Submitted by Internasyonalismo on
Sa takip-silim ng sinaunang Roma, ang kabaliwan ng mga emperador ay mas patakaran kaysa eksepsyon. Duda ang ilang historyan na ito ay tanda ng kahinaan ng Roma. Ngayon ang nakakatakot na payaso ay naging hari ng pinaka-makapangyarihang bansa-estado sa buong mundo, subalit sa pangkalahatan ito ay hindi naunawaan bilang senyales na ang kapitalistang sibilisasyon mismo ay naabot na ang abanteng yugto ng kanyang pagkabulok. Ang paglakas ng populismo sa mga sentro ng sistema, na makikita sa tagumpay ng Brexit at panalo ni Donald Trump, ay ekspresyon na ang naghaharing uri ay nawalan na ng kontrol sa pampulitikang makinarya, na sa loob ng ilang dekada, ay ginamit para pigilan ang panloob na tendensya ng kapitalismo na bumagsak. Nasaksihan natin ang napakalaking pampulitikang krisis dala ng mabilis na dekomposisyon ng panlipunang kaayusan, dahil sa ganap na kawalang kapasidad ng naghaharing uri na bigyan ang sangkatauhan ng perspektiba sa hinaharap. Pero ang populismo ay produkto rin ng kawalang kapasidad ng pinagsamantalahang uri, ang proletaryado, na igiit ang rebolusyonaryong alternatiba, na nagbunga ng peligro na mahatak ito sa pagiging reaksyunaryo batay sa walang kabuluhang galit, takot, sa paninisi sa mga minoriya at sa hibang na pagsisikap na bumalik sa isang nakaraan na hindi naman talaga umiral. Ang analisis sa mga ugat ng populismo bilang pandaigdigang penomenon ay pinalalim sa kontribusyon ‘On the question of populism[1]’ at hinikayat namin ang aming mambabasa na suriin ang pangkalahatang balangkas nito, katuwang ng aming inisyal na mas ispisipikong tugon sa Brexit at ang paglakas ng kandidatura ni Trump, ‘Brexit, Trump: setbacks for the ruling class, nothing good for the proletariat[2]’. Ang naturang mga teksto ay inilimbag sa n°157 ng aming International Review.
Inilimbag din namin ang artikulo ng aming simpatisador sa US, si Henk: ‘Trump v. Clinton: nothing but bad choices for the bourgeoisie and the proletariat[3]’. Ang artikulong ito, sinulat noong maagang bahagi ng Oktubre, ay sinuri ang halos galit na galit na pagsisikap ng mas ‘responsableng’ mga paksyon ng burgesya sa US, parehong Democrat at Republican, na pigilan si Trump na maupo sa White House[4]. Ang mga pagsisikap ay nabigo, at isa sa kagyat na mga salik sa kabiguan ay ang matinding interbensyon ng pangulo ng Federal Bureau of Investigation, si James Comey, sa panahon na tila lumalakas na si Clinton sa mga surbey. Ang FBI, ang puso ng makinaryang pangseguridad ng US, ay sumira ng husto sa tsansa ni Clinton dahil sa pahayag na maari siyang makasohan ng kriminal matapos ang imbestigasyon sa kanyang paggamit ng pribadong email servers, na lumabag sa batayang panuntunan ng seguridad ng estado. Matapos ang isang linggo o higit pa, sinubukang umatras ni Comey sa pahayag na walang delikado sa lahat ng mga materyal na sinuri ng Bureau. Pero nangyari na ang pinsala at malaki ang naitulong ng FBI sa kampanya ni Trump, kung saan ang mga rali ay walang kataposang nagsisigaw ng ‘Lock Her Up’. Ang interbensyon ng FBI ay isa na namang ekspresyon sa lumalaking kawalan ng pampulitikang kontrol sa sentro ng makinarya ng estado.
