Submitted by Internasyonalismo on
Ang aming organisasyon, ang Internasyunal na Komunistang Tunguhin ay itinatag noong Enero 1975, mahigit kalahating siglo lamang ang nakalipas. Simula noon, ang mundo ay dumanas ng malalaking kaguluhan, at responsibilidad naming ipakita sa proletaryado ang isang pagtatasa sa panahong ito upang matukoy kung ano ang hinaharap na naghihintay para sa sangkatauhan. Ang hinaharap ay madilim. Ang kasalukuyang mapait na kalagayan ay humahantong sa malawakang pagdurusa ng buong populasyon ng mundo, ito ang nagpapaliwanag sa patuloy na pagtaas ng paggamit ng lahat ng uri ng droga at ang pagdami ng mga nagpapakamatay, kabilang ang mga bata. Maging ang mga pinakamataas na awtoridad ng pandaigdigang burgesya, mula sa United Nations hanggang sa Davos Forum, na tuwing Enero ay pinagsasama-sama ang nangungunang mga datos ng ekonomiya sa mundo, ay napipilitang aminin ang kabigatan ng mga salot na dumaranas sa sangkatauhan at lalong nagbabanta sa hinaharap nito.
Nakita natin sa dekada 2020 ang pagbilis ng paglala ng pandaigdigang kalagayan, kung saan dumarami ang mga sakuna – pagbaha at sunog na konektado sa pagbabago ng klima – at pagbilis pa ng pagkawasak ng buhay, kasama ang pandemya ng kumitil sa buhay ng mahigit 20 milyong tao, at pagsabog ng mga bago at mas nakamamatay na mga digmaan sa Ukraine, Gaza, at Africa, lalo na sa Sudan, Congo at Ethiopia.
Ang pandaigdigang kaguluhan ay umabot sa isang bagong yugto noong Enero 2025 nang muling makabalik ang isang mapanira at tusong payaso na si Donald Trump, na ang kanyang ambisyon ay paglaruan ang mundo gaya ng paglalaro ni Charlie Chaplin sa hugis mundong lobo sa pelikulang The Great Dictator.
Samakatuwid, ang Manipestong ito ay makatuwiran hindi lamang dahil sa pag-iral ng aming organisasyon nang limang dekada na ngayon, kundi dahil din sa napakalaking kahalagahang pangkasaysayan na kinahaharap natin: ang kapitalistang sistemang nangingibabaw sa mundo ay dinadala ang lipunan ng tao patungo sa kanyang pagwasak. Naharap sa ganitong hindi maisip na posibilidad, nasa mga nakibaka para sa rebolusyonaryong pagwasak sa kapitalistang sistema, ang mga komunista, na maglatag ng istorikal, pulitika at teoretikal na mga argumento upang bigyan ng sandata ang tanging pwersa sa lipunan na may kakayahang isakatuparan ang rebolusyong ito: ang pandaigdigang proletaryado. Dahil oo, posibleng magkaroon ng ibang lipunan!
Pandaigdigang Kumunistang Rebolusyon o ang pagkawasak ng Sangkatauhan
Katapusan ng mundo! Ang takot na ito ay naranasan sa loob ng apat na dekada ng 'Cold War' sa pagitan ng Estados Unidos at ng Unyong 'Sobyet' at ng kani-kanilang mga kaalyado. Ang dalawang malalaking kapangyarihang ito ay nakaipon ng sapat na mga sandatang nuklear upang masira ang lahat ng buhay ng tao sa Mundo nang ilang beses, at ang kanilang patuloy na mga salungatan sa pamamagitan ng kanilang mga nasasakupan na estado ay nagdulot ng takot na ito ay hahantong sa isang direktang paghaharap sa pagitan ng dalawang higante, na sa huli ay magreresulta sa paggamit ng mga nakakatakot na mga sandatang ito. Upang maiparating ang banta ng kamatayang nakabitin sa buong sangkatauhan, noong 1947 ang Unibersidad ng Chicago ay lumikha ng isang Orasang Apokalypsis kung saan ang hatinggabi ay kumakatawan sa katapusan ng mundo.
