Skip to header Skip to main navigation Skip to main content Skip to footer
englishfrançaisdeutschitalianosvenskaespañoltürkçenederlandsportuguêsΕλληνικά
русскийहिन्दीفارسی한국어日本語filipino中文বাংলাmagyarsuomi
Bahay
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa!

Pangunahing paglalayag

  • Pakikipag-ugnay
    • Mga Batayang Posisyon
    • Plataporma ng IKT
    • Manipesto - 1991
    • Internasyonalismo - 2000s
    • Internasyonalismo - 2010s
    • Internasyonalismo - 2020s
    • Manipesto Para Sa Rebolusyong Oktubre, Rusya 1917
    • Mga unyon laban sa uring manggagawa
    • Bayan o Uri?
    • Komunistang mga Organisasyon at Makauring Kamulatan
    • Pagbulusok-pababa ng kapitalismo

Dapat bang isulong ng mga rebolusyonaryo ang islogan ng 'rebolusyonaryong pagkatalo'? 

Breadcrumb

  • Bahay
  • Internasyonalismo - 2020s
  • Internasyonalismo - 2026

Sa harap ng kalubhaan ng internasyunal na sitwasyon at ng pag-igting ng barbaridad ng digmaan, responsibilidad ng mga rebolusyonaryo na pasiglahin ang uring manggagawa na magkaroon ng kamulatan sa mga gumaganang istorikal na nakataya, maunawaan ang dinamika ng balanse ng pwersa sa pagitan ng mga uri at ang mga kahihinatnan ng pakikibaka nito, at bumuo ng mga pagninilay sa mga layunin ng pakikibaka nito. Sa perspektiba ng pagtatanggol sa mga prinsipyo ng Kaliwang Komunista, lumitaw ang tanong kung ano ang mga pagsusuri at oryentasyon ng iba't ibang grupo sa loob ng proletaryong pampulitikang kampo upang gabayan ang pakikibaka ng mga manggagawa.

Ang kahalagahan ng proletaryong debate

Ang mga pampublikong pagpupulong, tulad ng mga inorganisa ng Internationalist Communist Tendency (ICT) noong Marso 7 at ng ICC noong Marso 21, sa Paris at iba pang mga lungsod sa buong mundo, ay naglatag ng mga porum para sa proletaryong debate kung saan maihahambing ang mga pagsusuri at argumento ng iba't ibang rebolusyonaryong grupo. Samakatuwid sumasang-ayon kami sa sumusunod na diin sa pagtatasa ng ICT: "Itinuturing naming mahalaga ang mga ispasyong ito para sa talakayan, pagninilay at debate sa panahong puno ng panganib para sa uring manggagawa, hindi lamang upang ihambing ang mga pananaw at opinyon ng mga militante at simpatisador ng Kaliwang Komunista, kundi upang mag-alok din ng pampulitikang oportunidad sa mga baguhan na interesado sa mga proposisyon ng mga rebolusyonaryong internasyunalistang minorya”.[1] Sa katunayan, ang debate ay isinagawa sa praternal na diwa hindi lamang sa mga proletaryong grupo, kundi pati na rin sa iba pang mga kalahok,[2] kapansin-pansin ang mga kabataang interesado sa mga posisyon ng Kaliwang Komunista, lalo na sa sentral na usapin ng digmaan at kung paano dapat tumugon ang mga rebolusyonaryo at uring manggagawa, sapagkat, tulad ng binigyang-diin ng ICT, "Mabilis na lumitaw ang pagkakaisa hinggil sa perspektiba ng sakuna at barbarikong hinaharap na dinadala tayo ng kapitalismo”.[3]

Sa panahon ng debate, lumitaw ang mga makabuluhang pagkakaiba hinggil sa pamamaraan ng pagsusuri at ang mga implikasyon nito sa pakikibaka ng proletaryado. Sa pagtatasa ng dinamika ng digmaan, iginiit ng karamihan sa mga grupong naroroon na ang mundo ay patungo "sa ikatlong digmaang pandaigdig", habang ang ICC, na sumasalungat sa agos, ay naninindigan na: "patungo tayo sa paglaganap at pangkalahatang mga tunggalian sa buong mundo, laban sa backdrop ng lumalaking kaguluhan, na sa huli ay nagbabanta na wasakin ang sangkatauhan”. Ang debate ay nakasentro sa pagiging angkop ngayon ng islogan ng 'rebolusyonaryong pagkatalo', ibig sabihin, ang pagnanais ng proletaryado sa bawat bansa na makita ang sarili nitong burgesya na matalo upang mapabilis ang pakikibaka para sa pagbagsak nito. Sa katunayan, ang pagtataguyod ng islogan na ito ay nagpapakita hindi lamang ng pagiging malabo tungkol sa tunay na internasyunalismo, kundi higit sa lahat ng maling pananaw hinggil sa mga implikasyon ng kasalukuyang dinamika ng kapitalismo at ng kasalukuyang balanse ng pwersa sa pagitan ng mga uri.

