Masaker sa Maguindanao: Pagkaagnas ng Kapitalistang Sistema

Bersyon na maaaring i-print

Nagulantang ang buong mundo sa nangyaring masaker sa Maguindanao nitong Lunes, Nobyembre 23. Limampu't pito (57) ang kumpirmadong karumal-dumal na pinatay ng mga armadong salarin.

Mariing kinondena ng lahat ang nangyaring masaker.

Dekadenteng kapitalismo: walang humpay na magluluwal ng karahasan

Sa panahon na ang naghaharing sistema ay nasa kanyang pagbulusok-pababa na, titindi din ang marahas na bangayan ng ibat-ibang paksyon ng naghaharing uri. Ito ang makikita natin sa kasaysayan magmula noong sinaunang lipunang alipin. Ang dekadenteng kapitalismo ay pumatay ng mahigit 100 milyon sa dalawang pandaigdigang imperyalistang digmaan. Hindi pa kasama dito ang mga lokal at rehiyunal na mga digmaan sa ibat-ibang sulok ng mundo na lumalawak at tumitindi ngayon laluna sa Gitnang Silangan. Lahat ng ito ay dahil sa paksyunal na tunggalian ng ibat-ibang paksyon ng mapagsamantalang uri.

Tuloy-tuloy ang pagtindi ng barbarikong karahasan ng mga tunggalian ng ibat-ibang paksyon - sa loob ng Kanan, sa loob ng Kaliwa, at sa pagitan ng Kanan at Kaliwa. Mas matindi ito sa mga atrasadong bansa gaya ng Pilipinas kung saan ang "makalumang" pamamaraan ng warlordismo sa panahon ng pyudalismo ay ginagamit pa rin ng mga modernong kapitalista sa lokal na antas - sa kani-kanilang mga teritoryo. Mga malalaking kapitalista-haciendero ang may sariling pribadong hukbo, mga mersenaryo na ang katapatan ay papatay para sa kanilang amo na nagbibigay sa kanila ng malalaking pera at sweldo. Ang mga makabagong warlords na ito ay siya ring mga political warlords sa kani-kanilang "lokal na kaharian". Sila ang sinasandalan ng lahat ng mga politiko na nagnanais makaupo sa mga pambansang posisyon laluna sa pagka-pangulo ng bansa. Ganito na ang kalakaran sa Pilipinas magmula pa 1940s.

Barbarismo sa lipunan: tanda ng pagiging inutil ng naghaharing uri at estado

Sa panahon na progresibo pa ang isang moda ng produksyon, progresibo din ang naghaharing uri. Sa pangkalahatan, ang kanyang paghahari ay nagbibigay ng "pangkalahatang kapayapaan" sa tunggalian ng ibat-ibang paksyon nito. Bakit? Dahil malawak pa ang maaring paghahatiang yaman sa lipunan sa ilalim ng isang sumusulong na moda ng produksyon.

Subalit, sa panahon na nasa permanenteng pagbulusok-pababa na ang sistema, mismong ang buong naghaharing uri at ang estadong inaasahan nitong maging "regulator" sa mga tunggalian sa lipunan ay mabilis na rin na nawalan ng kapasidad upang igiit ang rasyunalidad ng sistemang pinagtatanggol nito. At sa pagpasok ng dekadenteng kapitalismo sa kanyang yugto ng pagkaagnas (dekomposisyon) mula noong 1980s, lubusan ng nawalan ang lipunan ng anumang natitirang rasyunalidad at moralidad kahit batay sa burges na istandard. Lubusan ng sumabog ang rasyunalisasyon sa lahat ng mga bagay sa ilalim ng isang lipunang naghihingalo na. Tuluyan ng nawala ang anumang mistipikasyon ng demarkasyon sa pagitan ng pasistang diktadura ng isang tao at sa demokratikong kaayusan. Ganap ng nalantad na ang sinasabing demokrasya ay kabilang mukha lang pala ng diktadurang burges.

Inamin mismo ng burges na mga tagasuri na ang nangyari sa Maguindanao ay walang katulad sa kasaysayan ng Pilipinas, kahit noong panahon ng diktadurang Marcos. Pinabulaanan ng masaker sa Maguindanao ang pinagyayabang ng mapang-aping uri sa Pilipinas na ang demokratikong sistema ay may kaibahan sa pasistang diktadura ni Marcos.

Ipokrasya ng naghaharing uri sa buong mundo

Luha ng buwaya naman ang pinakita ng estado at ibat-ibang paksyon ng burgesya sa nangyaring karahasan sa Maguindanao. Kinundena nila ito pero tinatago naman ang tunay na dahilan, ang punot-dulo ng ganitong karahasan.

Ang makapangyarihang imperyalistang mga bansa na modelo ng demokrasya ay mabilis pa sa alas kwatro na naglabas ng pahayag ng pagkondena, gayong ang mga bansang ito mismo ang dahilan ng karahasan noong WW I at II at sa Gitnang Silangan at Aprika sa kasalukuyan. Ang pagkondena ng imperyalistang Amerika at Britanya, kasama na ang asosasyon ng mga magnanakaw - United Nations - ay kasuklam-suklam dahil ang Amerika at Britanya ang nagunguna sa barbarikong karahasan ngayon sa Gitnang Silangan.

