Sa aming masugid na mambabasa,
Nais naming ipaalam sa inyo na sa loob ng 8 oras ngayong Linggo, Setyembre 19, simula 04:00 GMT ay magkaroon ng maintenance sa aming site kaya hindi ito ma-access sa loob ng 8 oras. Hinihingi namin ang inyong pang-unawa. Maraming salamat at sana ay patuloy ninyong suportahan ang aming site.
INTERNASYONALISMO
Attachment | Size |
---|---|
![]() | 148.07 KB |
Isinalin namin ang internasyunal na polyeto ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin (International Communist Current) mula sa wikang English[1] para sa pakikiisa sa kasalukuyang pakikibaka ng mga manggagawa sa Greece laban sa paghihigpit ng kanilang "sosyalistang" estado. Ang paghihigpit na ito ay nagdulot ng dagdag hirap sa ating mga kapatid na manggagawa doon.
Pero hindi lang ito. Ang nangyari ngayon sa Greece ay patunay lamang na bangkarota na ang pandaigdigang kapitalistang sistema. Ang panibagong krisis ng sistema ay pumutok noong 2007. At sa kabila ng pagyayabang ng burgesya na "naampat" na nito ang krisis, lalo pang nagliyab ang apoy na sinindihan mismo ng mga internal na kontradiksyon ng kapitalismo.
Napapanahon din ang polyetong ito para sa Pilipinas dahil nag-uumapaw ngayon ang ilusyon ng populismo dahil sa napipintong pag-upo ni Benigno "Noynoy" Aquino III bilang bagong Chief Executive Officer (CEO) ng kapitalistang estado. Malaking bahagi ng populasyon ang naniwalang "maiahon" ni Noynoy ang Pilipinas mula sa kahirapan dahil sa kanyang programang "anti-korupsyon" at "malinis" na pamahalaan. Dapat maunawaan ng mga nagsusuring elemento sa Pilipinas na ang krisis sa Greece ay bahagi lamang ng paglaganap ng krisis sa buong mundo na tiyak aabot sa Pilipinas. At bilang napipintong bagong CEO, gagawin din ni Aquino ang ginagawa ngayon ng iba't-ibang kapitalistang estado para tangkaing isalba ang naghihingalong sistema: atakehin at pahirapan pang lalo ang masang anakpawis.
Tulad ng ibang kandidato at partido ng burgesya sa Pilipinas, si Benigno "Noynoy" Aquino III at ang kanyang Partido Liberal (LP) ay kaaway ng manggagawa at maralitang Pilipino.
Kaya naman ang kontra-rebolusyonaryong linya ng Kaliwa na "pambansa-demokratikong pakikibaka", "nagkakaisang prente", unyonismo, elektoralismo at parliyamentarismo ay tumutulong upang ilayo ang uring proletaryo sa tamang landas ng pakikibaka laban sa mga atake ng kapital: internasyunal na komunistang rebolusyon.
Dapat nating suportahan ang pakikibaka ng ating mga kapatid na manggagawa sa Greece. Ilunsad din natin ang mga pakikibaka laban sa sistema at estado mismo. Itakwil natin ang bangkarotang linya ng Kaliwa na lantay anti-Gloria Arroyo o laban lamang sa isang paksyon ng naghaharing uri habang nakikipaglampungan sa burges na oposisyon tulad ng ginawa ng maoistang Bayan Muna at sosyal-demokratikong Akbayan.
Sa minimum, nanawagan kami sa mga nagsusuring elemento sa Pilipinas na ipamahagi at talakayin ang polyeto ng IKT.
Internasyonalismo, 5/30/10
-------------------------------------------------------
Sa Greece, nagaganap ang malawak na galit at pagsabog ng panlipunang sitwasyon. Sa ngayon, inuulan ng atake ang uring manggagawa. Matinding tinamaan ang lahat ng henerasyon, lahat ng sektor ng uri. Mga manggagawa sa pribadong sektor, sa pampublikong sektor, walang trabaho, pensyonado, mga estudyanteng nagtatrabaho bilang kontraktwal... Walang pinatawad. Ang buong uring manggagawa ay nasa peligro ng kalunos-lunos na kahirapan.
Sa harap ng mga atake, nagsimulang lumaban ang uring manggagawa. Sa Greece, tulad sa ibang lugar, lumabas ito sa lansangan, nagwelga, pinakita na hindi ito handa sa hinihinging sakripisyo ng kapitalismo.
Subalit sa ngayon, ang pakikibaka ay hindi pa talaga naging malawak. Dumadaan ang mga manggagawa sa Greece sa mahirap na yugto. Ano ang gagawin kung ginigiit ng lahat ng media at lahat ng politiko na walang alternatiba liban sa paghigpit ng sinturon at iligtas ang bansa para hindi mabangkarota? Paano labanan ang halimaw na estado? Anong mga paraan ng pakikibaka ang gamitin para ang balanse ng pwersa ay papabor sa pinagsamantalahan?
Lahat ng mga katanungang ito ay hindi lang kinakaharap ng mga manggagawa sa Greece, kundi ng mga manggagawa sa buong mundo. Walang ilusyon: ang "trahediyang Griyego" ay ang sitwasyong naghihintay sa uring manggagawa sa buong mundo. Kaya ang "istilong Griyego na mga pakete ng paghihigpit" ay opisyal ng inanunsyo sa Portugal, Rumania, Japan at Spain (kung saan binawasan ng gobyerno ang sahod ng mga manggagawa sa pampublikong sekor ng 5%!) Sa Britain, ang bagong gobyernong koalisyon ay nagsimula ng ipakita ang mga pagbabawas na gagawin nito. Lahat ng mga atakeng ito, na sabay-sabay na ginagawa, ay patunay muli na ang mga manggagawa, anuman ang kanilang nasyunalidad, ay bahagi ng isa at iisang uri na kahit saan ay parehas ang interes at magkatulad ang kaaway. Pinilit ng kapitalismo ang proletaryado na tiisin ang mabigat na kadena ng sahurang paggawa, pero ang kadena ding ito ang nag-uugnay sa mga manggagawa sa lahat ng mga bansa, lagpas sa lahat ng mga hangganan.
Sa Greece, ang ating mga kapatid sa uri ang inaatake at nagsimulang lumaban. Ang kanilang pakikibaka ay ating pakikibaka.
Pakikiisa ng mga manggagawa sa Greece! Isang uri, isang pakikibaka!
Dapat nating itakwil ang lahat ng dibisyon na ipinataw ng burgesya sa atin. Laban sa lumang prinsipyo ng lahat ng naghaharing uri - "hatiin at harian" - dapat nating ibandila ang sigaw ng pinagsamantalahan: "manggagawa sa lahat ng mga bansa, magkaisa!"
Sa Uropa, ang iba't-ibang pambansang burgesya ay nagsikap na papaniwalin tayo na dahil sa Greece ay dapat tayong maghigpit ng sinturon. Ang pagsisinungaling ng mga taong namuno sa Greece, na hinayaang mabuhay ang bansa sa utang ng ilang dekada at kinurakot ang pera ng bayan, sila ang pangunahing dahilan ng "internasyunal na krisis ng tiwala" sa euro. Sa kabilang banda, ginagamit ng mga gobyerno ang kasinungalingang ito para ipaliwanag ang pangangailangan ng pagbawas ng depisit at ipatupad ang mala-halimaw na hakbanging paghihigpit.
Sa Greece, lahat ng mga opisyal na partido, sa pangunguna ng Partido Komunista, ay winasiwas ang damdaming makabayan, sinisisi ang "mga dayuhang kapangyarihan" sa mga atake. "Ibagsak ang IMF at ang European Union!" "Ibagsak ang Germany!" - ang mga islogang ito ang ibinabandila sa mga demonstrasyon ng kaliwa at dulong-kaliwa, ginagamit nila ang lahat para ipagtanggol ang pambansang kapitalismong Griyego.
Sa USA, kung babagsak ang stock market, ito ay dahil sa instabilidad ng Eropean Union; kung nagsasara ang mga kompanya, ito ay resulta ng paghina ng euro, na nakakagulo sa dolyar at eksport ng US...
Sa madaling sabi: bawat pambansang burgesya ay sinisisi ang kanilang kapitbahay at tinatakot ang pinagsamantalahang manggagawa: "tanggapin ang mga sakripisyo, kung hindi ang bansa ay hihina at samantalahin ito ng ating mga karibal laban sa atin". Sa ganitong paraan nagsisikap na naghaharing uri na isalaksak sa atin ang nasyunalismo, na peligrosong lason sa makakauring pakikibaka.
Ang mundo ng pagkakahati sa pagitan ng nagbabangayang mga bansa ay hindi atin. Walang mapapala ang uring manggagawa sa pagkatali sa kapital sa bansang tinitirhan niya. Ang pagtanggap ng mga sakripisyo ngayon sa ngalan ng "pagtatanggol ng pambansang ekonomiya" ay paraan lamang para ihanda ang pundasyon para sa mas mabigat na sakripisyo sa hinaharap.
Kung ang Greece ay nasa bingit ng bangin; kung ang Spain, Italy, Ireland at Portugal ay malapit na rin; kung ang Britain, France, Germany, ang US ay nasa malalim na krisis din, ito ay dahil naghihingalo na ang kapitalismo. Lahat ng mga bansa ay lalupang masadlak sa kagukuhang ito. Sa loob ng nagdaang 40 taon ang pandaigdigang ekonomiya ay nasa krisis na. Sunod-sunod ang resesyon. Ang desperadong pangungutang lamang hanggang ngayon ang dahilan ng anumang antas ng paglago. Subalit ang resulta ngayon ay ang mga pamilya, kompanya, bangko at estado ay nasadlak sa bigat ng utang. Isa lamang karikatura ang bangkarotang Greece sa pangkalahatan at istorikal na bangkarotang mapagsamantalang sistema.
Kailangan ng naghaharing uri na hatiin tayo: kailangan natin ng pagkakaisa! Ang lakas ng uring manggagawa ay nasa pagkakaisa!
Ang planong paghihigpit na inaanunsyo ngayon ay harapan, pangkalahatang atake sa kondisyon ng ating pamumuhay. Ang tanging posibleng sagot ay malawakang pagkilos ng mga manggagawa. Imposibleng labanan ang mga atakeng ito kung sa sarili mo lang bakod, sa sariling pabrika, eskwelahan o opisina, naiilang at nag-iisa. Kailangan ang malawakang paglaban. Ito lamang ang tanging alternatiba para hindi hiwa-hiwalay na madurog at magdusa sa kahirapan.
Pero ano ang ginawa ng mga unyon, yaong opisyal na mga 'espesyalista' sa pakikibaka? Nag-oorganisa sila ng mga welga sa maraming pagawaan ... na walang pagsisikap na pagkaisahin sila. Aktibo silang silang nambuyo ng seksyunal na dibisyon, laluna sa pagitan ng pribado at pampublikong manggagawa. Pinakilos nila ang mga manggagawa sa nakakabaog na ‘mga araw ng aksyon'. Sila ay tunay na mga espesyalista sa paghati-hati sa uring manggagawa. Bihasa din ang mga unyon sa pagsalaksak ng nasyunalismo. Isang halimbawa: ang pinaka-komon ng islogan ng mga unyong Griyego magmula kalagitnaan ng Marso ay "bumili ng produktong Griyego!"
Ang pagsunod sa mga unyon ay laging nagkahulugan ng pagsunod sa daan tungo sa pagkahati-hati at pagkatalo. Kailagang hawakan ng mga manggagawa ang kanilang pakikibaka sa kanilang mga kamay, sa pamamagitan ng pag-organisa ng mga pangkalahatang asembliya at magpasya sa mga kahilingan at islogang ibabandila, sa pamamagitan ng pagpili ng mga delegado na anumang oras ay maaring tanggalin at sa pamamagitan ng pagpapadala ng maramihang delegasyon sa ibang mga grupo ng mangggawa, sa pinakamalapit na mga pagawaan, opisina, eskwelahan at ospital, na may layuning himukin sila na sumama sa kilusan.
Labas sa unyonismo, mangahas na kontrolin ang pakikibaka, maghanap ng paraan na puntahan ang ibang sektor ng manggagawa... lahat ito ay parang mahirap. Isa ito sa mga hadlang sa pag-unlad ng pakikibaka ngayon: kulang ng tiwala sa sarili ang uring manggagawa. Hindi pa ito mulat sa napakalaking kapangyarihan nasa kanyang mga kamay. Sa ngayon, ang marahas na mga atake na inihambalos ng kapitalismo, ang brutalidad ng pang-ekonomiyang krisis, ang kakulangan ng proletaryado ng tiwala sa sarili - lahat ng ito ay nakakaparalisa ang epekto. Ang tugon ng mga manggagawa, kahit sa Greece, ay mababa pa rin kumpara sa hinihinging bigat ng sitwasyon. At ganun pa man, ang bukas ay nasa uring manggagawa pa rin. Laban sa mga atake, ang tanging paraan para sumulong ay ang pag-unlad ng lumalaking malawakang mga paglikos.
Nagtatanong ang ilang tao: "bakit maglunsad pa ng ganoong pakikibaka? Saan sila patungo? Dahil bangkarota ang kapitalismo, at walang reporma na posibleng mangyari, ibig ba sabihin na wala ng solusyon?" At totoo, sa loob ng sistema ng pagsasamantala, wala ng solusyon. Pero ang pagtutol na ituring bilang aso at kolektibong lumaban ay nagkahulugan na lumaban na may dignidad. Nagkahulugan na ang realisasyon ng pagkakaisa ay umiiral talaga sa mundo ng kompetisyon at pagsasamantala at tunay na may kapasidad ang uring manggagawa na isabuhay ang makataong damdaming ito. At ang posibilidad ng ibang mundo ay magsimulang lilitaw, isang mundo na walang pagsasamantala, mga bansa o hangganan, isang mundo para sa sangkatauhan at hindi para sa tubo. Kaya at kailangan ng uring manggagawa na magtiwala sa sarili. Siya lamang ang may kapasidad na itayo ang bagong lipunan at ibalik ang sangkatauhan sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtupad sa sinabi ni Marx na "ang pag-igpaw mula sa mundo ng pangangailangan tungo sa mundo ng kalayaan".
Bangkarota na ang kapitalismo, pero posible ang ibang mundo: komunismo!
Internasyunal na Komunistang Tunguhin, 24 Mayo 2010
[1] Ang wikang English ay nandito: https://en.internationalism.org/icconline/2010/05/against-austerity-clas... [2]
Hindi pa man opisyal na nagsimula ang kampanya ng mga kandidato para sa eleksyon ngayong Mayo ay nagsimula na ang madugong labanan ng mga kandidato sa lokal na antas.
Kung maalala natin, ang masaker sa Maguindanao noong Nobyembre 2009 ang pinaka-marahas na kaganapan sa kasaysayan ng Pilipinas kaugnay sa tunggalian ng mga paksyon ng naghaharing uri sa pag-aagawan ng posisyon.
Magmula noon, sunod-sunod na ang mga karahasan sa lokal na antas kung saan ang mga biktima ay ang mga lokal na kandidato o lokal na lider ng mga burges na partido, partikular ang nasa oposisyon. Patunay lamang ito na sa panahon ng naaagnas na sistema, ang tunggalian ng mga paksyon ng mapagsamantalang uri ay nagkakaanyo na sa marahas na labanan para sa posisyon sa loob ng estado.
Kung hindi man nakikita ang karahasan ng tunggalian sa panahon ng eleksyon sa mga abanteng kapitalistang bansa na siyang modelo ng demokrasya, ito ay sa kadahilanan, pangunahin, na relatibong malawak pa ang maaring paghatian ng mga paksyon at mas kailangan nila ang pananatili ng mistipikasyon ng demokrasya dahil ang kaharap nila ay ang pinakamalakas at pinaka-organisadong seksyon ng internasyunal na proletaryo.
Kaiba ito sa mga atrasadong bansa gaya ng Pilipinas kung saan relatibong mas mahina ang independyenteng kilusang manggagawa at hamak na mas malakas ang mistipikasyon ng nasyunalismo at demokrasya. Higit sa lahat, di hamak na mas makipot ang pinag-aagawang pambansang yaman ng iba't-ibang paksyon. Kaya naman, para sa iba't-ibang paksyon isang buhay at kamatayan ang pagpasok sa estado at paghawak ng posisyon hindi lamang para sa indibidwal na interes kundi maging sa interes ng kani-kanilang pamilya bilang bahagi ng “dugong bughaw” sa lipunang bulok na sa kaibuturan.
Ang mga ito ang pangunahing dahilan kung bakit lalong lumala ang dinastiyang politikal at warlordismo sa Pilipinas. Subalit, dapat nating malaman bilang mga rebolusyonaryo na hindi ito partikular sa Pilipinas. Ito na ang tunguhin ng daigdig ngayon sa ilalim ng nabubulok na kapitalismo.
Kahit ang tendensyang paglahok ng Kaliwa sa eleksyon at pagpasok sa kapitalistang estado ay matagal ng ginagawa ng mga traydor na kapatid nito sa abanteng kapitalistang bansa at maging sa atrasadong mga bansa gaya ng “matagumpay” na estratehiya ng mga “radikal” na pundamentalista sa Gaza, Lebanon, at sa “sosyalistang” Kaliwa sa Central at Latin America.
At tulad ng nangyari sa Gitnang Silangan, ang paglahok ng armadong Kaliwa sa Pilipinas sa burges na eleksyon, laluna ng maoistang “Partido Komunista” ng Pilipinas, lalong liliyab at mas malakas ang pagsabog ng marahas na tunggalian panahon ng mga eleksyon.
Ang “demokratiko” at “mapayapang” eleksyon na pinanggalingan ng malaking kasinungalingan ng burgesya na paraan diumano para makapagdesisyon ang nakararami sa mga “lider” na “kakatawan” sa kanila sa loob ng estado para dadalhin sila sa “langit ng kasaganaan” ay isang maskara lamang sa paghari ng takot at damdaming kawalan ng kapangyarihan ng nakararaming mamamayan dahil ang bawat paksyon ay may sariling armadong grupo na walang ibang katapatan kundi sa mga burges na partidong walang ibang interes kundi panatilin ang bulok na kaayusan.
Magtagumpay man ang mga paksyon ng Kanan at Kaliwa ng burgesya na ipakitang “malinis” at “kapani-paniwala” ang bulok na halalan sa Mayo, hindi nila maitago at mapigilan ang paglakas at paglala ng karahasan ng kanilang pag-aagawan sa posisyon.
Talyo
Dalawang pambansang isyu ang pumutok ngayon sa Pilipinas: ang isyu ng mga manggagawa ng PAL at ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Ang una ay ang napipintong tanggalan ng halos 3,000 manggagawa, mass resignation ng mga piloto ng national flag carrier at ang napipintong welga ng mga flight stewards, kung saan ang pangunahing isyu ay ang pagtaas ng sahod, seguridad sa trabaho at retirement. Ang huli ay ang usapin ng maniobra at pambabaraso ng management ng Hacienda Lusita na pag-aari ng pamilyang Cojuangco-Aquino para piliting tanggapin ng naghihirap na manggagawang-bukid ang stock sharing scheme.
Sa dalawang pambansang isyung ito, nakikita ng masang manggagawa at magsasaka kung anong uri nagsisilbi ang estado, na pinaniwalaan nila na nasa pamumuno ng isang "popular" at "maka-masang" pangulo. Salamat sa pagtutulungan ng Kanan at Kaliwa noong nakaraang eleksyon, naisalaksak ng mga ito sa kaisipan ng masa na may pag-asa pa sa eleksyon basta manindigan lamang ang nakararami na iboto ang mga kandidatong may "malinis na hangarin" sa tuktok ng kapitalistang estado.
Pakikibaka sa PAL
Ilang buwan ng nag-aalburotong sasabog ang welga ng mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL) dahil sa plano ng management na tanggalin ang halos 3,000 manggagawa sa pamamagitan ng iskemang early retirement at voluntary retirement na inihapag nito sa unyon. Mariin itong tinutulan ng mga manggagawa dahil ayaw ng mga ito na magsakripisyo para isalba ang kompanya mula sa pagkalugi bunsod ng tumitinding krisis ng pandaigdigang kapitalismo.
Subalit dahil nasa pamumuno ito ng unyon, madaling naigapos ng uring kapitalista at estado ang mga manggagawa sa mga anti-kapitalistang batas. Kaya naman hanggang ngayon ay hindi pa naiputok ang welga dahil takot ang unyon na ideklarang ilegal ito ng estado.
At dahil din sa matinding kompetisyon at iringan ng iba't-ibang unyon na hawak ng iba't-ibang paksyon ng Kanan at Kaliwa ng burgesya, walang nangyaring malawakang mga pagkilos ang ibang mga pabrika na hawak ng ibang paksyon ng Kaliwa na karibal na unyon ng PAL na hawak naman ng Lagmanistang Partido ng Manggagawa (PM). Idagdag pa dito na takot ding labagin ng ibang mga unyon ang mga anti-manggagawang batas ng estado.
