Submitted by Internasyonalismo on
Ang ZTE scandal ay nakitaan ng mga maniobra ng imperyalistang Tsina sa kanyang pagtatangkang makakuha ng mas malaking merkado sa Pilipinas kaysa dati nitong nakuha na at sa patagong maniobra naman ng imperyalistang Amerika para pigilan ang anumang plano ng karibal nitong imperyalista. Sa ganitong balangkas din ang maniobra ng imperyalistang Hapon sa JPEPA. Sa kabila na isang ‘alyado’ ng imperyalistang Amerika ang bansang Hapon dito sa Asya, dahil sa matinding krisis na naranasan nito sa kasalukuyan ay mangingibabaw pa rin ang ‘one against all’ na kalakaran ng lahat ng mga bansa sa panahon ng dekadenteng kapitalismo. Sa madaling sabi, kanya-kanyang diskarte para maisahan at maungusan ang lahat ng mga karibal.
Sa panahon ng pagkaagnas ng dekadenteng kapitalismo na nagsimula sa pagbagsak sa pinakamasahol at pinakamarahas na porma ng estado kapitalismo sa mundo – ang Stalinismo – sa Rusya at Hilagang Yuropa, naglaho na ang anumang ‘internasyunal na alyansa’ at lubusan ng nangingibabaw ang ‘isa laban sa lahat’.
Ganun pa man, malinaw din na may komon na pagkakaisa sa ngayon ang bansang Hapon at Amerika: labanan ang agresibong panghihimasok ng Tsina sa Asya hindi para palakasin ang ‘alyansa’ ng Hapon at Amerika sa Asya kundi para sa kani-kanilang pansariling imperyalistang interes.
Sa panahon ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo, walang pantay na ugnayang panlabas at kalakalan. Bawat pambansang burgesya sa bawat bansa (kasama na ang Pilipinas) ay walang ibang layunin sa kanyang pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa kundi makakuha ng mas paborableng konsesyon para sa kanyang sariling pambansang kapitalistang interes sa ilalim ng karatulang nasyunalismo, patriyotismo o ‘sosyalismo’. Dahil lahat ng mga bansa ay ganito ang katangian, tiyak ang makakuha ng mas paborableng konsesyon ay ang mas makapangyarihang imperyalistang gangster.
Ang imperyalistang tunggalian na nakikita natin sa mga nangyaring maniobrahan sa ZTE at JPEPA ang nais itago sa moro-moro at pa-pogi na senate investigation sa burges na estado ng Pilipinas na pinakikintab ng mga aksyong masa ng iba’t-ibang Kaliwang grupo sa ilalim ng isyu ng korupsyon. Tandaan natin na hinahatak ng senado ang publiko sa simpleng mga isyu ng corruption at ‘pagyurak’ sa soberanya ng bansa. Higit sa lahat, nais lamang isisi ang mga pangyayari sa isang paksyon ng burgesya – sa paksyong Arroyo. Nakakatawa dahil alam naman nating lahat na kung ang anti-Arroyong paksyon ang nasa Malakanyang ngayon tiyak ganun din ang gagawin nila.
Pero hindi lang ang imperyalistang tunggalian ang nakikita natin sa mga iskandalong ZTE at JPEPA. Nakikita din natin kung ano na ang kasalukuyang katangian ng lahat ng estado sa buong mundo sa panahon ng dekadenteng kapitalismo: TOTALITARYANISMO.
Para tangkaing isalba ang hindi na mapigilang pagbulusok-pababa ng kapitalismo at ng paglala ng tunggalian ng mga panlipunang pwersa, naobliga ang burgesya na ibigay sa estado ang absolutong kapangyarihan dahil ito na lamang ang huling maaasahan para subukang iligtas ang naghihingalong sistema. Kaya magmula 1914 nakikita na ang paglitaw ng isang totalitaryan na estado sa makapangyarihang mga bansa at kalaunan lumaganap sa lahat ng mga bansa (atrasado man ito o abante). Ibig sabihin, ang aboslutong pagkontrol ng estado sa buhay panlipunan ay hindi simpleng suhetibong kagustuhan ng isang lider o isang paksyon kundi ito ang obhetibong bunga ng isang sistema na nasa permanenteng krisis na.
