Submitted by ICConline on
Napanatili ng burgesya ang kanyang makauring paghari sa nagdaang limampung taon sa pamamagitan ng permanenteng kontra-rebolusyon, isang walang katapusang atake sa uring manggagawa. Lahat ng pangmasang organisasyon ng uri sa pasulong na yugto (unyon, partido, atbp) ay nasanib na sa kapitalismo at nagsilbi bilang harang sa proletaryong pakikibaka. Ang burgesya ay gumampan ng enggrandeng proyekto ng mistipikasyon para pigilan ang pag-unlad ng makauring kamalayan, mula sa telebisyon at tabloid press sa Kanluran, hanggang sa pangmasang mga rali at propaganda sa Silangan. Nang ang uring manggagawa ay lumaban sa mga atakeng ito, inihagis ng burgesya sa uri ang lahat ng porma at pwersa ng panunupil sa kanyang arsenal: riot police, bomber squads, espesyalista sa tortyur, sapilitang kampo ng paggawa, atbp. At saan man lumitaw ang permanenteng krisis ng kapital na parang malalim na sugat sa pusod ng sistema, isinasakripisyo ng burgesya ang milyun-milyong proletaryado sa imperyalistang mga digmaan.
Lalong naging brutal ang atake ng burgesya sa uri kung nasa pinaka-igting ang kanyang krisis. Kaya walang ibang pagpilian ang mga kapitalista kundi patindihin ang pagsasamantala sa produksyon, pisikal na supilin ang paglaban ng uri, at, kung kakayanin i-martsa ito tungo sa digmaan. Sa atrasadong mga rehiyon ng kapitalismo ang permanenteng krisis ay, sa buong yugto, ay hindi na gaanong sang-ayon sa mga pampakalma na nakapagpahinahon sa atake ng burgesya sa uring manggagawa. Sa mga rehiyong ito ang proletaryado ay dumaranas ng halos walang hintong pagsasamantala at brutalisasyon na nagagawa lamang ng mga kapitalista sa mas abanteng mga bansa sa mga panahon ng malalim na krisis. Pinabulaanan ng realidad ng kalagayan ng uring manggagawa sa Ikatlong Daigdig ang ideya ni Lenin na ang mga kilusan para sa pambansang kalayaan ay magbibigay ng suporta para itayo ang ‘burges-demokratikong' mga rehimen na magbibigay sa uring manggagawa ng oportunidad para organisahin ang sariling independyenteng kilusan. Sa panahon ngayon walang lugar na papayagan ng kapital ang uring manggagawa na organisahin ang independyenteng kilusan, at maging sa mga bansa na tinatawag na ‘pambansa-demokratikong rebolusyon'.
Ang pang-ekonomiyang kahinaan ng atrasadong mga bansa ay nagbibigay sa burgesya ng walang mapagpilian liban sa pagkuha ng maksimum na sobrang halaga mula sa uring manggagawa (at dahil sa mababang organikong komposisyon ng kapital sa naturang mga rehiyon kadalasan ito ay nagkahugis sa kanyang ‘absolutong' porma). Sa pag-akyat ng mga pwersa para sa ‘pambansang pagpapalaya' sa kapangyarihan, ang kanilang pagsisikap ay napunta mula sa larangan ng digmaan tungo sa ‘digmaan para sa produksyon'. Halos naging kalakaran, pinalawak ng mga prente para sa pambansang pagpapalaya ang tendensya papuntang kapitalismo ng estado na malalim na nakaugat sa kanilang ekonomiya. Ang instigasyon ng malawakang nasyunalisasyon ay may kakambal na mga layuning palakasin ang pambansang kapital sa pandaigdigang pamilihan, at magsilbing batayan ng populista at ‘sosyalistang' retorika kung saan inaasahan ng bagong rehimen na makumbinsi ang mga manggagawang kusang magtrabaho para sa kanilang pambansang ekonomiya. Katunayan, walang maibigay ang mga rehimeng ito kundi ideolohikal na pang-aaliw. Tulad ng paalala ng lider ng Frelimo sa Mozambique sa uring manggagawa matapos makaupo sa kapangyarihan ang Frelimo: "Ang kalayaan ay nagkahulugan ng pagtrabaho at katapusan ng katamaran." Mula sa mga pabrika sa Hilagang Korea hanggang sa mga plantasyon ng asukal sa Cuba pareho ang mensahe. Ang ideolohiya ng ‘pagtatayo ng sosyalismo' ay ginamit para itago ang pinakamasahol, primitibong mga porma ng kapitalistang pagsasamantala, mga porma na ginawa na ng ilang dekada ng Stalinistang Ruso: ‘pakyawan', obligadong overtime, militarisasyon ng produksyon, ganap na intergrasyon ng mga organisasyon ng ‘manggagawa' sa estado. Hangga't may mga Third Worldist, liberal, at Kaliwa, mayroong mang-engganyo hinggil sa ‘dakilang diwa ng sakripisyo' sa ‘sosyalistang' mga bansa ng Ikatlong Daigdig. Ang paghanga ng maraming burges na manunulat at pulitiko sa mga rehimeng ito ay sa esensya isang makauring paghanga dahil sa abilidad ng mistipikasyon tulad ng Maoismo, Castroismo, o ‘Sosyalismo ng Aprika' ni Nyerere para tulungang makumbinsi ang mga manggagawa na makiisa sa mga nagsasamantala sa kanila. Ang burgesya sa abanteng mga bansa ay desperadong nangangailangan ng katumbas na ideolohiya ngayon.