Hindi lumalaban ang mga komunista para sa ‘hindi masyado masama’
Ang artikulong ‘Trump v. Clinton’ ay nagsimula sa malinaw na muling paggigiit sa komunistang posisyon sa burges na demokrasya at mga eleksyon sa kasalukuyang yugto ng kasaysayan: na sila ay malaking panloloko na walang maihapag na pagpipilian para sa uring manggagawa. Itong kawalan ng pagpipilian ay mas pinakita sa eleksyon ngayon, labanan ng isang aroganteng payaso na si Trump, na may lantarang agenda na rasista at galit sa kababaihan, at si Clinton, na simbolo ng ‘neo-liberal’ na kaayusan na dominanteng porma ng kapitalismo ng estado sa loob ng tatlong dekada. Naharap sa pagitan ng dalawang dimonyo, malaking bilang ng mga botante, tulad ng sa nakaraan sa kaso ng eleksyon sa US, ang hindi bomoto – ang inisyal na tantya ay 57% lang ang bomoto, mas mababa sa 2012[5] sa kabila ng lahat ng pamimilit na lumabas at bomoto. At marami ang kritikal sa parehong kampo, pero mas laban kay Trump sa partikular, ay nagpasyang bomoto kay Hillary bilang hindi masyadong masamang dimonyo. Para sa amin, alam namin na ang pagboykot sa eleksyon dahil sa pagkabigong matupad ang pangako ng mga kandidato ay simula lamang ng klaripikasyon: mahalaga, pero nakapahirap kung hindi kikilos ang mga manggagawa bilang uri, na maipakita na may ibang paraan sa pag-oorganisa sa lipunan sa pamamagitan ng pagwasak sa estado. At matapos ang eleksyon, ang pagtakwil sa umiiral na pampulitikang kaayusa at panlipunang sistema, ang paggiit sa pangangailangan ng uring manggagawa na lumaban para sa kanyang sariling interes labas at laban sa bilangguan ng burges na estado, ay hindi binigyang halaga, dahil marami ang nahatak tungo sa simpleng anti-Trumpismo, isang tipo ng inayos na anti-pasismo[6] na pakikipag-alyansa sa mas ‘demokratikong’ paksyon ng burgesya – malamang katulad yaong ginagamit ang lenggwahe ng uring manggagawa at ng sosyalismo, tulad ng ginawa ni Bernie Sanders sa panahon ng Democratic primaries.[7]
Panlipunang base ng Trumpismo
Hindi ito ang lugar para suriin ng ditalyado ang motibo at panlipunang komposisyon ng mga bomoto kay Trump. Walang duda na ang galit sa kababaihan, ang anti-kababaihan na retorika ay sentral sa kampanya ni Trump, na dapat na pag-aralan, laluna bahagi ito ng mas pandaigdigang ‘ganti ng kalalakihan’ laban sa panlipunan at ideolohikal na pagbabago sa relasyon ng kasarian sa nagdaang ilang dekada. Kasabay nito, mayroong nakakatakot na paglakas ng rasismo at takot/galit sa mga banyaga (xenophobia) sa sentral na mga kapitalistang bansa, at may susing papel ito sa kampanya ni Trump. May partikular rin na elemento sa rasismo sa Amerika na kailangang maintindihan: sa kagyat, reaksyon sa pagiging presidente ni Obama at sa Amerikanong bersyon ng ‘migranteng krisis’, sa pangmatagalan, ang buong pamana ng pang-aalipin at pagbukod. Mula sa panimulang datos, ang mahabang kasaysayan ng rasismo na humati sa Amerika ay makikita sa napakalaking bomoto kay Trump mula sa lahing puti (bagamat namobilisa nito ang signipikanteng bilang ng mga ‘Hispanics’) habang 88% sa mga itim na botante ay pinili ang kampo ni Clinton. Babalikan natin ang usaping ito sa susunod na mga artikulo.
Subalit katulad ng argumento namin sa kontribusyon sa populismo, tingin namin posibleng ang pinaka-mahalagang elemento sa tagumpay ni Trump ay ang galit laban sa ‘elitistang’ neo-liberal na nakaugnay sa globalisasyon at pinansyalisasyon sa ekonomiya – makro-ekonomikong proseso na nagpayaman sa maliit na minoriya sa kapinsalaan ng mayoriya, at higit sa lahat sa kapinsalaan ng uring manggagawa sa lumang manupaktura at industriya ng pagmimina. Ang ‘globalisasyon’ ay nagkahulugan ng buong-buong pagwasak sa manupakturang industriya at paglipat sa kanila sa mga bansa tulad ng Tsina na mas mura ang lakas-paggawa at mas mataas ang tubo. Nagkahulugan din ito ng ‘malayang paggawa’, na para sa kapitalismo ay isang paraan ng mas murang lakas-paggawa sa pamamagitan ng migrasyon mula sa ‘mahirap’ patungo sa ‘mayamang’ mga bansa. Ang pinansyalisasyon ay nagkahulugan, para sa mayoriya, ng dominasyon ng buhay pang-ekonomiya na kontrolado ng misteryosong mga batas ng pamilihan. Sa kongkreto ito ay ang 2008 pagbagsak na sumira sa maraming maliit na kapitalista at sa nagsisikap magkaroon ng sariling bahay.