Nang pumutok nitong mga nakaraang linggo ang mass resignation ng mahigit 20 piloto ng PAL dahil sa usapin ng mababang sahod ay nagkukumahog sa pakikialam ang Malakanyang, na siyang naging mitsa na maging laman ito ng mga pahayagan at telebisyon sa loob ng ilang linggo.
Nalantad ang layunin ng Kaliwa at unyon sa isyu ng PAL
Muli, bunsod ng pakikialam ng rehimeng Aquino sa isyu ng PAL, ay umalingawngaw ang sentral na layunin ng unyon at Kaliwa: kapitalismo ng estado. Ang ultimong layunin ng unyon at Kaliwa ay isalba ng estado ang PAL sa pamamagitan ng pagkontrol nito o gawing pag-aari ng estado o kaya joint ownership ng pamilyang Tan at gobyerno. Para sa mga ito, ang estado lamang ang tagapagligtas para magkaroon ng mataas na sahod at seguridad sa trabaho ang mga manggagawa.
Ang ganitong pananaw ay hindi salungat sa makauring interes ng burgesya. Sa halip ay nakakatulong pa ito para patuloy na ihasik ang lason ng repormismo, parliyamentarismo at elektoralismo sa hanay ng malawak na masa.
Nais ng Kaliwa na ipalunok sa masang manggagawa na "progresibo" ang kapitalismo ng estado kaysa "pribadong" kapitalismo o popular sa tawag na "globalisasyon" sa hanay ng Kaliwa. At dahil dito ay epektibong naitago ng kaliwang kamay ng naghaharing uri na lubusan ng bangkarota at walang kapasidad ang estado para isalba ang krisis ng sistemang pinagtatanggol nito.
Tagapagligtas ba ang estado?
Ang estado kailanman ay hindi para sa masang anakpawis. Maging ang sinasabi ng Kaliwa na "estado ng manggagawa", "gobyerno ng mamamayan" at "sosyalistang estado" ay pawang nagsisilbi sa interes ng kapitalistang moda ng produksyon.
Ang kapitalismo ng estado ("sosyalismo" sa dating Bloke ng Silangan at Stalinistang Rusya) ay ang Keynesianismo sa Kanluran matapos sumabog ang unang pandaigdigang krisis ng dekadenteng kapitalismo noong 1920s o ang popular na ‘The Great Depression of 1929'. Subalit hindi napigilan ng Keynesianismo at Stalinistang "sosyalismo" ang pagputok ng WW II, ang ikalawang inter-imperyalisng digmaan na mas masahol pa sa WW I. Kabaliktaran pa nga ang nangyari: ang imperyalistang katangian ng mga ito ang dahilan ng ikalawang pandaigdigang digmaan bunsod ng unang pandaigdigang krisis ng dekadenteng kapitalismo.
Sa loob ng ilang dekada, ang dalawang tipo ng kapitalismo ng estado sa Silangan at Kanluran ang nagpahirap ng daang milyong mamamayan sa buong mundo, na dinagdagan pa ng inter-imperyalisng digmaan sa anyo ng mga digmaan para sa "pambansang kalayaan at demokrasya".
Napatunayan ng kasaysayan na bangkarota na ang estado, sa kabila ng katotohanan na nabubuhay pa rin ito. Noong 1990s ay nagkaisa ang burgesya sa buong mundo na lubusan ng itakwil ang Keynesianismo at ang kahalintulad nito, pero mas totalitaryan na Stalinismo. Kasabay ng pagkawasak ng Bloke ng Silangan at ng imperyalistang USSR ay binuo ng internasyunal na burgesya ang "globalisasyon" o "pribadong" kapitalismo. Narito ang malaking kasinungalingan ng "globalisasyon" na sinuportahan ng Kaliwa: pinaubaya na ng mga estado ang ekonomiya ng kapitalismo sa mga pribadong kapitalista, sa mga transnational at multi-national corporations. Ito ay malaking kasinungalingan dahil mula WW I ay nasa yugto na ang kapitalismo ng kapitalismo ng estado o ang aktibo at tahasang panghihimasok ng estado sa buhay panlipunan para isalba sa tuluyang pagkawasak ang bulok na kapitalismo.
Naghuhumiyaw ang lahat ng paksyon ng Kaliwa laban sa "globalisasyon". At ang sigaw nila ay: muling ibalik sa kontrol ng mga estado ang ekonomiya ng mundo mula sa naglalaway na bunganga ng mga TNCs/MNCs, sa pribadong kapital!
Ganun pa man, napipi ang lahat ng paksyon ng Kanan at Kaliwa ng biglang sumabog ang panibagong krisis ng pandaigdigang kapitalismo noong 2007. Ang "globaliasyon" na diumano solusyon sa krisis bunsod ng kapitalismo ng estado (Keynesianismo at Stalinismo) ay nadurog kasabay ng pagsabog ng financial crisis na nag-umpisa sa sentro mismo ng kapitalismo ng mundo: Amerika.
Ang kapitalismo ng estado na isinuka ng Reaganomics at Thatcherism noong 1980s ( ang "ama" at "ina" ng globalisasyon sa 1990s) ay "muling" kinain ng internasyunal na burgesya para desperadong isalba ang kapitalismo. Muling namayagpag ang aktibo at hayagang pakikialam ng mga estado para isalba ang ekonomiya mula sa "pang-aabuso" ng mga pribadong kapitalista. At dahil matagal ng bangkarota ang mga estado, hanggang ngayon ay hindi pa naampat ng internasyunal na burgesya ang pagkalat ng apoy ng krisis. Katunayan, sa halip na mapigilan ay kumalat na ito sa Uropa ng pumutok ang krisis sa Greece, Spain at Portugal, matapos nagyabang ang mga burges na eksperto na "naampat" na nito ang pagdurugo ng sistema.
Sa halip na matauhan ang Kaliwa, mas lalong humigpit ang paghawak nito sa kanilang paniniwala sa kapitalismo ng estado. Talagang tapat sa kanilang papel ang Kaliwa: tigasabotahe ng proletaryong rebolusyon sa loob ng kilusang paggawa.
Para sa kanila, hindi sapat ang neo-Keynesianismo ng burgesya para isalba ang krisis ng 2007. Ang ibang paksyon naman ng Kaliwa, gaya ng mga maoista-stalinista ay mas lalupang nagsisigaw na tama ang Maoismo-Stalinismo bilang epektibong porma ng kapitalismo ng estado.
At ito ang dala-dala ng Kaliwa sa isyu ng PAL: isalba ng rehimeng Aquino ang PAL.
Pero bakit ayaw ariin ng estado ang PAL?
Hindi na bago sa Pilipinas na ariin ng estado ang isang industriya. Nangyari na ito noong panahon ng diktadurang Marcos. At dahil sa matindi na ang kakitiran ng pandaigdigang merkado magmula 1970s ay nalugmok sa matinding pagkalugi ang mga industriyang pag-aari ng estado hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba pang mga bansa. Ang mga industriyang pag-aari ng estado ay naging pabigat sa kanya: paglaki ng kanyang utang at depesit. Ang kasalukuyang utang ng gobyerno ng Pilipinas ay umabot na sa P4.44 trilyon, tumaas ng P46 bilyon kumpara noong nakaraang taon habang ang kanyang depisit sa badyet ay umabot na sa P162 bilyon, mas mataas ng 33% kumpara noong 2009.At ang pangunahing lubog sa utang ay ang mga industriya at ahensyang pag-aari ng estado gaya ng National Food Authority kung saan umabot na sa P171 bilyon ang utang, 400% na mas mataas kumpara noong 2003.
Alam ito ng rehimeng Aquino. Isang pagpapatiwakal para sa kanya kung isasalba niya ang PAL na "wala sa panahon": ang kondisyon na talagang naghihingalo na ito. Ang malalaking industriya na sandalan ng bulok na sistema ay ililigtas at ililigtas ng estado kahit ano pa ang kapalit nito, kung saan laging ang uring manggagawa ang biktima.
Isa pang salik ay marahil nangangamba ang bagong rehimen na sa halip na makakatulong sa pagmintina ng ilusyon ng populismo ay lalupang hahatakin pababa ang rehimen kung ngayon agad ay isasalba na niya ito gaya ng ginawa ng ibang mga estado sa Uropa at Amerika dahil di hamak na mas bangkarota ang estado ng Pilipinas kumpara sa abanteng kapitalistang mga bansa.
Ganun pa man, sa larangan ng paghahasik ng ideolohiyang kapitalismo ng estado ay nasa "win-win" solution ang "girian" ng Kanan at Kaliwa sa usapin ng pagsalba o hindi ng estado sa isang naghihingalo o naluluging industriya na mahalaga sa pambansang interes.
Kung nahihirapan sa ngayon ang mga empleyado ng gobyerno at ang government-owned corporations tiyak na ganun din ang daranasin ng mga pribadong industriya na "isasalba" ng estado, ito man ay sa anyo ng bail-out, lubusang pag-aari o state-private joint ownership.
Pag-aari man ng estado o hindi, ang mga problema ng mababang sahod at kontrakwalisasyon ay mananatili dahil ito na lamang ang pinagkukunan ng hininga ng naghihingalong sistema.
Pakikibaka ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita
Magkaribal man na paksyon ng Kaliwa ang namuno sa pakikibaka ng PAL at Hacienda (ang PAL ay nasa pamumuno ng "leninistang" Partido ng Manggagawa habang ang Lusisita ay nasa pamumuno ng mga maoista) ay walang pagkakaiba ang kanilang layunin: dapat makialam o kontrolin ng estado ang Hacienda Luisita. Katunayan, tinuligsa ng mga maoista ang rehimeng Aquino dahil diumano sa hindi pakikialam nito sa pinakahuling kompromisong kasunduan sa pagitan ng mga manggagawang-bukid at management ng Hacienda. Subalit, kahit ang mga maoista mismo ay alam nila na aktibong nakialam ang rehimeng Aquino sa isyung ito.
Ang kaibahan din ng pakikibaka ng PAL at Hacienda Luisita ay ang una ay nagtangkang bumangon mula sa pagkatalo ng welga nito mahigit sampung taon na ang nakaraan. Samanatalang ang huli ay hindi pa rin nakabangon mula sa madugong pagkatalo noong maagang bahagi ng taong 2000. Kaya naman ang compromise deal na nangyari nitong nakaraang mga araw ay manipestasyon ng pagkatalo nito gaya ng compromise deal ng unyon ng PAL noon (CBA moratorium for 10 years).
Gaya ng PAL noon, mahigit 70% ng 10,502 manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita ang pumayag sa mapagsamantalang stock distribution option (SDO) ng management.
Indibidwal na pag-aari ng lupa
Ang mga maoistang namuno sa Hacienda Luisita, isang kapitalistang Hacienda kung saan ang pangunahing produktibong pwersa nito ay ang mga manggagawang-bukid ay pilit na isinalaksak sa utak ng kanilang baseng masa na ang solusyon sa kapitalistang pagsasamantala sa kanayunan ay ang indibidwal na pag-aari ng lupa: "lupa sa mga nagbubungkal". Sa madaling sabi ay mula sa burges na produksyon paatras sa peti-burges na moda ng produksyon sa ilalim ng isang totalitaryan na kapitalismo ng estado sa ngalan ng "demokratikong gobyerno ng bayan" na pinamunuan ng isang partido "komunista". Ito ang esensya ng "rebolusyonaryong agraryo" ng mga maoista. Ang usapin ng kooperatibismo sa ilalim ng kapitalismo ay ginawang palamuti nito.
Hindi natuto at ayaw matuto ng Kaliwa na sa matagal ng karanasan na ang indibidwal na pag-aari ng lupa ay nauuwi lamang sa pagkahati ng kanayunan sa iilang kapitalistang magsasaka at maraming manggagawang-bukid bilang sahurang alipin nito. Kahit ang sinasabi nitong "demokratikong gobyerno" ay naging isang sentralisadong kapitalistang entidad habang huridikal (sa papel lamang) ang pag-aari ng manggagawang-bukid sa lupa.
Sa esensya ay wala itong kaibahan sa naglipana ngayong "cooperative" ownership na isinagawa ng ilang mga unyon sa Mindanao na sa esensya ay naging isang human resource agencies para sa kontraktwalisasyon ng manggagawang-bukid sa bunganga ng malalaking plantasyon.
Sa larangan ng praktikalidad, hindi aabot ng isang ektarya lupa ang maaring ariin ng 10,502 benepisyaryo kahit pa buong-buong ibigay ang 6,500 ektaryang lupa ng Hacienda. Sa ganito kaliit pa lang na pag-aari, tiyak na hindi ito sapat para buhayin ang isang pamilyang may anim ka tao. Kaya nga mapanlinlang ang "lupa sa mga nagbubungkal" dahil ang tunay na solusyon sa problemang agraryo sa kanayunan ay sosyalisasyon ng pag-aari na makakamit lamang sa isang sosyalistang lipunan matapos manalo ang internasyunal na proletaryong rebolusyon.
Malawakang makauring pakikibaka
Tama lamang at kailangang tutulan ng mga manggagawang-bukid sa Hacienda Luisita ang compromise deal. Wasto na ilunsad ng mga manggagawa sa PAL ang welga laban sa malawakang tanggalan, mababang sahod at retirement. Subalit para muling susulong ang kanilang pakikibaka ay kailangang hawakan nila ang laban sa kanilang sariling mga kamay sa pamamagitan ng mga asembliya na hiwalay at awtonomos sa mga organisasyon ng Kaliwa at Kanan.
Higit sa lahat ay ang pangangailangan na palawakin ang pakikibaka: pagkakaisa at pakikibaka ng mas malawak na manggagawa na ang dala-dala ay ang mga pangkalahatang kahilingan na magagawa sa pamamagitan ng mga asembliya nito, pagkakaisa ng mas malawak na manggagawang-bukid, at higit sa lahat pagkakaisa ng mga asembliya ng manggagawa at magsasaka.
Pero hindi ito mangyayari sa ilalim ng pamumuno ng mga unyon at organisasyon ng Kaliwa na malalim ang kompetisyon at sektaryanismo. Ang mga unyon at organisasyon ng Kaliwa sa Pilipinas ang isa sa pangunahing hadlang kung bakit walang pagkakaisa at koordinasyon ang laban ng manggagawa at magsasaka. Sila ang dahilan kung bakit ang makauring laban sa ilalim ng kanilang pamumuno ay nauuwi sa kanya-kanya, pagkatalo at demoralisasyon.
Mas lalong hindi makakamit ang tagumpay ng pakikibaka sa repormistang taktika ng mga unyon at Kaliwa na "legal na pakikibaka" (sa korte o kaya sa DOLE) dahil ang mga batas mismo na pagbabatayan ng desisyon ay kontra-manggagawa at magsasaka. Sa halip ito ay kadena at malamig na tubig upang ang namumuong militansya ng uri ay maglaho at mapalitan ng demoralisasyon at pagsuko. Pagsuko na gagawin na namang "tagumpay" ng mga unyon at Kaliwa sa kanyang baseng masa at sa media.
Dapat matuto ang mga manggagawang industriyal at manggagawang-bukid sa pakikibaka ng mga manggagawa sa Panama nitong nakaraang mga buwan: malawakang welga laban sa mga anti-manggagawang batas ng estado kung saan ay nanalo ang masang anakpawis sa Panama.
Nasa malawakang pakikibaka sa lansangan ang kapangyarihan ng nagkakaisang manggagawa at magsasaka. Ito din ang mitsa para sa isang tunay na rebolusyon ng masang api para durugin ang estado at bulok na sistema.
Patrick, Agosto 18, 2010
Lahat ng mga kandidato ay inaaming dumarami ang naghihirap na mga Pilipino. Ito ang katotohanang hindi nila kayang itago. Isang katotohanan na lagi na lang may "solusyon" sa panahon ng kampanya ng eleksyon. Katotohanan na ang "solusyon" diumano ay kung si ganito o si ganoon ang mananalo at makaupo sa pwesto. Laging ganito ang naririnig at nababasa ng taumbayan, laluna ng manggagawa at maralita tuwing sasapit ang halalan.
"Malinis na pamahalaan", "matino at tapat na taong nasa pwesto", walang kurakot na gobyerno", "libreng edukasyon", "trabaho", "tamang sahod", "lupa", "pabahay"..... Ito na ang laging sinasabi ng mga kandidatong nangangailangan ng boto ng manggagawa at maralita para masungkit nila ang kapangyarihan sa bulok na pamahalaan.
Bawat isa sa mga kandidato ay nagsasabing "ako at ang aking partido ang may tunay na plataporma at programa para maiahon ang sambayanan mula sa kahirapan". Ilang dekada na ba nating narinig ang mga katagang ito? Ilang dekada na ba nating narinig na naghirap diumano ang bansa dahil sa "maling pamamahala", dahil "hindi mga tamang tao ang naluklok sa gobyerno". Hindi ba't ito lagi ang sinasabi ng nasa oposisyon na nais palitan ang administrasyon?
Ang administrasyon naman ay laging nagsasabing wala sa kanila ang problema kundi "hindi sapat na panahon ng panunungkulan" ang siyang dahilan kung bakit ang mga pangako ay hindi natupad. Ang nasa administrasyon ay sinisisi ang lahat maliban sa kanilang sarili sa mga kapalpakan ng kanilang "plataporma" at "programa".
Ganito lagi ang eksenang nakikita natin sa kada tatlo at anim na taong palabas ng eleksyon.
Katotohanang matagal na nating alam
Matagal na nating alam na lahat ng mga kandidato ay walang kaibahan sa isa't-isa. Matagal na nating alam na ang nais lamang nila ay uupo sa pwesto para lalupang magpayaman gamit ang kapangyarihan.
Kaya nga ang iba sa ating mga kapatid ay ginawa na lamang "pantawid-gutom" ang eleksyon dahil alam nila na walang pagbabagong mangyari sa kanilang hirap na kalagayan matapos ang eleksyon.
Ang puno't dulo ng kahirapan ay ang bulok na sistema ng ekonomiya ng bansa na nagbunga ng bulok na gobyerno. Walang sinumang "santo" at "santa" ang may kapangyarihang gawing maayos ang pamahalaan na nakatungtong at nabubuhay mula sa mabangong singaw ng bulok na panlipunang kaayusan.
Higit sa lahat, wala sa mga "super-hero" na politiko at kapitalistang partido ang kapangyarihan upang wakasan ang kabulukan ng sistema at estado dahil ito mismo ang pinagtatanggol nila. Ang may kapasidad lamang nito ay ang uring may istorikal na kapasidad at kapangyarihan upang durugin ang mapagsamantalang kaayusan: ang uring manggagawa.
Ang panlipunang sistema na nakabatay sa ganansya, sa ganansyang ang tanging pinaggalingan ay ang libreng paggawa ng masang anakpawis, sa pag-aari ng minorya sa mga kagamitan ng produksyon, na siyang dahilan ng permanenteng krisis ng sobrang produksyon at patuloy na kawalang kapasidad ng nakararami na bilhin ang mga batayang pangangailangan, ang tunay na puno't dulo ng korupsyon at kabulukan ng gobyerno.
Tiwala sa sariling lakas, ibagsak ang sistema ng kapital
Wala sa loob ng gobyerno ang solusyon sa mga problema ng kahirapan. Ang solusyon ay durugin ang kapitalistang gobyerno at itayo ang kolektibo at rebolusyonaryong kapangyarihan ng manggagawa. Hindi ito makakamit sa pamamagitan ng eleksyon kahit pa pagandahin ang mga dekorasyon ng mga "radikal" at "rebolusyonaryo" sa loob ng gobyerno at parliyamento, na siyang ginagawa ngayon ng mga oportunista at traydor na mga organisasyon ng Kaliwa.
Ang tanging solusyon ay rebolusyon ng manggagawa para wasakin ang kapitalistang mga relasyon.
Subalit, ang malaking hadlang ay ang kawalan ng tiwala ng masang manggagawa at maralita sa kanilang sariling lakas at pagkakaisa, ang kawalan ng tiwala na kayang-kaya nilang organisahin ang kanilang sarili at kayang-kaya nilang labanan ang naghahari at mapagsamantalang mga uri sa lipunan.
Ang papel ng Kaliwa at burges na oposisyon ay lalupang itulak ang masa na lubusang mawalan ng tiwala sa sarili dahil sa ganitong sitwasyon lamang kakapit at maniwala ang masa sa mga panlilinlang at pagsisinungaling ng mga umaangking "lider", "abanteng destakamento" at "tagapagligtas". Ang mga "lider" at "kinatawan" ng masa ang "tanging may kapangyarihan" upang iahon ang huli sa kahirapan. At dahil hindi naman talaga matutupad ang mga pangako, sisihin ng mga "lider" at "kinatawan" ang masa mismo dahil "hindi aktibong sumusuporta" at "nanatiling pasibo", mas masahol pa, "mababa ang kamulatan", hindi katulad sa mga "lider" at "kinatawan" na "mataas na ang kamulatan".
Sindak na sindak ang lahat ng mga politiko (Kanan at Kaliwa, administrasyon at oposisyon) na darating ang panahon na hawakan na mismo ng masa sa kanilang mga kamay ang pagpanday ng kanilang kinabukasan. Dahil ang ibig sabihin nito ay itinatakwil nan g nakararami ang eleksyon at hinahawakan na nila ang rebolusyon.