Ngunit pagkatapos ng taong 1989, kung saan nakita ang pagbagsak ng isa sa dalawang bloke, na ang isa sa mga ito ay tinawag ang kanyang sarili na 'sosyalista', nakita natin ang napakaraming pag-uusap tungkol sa 'kapayapaan' at 'kaunlaran' mula sa mga pinuno ng mundo, mga mamamahayag at 'eksperto' na lumalabas sa telebisyon gabi-gabi upang ibahagi ang kanilang mga pagkiling, kawalan ng kakayahan at kasinungalingan. Ang noo'y Presidente ng US na si George Bush Sr., bilang punong sinungaling, ay nangako pa noong 1990 ng isang panahon ng kapayapaan na nakabatay sa isang "bagong kaayusan ng mundo, kung saan papalitan ng panuntunan sa batas ang batas ng gubat at kung saan igagalang ng malalakas ang karapatan ng mahihina". (Talumpati sa Kongreso ng Estados Unidos, 11 Setyembre 1990).
Ngayon, ang parehong mga personalidad ay nagbibigay na sa atin ng naiibang talumpati, alam nila na magmukhang tanga kung patuloy nilang ipapakita ang optimismo ng mga nakaraang dekada. Sapagkat hindi na lihim na ang mundo ay nasa napakasamang kalagayan, at ang realisasyon na ito ay patungo sa pagkawasak ay muling nagiging laganap sa lipunan, partikular sa mga henerasyon ng kabataan. Ang pangunahing sanhi ng pagkabalisa na ito ay, siyempre, ang pagkasira ng kapaligiran, na hindi isang inaasahang hinaharap ngunit isang katotohanan na ngayon. Ang pagkawasak na ito ay hindi lamang nasa anyo ng krisis sa klima na may mga 'matinding kaganapan' tulad ng mga baha, bagyo, matinding init, tagtuyot na humahantong sa pagka-disyerto at sunog na hindi na masukat. Ang mga buhay na organismo rin ay nanganganib na malipol, kasama ang bumibilis na paglaho mga species, partikular na ang mga halaman at hayop. Ito ay ang pagkalason sa hangin, tubig at pagkain, at ang lumalaking banta ng mga pandemya na nagreresulta mula sa pagkasira ng mga kalikasan ng kapaligiran, mga pandemya na maaaring magmukhang maliit na isyu ang Covid pandemic noong unang bahagi ng 2020 kung ikukumpara. At, na parang hindi sapat ang mga sakuna na ito upang magdulot ng sapat na pagkabalisa, mayroon na tayong paglaganap ng lalong nakamamatay na mga digmaan, na may mga kakila-kilabot na eksena ng pagkawasak sa larangan ng digmaan at mga payat na bata sa Gaza at Sudan. Ang mga larawang ito ay magpapaalala sa mga matatandang tao ng kakila-kilabot na taggutom na tumama sa Biafra noong panahon ng digmaan doon noong huling bahagi ng 1960s, na kumitil ng dalawang milyong buhay.
Ang katapusan ng Cold War apat na dekada na ang nakalipas ay hindi nangangahulugan ng katapusan ng mga digmaan. Kabaligtaran, ang pagbagsak ng disiplina na ipinataw sa kanilang mga nasasakupan ng dalawang makapangyarihan ay nagbukas ng pinto sa paglaganap ng partikular na nakamamatay na mga gyera (halimbawa, ilang daang libong namatay sa Iraq noong mga digmaan noong 1991 at 2003). Gayunpaman, ang mga tunggaliang ito ay hindi na bahagi ng antagonismo sa pagitan ng mga bloke ng Silangan at Kanluran, at sa karamihan ng panahong ito ay nagkaroon ng makabuluhang pagbawas sa paggasta ng militar, lalo na ng mga pangunahing kapangyarihan. Hindi na ito ang kaso ngayon: kahit na hindi na natin nakikita ang pagbuo ng mga bagong bloke na maaaring maging simula ng ikatlong pandaigdigang digmaan, ang paggasta ng militar ay tumaas nang husto. At ang mga armas na dati iniimbak lang ay ginagamit na, tulad ng nakikita natin ngayon sa Ukraine, Lebanon, Gaza at Iran. Ang kilalang kasabihan, ‘Kung gusto mo ng kapayapaan, maghanda para sa digmaan’, na pilit na inuulit sa atin ng mga pinuno ng daigdig ngayon, ay palaging napatunayang mali. Kung mas marami ang mga armas, mas nakamamatay ang mga digmaan na hindi maiiwasan sa isang kapitalistang sistema na nasa krisis, na magpapalaganap ng paghihirap, pagkawasak, taggutom at kamatayan na patuloy na tumataas ang antas. At isa sa mga katangian ng pandaigdigang sitwasyon mula noong unang bahagi ng 2020s ay ang mga kalamidad na dumarating sa mundo na may posibilidad na magsama-sama nang higit pa, nagpapakain at nagpapasigla sa isa't isa sa isang uri ng mapinsalang ipo-ipo.