Isang malabong islogan mula sa simula ...

Ang islogan ng "rebolusyonaryong pagkatalo" ay totoong isinulong ni Lenin noong Unang Digmaang Pandaigdig. Gayunman, hinahangad niya noon na "sagutin ang mga panlilinlang ng mga 'sentrista', na bagama't 'sa prinsipyo' laban sa anumang pakikilahok sa imperyalistang digmaan, ay nanghikayat na hintayin ninyo na maging handa ang mga manggagawa sa mga bansang 'kaaway' na makibaka laban sa digmaan bago manawagan sa mga manggagawa sa 'inyong' bansa na gawin din ito. Bilang suporta sa posisyong ito, inilahad nila ang argumento na kung ang mga manggagawa ng isang bansa ay mag-alsa bago ang mga nasa kalabang bansa, mapadali nila ang imperyalistang tagumpay ng huli. Laban sa kondisyonal na 'internasyunalismo' na ito, tama ang sagot ni Lenin na ang uring manggagawa ng anumang bansa ay walang iisang interes sa burgesya nito. Sa partikular, binigyang-diin niya na ang pagkatalo ng huli ay makakapagpadali lamang sa pakikibaka ng mga manggagawa, tulad ng nangyari sa Komuna ng Paris (kasunod ng pagkatalo ng Pransya sa Prussia) at sa rebolusyong 1905 sa Rusya (na natalo sa digmaan sa Hapon). Mula sa obserbasyon na ito, napagpasyahan niya na ang bawat proletaryado ay dapat 'maghangad' ng pagkatalo ng burgesya nito. Ang huling posisyon na ito ay mali na noong panahong iyon, dahil ito ang nagtulak sa mga rebolusyonaryo ng bawat bansa na igiit para sa 'kanilang' proletaryado ang pinaka-paborableng kondisyon para sa proletaryong rebolusyon, samantalang ang rebolusyon ay kailangang maganap sa pandaigdigang antas, at higit sa lahat sa malalaking abanteng bansa, na kasangkot sa digmaan.[4]

Pinuna na ni Rosa Luxemburg ang maling posisyon ni Lenin sa bagay na ito, kahit na siya rin ay paminsan-minsan ay nahulog sa lohika ng ganitong uri ng 'baligtad na patriyotismo'. Pero hindi naman nagkataon na sa kanyang Junius Pamphlet malayong mas malinaw ang kanyang islogan mula sa Manipesto ng Komunista ng 1848: "Mga manggagawa sa mundo, magkaisa!" at hindi sa islogan ng "rebolusyonaryong pagkatalo". Bukod dito, "kay Lenin, ang kahinaan ng posisyon na ito ay hindi kailanman nagdududa sa kanyang hindi matitibag na internasyonalismo (maaari pa nating sabihin na ang kanyang pagiging matatag ang dahilan ng pagkakamali). Sa partikular, hindi kailanman nagkaroon ng ideya si Lenin na suportahan ang burgesya ng isang bansang 'kaaway' - kahit na ito ang lohikal na konklusyon ng kanyang mga 'hangarin'.”[5] 