Kaya naman nagtulong-tulong ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri, sa kabila ng kanilang matinding kompetisyon at siraan na manatiling nakakulong ang malawak na masa sa mga mistipikasyon ng eleksyon dahil ayaw ng naghaharing uri na tahakin ng masang anakpawis ang kanilang sariling landas, ang landas ng proletaryong rebolusyon.
Patrick, Pebrero 9, 2009
Attachment | Size |
---|---|
![]() | 285.12 KB |
Maghanda! Isulong ang Militanteng Pakikibaka
Laban sa Bagong Pangulo ng Pilipinas!
(Pahayag sa Mayo 1, 2010)
Ilang araw na lang, magkaroon na ng bagong pangulo ang kapitalistang estado ng bansa. Ngayong Mayo 1, dapat gawin itong okasyon ng manggagawang Pilipino upang maghanda dahil tiyak, sunod-sunod na atake na naman ang gagawin ng bagong Chief Executive Officer (CEO) ng kapitalistang sistema laban sa hirap na hirap na mamamayan.
Eleksyon ng burgesya, hindi ng manggagawa
Tulad ng nagdaang mga halalan sa Pilipinas, ang eleksyon ngayong Mayo ay eleksyon ng naghaharing uri para piliin kung sino o aling paksyon na naman ang uupo sa Malakanyang, parliyamento at mga lokal na gobyerno. Ito ay eleksyon upang ipagtanggol ang bulok na kaayusan na nagpahirap at nagsamantala sa masang anakpawis sa loob ng 100 taon.
Lahat ng mga kandidato, mula pampangulohan hanggang sa lokal na antas ay mula sa o tuta ng uring kapitalista-haciendero. Maging ang Kaliwa, na nag-aastang "progresibo" gaya ng Bayan Muna at Akbayan ay mabilis na nahubarang tuta lang pala ng malalaking burges na partido gaya ng Nacionalista Party (NP) ni Manny Villar at Liberal Party (LP) ni Noynoy Aquino. Ang ginawa ng Kaliwa ay patunay lamang na ito ay kaaway din (gaya ng burges na oposisyon at naghaharing paksyon) ng manggagawang Pilipino.
Sa pangkalahatan, nagtulong-tulong ang Kanan, Kaliwa, Simbahan at media upang maging kapani-paniwala ang eleksyon at maihalal ang isang "popular" na presidente ng bansa. Bagama't matindi ang bangayan ng iba't-ibang paksyon ng Kanan at Kaliwa, kung saan sila-sila na mismo ang nagbatuhan ng putik at naglantad ng kani-kanilang mga baho na umabot pa nga sa madugong tunggalian laluna sa lokal na antas, ay nagkaisa naman sila na itali ang masang api sa balangkas ng burges na eleksyon at dito ibuhos ang pagiging "militante at palaban" sa pamamagitan ng pagboto at pagbantay ng boto.
Sa kabilang banda, bagama't wala sa agenda ng Kanan at Kaliwa, hindi imposibleng mangyari ang no-election o failure of election. Bagamat para sa naghaharing uri, kailangang patuloy na mag-iilusyon ang malawak na masa sa isang "malinis" na eleksyon. Ito ang isa sa mga epektibong paraan para mapanatili nila ang bulok na kaayusan. Nais nilang matuloy, "mapayapa" at "malinis" ang halalan ngayong Mayo. Pero lumalala naman ang bangayan ng iba't-ibang paksyon sa pag-aagawan sa pwesto. Lahat ay desperadong makaupo laluna sa pampangulohang posisyon. Ang mga malalaking burges na partido at personalidad gaya ng Lakas-Kampi, NP at LP; Teodoro, Villar at Aquino ay ginagawa ang lahat ng paraan (kabilang na ang pinakamaruming paraan) para lamang manalo.
Kung hindi makontrol ng estado ang tuloy-tuloy na paglala ng sitwasyon, maaring ito ang magbukas para sa isang "ekstra-legal" o madugong tunggalian sa pagitan ng mga paksyong naglalaban. Kung sakali mang hindi matuloy ang eleksyon o kaya sa mata ng publiko ay nagkaroon ng malawakang dayaan, malamang uulitin muli ng Kaliwa ang tipong "people power revolution" (syempre sa pamumuno ng burgesya) gamit ang "mas radikal na panawagan" gaya ng "probisyunal na rebolusyonaryong gobyerno" na dala-dala nito noong kasagsagan ng mga burges na kilusan para patalsikin ang rehimeng Arroyo. Gaya sa nakaraan, gagamitin na naman ng mga paksyon ng burgesya ang masang anakpawis bilang pambala ng kanyon.
Walang magbago pagkatapos ng halalan kundi lalala pa ang hirap na kalagayan
May magagawa ba ang papalit kay Gloria Arroyo para sa ikabubuti ng sambayanan?
Sa pangkalahatan ay walang kaibahan ang plataporma at programa ng mga kandidato at partidong lumahok sa eleksyon. Walang kaibahan ang administrasyon at oposisyon. Kung basahin at pakinggan ang laman ng kanilang mga kampanya't plataporma, iisa lamang ang esensya: ipagtanggol ang pambansang kapitalismo at gagawin ng gobyerno ang lahat upang makaungos ang pambansang kapital sa matinding kompetisyon sa mabilis na kumikipot na pandaigdigang pamilihan. Wala itong ibig sabihin kundi: mas murang lakas-paggawa (sahod) para maging mas mura ang produkto ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado, maksimisasyon ng pagpiga ng lakas-paggawa, mas malawakang kontraktwaliasyon, pagtaas ng buhis at pagpapalaki ng utang ng gobyerno.
Sa susunod na 3-6 na taon, papasanin ng masang anakpawis ang mas matinding hirap dahil nasa permanenteng krisis na ang pandaigdigang kapitalismo at ganap ng bangkarota ang estado.
Papel ng Kaliwa
Sa kauna-unahang pagkakataon, hayagan at lantaran ang suporta ng Kaliwa sa malalaking burges na partido na nasa "oposisyon" laban sa rehimeng Arroyo. Sa nakaraan kasi, nahihiya at patago lamang ang suporta nito sa mga burges na kandidato at partido. Ito ay malinaw na manipestasyon na sa lenggwahe at pormulasyon lamang ng pananalita magkaiba ang Kanan at Kaliwa. Pero sa esensya, magkatulad ang kanilang programa: "paunlarin" ang pambansang kapitalismo, na sa panahon ng imperyalismo at permanenteng krisis nito ay imposible ng mangyari. Ang "kaunlaran" ay nagkahulugan ng matinding pagpapahirap at pagsasamantala sa mamamayan.
Ang dalawang pinaka-malaking paksyon ng Kaliwa (maoistang CPP-NPA at Akbayan) sa Pilipinas ay sumusuporta din sa dalawang pinakamatandang burges na partido sa bansa - Nacionalista Party at Liberal Party - at sa dalawang pinakamalakas na contender na magiging presidente: Manny Villar at Noynoy Aquino. Kung sinuman sa kanila ang uupo sa Malakanyang, alam ng publiko ang mayor na papel ng Kaliwa para makaupo sa kapangyarihan ang bagong pangulo ng mapagsamantalang gobyerno.
Kung nanahimik man ang ibang paksyon (Sanlakas, Partido ng Manggagawa, KPD, atbp) sa bangayan ng NP at LP, ito ay dahil wala naman silang tutol na makipag-alyansa sa kanila. Kaso nga lang naunahan sila ng maoistang Bayan Muna at sosyal-demokratikong Akbayan.
At dahil tiyak pa sa pagsikat ng araw na ang uupong bagong pangulo ay maging tagapagsalita at tagapagtanggol ng uring kapitalista-haciendero, malaki ang posibilidad na pagkatapos ng halalan, mag-uunahan na naman ang Kaliwa sa pagtindig bilang "oposisyon" sa bagong administrasyon upang makaiwas sa galit ng taumbayan, at muli na namang linlangin ang masa na sila ay nasa "panig para sa pagbabago ng sistema". Kung si Villar ang manalo, mangunguna sa pagiging "oposisyon" ang Akbayan. Kung si Aquino ang manalo, ang mga maoista naman ang mangunguna sa pagiging "oposisyon". Ang mga "nanahimik" na paksyon ng Kaliwa ay maaring sasakay sa pagiging "oposisyon" alinman sa mga kandidato ang maging presidente kasi hindi naman hayagan ang kanilang suporta. Ito ang papel ng Kaliwa sa Pilipinas sa kasalukuyan: maging "oposisyon" ng Kanan para ilayo ang masang manggagawa sa rebolusyonaryong landas at ikulong sa mistipikasyon ng repormismo gamit ang radikal na lenggwahe gaya ng "armadong pakikibaka", "rebolusyon" at "pagbabago ng sistema".
Sa kabilang banda, gaya ng sa nakaraan, magkaroon na naman ng rigodon ang karamihan sa mga politiko ng Kanan sa partido ng nanalong pangulo.
Iigting na naman ang ideolohiyang "bawat isa para sa kanyang sarili" at "bawat isa laban sa lahat" sa loob ng iba't-ibang paksyon ng Kanan at Kaliwa. Ang magkaalyado bago ang eleksyon ay maging magkaaway na naman; ang magkaaway ay maging magkaibigan na naman; depende sa kung alin ang paborable para panatilihin at isulong ang pansariling interes.
Subalit, hindi makalimutan ng mga mulat na manggagawa ang hayagang pagsuporta at paghimod ng Kaliwa sa puwet ng mga malalaking partido ng uring mapagsamantala anuman ang maging resulta ng halalan. Ang mga ginagawa mismo ng Kanan at Kaliwa ang matabang lupa upang tataas ang kamulatan ng uri laban sa lahat ng paksyon ng kapitalista-haciendero.
Labanan at itakwil ang burges na ideolohiya
Ang dominanteng ideolohiya sa lipunan ay ang ideolohiya ng naghaharing uri. At kabilang na dito ang elektoralismo at parliyamentarismo sa panahon ng imperyalismo. Para maisulong ng uring manggagawa ang kanyang sariling pakikibaka laban sa kapitalismo at para mapanghawakan ng proletaryado ang kanyang sariling laban, kailangang itakwil nito ang burges na ideolohiya ng Kanan at Kaliwa. Hindi ito madaling gawin dahil napakalakas ng impluwensya ng burges na propaganda na ang Kaliwa, laluna ang maoistang CPP-NPA ang "tunay" na "radikal" at "komunista". Ang propaganda ng uring kapitalista sa Pilipinas na "komunista" ang CPP-NPA ay walang kaibahan sa propaganda ng internasyunal na burgesya na ang Stalinismo o Trotskyismo ay "komunismo".
Ang tagumpay ng laban ng manggagawa ay hindi makukuha sa mga mapanlinlang na panukala ng Kaliwa para maging batas sa ilalim ng kapitalistang kaayusan. Sa burges na parliyamentarismo sa panahon ng dekadenteng kapitalismo, magiging batas lamang ang panukala kung sang-ayonan ito ng naghaharing uri. Ang tagumpay ay nasa pakikibaka ng mulat at nagkakaisang masang anakpawis sa lansangan at sa labas ng parliyamento. Ang panalo ng proletaryado ay makakamit labas sa kontrol ng unyonismo.
Ang makauring pakikibaka ay lalakas lamang kung lalawak ang pakikibaka sa pinakamaraming pabrika at lalahukan ng pinakamaraming manggagawa - regular, kontraktwal, unyonista, di-unyonista, nasa pribado at publikong sektor. At ang tanging porma ng organisasyon para dito ay ang mga asembliya at konseho ng proletaryado na independyente sa kontrol ng mga unyon at mga partido ng Kanan at Kaliwa.
Higit sa lahat, ang laban ng uri ay hindi para sa pagtatanggol ng "pambansang interes" kundi ng makauring interes dahil ang una ay interes ng burgesya at ang huli ay interes ng manggagawang Pilipino. Ang "pambansang pagkakaisa" na inihasik ng Kanan at Kaliwa ay walang ibang kahulugan kundi susuko ang masang manggagawa sa kanyang mortal na kaaway: ang uring kapitalista-haciendero. Ang sentral na tungkulin ng bagong CEO ng Malakanyang ay kumbinsihin at pakilusin ang masang manggagawa para ipagtanggol ang at magsakripisyo para sa "pambansang interes" at kalimutan ang makauring interes. At kung lalaban ang proletaryado, kamay na bakal ng estado - armadong pwersa at bilangguan - ang ihambalos ng bagong pangulo laban sa masang proletaryado.
Internasyonalismo
(seksyon sa Pilipinas ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin)
email us: [email protected] [5]
website: tl.internationalism.org
Noong Oktubre 1917, nagkatotoo ang "multo" na kinatatakutan ng internasyunal na burgesya mula ng sinulat ang Manipesto ng Komunista noong 1848: nagtagumpay ang unang proletaryo-sosyalistang rebolusyon sa Rusya, na dati kinukutya ng naghaharing uri na imposibleng mangyari.
Ngayon ang ika-93 na anibersaryo ng Rebolusyong Oktubre ng 1917. Lahat ng mga komunista at internasyunalistang grupo sa mundo ay ginunita at pinagdiwang ang rebolusyong iyon. Hindi para "luhuran" at "dasalan" kundi para halawin ang mga aral at muling isulong ang komunistang rebolusyon hanggang sa tagumpay.
Sa kabilang banda, tiyak na magtulong-tulong na naman ang Kanan at Kaliwa (maoista, stalinista,trotskyista) ng burgesya para itago ang tunay na mga pangyayari at aral na kailangang makuha sa Rebolusyong Oktubre ng 1917.
Ang mga maka-Kanang organisasyon gaya ng ANAD (Alliance for Nationalism and Democracy) at ang anti-komunistang death squads ng dating Hen. Jovito Palparan Jr ay maghuhumiyaw na naman sa mga kapalpakan ng maoismo-stalinismo sa Tsina at Rusya upang "ipakita" na walang magandang patutunguhan ang komunistang rebolusyon kundi ibayong kahirapan at pang-aapi sa mga manggagawa at mamamayan. May "punto" din naman ang mga gunggong na ito dahil bumagsak ang imperyalistang USSR at ang kanyang mga tutang rehimen sa Silangang Uropa at lantaran ng pumasok sa "globalisadong" mundo ang "sosyalistang" Tsina at Byetnam. Muli na namang maglitanya ang Kanan sa "kagandahan" at pagiging "eternal" ng burges na demokrasya.
Sa "negatibo" at anti-komunistang paraan ay tinutulungan ng Kanan ang Kaliwa sa paghasik ng kasinungalingan na ang maoismo, stalinismo at trotskyismo ay mga komunistang ideolohiya para takutin at ilayo ang masang proletaryado sa landas ng makauring kalayaan.
Sa kabilang banda, sa gitna ng kanilang bangayan, ang iba't-ibang paksyon ng Kaliwa gaya ng CPP-NPA, RPA-ABB, PMP, MLPP-RHB ay magsagawa din ng mga litanya't nobena at prosesyon para "luhuran" ang Rebolusyong Oktubre. At kasama sa mga luluhuran nito ay ang mga distorsyon at pambabalasubas sa rebolusyonaryong diwa nito: ang mga "pambansa-demokratikong rebolusyon" at gerilyang pakikidigma para sa "pambansang kalayaan" ay "bahagi" at "nagsisilbi" sa sosyalistang rebolusyon sa mga atrasadong bayan gaya ng Pilipinas. At dahil dito, sinasaboy nila ang nakakalasong "pakikipag-isang" prente sa mga anti-komunistang organisasyon na diumano "anti-imperyalista" daw gaya ng MILF, MNLF, Hamas, Hizbollah, at maging ang Al-Qaeda. Kaibigan daw ng "komunistang" kilusan ang mga mapagsamantalang gobyerno gaya ng Iran, Cuba,Venezuela at North Korea dahil ang mga ito ay "anti-imperyalista".
Pero ang pinakamasahol na pambabaluktot ng Kaliwa sa panahon ng dekadeneteng kapitalismo, kung saan maraming kabataan ang nahumaling, ay ang maling konsepto na ang nasyunalismo daw ay "kongkretong" ekspresyon ng internasyunalismo sa mga atrasadong bansa na pinagsamantalahan ng mga imperyalistang bansa; na ang demokrasyang burges ay unang yugto para maabot ang sosyalistang demokrasya.
Magkasalungat man ang hugot ng Kanan at Kaliwa sa Rebolusyong Oktubre, magkatulad naman ang direksyon at layunin nila: isalaksak sa utak ng masang manggagawa na ang maoismo-stalinismo o kaya trotskyismo ay mga ideolohiya ng komunismo. Ang mga ito ay pawangkasinungalingan. Ang maoismo, stalinismo at trotskyismo, sosyal-demokrasya at ang hindi internasyunalistang tunguhin ng anarkismo ay nasa kampo na ng kaliwa ng mapagsamantalang mga uri, ang sinasabing "radikal" na oposisyon.
Ang Rebolusyong Oktubre ng 1917
Sa 19 siglo may mga bantog na proletaryong rebolusyon gaya ng Rebolusyon ng 1848 at ang Komuna sa Paris ng 1871. Subalit kaiba ang Rebolusyong Oktubre ng 1917.
Sa pangkalahatan, sa 19 siglo, progresibong uri pa ang burgesya dahil dinudurog pa nito ang mga labi ng pyudal na kaayusan na nagnanais pigilan ang pagsulong ng gulong ng kasaysayan. Sa panahong ito isang progresibong sistema pa ang kapitalismo na gustong palawakin ang kanyang impluwensya sa pandaigdigang saklaw. Sa puntong ito, ang mga proletaryong rebolusyon sa 19 siglo ay sa pangkalahatan sumusuporta lamang sa mga burges na rebolusyon na sumsulong noon laluna sa Uropa.
Ang Rebolusyong Oktubre ay pumutok sa panahon na lubusan ng nasakop ng kapitalismo ang buong mundo. Kahit ang mga labi ng pyudalismo o ng semi-alipin at semi-komunal na mga relasyon ng produksyon sa ilang bahagi ng mundo ay nagawa na nitong ipailalim at pagsilbihin sa modernong moda ng produksyon.
Pumutok ang Rebolusyong Oktubre sa 20 siglo sa panahon na nasa dekadenteng yugto na ang kapitalismo, o sa termino nila Lenin at Luxemburg, nasa imperyalistang yugto na ang kapitalismo. Ibig sabihin, hindi na progresibo ang sistemang ito at hadlang na sa ibayong pag-unlad ng mga pwersa ng produksyon. Ang rurok na naabot nito -- ganap na pagsakop sa daigdig -- ay senyales na rin ng kanyang permanenteng pagbulusok-pababa.
Ang bagong sitwasyon ng kapitalismo ay tanda ng posibilidad at pangangailangan ng komunistang rebolusyon dahil nailatag na ang mga materyal na batayan para dito. Sa 19 siglo, batay sa materyal na realidad, hindi pa posibleng manalo ang isang sosyalistang rebolusyon dahil progresibo pa ang kapitalismo[1].
Ito ang isa sa mga batayang dahilan bakit natalo ang Komuna sa Paris noong 1871, sa kabila ng determinasyon at kabayanihan ng manggagawang Pranses at nanalo ang Rebolusyong Oktubre. Syempre, hindi ganito ka simplistiko ang mga dahilan.
Nang ganap ng nasakop ng kapitalismo ang mundo ay naabot na din ng ng rebolusyonaryong manggagawa ang isang antas ng paglawak at paglalim ng impluwensya nito sa kilusang paggawa: pagkatatag ng Ikalawang Internasyunal. Matapos ang matinding pakikipagtunggali nila Marx at Engels sa mga peti-burges na ideolohiya sa loob ng Unang Internasyunal - Blanquista, Prodhounista at Bakuninista - naging isang marxistang partido ang Ikalawang Internasyunal.
Ganun pa man, dahil karay-karay pa nito ang mga impluwensya at praktika sa panahon ng 19 siglo kung saan progresibo pa ang kapitalismo - parliyamentarismo at unyonismo - unti-unting lumakas ang impluwensya ng repormismo (Bernsteinismo) sa loob ng Ikalawang Internasyunal hanggang sa tuluyan na itong pumanig sa kampo ng kontra-rebolusyon noong Unang Pandaigdigang Digmaan (1914).
Pinakita ng mga komunista (sosyal-demokratiko) at rebolusyonaryong manggagawang Ruso sa praktika kung ano ang angkop na mga prinsipyo at teorya na hawakan ng proletaryado sa panahon ng dekadenteng kapitalismo o imperyalismo. Kaya hindi maiwasang naging sentro ang Rusya sa internasyunal na rebolusyonaryong alon noong 1917-23.
Ang mga Bolshevik ang matatag na nanindigan sa internasyunalismo laban sa pagkabulok at tuluyang pagtraydor ng Ikalawang Internasyunal sa proletaryong rebolusyon. Ang partidong Bolshevik ang unang nanawagan na itakwil na ang Ikalawang Internasyunal at itayo ang bagong Ikatlong Internasyunal sa matibay na pundasyon ng internasyunalismo.
