Pangalawang bugso ng pandemya: ang kainutilan ng lahat ng mga estado at gobyerno!

Printer-friendly version

Matindi ang pagtaas ng bilang ng mga taong nahawa sa Covid-19 virus nitong mga nakaraang linggo sa maraming bahagi ng mundo, laluna sa Uropa, na minsan pa muling naging isa sa mga epicentre ng pandemya. Ang “posibilidad ng pangalawang bugso” na inihayag ng mga epidemiologist ilang buwan na ang nakaraan ay naging realidad na ngayon at mas malamang na mas lubhang mapaminsala ito kaysa una. Sa maraming mga bansa, ang namatay kada araw ay umabot na sa daan-daan at ang mga intensive care unit na kailangan para gamutin ang seryosong nahawa na mga pasyente ay halos puno na, at ang ilan ay umapaw na tulad sa Italya, sa kabila na nasa panimula pa lang tayo sa panibagong bugso. Naharap sa seryoso at mabilis na paglala ng sitwasyon, mas dumarami ang mga estado na nawalan ng opsyon maliban sa pagpataw ng lokal o pambansang curfew o utos na manatili-sa-bahay para ma-minimisa ang pagkalat ng virus... syempre, labas sa mga oras ng pagtrabaho.

Ang kriminal na pagpapabaya ng burgesya

Nitong mga nakaraang buwan, ang midya sa maraming mga bansa ay nagsasahimpapawid ng kawalan ng simpatiya at maling mga mensahe mula sa mga awtoridad, sa paulit-ulit na mga akusasyon hinggil sa “iresponsable at makasariling kabataan” na nagtitipon sa malaking mga grupo “para mag-organisa ng patagong mga party”, o yaong mga holidaymaker na gustong maging masaya sa natitirang ilang araw ng tag-init sa labas ng bahay, at sa pagtanggal sa kanilang mga mask, nag-iinuman sa mga pavement café (habang ang mga gobyerno sa Mediterranean region ay masidhing hinihikayat ito para “isalba ang turismo mula sa pagbagsak”!). Itong malawakang kampanya na ang layunin ay sisihin ang “iresponsibilidad ng publiko” ay walang ibang pakay kundi pagtakpan ang kapabayaan at kakulangan sa paghahanda na pinakita ng naghaharing uri sa loob ng maraming taon [1] na ginaya nitong nakaraang mga buwan ng ang “unang bugso ay nakitaan ng relatibong paghina”.

Kahit na mulat talaga ang mga gobyerno na walang epektibong gamot, na ang pagbuo ng bakuna ay malayo pa at ang virus ay hindi kinakailangang aalis sa kanyang sarili, walang mga hakbang na ginawa para pigilan ang “ikalawang bugso”. Ang bilang ng mga empleyado sa mga ospital ay hindi dinagdagan mula noong Marso, ni dinagdagan ang bilang ng mga higaan sa intensive care. Nagpatuloy ang mga polisiyang buwagin ang sistema sa health care sa ilang mga bansa. Kaya lahat ng mga gobyerno ay tinutulak na bumalik sa “dating gawi”, ginugunita “ang magandang mga araw”, na isa lang ang iniisip: “Kailangang isalba ang pambansang ekonomiya!”.

Ngayon, sa parehong pag-alala, inatasan ng burgesya sa Uropa ang pinagsamantalahan na muling mag- lockdown, habang kaalinsabay ay hinihimok sila na patuloy na pumunta sa pagawaan, tinakwil ang katotohanan na ang pakikipaghalubilo sa ibang tao ay magbunga ng pagkalat ng virus (laluna sa malaking mga syudad), at may kakulangan sa hakbanging pangsanitasyon para tiyakin ang kaligtasan ng mga tao sa pagawaan at sa mga eskwelahan!

Ang kapabayaan at iresponsibilidad ng naghaharing uri nitong mga nakaraang buwan ay muling pinakita ang kawalan ng kapasidad na kontrolin ang pandemya. Ang resulta, malaking mayoriya ng mga estado sa Uropa ay maliwanag na nawalan ng kontrol sa sitwasyon. Ang malaking kamalasan ay nasa inutusan na pumunta sa pagawaan na nag-aalala at takot sa kontaminasyon, para sa kanilang mga sarili at kanilang mga mahal sa buhay.

Tubo o buhay?

Kabaliktaran sa kung ano ang sinabi, walang duda na ang layunin ng naghaharing uri ay hindi magligtas ng buhay kundi limitahan sa abot ng makakaya ang mapanirang mga epekto ng pandemya sa buhay ng kapitalismo, habang sinisikap na iwasan ang tendensya patungong panlipunang kaguluhan. Sa kadahilanang ito, kailangang tiyakin ang pag-andar ng makinarya ng kapitalismo ano man ang maging kabayaran. Sa partikular, kailangan magkaroon ng tubo ang mga kompanya. Walang paggawa at walang tubo na mangyari kung hindi magtatrabaho ang mga manggagawa sa pagawaan. Ito ang iniiwasan ng burgesya ano man ang kabayaran at kaya ang produksyon, kalakalan, turismo at pampublikong serbisyo ay dapat panatilihin sa maksimum na antas; ang magiging mga epekto sa buhay ng daan libo, o maging milyun-milyon na tao ay minimimal lang ang kahalagahan.

