Submitted by Internasyonalismo on
Una sa lahat, nagpapasalamat kami kay JK sa kanyang prangka at praternal na komentaryo sa paninindigan ng grupong Internasyonalismo sa Pilipinas. Ang diskusyon at debate ay kailangan para sa teoritikal na klaripikasyon ng lahat ng mga elementong seryoso para mabago ang bulok na kasalukuyang kapitalistang sistema. At ang pinakamahalagang porma ng diskusyon at talakayan ay harapan sa isang praternal na pulong.
Sa aming pagkaunawa tatlong mahalagang magkaugnay na usapin ang pinahayag ni JK sa kanyang komentaryo:
- Ang usapin ng pakikipag-isang prente sa mga organisasyong Sosyal-Demokrata at Stalinista
- Ang parsyal at sektoral na pakikibaka
- Ang pagpasok sa mga unyon
I. Ang pakikipag-isang prente
Ayon kay JK “kahit sila ay may maka-kapitalistang programa at liderato ang mga samahang ito ay nakapaloob pa rin ng kilusang manggagawa na dapat ipagtanggol laban sa atake ng maka-uring kaaway. Ito ay nakasandig sa di-sektaryan at maka-uring pakikibakang tradisyon ng kampanya…” Nakaangkla ang argumento niya na “Ang komunista, bagamat hindi niya sinasang-ayunan ang pampulitikang programa ng iba pang tunguhing nakabase sa manggagawa, pati na rin ang mga nakikibaka para sa karapatan ng mga aping saray, ay may tungkulin na lumahok at sikaping pamunuan ang mga pakikibakang ito… bilang tribuyn / tagapagtanggol ng mga api.”
Ang usapin ng pakikipag-isang prente o prente popular sa panahon ng WW 2 ay unang lumitaw sa panahon ng 1920s ng matalo ang rebolusyong Aleman at na-isolate ang rebolusyong Ruso. Ito ang istorikal na konteksto ng ganitong taktika. Bagama’t maari ding ikonsidera na “pakikipag-isang prente” ang pagsuporta ng mga komunista sa 19 siglo sa burges na rebolusyon at sa liderato ng burgesya, sa esensya hindi ito ang konsiderasyon ni JK dahil para sa kanya “ang mga samahang ito ay nakapaloob pa rin ng kilusang manggagawa”.
Naging gabay ng tunguhin ng pakikipag-isang prente ang pampleto ni Lenin na “Kaliwang-komunismo, sakit ng kamusmusan”.
Subalit kaiba ang praktika ng mga internasyunalistang komunista sa pangunguna nila Lenin, Luxemburg at Trotsky sa panahon ng WW I. Hindi nakipag-alyansa at hindi kinilala ng mga komunista noon ang Sosyal-Demokrasya na kabilang sa kilusang manggagawa ng ang huli ay nagtraydor sa proletaryong internasyunalismo at lumahok sa inter-imperyalistang digmaan. Sa halip, tahasang nilantad nila ang pagtraydor ng Sosyal-Demokrasya. Inilantad nila na ito ay kaaway ng uring manggagawa. Katunayan, hiwalay na naglunsad ng kumperensya ang mga internasyunalista sa Zimmerwald upang manindigan sa internasyunalismo.
Nang napatunayan sa kasaysayan na tama sila Lenin, nanalo ang rebolusyong Oktubre at itinayo ang Comintern, malinaw na sa kongreso ng pagkakatatag (founding congress) nito ay hindi pinapasok ang mga traydor (social-traitors) na SD organisasyon o pinagtanggol ng una ang huli dahil “bahagi ng kilusang manggagawa.”
Subalit mismong ang mga matatag na internasyunalista sa panahon ng WW I tulad nila Lenin at Trotsky ay nagkamali ng ma-isolate ang rebolusyong Ruso. Pinagtanggol nila ang pakipag-alyansa sa Sosyal-Demokrasya at pagpasok sa mga unyon para “mapalapit sa masa” at “mapalawak ang baseng suporta” laban sa pangungubkob ng mga imperyalista. Ang kongkretong karanasan ng kilusang manggagawa sa mahigit 70 taon ang nagpatunay kung tama o mali ba ang pampletong “Kaliwang-komunista, sakit ng kamusmusan”. Ang pampletong ito ni Lenin ang ginawang bibliya ng mga Stalinista-Maoista hanggang ngayon para kilalaning “kaaway” ng uring manggagawa ang mga kaliwang-komunisya partikular ang German-Dutch communist-lefts at ang Italian commnunist-left.