Sa kabilang banda, ang nasyonalistang pananaw ng rebolusyon na nakapaloob sa islogan ng "rebolusyonaryong pagkatalo" ay kalaunan ay pinagsamantalahan sa maraming pagkakataon "ng mga burges na partido na nakabalot ng mga kulay na 'komunista', upang bigyang-katwiran ang kanilang pakikilahok sa imperyalistang digmaan. Kaya, halimbawa, matapos lagdaan ang kasunduang Ruso-Aleman noong 1939, biglang natuklasan ng mga Pranses na Stalinista ang mga birtud ng 'proletaryong internasyunalismo' at 'rebolusyonaryong pagkatalo', mga birtud na matagal na nilang nakalimutan at mabilis nilang itinakwil nang ilunsad ng Alemanya ang pag-atake nito sa USSR noong 1941. Ginamit din ng mga Italyanong Stalinista ang terminong 'rebolusyonaryong pagkatalo' pagkatapos ng 1941 upang bigyang-katwiran ang kanilang patakaran sa pamumuno sa Paglaban laban kay Mussolini.”[6] Isang aral ang dapat mahalaw mula rito: "Anumang islogan na nakatuon sa sektor na ito o iyon ng proletaryado, na iniuugnay ito sa mga gawaing naiiba o naiiba sa iba pang mga sektor, ay malabo at madaling gamitin laban sa uring manggagawa".[7]

Halos hindi na muling sinusulong ni Lenin ang islogang ito pagkatapos ng Pebrero 1917, at sa halip ay pumapabor sa "transpormasyon ng imperyalistang digmaan sa digmaang sibil”. Bukod dito, ang islogan ng "rebolusyonaryong pagkatalo" ay naglalaman ng isa pang pangunahing kahinaan, na binigyang-diin pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, na binigyang-diin paano tinatalikuran nito ang tunay na internasyunalismo: "Ang lumang eskema ng rebolusyonaryong pagkatalo, na naninindigan na ang pagkatalo ng sariling pamahalaan ay paborable sa pag-unlad ng rebolusyon, gayundin naglalaman ng likas na kalabuan tungkol sa pangangailangan na labanan ang lahat ng pamahalaan sa isang sitwasyon ng digmaan, ay malinaw na pinabulaanan ng katotohanan na ang dibisyon sa pagitan ng mga nagwagi at natalo na mga bansa ay lumilikha ng malalim na pagkakahati-hati sa pandaigdigang proletaryado,  tulad ng pinaka-malinaw na nakita sa kalagayan ng digmaan ng 1914-18."[8]

… isang paglihis ngayon

Ang kasalukuyang dinamika ng pandaigdigang kapitalismo ay walang anumang pagkakahalintulad sa sitwasyon non ng islogan ng 'rebolusyonaryong pagkatalo'. Ngayon, hindi ito patungo sa posibilidad ng pagbubuo ng mga bloke na may layunin para sa ikatlong digmaang pandaigdig, o maging sa pagpapakilos ng sampu-sampung milyong proletaryado sa larangan ng digmaan, kundi sa kabaligtaran patungo sa pagsabog ng imperyalistang 'bawat isa laban sa lahat' at paglaganap ng magulo at barbarikong digmaan, sa loob ng balangkas ng isang kapitalistang lipunan na nabubulok. Hindi rin tayo nasa sitwasyon ng malalim na pisikal at ideolohikal na pagkatalo ng uring manggagawa, ngunit sa isang konteksto kung saan ang mga manggagawa ay nagtatangka, na may kahirapan, sa pamamagitan ng kanilang mga pakikibaka sa ekonomiya, na paunlarin ang kanilang awtonomiya at makauring kamulatan.

Ang proletaryado ay bumabalik sa landas ng pakikibaka at sa katunayan ay nagsimulang magpakita ng enerhiya, lalo na mula nang sumiklab ang mga kilusan sa Britanya sa 2022 sa panahon ng 'Summer of Discontent', sa ilalim ng islogang 'Tama na!’. Ang momentum ay nagpatuloy sa 2023 sa France, Estados Unidos at sa buong mundo, ay nagmarka ng isang 'rupture'[9] na naging relatibong pasibo sa nakalipas na tatlumpung taon, na nagpahiwatig ng tendensya ng mapanlabang diwa at mulat na pagsisikap na unti-unting pagbawi ang nawawalang identidad ng uri. Ang mabagal, mabato, mahirap na prosesong ito ay totoong markado ng mga hadlang, ngunit, kung i-paraphrase si Trotsky sa kanyang History of the Russian Revolution, ito ay nagpahiwatig ng "isang molekular na proseso", ibig sabihin, isang tendensya na umuunlad, na hahantong sa isang kinakailangang politisasyon at pagpapatibay ng isang pangmatagalang perspektiba ng rebolusyonaryong pakikibaka. At sa bagay na ito, ang paglaban bilang tugon sa mga pag-atake sa ekonomiya na nauugnay sa krisis ng labis na produksyon, laban sa ekonomiya ng digmaan, ngunit laban din sa mga kampanyang ideolohikal na humihingi ng mga sakripisyo, ay tunay na hakbang pasulong, kahit na nanatiling mahina. Sa madaling salita, ang nakataya sa kasalukuyang dinamika at mga hamon na ibinibigay nito sa uring manggagawa ay malaki, ngunit hindi ito yaong katulad ng digmaang pandaigdig na inaangking tinugunan ng 'rebolusyonaryong pagkatalo'.

