Ulat sa pandemya ng Covid-19 at ang yugto ng pagkabulok ng kapitalismo

Printer-friendly version

Ang ulat na ito ay sinulat para sa kamakailan lang na kongreso ng aming seksyon sa Pransya at masusundan ng iba pang mga ulat sa sitwasyon ng mundo.

Patuloy na nanalasa at lumalala ang kalamidad: sa opisyal na datos may 36 milyon nahawa at mahigit isang milyon ang namatay sa buong mundo [1]. Mula sa pagpaliban sa mga kontra-hakbangin sa pagpigil sa pagkalat ng virus, ay pagkatapos pagpataw ng brutal na pagsara sa malawak na sektor ng ekonomiya, ang ibat-ibang paksyon ng burgesya sa mundo sa bandang huli ay sumugal sa pagbangon sa ekonomiya, sa kapinsalaan ng mas maraming biktima, sa pagbukas-muli sa lipunan habang ang pandemya ay pansamantala lang na humina sa ilang mga bansa. Sa papalapit na taglamig, malinaw na ang pagsugal ay hindi nanalo, tanda ng paglala, sa minimum sa medium term, pareho sa ekonomiya at medikal. Ang bigat ng kalamidad ay nahulog sa balikat ng internasyunal na uring manggagawa.

Hanggang ngayon isa sa mga kahirapan ay ang pagkilala sa katotohanan na ang kapitalismo ay pumasok na sa huling yugto ng kanyang istoriko na pagbulusok – ang pagkaagnas ng lipunan – ang kasalukuyang yugto, na depinidong binuksan ng pagbagsak ng Bloke sa Silangan sa 1989, ay sa panlabas lumitaw bilang paglaganap ng mga sintomas na tila walang inter-koneksyon, hindi katulad sa mga nagdaang yugto ng dekadenteng kapitalismo na nakilala at maliwanag na dominado ng mga palatandaan ng pandaigdigang digmaan o proletaryong rebolusyon [2]. Pero ngayon sa 2020, ang pandemya ng Covid, ang pinaka-signipikanteng krisis sa kasaysayan ng mundo mula Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay naging malinaw na simbolo ng buong yugto ng dekomposisyon sa pamamagitan ng pagkaipon ng mga serye ng salik ng kaguluhan na nagpakita ng pangkalahatang pagkabulok ng kapitalistang sistema. Kabilang dito:

- ang paghaba ng matagalang krisis sa ekonomiya na nagsimula sa 1967[3], at ang kinahinatnan na akumulasyon at intensipikasyon ng mga hakbangin sa paghihigpit, ang nagpabilis sa kakulangan at magulong tugon sa pandemya ng burgesya, na nagbunga para mapilitan ang naghaharing uri na malawakang palalain ang krisis sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagtigil sa produksyon sa isang signipikanteng panahon;

- ang pinagmulan ng pandemya ay malinaw na dahil sa pinabilis na pagsira sa kapaligiran likha ng pagpupumilit ng talamak na krisis ng kapitalistang sobrang produksyon;

- ang di-organisadong tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan, na kapansin-pansin sa dating magkaalyado, ang dahilan ng pandaigdigang kapalpakan ng tugon ng internasyunal na burgesya sa pandemya;

- sa kawalang kakayahan sa pagtugon ng naghaharing uri sa krisis sa kalusugan nabunyag ang lumalaking tendensya ng kawalan ng pampulitikang kontrol ng burgesya at kanyang estado sa lipunan sa loob ng bawat bansa;

- ang pagbaba ng pampulitika at panlipunang kakayanan ng naghaharing uri at kanyang estado ay sinamahan ng kagilas-gilas na ideololohikal na pagkabulok: ang mga lider ng pinakamakapangyarihang mga bansa ay bumuga ng nakakatawang kasinungalingan at walang kwentang pamahiin para bigyang katuwiran ang kanilang kawalan ng kakayanan.