Salungat sa propaganda ng Kaliwa, partikular ng mga maoista na ang Rebolusyong Oktubre ay dumaan daw sa "burges-demokratikong rebolusyon" noong Pebrero 1917, ang Rebolusyong Ruso sa 1917 ay isang proletaryo-sosyalistang rebolusyon.
Hindi simpleng "pambansang" rebolusyon laban sa Tsarismo ang nangyari kundi isang internasyunal na rebolusyon laban sa kapitalismo. Pumutok ang Rebolusyong Ruso dahil bahagi at nagsisilbi ito sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon. Ito ang pundasyon ng partidong Bolshevik kung bakit matatag itong nanindigan para sa sosyalistang rebolusyon.
Pero hindi ibig sabihin na komprehensibong naging malinaw agad ito sa partidong Bolshevik, kahit maging kay Lenin mismo. Katunayan, noong 1905 sa debate nito laban sa mga Menshevik, sinulat ni Lenin ang "Dalawang Taktika ng Sosyal-Demokrasya sa Demokratikong Rebolusyon". Bagamat sa pangkalahatan ay tinindigan ng pampletong ito ang proletaryo-sosyalistang katangian ng rebolusyong Ruso, may mga labi pa rin ito ng impluwensya sa mga lipas na pananaw ng marxistang kilusan sa 19 siglo. Isa na dito ang pagsuporta ng mga komunista sa isang Probisyunal na Rebolusyonaryong Gobyerno kung saan kasama ang isang paksyon ng burgesya na lumalaban sa Tsarismo.
Pero dahil tunay na nanindigan si Lenin sa marxismo at nag-aaral sa buhay na praktika ng makauring pakikibaka, siya na rin mismo ang nagtuwid ng ilang pagkakamali nito sa pamamagitan ng kanyang akdang ang Tesis ng Abril.
Sa simula ay hindi naunawaan ng mayoriya ng Partidong Bolshevik ang esensya at materyal na batayan ng Tesis lalupa't naging unang gabay nito ang "Dalawang Taktika.....". Pinakita ng Tesis ng Abril na ang rebolusyon sa Rusya ay isang proletaryo-sosyalistang rebolusyon at hindi dapat makipag-alyado sa pambansang burgesya para sa "demokratikong rebolusyon" sa pamamagitan ng pagpasok at pagsuporta sa Probisyunal na Rebolusyonaryong Gobyerno (PRG) matapos bumagsak ang Tsarismo.
Subalit lubhang napakalakas pa rin ng impluwensya ng Ikalawang Internasyunal kaya kahit ang kalinawan na nakamit ng partidong Bolshevik ay hindi pa sapat para komprehensibo nitong maunawaan ang mga implikasyon ng pagpasok ng kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto. At nakita ito sa mga pagkakamali ng partidong Bolshevik at ng Ikatlong Internasyunal matapos matalo ang Rebolusyong Aleman noong 1919.
May materyal na batayan din ang mga limitasyong ito ng mga marxista noon: hindi pa lubusang lumitaw ang lahat ng mga aspeto ng dekadenteng kapitalismo noong 1917. Katunayan, ang unang krisis ng bulok na sistema sa kanyang dekadenteng yugto ay nangyari lamang noong 1930s: ang Bantog na Depresyon ng 1929, na siyang nagbunsod ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang Rebolusyon sa Pilipinas sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay proletaryo-sosyalista at bahagi ng pandaigdigang komunistang rebolusyon
Kasabay ng pagpasok ng pandaigdigang kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto noong unang bahagi ng 20 siglo ay sinakop naman ng imperyalismong Amerika ang Pilipinas. Dahil sa kolonyalismo ng imperyalistang Amerika ay direktang naipasok ang ekonomiya ng bansa sa kapitalistang moda ng produksyon ng mundo. Subalit dahil nasa kanyang permanenteng krisis na ang kapitalismo, hindi na kayang paunlarin ng pandaigdigang sistema ang ipinunla na kapitalismo sa Pilipinas noong maagang bahagi ng 20 siglo. Ito ang batayang dahilan kung bakit nanatiling atrasado at imposible nang maging maunlad na kapitalistang bansa ang Pilipinas gaano man ang pagsisikap ng burgesyang Pilipino.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo kahit ang mga labi ng maliitan at kalat-kalat na komunal at semi-komunal na produksyon sa pinakamalayong bahagi ng kabundukan ay nagsisilbi na sa interes ng kalakal at pamilihan sa kalungsuran at sa pandaigdigang saklaw.
Nang sakupin ng Amerika ang Pilipinas ay kumukulo na ang panibagong istorikal na krisis ng kapitalismo na siyang nagtulak sa kanya sa permanenteng pagbulusok: krisis sa sobrang produksyon at permanenteng pagkipot ng pandaigdigang pamilihan dahil lubusan ng nasakop ng kapitalistang mga relasyon ang mundo. At ito ang nagtulak upang sumabog ang mga kontradiksyon ng bulok na sistema sa unang pandaigdigang imperyalistang digmaan at tanda ng kanyang pagiging ganap na reaksyunaryong sistema.
Ang pagiging reaksyunaryo ng burgesyang Pilipino ay hindi dahil sa kung ano ang iniisip nito kundi dahil ang sistemang sinasandalan nito ay ganap ng bangkarota. Ibig sabihin, gaano man kalaki ang kanyang determinasyon na paunlarin ang pambansang kapitalismo sa bansa ay imposible ng mangyari sa panahon ng imperyalismo kahit pa "makalaya" siya sa kontrol ng imperyalistang Amerika. At mas lalo pang kabaliwan ang pag-ilusyon na sa "pamumuno" ng uring manggagagwa ay mapaunlad nito ang pambansang kapitalismo para "makamit ang sosyalismo" sa Pilipinas. Sa ganitong konteksto, sa internasyunal na balangkas lamang makita na ang burgesyang Pilipino ay hindi na progresibo at ni katiting ay wala ng katangiang rebolusyonaryo mula pa sa panahon ng mga ilustrado sa pangunguna ni Emilio Aquinaldo.
Isang napakalaking distorsyon ang paniniwala na "dahil ayaw na ng burgesya na ipagpatuloy ang kanyang rebolusyon ay aakuin na lang ito ng proletaryado" kaya inimbento ng Kaliwa (na hinugot mula sa mali at oportunistang pagsusuri ng Ikatlong Internasyunal) ang "bagong tipo" na burges-demokratikong rebolusyon. Ang maling konseptong ito ay nakabatay sa maling paniniwala na progresibo pa ang kapitalismo sa ilang bahagi ng mundo pero binabansot at pinipigilan lamang ng ilang imperyalistang kapangyarihan sa Kanluran.
Ang maling paniniwalang ito ang pundasyon ng nakakalasong teorya ng CPP-NPA na ang "nasyunalismo ay aplikasyon ng internasyunalismo" sa mga semi-kolonya o neo-kolonyang mga bansa. Ito ay hindi nakabatay sa materyalismong istoriko dahil wala sa kasayayan na ang isang uri ay naging "proxy" bilang lider sa rebolusyon ng ibang uri[2].
Ang nasyunalismo o pagtatayo ng isang bansa ay interes ng burgesya hindi ng proletaryado sa panahon ng imperyalismo. Sa panahon ng imperyalismo, ganap ng magkasalungat ang lahat ng tipo ng nasyunalismo sa proletaryong internasyunalismo.
Sa panahon ng imperyalismo ang pakikibaka ng makabayang burgesya laban sa dayuhang mananakop ay hindi para itayo ang nagsasariling bansa. Sa dekadenteng kapitalismo imposible ng mabuhay ang mga pambansang burgesya na walang suporta mula sa mga imperyalistang kapangyarihan. Ang "bagong tipong burges-demokratikong rebolusyon" ay hindi usapin ng pambansang kalayaan kundi usapin ng pagpalit-palit ng imperyalistang amo hanggang lalakas ang kahayukan na maging imperyalistang kapangyarihan (Tsina, Cuba, Venezuela, Iran). Ang mga partido "komunista" o "sosyalista" na namuno sa mga "rebolusyong" ito ay sa esensya naging burges na mga partido na dahil ang ipinagtatanggol nila ay ang interes ng pambansang kapitalismo sa ngalan ng "sosyalismo".
Sa kasaysayan laluna mula ng matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang mga pambansang burgesya at partido "komunista" o "sosyalista" sa mga semi-kolonyal o neo-kolonyal na mga bansang kontrolado ng imperyalismong Amerika ay napunta lamang sa mga pangil ng imperyalismong USSR at vice-versa. Ang mga rehimeng dating tuta ng Amerika ay naging tuta lamang ng USSR at vice-versa.
Ang sinasabing "pambansang kalayaan" ng Kaliwa ay kalayaan lamang mula sa partikular na imperyalistang kapangyarihan pero hindi kalayaan mula mismo sa mga kuko ng imperyalismo dahil ang pagpapahina laluna ang pagdurog dito ay nagkahulugang pahinain o wasakin ang kapitalismo sa pandaigdigang antas. At hindi ito mangyayari sa pamamagitan ng "burges-demokratikong rebolusyon" at pakikipag-alyansa sa burgesyang Pilipino[3].
Kung meron mang paksyon ng burgesyang Pilipino na tutol sa imperyalistang Amerikano, hindi ibig sabihin na tutol din sila sa sistemang kapitalismo. Katunayan, galit ang uring ito sa mga dayuhang kapitalista dahil tinutulak sila ng huli na malugi at maging manggagawa.
Habang ang mga maoista gaya ng CPP-NPA at MLPP-RHB ay tumitindig pa rin na ang Pilipinas ay hindi kapitalista laban sa mga katunggaling paksyon nito - RPA-ABB, PMP, Akbayan - na naniniwalang kapitalista na ang Pilipinas , pareho naman sila na ang pundasyon ng pagsusuri ay sa pambansang balangkas, hiwalay sa tunay at kabuuang galaw ng kapitalismo bilang pandaigdigang sistema. Lahat ng paksyon ng Kaliwa ay tumitindig na dadaan muna sa "burges-demokratikong rebolusyon" ang Pilipinas dahil para sa kanila progresibo ang burgesya at kapitalismong Pilipino basta "lalaya" lamang sa kontrol ng mga dayuhang kapitalista.
At ang pinakarurok na naabot ng kontra-rebolusyonismo ng lahat ng paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas, ito man ay maoista o anti-maoista ay ang pakikipaglampungan nila maging sa malalaking burges na partido sa bansa para lamang makakuha ng kakarampot na pwesto sa bulok na kongreso o kaya makakuha ng baryang pera mula sa malalaking burges na politiko bilang pantustos sa kanilang mga operasyon sa ngalan ng "rebolusyonaryong taktikang"!
Subalit ang lahat ng teoretikal na distorsyon ng Kaliwa ay dinudurog mismo ng realidad: sa bawat bayo ng pandaigdigang krisis ay kapwa namilipit sa sakit ang burgesyang Pilipino at ang burgesya sa mayayamang mga bansa. Pinatupad din ng burgesyang Pilipino ang lahat ng klase ng pagsasamantala sa kanilang mga manggagawa para manatiling buhay sa barbarikong kompetisyon ng sistema nito. Wala ng pagkakaiba sa paraan
at laman ang mga atake ng mga kapitalistang Pilipino at dayuhan laban sa manggagawang Pilipino, at mas lalong lumilinaw na ang mga isyung pinaglalaban ng mga manggagawa Pilipino ay walang kaibahan sa mga isyung pinaglalaban ng mga kapatid na manggagagwa sa abanteng kapitalistang mga bansa. Patunay na ang pakikibaka ng masang proletaryo sa Pilipinas ay isang internasyunal na pakikibaka.[4]
Ang mga problemang dinaranas ng manggagagwang Pilipino ay hindi na masolusyonan sa pambansang balangkas tulad ng kapitalismo ng estado o direktang pakikialam ng estado sa buhay panlipunan laluna sa ekonomiya na siyang linya ng Kaliwa bilang solusyon diumano sa "globalisadong" mundo. Kahit panandaliang makabuluhang benepisyo para sa manggagawa ay hindi na kayang ibigay ng mga kapitalistang estado ito man ay nasa pamumuno ng Kanan o Kaliwa ng burgesya saan mang panig ng mundo. Ang solusyon sa mga problema ng manggagagwang Pilipino ay nasa internasyunal na balangkas na: pagdurog sa pandaigdigang kapitalismo. Ito ang isa sa mga aral ng Rebolusyong Oktubre ng 1917.
Ang mga aral ng Rebolusyong Oktubre ng 1917
Para maunawaan at tamang mahalaw ang mga aral sa Sosyalistang Rebolusyong Oktubre, kailangang maunawaan ang istorikal na yugto ebolusyon ng kapitalismo ng mangyari ang rebolusyong ito. At mula dito ay halawin ang mga aral ng pagrerebolusyon batay sa panibagong istorikal na yugto ng kapitalismo.
Nangyari at nagtagumpay ang Rebolusyong Oktubre sa panahon na ang kapitalismo ay nasa kanyang dekadente o imperyalistang yugto na. Sa dekadenteng kapitalismo, na nagsimula sa 20 siglo, naging isang posibilidad at pangangailangan na ang pandaigdigang komunistang rebolusyon. Ito na ang sentral usapin sa mga pakikibakang proletaryo sa buong mundo. Samakatuwid, mas lalong naging realidad ngayon ang mapanlabang islogan
ng mga komunista noon: SOSYALISMO o BARBARISMO, KOMUNISMO o PAGKASIRA NG MUNDO AT SANGKATAUHAN.Sa mga mapanlabang islogan na ito nakabatay ang mga aral na kailangang halawin ng mga komunistang organisasyon ngayon. At kabilang sa mga aral na dapat iwasan at itakwil ay ang mga pagkakamali ni Partidong Bolshevik at ng Ikatlong Internasyunal:
1. Ang proletaryo o sosyalistang rebolusyon ay maisagawa lamang sa internasyunal na saklaw. Ibig sabihin, nagliliyab na sa maraming mga bansa ang mga pag-alsang manggagawa para ibagsak ang kani-kanilang mga estado.
Pero hindi ibig sabihin nito na "sabay-sabay" na mag-alsa o manalo ang mga bansang ito. Ang punto ay mahigpit ang koordinasyon at pagtutulungan ng mga pag-alsang ito. Ang Rebolusyong Oktubre ng 1917 ay nangyari sa gitna ng mga pag-alsa at malawakang pakikibaka ng proletaryado sa maraming bansa laluna sa Uropa, ang puso ng pandaigdigang kapitalismo.
Walang sosyalismo sa isang bansa. Ito ay internasyunal o wala ito.
2. Bilang isang internasyunal na rebolusyon, kailangan ng uring proletaryo ang isang internasyunal na partido. Ang partidong ito ay isa sa dalawang esensyal na mga organisasyon ng uri para magtagumpay ang rebolusyon nito. Ang isa pa ay ang konseho ng mga manggagawa na pandaigdigan din ang saklaw.
Ang internasyunal na partido at ang mga konseho ng manggagawa ay produkto ng pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng uri sa malaking bahagi ng mundo laluna sa mga sentrong kapitalistang bansa kung saan mas konsentrado, organisado at militante ang proletaryado.
Mula pa sa panahon nila Marx hanggang sa panahon nila Lenin, nanindigan at nagsisikap na ang mga marxista na itayo at konsolidahin ang isang internasyunal na partido para sa sosyalistang rebolusyon: ang Una, Ikalawa at Ikatlong mga Internasyunal. Kaya naman, sa usapin ng pag-intindi kung ano ang marxistang partido ay walang alam ang Kaliwa dito dahil ang mga partido nila ay nagsisilbi at napailalim sa pambansang interes ng
burgesya[5] . Ang katangian at oryentasyon ng mga partido ng Kaliwa ay walang kaibahan sa Kanan.
3. Ang sosyalistang rebolusyon ay kagagawan ng milyun-milyong manggagawa na organisasdo at mulat sa sarili. At ang organisasyon nito para ibagsak ang kapitalismo ay ang mga asembliya at konseho ng manggagawa. Ang Partido kahit ito ang pinakaabanteng pampulitikang organisasyon ng uri ay hindi representante at aagaw ng kapangyarihan sa ngalan ng uri.
Sa Rebolusyong Oktubre ng 1917, hindi ang mga unyon ang naging behikulo ng malawakang pagkakaisa ng uri kundi ang mga sobyet o konseho ng manggagawa. Sa 21 siglo mas lalong lumilinaw ang papel ng mga unyon, kabilang na ang mga "radikal" na unyon: bombero upang buhusan ng malamig na tubig ang pagsulong ng rebolusyonaryong kamulatan ng uri. Lalunang hindi ang mga partido ng Kaliwa ang "abanteng destakamento" ng uring manggagawa para sa sosyalismo. Ang mga partido "komunista" at "sosyalista" mula Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nasa kampo na ng burgesya, ang mortal na kaaway ng proletaryado sa mundo.
4. Ang mga pakikibaka para sa "pambansang kalayaan at demokrasya" ay isang burges na pakikibaka. Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo kung saan wala ng paksyon ng burgesya na progresibo, ito ay hadlang na sa sosyalistang rebolusyon. Ang mga makabayan o makabansang pakikibaka ay naging instrumento na ng mga imperyalistang kapangyarihan. Ang mga "digmaan para sa pambansang kalayaan" ay naging bahagi at nagsisilbi na sa
inter-imperyalistang mga digmaan. Ang mga "lumayang" bansa mula sa isang imperyalistang kapangyarihan ay napunta lamang sa karibal nito o kaya, matapos ang ilang taon, ay bumalik muli sa kandungan ng kanyang dating amo.
Malinaw na halimbawa nito ang Tsina at Byetnam kung saan dati "anti-imperyalistang Amerika" sa loob ng ilang taon pero bumalik din sa kandungan ng kanyang dating "kaaway". Marami pang mga bansa na dati "kalaban" ng imperyalistang Amerika pero ngayon ay hinihimod na ang talampakan nito.
Hindi lang ang dayuhang kapitalista ang kaaway ng mga manggagawa kundi kasama din ang mga lokal at makabayang kapitalista saang sulok man ng mundo.
Kaya isang malaking pagkakamali at tahasang oportunismo ang ginawa ng Ikatlong Internasyunal matapos matalo ang Rebolusyong Aleman noong 1919 ng ideklara nito ang pakikipag-isang prente sa mga pambansang burgesya sa mga kolonyang bansa ng Kanluran at sa traydor na Sosyal-Demokrasya. Ang oportunismong ito ay kawalan ng tiwala sa lakas ng sariling uri at sa halip ay umasa sa lakas ng ibang uri na walang interes sa sosyalismo. Ang ginawang ito ng Ikatlong Internasyunal ay tanda ng pagpapailalim ng internasyunal na partido sa pambansang interes ng Rusya noon.
Ang pagbaliktad ng Ikatlong Internasyunal sa unang deklarasyon nito sa kanyang pagkatatag noong 1919 ang isa sa mga mayor na dahilan ng pagkatalo ng unang rebolusyonaryong alon noong 1917-23.
5. Ang kapitalismo ng estado ay hindi preparasyon para sa sosyalismo. Isa ito sa mga mayor na pagkakamali nila Lenin sa Rusya laluna matapos matalo ang rebolusyong Aleman noong 1919. Tapat sa kamalian ni Lenin, ito din ang pinaghawakan ng maoismo. Ang kapitalismo ng estado ay ekspresyon ng kabulukan ng kapitalismo, hindi ng pagsulong nito patungong sosyalismo.
Kaalinsabay nito, ay ang isa pang pagkakamali ng mayoriya ng partidong Bolshevik, ang pagpasok at pagkontrol ng Partido sa estado bilang siya daw porma ng "diktadura ng proletaryado". Kabaliktaran ang nangyari, sa halip na gamitin ng Partido ang estado para sa interes ng proletaryado, ang una ang ginamit ng huli laban sa masang manggagawa. Ang "diktadura ng proletaryado" gamit ang estado ay sa aktwal na praktika ay naging diktadura ng estado gamit ang Partido laban sa uring manggagagwa.
Hindi ang transisyunal na estado[6] ang porma ng diktadura ng proletaryado matapos manalo ang rebolusyon kundi ang mga konseho ng manggagawa[7].
Internasyonalismo
Oktubre 2010
[1] Salungat dito ang pananaw ng mga Bakuninista-Anarkista na naniniwalang kahit anong panahon ay posibleng ilunsad at manalo ang komunistang rebolusyon.
[2] Sa mga rebolusyon para ibagsak ang sistemang alipin, ang namuno at pangunahing pwersa ay ang uring nobilidad at warlords na nagdadala ng bagong moda ng produksyon - pyudalismo. Ang uring alipin ay ginawang kasangkapan lamang ng bagong uring mapagsamantala upang maibagsak ang sistemang alipin at para maging mga magsasaka sila. Sa panahon ng mga burges na rebolusyon sa 19 siglo, ang namuno at pangunahing pwersa ay ang uring burges na nagdaala ng bagong moda ng produksyon. Ang uring manggagagwa, bagama't mula't na sa kanyang istorikal na misyon at nagsisikap na mabuo ang isang independyente na proletaryong kilusan paralel sa kilusang burges ay kinilala ang katotohanan na "tagasuporta" lamang ito sa burges na rebolusyon sa pangkalahatan. Lahat ng mga nagdaang rebolusyon ay pinamunuan ng rebolusyonaryo pero mapagsamantalang uri sa lipunan. Ang proletaryong rebolusyon ang una at huling makauring rebolusyon kung saan ang namuno at pangunahing pwersa ng panlipunang pagbabago ay kapwa rebolusyonaryo at pinagsamantalahang uri.
