Ika-26 na Kongreso ng IKT
Ulat tungkol sa pakikibaka ng uri (Mayo 2025)
Sa ibaba ay inilalathala namin ang ulat tungkol sa pakikibaka ng uri na iniharap sa ika-26 na Kongreso ng IKT. Ang dokumentong ito, na isinulat noong Disyembre 2024, ay hindi isinasaalang-alang ang mga pangyayaring naganap noong 2025 (ang pagbalik ni Trump sa White House, malalaking pakikibaka sa Belgium, atbp.), ngunit nanatili ang bisa ng mga pananaw na inilarawan. Ang ulat na ito ay bumubuo ng mahahalagang elemento ng pagsusuri sa tinatawag ng IKT na "rupture" sa dinamika ng pakikibaka ng uri at sa epekto ng dekomposisyon sa uring manggagawa. Tungkol sa pagsusuri ng mga sumunod na pangyayari na hindi isinama, inaanyayahan namin ang aming mga mambabasa na sumangguni sa "Resolusyon tungkol sa pandaigdigang sitwasyon" noong Mayo 2025, na inaprubahan sa parehong kongreso at inilathala sa isyung ito ng Review.
Ang resolusyon tungkol sa pandaigdigang kalagayan na inaprubahan sa ika-25 na Internasyunal na Kongreso ay nagsuri sa dinamika ng pakikibaka ng uri sa ganitong paraan: "Ang muling pagsigla ng pakikibaka ng mga manggagawa sa ilang mga bansa ay isang mayor na makasaysayang pangyayari na hindi lamang resulta ng lokal na kalagayan at hindi maipaliwanag sa purong pambansang kalagayan. Tulak ng bagong henerasyon ng mga manggagawa, ang lawak at sabay-sabay na pagkilos ng mga kilusang ito ay patunay ng tunay na pagbabago sa saloobin ng uri at pagputol sa pagiging pasibo at pagkalito na namayani mula sa katapusan ng dekada 1980 hanggang sa kasalukuyan." Ang Tag-init ng Diskontento sa UK noong 2022, ang kilusan laban sa reporma sa pensyon sa Pransya noong taglamig ng 2023, ang mga welga sa USA, lalo na sa industriya ng sasakyan, sa pagtatapos ng tag-init ng 2023, ay nanatiling pinaka-kapansin-pansing mga pagpakita ng makasaysayan at internasyonal na dimensyon ng pag-unlad ng mga pakikibaka ng mga manggagawa. Ang mga welga na tumagal ng halos 7 linggo ng mga empleyado ng Boeing at ang walang kapantay na welga ng 45,000 manggagawa sa pantalan sa USA sa gitna ng kampanya sa halalan sa pagkapangulo ay kumakatawan sa pinakabagong yugto sa tunay na pagbalikwas ng dinamika ng pakikibaka ng uri kumpara sa mga nakaraang dekada. Higit pa rito, habang sinusulat namin ang mga unang linya ng ulat na ito, ang uring manggagawa ng mga pangunahing kapangyarihang pang-ekonomiya ay naghahanda na harapin ang mga hindi pa nagaganap na pag-atake bilang resulta ng mabilis na krisis pang-ekonomiya, na nag-udyok ng malalaking reaksyon mula sa uri sa mga susunod na buwan. Ngunit ang kilusang ito ng muling pakikipaglaban at pag-unlad ng nakatagong makauring kamulatan ay nagaganap sa konteksto ng lumalalang pagkabulok, kung saan ang sabay na epekto ng krisis pang-ekonomiya, kaguluhan ng digmaan, at ekolohikal na sakuna ay nagpapalakas ng isang impyernong bagyo ng pagkawasak. Ang pagbalik ni Trump sa White House, na sumisimbolo ng tunay na pagtaas ng kapangyarihan ng populistang tendensya sa lipunang Amerikano, ay magiging karagdagang mabigat na hadlang na kailangang harapin ng tunggalian ng uri hindi lamang sa USA kundi pati na rin sa pandaigdigang antas. Layunin ng ulat na ito na magbigay ng batayan para sa repleksyon na magpapalalim sa IKT sa kasalukuyang dinamika ng tunggalian ng uri at sa mga istroikal na implikasyon nito. Kundi pati na rin ang mas detalyadong pagsusuri sa mga hadlang na kinakaharap ng proletaryado, lalo na ang epekto ng mga resulta at ideolohikal na anyo ng dekomposisyon.
I - Ang realidad ng rupture sa dinamika ng pakikibaka ng uri
Ang pagsusuri sa rupture ng dinamika ng makauring pakikibaka mula tag-init ng 2022 ay sinalubong nang may pagdududa at maging sarkasmo sa loob ng pampulitikang kampo, sa partikular ng mga istorikal na organisasyon ng Kaliwang Komunista tulad ng Internationalist Communist Tendency at mga grupong Bordigista. Gayundin, may mga pagdududa at hindi pagkakasundo na ipinahayag sa mga pampublikong pagpupulong ng IKT, kabilang ang mga kontak na sanay sa pamamaraan at balangkas ng pagsusuri ng IKT. Ang sitwasyong ito ay sinamantala ng parasitikong kampo[[1]], tulad ng Controverses, na mabilis gumamit ng aming mga nakaraang maling pagsusuri upang pagtawanan ang aming kasalukuyang pagsusuri ('Labis ang inyong optimismo sa makauring pakikibaka noon, ano ang kaibahan ngayon?').