Kaya mas malinaw kaysa nakaraan na pinagsama ng Covid-19 ang epekto ng kabulukan sa lahat ng pangunahing antas ng kapitalistang lipunan – ekonomiya, imperyalista, politikal, ideolohikal at sosyal.

Itinaboy rin ng kasalukuyang sitwasyon ang kahalagahan ng ilang penomena na dapat salungat sa pagsusuri na pumasok na ang kapitalismo sa terminal na yugto ng kaguluhan at pagkasira ng lipunan. Sabi ng mga pumupuna sa amin, ang mga penomenang ito ay diumano nagpapatunay na ang aming analisis ay dapat ‘pagdudahan’ o simpleng hindi pansinin. Sa partikular, sa nakalipas na ilang taon ang nakamamanghang tantos ng paglago ng ekonomiya ng Tsina ay tila, para sa aming mga kritikal na tagapuna, ay pagtanggi na mayroong yugto ng dekomposisyon at maging pagbulusok. Sa totoo lang, ang mga tagamasid na ito ay nabighani sa ‘pabango ng modernidad’ na binuga ng industriyal na paglago ng Tsina. Ngayon, bilang resulta ng pandemya ng Covid, hindi lang tumigil ang ekonomiyang Tsino kundi nabunyag ang pagiging atrasado dahil sa mababang pag-unlad at kabulukan.

Ang perspektiba ng IKT mula 1989 na ang pandaigdigang kapitalismo ay pumasok na sa huling yugto ng panloob na pagkawasak, ay batay sa marxistang paraan ng pagsusuri sa pandaigdigan at pangmatagalang mga tendensya, sa halip na naghahabol sa temporaryong mga kaibahan o kumapit sa lipas na mga pormula, ay kapansin-pansin na nakumpirma.

Ibinunyag ng kasalukuyang kalamidad sa kalusugan, higit sa lahat, ang lumalaking kawalan ng kontrol ng uring kapitalista sa kanyang sistema at lumalaking kawalan ng perspektiba para sa lipunan ng tao sa kabuuan. Ang lumalaking kawalan ng kaalaman sa mga instrumento na pinaunlad ng burgesya para pigilan at ilihis ang mga epekto ng istorikong pagbulusok ng kanyang moda ng produksyon ay mas naging kongkreto.

Higit pa, pinakita ng kasalukuyang kalagayan ang lawak kung saan ang uring kapitalista ay hindi lang nawalan ng kapasidad na pigilan ang lumalaking panlipunang kaguluhan kundi mas pinalala ang mismong kabulukan na dati nababantayan nito.

Pandemya, pagbulusok, pagkaagnas

Para mas ganap na maintindihan bakit ang pandemya ng Covid ay simbolo ng yugto ng pagkaagnas ng kapitalismo dapat makita natin paanong hindi ito nangyari sa nagdaang mga panahon katulad ngayon.

Ang mga pandemya ay nangyari na sa nagdaang mga panlipunang sistema at may mapanira at nagpapabilis na epekto sa pagbulusok ng nagdaang mga makauring lipunan, tulad ng Justinian Plague sa kataposan ng sinaunang lipunang alipin o ang Black Death sa pabagsak na pyudalismo. Pero walang yugto ng pagkaagnas sa dekadenteng pyudal dahil ang bagong moda ng produksyon (kapitalismo) ay nagkahugis na sa loob at kaagapay ang luma. Sa pananalasa ng salot, napapabilis ang maagang pag-unlad ng burgesya.

