Submitted by Internasyonalismo on
Ang krisis sa utang na nagsimula sa Amerika ay mabilis ng kumalat ngayon sa Uropa, hindi lang sa Espanya, Portugal, Italya, kundi maging sa Pransya at Britanya. Alam ng lahat na kung "may sakit ang Amerika, tiyak lalagnatin ang buong mundo". Paano na kaya kung ang namilipit na sa sakit ay ang "puso" mismo ng pandaigdigang kapitalismo - ang buong abanteng kapitalistang mga bansa sa Amerika at Uropa?
Ang kasalukuyang pandaigdigang krisis na nagsimula noong 2007 ay tinagurian ng marami na "krisis sa utang" o "krisis pinansyal". Subalit ang sinisisi ng mga burges na eksperto at Kaliwa ay ang pagiging ganid ng mga bangko sa tubo, ang paglobo ng ispekulasyon at "kawalan ng pampulitikang kapasyahan ng mga estado sa mga abusadong bangko". Sa mga atrasadong bansa naman, ang sinisisi ng Kaliwa ay ang "pagiging tuta ng mga estado sa dikta ng Kanluran o ng IMF-WB-WTO".
Kaya naman nagkakaisa ang lahat ng paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas na isa sa mayor na solusyon para uunlad ang bansa ay debt moratorium o debt cancellation. At kung ang gobyerno ay maging tunay na "makabayan at uunahin nito ang interes ng Pilipinas", tiyak lalago ang ekonomiya ng bansa at ang makikinabang ay ang buong mamamayang Pilipino. Sa madaling sabi, ang kailangan ng bansa ay isang gobyerno na "matatag na sasalungat sa dikta ng Kanluran, ng IMF-WB-WTO".
Kailangang suriin nating mabuti kung ano ang papel ng utang sa kapitalismo at ang ebolusyon nito mula noong panahon nila Marx hanggang ngayon. Ang artikulong ito ay hindi komprehensibong tumatalakay sa usapin ng papel ng utang sa kapitalismo kundi isang balangkas lamang upang mas mapalalim pa ang ating pag-unawa dito at makita kung ano ang hinaharap ng kasalukuyang sistema.
Bago ang lahat, kailangan nating maglatag ng ilang datos hinggil sa ebolusyon ng utang ng Pilipinas:
Ang eksternal/dayuhang utang ng Pilipinas ay tumataas mula US$51.9 bilyon sa 2000 tungo sa US$59.77 bilyon sa 2011. Nitong 2011 ang badyet ng estado para pambayad utang ay Php823,270,000,000. Para sa 2012 pambansang badyet, ang panukalang ilaan para pambayad utang ay Php689,207,000,000. Kahit bumaba ang nakalaang pera pambayad utang sa 2012, hindi nito maitago ang katotohanang lubog sa utang ang Pilipinas.
Kahit lumang datos na ang nasa ibaba, makikita pa rin natin ang tunguhin ng paglaki ng utang kumpara sa GDP ng bansa:
Noong 2001, ang pampublikong utang ng Pilipinas ay Php4.41 trilyon o 120% ng GDP. Sa 2002, ito ay naging 128% ng GDP, at sa 2003, naging 130% ng GDP na katumbas ng US$105.35 bilyon.
Sabi ng Kaliwa, ang pangunahing dahilan bakit lubog sa utang ang Pilipinas ay dahil sa mga polisiya at batas nito hinggil sa utang, at sa pagiging kurakot ng mga opisyales ng gobyerno.
Ang utang sa sistemang kapitalismo
1. Hindi iiral ang kapitalismo kung walang utang. Subalit iba ang katangian ng utang noong 19 siglo kung saan progresibo at lumalawak pa ang sistema at ng pumasok ito sa kanyang dekadenteng yugto - imperyalismo - noong 20 siglo. Sa 19 siglo, sa pangkalahatan, ang utang ay naging daan upang lalupang uunlad ang sistema at magkamal ng tubo. Sa madaling sabi, ang utang sa panahong ito ay gumawa ng tunay na halaga, ng tunay na produksyon. Kaiba sa 20 siglo kung saan sa pangkalahatan ang utang ay gumawa na lamang ng pekeng (fictitious) halaga at pamilihan.