Pinagbayaran ng mahal ang pagkakamaling ito dahil sa pag-akyat ng Stalinismo sa Rusya at sa iba pang mga partido komunista. Ganap ng naging kontra-rebolusyonaryo ang mga partidong ito hanggang sa tuluyan na nilang wasakin ang internasyunal na partido ng uri – ang Comintern. Naghari ang kontra-rebolusyon sa loob ng 50 taon hanggang natapos ito noong huling bahagi ng 1960s ng pumutok ang serye ng independyenteng aksyon ng internasyunal na manggagawa na binuksan ng malawakang welga ng milyun-milyong manggagawa sa France. Dahil sa panawagang depensahan ang Stalinistang USSR sa panahon ng WW 2, tuluyan ng tinalikuran ng Trotskyismo ang kampo ng proletaryong internasyunalismo at niyakap ang prente popular at entreyismo.
Ang mga organisasyong SD, Stalinista-Maoista at Trotskyista sa loob ng kilusang paggawa ay hindi BAHAGI nito kundi instrumento ng burgesya para pigilan at i-sabotahe ang makauring kamalayan at pagkakaisa ng proletaryado. Ang pagtatanggol sa mga organisasyong nagtraydor sa kilusang paggawa ay pagsuporta sa burgesya. Ito ba ay sektaryan? Palagay namin ay hindi. Ito ay Marxistang tradisyon para makonsolida ang uri sa kanyang sariling landas ng pakikibaka.
Sa Pilipinas, sapat na ang aral na mahalaw natin sa kontra-rebolusyonaryong aktibidad ng mga Maoista sa usapin ng pakikipag-isang prente. Ang mga Maoista ang may pinaka-mayamang karanasan sa united front pero sila ang pinakamasahol na sektaryan na organisasyon.
Kailangang nasa loob at unahan ng kilusang manggagawa ang mga komunista tulad ng pahayag ni JK. Pero para sa amin, esensyal na tungkulin ng huli na ilantad sa malawak na masa ang mga organisasyon na galamay ng burgesya sa loob ng kilusan. At ang epektibong paraan ay ang hindi pagsama at pagsuporta sa mga kontra-rebolusyonaryo at traydor na organisasyon.
Sang-ayon kami kay JK na kailangang bakahin at labanan ang sektaryanismo. At sa aming maiksing karanasan sa Pilipinas at sa mahigit 30 taong pag-iral ng ICC sa internasyunal na saklaw, laging mulat ang mga kaliwang komunista sa pagbaka sa sektaryanismo. At napatunayan namin ito sa aming interbensyon sa kilusang manggagawa sa bawat yugto ng kanilang pakikibaka ayon sa aming kapasidad. Maging noong 1930s-50s kung saan halos ganap na nahiwalay ang mga kaliwang komunista sa kanilang uri, nagsisikap pa rin itong magkaroon ng mga interbensyon sa kanilang pakikibaka ayon sa paninindigan ng Marxismo.
Hindi sektaryanismo ang matatag na pagtindig sa rebolusyonaryong prinsipyo na napatunayan na sa karanasan na tama.
Ang isa pang mali na batayan sa “pagtatanggol” sa mga Stalinista-Maoistang organisasyon ay ang paniniwala na may “sosyalismo” sa kanilang programa gaya ng paniniwala ni Trotsky na may sosyalismo sa Stalinismo kaya nanindigan siya na “depormadong estado ng manggagawa” ang USSR na siya namang tangan-tangan ng maraming Trotskyistang mga paksyon sa kasalukuyan kabilang na ang RGK-LFI sa Pilipinas.
II. Ang parsyal at sektoral na pakikibaka
Ayon kay JK: “Hindi mapapalaya ng uring manggagawa ang sarili niya kung hindi niya pamumunuan ang pakikibaka para palayain ang iba pang inaapi ng uring burgesya, halimbawa ang kababaihan, pambansang minorya, mga homosekswal atbp.”