Sa dekadenteng kapitalismo, ang pinaka-dinamikong sistema ng pagsasamantala sa lakas-paggawa sa kasaysayan, kailangang sakupin ang buong lipunan at pinigilan ang paglitaw ng anumang bagong porma ng produksyon sa loob nito. Kaya, sa kawalan ng daan patungong pandaigdigang digmaan at muling paglitaw ng proletaryong alternatiba, pumasok ang kapitalismo sa yugto ng ‘ultra-dekadente’ ayon sa Tesis ng Dekomposisyon ng IKT [4]. Kaya, ang kasaluyang pandemya ay hindi makapagbagong-buhay sa produktibong pwersa ng sangkatauhan sa loob ng umiiral na lipunan kundi pwersahin tayo na masulyapan ang hindi mapigilang pagbagsak ng lipunan ng tao sa kabuuan hanggat hindi ganap na maibagsak ang pandaigdigang kapitalismo. Ang pagbaling sa sinaunang paraan ng kwarentenas bilang tugon sa Covid, sa panahon na napaunlad ng kapitalismo ang syentipiko, teknolohikal at sosyal na mga paraan para maunawaan, maiwasan at makontrol ang pagkalat ng salot, (pero hindi nagawang gamitin ang mga ito) ay testimonya ng  pagtigil ng lipunan na ‘nabubulok sa kaibuturan’ at lumalaki ang kawalang kakayahan na gamitin ang mga produktibong pwersa na pinapaandar nito.

Ang kasaysayan ng panlipunang epekto ng nakakahawang sakit sa buhay ng kapitalismo ay nagbigay sa atin ng dagdag na kaalaman sa kaibahan sa pagitan ng pagbulusok ng sistema at sa ispisipikong yugto ng dekomposisyon sa loob ng yugto ng pagbulusok na nagsimula sa 1914. Ang pasulong na kapitalismo at maging ang kasaysayan ng halos buong yugto ng pagbulusok ay nagpakita ng umuunlad na kadalubhasaan sa syensya-medikal at pampublikong kalusugan laban sa nakakahawang sakit laluna sa abanteng kapitalistang mga bansa. Ang promososyon ng pampublikong pangangalaga sa kalusugan at sanitasyon, ang tagumpay laban sa smallpox at polio at ang pag-urong ng malaria halimbawa, ay ebidensya ng ganitong pag-unlad. Kalaunan, matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang hindi nakakahawang mga sakit ang naging dominanteng dahilan ng maagang pagkamatay sa mga sentro ng kapitalismo. Huwag nating isipin na itong kapangyarihan sa pag-unlad ng epidemiology ay nangyari dahil sa pag-angkin ng burgesya sa makataong pag-aalala ng burgesya. Ang pinakamahalagang layunin ay likhain ang istableng kapaligiran para sa intensipikasyon ng pagsasamantala na hinihingi ng permanenteng krisis ng kapitalismo at higit sa lahat para sa paghahanda at ultimong mobilisasyon ng populasyon para sa interes militar ng mga imperyalistang bloke.

Mula 1980s ang positibong tendensya laban sa nakakahawang sakit ay nagsimulang bumaliktad. Bago, o nagbabagong mga pathogen ay nagsimulang lumitaw tulad ng HIV, Zikah, Ebola, Sars, Mers, Nipah, N5N1, lagnat na Dengue, atbp. Ang nadaig na mga sakit ay naging mas lumalaban sa gamot. Ang pagbabagong ito, partikular ang zoonotic viruses, ay may kaugnayan sa paglaki ng mga syudad sa mga atrasadong rehiyon ng kapitalismo – partikular sa mga pook ng mahihirap na 40%  sa paglagong ito – at sa pagkasira ng kagubatan at lumalaking pagbabago ng klima. Habang nagawang unawain at sundan ng epidemiology ang mga virus, bigo ang estado sa implementasyon ng mga kontra-hakbangin laban dito. Ang hindi sapat at magulong tugon ng burgesdya sa Covid-19 ay maliwanag na kumpirmasyon sa lumalaking kapabayaan ng kapitalistang estado  sa muling paglakas ng nakakahawang mga sakit at sa pampublikong kalusugan, at dahil sa pagbalewala sa kahalagahan ng panlipunang proteksyon sa pinaka-batayang antas. Itong lumalaking kawalan ng kakayahan ng burges na estado ay may kaugnayan sa ilang dekadang pagtapyas sa ‘panlipunang sahod’, partikular sa serbisyong pangkalusugan. Subalit ang lumalaking kapabayaan sa pampublikong kalusugan ay ganap lang na maipaliwanag sa balangkas ng yugto ng pagkabulok, na kumikiling sa iresponsable at panandaliang tugon ng malaking bahagi ng naghaharing uri.