Pero hindi nakikita ng mga burges na tagahanga sa mga rehimeng ito na kahit na may mga mistipikasyon, hindi nasanib ang uring manggagawa kahit saan, at ang makauring pakikibaka ay hindi napigilan sa pinaka ‘progresibong' mga rehimen sa Ikatlong Daigdig. Ang huling mga alon ng makauring pakikibaka sa Tsina ay makapangyarihang testimonya nito. Laging nasa likod ng sosyalistang pananalita ng ‘boluntaryong' sakripisyo nakakubli ang panunupil ng militar at polis. Kaya sa kanilang kahulugan ng kalayaan dinagdag ng Frelimo na walang puwang ang mga welga sa bagong panlipunang kaayusan sa Mozambique.
Sa ika-19 siglo ang burges na rebolusyon ay halos laging nagtatayo ng mga demokratikong rehimen na nagbibigay sa mga manggagawa ng karapatan ng pag-oorganisa sa sarili. Wala ng ibang pruweba sa kawalan ng posibilidad ng mga burges na rebolusyon ngayon kaysa pampulitikang katangian ng mga rehimen ng pambansang pagpapalaya. Hindi maiwasang ini-organisa sila para sa layuning hadlangan, at kung kinakailangan, marahas na supilin, , ang anumang palatandaan ng independyenteng pakikibaka ng uring manggagawa. Karamihan sa kanila ay mga pulis na estado ng tanging partido kung saan ipinagbawal ang karapatan sa pagwelga. Ang kanilang mga bilangguan ay napuno ng mga rebelde. Marami sa kanila ay may prominenteng rekord ng madugong panunupil sa pag-alsa ng mga manggagawa. Nasabi na natin ang mahalagang kontribusyon ni Ho sa pagdurog sa Komyun ng mga manggagawa sa Saigon; alalahanin din natin ang pagpadala ni Mao ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan para ‘ibalik ang kaayusan' matapos ang mga welga ng manggagawa, semi-insureksyon, at magkatulad na ‘adbenturismo ng ultra-kaliwa' na itinulak ng tinatawag na Rebolusyong Kultural. Alalahanin din natin ang nagwelgang mga minero na pinagbabaril ni Allende sa Chile, o ng ‘progresibong' hunta-militar sa Peru. Ang listahan ay hindi maubos. Ang mga magsasaka ay hindi rin inalagaan ng mga rehimeng ito. Kahit hindi pa nila nakontrol ang mga syudad, ipinataw ng ‘hukbo para sa pambansang pagpapalaya' ang kanilang paghari sa mga magsasaka sa kabundukan, tinatakot sila, binubuhisan sila, pinakikilos sila bilang pambala ng kanyon. Ang nasisindak na mukha ng mga magsasaka ng umabante ang Vietcong sa Marso 1975, matapos ihinto ng mga Amerikano ang pambobomba sa mga rehiyon na kontrolado ng Vietcong, ay nagpakita na walang laman ang pangako ng mga Third Worldist na ang ‘pambansang pagpapalaya' ay magbibigay ng tunay na kaligayahan sa mga magsasaka. Matapos maagaw ang gobyerno ng mga pwersa ng pambansang pagpapalaya, patuloy na naghihirap ang mga magsasaka. Ang mga magsasaka na nag-alsa laban sa kolektibisasyon ni Ho Chi Minh sa 1956 ay dinurog ng rehimen; habang sa Tsina, ang mga magsasaka na pinakilos para sa konstruksyon ng mga dams, tulay, atbp, ay dumanas ng pinakamasahol na pagsasamantala ng estado. (Ang pwersadong pagdurog sa magsasaka sa Ikatlong Daigdig ay nagsusuma ng partikular na marahas na paraan na dahan-dahang nangyayari sa mga abanteng bansa.)
Karamihan sa mga rehimen ng pambansang pagpapalaya ay patuloy din na nagpapatupad ng panunupil laban sa mga pambansang minorya. Sa independyenteng mga rehimen ng itim sa Aprika, sinusupil ang mga minoryang Asyano. Sa Sudan, ang rehimen na Arabong kaliwa ay sinusupil ang mga itim. Ang Sosyal Demokratiko/Stalinista/Trotskyistang gobyerno ng Ceylon ay pinagkaitan ang mga Tamil ng lahat ng sibil na karapatan habang marahas silang pinagsamantalahan sa tea estates. At ang burgesyang Polish (kahit pa sa tagubilin ni Lenin) ay patuloy na sinisikil ang mga Hudyo na hindi pa napalayas ng rehimen! Sa totoo lang, ang programa ng halos lahat ng mga prente para sa pambansang pagpapalaya ay may intensyong palitan ang isang porma ng pambansang opresyon ng iba. Ang Zionistang programa ay patago o hayagang sumusuporta sa pagpapatalsik sa mga Palestinong Arabo; habang ang programa ng makabayang kilusang Palestinian, sa kahilingan ng isang estado kung saan ang mga Muslim, Hudyo, at Krisytano ay mapayapang mamuhay bilang mga grupong relihiyoso, ay inderiktang nag-anunsyo sa kanyang intensyong supilin ang nasyunalidad na Israeli-Hudyo at palitan ito ng isang Palestino-Arabong estado. Ganun din sa Ireland, ang programa ng IRA ay gawin lamang ang mga Protestante na susupiling pambansa-relihiyosong minorya.