A - Pagtatanggol sa Marxistang Paraan ng Pagsusuri
Ang mga reaksyong ito sa aming pagsusuri ay sa katunayan pagpapahayag ng isang purong empirisista at pagmamadaling pamamaraan. Sa kabilang banda, kung nagawa ng IKT, halos aga-agad, na kilalanin ang malalim na pagbabago sa serye ng mga welga ng mga manggagawang Briton, ito ay dahil nagamit namin ang aming karanasan, lalo na ang pamamaraan na nagbigay-daan kay Mark Chirik na maunawaan ang kilusang Mayo 68 hindi bilang isang simpleng panandaliang reaksyon ng uring manggagawa sa Pransya kundi bilang pagpapahayag ng isang istorikal at internasyonal na kilusan, samantalang ang mga istrorikal na grupo ng Kaliwang Komunista ay lubos na hindi naunawaan ang kahalagahan nito.
Bilang resulta, ngayon, tulad noong huling bahagi ng 1960s, ang IKT lamang ang organisasyon na nakakaunawa sa makasaysayang kabuluhan ng pandaigdigang dinamika ng pag-unlad ng mga pakikibaka ng manggagawa sa buong mundo mula 2022. Ito ang resulta ng pag-unawa:
- ang balangkas ng pagsusuri sa dekadenteng kapitalismo at ang pag-usbong mula sa kontra-rebolusyon mula sa katapusan ng dekada 1960, hindi tulad ng mga Bordigistang tendensya o pagsusuri patungo sa ikatlong pangkalahatang digmaan na ipinagtanggol ng ICT, na nagpahiwatig ng isang politikal na natalong uring manggagawa;
- na ang paglala ng krisis pang-ekonomiya sa pandaigdigang antas ang bumubuo ng pinaka-matabang lupa para sa pag-unlad ng mapanlabang diwa ng mga manggagawa sa pandaigdigang antas;
- na ang pag-unlad at lawak ng mapanlabang diwa ng mga manggagawa mula tag-init ng 2022 pataas sa United Kingdom, na hindi pa nangyari mula pa noong dekada 1980, sa pinakamatandang proletaryado sa kasaysayan, ay kinakailangang may makasaysayan at pandaigdigang kahalagahan;
- na ang pagbabagong ito ng pag-iisip sa loob ng uri ay bunga ng pag-unlad ng nakatagong makauring kamulatan na nagaganap sa loob ng uri mula pa noong simula ng 2000s;
- na ang rupture ay hindi limitado sa lawak at pagdami ng mga pakikibaka sa buong mundo, kundi sinasamahan ng pag-unlad ng pagninilay sa pandaigdigang antas sa iba't ibang saray ng uring manggagawa at, partikular, ng malalim na pagninilay sa loob ng mga politikalisadong minorya;
- na ang dinamika na ito ay pangmatagalan, at kaya't naglalaman ng potensyal para sa rekoberi ng makauring identidad at politisasyon ng mga pakikibaka (mga mahalagang hakbang kung nais ng uring manggagawa na harapin nang direkta ang burges na estado), matapos ang mga dekada ng pagbulusok ng kamulatan sa loob ng uri.
Dito nakasalalay ang lakas ng marxistang pamamaraan na minana mula sa Kaiwang Komunista: ang kakayahang makita ang mga pangunahing pagbabago sa dinamika ng kapitalistang lipunan, bago pa man ito maging masyadong halata para pasubalian.
B - Ang pangangailangang malampasan ang kalituhan sa usaping ito
Gayunpaman, mahalagang lubos na maunawaan ang mga epekto at implikasyon ng ating pagsusuri at labanan ang mga mababaw na pamamaraan na maaaring lumitaw. Kabilang sa mga pangunahing ito ay:
- tendensiyang maliitin and rupture bilang antas lang ng ekspresyon ng pakikipaglaban at pag-unlad ng mga pakikibaka, na hindi binabalewala ang proseso ng nakatagong pag-unlad ng kamulatan;
- nagpahiwatig na ang pag-usbong ng mga pakikibaka ay maaaring magbigay-daan sa uring manggagawa na labanan ang epekto ng pagkabulok, o na ang populismo ay nagpapahina sa kakayahan ng burges na estado na harapin ang reaksyon ng uring manggagawa;
- tendensiyang tingnan ang epekto ng ipu-ipo at ang rupture bilang dalawang magkatabing dimensyon, na selyado ang isa mula sa isa pa.
Sa pundamental, ang mga pag-aalinlangan na ito ay nagpapakita ng kahirapan sa pagsusuri ng dinamika ng tunggalian ng uri sa istorikal na konteksto ng dekomposisyon. Ang mga pangunahing dahilan nito ay kinabibilangan ng:
- pangkalahatang tendensiyang maliitin ang negatibong epekto ng yugto ng pagkabulok sa tunggalian ng uri;
- kahirapan na unawain ngayon na hindi sapat na katangian ng konsepto ng istorikal na landas. Ito ay partikular na nakakatulong sa pagbaluktot ng pananaw kung paano tinitingnan ang makauring pakikibaka: "Kaya, ang 1989 ay nagmarka ng isang pundamental na pagbabago sa pangkalahatang dinamika ng dekadenteng kapitalistang lipunan.
Bago ang panahong iyon, ang balanse ng pwersa sa pagitan ng mga uri ang naging salik sa dinamika na ito: sa balanse ng pwersa na ito nakasalalay ang kinalabasan ng paglala ng mga kontradiksyon ng kapitalismo: ito man ay pagsisimula ng digmaang pandaigdig, o ang pag-unlad ng tunggalian ng uri na may perspektibang ibagsak ang kapitalismo.
Pagkatapos ng panahong iyon, ang pangkalahatang dinamika ng kapitalistang pagkabulok ay hindi na direktang impluwensyado ng balanse ng pwersa sa pagitan ng mga uri. Anuman ang balanse ng pwersa, wala na sa agenda ang digmaang pandaigdig, ngunit patuloy na lulubog ang kapitalismo sa pagkabulok, dahil ang panlipunang dekomposisyon ay hindi na kontrolado ng mga naglalabang uri"[[2]].
