Sa pagsiklab ng digmaan sa Iran, muling sinalanta ng apoy at pagdanak ng dugo ang Gitnang Silangan. Muli, nagpakalat ang estado ng US ng napakalaking puwersang militar sa rehiyon.
At ngayon, umuulan ng delubyo ng mga bomba at missile sa populasyong sibilyan, na hinostage ng mga imperyalistang tunggalian ng lahat ng magkaaway na estado.
Araw-araw na sinisira ang mga paaralan, ospital at mga komunidad ng uring manggagawa! Ang mga kababaihan, bata at matatanda ay desperado na nagsisikap na makatakas sa patayan, gumagala sa mga guho at giba, tumapak sa mga bangkay na nagkalat sa mga lansangan ng Tehran, Beirut at maraming iba pang mga lungsod.
Ang kapayapaan sa ilalim ng kapitalismo ay kapayapaan ng libingan!
Upang bigyang-katwiran ang bagong imperyalistang masaker na ito, ang mga kaaway ng estado ng Iran, na pinamunuan nina Trump at Netanyahu, ay nanawagan sa uring manggagawa na patuloy na magtungo sa mga lansangan laban sa uhaw sa dugo na rehimen ng mga mullah, sa ngalan ng diumano'y 'makatao' na adhikain. Nanawagan sila na patayin sila sa pamamagitan ng muling pagtulak sa kanila, nakagapos ang mga kamay at paa, sa mabangis na panunupil ng rehimeng mullah
Sinasabi ng mga ito na ipinagtatanggol nila ang adhikain ng mga mamamayan ng Iran at ng lahat ng inaapi.
Purong ipokrasiya at walang-hiya na kasinungalingan!
Sa paghihiganti ng estado ng Iran, ang pag-igting ng digmaan ay nagsisilbi lamang upang lalo pang palalain ang barbarismo at kaguluhan sa rehiyong ito ng mundo.
Pinasikat ni Trump ang pagkamatay ni Khamenei at ilang dignitaryo mula sa kanyang internal na sirkulo, upang ipakita sa atin na ang nangungunang 'demokratikong' na kapangyarihan sa mundo ay maaaring iligtas ang sangkatauhan mula sa mga diktador.
Sa pag-deploy ng Operation 'Epic Fury', ipinapakita ni Trump na ang Estados Unidos, na dating 'pulis sa mundo', ay naging pangunahing ahente ng destabilisasyon sa buong mundo. Makatitiyak tayo na ang 'Pax Americana' ay patuloy na ilulubog ang Gitnang Silangan sa mas madugong kaguluhan sa paglahok ng iba pang mga estado at iba pang burges na pangkatin (Saudi Arabia, Hezbollah, mga milisyang pro-Iran sa Iraq).
Huwag nating linlangin ang ating sarili! Hindi kayang ibigay ng Estados Unidos o ng anumang burges na estado ang kapayapaan, kasaganaan, o anumang bagong 'kaayusan sa mundo'. Kabaligtaran. Ang "kapayapaan" sa ilalim ng kapitalismo ay palaging kapayapaan ng libingan! Ukraine, Gaza, Lebanon, Iran, Iraq, Afghanistan, Sudan, Congo ... Ang lahat ng mga sonang ito ng armadong labanan ay nagpakita kung ano ang naghihintay sa buong sangkatauhan, sa buong planeta, kung hindi maibagsak ang kapitalismo.
Hindi dapat suportahan ng mga manggagawa ang anumang imperyalistang kampo!
Ang mga larangang ito ng mga guho ay puno ng walang humpay na panawagan para sa pagkamakabayan, para sa isang 'Sagradong Unyon' sa likod ng mga pambansang watawat, at sa likod ng panatisismo ng mga relihiyosong paksyon sa mga bansang pinangungunahan ng lahat ng uri ng pundamentalismo.
Kahit na bumagsak ang rehimen ng mga Mullah, walang bagong rehimen ang makakapagbigay sa mga mamamayan ng Iran ng anumang pahinga o katatagan. Hangga't ang kapitalismo ay nangingibabaw sa planeta, ang mga digmaan at kaguluhan ay patuloy lamang na titindi.
Sa hindi na mabilang pang-ilan na ang imperyalistang digmaang ito, tulad ng lahat ng iba pang nauna rito, hindi dapat pahintulutan ng proletaryado na maging hostage sa mga interes na hindi sa kanila.