[3] Ang hungkag na argumento ng Kaliwa sa kanilang taktikang pakikipag-isang prente ay kung ano daw ang tindig ng proletaryado sa interes ng mga hindi-proletaryong uri napinagsamantalahan ng kapitalismo gaya ng magsasaka at peti-burgesya. Sa halip na halawin ang aral sa internasyunal na kilusang paggawa at iugnay ito sa mga katangian ng dekadenteng kapitalismo, dogmatiko nilang sinunod ang kamalian ng Ikatlong Internasyunal: oportunistang kompromiso sa proletaryong interes para "makabig" ang mga uring ito hanggang sa panlilinlang sa mga uring ito na may pag-asa pa ang kanilang uri sa ilalim ng "sosyalismo sa isang bansa" o kapitalismo ng estado sa pamumuno ng partido "komunista" o "sosyalista".
Ang pinakabaliw sa lahat ay ang maoistang CPP-NPA kung saan hinati pa nila sa tatlong saring ang uring burges sa Pilipinas: malalaking burgesya komprador, pambansang burgesya at peti-burgeya at ginawang alyado sa "pambansang rebolusyon" ang pambansang burgesya at peti-burgesya sa pamamagitan ng pagsama sa mga makauring interes nito sa mismong programa ng isang "partido komunista"!
Para sa mga marxistang organisasyon, ang kailangan ngayon ay matibay at walang kompromisong paliwanag at pakipag-debate sa mga hindi-proletaryong uring ito na wala na silang kinabukasan sa kapitalismo. Kung nais nila ng panlipunang pagbabago at kaunlaran wala silang ibang pagpipilian kundi suportahan ang interes ng proletaryado para sa komunismo. Sa madaling sabi, kailangan nilang iwanan ang interes ng kanilang uri sa nakaraan at yakapin ang uri nila sa kinabukasan: ang pagiging manggagagwa.
[4] Maging ang mga "sosyalistang" estado gaya ng Tsina, Vietnam at Cuba ay apektado din sa pandaigdigang krisis ng kapitalismo. Nitong huli lamang ay sinabi mismo ng Partido "Komunista" ng Cuba na sa 2011 ay tatanggalin nito ang 500,000 empleyado ng estado upang isubo sa mga pangil ng pribadong kapital.
[5] Maging ang internasyunalismo ay binaluktot ng Kaliwa. Para sa kanila ito ay hindi ang pagtatayo ng isang sentralisado at internasyunal na partido kundi "kooperasyon" at "solidarity conferences" lamang kung saan lumalahok ang lahat ng hibo ng Kaliwa kasama na ang mga malalaking "Non-Government Organizations" na pinondohan ng mga malalaking estado at kapitalistang institusyon: "World Social Forums". Maging ang "fruit salad" na "5th International" ni Hugo Chavez sa ilalim ng kontrol ng nag-aambisyong maging "junior imperialist power" na Venezuela ay parang naunsyami dahil ayaw ng mga pambansang partido ng Kaliwa na mawala ang kanilang awtonomiya (kontrol sa kani-kanilang teritoryo). Ang "5th
International" ni Chavez ay parang gangster kung saan lahat ng mga gangster lords ay gustong siyang maging godfather ng lahat.
[6] Ang transisyunal na estado ay ang estado na hindi maiwasang itayo matapos madurog ang kapitalismo sa pandaigdigang saklaw.
Ang mga marxistang organisasyon ay tutol sa estado dahil ito ay lumitaw at nangibabaw ng nahati sa mga uri ang lipunan -- mga uring mapagsamantala at mga uring pinagsamantalahan. Ang ultimong layunin ng komunistang rebolusyon ay pawiin ang estado. Subalit salungat sa karamihan sa mga tendensyang anarkista, nanindigan ang mga marxista na hindi maiwasan ang isang transisyunal na estado matapos madurog ang kapangyarihang burges dahil hindi naman agad-agad na maglalaho ang mga uri sa lipunan. Ang paninindigang ito ay nakabatay sa materyalismong-istoriko at hindi sa ideyalismo na hawak ng mga anarkista: kagyat na wasakin ang estado matapos ang matagumpay na komunistang rebolusyon.
Salungat din ang mga komunistang organisasyon sa distorsyon ng Kaliwa partikular ang mga "marxista-leninista" (stalinista-maoista) at trotskyista na ang transisyunal na estado ang siyang ekspresyon ng diktadura ng proletaryado kaya dapat lamang na pumaloob at kontrolin ng Partido ang estadong ito, nanindigan ang mga komunistang organisasyon (batay sa negatibong karanasan ng Partidong Bolshevik, at ng mga "sosyalistang" estado) na bagama't hindi na talaga isang purong estado (gaya ng mga estado sa nakaraan) ang transisyunal na estado, nanatili pa rin ang mapagsamantalang katangian nito sa esensya at ginigiit pa rin nito ang sarili na mangibabaw sa lipunan. Sa madaling sabi, hindi alyado ng proletaryado ang transisyunal na estado para isulong ang rebolusyon hanggang makamit ang komunistang lipunan. Sa halip, ito ay magiging sagka para maabot ang komunismo. Kaya ang diktadura ng proletaryado ay hindi ang estadong ito kundi ang mga konseho ng manggagawa na hiwalay at independyente mula sa kanya.
[7] Ang konseho ng manggagawa, komite ng welga o mga asembliya ng manggagawa ay ang mga organo ng pakikibaka ng uri laban sa kapitalismo. Ito rin ang sentral na organong gagamitin ng uri para agawin ang pampulitikang kapangyarihan mula sa uring mapagsamantala at wasakin ang burges na estado. Hindi ito isang unyon at hindi ito gumagalaw bilang unyon.
Ang konseho ng mga manggagawa ay lilitaw at itatayo ng mga manggagawa mismo sa panahon ng kanilang pakikibaka. Hindi katulad ng unyon na may termino ng panunungkulan ang mga lider nito, ang mga lider ng konseho ng manggagawa ay maaring palitan ng konseho o asemnliya anumang
oras kung sa tingin ng mayoriya na nararapat.
Sa panahon ng rebolusyonaryong opensiba ng uri para ibagsak ang kapitalismo, ang mga konsehong ito ay magiging pampulitikang organo ng uri at sentro ng pampulitikang kapangyarihan hanggang lubusang mawasak ang burges na estado. Subalit hindi magbabago ang katangian nito: ang lubusang pagpapatupad ng kapangyarihan ng mga manggagawa sa mga asembliya at konseho nila mismo.
Matapos madurog ang burges na estado, hindi dapat itransporma ang mga konseho ng manggagawa bilang transisyunal na estado gaya ng pagkakamali ng partidong Bolshevik nila Lenin. Sa halip, igigiit ng mga konsehong ito, na siyang may kontrol sa mga armadong manggagagwa, ang independensya nito mula sa transisyunal na estado. Ang relasyon ng konseho ng manggagawa at transisyunal na estado ay: relasyon sa pagitan ng isang institusyon (konseho ng manggagawa) na nagpapatupad ng kanyang makauring diktadura kahit sa transisyunal na estado mismo, at relasyon sa
pagitan ng una bilang kritikal na nagmamatyag sa galaw ng huli, at kung kinakailangan (kung maging hadlang na ang transisyunal na estado sa pagsusulong ng komunismo) ay wawasakin ito ng konseho ng manggagawa.
Attachment | Size |
---|---|
![]() | 110.29 KB |
Natapos na ang eleksyon noong Mayo 10. “Nagpasya” na ang 75% ng mahigit 50 milyong botante kung sinu-sino ang mang-api at magsamantala sa kanila sa loob ng 3-6 na taon. Ito ay tagumpay na naman ng naghaharing uri sa Pilipinas.
Ang resulta ng halalan ay kumpirmasyon ng pagsusuri ng Internasyonalismo (seksyon ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa Pilipinas: kailangan ng palitan ang paksyong Arroyo ng isang “popular” na kandidato mula sa partido ng oposisyon; kailangang may kredibilidad at kapani-paniwala ang resulta ng eleksyon laluna sa antas pampangulohan:
“... para sa naghaharing uri, kailangang patuloy na mag-iilusyon ang malawak na masa sa isang "malinis" na eleksyon. Ito ang isa sa mga epektibong paraan para mapanatili nila ang bulok na kaayusan. Nais nilang matuloy, "mapayapa" at "malinis" ang halalan ngayong Mayo.” ('Polyeto sa Mayo 2010': https://fil.internationalism.org/node/175 [7])
Ang maingay na propaganda ng oposisyon at Kaliwa ng “failure of election” at “no election” ay napatunayan na ginamit lamang nila para lalabas ang mas maraming botante at bomoto. At nagtagumpay nga sila sa kanilang panlilinlang sa taumbayan. Higit sa lahat, ang ganitong linya ng pag-iisip ay manipestasyon ng isang peti-burges na ideolohiya kung saan laging nangangarap na liliyab ang bangayan ng mga paksyon ng Kanan para sunggaban agad ng Kaliwa. Ang mga marxista sa kabilang banda ay laging nakabatay sa tunggalian ng uri at sa balanse ng pwersa sa pagitan ng burgesya at proletaryado hindi lang sa pambansa kundi higit sa lahat sa pandaigdigang saklaw.
Ang patunay na may “kredibilidad” ang eleksyon ay ang maagang pagtanggap ng pagkatalo nila Manny Villar, Gibo Teodoro, Loren Legarda at iba pang kandidato sa pambansang antas. Kahit ang mga maoistang kandidato para senador na sina Satur Ocampo at Liza Maza ay binati agad si Noynoy Aquino bilang posibleng maging pangulo ng Pilipinas. Ang mga pagbati ng mga talunang kandidato ay nangyari wala pang 48 oras matapos ang halalan, pinakamabilis sa kasaysayan ng burges na eleksyon sa Pilipinas.
Bagamat may alingasngas pa rin hanggang ngayon ng malawakang dayaan sa eleksyon na pangunahing pinasimunuan ng mga talunang kandidato, sa pangkalahatan ay nangibabaw na “kapani-paniwala” at may “kredibilidad” ang nakaraang halalan. Ganun pa man, hindi ibig sabihin na walang bahid ng katotohanan ang reklamo ng mga talunan. Pero kailangang ilantad ang ipokrasya ng mga talunan sa usapin ng dayaan. Halos lahat ng mga kandidato (nanalo man o natalo) ay gumawa ng pandaraya.
Ang pandaraya – pamimili ng boto, panunuhol at pananakot para manalo – ay tatak na ng eleksyon sa Pilipinas dahil ang eleksyon mismo ay bangkarota na. Signipikanteng bahagi ng populasyon, partikular ang mahihirap ay hindi na naniwalang sagrado ang kanilang boto at sa pamamagitan ng eleksyon ay mangibabaw ang kanilang kapasyahan. Ang bahaging ito, itong desperadong bahagi ng populasyon, at dahil na rin sa kawalan ng tiwala sa sariling lakas at pagkakaisa, ay ginawa na lamang na pantawid-gutom ang burges na halalan. Isa ito sa negatibong epekto ng pagkaagnas ng kapitalistang sistema sa bansa: ang lumpenisasyon ng isang bahagi ng uring manggagawa at maralita.
Ang masisilip natin sa alingasngas ng dayaan ay ang nag-uumalpas na realidad na pahirap ng pahirap ang naghaharing uri na kumbinsihin ang publiko na “malinis” at “kapani-paniwala” ang kanilang eleksyon. Habang lalala ang krisis ng sistema kasabay ng mas lalong paglala ng bangayan ng mga paksyon ng mapagsamantalang uri, bibilis din ang paglaho ng nalalabing tiwala ng masang anakpawis sa eleksyon sa ilalim ng kapitalismo.
Noong nakaraang taon pa ay ganito na ang sinabi namin:
"Kung ang consensus ng karamihan ng naghaharing uri sa Pilipinas ang suriin, isa ng liability si Gloria bilang pangunahing tagapagtanggol ng kapitalistang estado. Sa kanyang termino bumilis at dumami ang nawawalan ng tiwala sa mga demokratikong mistipikasyon laluna sa usapin na walang kaibahan ang lahat ng politiko - administrasyon at oposisyon - at wala ng kabuluhan ang eleksyon.
Ito ang kinatatakutan ng lahat ng paksyon ng naghaharing uri: lubusang mawala ang tiwala ng masa sa demokratikong anyo ng diktadura ng burgesya, ang huli at pinaka-epektibong maskara ng estado para itaboy ang manggagawa at maralita sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo." (‘Ika-9 na SONA ni Gloria para ba sa masa?' [fil.internationalism.org/internasyonalismo/200907/104/ika-9-na-sona-ni-gloria-para-ba-sa-masa [8]])
Hindi kami manghuhula dahil ang marxismo ay nakabatay sa materyal at dinamikong paggalaw ng lipunan at mga uri sa loob nito. Kaya madaling makita ng mga marxista ang tunguhin ng burges na politika sa bansa. Sa tindi ng bangayan ng mga paksyon sa loob ng mapagsamantalang uri at sa takot ng burgesyang Pilipino na tuluyang mawala ang mistipikasyon ng burges na eleksyon sa hanay ng malawak na masang api, ganito ang sinabi namin noong Setyembre 2009 hinggil sa kung ano ang katangian ng susunod na pangulo ng kapitalistang gobyerno:
"Ang tunguhing "populismo" ay parang swine flu na kumakalat sa lahat ng mga bansang nakaranas ng matinding kombulsyon, kahirapan at kabulukan ng estado."
"Natatakot ang burgesya na ang mga kilusang protesta at galit ng manggagawa at maralita laban sa walang solusyong krisis ng kapitalismo ay magbunga ng tuluyang pagkawala ng tiwala ng huli sa mga mistipikasyon ng demokrasya, eleksyon at nasyunalismo. At higit sa lahat ng lubusang pagkalantad sa harapan ng malawak na populasyon na walang kaibahan ang administrasyon at oposisyon."
"Ang burges na oposisyon at Kaliwa ang shabu na binibigay ng burgesya sa masa para patuloy itong maging "bangag" sa mga mistipikasyon na ang problema ay nasa pangangasiwa lamang sa estado; na ang problema ay ang paghahanap lamang ng "tama" at "matinong" tao na "aasahan" ng mamamayan para siyang mag-ahon sa kanila sa kahirapan."
"Ang pagkamatay ni Cory Aquino, ang "icon of democracy" sa Pilipinas, na sinasaluduhan ng lahat ng paksyon ng burgesya, kabilang na ang "ultra-radikal" na CPP-NPA-NDF ay parang "hulog ng langit" sa buong naghaharing uri para epektibong mapatupad ang taktikang "populismo".
Nagtulungan ang media, burges na partido ng Kanan at Kaliwa at Simbahan na muling buhayin ang "diwa ng Edsa 86" na matagal na sanang ibinaon dahil sa mga krimen ng rehimeng Aquino noon sa masang manggagawa at maralita.
At tulad ng kanyang ina, na isang "reluctant candidate" noong 1986, si Senador Noynoy Aquino naman ngayon ay ganun din at napilitan lang diumano na tatakbo dahil sa "popular na kahilingan" ng taumbayan. ('"Popular" na kandidato para ipagtanggol ang kapitalismo' [fil.internationalism.org/internasyonalismo/200909/106/popular-na-kandidato-para-ipagtanggol-ang-kapitalismo [9]])
Ang pagkapanalo ni Benigno “Noynoy” Aquino III bilang pangulo ay hindi tagumpay ng manggagawa at maralitang Pilipino. Kundi kabaliktaran. Ito ay ang panunumbalkik ng bangkarotang populistang ideolohiya na ibinaon na sana sa limot matapos malantad ang pagiging kontra-manggagawa at kontra-mamamayan ng rehimeng Corazon Aquino noong 1986-92.
Populismo sa Pilipinas
At nangyari nga ang marxistang pagsusuri: nanalo si Benigno “Noynoy” Aquino. Kinilala siya ng mayoriya ng naghaharing uri at signipikanteng bilang ng panggitnang pwersa, media at Simbahan bilang isang “popular” na pangulo ng bansa. Isang tao na “napilitan” lamang tumakbong pangulo dahil sa “kagustuhan” ng nakararami. Habang si Gloria Arroyo ay tiyak na ang pag-alis sa Malakanyang upang maging “kinatawan” ng kanyang distrito sa Pampanga sa mababang kapulungan.
Lumakas ang burges na populismo sa Pilipinas noong panahon ng diktadurang Marcos. Sa panahong ito ang pinaka-radikal na kaliwang kamay ng burgesya – CPP-NPA – ay naglabas ng atas para sa kanyang mga kadre, aktibista at baseng masa ng linyang “anti-pasista, anti-pyudal at anti-imperyalista” na may pangunahing diin sa anti-pasistang nagkakaisang prente. Ang bangkarotang linyang ito ang isa sa mga “taktika” ng mga stalinistang partido noong WW II. At kabilang sa naging biktima ng taktikang ito ay ang PKP/Hukbalahap ng masakerin sila ng kanilang alyadong imperyalistang Amerika laban sa imperyalistang Hapon.
Sa ilalim ng anti-pasistang linya ay nakipag-alyado ang maoistang PKP sa anti-Marcos na reaksyunaryong oposisyon tulad nila Benigno Aquino Jr, Laurel, Kalaw, Manglapus, atbp.
Ang “People Power” sa 1986 ang naging rurok ng pakikibakang anti-Marcos ng mailuklok sa Malakanyang ang byuda ng pinaslang na si Benigno Aquino Jr: si Corazon Aquino. Lumukob sa buong Pilipinas ang napakataas na ilusyon na “bumalik na ang demokrasya” dahil wala na sa kapangyarihan ang pamilyang Marcos.
Subalit kung anong taas ng ilusyon sa populistang demokrasya ay ganun din kalakas ang kalabog ng bumagsak ito: naranasan ng manggagawa at mahihirap na ang demokrasya ni Cory Aquino ay walang kaibahan sa diktadura ni Marcos.
Pero dahil ang papel ng Kaliwa ay maging taga-sabotahe ng rebolusyonaryong kilusan sa loob, patuloy nitong sinalaksak sa utak ng kanilang baseng masa ang populismo sa kongkretong ekspresyon nito na lantay na oposisyon lamang sa paksyon na nasa kapangyarihan habang alyado ang mga paksyon ng mapagsamantalang uri na wala sa kapangyarihan: ang burges na oposisyon.
Dahil dito ay muling naulit ang kasaysayan na ang bunga ay mas karumal-dumal pa sa nakaraan: sa pamamagitan ng “People Power 2” at muling pakipag-alyansa ng Kaliwa sa noon ay wala pa sa kapangyarihan na paksyong Arroyo ay naluklok si Gloria Arroyo sa kapangyarihan at naghari ang kanyang paksyon sa loob ng 9 na taon.
Hindi pa nakontento ang Kaliwa. Ang kupas na sanang “Cory Magic” ay muli nilang binuhay kakutsaba ang Kanan, media at Simbahan ng pumanaw si Corazon Aquino. At dahil dito, nakatulong sila para magpasya si Noynoy Aquino na tumakbong presidente ng Pilipinas.
Nagtagumpay ang Kanan at Kaliwa sa kanilang pananabotahe: nanalo si Ninoy Aquino at nakakuha ng isa sa pinakamalaking boto sa kasaysayan ng eleksyong pampangulohan. Hindi lang yan, bomoto ang mahigit 75% ng mga botante.
Dahil sa populismo at burges na demokrasya hindi lang ang pamilyang Aquino-Cojuangco ang nakabenepisyo. Ang mga pamilyang labis na kinamuhian din ng manggagawa at mahihirap dahil sa kanilang mga kasalanan sa bayan sa panahon ng kanilang panunungkulan ay muling bumalik sa pambansang pampulitikang entablado:
– nanatiling nasa kapangyarihan si Gloria Arroyo bilang kinatawan ng kanyang distrito sa Pampanga at may posibilidad pang maging speaker of the house at ganun din ang kanyang mga anak at kamag-anak;
– ang dating unang ginang ng diktadurang Marcos ay kinatawan na ngayon ng mababang kapulungan habang si Ferdinand Marcos Jr ay naging senador na dahil sa alyansang NP-KBL-maoistang Bayan Muna;
– si Jinggoy Estrada ay senador pa rin na nasa ikalawang pwesto pa sa dami ng botong nakuha;
– ang napatalsik na dating pangulo at nakulong dahil sa salang pandarambong sa pera ng bayan – Erap Estrada – ay ikalawa kay Noynoy Aquino sa pinakamaraming nakuhang boto bilang kandidatong presidente.