Dahil dito, ang pagsusuri ng dalawang magkalaban at magkasalungat na mga kampo, na sabay na umuunlad, ay akma sa balangkas na inilatag sa itaas. Gayunpaman, ang dalawang tila magkasabay na dimensyon ng sitwasyon ay magkakaugnay. Sa mundong ginagatungan ng bawat tao para sa sarili, panlipunang atomisasyon, irasyonal na pag-iisip, nihilismo, bawat isa laban sa lahat, digmaan at pagkasira ng kalikasan, at ang lalong nagiging magulo at mapanirang mga patakaran ng pambansang burgesya, napipilitan ang uring manggagawa na paunlarin ang kanilang pakikibaka at hinangin ang kanilang repleksyon at kamalayan. Dahil dito, at gaya ng madalas naming paulit-ulit na sinasabi, ang panahon ng dekomposisyon ay hindi kinakailangang patungo sa rebolusyon, at lalo na hindi ito pabor sa uring manggagawa[[3]]. Gayunpaman, ang malalaking panganib na dulot ng pagkabulok para sa uring manggagawa at sa sangkatauhan sa kabuuan ay hindi dapat magdulot sa uring manggagawa at sa mga rebolusyonaryong minorya nito na magkaroon ng patalistikong saloobin at sumuko sa laban. Bukas pa rin ang istorikal na perspektiba ng proletaryong rebolusyon!
II - Ang mga pakikibaka laban sa mga pag-atakeng pang-ekonomiya ang daan patungo sa rekoberi ng makauring identidad
Ang mga epekto ng krisis ay magiging pinakamalalim at pinakamalupit sa buong panahon ng pagbulusok, sa ilalim ng pinagsama-samang epekto ng implasyon, mga bawas sa badyet[[4]], mga plano ng redundancy[[5]] (lalo pang pinalala partikular ng artipisyal na intelihensiya sa sistema ng produksyon) at ang matinding pagbawas sa sahod. Ibig sabihin ng sitwasyong ito, mas paunti ng paunti ang kakayahan ng burgesya na harapin nito ang epekto ng krisis pang-ekonomiya, gaya ng nangyari sa mga nakaraang dekada, at ang mga planadong patakarang pang-ekonomiya ng administrasyong Trump ay magdudulot lamang ng mas malalim na pagbulusok ng pandaigdigang kalagayan ng ekonomiya. Dahil dito, sa harap ng lumalalang kahirapan at malaking paglala ng mga kundisyon sa trabaho na mararanas ng uring manggagawa dahil sa paglala ng pagsasamantala sa lakas-paggawa, magiging hinog ang mga kundisyon para sa uring manggagawa na lumaban. Ngunit sa pangkalahatang sitwasyong ito, higit sa lahat, dapat nating tingnan na sabay-sabay na naaapektuhan ng lahat ng mga pag-atakeng ito ang tatlong pangunahing kapitalistang bansa (USA, China, Germany). Makikita sa Uropa ang isang hindi pa nagaganap na pagbagsak ng industriya ng sasakyan, tiyak na kasing laki ng karbon at bakal noong dekada 70 at 80. Kaya't dapat tayong maghanda para sa paglitaw ng malawakang pakikibaka sa mga darating na taon, lalo na sa mga pangunahing lugar ng kapitalismo, at simulan na ang pagsusuri sa malalalim na implikasyon ng bagong sitwasyong ito.
Bilang ilang halimbawa: ang proletaryado ng Alemanya, na hanggang ngayon ay nasa hulihan ng tunggalian ng uri, ay gaganap ng mas sentral na papel sa tunggalian ng uri laban sa kapital. Sa Tsina, ang pagsabog ng kawalan ng trabaho, lalo na sa mga kabataan (25%), ay unti-unting magpapahina sa alamat ng isang makabago at masaganang Tsina at magdudulot ng mga reaksyon mula sa isang walang karanasan na proletaryado na malaki pa rin ang impluwensya ng doktrinang Maoista, ang ideolohikal na sandata ng kapitalismo ng estado.
Gayundin, ang lawak ng krisis ay hindi nakaligtas sa proletaryado sa Rusya, na pasan ang buong bigat ng epekto ng ekonomiya ng digmaan. Ito ay humihimok sa amin na umaasa ng mga reaksyon mula sa bahaging ito ng ating uri, na hindi binabalewala ang malalalim na kahinaan na dulot ng kontra-rebolusyon at pinalalala ng dekomposisyon.
Kailangan din nating bigyang-pansin nang mas mabuti ang tunggalian ng uri sa rehiyon ng Indo-Pacific. Ang taong 2024 ay minarkahan ng mga welga sa maraming sektor (sasakyan, konstruksyon, edukasyon...) sa ilang bansa sa rehiyon (India, China, South Korea, Japan, Taiwan, Indonesia) laban sa pagbaba ng sahod, pagsasara ng mga pabrika, at lumalalang kondisyon sa trabaho.
Gayunpaman, kung ang mga pag-atakeng pang-ekonomiya ang pinaka-paborableng tereyn para sa pag-unlad ng pakikibaka ng uri - hindi lamang sa agarang depensibong kahulugan (isang mahalagang elemento sa rekoberi ng makauring identidad) kundi pati na rin sa pag-usbong ng mulat na pag-unawa na ang moda ng produksyon sa kabuuan ay ganap na bangkarote at kailangang bigyang-daan ang isang bagong lipunan - kailangan nating mas tumpak na suriin kung aling mga uri ng pag-atake ang pinakaangkop sa pag-unlad ng pakikiisa at pagkakaisa sa loob ng uri sa parehong maikli at pangmatagalang panahon.
