Submitted by Internasyonalismo on
Sa gitna ng desperadong pagsisikap ng internasyunal na burgesya na pigilan ang tuloy-tuloy na pagbulusok-pababa ng sistema sa pamamagitan ng pagpapatindi sa mga atake nito sa uring manggagawa, ang Mayo Uno sa taong ito ay hindi lang simpleng internasyunal na araw ng mga protesta at demonstrasyon laban sa pandaigdigang kapitalismo kundi oportunidad para halawin ang mga aral sa pakikibaka ng uri laban sa mga atake ng kapital mula 2007.
Ang mga aral na ito ang pilit tinatago ng Kanan at Kaliwa ng burgesya. Ang una, sa pamamagitan ng hayagang pagtago na lumalawak ang paglaban ng manggagawa sa maraming bansa. Kung napilitan man itong ilabas sa media ay "riots, karahasan at kagagawan ng iilang marahas na elemento" ang pagsalarawan nito para takutin ang masa o bigyang katuwiran ang marahas na pagsupil ng estado. Ang huli, sa pamamagitan ng distorsyon sa mga aral at sa tunay na dinamik ng mga pakikibaka.
Kapwa ang Kanan at Kaliwa ng kapital ay takot at gustong pigilan ang paghahanap ng mga manggagawa ng pakikiisa at ekstensyon ng laban sa pinakamaraming pabrika at "sektor" ng paggawa. Kaya ganun na lang ang kanilang pagsisikap na pigilan na malaman at maunawaan ng pinakamalawak na manggagawa laluna sa mga bansa gaya ng Pilipinas ang mga aral ng pakikibaka ng mas militanteng praksyon ng internasyunal na uri sa Uropa.
Ngayong Mayo Uno, dapat muli nating igiit na ang proletaryado ay isang internasyunal na uri at ang pakikibaka natin para sa sosyalismo ay internasyunal na pakikibaka.
Naghahanap ng malawakang pagkakaisa ang mga manggagawa sa gitna ng pakikibaka
Sa panahon ng hayag na makauring tunggalian, naghahanap ng malawakang pagkakaisa ang proletaryado. Ang mga pinakahuling paglaban ng uri ay nakitaan ng paghahanap ng pakikiisa sa ibang mga pabrika at "sektor" ng paggawa. Ito ay nasaksihan natin sa Greece, Britain, France, Iceland, Ireland, Italy, USA, at iba pang bansa simula ng sumabog ang pandaigdigang krisis noong 2007.
Sa Greece, pinangunahan ng mga kabataan ang malawakan at militanteng pagkilos laban sa mga atake ng estado at naghaharing uri. Sa taong 2007 pumutok ang mga labanan sa kalsada at mga okupasyon sa mga unibersidad at himpilan ng unyon. Libu-libong mga kabataan at manggagawa ang lumahok sa mga pagkilos at labanan sa lansangan hanggang ngayon. Ang pinakatampok nito ay ang okupasyon ng mga manggagawa sa punong-himpilan ng sentrong unyon sa Greece - GSEE - dahil sa kanilang pagkamuhi sa pananabotahe ng mga unyon sa pakikibaka. Nasundan pa ito ng ilan pang mga okupasyon sa himpilan ng mga unyon. Ang okupasyon bilang porma ng pakikibaka ay lumaganap sa ibang bansa - USA, Poland, Britain, at iba pa.
Sa Britain naman, nangyari ang malawakang "iligal" (wildcat) na mga welga ng mga manggagawa para ipagtanggol ang trabaho. Nagsimula ito sa planta ng langis sa Lindsey at lumawak sa ibang mga planta ng langis, elektrisidad, konstruksyon at kemikal. Ang pinakatampok dito ay ang pagtutol ng mga nagwelgang manggagawa sa maniobra ng unyon na igapos ang pakikibaka sa nasyunalismo - laban sa mga manggagawang hindi Britons sa ilalim ng islogang "trabaho para sa manggagawang British". Sa halip, giniit ng mga manggagawa ang pagkakaisa ng manggagawang British at migranteng manggagawa para ipagtanggol ang trabaho. Laban sa nasyunalismo, giniit ng mga manggagawa ang internasyunalismo - "manggagawa sa daigdig, magkaisa!". Ang pinakahuli ay ang okupasyon ng mga manggagawa sa mga planta ng sasakyan ng Visteon sa Belfast, Enfield at Basildon. Umani ng suporta sa ibang mga manggagawa ang okupasyong ito at natransporma ang okupasyon bilang pulong-masa ng iba't-ibang manggagawa mula sa iba't-ibang "sektor".