Wala siyang makukuha dito! Sapagkat ang digmaang ito ay hindi sa kanila! Ang pagpapahintulot sa ating sarili na madala sa hanay sa likod ng burges na pangkat, ang pumila sa likod ng isang kampo laban sa isa pa, ay pagtatanggol sa interes ng mga bagsasamantala sa atin.
Lahat tayo ay apektado ng mga masaker sa Iran!
Ang nagsilbing dahilan para sa pag-igting ng digmaan ay ang madugong panunupil sa mga demonstrasyong masa sa Iran, dahil sa lumalalang krisis sa ekonomya at ang kahirapan hindi lamang ng maliliit na mangangalakal, kundi higit sa lahat ng uring manggagawa.
Sa pag-alsa ng 'mamamayan' ng Iran laban sa nakakahilo na pagbulusok ng kanilang materyal na kalagayan sa pamumuhay, ang proletaryado ay nalunod sa iba pang mga di-mapagsamantalang seksyon ng populasyon. Sa pag-alsa na ito bunsod ng kawalan ng pag-asa, hindi nito maigiit ang sarili bilang isang independyenteng uri.
Ngunit ang mga manggagawang Iranian, na may mahabang tradisyon ng militanteng pakikibaka, ay walang magagawa kundi labanan ang pagtaas ng presyo ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan. Dahil hindi na nila kayang pakainin ang kanilang mga anak ngayon. Sa Iran, tulad ng sa pinaka-maunlad na mga bansa: 'Tama na!'
Hindi natin kayang panoorin ang mga masaker sa Iran! Hindi tayo maaaring manatiling walang malasakit.
Ang digmaang ito ay hindi malayo at "hindi pamilyar" na labanan.
Tayong mga proletaryado ng buong mundo ay apektado ng mga nangyayari "doon"!
Ang ating mga kapatid sa Iran ang namamatay ng libu-libo araw-araw sa ilalim ng mga bomba at putok ng machine-gun ng ating mga mapagsamantala at mamamatay-tao.
Ang ating dugo ang binubuhos ng lahat ng buwitreng ito sa altar ng kapitalismo!
Maaari at kailangang ipahayag ng mga proletaryado ng lahat ng bansa ang kanilang pakikiisa sa pinagsasamantalahan at pinaslang na uri sa Iran.
Hindi sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa kanilang sarili na patulugin ng mga kaliwa at dulong kaliwang partido ng kapital, na tinutuligsa lamang ang malawakang pambobomba ng imperyalismong Yankee habang nagbibigay ng kanilang suporta sa estado ng Iran. Tungkol sa pagtuligsa sa iligal na katangian ng interbensyon, ito ay para lamang sa mas mahusay na pagtaguyod sa 'legal' na digmaan ng mga 'internasyonal na koalisyon'. Ito ay kapareho ng pagtatanggol sa 'makatao' na digmaan. Lahat ng digmaan ay imperyalista! Tulad ng sinabi ni Lenin tungkol sa Liga ng mga Bansa: ang UN, ang NATO ... Lahat sila ay mga lungga ng mga magnanakaw.
Ang tanging pakikiisa na dapat ipakita ng mga proletaryado ng lahat ng bansa sa kanilang makauring mga kapatid sa Iran (at sa lahat ng estado ng Gitnang Silangan) ay ang pakikibakang masa laban sa 'kanilang' sariling pambansang burgesya, laban sa kanilang mga mapagsamantala at mamamatay-tao, laban sa lahat ng estado at kanilang mga pamahalaan, kanan man o kaliwa.
Ito rin ang parehong naghaharing uri na naghasik ng takot at kamatayan sa Iran at nagpataw ng mga alon ng kalabisan, kawalang-katiyakan at pagtaas ng kawalan ng trabaho dito.
Ito rin ang sistema ng pagsasamantala, ang pandaigdigang kapitalismo, na nagtulak sa atin sa kahirapan at nagwasiwas ng maka-digmaang barbarismo!
Ang madugong masaker na bumalot sa Iran at Lebanon ngayon ay panawagan sa responsibilidad para sa proletaryado ng lahat ng mga bansa, lalo na ang mga pinaka may karanasang batalyon nito sa Kanlurang Europa, ang 'pinakamayaman' at pinakamaunlad na bansa ng kapitalismo.