Ang mahalaw na kongklusyon sa pagbaliktad ng pagsulong ng pagkontrol ng nakakahawang sakit sa nagdaang ilang dekada ay hindi maiwasan: ito ay ilustrasyon ng transisyon ng dekadenteng kapitalismo tungo sa huling yugto ng dekomposisyon.

Syempre, ang lumalalang permanenteng krisis ng kapitalismo ang ugat ng transisyong ito, isang krisis na komon sa lahat ng mga yugto ng kanyang pagbulusok. Pero ang kanyang pamamahala – o sa halip ang lumalaking maling pamamahala – sa mga epekto ng krisis ang nagbago at susing sangkap sa kasalukuyan at darating na mga kalamidad na katangian ng ispisipikong yugto ng dekomposisyon.

Ang mga paliwanag na bigong isaalang-alang ang pagbabagong ito, katulad ng sa International Communist Tendency halimbawa, ay napako sa bukambibig na ang motibo para sa tubo ang dahilan ng pandemya. Para sa kanila ang ispisipikong mga sirkumstansya, tiyempo at lawak ng kalamidad ay nanatiling isang misteryo.

Ni ang reaksyon ng burgesya sa pandemya ay ipaliwanag na bumalik sa iskema sa yugto ng Cold War, na parang ginawang ‘armas’ ng mga imperyalistang kapangyarihan ang Covid virus para sa imperyalistang militar na layunin at ang malawakang kwarentenas ay mobilisasyon ng populasyon para dito. Nakalimutan ng paliwanag na ito na ang pangunahing mga imperyalistang kapangyarihan ay hindi na organisado sa imperyalistang mga bloke at hindi nila malayang mapakilos ang populasyon para sa mga layunin ng digmaan. Ito ay sentral sa stalemate sa pagitan ng dalawang pangunahing mga uri na siyang ugat ng yugto ng pagkabulok.

Sa pangkalahatan, hindi ang viruses kundi mga bakuna ang may benepisyo sa mga ambisyong militar ng imperyalistang bloke [5]. Natuto ang burgesya sa mga aral ng Spanish flu sa 1918 sa puntong ito. Ang hindi makontrol na hawaan ay isang malaking panganib sa militar tulad ng nangyaring demobilisasyon sa maraming US aircraft carriers at French aircraft carrier dahil sa Covid-19. Kabaliktaran, ang istriktong kontrol sa pathogens ang laging kondisyon ng bawat imperyalistang kapangyarihan sa kanilang kapasidad sa bio-warfare.

Hindi ibig sabihin na hindi ginamit ng mga imperyalistang kapangyarihan ang krisis sa kalusugan para isulong ang kanilang interes laban sa kanilang mga karibal. Pero sa kabuuan pinakita lang ng mga ito ang lumalaking bakyum ng pandaigdigang imperyalistang liderato na iniwan ng Estados Unidos, na walang anumang kapangyarihan, kabilang na ang Tsina, na hahalili sa papel na ito o may kapasidad na likhain ang alternatibang bloke. Kinumpirma ng malaking kapahamakan sa Covid ang kaguluhan sa antas ng imperyalistang tunggalian.

Ang malawakang kwarentenas ng mga imperyalistang estado ngayon ay tiyak na sinamahan ng mas malaking presensya ng militar sa pang-araw-araw na buhay at ang paggamit ng mga estado ng mga mga sermon sa panahon ng digmaan. Subalit ang demobilisasyon ng populasyon sa malawak na konsiderasyon ay dahil sa takot ng estado sa banta ng panlipunang kaguluhan kung ang uring manggagawa, habang tahimik, ay nanatiling hindi pa nagapi.