Sa France, sumabog noong Enero taong ito ang malawakang welga ng libu-libong manggagawa sa Guadeloupe, Martinique at La Réunion para sa trabaho, pagtaas ng sahod at iba pang benepisyo. Tunay na nanalo ang pakikibaka ng uri dahil binigay ng estado ang halos lahat na mga kahilingan nila na walang konsesyon. Sa kabila ng pagkontrol ng unyon, direkta ang partisipasyon at pagsubaybay ng mga manggagawa sa negosasyon sa pamamagitan ng "full media coverage" sa negosasyon. Salungat ito sa nais ng unyon at mga kapitalista na negosasyon sa pagitan lamang nila habang nakaantabay lamang sa labas ang masang nakibaka.
Kung sumahin, ang kasalukuyang laban ng mga manggagawa ay nakitaan sa sumusunod:
-
Pagkakaisa sa pamamagitan ng mga welga ng pakikiisa, demonstrasyon, pulong-masa at asembliya. Panawagan na lumahok sa pakikibaka ng isang pabrika ang iba pang pabrika. At hindi lang simpleng panawagan. Ang mga nagwelgang pabrika ay nagpadala ng mga delegasyon sa ibang mga pabrika para kumbinsihin sila na lumahok sa pakikibaka. Nagawa ito ng uri dahil "nilabag" nila ang mga anti-manggagawang batas ng estado sa malawakang paraan. Naging makapangyarihan ang "iligal" na welga sa sandaling ilulunsad ito ng sabayan o sunod-sunod ng maraming pabrika. Ginawa na ito ng internasyunal na proletaryado noong 1970s at 1980s kabilang na sa Pilipinas.
-
Okupasyon sa mga pabrika, unibersidad at iba pang himpilan ng reaksyon. Subalit ang mga okupasyong ito ay kaiba sa nakaraang praktika ng uri ilang dekada na ang nakaraan. Ang okupasyon noon ay inihiwalay ng manggagawa ang sarili sa iba pa nitong kapatid sa uri. Parang ikinulong nito ang sarili sa loob ng pabrika. Natuto mismo ang manggagawa sa kanilang sariling karanasan. Ang mga okupasyon ngayon ay naging sentro para sa mga malawakang pulong-masa at asembliya na siyang nag-uusap at nagdedesisyon sa takbo ng laban.
-
Internasyunalistang pakikiisa. Nanawagan ang mga kabataan at manggagawa sa Greece, sa pamamagitan ng kanilang mga polyeto at panawagan sa internet ng internasyunal na aksyon. Nakiisa ang mga migranteng manggagawa sa pakikibaka ng manggagawang Britons habang sinusuportahan naman ng huli ang kahilingan ng una. Dahan-dahan, nakikita ng masa ng uri mismo ang pangangailangan ng internasyunal na pagkakaisa kung nais nilang manalo laban sa mga atake ng kapital.
-
Lumalaking papel ng mga pulong-masa at asembliya sa pagdesisyon sa takbo ng laban at lumiliit na impluwensya o nahihirapan na ang unyonismo na kontrolin ang pakikibaka ng uri.
Papel ng mga unyon: pananabotahe sa pakikibaka
Sumusulong ang mga pakikibaka ngayon sa pandaigdigang saklaw hindi dahil sa unyonismo o sa pamumuno ng Kaliwang mga partido kundi sa kabila ng kanilang kontrol at pamumuno. Ang mga pakikibaka ng manggagawa sa Uropa mula noong nakaraang taon ay nakitaan ng tendensya ng pagtutol at hindi pagsunod sa direktiba ng mga unyon na "namuno" sa kanila o kaya ay ginigiit ang kapasyahan ng mga pulong-masa o asembliya.
