Submitted by ICConline on
Sa abanteng mga bansa man o sa Ikatlong Daigdig, ang tanging daan pasulong para sa uring manggagawa ngayon ay ilunsad ang isang matatag, independyenteng makauring pakikibaka. Nagkahulugan ito hindi lamang kalayaan mula sa mga pwersa na magtangkang ilihis ang pakikibaka ng uri at itali ito sa isang kapitalistang paksyon - unyon, kaliwang partido, o prente para sa pambansang kalayaan - kundi maigting din na pakikibaka laban sa mga pwersang ito, laban sa lahat ng tipo ng prontismo. Ang mga manggagawa ay kailangang lumaban hindi lang laban sa isang imperyalistang bloke at sa kanyang lokal na ahente, kundi laban sa lahat ng mga imperyalista at lahat ng kanilang lokal na ahente. Ang tanging prente na bukas sa uring manggagawa ngayon ay ang internasyunal na proletaryong prente laban sa kapital.
Sa mga magtangkang takutin ang proletaryado na makipag-alyansa sa ‘mas progresibo' o ‘hindi gaano masama' na burges na paksyon sa pamamagitan ng pagpropaganda na pinakamabangis ang ibang karibal na paksyon, sagutin ito ng mga komunista na katunayan halos hindi maprotektahan ng naturang mga alyansa ang mga manggagawa mula sa madugong karahasan at masaker. Sa halip na ipagtanggol ang mga manggagawa laban sa ‘mas masama', ang naturang mga alyansa ay magsilbi lamang para dis-armahan ang uri, na walang kalaban-laban sa mga atake ng kanyang dating mga ‘alyado' sa panahong ang huli ay magtangkang ‘ibalik ang kaayusan' at itayo ang kanilang sariling rehimen. Ito ang aral sa Tsina sa 1927, at pinagbayaran ng uring manggagawa ng mahal ang hindi pag-unawa sa aral na iyon mula noon. Ang mga manggagawa sa Barcelona sa Mayo 1937 ay pinagbabaril ng Prente Popular, na magliligtas sana sa kanila mula sa ‘mas masamang' pasismo. Ganun din sa 1943, ang mga eruplanong pambomba ng Allied ay nagturo ng mahalagang aral sa mga manggagawang Italyano ng ang kanilang mga welga at pag-alsa laban sa pasistang administrasyon ay hindi na makontrol. Para sa proletaryado walang ‘hindi gaano masama' sa kapitalismo. Hindi maasahan ng uring manggagawa ang kanyang mortal na kaaway, ang burgesya, para sa proteksyon. Kahit sa panahon ng tunay na burges na mga rebolusyon, iginiit ni Marx na panatilihin ng mga manggagawa ang kanilang mga armas at independyenteng mga organo sa pakikibaka sa buong rebolusyon, para ipagtanggol ang mga sarili laban sa hindi maiwasang kontra-atake ng burgesya laban sa banta sa kapitalistang kaayusan (ang aral sa insureksyon sa Paris sa 1848). Sa panahon ng naagnas na kapitalismo, nang ang burgesya sa lahat ng kanyang kulay ay susulong lamang sa pamamagitan ng pag-atake at masaker sa uring manggagawa, ang tanging posibleng depensa ng proletaryado ay ang kanyang independyenteng pagkilos laban sa lahat ng burges na mga paksyon, tungo sa kanilang pagbagsak sa pamamagitan ng armadong mga konseho ng manggagawa.
Sa paglakas ng alon ng makauring pakikibaka sa 1968, pinakita ng mga manggagawa sa Ikatlong Daigdig ang kapasidad para sa independyenteng pakikibaka halos katulad ng kanilang mga kapatid sa mas industriyalisadong mga bansa. Sa Argentina, Venezuela, India, Burma, Thailand, Angola, Tsina, Timog Aprika, Ehipto, Israel, at iba pa, malalaking mga welga at kahit semi-insureksyunal na mga pakikibaka ang nagdala sa mga manggagawa sa direktang komprontasyon sa pulis, mga unyon, mga ‘partido ng manggagawa', at sa mga gobyerno ng ‘pambansang pagpapalaya'. Tulad sa abanteng mga kapital, ang mga manggagawa sa mga bansang ito ay nag-organisa sa sarili sa independyenteng mga pangkalahatang asembliya at wildcat strike committees para direhian ang kanilang pakikibaka. Sa Argentina sa 1969 pinagtanggol ng mga manggagawa ang kanilang mga pook laban sa hukbo sa pamamagitan ng Molotov cocktails at baril, nag-organisa ng mga komite para i-koordina ang kanilang pakikipaglaban, na makikitang direktang pundasyon ng mga konseho ng manggagawa.
Dahil ang kapitalistang krisis ay internasyunal, internasyunal na saklaw din ang sagot ng uring manggagawa. Ang paglalim ng krisis ay nagbukas sa posibilidad ng paglaki ng unipikasyon ng mga pakikibaka ng manggagawa sa buong mundo. Sa prosesong ito ng paglalim at papalaking makauring pakikibaka mapaunlad ang kamulatan ng uring manggagawa at ang kapasidad na ilunsad ang rebolusyonaryong opensiba laban sa kapitalistang estado sa lahat ng mga bansa.