Ang pundamental na tendensya tungo sa sariling-pagkawasak na komon na katangian sa lahat ng mga yugto ng dekadenteng kapitalismo ay nagbago sa kanyang dominanteng porma sa yugto ng dekomposisyon mula sa pandaigdigang digmaan tungo sa pandaigdigang kaguluhan na dagdag lang sa paglaki ng banta ng kapitalismo sa lipunan at sa sangkatauhan sa kanyang kabuuan.

Ang pandemya at ang estado

Ang namagitan sa kawalan ng kontrol ng burgesya na naging katangian ng pandemya ay ang instrumento ng estado. Ano ang pinakita ng kalamidad hinggil sa kapitalismo ng estado sa panahon ng yugto ng pagkabulok?

Magugunita natin, para maunawaan ang tanong na ito, ang obserbasyon ng pampleto ng IKT Ang Dekadenteng Kapitalismo na sa ‘pagtaob ng super-istruktura’ ang paglaki ng papel ng estado ay katangian ng pagbulusok ng lahat ng mga moda ng produksyon. Ang pag-unlad ng kapitalismo ng estado ay ang sukdulang ekspresyon ng ganitong pangkalahatang istorikal na penomenon.

Tulad ng itinuro ng GCF[6] sa 1952, hindi solusyon ang kapitalismo ng estado sa mga kontradiksyon ng kapitalismo, kahit pa naantala nito ang mga epekto, kundi ekspresyon ng mga ito. Ang kapasidad ng estado na panatilihing nakatayo ang bulok na lipunan, gaano man ito kaagresibo, ay hihina kalaunan at sa huli magiging pabigat na salik sa mismong mga kontradiksyon na nais nitong makontrol. Ang dekomposisyon ng kapitalismo ay isang yugto kung saan ang lumalaking kawalan ng kontrol ng naghaharing uri at ng kanyang estado ang nagiging dominanteng tendensya sa panlipunang ebolusyon, ay malinaw na pinakita ng Covid.

Subalit, maling isipin na ang kawalan ng kontrol ay pantay ang pag-unlad sa lahat ng antas ng mga aksyon ng estado, o ito ay isa lang panandaliang penomenon.

Sa internasyunal na antas

Sa pagbagsak ng bloke sa Silangan at ang resulta ng kawalang kwenta ng bloke sa Kanluran, ang mga istruktura militar tulad ng NATO ay nawalan ng pagkakaisa gaya ng pinakita sa nangyari sa mga digmaan sa Balkan at Gulpo. Ang dislokasyon sa antas militar at estratehiko ay hindi maiwasan na samahan ng kawalan ng kapangyarihan – sa ibat-ibang bilis – sa lahat ng mga ahensyang inter-estado na itinayo sa udyok ng imperyalismong US matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tulad ng World Health Organisation at UNESCO sa panlipunang antas, ang EU (sa kanyang dating balatkayo), ang World Bank, ang IMF, ang World Trade Organisation sa pang-ekonomiyang antas. Ang mga ahensyang ito ay naka-disenyo para panatilihin ang istabilidad at ang ‘soft power’ ng bloke ng Kanluran sa ilalim ng liderato ng US.

Ang proseso ng pagkabulok at paghina ng mga inter-estadong organisayon ay partikular na tumindi ng mahalal si Trump bilang presidente ng US sa 2016.

Malinaw sa puntong ito ang relatibong pagiging inutil ng WHO sa panahon ng pandemya at may kaugnayan sa pagkanya-kanya ng bawat estado na alam na natin ang nakamamatay na mga resulta. Ang ‘war of the masks’ at ngayon ang darating na ‘war of the vaccines’, ang panukalang pagtiwalag ng US mula sa WHO, ang pagtangka ng Tsina na manipulahin ang institusyong ito para sa kanyang pansariling pakinabang, ay halos hindi na kailangan ang komento.

Ang kainutilan ng mga inter-estadong institusyon at ang bunga ng bawat-isa-para sa-kanyang sarili ng mga magkaribal na estado ay nakatulong para maging pandaigdigang kalamidad ang banta ng virus.