Para sa amin, ang bulok na kapitalistang sistema ang puno’t-dulo ng kahirapan at kaapihang dinanas ng mga di-proletaryong pinagsamantalahang saray sa lipunan. Katunayan, ang permanenteng krisis mismo ng kapitalismo ang siyang dahilan kung bakit isang proseso lamang ng proletaryanisasyon ang dinaanan ng mga saray na ito ay hindi na sila ganap na napasok sa kapitalistang produksyon o sa mga pabrika, ang pangalawa at pinal na proseso. Halimbawa, ang mga maralitang magsasaka o mababang saray ng peti-burges na dinurog ng kapitalismo ay hindi naging mga manggagawa. Kaya dumarami ngayon ang impormal na sektor o maralitang tagalungsod.
Mapalaya lamang ang mga saray na ito kung lubusan ng madurog ang mga kapitalistang relasyon sa lipunan. Ito ang aming batayan kung paano titingnan ang mga saray na ito. Pangalawa, nanindigan kami na ang paglaya mismo ng uring manggagawa sa kapitalistang pagsasamantala ang pangunahing rekisito para mapalaya ang mga saray na ito mula sa kuko ng kapitalismo. Bakit? Dahil tanging ang uring proletaryo lamang ang may istorikal na misyon at kapasidad na durugin ang kapitalismo sa buong mundo.
Ang pangunahing rekisito ng paglakas ng kilusan ng mga saray na ito ay ang paglakas ng independyenteng kilusang proletaryo at hindi ang kabaliktaran. Mahihimok lamang na sundin ng mga saray na ito ang makauring pamumuo ng manggagawa kung malakas ang independyenteng kilusan ng huli. Sa esensya, ang parsyal at sektoral na pakikibaka gaya ng “kababaihan, pambansang minorya, mga homosekswal atbp” ay mga pakikibaka para sa reporma sa loob ng kapitalistang sistema at hindi para durugin ang huli. Tingnan na lang natin kung ano ang ginagawa ng iba’t-ibang sektoral na organisasyon na pinamunuan ng Kaliwa at makikita natin kung paano nila nais repormahin ang kapitalismo.
Ang isa pang mali sa konseptong ito ay ang linya na magkaroon ng organisadong baseng masa ang isang partido gaya noong 19 siglo kung saan ang katangian ng mga partido ng 2nd International ay mass parties. Kaya naman ang iba’t-ibang Kaliwang grupo ay nagtatayo ng mga sektoral na organisasyon sa ilalim ng kanilang pamumuno. Ang nangyari tuloy, nahati-hati ang uri sa iba’t-ibang organisasyon at maliitang pakikibaka para sa reporma. Kung ganito ang pananaw ni JK, pundamental ang aming pagkakaiba sa paghugot ng aral sa pagtatayo ng partido at ng papel nito sa loob ng kilusang manggagawa bilang taliba sa panahon ng dekadenteng kapitalismo.
Binalewala ba ng aming paninindigan ang interes ng kababaihan, pambansang minorya at iba pang sektor? Hindi. Ang mga aktibidad namin ay paghikayat sa kababaihang manggagawa na aktibong lumahok sa pakikibaka ng kanilang uri laban sa kapitalismo subalit hindi kami nagdadala ng mga isyung pangkababaihan lamang (inter-classist women’s movement gaya ng ginagawa ng maoistang Gabriela). Hindi rin kami sumusuporta sa pakikibaka para sa sariling pagpapasya ng mga pambansang minorya at ng pambansang burgesya sa panahon ng dekadenteng kapitalismo (pero sa palagay namin ay mas ma-elaborate ang paninindigan namin dito sa usapin ng Bayan o Uri?) Malinaw ang aming paninindigan na hindi kami sumusuporta sa Iraqi Resistance, Hamas, Hizbollah, FARC at mga katulad nila.
III. Ang pagpasok sa mga unyon
Ayon kay JK: “Tungkulin nating ng mga awtentikong rebolusyonaryong maka-uri ang lumahok sa unyon at dito bakahin ang burges na kamalayang “trade unionism” habang isinusulong sa hanay ng unyon ang buong programang komunista.” Dagdag pa niya: “Ang mga unyon ay tagumpay ng uring manggagawa, at nagsisilbing larangan para sa mga komunista para makabig ang mga rebolusyonaryo ng kinabukasan.”