Ang pinakahuling pananabotahe ng unyon ay nangyari sa Visteon kung saan pinahinto nito ang okupasyon ng manggagawa para humarap sa negosasyon ang Ford. Ang resulta, isang proposal ang nabuo na hindi pabor sa manggagawa. Ito ay kinilala ng mga manggagawa na isang "insulto" sa kanila.
May kahalintulad din na karanasan sa pananabotahe ng unyon sa Pilipinas nitong nakaraang mga buwan: dineklara ng unyon na "tagumpay" at ginawang "modelo" ng Kaliwa ang pagkatalo ng mga manggagawa sa Giardini del Sole sa Cebu. Sa unang araw ng welga pinagtatanggol ng mga manggagawa ang kanilang trabaho laban sa tanggalan na nais ng kapitalista. Nagtapos ang welga sa isang "matagumpay" na negosasyon ng unyon at kapitalista: tanggalin ang halos 200 manggagawa!
Kung meron mang tagumpay na dapat matutunan sa pakikibaka sa Giardini del Sole ito ay ang militanteng paglaban nila sa pamamagitan ng "pagsuway" sa batas ng estado. Ang "iligal" na welga ng mga manggagawa sa Giardini del Sole ay militanteng pagtutol sa tanggalan at pagtatanggol sa trabaho. Nasa pagiging "iligal" ng welga ang tunay na lakas ng manggagawa sa panahon ng matinding krisis ng sistema. Natalo ang mga manggagawa dahil nag-iisa lang sila sa kanilang laban hindi dahil "iligal" ang welga nila. Hindi nila nakumbinsi ang ibang pabrika na lumaban dahil unang-una, hindi naman ito ang tunay na layunin ng unyon at ng Kaliwang partido na "namuno" sa kanila. Ang mga unyon na kanilang sinandalan at inaasahan ay sumusunod sa anti-manggagawang mga batas ng estado at walang interes na maglunsad ng mga pakikiisang pakikibaka o maglunsad ng pakikibaka sa kani-kanilang pabrika. Natalo sila dahil ang pagdedesisyon sa kanilang laban ay pinaubaya nila sa unyon at sa partido ng Kaliwa at ang "simpatiya" ng ibang pabrika ay hindi natransporma sa pakikibaka ng pakikiisa.
Sa pangkalahatan, ang layunin ng unyon ay negosasyon sa kapitalista na nakabatay sa "kapasidad" ng huli at para sa preserbasyon ng pambansang ekonomiya. Kaya kabilang sa "maka-manggagawang" linya ng unyon ay "ipagtanggol ang pambansang ekonomiya" laban sa mga karibal nito.
Sumusulong ang pakikibaka ng proletaryado laban sa krisis ng kapitalismo dahil una, sinikap nitong hawakan ang pakikibaka sa sariling mga kamay sa kabila ng pagtatangka ng mga unyon na kontrolin ang laban at ikalawa, sinuway nito ang mga anti-manggagawang batas ng estado. Ang mas militante at mas epektibong paglaban ng internasyunal na manggagawa mula 1970s ay nangyari labas sa kontrol at pamumuno ng mga unyon at "nilabag" ang mga batas ng estado. Ang mga manggagaawang Pilipino ay mayaman sa ganitong karanasan sa panahon ng diktadurang Marcos.
Kailangang malaman, mapag-aralan at talakayin ng manggagawang Pilipino laluna ng mga abanteng elemento ang mga aral ng mga pakikibaka ng mga kapatid na manggagawa sa ibang bansa laluna sa Uropa dahil bahagi ang manggagawang Pilipino sa isang internasyunal na uri at ang pakikibaka ng mga manggagawa sa Pilipinas ay bahagi ng internasyunal na pakikibaka ng proletaryado laban sa iisang kaaway - lahat ng paksyon ng uring kapitalista at ang mga estado nito. Kaakibat dito, kailangang ilantad ng mga rebolusyonaryong minorya sa Pilipinas ang mga distorsyon na ginagawa ng Kaliwa at unyon sa mga aral ng pakikibaka laban sa kasalukuyang krisis at sa pagsusuri mismo bakit may krisis.