Gayunpaman, sa antas ng pandaigdigang ekonomiya – sa kabila ng pagbilis ng digmaan sa kalakalan at tendensya ng rehiyunalisasyon – nagawa pa rin ng burgesya ang mga koordinadong hakbangin, tulad ng aksyon ng Federal Reserve Bank na panatilihin ang dollar liquidity sa buong mundo sa Marso at sa simula ng pagsara sa ekonomiya. Ang Alemanya, matapos ang inisyal na pag-aatubili, ay nagpasyang subukan at nakipagkoordina sa Pransya  sa isang ekonomikong pagsagip sa European Union sa kabuuan.

Gayunpaman, kung may kapasidad pa ang internasyunal na burgesya na pigilan ang isang ganap na pagkatunaw sa mga mahalagang bahagi ng ekonomiya ng mundo hindi nito nagawang iwasan ang napakalaking pangmatagalang pinsala sa ekonomikong paglago at pandaigdigang kalakalan dahil sa pagsara bunsod ng pagkaantala at magulong tugon sa Covid-19. Kumpara sa tugon ng G7 sa 2008 na pagbagsak sa pinansya, pinakita ng kasalukuyang sitwasyon ang pangmatagalang pagkapagod sa kapasidad ng burgesya sa koordinadong mga aksyon para pabagalin ang ekonomikong krisis.

Syempre, ang tendensya tungong ‘bawat tao para sa sarili’ ay palagiang gawain ng mapagkumpitensyang katangian ng kapitalismo at sa kanyang pagkahati-hati sa mga bansa-estado. Pero ngayon, ang kawalan ng imperyalistang bloke at perspektiba ang nagpasigla sa muling paglakas ng ganitong tendensya sa panahon ng ekonomikong pagkabagabag at pagbulusok. Kung sa nakaraan, napanatili ang ilang internasyunal na kooperasyon, sa Covid-19 nakikita ang lumalaking kawalan nito.

Sa pambansang antas

Sa Tesis ng Dekomposisyon sa punto 10 sinabi namin na ang pagkawala ng perspektiba ng pandaigdigang digmaan ay nagpalala sa tunggalian sa pagitan ng mga paksyon sa loob ng bawat bansa-estado at sa pagitan ng mga bansa mismo. Ang kaguluhan at kawalang kahandaan sa Covid-19 sa internasyunal na antas ay ginaya sa bawat bansa-estado, partikular sa antas ng ehekutibo:

“Isa sa mayor na katangian ng pagkabulok ng kapitalistang lipunan na dapat nating bigyang diin ay ang lumalaking kahirapan na kontrolin ang ebolusyon ng pampulitikang sitwasyon.” pt 9.

Ito ay pangunahing salik sa pagbagsak ng bloke ng Silangan na pinalubha ng abnormal na katangian ng Stalinistang rehimen (isang solong partido-estado na inangkin mismo ang pagiging naghaharing uri). Pero ang mga batayang kadahilanan sa mga bangayan sa ‘komiteng tagapagpaganap’ ng buong burgesya – talamak na krisis sa ekonomiya, kawalan ng estratehikong perspektiba at mga kapalpakan sa patakarang pnalabas, diskontento ng populasyon – ay ngayon tumatama sa mga abanteng kapitalistang bansa, na mas malinaw na nakikita sa kasalukuyang krisis ng mga mayor na bansang populista o impluwensyado ng mga populista ang mga gobyerno, laluna ang pinamunuan nila Donald Trump at Boris Johnson. Ang mga bangayan sa mga mayor na estadong ito ay hindi maiwasang umalingawngaw sa ibang mga estado na sa kasalukuyan, nagpapatupad ng mas rasyunal na patakaran.

Dati ang dalawang bansang ito ay simbolo ng relatibong istabilidad at lakas para sa pandaigdigang kapitalismo; pinakita ng miserableng palabas ng kanilang mga burgesya ngayon na nagiging tanglaw na sila ng irasyunalidad at kaguluhan.