Sa dami ng mga pag-atake, tulad ng pagsasara ng mga kumpanya at mga pagbawas ng trabaho na kaakibat nito, ay nagdulot ng maraming pakikibaka sa ilang mga sentral na bansa sa kasalukuyan, ngunit nanatiling hiwa-hiwalay ang mga ito at nagdulot ng pagkakauntulan. Napakahirap para sa mga manggagawa na labanan ang pagsasara ng mga pabrika, lalo na't ang welga lamang ay hindi sapat upang magdulot ng presyur sa mga boss na nagpaplano nang magsara ng mga kumpanya. Isang halimbawa nito ay ang hirap ng mga manggagawa sa Port Talbot sa Wales na paunlarin ang pakikibaka laban sa pagsasara ng mahalagang steelworks na ito. Sa katunayan, sa pangkalahatan, kailangang masusing pag-aralan ng IKT ang epekto ng malawakang kawalan ng trabaho sa pag-unlad ng kamulatan ng proletaryado. Tungkol sa direktang resulta ng krisis pang-ekonomiya "bagaman sa pangkalahatan ay maaaring makatulong na ipakita ang kawalan ng kakayahan ng kapitalismo na tiyakin ang kinabukasan ng mga manggagawa, ito ay isang makapangyarihang salik ngayon sa 'lumpenisasyon' ng ilang sektor ng uri, lalo na ng mga kabataang manggagawa, na nagpapahina sa kasalukuyan at hinaharap na pulitikal na kakayahan ng uri”[[6]]. Dahil dito, kapag nakagawa na ito ng karagdagang hakbang sa pag-unlad ng kamalayan, kapag kaya nitong isipin ang sarili bilang isang uri na may papel sa hinaharap ng lipunan, saka lamang magiging mga elemento ang usapin ng malawakang tanggalan sa trabaho at malawakang kawalan ng trabaho bilang mga elemento na magpahintulot sa uri na magsagawa ng nagkakaisang tugon laban sa estadong burges, pati na rin ang pagpaunlad ng mas malalim na pagninilay tungkol sa pagkabangkarote ng kapitalismo.
Ang mga pag-atake sa sahod, sa kabilang banda, ay maaaring lumikha ng mas paborableng balanse ng mga pwersa. Sa katunayan, ang mga pakikibaka na sanhi ng rupture noong 2022 ay tungkol sa sahod. Mukhang napatunayan din ito ng pinakabagong insidente ng mga pakikibaka sa USA nitong mga nakaraang buwan. Dahil ang sahurang paggawa ang pundasyon ng ugnayan ng kapital at paggawa, ang usapin ng pagtatanggol sa sahod ay 'pangkalahatang interes' ng lahat ng manggagawa laban sa kanilang mga mapagsamantala. Ang pakikibakang ito ang "nagbubuklod sa kanila sa isang komon na kaisipan ng paglaban – kombinasyon. Kaya't ang kombinasyon ay laging may dobleng layunin, ang pigilan ang kompetisyon sa pagitan ng mga manggagawa, upang maipagpatuloy nila ang pangkalahatang kompetisyon sa kapitalista. Kung ang unang layunin ng paglaban ay simpleng pagpapanatili ng sahod, ang mga kumbinasyon, na sa una ay hiwa-hiwalay, ay bumubuo ng kanilang sarili sa mga grupo habang ang mga kapitalista naman ay nagkakaisa para sa layunin ng panunupil, at sa harap ng palaging nagkakaisang kapital, ang pagpapanatili ng asosasyon ay nagiging mas mahalaga sa kanila kaysa sa sahod.... Ang masa na ito ay nagiging uri laban sa kapital, ngunit hindi pa para sa sarili nito. Sa pakikibaka, na ilang yugto lamang ang ating nabanggit, nagkakaisa ang masa na ito, at bumubuo ang sarili bilang isang uri para sa sarili. Ang mga interes na ipinagtatanggol nito ay nagiging interes ng uri. Ngunit ang pakikibaka ng uri laban sa uri ay isang pampulitikang pakikibaka”[[7]].
III. Digmaan, dekomposisyon at makauring kamulatan
Sa panahon ng malawakang pakikibaka ng mga manggagawa mula 1968-75, kung kailan ang mga sentral na bansa ng kapitalismo ay dumaan sa mahabang panahon ng kasaganaan, may matitinding ilusyon pa rin tungkol sa posibilidad na maibalik ang "maluwalhating mga taon", lalo na sa pamamagitan ng paghalal ng mga pamahalaan ng kaliwa. Kaya bagaman ang mga kilusang ito ay nagbunga ng tiyak na politisasyon ng mga minorya[[8]], lalo na sa muling pagkabuhay ng tradisyon ng Kaliwang Komunista, limitado mismo ang potensyal ng mga palkikibaka na magdulot ng mas pangkalahatang politisasyon sa uri; At kahit sa mga pakikibaka noong dekada 80, hindi pa rin malinaw na ang sistemang kapitalista ay malapit na sa dulo ng kanyang tali, at ang mga pakikibaka ng mga manggagawa, kahit na malaki ang saklaw at kayang maging hadlang sa pag-usad ng digmaang pandaigdig, ay hindi nagtagumpay sa pagpapalawak ng isang politikal na perspektiba para ibagsak ang kapitalismo.
Ang pundamental na resulta ng pagkapatas sa pagitan ng mga uri noong dekada 1980 ay ang pag-usbong ng bagong yugto ng pagkabulok, na naging karagdagang hadlang sa kakayahan ng uring manggagawa na muling buuin ang sarili bilang isang rebolusyonaryong puwersa. Ngunit ang pagbilis ng pagkabulok ay nagpadali ring maunawaan na ang matagal nang pagbulusok ng kapitalismo ay umabot na sa huling yugto kung saan ang pagpili sa pagitan ng sosyalismo at barbarismo ay lalong naging malinaw. Kahit na mas laganap ang pakiramdam na patungo tayo sa barbarismo kaysa sa konbiksyon na ang sosyalismo ay nagbibigay ng makatotohanang alternatibo, ang lumalaking pagkilala na wala nang maiaalok ang kapitalismo sa sangkatauhan kundi isang paikot na pagkawasak ay patuloy na nagsisilbing pundasyon para sa hinaharap na politisasyon ng makauring pakikibaka.