2. Ng sumambulat ang krisis sa sobrang produksyon noong 1960s, ang solusyon ng internasyunal na burgesya ay utang. Para mabili ang sobrang produkto sa pamilihan, kailangang pautangin nito ang atrasadong mga bansa at pati ang mga manggagawa sa abanteng mga bansa. Ang utang ay naging artificial stimulant para patuloy na gagalaw ang pandaigdigang ekonomiya.
3. Dahil nasa permanenteng krisis na ang sobrang produksyon sa panahon ng imperyalismo, sumabog ang pandaigdigang resesyon noong 1973-75. Mula noon, "sumuko" na ang abanteng mga bansa sa pag-asang ang atrasadong mga bansa gaya ng Pilipinas ang lalamon sa sobrang produksyon sa pandaigdigang pamilihan. Sa halip na makatulong, naging malaking problema na ang utang para sa burgesya. Pero walang magawa ang sistema kundi patuloy na gamitin ito dahil hindi na gagalaw ang ekonomiya ng mundo kung walang utang pambili ng mga produkto. Dahil dito, mula kalagitnaan ng 1970s, ang mga abanteng bansa na, partikular ang Amerika, ang bumibili sa malaking bahagi ng produksyon ng mundo[1]. Ang resulta: patuloy na lomobo ang utang ng mga bansang ito. Katunayan, ang Amerika ang numero unong may pinakamalaking utang sa buong mundo[2]. Ang utang ng Amerika hanggang 2010 ay umabot na sa US$13 trilyon. Ang kasalukuyang kabuuang utang ng pinakamakapangyarihang kapitalistang bansa sa mundo ay katumbas ng 360% ng kanyang GDP!
Solusyon sa utang: Utang pa rin
Mula ng sumambulat ang krisis noong 1960s lubog na sa utang ang buong mundo. Sa bawat pagsabog ng krisis - 1970s, 1980s, 1990s, 2007 - ang solusyon ng burgesya ay ibayong pangungutang.
Lahat ng mga kapitalistang rehimen sa Pilipinas, mula kay Marcos hanggang kay Noynoy Aquino, ay nangakong paliitin o kaya palayain ang Pilipinas sa utang. Pero kabaliktaran ang nangyari: lalong lumaki ang utang ng bansa![3] Hindi polisiya ng estado ang problema kundi ang estado mismo at ang sistema.
Hindi ba pwedeng simpleng ideklara lang ng naghaharing uri na "kanselado na ang lahat ng utang" para mawala na ang krisis sa utang? At pagkatapos ay magsimula ang kapitalistang mundo ng pakikipagkalakalan ng "pantay" na ang lahat sa mundo ng pamilihan? Ito ay imposibleng mangyari.
Unang-una, ang ugat ng krisis sa panahon ng imperyalismo ay krisis ng sobrang produksyon at pagkipot ng pandaigdigang pamilihan. Ang ultimong dahilan nito ay ganap ng nasakop ng kapitalismo ang buong mundo. Halos lahat kundiman lahat ng lugar sa daigdig ay ganap ng integrado sa pandaigdigang kalakalan at pamilihan. Wala ng solusyon sa krisis ng sobrang produksyon sa panahon na lubos ng nasakop ng kapital ang daigdig, kaiba sa 19 siglo na maraming lugar pa ang hindi-kapitalista ang sistema. Mula 1960s nangibabaw na ang artipisyal na pamilihan (nakabatay sa utang) at artipisyal na pera (perang wala ng katumbas na halaga sa tunay na ekonomiya) na inilaan sa mga ispekulasyon. Ang mga ito ang nagpapagalaw sa ekonomiya ng mundo. Subalit ito ay may hangganan, hangganan na naabot na noong 2007.
