Kritik ni Luxemburg sa mga Bolshevik

Bersyon na maaaring i-print

Ang kritik ni Luxemburg sa mga pakikibaka para sa pambansang paglaya sa pangkalahatan at sa patakaran ng mga Bolshevik sa mga nasyunalidad sa partikular ang pinaka-matalas sa panahong iyon dahil ito ay nakabatay sa pagsuri sa pandaigdigang imperyalismo na mas malalim kaysa kay Lenin. Sa mga tekstong tulad ng The Accumulation of Capital (1913) at The Junius Pamphlet (1915) pinakita niya na ang imperyalismo ay hindi lamang porma ng pangungulimbat na ginagawa ng abanteng mga kapital sa atrasadong mga bansa kundi ito ay ekspresyon ng isang totalidad ng pandaigdigang kapitalistang mga relasyon:

"Ang imperyalismo ay hindi kagagawan ng isa o anumang grupo ng mga estado. Ito ay produkto ng isang partikular na yugto ng pagkahinog ng pandaigdigang pag-unlad ng kapital, isang kalikasan ng internasyunal na kondisyon, isang hindi mahahati na kabuuan, na makilala lamang sa kanyang lahat na mga relasyon, at walang bansa na makakaiwas ayon sa kagustuhan nito." (Rosa Luxemburg, The Junius Pamphlet, 1915)

Para kay Luxemburg ang lokasyon ng istorikal na krisis ng kapitalismo ay hindi lang makikita sa pagbaba ng tantos ng tubo, na kung dito lang titingnan ay palaging mabalanse sa pamamagitan ng pagpalaki ng produksyon ng kalakal at maibenta. Nangatwiran siya na ang ispisipikong ugat ng istorikal na krisis ay nasa problema sa realisasyon ng labis na halaga. Sa The Accumulation of Capital at Anti-Critique pinakita niya na ang total na labis na halaga na nakuha mula sa uring manggagawa ay hindi ma-realisa sa loob lang ng kapitalistang panlipunang relasyon, dahil ang mga manggagawa, na hindi binayaran sa buong halaga na nagawa ng kanilang lakas-paggawa, ay hindi kayang bilhin muli ang lahat ng mga kalakal na ginawa nila. Ang uring kapitalista din bilang kabuuan (sa kasong ito kasama pati ang lahat ng istrata na binabayaran ng kapitalistang buhis) ay hindi makonsumo ang lahat ng labis na halaga dahil ang isang porsyon nito ay kailanagang magsilbi sa pagpalaki ng reproduksyon ng kapital at kaya kailangang ipalit. Bilang resulta, ang pandaigdigang kapital ay laging mapwersang maghanap ng mga konsyumer labas sa kapitalistang panlipunang relasyon. Sa inisyal na yugto ng kapitalistang ebolusyon mayroon pang malaking hindi-kapitalistang istrata sa loob ng eryang hiyograpikal ng kapitalistang pag-unlad (magsasaka, artisano, atbp) na magsilbing batayan para sa malusog na paglawak ng kapital - kahit pa sa simula ay nariyan na ang palagiang tendensya na maghanap ng pamilihan sa mga bansang nasa labas ng kanilang kontrol: ang rebolusyong industriyal sa Britanya ay pinasigla ng pangangailangan mula sa mga kolonya ng Britanya. Pero habang ang panlipunang mga relasyon ay naging pangkalahatan na sa buong orihinal na mga kontrolado ng kapitalismo, ang ‘tulak' ng kapitalistang produksyon tungo sa ibang bahagi ng mundo ay bumibilis. Sa halip na kompetisyon sa pagitan ng indibidwal na mga kapitalista para sa pamilihan sa loob ng pambansang balangkas, ang diin ay kompetisyon na sa pagitan ng mga pambansang kapital para sa natitirang hindi-pa-kapitalistang mga lugar sa mundo. Ito ang esensya ng imperyalismo, na simpleng ekspresyon ng ‘normal' na kapitalistang kompetisyon sa ‘internasyunal' na saklaw, syempre sa suporta ng armadong kapangyarihan ng estado na siyang kaibahan ssa katangian ng kompetisyon sa ganitong antas. Hangga't ang imperyalistang pag-unlad na ito ay limitado sa iilang abanteng mga kapital na lumalawak tungo sa konsiderableng hindi-pa-kapitalistang sektor sa mundo, ang kompetisyon ay nanatiling relatibong mapayapa, liban mula sa punto-de-bista ng hindi-pa-kapitalistang mga mamamayan na buong-buong kinulimbat ng imperyalistang mga kartel (i.e. Tsina at Aprika). Subalit sa sandaling nasakop na ng imperyalismo ang buong mundo sa kapitalistang mga relasyon, sa sandaling ganap ng nahati-hati ang pandaigdigang pamilihan, ang pandaigdigang kapitalistang kompetisyon ay naging marahas at hayagan na ang katangiang agresibo kung saan walang bansa, abante o atrasado, ang makaiwas, dahil ang bawat bansa ay hindi makatangging mahatak sa kompetisyong habulan-ng-daga sa tigmak na pandaigdigang pamilihan.