Kasabay ng krisis pang-ekonomiya, na nanatiling mahalagang batayan para sa pag-unlad ng parehong hayagang pakikibaka ng uri at paglago ng kamalayan sa pagkabangkarote ng sistema, ang dalawang elementong pinakamalinaw na nagpapakita ng realidad ng deadlock ng kapitalismo ay ang pagdami at paglala ng mga imperyalistang digmaan, at ang hindi mapipigilang pag-usad ng ekolohikal na sakuna, kamakailan lamang ay sinisimbolo ng malawakang pagbaha sa Valencia na nagpapakita na ang sakunang ito ay hindi na limitado sa mga 'peripheral' na rehiyon ng sistema. Gayunpaman, bilang mga salik sa pag-usbong ng pampulitikang kamulatan sa uri, hindi pantay ang dalawang elemento.
Matagal na naming tinatanggihan ang ideya, na pinanghahawakan pa rin ng karamihan sa mga grupo ng pampulitikang proletaryo, na ang digmaan, lalo na ang pandaigdigang digmaan, ay nag-aalok ng paborableng tereyn para sa pagsiklab ng mga rebolusyonaryong pakikibaka. Sa mga artikulong isinulat sa International Review sa dekada 1980[[9]], ipinakita namin na habang ang konseptong ito ay nakabatay sa tunay na karanasan ng mga nakaraang rebolusyon (1871, 1905, 1917), at habang ang anumang tunggalian ng uri sa panahon ng mobilisasyon para sa digmaan ay mabilis na nagdudulot ng mga usapin sa politika, ang mga disbentaha na kinahaharap ng mga rebolusyonaryong kilusan na direktang tumutugon sa digmaan ay mas malaki kaysa sa mga 'benepisyo'. Kaya
- Ang karanasan ng Unang Digmaang Pandaigdig ay nagbigay sa naghaharing uri ng isang napakahalagang aral, na dapat nilang ipatupad nang sistematiko bago at sa huling yugto ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig: bago ilunsad ang pandaigdigang digmaan, una ay dapat ipataw ang isang malalim na pisikal at ideolohikal na pagkatalo sa proletaryado, at kapag ang mga paghihirap at kalupitan ng digmaan ay nagdulot ng anumang palatandaan ng reaksyon ng proletaryado, dapat silang durugin agad (tingnan ang obhetibong pagtutulungan ng mga pwersa ng Allied at Nazi sa pagwasak ng mga pag-aalsa ng manggagawa sa Italya noong 1943, ang malagim na pambobomba sa Alemanya, atbp).
- Ang lumang iskema ng rebolusyonaryong pagpatalo, na naniniwalang ang pagkatalo ng sariling gobyerno ay pabor sa pag-unlad ng rebolusyon, pati na rin laman nito na likas na pagiging malabo tungkol sa pangangailangang labanan ang lahat ng mga gobyerno sa isang sitwasyon ng digmaan, ay malinaw na pinabulaanan ng katotohanang ang pagkakahati sa pagitan ng mga nagwagi at natalong bansa ay lumilikha ng malalalim na pagkakahati sa pandaigdigang proletaryado, na pinakamalinaw na nakita pagkatapos ng digmaan noong 1914-18.
- Ang teknolohiyang militar ng kapitalismo ay 'umunlad' hanggang sa punto na ang praternisasyon sa pagitan ng mga trintsera ay nagiging hindi na praktikal, at mas malamang na ang anumang susunod na digmaang pandaigdig ay mabilis na hahantong sa isang iskalasyong nukleyar at "tiyak na mutwal na pagkawasak ".
Pinatunayan ng kasalukuyang mga digmaan sa Ukraine at Gitnang Silangan na ang mga pangunahing hadlang sa kapitalistang digmaan ay mas malamang na hindi magmula sa mga pag-aalsa sa mga bansang direktang nakikipagdigma, at mas malamang na magmula sa mga sentral na bahagi ng proletaryado na hindi direktang naaapektuhan ng imperyalistang digmaan sa pamamagitan ng tumitinding pangangailangan ng ekonomiya ng digmaan.
Ngunit wala sa mga ito ang nangangahulugan na ang digmaan ay hindi na salik sa pag-unlad ng kamalayan ng uri at proseso ng politisasyon. Sa kabaligtaran, nakita natin:
- Na ang laganap na presensya ng digmaan, lalo na mula nang salakayin ng Rusya ang Ukraine, ay nanatiling mahalagang salik sa pag-usbong ng mga minorya na kumukwestyon sa buong sistemang kapitalista;
- Na ang kakayahan ng mga manggagawa na ipagtanggol ang kanilang sariling makauring interes sa kabila ng panawagan para sa mga sakripisyo sa ngalan ng 'pagtatanggol sa kalayaan' ay isang mahalagang elemento sa rupture ng 2022. Higit pa rito, ang pagkilala na hinihiling sa mga manggagawa na bayaran ang paglaki ng ekonomiya ng digmaan ay tahasang ipinakita sa ilan sa mga mas mapanlabang manggagawa na lumahok sa mga pakikibaka pagkatapos ng 2022, lalo na sa Pransya[[10]].