Halimbawa, ang pagkatunaw ng mga takip ng yelo bunga ng umiinit na mundo ay higit na nagpapatingkad sa pag-init na ito, dahil ang malaking bahagi ng yelo na ito ay nagsilbing salamin sa mga mga sinag ng araw pabalik sa halip na gawing init.
Gayundin, ang pagbabago ng klima at ang mga digmaan ay nagdudulot ng mas maraming taggutom, na humahantong sa pagtaas ng emigrasyon sa mga pinaka-maunlad na bansa. At ang imigrasyong ito ay nagdudulot sa pagtaas ng populismong xenophobic sa mga bansang ito at ang pag-upo sa kapangyarihan ng mga pwersang pampulitika na maaari lamang magpalala sa sitwasyon. Totoo ito lalo na sa mga tuntuning pang-ekonomiya, tulad ng makikita sa mga hakbang ni Trump sa kalakalan, kung saan ang mga ipinataw na taripa ay lalong nagpapalala sa kawalan ng katatagan ng pandaigdigang pamilihan at ng kapitalistang ekonomiya sa kabuuan, kabilang ang sa Estados Unidos. Maaari nating suriin ang lahat ng krisis at sakuna na dumarating sa mundo upang makita kung paanong ang mga ito ay iba't ibang manipestasyon ng isang pangkalahatang kaguluhan na lalong hindi na makontrol ng mga pinuno ng mundo at hahantong sa pagkawasak ng sangkatauhan. Simula noong Enero 28, 2025, ang Orasang Apokalipsis sa Chicago ay itinakda sa 23:58 oras, 31 segundo, ang pinakamalapit na oras nito sa hatinggabi.
Dahil sa lumalalang sakuna at lumalaking banta ng pagkawasak ng sangkatauhan, maraming tao, lalo na ang mga kabataan, ang tumatangging sumuko sa pangkalahatang kawalan ng pag-asa na lumalaganap sa lipunan. Regular nating nakikita ang mga protesta laban sa pagbabago ng klima, laban sa pagkasira ng kapaligiran at laban sa digmaan, ngunit malinaw na ang mga pinuno ng mundo, kahit na gumagawa sila ng mga talumpating pangkalikasan o pasipista, ay walang tunay na pag-aalala sa pagpigil sa mga sakuna na ito. Ang nakikita natin ngayon, sa kabaligtaran, ay isang pangkalahatang muling pagsusuri sa maliliit na 'berdeng' hakbang na inanunsyo ng mga pinuno sa nakaraan, habang ang kanilang mga pangako sa kapayapaan ay pinawalang-bisa araw-araw. At hindi ito usapin ng 'mabuti' o 'masamang' intensyon sa bahagi ng mga pinunong ito. Ang ilan sa kanila ay hayagan at mapangutyang niyayakap ang kanilang kriminal na layunin: Sina Putin at Netanyahu ay malaswang binigyang-katwiran ang kanilang pambobomba sa mga sibilyang populasyon, habang si Trump, sa salita at gawa, ay nagtataguyod ng pagsira sa kapaligiran. Gayunpaman, lahat ng gobyerno, anuman ang kanilang retorika at mga pananaw o posisyong pampolitika, ay nagpapatupad ng napakalaking pagparami ng mga armas at paulit-ulit na binabawasan ang mga patakaran sa pangangalaga sa kapaligiran, bilang karagdagan sa pag-atake sa mga pamantayan ng pamumuhay ng mga manggagawa. At ito ay dahil sa napakasimpleng mga kadahilanan. Una, sa harap ng lumalaking pagbagsak ng kapitalistang ekonomiya, ang kompetisyon sa pagitan ng mga estado ay lalong tumitindi, at wala silang ibang magagawa, maliban sa pagbabawas ng gastos sa paggawa, ay ang pagtalikod sa mga patakaran sa pangangalaga sa kapaligiran upang maging mas mapagkumpitensya sa pandaigdigang pamilihan. Pangalawa, gaya ng dati nang nangyayari noon, ang lumalalim na mga kontradiksyon sa ekonomiya ng kapitalismo ay humahantong sa paglala ng mga antagonismong militar.