Inilarawan ni Luxemburg ang pandaigdigang istorikal na proseso, isang unipikadong proseso. Dahil naintindihan niya na ang nagdetermina ng lahat ng mga bagay ay ang pag-unlad ng pandaigdigang pamilihan, nakita niya na imposibleng hatiin ang mundo sa iba't-ibang istorikal na mga departamento: isang ulyaning kapitalismo sa isang banda at isang bata, masiglang kapitalismo sa kabilang banda. Ang kapitalismo ay isang unipikadong sistema na umunlad at bumulusok-pababa bilang isang nagtutulungan na entidad. Ang pundamental na kamalian ng mga Leninista ay ang paggiit na sa ilang lugar sa mundo ang kapitalismo maari pang maging ‘progresibo' at rebolusyonaryo, habang naaagnas itosa ibang lugar. Gaya ng kanilang pag-unawa na ‘iba-iba' ang pambansang mga tungkulin para sa proletaryado sa bawat hiyograpikal na rehiyon ay naglantad sa isang balangkas na nagsimula mula sa paninindigan ng bawat pambansang estado na nakabukod, ang kanilang konsepto sa imperyalismo ay nagpakita sa parehong maling balangkas.

Dahil nagsimula siya sa pag-unlad ng pandaigdigang pamilihan, nakita ni Luxemburg na ang mga pakikibaka para sa pambansang paglaya ay hindi na posible sa panahong nahati-hati na ang pandaigdigang pamilihan sa mga imperyalistang kapangyarihan. Ang unang imperyalistang pandaigdigang digmaan ay mapagpasyang ebidensya sa pagkasaid ng pandaigdigang pamilihan. Pagkatapos nito, wala ng tunay na paglawak ng pandaigdigang pamilihan, kundi marahas na redibisyon ng imperyalistang mga kapangyarihan na nagnanakawan sa bawat isa sa kanilang mga nakulimbat, isang proseso kung saan sa kawalan ng panlipunang rebolusyon ay hindi maiwasang tutungo sa pagkawasak ng sibilisasyon. Sa kontekstong ito imposible sa anumang bansa-estado na papasok sa pandaigdigang pamilihan sa batayang independyente, o dadaan sa proseso ng primitibong akumulasyon labas sa sa barbarikong pandaigdigang chessboard. Kaya, "Sa kasalukuyang imperyalistang sitwasyon walang mga digmaan para sa pambansang pagtatanggol" (Junius Pamphlet).

Ang pagsisikap mismo ng mga bansa malaki o maliit para ‘ipagtanggol' ang mga sarili mula sa imperyalistang atake ay nangangailangan ng mga alyansa sa ibang mga imperyalismo, imperyalistang ekspansyon laban sa mas maliit na mga bansa, at iba pa. Lahat ng mga ‘sosyalista' sa Unang Digmaang Pandaigdig na nanawagan para sa pambansang pagtatanggol sa anumang tipo, katunayan, ay nagsisilbi lamang bilang mga tagapagtanggol at mga sarhentong taga-rekrut para sa imperyalistang burgesya.

Kahit si Luxemburg ay parang may ilang kalituhan hinggil sa posibilidad ng pambansang sariling pagpapasya  pagkatapos ng sosyalistang rebolusyon, at kahit hindi siya nabigyan ng pagkakataon na paunlarin ang kanyang posisyon sa lahat ng kanyang aspeto, ang buong diin ng kanyang pagsusuri sa pagpapaliwanag na ang produktibong mga pwersa na pinauunlad ng kapitalismo ay pumasok sa marahas na tunggalian sa kapitalistang panlipunang mga relasyon, kasama na syempre ang pagkabilanggo ng produktibong mga pwersa sa loob ng bansa-estado. Ang imperyalistang mga digmaan ay siguradong palatandaan ng napakaraming mga kaguluhan at hindi mapigilang pagkaagnas ng kapitalistang moda ng produksyon. Sa kontekstong ito, ang mga pakikibaka para sa pambansang paglaya, na dati ekspresyon ng rebolusyonaryong burgesya, hindi lang nawalan ng progresibong laman, kundi aktibong natransporma sa pagiging imperyalista, mga pakikibaka para sa kanibalisasyon ng uri kung saan ang kanyang pag-iral ay hadlang na sa ibayong pag-unlad ng sangkatauhan.