Sa katunayan, itong balangkas ng pagsusuri na ipinagtatanggol ng ICC ay hindi kakaiba o orihinal. Tinutukoy nito ang 'klasikal' na pagsusuri na binuo nina Marx at Engels sa kanilang panahon (at bahagya ni Rosa Luxemburg), na naninindigan na ang rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado ay magmumula sa pagbagsak ng ekonomiya ng kapitalismo at hindi sa digmaan sa pagitan ng mga kapitalistang estado: Hindi, ang digmaan ay hindi lumilikha ng pinaka-kanais-nais na mga kondisyon para sa pangkalahatang rebolusyon. Taliwas sa tesis tungkol sa digmaan na nagpapahiwatig ng pananaw sa isang napakabilis na pag-unlad na ikinagulat ng burgesya (sa modelong Ruso), ang rebolusyon ay lumitaw, tulad ng sinabi ni Luxemburg sa founding congress ng German CP, bilang isang mahaba at masakit na proseso, na puno ng maling pagsisimula, pagsulong at pag-urong sa pakikibaka. Sa prosesong ito ang mga kondisyon ay naghinog para sa pangkalahatan, ang pagtaas ng kamalayan at ang kapasidad para sa pag-oorganisa sa sarili. Dapat itigil ng mga rebolusyonaryo na gawing sanggunian ang kanilang kawalan ng pasensya at matutong kumilos ng pangmatagalan, tulad ng idinidikta ng realidad. […].  Ang mga kondisyon para sa pangkalahatang ay matatagpuan sa krisis mismo. Ang hindi maiiwasang paglubog ng kapitalismo sa isang mas lumalalim na krisis ay lumilikha ng hindi maiiwasang pagmartsa tungo sa pangkalahatang pakikibaka, ang kondisyon para sa pagbubukas ng rebolusyon sa pandaigdigang antas at para sa ultimong tagumpay nito".[10]

Mula sa gayong perspektiba, ang 'rebolusyonaryong pagkatalo' ay hindi na lamang isang maling islogan, ganap na hindi mahalaga; agad nitong binuksan ang pinto sa mga posisyon ng kaliwa. Sa katunayan, pinahintulutan ng isloganng ito ang burgesya at ang mga kaliwa nito na ilarawan ang mga imperyalistang mithiin, kung minsan ay sinamahan ng isa pang islogan, ang 'pambansang pakikibaka para sa pagpapalaya', isang dahon ng igos para sa mga imperyalistang negosyo at masaker sa mga populasyon, tulad ng noong Cold War at unang Gulf War noong 1990, nang ang islogan na ito ay nagbigay-daan sa mga Trotskyista na ipagtanggol ang Iraq ni Saddam Hussein laban sa 'pang-aapi ng US'. Gayundin, ito ay nananatiling isa sa mga islogan na ginamit upang bigyang-katwiran ang makabayang suporta para sa 'inaapi na Palestine' sa labanan na naglalagay sa burgesya ng Palestino laban sa Israel.

Ang ICT, ay gumagamit ng isang katulad na leksikon, kahit na malabo, bagaman ginagawa nito ito upang ipagtanggol ang isang kinakailangang praternisasyon sa hanay ng mga inaapi’.[11] Bagama't hindi sinusuportahan ng ICT at PCI ang isang burges na kampo laban sa isa pa, ang pagtataguyod ng "rebolusyonaryong pagkatalo" batay sa maling batayan ng pagkakaiba sa pambansang sitwasyon sa pagitan ng mga bansa ay hinahadlangan ang anumang malinaw na pagkakaiba sa mga panlilinlang ng mga makakaliwa at sa kanilang may dungis na "internasyunalismo". Para sa mga organisasyong ito, ang maling paggamit ng islogan ng 'rebolusyonaryong pagkatalo' ay naglalarawan ng panganib ng mekanikal at bulag na aplikasyon ng mga lumang pormula mula sa nakaraan. Walang kakayahan ang ICT at PCI na bigyang halaga ng kanilang analitikal na balangkas ang istorikal na sitwasyon ngayon, ang balanse ng pwersa sa pagitan ng mga uri na kinasasangkutan nito, at ang aktwal na materyal na kalagayan ng uring manggagawa, partikular sa mga sentral na kapitalistang bansa, na itinuturing ng mga kasama na "nanatiling may bigat ng impluwensya ng kontra-rebolusyon"[12]