Ito ang masaklap na karanasan ng burges na populismo sa Pilipinas na may mahigpit na kaugnayan sa repormismo at elektoralismo: muling pagbangon at paglakas ng pamilyang Aquino-Cojuangco, Estrada at Marcos sa pambansang antas at sa tutok ng kapangyarihan.
Ano ang ugat ng populismo sa Pilipinas?
“Ang ugat ng populismo ay ang burges na demokrasya at pagmamahal sa inangbayan. Ang layunin nito: ipatupad ang "perpektong" demokrasya at ang tunay na "pagmamahal" sa bansa.”
“Subalit dahil ganap ng bulok ang sistema at imposible na itong mareporma pa, ang "populismo" ay hanggang sa salita at propaganda na lamang. Ginagamit ito ng mapagsamantalang uri upang maipatupad ang pagkonsolida sa estado, ang huling sandalan ng naaagnas na kapitalismo.”
('"Popular" na kandidato para ipagtanggol ang kapitalismo' [fil.internationalism.org/internasyonalismo/200909/106/popular-na-kandidato-para-ipagtanggol-ang-kapitalismo [9]])
Ang populistang ideolohiya ang lubid na itinali sa leeg ng masang api para itulak sila sa bangin ng desperasyon, kawalan ng tiwala sa sariling lakas at pag-asa sa mga burges-hacienderong dinastiyang hinusgahan na ng kasaysayan.
“Kung walang corrupt, walang mahirap”
Sa aming pahayag noong Mayo Uno, nanawagan kami na maghanda ang uring manggagawa upang labanan ang bagong CEO ng kapitalistang estado. At matapos ang halalan, isang “popular” na presidente ang mangunguna sa mga atake laban sa uring proletaryo at sambayanang Pilipino: si Benigno “Noynoy” Aquino III.
Si Noynoy Aquino ay matagal ng naging tradisyunal na politiko (trapo). Ang kanyang angkan mismo ay mga tradisyunal na politiko. Kahit nasa burges na oposisyon siya, naging bahagi din siya at ang kanyang Partidong Liberal sa alyansa sa paksyon ni Arroyo noong eleksyong 2004.
Ang LP ang isa sa pinakamatandang burges na partido sa Pilipinas. Ang mga pundador ng LP ay galing sa NP, ang unang partido ng burgesyang Pilipino. Itinatag ang LP noong matapos ang WW II bilang pangongopya ng Pilipinas sa sistemang dalawahang-partido ng imperyalistang Amerika.
Si Benigno “Noynoy” Aquino III ay galing sa at nagtatanggol sa interes ng uring kapitalista-haciendero. Napakalinaw ng katotohanang ito. Hindi ito usapin ng “kung ano ang puno ay siya ang bunga” sa kabila ng katotohanan na ang kanyang inang si Corazon Aquino bilang presidente noong 1986-92 ay nagsagawa ng isa sa pinakamabangis na panunupil sa lumalabang populasyon.
Sa likod ng populistang islogan ni Noynoy na “kung walang corrupt, walang mahirap” nakatago ang mala-halimaw na maka-kapitalistang programa para lalupang pagsamantalahan at apihin ang manggagawa at sambayanan.
Ang programang “anti-korupsyon” ay laging dala-dala ng sinumang kandidato mula pa noong panahon ni Manuel Quezon hanggang ngayon. Subalit lalong lumala ang korupsyon at pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan sa kaban ng bayan. Ang ugat ng korupsyon ay ang krisis ng sistema. Ito ay nagbunga ng pagliit ng paghahatian ng iba't-ibang paksyon ng mapagsamantalang uri. At habang lumiliit ang paghahatiang yaman mula sa pawis ng sambayanan ay lalong tataas ang pagiging ganid ng lahat ng paksyon na magnakaw para sa pansariling interes. Ito ang bunga ng ideolohiyang “isa laban sa lahat” at “bawat isa para sa kanyang sarili”.
Ang mga iskandalo ng korupsyon ng mga nagdaang rehimen kabilang na ang rehimeng Corazon Aquino (1986-92) ay hindi na bago sa isang sistemang nasa kanyang dekadenteng yugto na, hindi lang sa mga atrasadong kapitalistang bansa gaya ng Pilipinas kundi maging sa abanteng kapitalistang mga bansa gaya ng Amerika at Britanya. Wastong sinuri ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin (IKT) ang mga iskandalong ito na pinangunahan ng burges na media:
“The targets of scandals often complain that those who have launched the scandalous allegations are politically motivated, that what they are accused of doing was longstanding common practice, and has been done by others before them without public outcry, and in this they are generally accurate. Corruption, nepotism, cronyism, and illegal behavior are central characteristics of the capitalist class’s mode of functioning. Many of the revelations that become the focal point of media attention in various scandals have actually been known about for a long time and only become worthy of media attention because of political circumstances external to the subject matter of the scandal itself.” (en.internationalism.org/internationalismusa/200705/2125/media-scandals-are-key-weapon-intra-ruling-class-clashes [10])
Bagamat totoo ang akusasyon ng Kaliwa at burgesya na oposisyon sa kanilang akusasyon ng malawakang korupsyon sa naghaharing paksyon na nakaupo sa Malakanyang: Marcos, Aquino, Ramos, Estrada at Arroyo, malinaw din na ito ay may layuning politikal: nais ng oposisyon na magmalinis sa mata ng publiko at linlangan ang una na sila ay hindi kurakot at magnanakaw. Ang nais ng oposisyon ay itago ang katotohanan na ang ugat ng pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan ay ang bulok na sistema at gobyerno mismo na kanilang pinaglilingkuran. Gusto lamang ng burges na oposisyon na isalaksak sa utak ng taumbayan na ang magnanakaw ay ang paksyon lamang na kasalukuyang nakaupo sa Malakanyang.
Subalit maiwasan ba ng mga opisyales at burukrata ng kapitalistang estado ang pandarambong at pagnanakaw sa kaban ng bayan sa ilalim ng sistemang sadlak na sa permanenteng krisis? Kung ang mga politiko ang tatanungin laluna si Noynoy Aquino, tiyak ang sagot nila ay malaking OO. Ang pekeng komunista at rebolusyonaryo lamang ang maniwala sa mga ito!
Sa mga bansang atrasado at mabilis na lumiliit ang yaman ng bayang pagnanakawan, mas mataas ang antas ng pagiging ganid sa pagnanakaw at pagpapayaman ng mga politiko at burges na partido, ito man ay mula sa Kanan o Kaliwa:
“People go into bourgeois politics for diverse reasons, but few are able to resist the opportunity to use their membership of parliament or government as a way of lining their own pockets. Their loyalty to the state as it deceives and exploits the population is amply rewarded by large salaries, bribes, luxurious privileges, and ‘plenty of time on their hands'.” (en.internationalism.org/worldrevolution/201003/3638/corruption-integral-part-parliamentary-politics [11])
Habang lumalala ang krisis ng sistema, lalong tumataas ang pangangailangan ng mga burukrata kapitalista ng Kanan at Kaliwa ng burgesya para magpayaman sa sarili.
Totoong mataas ang ekspektasyon ng maraming mahihirap sa rehimeng Noynoy Aquino. Pero ang ekspektasyong ito ay tiyak mauuwi na naman sa desperasyon at demoralisasyon laluna sa panggitnang pwersa tulad ng nangyari noon sa administrasyon ng kanyang ina.
Maaring magbigay ng ehemplo si Noynoy Aquino ng ilang burukrata at negosyante na kakasuhan, huhulihin at ikukulong sa salang pagnanakaw at pandarambong. Pero hanggang dyan na lang: ilang halimbawa. At ang target nito ay ang paksyong Arroyo lamang na wala na sa kapangyarihan. Subalit, dahil ang batas mismo nila ay puno ng mga butas, kahit seryoso pa si Aquino na ipakulong si Gloria, dadaan ito sa butas ng karayom. Pero hindi ito imposible. Nagawa na ito ng burgesya sa ibang bansa: Peru at China bilang iilan lamang sa mga halimbawa kung saan malalaking burukrata ang pinarusahan.
Kaya naman ang kampanyang anti-korupsyon ng rehimeng Aquino para daw sa malinis na pamahalaan ay pampropaganda lamang dahil hindi nito mapigilan at hindi pipigilan ang pagnanakaw ng kanyang paksyon na hayok din sa yaman ng bayan. May karanasan na ang mga Pilipino dito: ang Kamag-anak Inc. ng administrasyong Corazon Aquino.
Kailangang malinaw, laluna sa mga sinsirong elemento para sa panlipunang pagbabago na ang rehimeng Aquino ay mortal na kaaway ng uring proletaryado at sambayanang Pilipino. Tahasang oportunismo at kontra-rebolusyonaryo ang anumang “kritikal” na suporta o “subukan muna” ang rehimeng Aquino.
Gayong interes din ng uring manggagawa at maralita na parusahan hindi lamang paksyong Arroyo kundi pati na rin ang nagdaang mga paksyon na nasa kapangyarihan sa kanilang mga kasalanan sa bayan, hindi ito mangyayari sa paraan na nais ng paksyong Aquino. Mangyari lamang ito kung ang uring manggagawa na ang nasa kapangyarihan matapos mawasak ang kapitalistang estado.
Ang linyang anti-korupsyon ng paksyong Aquino ay para sa interes ng burgesya at hindi para sa manggagawa. Hindi ito tereyn ng laban ng uring proletaryo.
Rebolusyon ng manggagawa hindi populismo at elektoralismo
Ang tereyn ng laban ng manggagawa ay ang kanyang makauring kahilingan gaya ng regular na trabaho, sapat na sahod at makataong kondisyon sa pagawaan. Bagamat sa biglang tingin ito ay mga “simpleng” pang-ekonomiyang kahilingan, pero ang katotohanan ay tungtungan ito para sa pampulitikang mga laban ng uri. Bakit?
Dahil walang makakamit na panimulang tagumpay ang masang manggagawa sa kanilang makauring pakikibaka kung hindi malawakan at buong bansa ang pakikibaka. At mangyari lamang ito kung hawakan ng uri ang kanilang pakikibaka sa kanilang mga kamay mismo at hayagang salungatin ang mga anti-manggagawang batas ng estado. Sa madaling sabi, ang mga kahilingang ito ay hindi yayanig sa rehimeng Aquino kung hindi daang libong manggagawa ang lalabas sa lansangan at magwelga mula sa pribado at pampublikong sektor, bilang iisang uri at iisang lakas. At batay sa karanasan ng proletaryado, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa, ang mga unyon ay walang sinsirong interes na palawakin ang pakikibaka at suwayin ang mga demokratikong batas ng burgesya.
Kung ang mga interbyu sa media ni Noynoy Aquino ang maging batayan natin, halos wala tayong makitang makabuluhang salita mula sa kanyang bibig maliban sa abstraktong mga salita na “malinis” na pamahalaan at “susundin at ipatupad ko ang tagubilin ng aking mga magulang”. Ganun pa man, may masisilip tayo: taasan ang buhis at streamlining sa gobyerno para daw maging masinop ang serbisyo. Ano ang ibig sabihin nito?
Sa totoo lang, matagal ng ginagawa ang mga ito ng nagdaang mga rehimen, na walang ibang kahulugan kundi:
1. Taasan ang sahod ng mga parasitikong institusyon ng estado laluna ang AFP at PNP. Ang armadong pwersa ng estado ay kailangang alagaang mabuti ng nagharing paksyon dahil dito siya nakasandal para manatili sa kapangyarihan.
2. Pigain ang lakas-paggawa ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpataw ng dagdag buhis o panibagong buhis para lalaki ang manakaw ng mga burukrata ng paksyong Aquino.
Kaalinsabay dito ay ang tanggalan laluna doon sa mga kontraktwal na empleyado ng gobyerno at sa mga kaaway nito para makatipid sa gastusin. Hindi naman bago ang mga ito. Dati na itong ginagawa ng mga paksyong nakapasok sa Malakanyang. Pero kaibahan lamang ay mas lalala ito kaysa dati.
Ang sentral na layunin ng rehimeng Aquino sa kanyang mga atake sa uring manggagawa at maralita ay para magkaroon ng puwang ang pambansang kapitalismo sa umiigting na kompetisyon ng iba't-ibang pambansang kapital sa buong mundo sa pandaigdigang merkado na mabilis na kumikipot. At para mahigitan ng administrasyong Aquino ang “tagumpay” ng rehimeng Arroyo sa kanyang 9 na taong pamamayagpag sa tuktok ng burges na kapangyarihan sa layuning ito, kailangan nitong higitan ang patakarang murang lakas-paggawa ng huli. Sa mas murang lakas-paggawa (mas murang sahod sa maksimum na produksyon) magkaroon ng puwang ang atrasadong sistema ng bansa sa pandaigdigang pamilihan.
3. Kakambal ng mas murang paggawa ang pang-eengganyo sa mga dayuhang kapital na maglagak ng puhunan sa Pilipinas. Dahil wala ng pag-asa pang maging abanteng kapitalistang bansa ang Pilipinas dahil nasa dekadenteng yugto na ang pandaigdigang kapitalismo, mas lalupang sasandal ang estado ng Pilipinas sa mga dayuhang kapital.
Ito rin ang interes ng mga abanteng kapitalistang bansa na nasa krisis: kompetisyon sa paghahanap ng mga bansang pinakamura ang lakas-paggawa. Kaya naman naghabulan sa pagbati ang imperyalismong US, Japan, China at mga bansa sa European Union kay Noynoy Aquino dahil kailangan nila ang murang lakas-paggawa ng manggagawang Pilipino.
Sa kasalukuyang antas ng krisis ng sistemang kapital at ng desperasyon ng naghaharing uri na konsolidahin ang kanyang pinakahuling moog, ang estado at mga batas nito, kailangan ang malawakang pakikibaka ng proletaryado at mahihirap ay lumagpas na sa mga hangganang isinasaad ng maka-kapitalista-hacienderong mga batas.
Isa ng ganap na ilusyon at kontra-rebolusyonaryo ang linyang ang nangangamoy sa kabulukan na kongreso ay makagawa ng mga “maka-masang” batas sa ilalim ng naaagnas na kapitalismo.
Panghuli, kaya ba ng administrasyong Aquino na ibaba ang utang ng bansa? Tulad ng nagdaang mga rehimen, ang pangungutang (maliban sa buhis) ang pangunahing sandalan ng administrasyong Arroyo para magkaroon ng pondo. Ang malaking problema lang ay nasa yugto na ngayon ang mundo ng matinding krisis sa utang. Kung hindi na makalaya sa bigat ng utang ang abanteng kapitalistang mga bansa, laluna ang mga atrasado gaya ng Pilipinas.
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo at sa kanyang kasalukuyang yugto ng pagkaagnas, mabilis na madurog ang mga populistang pangako ng administrasyong Aquino. Pero hindi ibig sabihin na mabilis din na maabot ng manggagawang Pilipino ang klaripikasyon para sa tunay na panlipunang pagbabago dahil malakas pa rin ang impluwensya ng iba't-ibang paksyon ng Kaliwa sa kanilang hanay. Kaya nasa balikat ng napakaliit na minorya na mga komunista at rebolusyonaryong organisasyon sa Pilipinas nakapatong ang napakalaking responsibilidad na isiwalat ang tunay na sitwasyon ng bansa at daigdig. At mula dito ay ipaliwanag sa uring manggagawa at maralita.
Ang unang hakbang para sa klaripikasyon ay ang paglantad na ang rehimeng Aquino, burges na oposisyon at Kaliwa kasama na ang mga tuta nilang mga unyon ay kaaway ng makauring pakikibaka para sa sosyalismo. At ang pangunahing hadlang para sa klaripikasyon ay ang populista at demokratikong ideolohiya ng burgesya.
Talyo
Hunyo 12, 2010
Ang pangunguna ni Benigno "Noynoy" Aquino III sa bilangan at ang pagkilala sa kanya ng mayoriya ng Kanan, Kaliwa, media at imperyalistang mga bansa laluna ng Amerika bilang "bagong" pangulo kahit wala pang opisyal na proklamasyon sa kanya ay patunay ng katumpakan ng marxistang pagsusuri sa halalang Mayo 2010.
Batay sa pagsusuri sa makauring tunggalian at balanse ng pwersa nakamit ng mga marxistang rebolusyonaryo sa Pilipinas ang sumusunod na analisis noon pang nakaraang taon:
1. Para sa naghaharing uri ang paksyong Arroyo at si Gloria mismo ay isa ng liability sa sistema. Kailangan na siyang palitan ng isang "popular" na pangulo mula sa burges na oposisyon.
2. Kailangang matuloy ang eleksyon na magkaroon ng persepsyon sa publiko at internasyunal na komunidad na "mapayapa", "malinis" at "kapani-paniwala".
3. Sa kabila ng pangkalahatang interes ng naghaharing uri para sa "mapayapa", "malinis" at "kapani-paniwalang" halalan, hindi nito mapigilan at maitago ang marahas na tunggalian ng ibat-ibang paksyon ng mapang-aping uri para sa kapangyarihan.
Noong Hunyo 2009 sinabi ng mga rebolusyonaryong minorya ang sumusunod:
"Kung may nag-iisip man ng term extension ni Gloria (president o prime minister), ito ay ang kanyang mga sagad-saring alagad na lamang. Pero hindi ang buong naghaharing uri dahil para sa kanila, isa ng liability si Gloria sa kanilang paghahari. Katunayan, may mapagpipilian na ang naghaharing uri sa loob ng burges na oposisyon para uupo sa Malakanyang (Roxas, Villar, Lacson, Legarda, Escudero, etc). Kung sino man siya, ito ay walang halaga sa masang mahihirap dahil alam ng huli na ibayong kahirapan lamang ang mararanasan nito anumang paksyon ng burgesya ang uupo sa kapangyarihan."[1]
Ang burges na oposisyon at Kaliwa ng panahong ito ay humihiyaw na tila hindi matuloy ang eleksyon dahil ang plano ng paksyong Arroyo ay baguhin ang Konstitusyon bago ang kampanya ng eleksyon.
Ang kapasyahan ng mapagsamantalang uri na matuloy ang eleksyon at mahalal ang isang kandidato mula sa burges na oposisyon ay pinatunayan ng naging aktwal na resulta ng eleksyon. Ganito na ang pahayag ng mga komunista noong Hulyo 2009:
"Kung ang consensus ng karamihan ng naghaharing uri sa Pilipinas ang suriin, isa ng liability si Gloria bilang pangunahing tagapagtanggol ng kapitalistang estado. Sa kanyang termino bumilis at dumami ang nawawalan ng tiwala sa mga demokratikong mistipikasyon laluna sa usapin na walang kaibahan ang lahat ng politiko - administrasyon at oposisyon - at wala ng kabuluhan ang eleksyon.
Ito ang kinatatakutan ng lahat ng paksyon ng naghaharing uri: lubusang mawala ang tiwala ng masa sa demokratikong anyo ng diktadura ng burgesya, ang huli at pinaka-epektibong maskara ng estado para itaboy ang manggagawa at maralita sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa sosyalismo."[2]
Noon pang Setyembre 2009 ay nakita na ng Internasyonalismo (seksyon ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa Pilipinas) na isang "popular" na kandidato ang posibleng manalo sa katauhan ni Noynoy Aquino[3]:
"Ang tunguhing "populismo" ay parang swine flu na kumakalat sa lahat ng mga bansang nakaranas ng matinding kombulsyon, kahirapan at kabulukan ng estado."
"Natatakot ang burgesya na ang mga kilusang protesta at galit ng manggagawa at maralita laban sa walang solusyong krisis ng kapitalismo ay magbunga ng tuluyang pagkawala ng tiwala ng huli sa mga mistipikasyon ng demokrasya, eleksyon at nasyunalismo. At higit sa lahat ng lubusang pagkalantad sa harapan ng malawak na populasyon na walang kaibahan ang administrasyon at oposisyon."
"Ang burges na oposisyon at Kaliwa ang shabu na binibigay ng burgesya sa masa para patuloy itong maging "bangag" sa mga mistipikasyon na ang problema ay nasa pangangasiwa lamang sa estado; na ang problema ay ang paghahanap lamang ng "tama" at "matinong" tao na "aasahan" ng mamamayan para siyang mag-ahon sa kanila sa kahirapan."
Sa pananaw ng Internasyonalismo noong nakaraang taon pa ay nagtulong-tulong ang Kanan, Kaliwa, media at Simbahan para "piliin" ng taumbayan si Noynoy Aquino:
"Ang pagkamatay ni Cory Aquino, ang "icon of democracy" sa Pilipinas, na sinasaluduhan ng lahat ng paksyon ng burgesya, kabilang na ang "ultra-radikal" na CPP-NPA-NDF ay parang "hulog ng langit" sa buong naghaharing uri para epektibong mapatupad ang taktikang "populismo".
Nagtulungan ang media, burges na partido ng Kanan at Kaliwa at Simbahan na muling buhayin ang "diwa ng Edsa 86" na matagal na sanang ibinaon dahil sa mga krimen ng rehimeng Aquino noon sa masang manggagawa at maralita.
At tulad ng kanyang ina, na isang "reluctant candidate" noong 1986, si Senador Noynoy Aquino naman ngayon ay ganun din at napilitan lang diumano na tatakbo dahil sa "popular na kahilingan" ng taumbayan.