Parehong ang administrasyon ng US at gobyerno ng Britanya, na ginabayan ng makabayang ngasngas, ay kusang pinabayaan at inantala ang kanilang pagtugon sa kalamidad ng Covid at hinimuk pa ang populasyon sa hindi pagrespeto sa peligro; pinahina nila ang payo ng syentipikong awtoridad at ngayon binuksan ang ekonomiya habang nanalasa ang virus. Pareho nilang binasura ang task force ng pandemya sa bisperas ng krisis sa Covid.

Pareho sila, sa magkaibang paraan, lantarang tinampalasan ang establisadong panuntunan ng demokratikong estado at lumikha ng kaguluhan sa hanay ng ibat-ibang departamento ng estado tulad ng pagpapawalang-bisa sa protocol militar sa kanyang pagtugon sa mga protesta ng Black Lives Matter at mapanlinlang na manipulasyon sa hudikatura, o ang kasalukuyang pakikialam ni Johnson burukrasya ng serbisyo-sibil.

Totoo, sa panahon ng bawat-tao-para-sa-sarili, hindi maiwasan na ang bawat bansa ay sumunod sa sariling daan. Subalit, ang mga estado na may mas katalinuhan kaysa iba ay nahaharap din sa lumalaking pagkahati-hati at kawalan ng kontrol.

Pinatunayan ng populismo ang ideya ng Tesis ng Dekomposisyon na ang ulyaning kapitalismo ay bumabalik sa kanyang ‘ikalawang pagkabata’. Ang ideolohiya ng populismo ay nagkunwaring ang sistema ay maaring bumalik sa kanyang yugto ng kabataan ng masiglang kapitalismo at mas kaunting burukrasya sa pamamagitan lang ng mga kasabihang demagogiko at mga nakakagambalang inisyatiba. Pero ang katotohanan ay ang dekadenteng kapitalismo sa kanyang nabubulok na yugto ay naaubos na ang lahat ng mga pangpakalma.

Habang ang mga ilusyong xenophobic at peti-burges ng populismo ay umaakit sa hindi nasisiyahang populasyon na temporaryong natataranta dahil sa kawalan ng muling paglakas ng proletaryado, malinaw mula sa kasalukuyang krisis sa kalusugan na ang programa ng populismo - o anti-programa – ay umunlad sa loob ng burgesya at sa estado mismo.

Hindi aksidente na ang US at UK, na mas maunlad na mga bansa, ang may pinakamaraming namatay dahil sa pandemya.

Pero kabaliktaran nito, dapat tandaan na ang mga ekonomikong ahensya ng mga mas maunlad na mga bansa ay nanatiling istable at nakagawa ng mga pang-emerhensyang hakbangin para pigilang bumagsak ang ekonomiya at maantala ang epekto ng malawakang kawalan ng trabaho ng populasyon.

Sa totoo lang, dahil sa mga ginawa ng mga bangko sentral nakikita natin ang malakas na paglaki ng papel ng estado sa ekonomiya. Halimbawa:

“Ang Morgan Stanley [bangko ng pamuhunan] ay nagtala na ang mga bangko sentral ng mga bansa sa G4 - US, Japan, Europe at ang UK – ay kolektibong palawakin ang kanilang mga balanse ng 28% sa gross domestic production sa panhong ito. Ang katumbas na bilang sa panahon ng krisis pinansya sa 2008 7%.” Financial Times 27 June 2020.

Gayunpaman, ang perspektiba ng pag-unlad ng kapitalismo ng estado, sa kaibuturan, ay tanda na ang kapasidad ng estado para kontrolin ang krisis at ang dekomposisyon ay humuhupa.

Ang lumalaking bigat ng interbensyon ng estado sa bawat aspeto ng buhay sa lipunan sa kabuuan ay hindi solusyon sa lumalaking kabulukan ng huli.

Hindi dapat kalimutan na may malakas na pagtutol sa loob ng mga estadong ito mula sa tradisyunal na mga liberal na partido o sa kanilang importanteng mga bahagi sa paninira ng populismo. Sa mga bansang ito, ang sektor na ito sa burges na estado ay maingay na tumutol, partikular sa pamamagitan ng midya, pati na rin ang pangungutya sa populistang kalokohan, ay maaring makatulong para tatagal ang pag-asa na bumalik sa demokratikong kaayusan at rasyunalidad, kahit pa wala ng tunay na kapasidad ngayon na takpan ang populistang kahon ng Pandora.