Pangalawa, ang simpleng deklarasyong "wala ng utang" ay hindi lunas sa krisis ng sobrang produksyon. Kailangang maibenta ang mga ito para hindi babagsak ng tuluyan ang sistema. Higit sa lahat, ang kapitalismo ay isang sistemang nabubuhay sa labis na halaga. Kaya natural lamang na hindi kayang bilhin ng uring manggagawa at buong populasyon ang labis na produktong nagawa nila.
Pangatlo, ipagpalagay natin na "wala ng utang" sa kasalukuyan, wala na bang utang sa hinaharap? Tingnan natin:
Gaya ng nakasaad sa itaas, naturalesa ng kapital na hindi kayang bilhin ng uring manggagawa at populasyon ng kapitalistang mundo ang labis na halagang ginawa nito. Ibig sabihin, ang krisis ng sobrang produksyon ay naturalesa ng kapitalismo. Paano mabili ang mga produktong ito? Unang-una, kailangan ng kapital na magpalawak, abutin ang mga lugar na hindi pa niya napasok at doon ibenta ang kanyang labis na produkto. Sa madaling sabi, kailangan ng kapitalismo ng bagong merkado. Subalit ganap ng napasok ng kapital ang mundo noong unang bahagi ng 20 siglo. Katunayan, sa ganito ding panahon sinakop ng imperyalistang Amerika ang Pilipinas. At kung nasakop na ng kapitalismo ang isang bansa o lugar, sa ayaw o sa gusto ng mananakop, obligadong hawaan niya ng kanyang abanteng sistema ang sinakop na bansa. Ito ang nangyari sa Pilipinas: naging isang kapitalistang bansa na.
Halos 70 taon mula ng sinakop ng Amerika ang Pilipinas, hindi na kaya ng huli na bilhin pa ang sobrang produktong galing sa una at sa ibang abanteng mga bansa. Sumabog ang krisis at nagkaroon ng pandaigdigang resesyon noong 1970s. Ano ang solusyon ng kapitalismo sa krisis noong 1970s, sa kawalang kapasidad ng mga bansa sa ikatlong daigdig na bilhin ang mga produktong galing sa unang daigdig? Ito ay sa pamamagitan ng pagpapautang. Ngayon, paano magpautang ang mga bangko kung wala na silang pondo dahil dineklara na ngang hindi na bayaran ang mga utang sa nakaraan at magsimula sa "panibagong yugto" ang mundo sa ilalim ng kapital! Higit sa lahat, paano aandar ang mga pabrika ng kapitalista kung hindi sila mangungutang? Saan sila kukuha ng pera para pambili ng hilaw na materyales, makinarya at iba pa?.... Hindi na makaligtas ang kapitalismo sa kanyang krisis sa utang! At lalunang imposibleng kanselahin niya ang trilyong dolyares na utang ng kapitalistang mundo dahil nagkahulugan ito ng kagyat na kamatayan ng sistema. At huwag tayong aasa na kusang papatayin ng burgesya ang kanyang sistema.
Nasa hindi na maiwasang tuloy-tuloy na pagbulusok ang kapitalismo. Tiyak na kung saan ito patungo: sa kanyang pagbagsak. Kung kailan, hindi natin alam. Ang tiyak, nasa proseso na ng pagbagsak ang sistema sa kasalukuyan.
Mga tanong: Kung tiyak na babagsak ang bulok na sistema, ibig sabihin tiyak na rin ang paglitaw ng komunistang lipunan at ang gawin na lang ng masang anakpawis ay magtiis at hintayin ang pagdating ng komunismo? Kung ang krisis sa utang ay nagsimula pa noong 1970s bakit hindi pa bumagsak ang kapitalismo hanggang ngayon?
Ang sagot sa mga tanong na ito ay masisilip natin mismo sa mga "prediksyon" ng mga unang marxista mula pa noong 19 siglo. Ganun pa man, hindi ibig sabihin na hindi na natin araling mabuti ang kasalukuyang ebolusyon ng krisis ng kapital para masilip natin kung ano ang hinaharap. Ang sigurado, imposible ng mareporma ang kapitalismo at gawin itong makatao.