Hindi tayo ililigtas at hindi tayo maliligtas ng estado
Sabi ng naghaharing uri ang krisis ngayon ay bunga ng pagkagahaman ng mga bangkero at ispekulador sa tubo. Sabi naman ng mga "eksperto sa ekonomiya", ito ay nagmula sa "maling pangagasiwa" pinansyal sa pandaigdigang saklaw. Ang Kaliwa naman, sa kabila ng bukambibig nitong ang krisis ay "krisis ng kapitalismo" ay pinagtatanggol ang sistema sa deklarasyong "kailangang palakasin pa ang panghihimasok at kontrol ng estado sa takbo ng ekonomiya at sa buhay ng lipunan".
Ang krisis ngayon ay hindi krisis ng "globalisasyon" o "neo-liberalismo" kundi krisis ng sistemang kapitalismo na naipon sa loob ng 40 taon. Hindi nagsimula ang kasalukuyang krisis noong 1980s o 1990s kundi noong 1960s. Ang krisis ngayon ay patunay na hindi nasolusyonan ng kapitalismo ng estado ang krisis ng sobrang produksyon na sumabog 40 taon na ang nakaraan. Ang krisis ngayon ay mga naipon na kombulsyon sa loob ng apat na dekada dahil sa permanenteng pagkasaid ng pandaigdigang pamilihan. Magmula 1914 wala ng bagong pamilihan ang kapitalismo dahil ganap na nitong nasakop ang mundo. Nagawang makahinga ang naghihingalong sistema dahil sa pagpapatindi ng pagsasamantala sa mga dating pamilihan, paggawa ng artipisyal na merkado sa pamamagitan ng utang at sa maksimisasyon ng pagpiga sa lakas-paggawa ng masang anakpawis.
Ngayong Mayo Uno, itatambol na naman ng Kaliwa ang linyang "anti-globalisasyon" kung saan igigiit nito na polisiyang "globalisasyon" ang dahilan ng krisis (ie, liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon). Ito sa esensya ang sinasabi nilang "krisis ng kapitalismo". Wala itong ibig sabihin kundi ang maka-kapitalistang kahilingan na "ibalik muli sa estado ang kontrol at regulasyon" ng ekonomiya. Sa esensya, ang linya ng "kilusang anti-globalisasyon" ay walang kaibahan sa aktwal na ginagawa ng mga imperyalistang kapangyarihan ngayon para "isalba" ang bulok na sistema - "neo-Keynesianismo". Ang kaibahan lang ng dalawa ay sa paggamit ng lenggwahe: Ang Kanan, kapitalismo ng estado para sa "buong sambayanan". Ang Kaliwa, para sa "uring manggagawa" o "pinagsamantalahang mamamayan".
Wala ng mas malinaw pa sa pagkahalintulad ng Kanan at Kaliwa ng burgesya kung kapitalismo ng estado ang pag-uusapan sa deklarasyon ni Hugo Chavez, ang pangulo ng Venezuela ngayon at tagapagtaguyod ng "sosyalismo sa 21 siglo" at iniidolo ng maraming Kaliwa sa buong mundo bilang "bagong modelo" ng "sosyalistang konstruksyon". Ganito ang sabi ng "sosyalista" at "anti-imperyalistang" si Chavez sa ginawa ni George Bush Jr noong 2008 para isalba ang krisis ng kapitalismo sa Amerika:
"Comrade Bush is about to introduce measures associated with comrade Lenin. The United States will become socialist one day, because its people aren't suicidal".
Ang "sosyalismo sa 21 siglo" ni Chavez ay walang kaibahan sa kapitalismo ng estado ng Stalinismo. Para kay Chavez, ang panghihimasok ng estado sa ekonomiya ay mga hakbangin para sa "sosyalistang konstruksyon".