At nakakatiyak tayo na hindi nakalimutan ng burgesya sa mga bansang ito ang proletaryado, at ipwesto ang kanyang angkop na mga ahensya sa tamang panahon.

Ang naranasang ‘boomerang’ na epekto sa yugto ng dekomposisyon

Ang Ulat sa Dekomposisyon sa 2017 ay nagbigay pansin sa katotohanan na sa mga unang dekada matapos ang paglitaw ng krisis sa ekonomiya sa kataposan ng 60s, itinulak ng pinakamayamang mga bansa ang mga epekto ng krisis sa mga paligid ng sistema, habang sa yugto ng pagkabulok, nabaliktad ang tendensya pabalik sa mga sentro ng kapitalismo – tulad ng paglaganap ng terorismo, maramihang pagdagsa ng mga bakwit at migrante, maramihang nawalan ng trabaho, pagkasira ng kalikasan at ngayon ang nakamamatay na pandemya sa Uropa at Amerika. Kinumpirma ng tendensyang ito sa kasalukuyang sitwasyon na ang pinakamalakas na bansa sa buong mundo pinaka-nagdurusa sa pandemya.

Binanggit din sa Ulat sa malaman na paraan na:

“…kinunsidera namin na [dekomposisyon] ay walang tunay na epekto sa ebolusyon ng krisis ng kapitalismo. Kung ang kasalukuyang paglakas ng populismo ay tutungo sa pag-upo sa kapangyarihan ng tendensyang ito sa ilan sa pangunahing mga bansa sa Uropa, ang naturang epekto ng pagkabulok ay uunlad.”

Isa sa pinaka-signipikanteng mga aspeto ng kasalukuyang kalamidad ay tumalbog ang dekomposisyon papunta sa ekonomiya sa mapanirang paraan. At hindi nabawasan ng karanasang ito ang lasa ng populismo para sa mas lalupang ekonomikong labanan, tulad ng pinakita ng patuloy na ekonomikong digmaan ng US laban sa Tsina, o ng determinasyon ng gobyernong Britanya na ipagpatuloy ang patiwakal at mapanirang landas ng Brexit.

Ang pagkabulok ng super-istruktura ay ‘naghihiganti’ sa mga pundasyong ekonomiko ng kapitalismo na siyang pinagmulan nito.

“Sa pagyanig ng ekonomiya, ang buong super-istruktura na umaasa dito ay pumasok sa krisis at dekomposisyon ….Nagsimula bilang mga epekto ng sistema, sila ay nagiging salik sa mabilis na proseso ng pagbulusok”.
Dekadenteng Kapitalismo, Tsapter 1. 

16.7.20 


[1] Batay sa 9 Oktubre 2020
[2] Itong problema sa pananaw ay nabanggit sa Ulat sa Dekomposisyon mula sa ika-22 Kongreso ng IKT sa 2017, International Review 163
[3] Itong mahabang krisis sa ekonomiya, na tumagal ng mahigit limang dekada, ay lumitaw sa kataposan ng 1960s matapos ang dalawang dekadang post-war na kasaganaan sa abanteng mga bansa. Ang paglala ng krisis ay binigyang-diin ng ispisipikong resesyon at pagbangon na hindi naresolba ang ugat ng krisis.
[4] International Review 107, 1990
[5]  Ang antibiotic na penicillin ay nadiskubre sa 1928. Sa panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig ang droga ay maramihang ginawa ng US, at 2.3 milyon doses ang inihanda para sa D-Day landings sa Hunyo 1944.
[6] Gauche Communiste de France – pinagmulan ng IKT


Source URL: https://en.internationalism.org/content/16924/report-covid-19-pandemic-a...

Rubric: 

Covid-19