Awtomatik bang papalit ang komunismo kung babagsak ang kapitalismo dahil sa kanyang internal na mga kontradiksyon?
Matindi ang debate dito noong huling bahagi ng 19 siglo at maagang bahagi ng 20 siglo sa loob ng marxistang kilusan, partikular sa sinulat ni Rosa Luxemburg na "Akumulasyon ng Kapital" kung saan ditalyado niyang hinimay ang ebolusyon ng kapitalismo mula 19 siglo at 20 siglo hanggang umabot ito sa kanyang imperyalistang yugto[4]. Sinabi ni Luxemburg na babagsak ang kapitalismo kung aabot na ito sa yugto na hindi na siya makapagpalawak pa ng bagong lugar na hindi-pa-kapitalista ang sistema. Tinuligsa ito ng ibang mga marxista dahil tanging ang uring proletaryado lamang ang dudurog sa kapital. Ganun din naman ang tindig ni Luxemburg: kailangang ibagsak ng uring proletaryado ang kapitalismo para maitayo ang komunismo. At ‘yan din ang tindig ng mga marxista hanggang ngayon.
Subalit ang pagsusuring babagsak ang sistema dahil sa kanyang panloob na mga kontradiksyon ay nanatiling may kabuluhan. Ibig sabihin, may posibilidad na babagsak ang sistema sa kabila ng kawalan ng kapasidad ng proletaryado na ibagsak ito. Ano ang mangyari sa ganitong sitwasyon?
Sinabi ng Manipesto ng Komunista na posibleng parehong madurog ang naglalabanang mga uri. Si Engels ay minsan nagsabi din na "sosyalismo o barbarismo". Maaring kapwa madurog ang burgesya at proletaryado; ang papalit ay hindi komunismo kundi walang hanggang kaguluhan at barbarismo, kung saan kapwa ang uring kapitalista at uring manggagawa ay hindi na makontrol ang sitwasyon ayon sa kanilang makauring layunin. Ito ang isa sa posibleng mangyari kung hindi mawasak ng mulat at organisadong proletaryado ang ang pandaigdigang kapitalismo.
Bakit hindi pa bumagsak ang sistema ngayon?
Ang pagbagsak ng sistema ay hindi rin nangangahulugang biglang hihinto ang buhay politika at ekonomiya ng lipunan. Walang ganyang pangyayari sa kasaysayan ng lipunan. At ganun din sa kapitalismo. Ang maranasan ng sangkatauhan ay walang hanggang mas malalang mga kaguluhan, gutom, kahirapan, mabilis na pagkasira ng kalikasan at matinding kalamidad, at digmaan, pagkabulok ng kultura at moralidad ng buong lipunan[5].
Sa kasalukuyan, ang nasaksihan natin ay ang mga kongkretong manipestasyon na nasa yugto ang sistema na babagsak ito. Pero hindi rin dapat maliitin ang nalalabi pang mga maniobra ng burgesya upang panatilihing buhay ang naghihingalong pasyente. Ang tiyak, mamamatay din ang pasyente.
Ang bawat maniobra ng burgesya ay temporaryo lamang sublit patindi ng patindi ang epekto sa uring manggagawa at populasyon. Ang mga epektong ito ay dalawa ang ibubunga: Una, mamulat sa sarili ang uri, organisahin nila ang kanilang sarili at ibagsak ang sistema. Ikalawa, mawalan ng tiwala sa sarili ang uri, makaramdam ng matinding demoralisasyon at kawalan ng kapangyarihan, at mangingibabaw ang "bawat isa para sa kanyang sarili" at "bawat isa laban sa isa't-isa".