Ang kakayahan ni Luxemburg na makitang ang burgesya sa anumang bansa ay makakilos lamang sa loob ng imperyalistang pandaigdigang sistema ang dahilan para matalas niyang punain ang pambansang patakaran ng mga Bolsheviks matapos ang 1917. Kinikilala na ang pagbigay ng mga Bolshevik ng pambansang kalayaan sa Finland, sa Ukraine, Lithuania, atbp ay pinatupad sa intensyon na makabig ang masa sa mga bansang iyon sa kapangyarihang Soviet, pinaliwanag niya na, sa katunayan, kabaliktaran ang nangyari:

"Isa-isa, ginamit ng mga ‘bansang' ito ang bagong kalayaan para makipag-alyado sa imperyalismong Aleman laban sa rebolusyong Ruso na kanyang mortal na kaaway, at sa ilalim ng proteksyong Aleman, dinala ang bandila ng kontra-rebolusyon sa Rusya mismo." (Luxemburg, Ang Rebolusyong Ruso, 1918)

Ang ideya na sa panahon ng proletaryong rebolusyon, sa mga hangganan mismo ng balwarte ng rebolusyon, na mayroong magkatulad na interes ang proletaryado at burgesya, ay isang ganap na utopya. Hindi na pwede na ang dalawang uri ay may mutwal na benepisyo mula sa ‘kalayaan' ng bansa. Ito ngayon labanan hanggang kamatayan. Ang malaking pinsala ng islogang pambansang sariling pagpapasya ay nagbigay ito sa burgesya ng ideolohikal na balatkayo para isulong ang kanyang makauring interes, kung saan sa naturang panahon ay ang pagdurog lamang sa rebolusyonaryong uring manggagawa. Sa ilalim ng islogan ng pambansang sariling pagpapasya ang burgesya sa mga bansang nasa hangganan ng Rusya ay minasaker ang mga komunista, binuwag ang mga sobyet, at pinagamit ang kanilang mga teritoryo sa mga hukbo ng imperyalismong Aleman at ng White reaction. Kahit sa terminong burges, ang pambansang sariling pagpapasya ng mga bansang ito ay isang panlalait, dahil ng humiwalay ito mula sa Imperyong Ruso, ang maliit na mga bansa sa Silangang Uropa ay napunta sa kontrol ng Alemanya o iba pang imperyalismo (at mula noon ay napasa sa iba't-ibang imperyalismo hanggang sa huli ay napunta sa imperyalismong ‘Sobyet'). Hindi lang ang pambansang patakaran ng mga Bolshevik ang nagbigay ng malayang paghari ng kontra-rebolusyon sa mga bansang nasa hangganan, kundi sa mas malawak na saklaw ay nakadagdag ng malaki sa ideolohikal na bigat sa ‘demokratikong' burgesya sa Liga ng mga Bansa, sa mga Wilsonian at iba pa, na ang sariling bersyon na pambansang sariling determinasyon sa panahong iyon ay mapagpasyang salungat sa mga demanda ng internasyunal na komunismo. At syempre sa panahon ng paggiit ng mga Bolshevik sa ‘karapatan' sa pambansang sariling pagpapasya ay ginamit ng maraming Stalinista, neo-pasista, Zionista, at iba pang mga impostor para bigyang katwiran ang pag-iral ng maliit na imperyalistang mga rehimen.