Eureka! Nakita na ba ng burgesyang Pilipino ang Barack Obama sa Pilipinas sa katauhan ni Noynoy?"
Noong Mayo 1, 2010 ay naglabas ang Internasyonalismo ng isang pahayag[4] na nanawagan sa manggagawang Pilipino at maralita na maghanda at labanan ang bagong pangulo ng kapitalistang gobyerno habang ang Kaliwa ay abala sa paggamit ng internasyunal na araw ng paggawa para sa kanilang elektoral na agenda at kontra-rebolusyonaryong linya.
Talyo, 5/23/2010
[1] ‘Usaping Cha-Cha: Usapin ng Burgesya Hindi ng Manggagawa' (https://fil.internationalism.org/node/98 [12]) Submitted by Internasyonalismo on Sat, 06/06/2009 - 05:03
[2] ‘Ika-9 na SONA ni Gloria para ba sa masa?' (https://fil.internationalism.org/node/104 [8]) Submitted by Internasyonalismo on Tue, 07/28/2009 - 05:09.
[3] ‘"Popular" na kandidato para ipagtanggol ang kapitalismo' (https://fil.internationalism.org/node/106 [9]) Submitted by Internasyonalismo on Wed, 09/16/2009 - 02:43.
[4] https://fil.internationalism.org/node/175 [13]
Isinalin namin sa Filipino ang pahayag ng seksyon ng IKT sa Turkey hinggil sa welga ng mga manggagawa sa Tekel, isang kompanya ng tabako.
Mahalagang mabasa ito ng mga nagsusuring manggagawa at elemento sa Pilipinas para maunawaan ang karanasan ng mga manggagawa ng Tekel at panimulang makahalaw ng mga aral sa laban nila laluna sa usapin ng pananabotahe ng unyon at ang pagsisikap na mga manggagawa ng Tekel na organisahin ang sarili at palawakin ang pakikibaka para isulong ang kanilang makauring laban.
Internasyonalismo
seksyon ng IKT sa Pilipinas
07 Pebrero 2009
Noong Disyembre 14, 2009, libu-libong manggagawa ng Tekel[1] mula sa maraming syudad ng Turkey ay iniwan ang kanilang mga bahay at pamilya para pumunta sa Ankara. Naglakbay ang mga manggagawa sa Tekel sa layuning labanan ang kahindik-hindik na kalagayang ipinataw sa kanila ng kapitalistang kaayusan. Itong marangal na pakikibaka ng mga manggagawa ng Tekel na mahigit isang buwan na ngayon, ay dala-dala ang ideya ng isang welga na lalahukan ng lahat ng manggagawa. Dahil dito, sinimulang pangunahan at isinulong ng mga manggagawa ng Tekel proletaryong kilusan sa buong bansa. Sinubukan naming isulat dito ang kasalukuyang pangyayari sa pakikibaka ng Tekel. Hindi dapat makalimutan na ang salaysay dito ay hindi lamang ng mga manggagawa ng Tekel, kundi ng mga manggagawa sa buong mundo. Labis kaming nagpapasalamat sa mga manggagawa ng Tekel upang maisulat namin ang artikulong ito para itulak ang pakikibaka ng uri pasulong, sa kanilang pursigidong pakikibaka at sa kanilang paliwanag sa amin ano ang pinagdaanan nila, ang kanilang karanasan at iniisip.
Unang-una, tingin namin ay dapat ipaliwanag ang dahilan ng pakikibaka ng mga manggagawa ng Tekel. Tinututulan ng mga manggagawa ng Tekel ang polisiyang 4-C ng estadong Turkish. Maliban sa manggagawa ng Tekel, kumukuha ang estado sa ilalim ng kondisyong 4-C ng libu-libong manggagawa. Ang kondisyong ito ang maranasan ng libu-libong manggagawa sa malapit na hinaharap, ang mga manggagawa sa paktorya ng asukal ang unang maging biktima sa hinaharap. Sa kabilang banda, maraming sektor ng manggagawa ang nakaranas ng kahalintulad na atake sa ilalim ng ibang pangalan, at ito ay aatake sa mga hindi pa nakaranas. Ano itong 4-C? Ang patakarang ito ay "grasya" na binibigay ng estadong Turkish para sa mga manggagawa na mawalan ng trabaho dahil sa pagdami ng pribatisasyon. Laman nito, maliban sa malaking bawas ng sahod, ang mga manggagawa ng gobyerno ay inilipat sa ibang sektor sa loob ng estado sa ilalim ng nakakatakot na kondisyon. Ang pinakamasamang kondisyon ng patakarang 4-C ay ang pagbibigay ng estado sa mga manager ng absolutong kapangyarihan sa manggagawa. Kaya ang sahod, na estado ang nagpapasya at napakababa na, ay isang maksimum na gantimpala na. Maari pa itong bawasan ng manager ng pabrika ng walang anumang dahilan. At saka, lubusan ng binalewala ang oras-trabaho para sa nagtatrabaho sa ilalim ng 4-C at ang mga manager ng mga kompanya ng estado ay may karapatan na anumang oras ay patrabahuin ang mga manggagawa hanggang "makompleto nila ang tungkuling iniatas sa kanila". Walang anumang bayad ang manggagawa sa "ekstra" na trabahong ito matapos ang regular na oras-trabaho o panahon ng holidays. Sa ilalim ng polisiyang ito, may kapangyarihan ang mga managers na tanggalin ang manggagawa na walang dahilan, na hindi obligadong bayaran sila. Dagdag pa, sa loob ng isang taon, tatlong buwan hanggang sampung buwan lamang maaring magtrabaho ang manggagawa, walang sahod ang manggagawa sa mga buwang hindi sila pinatrabaho at ang tagal ng kanilang trabaho ay ang mga managers pa rin ang magpasya. Sa kabila nito, pinagbawalan ang mga manggagawang maghanap ng pangalawang trabaho kahit hindi sila nagtatrabaho sa panahong iyon. Hindi na binabayaran ang mga manggagawa ng panlipunang seguridad sa ilalim ng polisiyang 4-C, at ang lahat ng mga benepisyong pangkalusugan ay binawi. Ang pribatisasyon, gaya ng polisiyang 4-C ay matagal ng sinimulan noon pa man. Sa mga kompanya ng Tekel, ang pribatisasyon ay sinimulan sa mga departamento ng tabako at inumin, at nauwi sa pagsara ng mga paktorya ng dahon ng tabako. Sa tingin namin ngayon, malinaw na ang problema ay hindi simpleng pribatisasyon. Sa tingin namin, halatadong ang pribadong kapital na kumukuha sa trabaho ng manggagawa, at ang estado, ang kapital ng estado, ay nagnanais na pagsamantalahan ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsadlak sa kanila sa napakasamang kalagayan, silang dalawa ay nagtutulungan sa pag-atake sa kanila. Sa puntong ito masasabi namin na ang laban ng manggagawa ng Tekel ay iniluwal ng makauring interes ng lahat ng manggagawa at kumakatawan sa pakikibaka laban sa kapitalistang sistema sa kabuuan.
Makakabuti kung ipaliwanag ang sitwasyon ng kilusang paggawa sa Turkey kung saan napailalim ang pakikibaka ng manggagawa ng Tekel. Sa 25 Nobyembre 2009, nangyari ang isang araw na welga na ini-organisa ng KESK, DISK and Kamu-Sen[2]. Gaya ng sinabi namin, naglakbay ang mga manggagawa ng Tekel papuntang Ankara sa 14 Disyembre, ilang linggo matapos ang isang araw na welgang ito. Sa naturang linggo na dumating sa Ankara ang mga manggagawa ng Tekel, nangyari ang iba pang dalawang pakikibaka ng manggagawa. Ang una ay ang demonstrasyon ng mga bombero na mawalan ng trabaho sa pagpasok ng 2010, at ang ikalawa ay ang isang araw na welga ng mga manggagawa sa riles bilang protesta sa pagtanggal sa ilan sa kanilang kasamahan dahil sa paglahok nila sa welga noong 25 Nobyembre. Ang kapulisan, nakita na tumataas ang makauring pakikibaka, ay marahas na inatake ang mga bombero at manggagawa ng riles. Wala ding kaibahan sa pagtrato sa mga manggagawa ng Tekel. Maliban dito, ang bilang ng mga manggagawa ng riles na nawalan ng trabaho dahil sa pagsama sa welga ay tumaas sa halos limampu. Marami sa mga manggagawa ang hinuli. Matagalan pa bago muling makabawi ang mga bombero mula sa mga atake. Hinggil sa mga manggagawa ng riles, sa kasamaang-palad hindi pa sila nakabalik sa tereyn ng makauring pakikibaka. Ang pagiging nasa unahan ng mga manggagawa ng Tekel sa kataposan ng linggo na nagsimula noong Disyembre 14 ay ang katotohanan na nagawa nilang labanan ang panunupil ng estado, at nagawa nilang ipagpatuloy at gawing buhay ang pakikibaka.
Paano nagsimula ang pakikibaka sa Tekel? Mayroon ng konsiderableng minorya na gustong lumaban, pero ang naging mitsa ng pakikibaka ay ang nangyari sa 5 Disyembre, sa isang seremonya na dinaluhan ng primero ministro na si Tayyip Erdoğan[3]. Ang mga manggagawa ng Tekel, kasama ang kanilang mga pamilya, ay hindi inaasahang inakyat si Erdoğan sa seremonyang ito upang tanungin kung ano ang mangyari sa kanila. Sinabat nila ang pagsasalita ni Erdoğan at sinasabing "Naghihintay ang mga manggagawa ng Tekel ng magandang balita mula sa iyo ". Sumagot si Erdoğan: "Sa kasamaang-palad, lumilitaw ang mga elementong gaya nito sa Turkey. Ang mga elementong ito ay nais magkaroon ng pera na hindi nagtatrabaho, na nakaupo lamang. Sinara na natin ang panahon na magkaroon ng pera na walang ginagawa (...) Sinabi nila na ang ari-arian ng estado ay isang dagat at baboy ang hindi makakain. Ganito ang pagtingin nila sa isyung ito. Hindi ganyan ang aming pagtingin. Narito ang inyong kabayaran bilang matagal na sa trabaho. Kung gusto ninyong magagamit namin kayo sa ilalim ng 4-C, kung ayaw nyo, umalis kayo at magtayo ng inyong sariling negosyo kung gusto ninyo. Sinabi din namin ito. May kasunduan kami sa kanilang unyon. Nakausap ko sila. Sinabihan ko sila ‘Matagal na ito. Gawin nyo ang kailangan'. Bagamat may kasunduan kami, natapos na ang proseso at lumipas ang isa o dalawang taon. May nagsasabi pa rin dito na gusto naming manatili sa trabaho at ipagpatuloy ang dati, nais namin ang parehong karapatan sa ibang lugar. Hindi, napag-usapan na natin ito. Sa sampung libong manggagawa ng Tekel ay gumastos kami ng apatnapung trilyon kada buwan."[4] Hindi alam ni Erdoğan kung anong gulo ang pinasok niya. Ang mga manggagawa, karamihan sa kanila ay dating taga-suporta ng gobyerno, ay galit na ngayon. Tinatalakay ng mga manggagawa sa mga pabrika kung paano ilunsad ang pakikibaka. Isang manggagawa mula sa Adıyaman[5] ang nagpaliwanag sa prosesong tulad nito sa isang artikulo na sinulat niya, na inilabas sa isang pahayagan ng Kaliwa: "Ang prosesong yun ay naka-engganyo sa mga kapwa manggagawa na hindi pa sumama sa pakikibaka na lumahok gaano man kaliit ang ambag nila. Nakita na nila ang tunay na mukha ng Justice and Development Party dahil sa sinasabi ng primero ministro. Ang una nilang ginawa ay nagbitiw sila bilang membro ng partido. Sa mga talakayan na nagsimula sa aming mga pabrika, napagpasyahan namin na magkaisang ipagtanggalo ang aming hanapbuhay " [6]. Ang unyon[7] na sinabi ni Erdoğan na nagkasundo sila, at walang seryosong hakbang ay nanawagan ng pagtitipon sa Ankara. Resulta, naglakbay ang mga manggagawa papunta sa kabisera.
Ang pwersa ng estado ay pausad na umaatake sa mga manggagawa mula pa sa simula. Pinahinto ng mga polis ang mga bus na lulan ang mga manggagawa mula sa mga syudad ng Kurdish kung saan konsentrado ang mga paktorya ng Tekel, pero pinadaan ang mga manggagawa mula sa mga rehiyon ng Kanluranbut, Mediterranean, Central Anatolian at Black Sea. Layunin nito na pag-awayin ang mga manggagawang Kurdish at iba pang manggagawa sa isa't-isa, at hatiin ang makauring pakikibaka sa linyang etniko. Hinubaran ng ganitong pausad na atake ang dalawang maskara ng estado: ng pagkakaisa at kaaysuan at ng repormang Kurdish. Pero hindi pumasok ang mga manggagawa sa bitag ng polis. Sa pamumuno ng mga manggagawa ng Tokat, tumutol ang mga manggagawa sa labas ng mga syudad na Kurdish sa paninindigan ng kapolisan, at determinadong giniit na papasok ang lahat ng mga manggagawa sa syudad at walang iwanan. Dahil hindi matantya ng kapolisan kung ano ang hakbang ng gobyerno, pumayag ito na papasukin ang lahat ng mga manggagawa sa syudad. Nagawa ng insidenteng ito na malalimang magkaisa sa makauring tereyn ang mga manggagawa mula sa iba't-ibang syudad, rehiyon at etnikong pinanggalingan. Matapos ang insidenteng ito, nagpahayag ang mga manggagawa sa mga rehiyon ng Kanluran, Mediterranean, Central Anatolian at Black Sea na ang lakas at inspirasyon nila sa paglaban ay nakuha nila mula sa determinasyon at kamulatan ng mga manggagawang Kurdish, na isang malaking ambag sa kanilang paglahok sa pakikibaka at natuto sila ng malaki mula sa mga manggagawang iyon. Nakuha ng mga manggagawa ng Tekel ang kanilang unang panalo ng nakapasok sila sa syudad.
Sa Disyembre 15, sinimulan ng mga manggagawa ng Tekel ang kanilang protesta-demonstarasyon sa harapan ng pambansang himpilan ng Justice and Development Party sa Ankara. Salaysay ng isang manggagawa ng Tekel na pumunta sa Ankara ng araw na yun: "Nagmartsa kami patungo sa pambansang himpilan ng Justice and Development Party. Gumawa kami ng apoy at naghintay sa harap ng himpilan hanggang 10 PM. Nang masyado ng malamig, pumunta kami sa Atatürk Gym. Mga limang libo kami. Inilabas namin ang aming mga carpet at karton at nagpalipas ng gabi doon. Sa umaga, itinulak kami ng polisya tungo sa Abdi İpekçi Park at pinalibotan kami. Ilan sa aming mga kasamahan ay muling nagmartsa papunta sa himpilan ng Justice and Development Party. Naghintay kami sa parke, nais naming puntahan ang aming mga kasamahan, at ang naghihintay sa harap ng himpilan ng Justice and Development Party ay nais na puntahan kami: umatake ang polisya gamit ang tear gas. Sa 7 PM nagawa naming puntahan ang mga kasamahan sa parke. Naglakad kami ng apat na oras. Nagpalipas kami ng gabi sa parke, sa ulan."[8] Sa kabilang banda, ang pinaka-marahas na atake ng kapolisan ay nangyari sa Disyembre 17. Ang kapolisan, malinaw na kumilos dahil may nag-utos o malamang bumawi dahil hindi nila napigilan ang pagpasok ng mga manggagawang Kurdish sa syudad, ay inatake ang mga manggagawa sa parke ng mas marahas at may galit. Ang layunin ay buwagin ang mga manggagawa. Subalit sa panahong ito may isang bagay na hindi natantya ng pwersa ng estado: ang kapasidad ng mga manggagawa na organisahin ang sarili. Ang mga manggagawa, na binuwag ng kapolisan, ay nagawang organisahin ang sarili na walang tulong mula sa sinumang burukrata at nagtipon para sa isang malaking demonstrasyon sa harap ng himpilan ng Türk-İş[9] sa hapon. Sa naturang araw din, ang mga manggagawa, na walang matutuluyan, ay inokupa ang dalawang palapag ng gusali ng Türk-İş. Sa sumunod na mga araw matapos ang Disyembre 17, ang mga demonstrasyon ng mga manggagawa ng Tekel ay naganap sa isang maliit na kalye sa harap ng himpilan ng Türk-İş, sa sentro ng Ankara.
Nangibabaw ang labanan sa pagitan ng mga manggagawa ng Tekel at administrasyong Türk-İş sa mga araw na ito hanggang Bagong Taon. Sa totoo lang, kahit sa simula pa ng pakikibaka, wala ng tiwala ang mga manggagawa sa mga burukrata ng unyon. Nagpadala sila ng dalawang manggagawa mula sa lahat ng syudad kasama ang mga unyonista sa lahat ng negosasyon. Ang layunin nito ay para malaman ng lahat ng mga manggagawa kung ano ang tunay na pangyayari. Kapwa ang Tek Gıda-İş at Türk-İş, at ang gobeyrno ay umaasa na susuko ang mga manggagawa ng Tekel sa loob ng ilang araw sa harap ng nakakayelong ginaw sa Ankara sa taglamig, panunupil ng polisya at materyal na kahirapan. Ang mga pintuan ng gusali ng Türk-İş, ay hindi nakapagtatakang dali-daling isinara para mapigilan ang mga manggagawa na makapasok sa gusali. Laban dito, nakibaka ang mga manggagawa para pahintulutang magamit ang palikuran sa gusali at para makapagpahinga ang mga babaeng manggagawa sa loob ng gusali at nagbunga ang pakikibakang ito ng tagumpay. Walang intensyon ang mga manggagawa na umatras. Isang seryosong suporta ang binigay ng mga manggagawa sa Ankara at laluna ng mga estudyante na proletaryado ang pinagmulan para sa kanilang matutuluyan: malamang maliit pero mahalagang bahagi ng manggagawa sa Ankara ay pinatuloy ang mga manggagawa ng Tekel sa kanilang bahay. Sa halip na sumuko at umuwi, araw-araw ay nagtipon ang mga manggagawa ng Tekel sa maliit na kalye sa harapan ng gusali ng Türk-İş, at nagsimulang magtalakay kung paano isusulong ang pakikibaka. Hindi nagtagal nakita ng mga manggagawa na ang tanging solusyon para mapangibabawan ang kanilang pagkabukod ay dapat ang kanilang pakikibaka ay lumawak sa buong uring manggagawa.
Sa ganitong konteksto, ang mga militanteng manggagawa mula sa lahat ng syudad na nakakita na walang ginagawa ang Tek Gıda-İş at Türk-İş para sa kanila ay nagtangkang magtayo ng komite sa welga, na ang pangunahing layunin ay ipaabot ang kanilang mga demanda sa unyon. Ilan sa mga kahilingan ay ang pagtayo ng tent para sa welga at kolektibong ipagdiwang ng mga manggagawa ang Bagong Taon, sa pamamagitan ng isang demonstrasyon sa harap ng gusali ng Türk-İş. Tinutulan ng mga opisyales ng unyon ang inisyatiba ng mga manggagawa. Kung tutuusin, ano pa ang saysay ng unyon kung hawakan na ng mga manggagawa sa kanilang mga kamay ang pakikibaka! Nakalambong dito ang isang banta: ang mga manggagawa na nabukod na ay natatakot na mapabayaan kung aatras ang unyon sa pagsuporta sa kanila. Kaya binuwag ang komite sa welga. Pero determinado ang mga manggagawa na hawakan ang pakikibaka sa kanilang mga kamay. Mabilis na isinagawa ng mga manggagawa ang pakikiisa sa mga manggagawa ng asukal na haharap sa katulad na kondisyon ng 4-C sa lalong madaling panahon, at pumunta sila sa mga komunidad ng manggagawa at sa mga unibersidad ay inimbitahan sila para ipaliwanag ang kanilang pakikibaka. Habang patuloy ang pakikibaka ng mga manggagawa laban sa administrasyong Türk-İş na hindi naman sumusuporta sa manggagawa. Sa araw na nagpulong ang mga opisyales ng Türk-İş, pinasok ng mga manggagawa ang himpilan ng unyon. Kumilos ang mga polis para proteksyunan si Mustafa Kumlu, tsirman ng Türk-İş mula sa mga manggagawa. Nagsimulang magsigawan ang mga manggagawa ng mga islogang tulad ng "Ibenta ang mga bentador", "Tungkulin ng Türk-İş, pangkalahatang welga ", "Kumlu, magbitiw ka". Hindi nangahas harapin ni Kumlu ang mga manggagawa hangga't hindi siya nagdeklara ng seye ng mga pagkilos, kabilang na mga welga na mangyayari linggo-linggo, simula sa isang oras na welga at madodoble kada linggo at demonstrasyon sa harap ng gusali ng Türk-İş na mangyayari kada linggo. Takot siya sa kanyang buhay. Kahit pa sa deklarasyon ni Kumlu ng serye ng mga pagkilos, wala pa ring tiwala ang mga manggagawa sa Türk-İş. Nang sinabi ng isang manggagawa ng Tekel mula sa Diyarbakır[10] sa isang interbyu na "Hindi namin susundin ang anumang desisyon ng liderato ng unyon na tapusin ang pakikibaka at umuwi na. At kung ang desisyon na tapusin ang laban na walang anumang ganansya tulad ng ginawa nila noong nakaraang taon, nag-iisip kami na kunin ang lahat na pwedeng makuha sa gusali ng Türk-İş at sunugin ito "[11], pinahayag niya ang damdamin ng maraming manggagawa ng Tekel.