Kailangan ng tuldukan at ganap ng itakwil ang ganitong burges na linya na nagbalatkayong "marxista" laluna sa hanay ng mga abanteng elemento sa kilusang paggawa sa Pilipinas. Hindi ang estado ang maging instrumento para makamit ang sosyalismo. Kabaliktaran: kailangang ibagsak ang estado para maitayo ang lipunang walang pagsasamantala. Napakalinaw ang paliwanag ni Engels sa kanyang ‘Anti-Duhring" kung ano ang katangian ng estado habang naghari pa ang kapitalismo sa buong mundo:
"And the modern state, too, is the only organisation with which bourgeois society provides itself in order to maintain the general external conditions of the capitalist mode of production against the encroachments either by the workers or by individual capitalists. The modern state, whatever its form, is an essentially capitalist machine; it is the state of the capitalists, the ideal collective body of all capitalists. The more productive forces it takes over as its property, the more it becomes the real collective body of all the capitalists, the more citizens it exploits. The workers remain wage-earners, proletarians. The capitalist relationship is not abolished; it is rather pushed to an extreme." (amin ang pagdidiin)
Ang krisis ngayon ay krisis ng sobrang produksyon. Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ito ay naging permanente at hindi na masolusyonan maliban sa pagdurog mismo sa sistema. Nang sumabog ang krisis sa 1960s, kontrol at panghihimasok ng estado (ie Keynesianismo at Stalinistang totalitaryanismo) ang "solusyon" ng burgesya sa Bloke ng imperyalistang Kanluran (sa pangunguna ng USA) at sa Bloke ng imperyalistang Silangan (sa pangunguna ng USSR)1. Nagdulot ito ng pagkalubog sa utang ng mga estado at nagbunga ng mga mas matitinding kombulsyon sa sistema sa 1970s at 1980s. Ang kontrol at regulasyon ng estado bilang solusyon ng burgesya sa 1970s at 1980s ay hindi nagbunga ng rekoberi sa krisis sa 1960s kundi mas malalang krisis ng sobrang produksyon.
Sa 1980s, binago ng burgesya ang kanilang "estratehiya": "Thatcherismo" at "Reaganomics", ang pinagbatayan ng "globalisasyon" sa 1990s. Pagkilala ito na palpak ang Keynesianismo at pinalitan nila ng "neo-liberalismo". Habang papunta naman sa pagkawasak ang Bloke ng Silangan (naglaho ang imperyo ng USSR sa 1990s) dahil sa patuloy na pagkapit sa Stalinistang totalitaryanismo.
Dahil ba sa pagbabago ng estratehiya ng burgesya ay totoong lumuwag o binitawan ng estado ang pagkontrol sa ekonomiya at pinaubaya na ito ng una sa mga pribadong kapitalista? OO ang sagot dito ng mga pwersang anti-globalisasyon. Ang kasinungalingang ito ay naglalantad lamang sa katotohanan na wala itong interes na ibagsak ang estado kundi nais nitong palakasin ang mga rehimen ng kapitalismo ng estado sa ngalan ng "sosyalismo" o "anti-kapitalismo".
Hindi mula sa inisyatiba ng mga pribadong kompanya o tulak ng batas ng pamilihan ang "neo-liberalismo". Ang polisiyang ito ay tinulak at ginawa mismo ng mga estado para tangkaing isalba ang sarili mula sa pagkalubog sa utang at pigilan ang lumalalang inplasyon. Hindi lumuwag o naglaho ang kontrol ng estado sa ekonomiya bagkus ay lalo pa ngang humigpit. Sa loob ng mahigit 100 taon, tuloy-tuloy ang paglaki ng papel at panghihimasok ng estado sa buhay ng lipunan dahil ito na lang ang inaasahan ng naghaharing uri para pigilang bumagsak ang sistema. Ang kapitalismo ng estado, anuman ang anyo nito, ang tanging porma ng paghari magmula ng pumasok ang sistema sa kanyang dekadenteng yugto noong unang bahagi ng 20 siglo.
Keynesianismo, "neo-Keynesianismo", Stalinistang totalitaryanismo o "neo-liberalismo", ito ay mga anyo ng kapitalismo ng estado. Ibig sabihin, hindi ang estado ang tagapagligtas ng uring manggagawa. Hindi ililigtas at hindi maliligtas ng kapitalistang estado ang uring manggagawa at iba pang pinagsamantalahang sektor sa lipunan dahil ang tanging papel nito ay ipagtanggol ang naaagnas na kapitalismo. Sa panahon ng kapitalismo ng estado, pipigain nito ang masang proletaryo sa pagsasamantala para sa maksimisasyon ng labis na halaga para sa kompetisyon sa lalong kumikipot na pamilihan. Ito ang papel ng estado, binyagan man ito ng Kaliwa na "estado ng manggagawa", "sosyalistang estado" o "gobyernong bayan".