Nang ginawa ni Luxemburg ang kanyang kritika, sumulat siya bilang rebolusyonaryo na nagpahayag ng malalim na pakikiisa sa mga Bolsheviks at sa rebolusyong Ruso. Hanggat mayroong buhay sa naturang rebolusyon, hanggat ang mga Bolsheviks ay nagsisikap na kumilos para sa interes ng pandaigdigang rebolusyon, ang kanilang pambansang patakaran (kasama ang iba pa) ay maaring punain bilang mga pagkakamali ng isang rebolusyonaryong partido ng manggagawa. Sa 1918, nang sinulat ni Luxemburg ang kanyang kritik sa kanilang pamamaraan, ang mga Bolsheviks ay umaasa pa sa proletaryong rebolusyon na puputok sa Kanluran. Pero sa 1920, nang ang taob ng rebolusyon ay bumaba na kahit saan, pinakita ng mga Bolsheviks ang malinaw na senyales ng kawalan ng tiwala sa internasyunal na uring manggagawa. Pagkatapos nito, lumalaki ang pagbibigay diin sa pagkakaisa ng rebolusyong Ruso sa mga ‘kilusan para sa pambansang pagpapalaya' sa Silangan, mga kilusan na tinitingnan na may nakakasindak na banta sa imperyalistang pandaigdigang sistema. Mula sa Kongreso sa Baku sa 1920 hanggang sa Ika-apat na Kongreso ng Komunistang Internasyunal sa 1922 ang pagdidiin ay lalong lumalaki, habang ang lumalaking halaga ng tulong materyal ay binibigay sa makabayang mga kilusan na may ibat-ibang katangian. Ang mapaminsalang epekto ng mga polisiyang ito ay halos hindi pumasok sa isip ng burukrasyang Bolshevik, na lalong hindi na mapag-iba ang kagyat na pambansang bentahe sa Rusya mula sa interes ng pandaigdigang proletaryado. Tingnan ang kaso ni Kemal Ataturk. Kahit sa katotohanan na pinagpapatay niya ang mga lider ng Turkish Communist Party sa 1921, patuloy na nakikita ng mga Bolshevik ang ‘rebolusyonaryong' potensyal sa makabayang kilusan ni Ataturk. Nang hayagan ng nakipagsundo ang huli sa imperyalismo ng Entente sa 1923 saka pa lang nagsimulang i-rekonsidera ng mga Bolshevik ang kanilang patakaran sa kanya, at sa panahong ito walang anumang rebolusyonaryo sa patakarang panlabas ng estadong Ruso. At hindi aksidente si Kemal kundi simpleng ekspresyon sa bagong yugto, lubusang hindi na magkasundo ang nasyunalismo at proletaryong rebolusyon, sa ganap na kawalang kapasidad ng anumang paksyon ng burgesya na independyenteng tumindig sa imperyalismo. ang magkatulad na mga patakaran ng Bolshevik ay nauwi sa kabiguan sa Persia at Malayong Silangan. Ang ‘pambansang rebolusyon' laban sa imperyalismo ay delikadong alamat na binuhisan ng buhay ng hindi mabilang na mga manggagawa at komunista. Mula noon mas lalong naging malinaw na ang mga pambansang kilusan, sa halip na maging banta sa paghari ng imperyalismo, ay naging mga pawn lamang ng imperyalistang larong chess. Kung ang isang imperyalismo ay napahina dahil sa ganito o ganung pambansang kilusan, ibang imperyalismo ang tiyak na makabenepisyo.

Ang sumunod na hindi maiwasang hakbang ay hayagang pumasok na mismo Rusong ‘Sobyet' sa imperyalistang kompetisyon sa kilalang mga kapitalismo. Sa pagkakagulo ng pandaigdigang rebolusyon, sa paghina ng proletaryadong Ruso dahil sa digmaang sibil at gutom, ang kanyang huling dakilang pagsisikap na mabawi muli ang pampulitikang kapangyarihan ay nadurog sa Petrograd at Kronstadt, nauwi ang Partidong Bolshevik bilang tagapamahala at tagapangasiwa ng pambansang kapital sa Rusya. At dahil sa panahon ng dekadenteng kapitalismo walang pagpipilian ang mga pambansang kapital kundi imperyalistang magpalawak, ang patakarang panlabas ng estadong Ruso mula kalagitnaan ng 1920s, kabilang na ang pagsuporta sa mga ‘kilusan para sa pambansang kalayaan' ay hindi na nakitaan bilang repleksyon ng mga pagkakamali ng isang proletaryong partido, kundi bilang isang imperyalistang estratehiya ng isang malaking kapitalistang kapangyarihan. Kaya nang ang patakaran ng Comintern na makipag-alyansa sa ‘pambansa-demokratikong rebolusyon' sa Tsina ay direktang nauwi sa masaker sa mga manggagawang Tsino sa insureksyon sa Shanghai sa 1927, hindi tamang sabihin na ‘pagtraydor' o ‘pagkakamali' sa bahagi ni Stalin o ng Comintern. Sa pagsabotahe sa insureksyon ng manggagawang Tsino sila ay simpleng nagpatupad ng kanilang makauring tungkulin bilang isang paksyon ng pandaigdigang kapital.