Umatras ang Türk-İş sa kanyang planong aksyon ng ang unang isang oras na welga ay nilahukan ng 30% ng mga unyon. Sindak na sindak ang mga opisyales ng Türk-İş pati na ang gobyerno sa paglawak ng pakikibaka ng mga manggagawa ng Tekel. Matapos ang masayang demonstrasyon sa Bagong Taon sa harap ng himpilan ng Türk-İş, isang botohan ang ginawa ng mga manggagawa upang pagpasyahan kung magpatuloy ba o umuwi. 99% ng mga manggagawa ay bomoto na ipagpatuloy. Samantala, isang bagong plano ng pagkilos na minungkahi ng unyon, ay sinimulang talakayin: matapos ang Enero 15, mayroong tatlong-araw na sit-in, na susundan ng tatlong-araw na hunger strike at pagkatapos ay tatlong-araw na pag-ayuno hanggang kamatayan. Ilulunsad din ang isang malaking demonstrasyon, na pinangako ng adminsitrasyong Türk-İş. Inisyal na naniwala ang manggagawa na isang magandang ideya ang hunger strike. Nahiwalay na, ayaw nila na makalimutan at balewalain at naniwala sila na mapigilan ito ng isang hunger strike. Saka, may pakiramdam sila na natali sila sa harap ng Türk-İş at nag-iisip na kailangang may pagkilos. Isa ring intimidasyon ang hunger-strike para sa Türk-İş.
Isa sa pinaka-signipikanteng teksto na sinulat ng mga manggagawa ng Tekel ay lumitaw sa mga araw na yun: isang sulat ng isang manggagawa ng Tekel para sa mga manggagawa ng asukal. Ang manggagawa ng Tekel mula sa syudad ng Batman[12] ay sumulat: "Aming masisipag at marangal na mga kapatid na manggagawa sa paktorya ng asukal, Ngayon, ang marangal na pakikibakang inilunsad ng mga manggagawa ng Tekel ay isang istorikal na pagkakataon para sa mga binawian ng karapatan. Para hindi mapag-iwanan ng pagkakaong ito, ang inyong pagtisipasyon sa aming marangal na pakikibaka ay mas makapagpasaya at mas makapaglakas sa atin. Mga kaibigan, nais kong bigyang diin na sa ngayon, nangako ang mga unyonista na ‘kami ang bahala'. Subalit, habang dinaanan natin ang katulad na proseso, alam natin na sila ay may marangyang pamumuhay at walang pakialam sa buhay-at-kamatayan. Kabaliktaran, kayo ang inagawan ng karapatan at binawian ng karapatan sa pagtrabaho. Kung hindi kayo lalahok sa pakikibaka ngayon, baka huli na bukas. Anu't anuman, magtatagumpay ang pakikibakang ito lalahok kayo o hindi at wala kaming duda o kawalang tiwala sa aming mga sarili na ipatupad ito. Dahil tiyak tayo na kung magkaisa at kikilos bilang isang katawan ang mga manggagawa, walang hindi nila makakamit. Sa ganitong damdamin, sumasaludo ako sa inyo mula sa kailaliman at respeto sa ngalan ng lahat ng manggagawa ng Tekel."[13] Ang sulat na ito ay hindi lang nanawagan sa mga manggagawa ng asukal na sumama mismo sa pakikibaka; malinaw din na inihayag nito ano ang nangyari sa Tekel. Habang inihayag din dito ang kamulatan ng maraming manggagawa ng Tekel na hindi lamang sila nakibaka para sa kanilang sarili kundi para sa buong uring manggagawa.
Sa Enero 15, pumunta ang mga manggagawa ng Tekel sa Ankara para lumahok sa sit-in na nasabi na namin. Ngayon ay mayroong halos sampung libong manggagawa ng Tekel na nasa Sakarya Square. Ilan sa kanilang mga pamilya ay sumama sa kanila. Kumuha ng sick-days at holidays ang mga manggagawa para lamang makapunta sa Ankara at marami sa kanila ang maraming beses na pabalik-balik para ma-renew ang kanilang permiso sa holiday. Ngayon, halos lahat ng mga manggagawa sa Tekel ay nagsama na. Nagplano ng isang malawak na demonstrasyon sa Enero 16, Sabado. Natakot ang pwersa ng estado sa demonstrasyong ito dahil maging batayan ito para sa paglawak at paglaki ng pakikibaka. Ang posibilidad na magkaroon ng mas matibay na pagkakaisa ang mga manggagawa na dumating para sa demonstrasyon ng Sabado at buong gabi hanggang buong araw sa Linggo na makasalamuha ang mga manggagawa ng Tekel. Kaya giniit ng pwersa ng estado na sa Linggo ang demonstrasyon, at ang Türk-İş, sa isang tipikal na maniobra, ay lalupang pinahina ang demonstrasyon ng pigilan ang mga manggagawa mula sa mga syudad ng Kurdish na pumunta. Tinataya din na ang dalawa, ang nagyeyelong taglamig sa Ankara, sit-in sa mga kalye ang dudurog sa paglaban at lakas ng mga manggagawa ng Tekel. Nakita sa demonstrasyon sa Enero 17 na ang pagtayang ito ay malaking pagkakamali.
Kalmadong nagsimula ang demonstrasyon sa Enero 17. Ang mga manggagawang nagtipon sa Ankara at maraming pampulitikang pwersa ang nagmartsa mula sa Ankara Train Station sa 10 umaga tungo sa Sıhhiye Square. Sa demonstrasyon, na nilahukan ng libu-libong manggagawa, una isang manggagawa mula sa Tekel, pagkatapos isang bombero at isang manggagawa ng asukal ang nagsalita sa entablado. Ang pagsabog ay nangyari pagkatapos. Pagkatapos ng mga manggagawa, si Mustafa Kumlu, ang tsirman ng Türk-İş ay umakyat sa entablado. Si Kumlu, na walang pakialam sa pakikibaka na lumawak o sa kalagayan ng mga manggagawa ay ganap na moderato, mapagkasundo at walang laman ang pananalita. Gumawa ang Türk-İş ng partikular na pagsisikap na ilayo ang mga manggagawa sa entablado at nilagay ang mga manggagawa ng bakal na ganap na walang kaalam-alam sa nangyayari sa harap nito. Ganun pa man, nakiusap ang mga manggagawa ng Tekel sa mga manggagawa ng bakal na pupunta sila sa harap ng entablado. Sa pagsasalita ni Kumlu, ginawa lahat ng mga manggagawa ng Tekel na sabatin ang pagsasalita niya ng kanilang mga islogan. Ang huling salamangka laban sa manggagawa ay ang pahayag na pagkatapos ng pagsasalita ni Kumlu's, ay si Alişan, isang pop singer na walang anumang kaugnayan sa kilusang paggawa, ay magbibigay ng konsiyerto sa lugar ng demonstrasyon. Inokupa ng mga manggagawa ang entablado, nagsimulang magsisigaw ng sarili nilang mga islogan at sa kabila ng pagkuha ng mga opisyales ng unyon sa sound system, sumama ang mga manggagawa na lumahok sa demonstrasyon sa pagsisigaw ng mga islogan. Lubusan ng nawalan ng kontrol ang unyon. Hawak na ito mismo ng mga manggagawa. Nagmamadaling umakyat sa entablado ang mga opisyales ng unyon, na nagsimulang magbigay ng radikal na pananalita sa isang banda at tinataboy ang mga manggagawa na umalis sa entablado. Nang hindi ito umubra, sinubukan nilang pag-awayin ang mga manggagawa laban sa isa't-isa at laban sa mga estudyante at sa mga manggagawa na pumunta para suportahan sila. Tinangkang pag-awayin ng mga unyonista ang mga manggagawa na dumating sa Ankara sa simula ng pakikibaka laban sa mga huling dumating, at ang puntirya nila ay ang mga dumating para magbigay ng suporta. Sa huli, nakumbinsi ng mga opisyales ng unyon ang mga manggagawa na bumaba sa entablado, at nahikayat ang mga manggagawa na mabilis na bumalik sa kalye sa harap ng gusali ng Türk-İş. Sa aming opinyon, interesante ang mga pananalita na nagsusulong ng hunger strike at pag-aayuno hanggang kamatayan para isantabi ang islogan hinggil sa pangkalahatang welga. Anu't-anuman, hindi sapat ang pagbalik sa gusali ng Türk-İş para ilabas ang galit ng mga manggagawa. Ang mga islogan gaya ng "Pangkalahatang welga, pangkalahatang paglaban", "Türk-İş huwag subukan an gaming pasensya" at "Ibebenta namin ang mga bentador sa amin" ay sinisigaw sa harap ng gusali ng unyon ngayon. Pagkatapos ng ilang oras, isang grupo ng manggagawang umabot sa 150 ay nagawang makapasok sa burukratikong barikada sa harap ng mga pintuan ng Türk-İş at inukopa ang gusali. Nagsimulang magsisigaw ng "Kaaway ng mga manggagawa, alipin ng AKP" ang mga manggagawang naghahanap kay Kumlu sa loob ng gusali ng umabot sila sa pintuan ng kwarto ni Kumlu. Matapos ang demonstarsyon sa Enero 17, nagsimulang magsikap na itayo ng mga manggagawa ang isa pang komite ng welga. Ang komiteng ito ay binubuo ng mga manggagawa na hindi naniwalang angkop ang hunger strike para isulong ang pakikibaka at ang tanging daan paabante ay ang palawakin ang pakikibaka. Ang pagsisikap na buuin ito ay alam ng lahat ng manggagawa at suportado ng malawak na mayorya. Hinggil sa hindi sumusuporta nito, hindi din naman sila nagsasalita laban dito. Kabilang sa mga tungkulin ng komite, maliban sa pagdadala ng kanilang mga kahilingan sa unyon, ay ang pagpapatupad ng komunikasyon at pag-organisa sa sarili sa hanay ng mga manggagawa. Tulad ng nagdaang mga komite ng welga, ang komiteng ito ay binubuo ng mga manggagawa at ganap na independyente mula sa unyon. Ang kahalintulad na determinasyon sa pag-organisa sa sarili ang dahilan ng pagsama ng daan-daang manggagawa ng Tekel sa demonstrasyon ng mga empleyado ng sektor ng kalusugan na naglunsad ng isang araw na welga sa Enero 19. Sa naturang araw din, habang isang daang manggagawa lamang ang pinayagang lalahok sa tatlong araw na hunger strike, tatlong libong manggagawa ang sumama sa kanila, sa kabila ng katotohanan na ang pangkalahatang pakiramdam ng mga manggagawa ngayon na ito ay hindi angkop na paraan para isulong paabante ang pakikibaka. ang dahilan sa likod nito ay ayaw iwanan ng mga manggagawa ang kanilang mga kasamahan na mag- hunger strike na sila lang, na nais nilang makiisa sa kanila, na nais nilang maranasan ang maranasan ng kanilang mga kaibigan.
Sa kabila na mayroong regular na pagpupulong ang mga manggagawa ng Tekel batay sa kung saan syduad sila galing, sa ngayon hindi pa possible ang isang pangmasang pulong ng lahat ng lumahok na manggagawa. Mula Disyembre 17, ang kalye sa harap ng gusali ng Türk-İş ay naging impormal na regular na pangmasang pulong. Ang Sakarya Square sa mga araw na ito ay puno ng daan-daang manggagawa mula sa iba't-ibang syudad, nagtalakayan kung paano isusulong ang pakikibaka, paano lalawak ito, ano ang gagawin. Isang mahalagang katangian ng pakikibaka ay paanong ang mga manggagawa mula sa iba't-ibang etniko ay nagkaisa laban sa kapitalistang sistema sa kabila ng panunulsol ng rehimen. Ang islogang "Mga manggagawang Kurdish at Turkish magkaisa", na sinisigaw magmula sa mga unang araw ng pakikibaka ay malinaw na nagpahayag nito. Sa pakikibaka ng Tekel, maraming manggagawa mula sa rehiyong Black Sea ay sumasayaw ng Şemame, at maraming manggagawang Kurdish ay sumasayaw ng Horon sa unang pagkakataon sa kanilang buhay [14]. Isa pang punto na mahalaga sa pagkilos ng mga manggagawa ng Tekel ay ang pagbibigay nila ng importansya sa pagpalawak ng pakikibaka at pagkakaisa ng mga manggagawa, at hindi ito nakabatay sa makitid na pambansang perspektiba kundi kabilang ang mutwal na suporta at pakikiisa sa mga manggagawa sa buong mundo. Saka nagawa ng mga manggagawa ng Tekel na pigilan ang mga bahagi ng oposisyon ng naghaharing uri na gamitin ang pakikibaka para sa kanilang pansariling layunin at wala ring tiwala ang mga manggagawa sa mga partidong oposisyon. Alam nila paanong inatake ng Republican People's Party[15] ang mga pinatalsik na manggagawa mula sa Kent AŞ[16], paanong lumahok ang Nationalist Movement Party[17] sa paggawa ng mga polisiya ng estado at paano ito naging isang anti-manggagawa. Ang kamulatang ito ay pinahayag ng malinaw ng isang manggagawa sa isang interbyu: "alam namin kung sino silang lahat. Ang mga taong bomoto sa batas para sa pribatisasyon ay ngayon nagsasabing naunawaan nila ang aming kalagayan. Hanggang ngayon, lagi akong bomoboto para sa Nationalist Movement Party. Nakausap ko lang ang mga rebolusyonaryo sa pakikibakang ito. Nandito ako sa pakikibakang ito dahil ako ay isang manggagawa. Ang mga rebolusyonaryo ay laging kasama namin. Ang Nationalist Movement Party at Republican People's Party ay nagbigay lamang ng limang minutong pananalita at pagkatapos ay aalis na. Mayroon sa amin na pumalakpak sa kanila noong una kaming dumating dito. Ngayon, hindi na ganyan ang sitwasyon."[18] Ang pinakamalinaw na halimbawa ng ganitong kamulatan ay paanong pinigilan ng mga manggagawa ng Tekel ang mga gustong magsalita mula sa pasistang Alperen Organization[19], na siyang umatake sa mga manggagawa ng Kent AŞ na nagprotesta sa Abdi İpekçi Park dahil sila ay mga Kurdish. Malaki din ang ambag ng pakikibaka ng Tekel sa mga bombero na brutal na inatake matapos ang kanilang unang demonstrasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng moral sa kanila na siyang dahilan na bumalik sila sa pakikibaka. Sa pangkalahatan, nagbigay ng pag-asa ang mga manggagwa ng Tekel hindi lamang sa mga bombero kundi sa lahat ng sektor ng manggagawa sa Turkey na gustong makibaka.
Nagawa ng mga manggagawa ng Tekel na ilunsad ang welga kung saan lahat ng manggagawa ay pwedeng lalahok. Kaya ngayon ay taas-noo ang mga manggagawa ng Tekel na nasa unahan ng uring manggagawa ng Turkey, at inaakay ang ating uri na nalugmok ng ilang taon para lumahok sa pakikibaka ng mga manggagawa sa buong mundo. Kaya sila ang may hawak ng binhi ng pangmasang welga na mula sa Ehipto hanggang Greece, mula sa Bangladesh hanggang Espanya, mula sa Ingglatera hanggang Tsina ay yumayanig sa mundo sa nagdaang ilang taon. Nagpatuloy pa ang marangal na pakikibakang ito, at sa tingin namin ay hindi pa panahon upang halawin ang mga aral. Ang ideya ng hunger strike at pag-ayuno hanggang kamatayan na itinutulak sa isang banda at ang ideya ng komite ng welga na binubuo ng mga manggagawa na hindi naniniwalang angkop ang ideyang hunger strike para sa pakikibaka at nais na palawakin ang pakikibaka; ng mga burukrata ng Türk-İş na bahagi ng estado sa isang banda at ng mga manggagawang nais ng pangkalahatang welga sa kabilang banda, mahirap hulaan kung ano ang kinabukasan ng pakikibaka, saan ito patungo, ano ang maging resulta. Anu't-anuman, binigyang diin namin na anuman ang resulta ng pakikibaka, ang marangal na paninindigan ng mga manggagawa ng Tekel ay magbunga ng napakahalagang resulta at mag-iwan ng walang katumbas na mga aral para sa buong uring manggagawa.
Gerdûn, 20.01.10
[1] Ang Tekel ay isang kompanya ng lahat ng tabako at inuming alkohol.
[2] Kaliwang Public Workers Unions Confederation, Revolutionary Workers Unions Confederation at ang mayor na Public Employees Unions Confederation, na kilalang simpatisador ng pasismo.
[3] Lider din ng naghaharing Justice and Development Party, ang AKP
[4] https://www.cnnturk.com/2009/turkiye/12/05/erdogana.tekel.iscilerinden.p... [14]
[5] Isang syudad ng Turkish Kurdistan.
[6] https://www.evrensel.net/haber.php?haber_id=63999 [15]
[7] Tek Gıda-İş, Food, Alchohol, Tobacco Workers Union, membrong unyon ng Türk-İş
[8] https://www.evrensel.net/haber.php?haber_id=63999 [15]
[9] Confederation of Turkish Trade-Unions, ang pinakamatanda at pinakamalaking kompederasyon ng unyon ng Turkey na may masamang kasaysayan, na binuo sa ilalim ng impluwensya ng US sa 50s, hango sa AFL-CIO at taga-sabotahe ng pakikibaka ng uri mula noon.
[10] Kilalang di-opisyal na kabisera ng Kurdistan, ang Diyarbakır ay sentro ng Turkish Kurdistan
[11] https://www.kizilbayrak.net/sinif-hareketi/haber/arsiv/2009/12/30/select... [16]
[12] Isang syudad ng Turkish Kurdistan.
[13] https://tr.internationalism.org/ekaonline-2000s/ekaonline-2009/tekel-isc... [17]
[14] Şemamme ay isang napakasikat na Kurdish na sayaw, at Horon ay isang napakasikat na sayaw ng rehiyong Black Sea ng Turkey.
[15] Ang Kemalist, secularist, left-nationalist party, membro ng Sosyalistang Internasyunal, napaka-sobinista.
[16] Mga manggagawa ng munisipyo ng İzmir, isang sentro sa baybayin ng dagat Aegean. Pinatalsik ang mga manggagawang ito ng Republican People's Party na may kontrol ng munisipyo kung saan nagtrabaho sila at marahas na inatake ng polisya habang nagprotesta laban sa lider ng Partido.
[17] Ang pangunahing pasistang partido.
[18] https://www.kizilbayrak.net/sinif-hareketi/haber/arsiv/2009/12/30/select... [16]
[19] Kriminal na gang na konektado sa Grand Union Party, isang radikal-pasista na isplit mula sa Nationalist Movement Party
Links
[1] https://fil.internationalism.org/files/fil/tagalog_against_the_medicine_of_austerity.pdf
[2] https://en.internationalism.org/icconline/2010/05/against-austerity-class-struggle
[3] https://fil.internationalism.org/tag/3/24/eleksyon-2010
[4] https://fil.internationalism.org/files/fil/labor_day_2010_leaflet.pdf
[5] mailto:[email protected]
[6] https://fil.internationalism.org/files/fil/rehimeng_aquino.pdf
[7] https://fil.internationalism.org/node/175
[8] https://fil.internationalism.org/internasyonalismo/200907/104/ika-9-na-sona-ni-gloria-para-ba-sa-masa
[9] https://fil.internationalism.org/internasyonalismo/200909/106/popular-na-kandidato-para-ipagtanggol-ang-kapitalismo
[10] https://en.internationalism.org/internationalismusa/200705/2125/media-scandals-are-key-weapon-intra-ruling-class-clashes
[11] https://en.internationalism.org/worldrevolution/201003/3638/corruption-integral-part-parliamentary-politics
[12] https://fil.internationalism.org/internasyonalismo/200906/98/usaping-cha-cha1-usapin-ng-burgesya-hindi-ng-manggagawa
[13] https://fil.internationalism.org/internasyonalismo/201004/175/polyeto-sa-mayo-uno-2010
[14] https://www.cnnturk.com/2009/turkiye/12/05/erdogana.tekel.iscilerinden.protesto/554272.0/
[15] https://www.evrensel.net/haber.php?haber_id=63999
[16] https://www.kizilbayrak.net/sinif-hareketi/haber/arsiv/2009/12/30/select/roeportaj/artikel/136/direnisteki-tek.html
[17] https://tr.internationalism.org/ekaonline-2000s/ekaonline-2009/tekel-iscisinden-seker-iscisine-mektup