Totoo na sa parehong halimbawa, mas tinutukoy namin ang politisasyon ng mga minorya kaysa sa politisasyon ng mga pakikibaka. Hindi ito nakakagulat dahil sa dami ng mga ideolohikal na patibong na kinahaharap ng mga nagsisimulang iugnay ang kapitalismo sa digmaan: sa isang banda, may halimbawa kung paano nagamit ng mga populista sa Uopa at higit sa lahat sa US ang anumang umuusbong na damdaming anti-digmaan sa uri, pati na rin sa kaso ng digmaan sa Ukraine, sa halos hindi maitago na maka-Rusya na oryentasyon. Sa kabilang banda, may grupo ng mga kaliwa na winawasiwas ang bersyon ng internasyonalismo na tila tinutuligsa ang dalawang kampo sa Ukraine ngunit sa huli ay palaging nagiging kumakampi para sa isang panig o sa kabilang panig. At ang parehong mga kaliwa, na karaniwang mas sumusuporta sa "Axis of Resistance" laban sa Israel, ay mahalagang salik sa paglala ng mga relihiyoso at etnikong hidwaan na dulot ng digmaan sa Gitnang Silangan. Hindi nakakagulat na ang tunay na internasyonalistang tugon sa kasalukuyang mga digmaan ay limitado lamang sa nagsusuring minorya – at kahit sa loob ng minoryang ito, maging sa mga grupo ng Komunistang Kaliwa, napakalinaw ng kalituhan at hindi pagkakatugma.
Sa pangwakas na bahagi ng Tesis ng Dekomposisyon, inilahad namin ang mga dahilan kung bakit nanatiling pangunahing daluyan ang krisis pang-ekonomiya sa kakayahan ng uring manggagawa na muling tuklasin ang kanilang makauring identidad at buuin ang sarili bilang isang uri na hayagang tutol sa kapitalistang lipunan, taliwas sa pangunahing penomena ng pagkabulok:
"Habang ang mga epekto ng dekomposisyon (hal. polusyon, droga, kawalang-seguridad) ay tumatama sa iba't ibang istrata ng lipunan sa halos parehong paraan at bumubuo ng matabang lupa para sa mga kampanya at misteryo ng ACLASSIST (ekolohiya, anti-nuclear na kilusan, anti-rasistang mobilisasyon, atbp.), ang mga pag-atakeng pang-ekonomiya (pagbaba ng tunay na sahod, pagtanggal sa trabaho, pagtaas ng produktibidad, atbp.) na resulta ng krisis ay direktang tumatama sa proletaryado (ibig sabihin, ang uring gumagawa ng labis na halaga at nilalabanan ang kapitalismo sa ganitong larangan) ng direkta at partikular; hindi tulad ng panlipunang pagkabulok na pangunahing nakakaapekto sa super-istruktura, ang krisis pang-ekonomiya ay direktang umaatake sa mga pundasyon kung saan nakasalalay ang super-istruktura na ito; Sa ganitong diwa, inilalantad nito ang lahat ng kalupitan na bumabalot sa lipunan, kaya't nagiging sanhi na magiging mulat ang proletaryado sa pangangailangang radikal na baguhin ang sistema, sa halip na subukang pagbutihin ang ilang aspeto nito."[[11]]
Ang mga pormulasyong ito ay nanatiling esensyal, kahit na hindi istriktong totoo na ang pagkawasak ng kalikasan ay isang aspeto lamang ng super-istruktura, dahil ito ay direktang produkto ng akumulasyon ng kapitalismo at nagbabanta na sirain ang mismong mga kundisyon para sa kaligtasan ng lipunan ng tao at pagpapatuloy ng produksyon. Kung ang lumalalang krisis sa ekolohiya ay maaaring maging posibleng salik sa maliliit na minorya[[12]] na kwestyunin ang mismong pundasyon ng kapitalistang produksyon, nanatili itong salik ng takot at kawalan ng pag-asa para sa malaking bahagi ng uri. Ang ekolohikal na sakuna ay kadalasang tumatama sa lahat ng saray ng lipunan sa halos parehong paraan, sa kabila na ang pinakamapinsalang epekto nito ay kadalasang nararamdaman ng uring manggagawa at ng mga pinagsamantalahan, kaya't nananatili ito na "Isang matabang lupa para sa mga kampanya at misteryo ng ACLASSIST", at ito ay naglilimita sa kakayahan ng mga elementong naapektuhan ng ekolohikal na sakuna na maunawaan na ang tanging solusyon ay tunggalian ng uri. Bukod pa rito, ang agarang 'solusyon' na sinusulong ng mga kapitalistang estado sa pagkasira ng kalikasan ay kadalasang kinabibilangan ng direktang pag-atake sa antas ng pamumuhay ng bahagi ng uring manggagawa, partikular ang malawakang pagtanggal ng trabaho upang palitan ang produksyon na nakabatay sa fossil fuel ng mga 'mas malinis' na teknolohiya. Sa ganitong diwa, ang mga panawagan na iligtas ang kalikasan ay mas madalas na sanhi ng pagkakahati kaysa ng pagkakaisa sa hanay ng uring manggagawa, hindi tulad ng krisis pang-ekonomiya na karaniwang nagdulot ng pagkakaisa sa buong proletaryado.