Bagama't ang digmaan at militarismo ay tunay na nasa sentro ng kasalukuyang sitwasyon at ang pagtatanggol sa proletaryong internasyunalismo ay walang dudang nanatiling prinsipyo na dapat itaguyod, hindi tulad ng nakaraan, ang pag-unlad ng susunod na rebolusyonaryong alon ay hindi lilitaw mula sa isang digmaang pandaigdig, o sa anumang sitwasyon mula sa praternisasyon ng iba't ibang larangan tulad ng itinataguyod sa isang kamakailang artikulo ng PCI.[13] Ang rebolusyon ay nagmula sa lumalalim na krisis sa ekonomiya: “ang kahilingan ng burgesya para sa sakripisyo sa ngalan ng pagpapalakas ng makinarya ng digmaan ay tiyak na makakatagpo ng seryosong paglaban mula sa hindi nagagapi na uring manggagawa. Ang mga makauring kilusan na kinatatangian ng rupture ay muling nagpapatibay sa sentralidad ng krisis pang-ekonomya bilang pangunahing pampasigla ng makauring pakikibaka. Ngunit kasabay nito, ang paglaganap ng digmaan at ang pagtaas ng gastos ng ekonomiya ng digmaan, lalo na sa mga pangunahing bansa ng Uropa, ay magiging mahalagang salik sa hinaharap na politisasyon ng pakikibaka, kung saan ang uring manggagawa ay makakagawa ng malinaw na kaugnayan sa pagitan ng mga sakripisyong hinihingi ng ekonomiya ng digmaan at ng lumalaking pag-atake sa pamantayan ng pamumuhay nito.  at kalaunan ay isama ang lahat ng iba pang mga banta na nagmumula sa pagkabulok tungo sa pakikibaka laban sa sistema sa kabuuan.”[14] At sa ganitong kahulugan, ang pinaka-pare-pareho na slogan ay nananatiling slogan ni Marx Manipesto ng Komunista: “Mga manggagawa sa mundo, magkaisa!”

WH, 4 Abril.  


[1] Bilan ng 7 Marso 2026 pampublikong pagpupulong", na inilathala sa Pranses sa Leftcom.org.

[2] Dumalo ang mga grupo ng Kaliwang Komunista: ICT, PCI-Le Prolétaire at PCI-Cahiers Internationalistes, ang ICC. Plus isang militante mula sa CNT-SO.

[3]"Bilan ng 7 Marso 2026 pampublikong pagpupulong", op cit

[4] Tingnan ang aming Polemic: The proletarian political milieu faced with the Gulf War, International Review 64 (1991).

[5]Ibid

[6]Ibid

[7] Ibid

[8]Report on the class struggle for the 26th ICC Congress International Review 174 (Mayo 2025)

[9] Tingnan ang aming artikulo Why does the ICC talk of a "rupture" in the class struggle? World Revolution 397 (Hulyo 2023)

[10]The Historic conditions for the generalisation of working class struggle  International Reviewi 26 (1981)

[11]"Bilan ng 7 Marso 2026 pampublikong pagpupulong"

[12] ICT Panimulang pananalita sa pampublikong pagpupulong

[13]PCI, War in Ukraine. The “Clear Tendency” in the murky quagmire of national defence and realpolitik

[14]Resolution on the international situation International Review 174 (Nobyembre 2025)

Pampublikong Pulong

Book traversal links for Dapat bang isulong ng mga rebolusyonaryo ang islogan ng 'rebolusyonaryong pagkatalo'? 

  • ‹ Ang nabubulok na kapitalismo ang dapat sisihin
  • Up
  • Mga demonstrasyong "Walang Hari": Ang pagtatanggol sa "demokratikong karapatan" ay isang bitag para sa uring manggagawa ›
Bahay
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa!

Footer menu

  • Mga Batayang Posisyon
  • Pakikipag-ugnay