Sa kongkreto, makikita ito sa absolutong kapangyarihan ng executive branch ng estado – ito man ay sa anyo ng ‘demokrasya’ o diktadura. Hindi lang ito makikita sa Nazi Alemanya, Pasistang Italya, Imperyalistang Hapon, Stalinistang Rusya, Maoistang Tsina at mga katulad nila kundi maging sa demokratikong Amerika, Britanya at Pransya at mga katulad nila. Sa Pilipinas naman, hindi lang ito nakikita sa panahon ng pasistang diktadurang Marcos kundi maging sa liberal-demokratikong rehimeng Aquino.
Ngayon, sa ilalim ng rehimeng Arroyo makikita ang totalitaryanismo ng estado sa EO 464 at sa ‘executive previlige’ na iginigiit ng executive branch sa legislative branch. Ang parlyamento ay isa na lang rubber stamp ng ehekutibo subalit laging may palamuting oposisyon para may demokrasya. Isang kongkretong halimbawa sa Pilipinas ay kung paano bumalimbing ang mayorya ng mga mambabatas sa pampulitikang partido ng kasalukuyang president na nakaupo sa Malakanyang. Sa panahon ni Marcos ay KBL, kay Erap ay PMP at kay GMA ay Lakas-Kampi. Ang executive branch din ang may kapangyarihan ng panunuhol sa mga mambabatas: EPIRA at ngayon naman laban sa impeachment kung saan napabalitang namigay ang Malakanyang ng P200,000 hanggang P500,000 sa 190 mambabatas na alyado nito.
Sa ilalim ng totalitaryan na estado, ang mga polisiya at patakaran, maging ang mga batas ay kadalasan ginagawa muna sa likod ng publiko. Kaya naman bahagi ng parlyamentarismo ang lobbying at pakipag-usap ng iba’t-ibang grupo kabilang na ang Kaliwa sa mga politiko. Aling paksyon man ng burgesya ang nasa Malakanyang tiyak hindi nito maiwasan ang totalitaryanismo ng estado at ng ehekutibo sa partikular dahil sa isang panlipunang sistema na nasa permanenteng krisis ito na lamang ang huli at tanging nalalabing paraan para di-tuluyang mawasak.
Maging ang Beneswela sa ilalim ni Hugo Chavez na ginawang ‘modelo’ at ‘inspirasyon’ ng iba’t-ibang Kaliwang grupo ay hindi nakaiwas sa katangian ng estado sa panahon ng dekadenteng kapitalismo. At sa bawat radikal na pananalita ni Chavez para sa ‘sosyalismo’ at laban sa ‘imperyalismo’ lalong nalalantad sa mata ng manggagawang Venezuelan at buong mundo ang matatalim na pangil ng kapitalismo ng estado.
Sa madaling sabi, lahat ng mga estado ngayon ay totalitaryan ang katangian kahit sino o ano pang grupo o partido ang nakaupo. Ito ang isa sa katangian ng dekadenteng kapitalismo. At isang panlilinlang sa masa kung sabihin natin sa kanila na ‘hakbang pasulong’ sa pagpapahina ng estado ang pagpatalsik kay GMA at papalitan lamang ng isang paksyon ng burgesya o ng oposisyon habang nanatiling intact ang nangangamoy na kapitalistang sistema sa anyo man ito ng ‘transitional government’ o ‘coalition government’ kasama ang burges na oposisyon.
Diktadura man ng isang paksyon ng burgesya o demokratikong porma ng gobyerno sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo ay pareho lamang ang talas at haba ng mga pangil laban sa masang anakpawis. Kapwa sila ay diktadura ng mapagsamantalang uri sa lipunan. Para mapalaya ang uring manggagawa at masang mahihirap kailangang madurog ang burges na estado, Kanan o Kaliwa man ang nasa kapangyarihan.
Sa punto-de-bista ng uring manggagawa, ang kapangyarihan pampulitika ay wala sa estado kundi nasa sariling pagkakaisa at lakas nito – sa KONSEHO NG MGA MANGGAGAWA.