Ang konklusyon ng mga Tesis ay hindi kasama ang epekto ng digmaan sa pag-unlad ng kamalayan ng uri, ngunit maaari naming sabihin na:
- Ang usapin ng imperyalistang digmaan – tulad ng matagalan at hindi malulutas na krisis pang-ekonomiya na nasa ugat nito – ay hindi ispisipikong produkto ng kapitalistang dekomposisyon kundi isang sentral na elemento sa buong yugto ng pagbulusok;
- May mas malapit na ugnayan sa pagitan ng krisis pang-ekonomiya at digmaan: sa partikular, ang pag-unlad ng ekonomiyang pandigma ay may kasamang malinaw at pangkalahatang pag-atake sa antas ng pamumuhay ng mga manggagawa sa pamamagitan ng implasyon, intensipikasyon ng pagpapabilis ng trabaho, at iba pa. Ang pagtutol sa pag-atakeng ito sa makauring tereyn, kahit na nakabatay sa malinaw na internasyonalistang pananaw sa mundo ng maliit na minorya lamang, ay hindi maaaring hindi magdulot ng malalim na pampulitikang mga katanungan tungkol sa ugnayan ng kapitalismo at digmaan, at tungkol sa mga komon na pandaigdigang interes ng proletaryado. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit ang politisasyon ng mga minorya sa proletaryong kahulugan ay mas nakabatay sa reaksyon sa usapin ng digmaan kaysa sa mas ispisipikong mga penomena ng dekomposisyon, kabilang ang pagbilis ng krisis sa ekolohiya. At sa hinaharap, ang lumalaking banta at ganap na irasyonalidad ng digmaan ay magiging tunay na salik sa hinaharap na politisasyon ng mga pakikibaka. Ngunit dapat nating bigyang-diin na sa pamamagitan lang ng mas malalim na yugto ng pag-unlad ng identidad ng uri at pakikibaka ng uri ang mga hakbang patungo sa politisasyon – maging sa usapin ng digmaan o sa mga mas katangi-tanging anyo ng pagkabulok, tulad ng krisis sa ekolohiya – ay maaaring lumipat mula sa antas ng maliliit na minorya patungo sa mas malawak at mas bukas na mga kilusan ng uring manggagawa.
IV - Ang kakayahan ng burgesya na gamitin ang kanilang mga klasikong sandata laban sa uring manggagawa
Gaano man ang pagkawatak-watak at paghina dahil sa patuloy na pagkabulok ng sariling moda ng produksyon, hindi kailanman mawawala sa burgesya ang kakayahang tumugon sa pag-unlad ng pakikibaka ng uri. Bilang tugon sa muling pagsibol ng mga pakikibaka mula 2022, at lalo na sa pag-unlad ng nakatagong makauring kamulatan, nakita natin ang naghaharing uri na malawakang ginagamit ang kanilang 'klasikal' na mga instrumento para kontrolin ang proletaryado:
- Ang mga unyon ng manggagawa, na ginagawang radikal ang kanilang lenggwahe bilang paghahanda o tugon sa pagsiklab ng mga pakikibaka ng mga manggagawa. Ito ay isang malinaw na elemento sa mga pakikibaka sa Britanya, halimbawa, kung saan ang pamunuan ng mga unyon ng manggagawa na pinaka-direktang sangkot sa mga pakikibaka ay inako ng mga dulong-kaliwang elemento tulad ni Mick Lynch ng unyon ng mga manggagawa sa riles, ang RMT.
- Ang mga grupong kaliwa, lalo na ang mga Trotskyista, ilan sa kanila ("Revolutionary Communist Party", "Révolution Permanente", atbp.) ay muling nagsimulang magsalita tungkol sa komunismo at, gaya ng nabanggit na, ay maaaring magmukhang ipinagtatanggol ang mga internasyonalistang posisyon, lalo na bilang tugon sa digmaan sa Ukraine. Marami sa mga grupong ito ay matagumpay na nakapag-rekrut sa mga kabataan, isang mahinang pag-uulit ng nangyari pagkatapos ng mga pakikibaka noong Mayo-Hunyo 68 sa Pransya.
V - Ang bigat ng dekomposisyon at ang instrumentasyon ng burgesya sa mga pangunahing anyo nito
Tulad ng nabanggit namin sa itaas, kamakailan ay narinig namin sa mga talakayan na ang kasalukuyang pakikibaka ng uri ay maaaring mapaatras ang mga epekto ng dekomposisyon, o na ang pagkabulok ay nagpapahina sa kakayahan ng burgesya na lumaban sa uring manggagawa. Ang mga ideyang ito ay kumukwestyon sa ideya na ang pagkabulok ay hindi pabor sa pakikibaka ng uring manggagawa. Takot, pag-atras, kawalan ng pag-asa na dulot ng paglaganap ng barbariko sa digmaan; nihilismo, atomisasyon, irasyonalidad ng pag-iisip na dulot ng kawalan ng hinaharap at pagkasira ng mga ugnayang panlipunan, ay mga hadlang sa pag-unlad ng pagkakaisa ng uri at ng kolektibo, nagkakaisang pakikibaka, at sa pag-unlad ng kaisipan.
Ngunit nakikita rin natin kung paano ginagamit ng burgesya ang mga produkto ng sarili nitong pagkabulok laban sa pag-unlad ng mga pakikibaka ng mga manggagawa, partikular:
- Sa pamamagitan ng mga kampanya laban sa populismo at dulong kanan, ang pinaka-'kemikal na dalisay' na produkto ng dekomposisyon, muling binuhay ang matagal nang ideolohiya ng anti-pasismo at pagtatanggol sa demokrasya. Ang mga kampanyang ito, na tiyak na titindi pagkatapos ng tagumpay ni Trump sa halalan sa US, ay may dobleng bentaha na hikayatin ang mga manggagawa na unahin ang pagtatanggol sa demokratikong ilusyon kaysa sa pakikibaka para sa kanilang 'makasariling' makauring interes, at labanan ang banta ng pagkakaisa ng uri sa pamamagitan ng paghila sa iba't ibang sektor ng uring manggagawa sa likod ng mga naglalaban-labang kampo ng kapitalismo.
- Makikita rin ang estratehiyang ito ng paghahati sa iba't ibang anyo ng mga "digmaan sa kultura", na naglalaro sa tunggalian sa pagitan ng "woke" at "anti-woke" sa maraming isyu (kasarian, migrasyon, kapaligiran, atbp. pati na rin sa lalong marahas na alitan sa pagitan ng mga partidong pampulitika).
- Ang pagpapaunlad ng mga kampanya laban sa imigrasyon ng mga partidong kanan at dulong kanan ay naglalayong magdulot ng pogrom na atmospera, gawing palusot ang mga migrante at dayuhan at sisihin sila sa pagbaba ng antas ng pamumuhay. Ang ganitong uri ng ideolohikal na lason ay maaari lamang labanan sa pamamagitan ng kakayahan ng uri na buuin ang pagkakaisa at pakikiisa laban sa mga materyal na pag-atake na kinakaharap ng lahat ng proletaryo.