Ang rehimeng Arroyo ay kung anu-anong pakulo ang dineklara - "national day of mourning", "national day of prayer", "state of emergency", "walang sisinuhin at sasantuhin sa ilalim ng batas", blah blah blah.....

Ang burges na oposisyon naman at Kaliwa ay nagkakaisang tinuturo at sinisisi ang naghaharing paksyon na nakaupo sa Malakanyang ngayon upang maging dagdag puntos sa kanilang ambisyong papalit sa kapangyarihan o kaya para mas dadami pa ang kanilang mga representante sa loob ng estado at parliyamento.

Tulad ng dati: ginagamit ng Kanan at Kaliwa ang anumang isyung malapit sa masa para sa kani-kanilang pansariling interes.

Ang tanong: aling paksyon ba ng naghaharing uri - administrasyon at oposisyon, Kanan at Kaliwa - ang hindi umaasa at nakasandal sa mga warlords at armadong grupo? Alin ba sa kanila ang hindi lumapit, nakipag-usap at nakipag-alyansa sa mga armadong grupong ito laluna sa panahon ng mga eleksyon? Silang lahat ay sumandal at nakipag-alyansa sa mga ito o kaya nagtatayo mismo ng kanilang pribadong hukbo!

Kahit ang angkang Mangudadatu, ang pangunahing biktima sa masaker sa Maguindanao ay isa ring angkan ng mga warlords, at kakutsaba ang isa pang angkan ng mga warlords - mga Ampatuan - ay naghasik ng malawakang pananakot at pandaraya sa Maguindanao noong eleksyong 2004 para manalo sa kanilang probinsya ang paksyong Arroyo.  

Higit sa lahat, ang estado mismo na pinag-aagawan nilang pasukin at kontrolin ang may hawak ng pinakamalakas at pinakamakapangyarihang pribadong hukbo ng naghaharing uri!

Ang Maguindanao masaker ay hindi ang katapusan ng mga karumal-dumal na patayan. Ito ang simula ng mga mas barbarikong karahasan. Ang pangingibabaw ng bulok na ideolohiyang burges sa lipunan - "isa laban sa lahat" at "bawat isa para sa kanyang sarili" - ang magtulak sa ibat-ibang paksyon ng burgesya, na dati magkaalyado na marahas na magpatayan para sa kani-kanilang interes laluna sa liblib na mga lugar.

Malinaw ito sa nangyari sa Maguindanao: ang angkang Mangudadatu at angkang Ampatuan, ang dalawang makapangyarihang warlords sa Maguindanao, na dati magkaalyado, ay magkaaway ng mortal ngayon. Katunayan, ang angkang Ampatuan ang pangunahing pinagdududahang utak sa nangyaring masaker sa Maguindanao.

Hindi na tayo magtaka kung ang angkang Mangudadatu, na kaalyado ngayon ng partido ng administrasyon ay lilipat sa oposisyon kung hindi sila makumbinsi sa "hustisyang" ipapataw ng rehimeng Arroyo. At malaki ang posibilidad na ngayon pa lang ay gumagapang na ang burges na oposisyon para kumbinsihin ang angkang Mangudadatu na kumampi sa kanila.

Tunay na kapayapaan makamit lamang matapos ibagsak ang kapitalismo at estado nito

Ang dekadenteng kapitalismo ay walang katapusang digmaan, karahasan at kaguluhan.

Sa mga karahasang nangyayari ngayon, ang laging unang biktima ay ang mahihirap na mamamayan. Nagpapatayan sila hindi para sa kanilang makauring interes kundi para sa interes ng mga paksyon ng burgesyang kanilang sinusuportahan. Higit sa lahat, sa mga karahasang ito, nadadamay ang mga inosenteng masa.

Lahat ng pagtuligsa ng Kanan, Kaliwa, media, Simbahan at imperyalistang kapangyarihan iisa ang layunin: palakasin ang estado para kontrolin ang buong lipunan. Para sa kanila, ang estado lamang ang tangi at may kapangyarihan para maibalik ang "kapayapaan" at "normalidad" sa lipunan. Solusyon na magbunga lamang ng mas matinding marahas na bangayan at mas karumal-dumal na patayan dahil sa panahon ng pagkaagnas ng sistema, lubusan ng inutil ang estado para "kontrolin" ang mga tunggalian sa lipunan. Katunayan, ito pa ang punot-dulo ng lahat ng karahasan sa lipunan.

Ang tanging may kapasidad para makamit ang kapayapaan sa lipunan ay rebolusyonaryong uring manggagawa; ang uring may istorikal na misyong wakasan ang lahat ng pagsasamantala. Magagawa ito ng uri kung titindig ito bilang independyenteng  uri na nasa unahan ng pakikibaka ng lahat ng pinagsamantalahang mga uri ng kapital.

At ang unang hakbang dito ay ibagsak ang estado.

Ang panawagan ng mga komunista sa Pilipinas sa manggagawang Pilipino: walang suportahan sa alinmang naglalabanang mga paksyon ng kaaway sa uri. Huwag magpagamit sa anumang paksyon ng kaaway. Isulong ang sariling kilusan laban sa bulok na kapitalistang sistema at sa estado nito.

INTERNASYONALISMO

Nobyembre 26, 2009