Muli, mas ditalyadong istatistikal na pagsusuri ang kailangan, pero tila ang bag-as ng lakas ng kampanyang Trump ay ang suportang nakuha mula sa mga puting hindi nakapagtapos ng kolehiyo, at laluna mula sa mga manggagawa sa ‘Rust Belt’, ang bagong industriyal na disyerto na bomoto kay Trump ay protesta laban sa umiiral na pampulitikang kaayusan, na personapikado sa tinatawag na ‘metropolitan liberal elite’. Marami sa mga manggagawang ito o rehiyon ay bomoto kay Obama noong nakaraang mga eleksyon, at ang ilan ay sinusuportahan si Bernie Sanders sa Democratic primaries. Ang kanilang boto ay higit sa lahat ay boto laban – laban sa lumalaking agwat ng di-pantay na yaman, laban sa sistema na naramdaman nilang pinagkaitan sila at ang kanilang mga anak ng anumang kinabukasan. Pero ang oposisyong ito ay nakabalangkas sa ganap na kawalan ng tunay na kilusang manggagawa, kaya nilamon ng populistang pananaw ng pagsisi sa elitista na binenta ang bansa sa dayuhang mamumuhunan, nagbigay ng espesyal na pribilihiyo sa mga migrante, mga tumakas sa digmaan at etnikong minoriya sa kapinsalaan ng ‘taal’ na uring manggagawa – at sa kababaihang manggagawa sa kapinsalaan ng kalalakihang manggagawa. Ang rasista at galit sa babae na mga elemento ng Trumpismo ay sumasabay sa retorikal na atake sa ‘elitista’.
Trump sa kapangyarihan: hindi madaling byahe
Ayaw naming magbakasakali ano ang anyo ng rehimeng Trump o ano ang mga polisiya na ipapatupad niya. Higit sa lahat pabago-bago ang katangian ni Tump kaya hindi madaling makita ano ang epekto ng kanyang pamumuno. Nariyan rin ang katotohanan na ilang beses man na paiba-iba ang pahayag ni Trump ay tila walang epekto sa kanyang elektoral na suporta. Ganun pa man, ano man ang epektibo sa kampanya ay maaring hindi na epektibo sa aktwal na pagpapatakbo ng gobyerno. Halimbawa, pinakilala ni Trump ang kanyang sarili na isang nagsisikap na negosyante at nangako na palayain niya ang mga negosyanteng Amerikano mula sa burukrasya, pero nangako rin siya ng isang malawakang programa sa pagbabalik ng inpra-istruktura sa mga liblib na syudad, sa pagtatayo ng mga daan, eskwelahan at ospital at sa muling pagpapasigla sa industriya ng fossil fuels sa pamamagitan ng abolisyon sa paglilimita para sa proteksyon sa kalikasan, kung saan ang lahat ng ito ay nagkahulugan ng intensipikasyon ng interbensyon ng kapitalistang estado sa ekonomiya. Nangako siyang palayasin ang milyung-milyong iligal na migrante, pero malaking bahagi ng ekonomiya ng US ay umaasa sa kanilang murang paggawa. Sa patakarang panlabas, pinagsama niya ang lenggwahe ng pagbubukod at pagkalas (katulad ng kanyang banta na bawasan ang kooperasyon ng US sa NATO) sa lenggwahe ng interbensyunismo, katulad ng kanyang pagsisigaw na ‘bombahin ang IS’, habang nangakong taasan ang badyet ng militar.