Sa kasaysayan ng makauring pakikibaka, may mga panahon na nakaramdam ng kawalan ng tiwala sa sarili ang uri: Noong namayagpag ang Stalinismo sa loob ng 50 taon. Muli lamang bumangon ang proletaryado noong huling bahagi ng 1960s na sinindihan ng manggagawang Pranses - 1968 ng Mayo. Muli na namang nademoralisa ang uri ng bumagsak ang imperyalistang USSR at bloke nito sa Silanagan noong 1990s dahil na rin sa propaganda ng Kanan at Kaliwa na "sosyalistang kampo ang bloke ng USSR". Muling bumangon ang militansya ng internasyunal na proletaryado noong 2003 hanggang ngayon.
Subalit nanatili ang "alas" ng burgesya sa loob ng kilusang paggawa - unyonismo, parliyamentarismo, gerilya-ismo, nasyunalismo at demokrasya - na ang tanging layunin ay hindi durugin ang kapital kundi repormahin lamang. Ang alas na ito ang palaging nagbibigay ng demoralisasyon sa uri dahil matapos ang mga "tagumpay" nila sa pamamagitan ng "alas" ng burgesya, ay nanatili pa rin silang pinagsamantalahan at pinahirapan ng kapital[6].
Sa pangkalahatan, nanatiling lumalaban ang uring manggagawa sa mga atake ng kapital. Makikita natin ito sa iba't-ibang malawakang pagkilos ng uri sa iba't-ibang bahagi ng mundo laluna mula noong 2003. Pero maliit na minorya pa lamang, bagamat dumarami na, ang naniwalang kailangan at posible ng ibagsak ang sistema at itayo ang komunistang lipunan. Nanatiling dominante pa rin ang burges na ideolohiya sa loob ng militanteng hanay ng manggagawa laluna ang kaisipang "kailangan muna dumaan sa burges-demokratikong yugto" ang atrasadong kapitalistang mga bansa bago ang sosyalismo; "kailangang gamitin ang lahat ng porma ng pakikibaka, kabilang na ang mga burges na porma" para mamulat ang uri.
Kaya kailangang muling ipaalala sa malawak na masa ang karanasan at mga aral mula sa kanilang kasaysayan sa panahon ng imperyalismo kung ano ang nangyari sa mga pakikibakang dumaan sa "burges-demokratikong yugto" at sa "paggamit sa mga burges na porma ng pakikibaka": unyonismo, parliyamentarismo, terorismo at gerilya-ismo.
Kongklusyon
Ang krisis sa kasalukuyan ay hindi simpleng krisis sa utang o krisis pinansyal. Ito ay manipestasyon lamang at kongkretisasyon ng kawalang solusyon sa krisis sa sobrang produksyon ng kapital. Hindi na kayang bilhin ng sistema ang kanyang labis-labis na produkto at wala na itong makitang mga lugar na hindi pa integrado sa pandaigdigang kapitalistang pamilihan. Hindi na kayang bayaran ng mundo ng kapital ang utang nito at hindi na ito makaiwas sa ibayong pangungutang. Isang ilusyon ang pag-iisip na maaring iiral ang kapitalismo na walang utang. At habang mayroong krisis sa sobrang produksyon, hindi maglaho ang krisis sa utang sa panahon ng imperyalismo.
Hindi na pagreporma sa sistema ang daan para wasakin ito, gaya ng obhetibong realidad noong 19 siglo. Ang tanging daan sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ay wasakin ito sa pamamagitan ng sosyalistang rebolusyon at diktadura n proletaryado. Ang pagpipilian ng uring manggagawa at masang anakpawis ay dalawa na lamang: Sosyalismo o Tuluyang Pagkawasak ng Mundo.
Ang kabuluhan ng mga kagyat, depensiba at pang-ekonomiyang pakikibaka ng uring manggagawa ay maging daan ito para makita nila na wala ng maaasahan sa sistema at sa mga pampulitikang institusyon nito. Para mapaatras kahit temporaryo lamang ang mga atake ng estado at kaaway sa uri, ang tanging paraan sa kasalukuyan ay ang malawakang pagkakaisa ng buong masang anakpawis sa mga pakikibaka sa lansangan at pangmasang welga hindi sa mga taktikang unyonismo, parliyamentarismo at gerilya-ismo.