Kung noong 19 siglo, sa panahon na sumusulong pa ang kapitalismo (panahon ng malayang kalakalan) ay parang "referee" lamang ang papel ng estado sa lipunan para "ayusin" ang mga hindi mapigilang anatagonismo sa lipunan, sa pagpasok ng 20 siglo, lantaran na ang kanyang panghihimasok at kontrol sa buhay panlipunan na binabayo ng lumalalang krisis at kombulsyon ng internal na mga kontradiksyon ng sistema.
Sa loob ng 40 taon naging inutil ang estado para isalba ang krisis ng kanyang sistema. Sa halip, ang tanging sandalan ng naghaharing uri ay nawawalan na ng maniobra para pigilan ang tuloy-tuloy na pagbulusok-pababa ng sistema.
Wala ng epektibong solusyon ang estado sa krisis ng sistema
Ang "epektibong solusyon" na pinagyayabang ng burgesya ay walang iba kundi ang palpak na solusyon nito magmula pa noong 1960s - utang. Magmula 1980s ang mga utang ay ginawang ispekulatibong pagpapautang sa napakataas na interes. Sa simula, tiba-tiba ang tubong nakulimbat mula dito subalit kailangang ilabas agad kung may oportunidad dahil sa malao't madali hindi na ito mabayaran. Sa simula, ang mga utang na ito ay parang "maningning na bituin" sa pamilihan kung saan pinag-aagawan ng mga bangko, ispekulador, gobyerno pero mabilis itong natransporma sa isang nakakahawang sakit na iniiwasan ng mga mamumuhunan. At nangyari nga: ang utang ang naging mitsa ng mas malakas na panibagong pagsabog ng naaagnas na sistema sa 2007.
Ang "bailouts" at "stimulus package" ng mga estado ay dagdag-utang para desperadong pigilan ang tuloy-tuloy na pagbulusok-pababa ng bulok na sistema. Mga utang na ang papasan at magbabayad ay ang naghihirap na populasyon. Ang mga utang ay hindi solusyon sa problema ng pagkasaid ng pamilihan at krisis sa sobrang produksyon. Kundi kabaliktaran: ito ay lalong nagpalala sa krisis ng sobrang produksyon na siyang ugat ng kasalukuyang pinakamalalim na krisis ng kapitalismo.
Ang Kaliwa na dati nanawagan ng "regulasyon" at "kontrol" ng estado sa pamilihan at ekonomiya sa panahon ng "kilusang anti-globalisasyon" bago sumabog ang krisis noong 2007 ay ganun pa rin ang linya ngayon: isalba ng estado ang uring manggagawa ("bailout the workers"), tulungan ng estado na "ariin at patakbuhin" ng mga manggagawa ang mga nabangkarotang pabrika ("workers' control") at direktang ariin ng estado ang mga batayang industriya at empresa ("nationalization"). Iba-iba man ang lenggwahe, iisa lang ang kanilang ibig sabihin: palitan ang "anti-manggagawang" kapitalismo ng estado ng isang "makabayan" o "sosyalistang" kapitalismo ng estado. At dahil eleksyon na sa susunod na taon, ang linyang isalba ng estado ang proletaryado ay gagamitin nila para lumahok ang mas maraming masang pinagsamantalahan sa burges na eleksyon at igapos ang uri sa larangan ng labanan na laging pabor sa uring mapagsamantala - ang parliyamento.
Isang ilusyon din ang kahilingang "kanselahin" ng mga estado sa "Unang Mundo" ang mga utang ng "Ikatlong Mundo". O sa madaling sabi, ideklara ng mga makapangyarihang estado na wala ng utang ang lahat ng mga bansa! Hindi naunawaan ng mga taong ito ang papel ng utang sa panahon na nasa permanenteng krisis na ang sistema: tanging ang utang na lang ang dahilan kung bakit patuloy pa ang operasyon ng industriya at komersyo. Ito na lang ang bumubuhay sa bulok na sistema at kahit sa mga estado mismo.