Ang tila sigurado ay ang rehimeng Trump ay puno ng mga tunggalian, parehong sa loob ng naghaharing uri at sa pagitan ng estado at lipunan. Totoo na ang talumpati sa pagkapanalo ni Trump ay modelo ng rekonsilyasyon – siya ay magiging ‘presidente ng lahat ng Amerikano’. At nagpahayag si Obama, bago tinanggap si Trump sa White House, na nais niya ang maayos na transisyon. Dagdag pa, ang katotohanan na may malaking mayoriya ng Republican sa Senado at Kongreso ay nagkahulugan – kung mawala ang pag-alinlangan ng pamunuan ng Republican kay Trump – na makukuha niya ang kanilang suporta sa kanyang mga polisiya, kahit isantabi muna ang mas mapanlinlang na patakaran. Pero ang senyales ng mga tensyon at bangayan sa hinaharap ay hindi mahirap na makita. Isang bahagi ng pamunuan ng militar, halimbawa, ay posibleng tutol sa ilan sa kanyang mga patakarang panlabas, kung igigiit niya ang kanyang pag-aalinlangan sa NATO, o gawin niyang kongkreto ang kanyang paghanga kay Putin bilang malakas na lider para pahinain ang pagpigil ng US na alkontrahan ang paglakas ng imperyalismong Rusya sa silangang Uropa at Gitnang Silangan. Maaring lilitaw rin ang oposisyon sa kanyang pambansang polisiya mula sa loob ng makinaryang pangseguridad, ang pederal na burukrasya at malalaking negosyante para tiyakin na hindi maghuraentado si Trump. Samantala, ang pampulitikang pagbagsak ng ‘dinastiyang Clinton’ ay maaring magbigay daan sa paglitaw ng bagong oposisyon at maging pagkabiyak sa loob ng Democratic Party, ng pagsikat ng kaliwang kampo tulad ni Bernie Sanders, na umaasang magamit ang galit ng mamamayan sa umiiral na pang-ekonomiya at pampulitikang kaayusan.
Sa panlipunang antas, kung nangyari sa post-Brexit na Britanya, posibleng masaksihan natin ang maitim na pamumulaklak ng ‘popular’ na takot/galit sa mga banyaga ng mga hayag na rasistang grupo na nais ng realisasyon ng kanilang mga pantasya ng karahasan at dominasyon; at kasabay ay mas matinding panunupil ng pulisya sa etnikong minoriya. At kung seryoso ng simulan ni Trump ang kanyang programang hulihin at palayasin ang mga ‘ilegal’, posibleng magtulak ito ng mga protesta sa lansangan, bilang pagpapatuloy sa isang kilusan na nasaksihan natin sa nagdaang ilang taon matapos patayin ng mga pulis ang itim na mamamayan. Katunayan, sa araw mismo na sinabi ang resulta ng eleksyon, may mga serye ng protesta sa mga syudad ng buong Amerika, na sa pangkalahatan ay sinasalihan ng mga kabataan na hindi nagustuhan ang isang gobyerno na pamumunuan ni Trump.
Ang pandaigdigang epekto
Sa internasyunal na antas, ang panalo ni Trump, ayon mismo sa kanya, ay ‘Brexit plus plus plus’. Nagpapalakas ito sa mga maka-kanang populistang partido sa kanlurang Uropa, laluna sa Front National ng France kung saan mangyayari ang eleksyong presidensyal sa 2017. Ang mga partidong ito ay nais na kumalas mula sa mga multi-national na organisasyong pangkalakalan at pabor sa pang-ekonomiyang proteksyunismo. Dahil sa pinaka-agresibong mga pahayag ni Trump laban sa ekonomikong pakikipagkompetinsya ng Tsina, posibleng patungo tayo sa isang digmaang pangkalakalan, na katulad noong 1930s, na lalupang magpakipot sa makipot na pandaigdigang pamilihan. Nagsilbi ng mabuti ang modelong neo-liberal sa pandaigdigang kapitalismo sa nagdaang dalawang dekada, pero nasa rurok na ngayon ng kanyang limitasyon. At ang hinaharap ay nasa peligrong ang ‘bawat isa para sa kanyang sarili’ sa imperyalistang antas ay tutungo sa pang-ekonomiyang larangan, na sa ngayon ay nakokontrol pa. Nagdeklara rin si Trump na ang global warming ay isang kasinungalingan na imbento ng Tsina para suportahan ang kanyang eksport, at nagsabi siya na kakalas sa lahat ng umiiral na internasyunal na kasunduan sa climate change. Alam natin gaano ka limitado ang mga kasunduang ito. Pero ang hindi pagsunod sa mga ito ay lalupang magtulak sa atin sa mas malalim na ekolohikal na kapinsalaan.