At ang binhi para dito ay ang mga asembliya na itatayo mismo ng masang anakpawis; mga asembliya[7] na pinakita sa kasalukuyan ng masang anakpawis sa Espanya laban sa panghihigpit ng kanilang "sosyalistang" gobyerno; mga asembliya kung saan malayang nagdiskusyon at debate ang libu-libo o daang libong masa na lumahok sa pakikibaka para suriin ang sitwasyon at ilatag ang mga hakbangin laban sa mga atake ng kapitalismong malapit ng mamamatay. Ang mga binhing ito ay kailangang payabungin ng minoryang[8] lumitaw at umunlad sa pakikibaka mismo.
M3, Agosto 30, 2011
[1] Sa 2010 ang Pilipinas ang ika-36 pinakamalaking eksporter papuntang Amerika. Noong 2010 bumili ang Amerika ng mga produktong galing ng Pilipinas na nagkahalaga ng US$8.0 bilyon (17.5% na pagtaas) sa 2009, at tumaas ng 40% mula 1994.
[2] Sumambulat nga ang krisis sa utang sa mga abanteng bansa laluna sa Amerika.
General Government Debt as a Percentage of GDP - Source: Bank of International Settlements
|
2007 |
2010 |
2011 (est) |
Germany |
65% |
82% |
85% |
Portugal |
71% |
91% |
97% |
Ireland |
28% |
81% |
93% |
Italy |
112% |
127% |
130% |
Greece |
104% |
123% |
130% |
Spain |
42% |
68% |
74% |
Japan |
167% |
197% |
204% |
United Kingdom |
47% |
83% |
94% |
United States |
62% |
92% |
100% |
[3] Noong 1983 ang dayuhang utang ng Pilipinas ay US$24.4 bilyon. Sa loob ng halos 30 taon ay halos tumaas ito ng mahigit 100%!
[4] Mas ditalyado at komprehensibo ang "Akumulasyon ng Kapital" sa pag-aaral sa imperyalismo kaysa kay Lenin, sa kanyang "Imperyalismo: Huling Yugto ng Kapitalismo".
[5] Mas makikita ang kabulukan ng sistemang nasa yugto na ng kanyang pagbagsak sa kabulukan ng nagingibabaw na kultura at moralidad ng lipunan. At ang mga manipestasyon nito ay makikita natin sa hanay ng kabataan - droga, gangs, riots at mga katulad. Sa madaling sabi, ang lumpenisasyon ng lipunan na mabilis na umiimpluwnesya kahit sa hanay ng masang manggagawa laluna sa kabataang manggagawa.
[6] Sa ngalan ng "sosyalismo na may pambansang katangian" ay labis na pinagsamantalahan ng mga kapitalismo ng estado sa China, Vietnam, North Korea, ng dating bloke ng USSR, at iba pang "sosyalistang" bansa ang uring manggagawa para makamit ang "pambansang industriyalisasyon". Sa ngalan ng pambansang kaunlaran ay ginawang alipin ang proletaryado ng mga partidong siyang magdadala sa kanila sa "paraiso ng sosyalismo".
[7] Noong 1980-81, tatlumpung(30) taon na ang nakaraan, nagtayo din ng mga asembliya ang mga manggagawang Polish upang labanan ang mga atake ng stalinistang partido at mga unyon nito sa kanilang pamumuhay.
[8] Ang ibig sabihin ng minorya ay ang seksyon ng uring manggagawa na namulat dahil sa kanilang karanasan mismo sa pakikibaka na ang unyonismo, parliyamentarismo, gerilya-ismo, terorismo, nasyunalismo, demokrasya at iba pang burges na ideolohiya ay ganap ng balakid sa pag-unlad at sa aktwal ay naging katulong ng burgesya upang ilihis at pahinain ang proletaryong pakikibaka.