Totoong ang unyon ay nilikha at organisasyon ng uring manggagawa sa 19 siglo. Sa mga organisasyong ito sinimulang pandayin ng uri ang kanyang pagkakaisa at pakikibaka laban sa pasulong na kapitalismo. Subalit dapat nating tandaan na ang katangian ng unyon kasama na ang mga pangmasang partido ay hindi para sa rebolusyon kundi para makakuha ng makabuluhang reporma mula sa kapitalistang sistema. Ganun pa man, malinaw ito sa mga komunista noon. Kaya mayroon silang minimum at maksimum na programa. Ibig sabihin, isang perspektiba at direksyon ng pakikibaka sa reporma ang paghahanda para sa komunistang rebolusyon. Ang obhetibong kondisyon ng pasulong na kapitalismo ay may kapasidad pa itong makapagbigay ng mga reporma para sa kagalingan ng manggagawa. Pero syempre, hindi nila ito binibigay ng boluntaryo kundi kinuha ng uri sa pamamagitan ng mga militante at malawakang pakikibaka sa internasyunal na saklaw. Sa ganitong istorikal na konteksto titingnan natin ang mga unyon bilang organisasyon ng manggagawa. Hindi maaring paghiwalayin ang katangian at ang tungkulin ng isang organisasyon.
Walang “komunista” o “sosyalistang” unyon kundi mga unyon na nasa pamumuno ng isang Marxistang partido na noon ay may katangiang "pangmasang partido" (mass party) at lumahok sa burges na parlyamentaryong pakikibaka.
Para sa amin, tama lamang na lumahok at pamunuan ang mga unyon sa panahon na ang obhetibong kalagayan ay angkop sa pakikibaka para sa reporma dahil may kapasidad pa ang kapitalismo na ibigay ito. Subalit ang panahong ito ay lumipas na at hindi na babalik pa. Nasa permanenteng krisis na ngayon ang sistema at hindi na makapagbigay ng anumang makabuluhang reporma magmula 1914. Sa termino ni Trotsky, ang kapitalismo ay nasa kanyang “death agony”.
Pangalawa, ang mga unyon magmula 1914 ay ganap ng nasanib sa estado at naging instrumento na nito para hadlangan ang pag-unlad ng makauring kamalayan ng proletaryado para sa komunistang rebolusyon. Ang obhetibong kondisyon na nagtulak sa mga unyon na maging ganito ay ang kanilang natural na katangian mismo na para sa reporma at ang pagpasok ng sistema sa kanyang permanenteng krisis. Para manatili bilang organisasyon, ang mga unyon (Kanan man o Kaliwa) ay nagbibigay ilusyon sa uri na may mahihita pang makabuluhang reporma mula sa kapitalismo. Sa ganitong sitwasyon ay ganap ng naagaw ng burgesya ang mga unyon at naging instrumento nila sa loob ng kilusang paggawa. At mas masahol ang pagsanib ng mga unyon sa mga bansang kapitalismo ng estado ang sistema gaya ng sa Stalinistang USSR, Cuba, China, Vietnam, North Korea. Dahil sa kasinungalingan na ang mga estadong ito ay “estado ng manggagawa”, ganap ng naging tagapagsalita at pulis ng estado ang mga unyon sa pabrika para linlangin at supilin ang paglaban ng mga manggagawa at tanggapin ang anumang pahirap ng “estado ng manggagawa” para sa “sosyalistang inang-bayan”.
Ito ba ay haka-haka lamang ng mga kaliwang komunista? Hindi.
Malinaw ang naging papel ng mga unyon at ng Sosyal-Demokrasya upang kabigin ang milyun-milyong manggagawa na lumahok sa WW I. Malinaw ang papel ng mga Kaliwang unyon (Stalinista at Trostskyista) sa pagkumbinsi sa uri na magpatayan sa pangalawang inter-imperyalistang pandaigdigang digmaan, sa pagpasok sa Prente Populat at anti-pasistang prente. Maliwanag na ang mga unyon ay naging instrumento ng inter-imperyalistang tunggalian ng bloke ng USSR at Amerika sa panahon ng Cold War sa ilalim ng bandilang “pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya”. At kitang-kita ito sa kasaysayan ng unyonismo sa Pilipinas. Maliwanag kung paanong ginamit ng estado ang mga unyon sa diumano “sosyalistang” mga bansa.
Samakatuwid, ang unyon ngayon ay parang isang estado sa usapin ng katangian. Hindi simpleng pasukin at pamunuan kundi kailangang wasakin. Makamit lamang ng uri ang tunay na pagkakaisa kung maintindihan nila at mabaka ang mga mistipikasyong dulot ng unyonismo at parlyamentarismo.