Sa pamamagitan lamang ng pagpapaunlad ng mga awtonomong pakikibaka nito sa sarili nitong makauring tereyn, laban sa kapitalistang pagsasamantala, ang proletaryado ng mga pangunahing bansa na matagpuan sa istorikal na sentro ng kapitalismo ay makapag-alok ng kinabukasan sa buong sangkatauhan, na humahatak sa mga pinagsamantalahan ng buong mundo.
Ang kapitalismo ay isinilang sa Europa sa gitna ng putik at dugo. Sa bahaging ito ng mundo dinanas na ng uring manggagawa ang malupit na karanasan ng dalawang digmaang pandaigdig.
Alalahanin natin na ang pag-unlad ng rebolusyonaryong alon sa Rusya at Alemanya ang nagpilit sa burgesya ng mga dakilang 'demokratikong' kapangyarihan na wakasan ang unang pandaigdigang holocaust ng 1914-18
Ang uring manggagawa ng mga pangunahing kapitalistang bansa ay may mahabang karanasan sa makauring pakikibaka laban sa mga imperyalistang krusada ng 'kanilang' pambansang burgesya. Mayroon itong mahabang karanasan sa mga ideolohikal na panlilinlang na nagsilbi lamang bilang mga dahilan upang kabigin ang mga ito sa larangan ng digmaan sa ngalan ng pagtatanggol sa 'demokrasya' laban sa mga diktaduryang rehimen, sibilisasyon laban sa barbarismo, at lahat ng iba pa.
Dahil ang interes nito ay taliwas sa interes ng mga mapagsamantala, ang uring manggagawa ang tanging pwersa sa lipunan na may kakayahang wakasan ang mga digmaan, patayan at kaguluhan kung saan hindi maiwasang nilulubog ng kapitalismo ang buong sangkatauhan!
Ano ang tugon sa barbarismo ng digmaan?
Upang wakasan ang diktadura ng pandaigdigang burgesya, upang bumuo ng isang bagong lipunan na walang digmaan at walang pagsasamantala, dapat paunlarin ng mga proletaryado ng buong mundo ang malawak, nagkakaisa at malawakang pakikibaka sa lagpas sa iba't ibang pambansang hangganan. Sapagkat ang mga proletaryado ay walang bansa! Sa Russia o Ukraine, sa Gaza o Israel, saanman, kailangang palaging tumanggi ang mga manggagawa na patayin ang kanilang mga kapatid sa uri, makikipagkaisa, at labanan ang kanilang mga mapagsamantala.
Upang magtagumpay sa pagpapaunlad ng rebolusyonaryong perspektiba dapat munang tanggihan ng uring manggagawa na magpalista sa likod ng mga pambansang watawat, tumangging magsilbing pambala ng kanyon, at tanggihan ang lahat ng sakripisyo na ipinataw ng naghaharing uri sa ngalan ng pagtatanggol sa estado at pambansang ekonomiya!
Ang paglaban nang maramihan laban sa mapaminsalang epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya—isang permanente at hindi malulutas na krisis—ay magsimula na unawain ang ugat ng madugong kaguluhan at barbarismo ng digmaan; Ito ang simula ng landas tungo sa kinakailangang politisasyon ng mga pakikibaka. Upang magmartsa tungo sa rebolusyon, kailangang paunlarin ng uring manggagawa ang makauring kamulatan nito.
Sa pamamagitan ng pagpapaigting ng ating mga pakikibaka laban sa panghihimasok ng kapital at laban sa barbarismo ng digmaan, dapat nating igiit ang ating pagkakaisa at ang ating internasyunal na makauring pagkakaisa – isang uri na walang partikular na interes na ipagtatanggol.
Sa harap ng kalubhaan ng mga hamon na dulot ng pagbulusok ng kapitalismo sa pagkabulok, at nahaharap sa bagong patayan sa Iran, iisa lamang ang islogan:
Ibagsak ang digmaan! Ibagsak ang kapitalismo!
Pandaigdigang pakikiisa ng buong uring manggagawa!
Mga manggagawa ng lahat ng bansa, magkaisa!
Internasyonal na Komunistang Tunguhin