Uulitin namin: si Trump ay simbolo ng isang burgesya na tunay ng nawalan ng anumang perspektiba sa pagpapatakbo ng lipunan. Sa lahat ng kanyang kapalaluan at narsisismo, hindi siya baliw, pero simbolo siya ng kabaliwan ng sistema na nawalan na ng solusyon, maging ang pandaigdigang digmaan. Sa kabila ng kanyang pagbulusok-pababa, ang naghaharing uri sa mahigit isang siglo ay nagawang gamitin ang kanyang sariling pampulitika at militar na makinarya – sa ibang salita, ang kanyang mulat na interbensyon bilang isang uri – para pigilan ang ganap na kawalan ng kontrol, ang ultimong tendensya ng internal na dinamismo ng kapitalismo tungong barbarismo. Nasaksihan natin ngayon ang mga limitasyon ng kontrol na ito kahit pa hindi dapat maliitin ang kapasidad ng ating kaaway na makahanap ng temporaryong solusyon. Ang problema ng ating uri ay sa kabila ng malinaw na pagkabangkarota ng burgesya sa lahat ng antas – ekonomiya, pulitikal, moral – ay hindi, maliban lang sa napakaliit na minoriya, nagbunga ng isang rebolusyonaryong kritiko sa sistema kundi nalihis na galit at nakakalasong pagkahati-hati sa ating hanay. Ito ay isang seryosong banta sa posibilidad na sa hinarap ay mapalitan ang kapitalismo ng isang makataong lipunan.
At isa sa mga dahilan bakit wala sa agenda ang pandaigdigang digmaan ngayon, sa kabila ng mas malalang krisis ng kapitalismo, ay hindi pa natalo ang uring manggagawa sa hayagang lababan at mayroon pang hindi nagamit na kapasidad para makibaka, tulad ng nakita nating mga malawakang pagkilos sa nagdaang dekada, tulad ng pakikibaka ng mga estudyanteng Pranses noong 2006 o ng pag-alsang ‘Indignados’ sa Espanya noong 2011 at ang Occupy movement sa US sa parehong taon. Sa Amerika ang ganitong pagtutol ay makikita sa mga protesta laban sa pagpatay ng mga pulis at mga demonstrasyon matapos ang eleksyon laban kay Trump, bagamat ang mga kilusang ito ay wala pang malinaw na katangian ng uring manggagawa at bulnerable na makontrol ng mga propesyunal na pulitiko ng kaliwa, ng ibat-ibang klase ng ideolohiyang makabayan at demokratiko. Para mapangibabawan ng uring manggagawa pareho ang populistang panganib at mga maling alternatiba na inilako ng kaliwa ng kapital, may mas malalim na kailangan, isang independyenteng kilusan na may kapasidad maintindihan ang sarili sa usaping pulitikal at muling makaugnay sa komunistang tradisyon ng ating uri. Hindi ito sa kagyat, pero may papel ang mga rebolusyonaryo ngayon para paghandaan ang naturang pagpapaunlad, higit sa lahat sa pamamagitan ng pakikibaka para sa pulitikal at teoretikal na klaripikasyon na magbigay liwanag sa dominanteng ulap-usok ng kapitalistang ideolohiya sa lahat ng kanyang pagkukunwari.
Amos 13.11.16
[3]https://en.internationalism.org/icconline/201610/14149/trump-v-clinton-nothing-bad-choices-bourgeoisie-and-proletariat
[4]Isang tanda gaano kalawak ang oposisyon mismo ng Republican kay Trump: si dating presidente George W Bush mismo, na hindi kabilang sa kaliwang paksyon ng partido, ay nagpahayag na magsumite siya ng blangkong papel sa halip na iboto si Trump.
[6]Ang aming pagtakwil sa polisiyang alyansang ‘anti-pasista’ sa isang paksyon ng naghaharing uri laban sa isa pang paksyon ay higit sa lahat namana namin mula sa Italian communist left, na tamang nasuri na ang anti-pasismo ay paraan para mobilisahin ang uring manggagawa para sa digmaan. Basahin ‘Anti-fascism: a formula for confusion’, a text from Bilan republished in International Review 101 [https://en.internationalism.org/ir/101_bilan.htm].
[7]Para sa karagdagang pagsusuri kay Sanders, basahin ang artikulong ‘Trump v Clinton’.