mga puwersa ng estado at mga unyon at sila ay nawalan ng kapangyarihan at nakakulong sa kanilang sektor; ang kanilang pagkatalo ay pagkatalo ng buong uring manggagawa. Dapat tayong matuto sa ating mga pagkakamali. Napakahalaga na ang mga kahinaan na nagpapahina sa uring manggagawa sa loob ng ilang dekada, at nagmarka ng sunud-sunod na pagkatalo, ay napangibabawan na ngayon, partikular ang bitag ng korporasyon at ang ilusyon na ang mga unyon ng manggagawa ay mga organo ng uring manggagawa. Ang sariling organisasyon ng pakikibaka, ang malawak na pagkakaisa at pakikiisa nito, ay sangkap na kailangang-kailangan para sa paghahanda ng mga pakikibaka sa hinaharap!
Dahil dito, dapat nating kilalanin ang ating sarili bilang mga miyembro ng isang uri, isang uri na nagkakaisa sa pamamagitan ng pakikiisa nito sa pakikibaka: ang uring manggagawa. Ang mga pakikibaka ngayon ay kailangang-kailangan hindi lamang sa pagtatanggol sa ating sarili laban sa mga atake kundi pati na rin sa pagbawi ng ating pagkakakilanlan bilang uri sa pandaigdigang saklaw, paghahanda para sa tuluyang pagbagsak ng bangkarotang sistemang ito na kasingkahulugan ng pagkakait at lahat ng uri ng sakuna.
Ang kapitalismo ay walang solusyon: ito man ay pagkawasak ng planeta, o sa patuloy na digmaan, o sa kawalan ng trabaho, o sa kontraktwalisasyon ng trabaho, o sa kahirapan. Tanging ang pakikibaka ng pandaigdigang uring manggagawa na suportado ng lahat ng inaapi at pinagsamantalahan ng mundo ang makapagbukas ng daan sa isang alternatibo, ang komunismo.
Ang mga welga sa UK at ang mga demonstrasyon sa Pransya, ay isang panawagan sa pakikibaka para sa mga proletaryo sa buong mundo.
Internasyunal na Komunistang Tunguhin, 12 Enero 2023
Source URL:https://en.internationalism.org/content/17295/how-develop-massive-united-and-supportive-movement