- Ang sitwasyon ay magiging markado din ng mga pag-aalsa ng mga panggitnang uri, na gagamitin ng burgesya upang baluktutin ang mga pakikibaka at repleksyon ng mga manggagawa.
VI - Ang pangangailangan para sa proletaryado na tumugon sa sarili nitong makauring tereyn
Sa harap ng napakalaking ideolohikal na pag-atake, ang tanging posibleng tugon mula sa pananaw ng proletaryado ay:
- Ang rekoberi ng mga aral mula sa mga nakaraang pakikibaka na maaaring magpaliwanag sa papel ng mga unyon at kaliwa sa pagsabotahe at maghahanda ng daan para sa sariling organisado at nagkakaisang pakikibaka sa mas mataas na yugto ng rupture.
- Ang pag-unlad, sa paligid ng mga hayag na pakikibaka, ng pakiramdam ng proletaryado sa sarili bilang isang uri na tutol sa kapital, na mahalaga para sa kakayahan ng uri na ipagtanggol ang agarang mga kahilingan nito at para sa pag-unlad ng pag-unawa sa makasaysayang misyon nito bilang tagahukay ng kapital.
Hindi na kailangang sabihin na ang rebolusyonaryong organisasyon ay may hindi mapapalitang papel sa ebolusyon ng kamulatan patungo sa direksyong ito. Ang kakayahan ng IKT na gampanan ang papel nito ay nakasalalay mismo sa kakayahan nitong suriin ang napakalaking hamon na haharapin ng uring manggagawa sa mga darating na dekada.
IKT, Mayo 2025
Source: https://en.internationalism.org/content/17708/report-class-struggle-may-2025
[1] Tinutukoy namin ang maliliit na grupo o indibidwal, na pinapagana ng sama ng loob, na ang 'militanteng' buhay ay binubuo ng paglalagay ng diskredito o pagtatangkang sirain ang mga rebolusyonaryong organisasyon. Palaging kinailangang ipagtanggol ng mga rebolusyonaryong organisasyon ang kanilang sarili laban sa tunay na salot na ito at hindi nakaligtas ang Komunistang Kaliwa dito. TingnanAng mga Marxistang pundasyon ng konsepto ng politikal na parasitismo at ang paglaban sa salot na ito sa aming website
[2]Report on the question of the historic course, International Review No 164.
[3] "Sa panahong ito, dapat nitong labanan ang masasamang epekto ng pagkabulok sa sarili nitong hanay, umaasa lamang sa sariling lakas at kakayahang makipaglaban nang sama-sama at may pagkakaisa upang ipagtanggol ang mga interes bilang isang pinagsamantalahang uri (bagaman kailangang patuloy na bigyang-diin ng rebolusyonaryong propaganda ang mga panganib ng panlipunang pagkabulok). Tanging sa rebolusyonaryong panahon, kung kailan ang proletaryado ay nasa opensiba, kapag ito ay direkta at hayagang nag-armas para sa sariling istorikal na perspektiba, magagamit nito ang ilang epekto ng dekomposisyon, sa partikular ng ideolohiyang burges at ng mga puwersa ng kapitalistang kapangyarihan, bilang leverage, at ituon ito laban sa kapital”. Theses on Decomposition, International Review 107
[4] Plano ng pamahalaang Pranses na makatipid ng ilang sampu-sampung bilyong dolyar, habang nangako si Elon Musk na babawasan ng halos $2,000 bilyon mula sa pederal na badyet.
[5] Sampu-sampung libo, kung hindi man daan-daang libo, ng mga trabaho ang nanganganib sa mga pangunahing bansa sa puso ng kapitalismo (Pransya, Germany, UK, USA, atbp.) sa mga darating na buwan at taon.
[6]Theses on Decomposition, International Review 107
[7] Karl Marx, Poverty of Philosophy, chapter II, Section V. Workers‘ strikes and combinations’.
[8] Tingnan ang ulat tungkol sa tunggalian ng uri sa ika-24 na kongreso para sa pagkakaiba ng politisasyon ng mga minorya at politisasyon ng mga pakikibaka (Report on the international class struggle to the 24th ICC Congress, International Review 167)). Ang artikulo na pinamagatang After the rupture in the class struggle, the necessity for politicization sa International Review 171 ay nagbibigay ng batayan para masusing pag-aralan ang usaping ito upang maunawaan ang malalim nitong kahalagahan sa yugto ng pagkabulok.
[9]Bakit ang alternatibo ay digmaan o rebolusyon, International Review 30 ,at Ang Proletaryado at Digmaan, International Review 65.
[10] Sa Iran, na kamakailan ay nakaranas ng sunod-sunod na welga at protesta mula sa mga manggagawa sa kalusugan, edukasyon, transportasyon, at langis, pati na rin sa mga retirado mula sa industriya ng bakal na nahaharap sa matinding pagtaas ng presyo. Ang kanilang pag-unawa na ang pagtaas ng implasyon ay bunga ng ekonomiya ng digmaan ay ipinahayag sa islogan na itinaas sa mga lungsod ng Ahvaz at Shush:"Tama na ang pag-uudyok ng digmaan, walang pagkain ang mga mesa namin."
[11]Theses on decomposition, International Review 107.
[12] Ang pag-unlad ng mga ganitong minorya, o mas tamang sabihin, ang obhetibong pangangailangan na hadlangan sila sa pagkakaroon ng isang rasyunal na kritisismo sa kapital, ang paliwanag sa pag-usbong ng radikal na kampo ng kilusang ekolohikal na protesta, partikular ang mga tagapagtaguyod ng "degrowth".