Hindi mangyari ang kabaliktaran. Dahil ang lahat ng programa ng pambansang pagpapalaya ay kapitalista, hindi sila magsisilbi para pawiin ang batayan ng pambansang opresyon, na walang iba kundi ang kapitalismo mismo.
Subalit balikan natin ang ispisipikong posisyon ng mga manggagawa sa ilalim ng naturang mga rehimen, masasabi natin na ang pinakamatinding atake na magagawa ng mga prente ng pambansang pagpapalaya sa uring manggagawa ay ang mismong digmaan para sa pambansang kalayaan. Dahil sa pandaigdigang imperyalistang kompetisyon at sa malalang katangian ng istorikal na krisis sa Ikatlong Daigdig, ang burgesya ng mga rehiyong ito ay patuloy na natutulak tungo sa imperyalistang tunggalian sa at adbenturismo laban sa kanilang lokal na mga karibal. Simula 1914 halos walang panahon na ang isang bahagi ng hindi-maunlad na mundo ay hindi nahulog sa digmaan.
Ang mga digmaan para sa pambansang kalayaan ay kailangan para sa maliliit na imperyalismo sa Ikatlong Daigdig para manatili sa pandaigdigang pamilihan. Matindi ang kompetisyon sa mga lugar na ito dahil ang pandaigdigang dominasyon ng abanteng mga kapitalista ang nagtulak sa mas mahinang mga kapitalista sa pagsisikap na makaungos sa iba pa para makakuha ng puwang sa pandaigdigang pamilihan. Pero para sa uring manggagawa ang mga digmaang ito ay nagdadala lamang ng mas matinding pagsasamantala, mas dayagang militarisasyon, at higit sa lahat, masaker at destruksyon sa napakalawak na saklaw. Milyun-milyong manggagawa ang pinatay ng mga digmaan sa siglong ito, na walang napapala liban sa pagpalit ng magsasamantala. Tulad ng lahat ng makabayang mga digmaan, ang mga pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya ay nagsilbing busal para sa makauring pakikibaka, para hatiin ang hanay ng proletaryado, at hadlangan ang pagkahinog ng komunistang kamalayan. At dahil ang pangkalahatang direksyon ng galaw ng dekadenteng kapitalismo ay tungong imperyalistang tunggalian sa lumalaking saklaw, ang lokal na makabayang pakikibaka ay nagsisilbing pagsubok para sa pandaigdigang tunggalian sa hinaharap na tatapos sa lahat ng posibilidad para sa sosyalismo.
Sa dekadenteng yugto ng kapitalismo, kailangang malinaw na igiit ng mga komunista na ang lahat ng mga porma ng nasyunalismo ay rekasyunaryo sa kaibuturan. Habang iilan ang tumanggi sa reaksyunaryong katangian ng tradisyunal na nasyunalismo ng malalaking imperyalismo -- patriyotismo ng Ku Klux Klan, Jingoismo, Nazismo, sobinismo ng ‘Dakilang Rusya', atbp - ang tinatawag na ‘nasyunalismo ng mga inaapi' ay makakasira din sa uring manggagawa. Sa ‘progresibong' nasyunalismo na ito ang burgesya sa dating mga kolonya ay nagsisikap na isanib ang uring manggagawa at kumbinsihin na gumawa ng mas maraming labis na halaga para sa amang-bayan. Nasa tono ng pambansang kalayaan at anti-imperyalistang panawagan na ang mga manggagawa sa mga bansang ito ay pinakilos para sa inter-imperyalistang mga digmaan. Ang uring manggagawa ay iisa lamang ang interes ngayon: bigkisin ang sarili para sa komunistang rebolusyon. Anumang ideolohiya na magtangkang hatiin ang uring manggagawa sa mga linya ng lahi, seksuwal, o makabayan ay kontra-rebolusyonaryo, kahit ano pa ang sasabihin nila hinggil sa sosyalismo, kalayaan, o rebolusyon.
Kung ang kapitalismo na nasa krisis ay magtagumpay na ipataw ang kanyang solusyon na pandaigdigang digmaan sa uring manggagawa, walang duda na dadalhin nito ang mga manggagawa sa huling raun ng barbarismo sa ilalim ng bandila ng nasyunalismo sa anumang porma. Ang nasyunalismo ngayon ay ang anti-tesis ng proletaryado, bilang negasyon ng sangkatauhan, ang potensyal na behikulong ideolohikal para sa kanyang anihilasyon.