Ibagsak ang estado: solusyon sa krisis ng kapitalismo
Ang sistemang sahuran ang puno't-dulo ng krisis ng sobrang produksyon. Dahil sa sahurang pang-aalipin, hindi kayang ubusin (bilhin) lahat ng manggagawa ang mga produktong sila ang may likha dahil sa kapitalismo ang sahod ay maliit na bahagi lamang ng kabuuang halagang nalikha ng lakas-paggawa. Mula sa labis na halaga o halagang walang bayad nagmula ang tubo ng uring kapitalista. Sa 19 siglo nasolusyonan ang krisis sa sobrang produksyon sa pamamagitan ng paghahanap ng bagong merkado (kolonisasyon sa di-kapitalistang mga lipunan). Nang lubusan ng masakop ng kapitalismo ang mundo at nasaid na ang pandaigdigang pamilihan simula 20 siglo, naging permanente na ang krisis ng sobrang produksyon. Ang estado, anuman ang itawag dito ng Kanan at Kaliwa, ay tagapagtanggol ng sistemang sahuran.
Ang mga Unyon at partido ng Kaliwa ay laban sa interes ng uring manggagawa para ibagsak ang kapitalistang estado at itayo ang sosyalismo. Ang alibi ng Kaliwa: isagawa muna ang "minimum" na programa o "transisyunal" na programa bago ang komunistang programa ito man ay sa linyang "dalawang-yugtong rebolusyon" ng mga maoista, "tuloy-tuloy na rebolusyon" ng mga "leninista" o "permanenteng rebolusyon" ng mga trotskyista habang tuliro naman ang mga di-internasyunalistang anarkista sa kanilang linyang "lokalisadong awtonomiya" at "self-management".
Ang tindi at lalim ng kasalukuyang krisis ngayon ay patunay na sa loob ng mahigit 100 taon ay obhetibong hinog ng ibagsak ang kapitalistang sistema. Ang krisis ngayon at ang matinding epekto nito sa kabuhayan ng masang anakpawis ang siyang nagtuturo mismo sa uri kung ano ang tamang solusyon para wakasan ang krisis ng sistema: wala ng magandang kinabukasan na maibigay ang sistema at estado sa sangkatauhan kundi ibayong kahirapan, kaguluhan, digmaan at pagkasira ng kalikasan. Lubusan ng naging reaksyunaryo ang kapitalismo at ang lahat ng paksyon ng burgesya. Ang kasalukuyang krisis at ang darating pang mas malalim na krisis ang nagtuturo at magtuturo sa uri na posible at kailangan ng ibagsak ang sistema at ang estado na nagtatanggol dito.
Para sa mga komunista sa Pilipinas at sa mga elementong naghahanap ng alternatiba sa kasalukuyang krisis, mahalaga ang Mayo Uno ngayong taon. Ang mga aral sa internasyunal na pakikibaka na dapat halawin ng manggagawa Pilipino ay kailangang mahigpit na panghawakan para sa susunod na mga laban sa hinaharap. Dapat maghanda ang uri sa mga laban na sila mismo ang magdidikta at hindi ang unyon at Kanan o Kaliwa. Kung hindi man ito magkahugis sa malawakang mga welga at militanteng pagkilos sa lansangan, maaring magkaanyo ito sa pagdami ng mga grupo ng manggagawa na nagdidiskusyon sa kanilang kalagayan at paano labanan ang mga atake ng kapital. Mga grupo na hindi hahantong sa pagkagapos sa unyonismo kundi sa pagbubuo ng mga pulong-masa at asembliya para sa malawakang pagkakaisa at pakikibaka.
Ang solusyon sa krisis ay nasa mga kamay ng internasyunal na proletaryado, ang uring may istorikal na misyon na itayo ang lipunang walang sahurang pang-aalipin, walang mga uri, walang pagsasamantala at walang krisis sa sobrang produksyon - ang pandaigdigang komunistang lipunan. #
1 Hindi ibig sabihin na nagsimula ang Keynesianismo at Stalinistang totalitaryanismo sa 1960s. Ang mga ito ay ginawa na ng internasyunal na burgesya noong 1930s sa panahon ng pandaigdigang krisis ng dekadenteng kapitalismo sa 1929.