Walang pagpipilian ang naghaharing uri para magarantiya ang kaligtasan ng kanyang sariling sistema ng pagsasamantala. Anuman ang gagawin nito, hindi na nito mapigilan ang paglubog ng kapitalismo sa kanyang hindi magbabagong istorikal na krisis. Samakatuwid, itong hindi maibabalik na pagbulusok ay naglantad sa kung ano talaga ito, ganap na walang pakialam sa halaga ng buhay ng tao at handang gawin ang lahat para panatilihin ang sariling paghari, kabilang na ang pabayaan na mamatay ang libu-libong tao, mula sa mga matanda, na kinilalang “walang silbi” sa mata ng kapital. Ang pandemya ay malupit na liwanag ng kapitalismo para manatili, habang nabubulok sa kaibuturan, at banta sa sangkatauhan.

Tanging makauring pakikibaka ang tatapos sa lahat ng mga pandemya

Kaya walang maasahan ang mga pinagsamantalahan sa mga estado at gobyerno na, anuman ang kanilang pampulitikang kulay, ay kabilang sa naghaharing uri at naglilingkod dito. Walang mapapala ang mga pinagsamantalahan sa pagtanggap na walang pagtutol sa mga “sakripisyo” na pinataw sa kanila para “isalba ang ekonomiya”. Maya-maya lang, maaring malimitahan ng burgesya ang pinsala ng virus sa kalusugan sa pamamagitan ng distribusyon ng epektibong bakuna. Pero ang mga kondisyon ng panlipunang kabulukan na dahilan ng pandemya ay hindi maglaho. Dahil sa pananaw na digmaan na nangyayari sa pagitan ng mga estado, sa mabangis na “paligsahan para sa bakuna”, magdulot ito ng malaking problema sa kanyang distribusyon.

Dahil sa mga kalamidad sa industriya o kapaligiran, mas malaki ang posibilidad na ang sangkatauhan ay haharap sa panibagong mga pandaigdigang pandemya sa hinaharap, maging mas nakamamatay na mga sakit. Sa harap ng ekonomikong kapinsalaan na pinalala ng pandemya, ang pagsabog ng kawalan ng trabaho at pagtaas ng bilis at presyur ng kahirapan na maging bunga nito, walang pagpipilian ang uring manggagawa kundi lumaban para ipagtanggol ang kanilang kabuhayan. Lumalawak na ang galit at nagsisikap ang burgesya na pahinain ito sa maiksi at pansamantalang panahon sa pamamagitan ng pangako sa mga pamilya nila na mangyari ang mga selebrasyon sa kataposan ng taon (sa kabila na kailangang limitahan ang bilang ng pwedeng magtipon). Subalit itong “pansamantalang pagtigil” sa lock-down para mapakalma ang mga confectioner (para sa kapakanan ng sektor sa turismo) ay sa esensya walang magbago.

Maliwanag na ang 2021 ay hindi maging mas mabuti kaysa 2020, mayroon o walang bakuna. Sa ilang mga punto, ang pakikibaka ay muling magpatuloy, matapos mapangibabawan ang pagkabigla sa pandemya. Sa muling pagpapatuloy lang sa landas ng pakikibaka laban sa mga atake ng burgesya, sa kanyang estado at mga kapitalista, pareho sa publiko at pribadong sektor, mapaunlad ng uring manggagawa ang kanyang pagkakaisa at pakikiisa. Tanging sa makauring pakikibaka lang, sa paglagot sa banal na lubid na nagtali sa kanila sa kanilang mga mapagsamantala, ay magkaroon ng kakayahan, sa katalagalan, para buksan ang perspektiba para sa buong sangkatauhan na binantaan na burahin ng sistema ng pagsasamantala na nasa ganap na dekomposisyon. Patuloy na mas lulubha lang ang kapitalistang kaguluhan, na may marami pang kalamidad at bagong mga pandemya. Kaya ang kinabukasan ay nasa kamay ng proletaryado. Tanging ang proletaryado lang ang may kapasidad na ibagsak ang kapitalismo, para iligtas ang planeta at itayo ang bagong lipunan.

Vincent, 11 November 2020

[1]Tingnan ang aming maraming artikulo sa aming website na tumutuligsa sa sistemang pang-ospital sa buong mundo: “Special dossier on Covid-19: The real killer is capitalism!”

Source URL: https://en.internationalism.org/content/16942/second-wave-pandemic-impot...

 

Rubric: 

Covid-19