Isolasyonista ba ang paninindigang ito ng kaliwang-komunista? Hindi. Katunayan, ang uri mismo ang nagturo sa kanyang taliba kung anong organisasyon ang kailangan nila sa panahong nasa agenda na ang proletaryong rebolusyon at pag-agaw ng kapangyarihan. Itinuro ito ng manggagawang Ruso noong 1905 at napatunayang tama noong 1917. Ang organisasyon ng pakikibaka ng uri ngayon ay ang mga konseho at asembliya ng manggagawa kung saan ang katangian nito ay ekonomiko-pulitikal. Organisasyon para sa depensa at opensa laban sa kapital. Itinayo ito ng mga nag-alsang manggagawa sa Alemanya noong 1919, sa Hungary noong 1950s, sa Poland noong 1980-81, sa France at Spain noong 2006.
Ang pagkabig sa mga seryoso at rebolusyonaryong manggagawa na nasa loob ng unyon ay hindi sa pamamagitan ng pagpasok dito kundi sa pagkumbinsi sa kanila mula sa labas ng unyon. Kung wala ba sa loob ng unyon ay hindi na maaring sumama at manguna sa pakikibaka ang mga komunista at militanteng manggagawa? Hindi. Napatunayan ito sa karanasan na pwdeng-pwede at siyang nararapat. Ang mga Bolsheviks noon ay hindi sa mga unyon nangumbinsi kundi sa loob ng mga sobyet o konseho ng manggagawa. Ang mga kaliwang-komunista ay sumama at nagsisikap na makapagpaliwanag sa malawak na masa ng uring nakibaka sa komunistang programa at panawagan sa abot ng kanilang makakaya. Ang pinakahuli ay ang interbensyon ng ICC at iba pang kaliwang komunista sa mga welga ng manggagawa sa France, Britain, Germany at USA sa 2006-2007. Panghuli, ang unyonismo ay hindi ang kilusang manggagawa.
Ano ba ang napatunayan ng unyonismo sa loob ng nagdaang halos 100 taon? Hindi pinalakas ang proletaryong kilusan, bagkus ay hinati-hati at pinahina sa harap ng kanilang mortal na kaaway. Hindi na maibalik pa ang unyonismo sa 19 siglo sa kasalukuyang panahon. Iba na ang porma at laman ng organisasyon at pakikibaka ng uri sa kasalukuyan na itinuro mismo ng mga manggagawa. Pandaigdigang komunistang rebolusyon ang tanging programa ng uri para bigyan ng pinal na bigwas ang naghihingalong naaagnas na sistema ngayon. At ang unitaryong organisasyon ng uri para dito ay ang mga konseho at asembliya sa pandaigdigang saklaw.
Pagsusuma:
Ang Kaliwa at mga unyon, ano man ang hibo nila ay nasa kampo na ng burgesya sa panahon ng dekadenteng kapitalismo at hindi bahagi ng kilusang paggawa. Sila ay nasa Kaliwa ng burgesya, isa sa mga paksyon ng kapital. Para sa amin, kailangang ilantad sa malawak na masa ng uri ang burges na katangian ng mga organisasyong ito na nagbalatkayong “komunista”, “sosyalista” at “maka-manggagawa”. Isang pagtraydor sa uri kung manawagan ang mga komunista sa masang manggagawa na ipagtanggol sila dahil inaatake sila ng kanilang kaaway na paksyon. Ang paghawak sa ganitong maling pananaw ay walang kaibahan sa ginawa ng 2nd International noong WW I at ng mga Stalinista at Trotskyista noong WW 2. Wala itong kaibahan kung depensahan natin ang CPP-NPA, ang Iraqi resistance, ang Hamas at Hizbollah o ang FARC dahil inaatake sila ng imperyalistang Amerika.
Para sa amin, higit sa lahat, matibay na panghawakan ang internasyonalismo at independyenteng kilusang manggagawa sa lahat ng usapin at pagkakataon. Para sa mga seryosong rebolusyonaryo na nangangarap pang maulit ang 19 siglo ngayon, narito ang sabi ni Marx: “The tradition of the dead generations weighs like a nightmare on the minds of the living. And, just when they appear to be engaged in the revolutionary transformation of themselves and their material surroundings, in the creation of something which does not yet exist, precisely in such epochs of revolutionary crisis they timidly conjure up the spirits of the past to help them; they borrow their names, slogans and costumes.”(Marx, The Eighteenth Brumaire of Louis Bonaparte, 1852)