Sa katunayan, habang ang mga demonstrasyon ng mga kabataan laban sa pagkasira ng kapaligiran at digmaan ay nagpapakita ng malalim na pagmamalasakit sa mga pangunahing isyu, wala silang tunay na bigat sa pagharap sa burgesya na namamahala sa mundo, dahil hindi sila bumubuo ng isang harapang pag-atake sa naghaharing uri. Ang proletaryado lamang ang tanging uri na maaaring magbanta dito. Bilang resulta, madali silang maging biktima ng mga demagohikong kampanya ng mga partidong burges, na ang malinaw na layunin ay ilihis ang uring manggagawa mula sa pundamental na pakikibaka nito laban sa kapitalismo. At iyon ang pinakasentro ng makasaysayang sitwasyon.
Sa realidad, ang sistemang kapitalista ay nakatadhana ng maglaho ng kasaysayan, tulad ng sistemang alipin noong sinaunang panahon at sistemang pyudal noong Gitnang Panahon. Tulad ng pyudal na lipunan at, bago nito, alipin na lipunan, ang kapitalistang lipunan ay pumasok sa panahon ng pagbulusok. Nagsimula ang pagbulusok na ito sa simula ng ika-20 siglo at nakita ang unang manipestasyon sa Unang Digmaang Pandaigdig. Ito ay patunay na ang mga batas pang-ekonomiya ng sistemang kapitalista, na nagbigay-daan sa malaking pag-unlad sa materyal na produksyon noong ika-19 na siglo, ay naging seryosong balakid na ngayon, na ipinahayag sa lumalaking mga kombulsyon tulad ng Unang Digmaang Pandaigdig at ang krisis noong 1929. Ang pagbulusok na ito ay nagpatuloy sa buong ika-20 siglo, lalo na sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na resulta ng krisis na ito. At habang ang mga taon pagkatapos ng digmaan ay nagdala ng isang panahon ng kasaganaan kasabay ng rekonstruksyon, ang mga kontradiksyon sa ekonomiya ng sistemang kapitalista ay muling lumitaw sa pagtatapos ng dekada 1960, na nagtulak sa mundo sa tumitinding kaguluhan, kasabay ng sunud-sunod na mga krisis sa ekonomiya, militar, politika at klima. At ang mga krisis na ito ay hindi malulutas, dahil ang mga ito ay bunga ng hindi malulutas na mga kontradiksyon na nakakaapekto sa mga batas pang-ekonomiya ng kapitalismo. Kaya naman, ang sitwasyon sa mundo ay maaari lamang lumala, na may tumitinding kaguluhan at lalong nakapangingilabot na barbarismo. Ito lamang ang kinabukasan na maiaalok sa atin ng sistemang kapitalista.
Sabihin ba natin na wala ng pag-asa, na walang anumang pwersa sa lipunan ang makakalaban sa landas na ito tungo sa pagkawasak ng sangkatauhan? Isang konklusyon ang lalong lumilinaw para sa mga nakakaalam ng bigat ng sitwasyon: walang solusyon sa loob ng sistemang kapitalista na nangingibabaw sa mundo. Ngunit paano natin matatakasan ang sistemang ito? Paano natin mapapabagsak ang kapangyarihan ng mga namamahala dito? Paano tayo makakagawa ng landas tungo sa isang lipunang hindi na makakaalam ng barbarismo ng mundo ngayon, kung saan ang napakalaking pagsulong sa agham at teknolohiya ay hindi na gagamitin upang gumawa ng mas nakakatakot na mga instrumento ng kamatayan o upang gawing lalong hindi matitirhan ang mundo, ngunit, sa kabaligtaran, ay gagamitin sa paglilingkod sa kabutihan ng tao? Isang lipunan kung saan ang mga digmaan, kawalan ng katarungan, kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi ay aalisin. Isang lipunan kung saan ang lahat ng tao ay maaaring mamuhay nang may pagkasundo at pagkakaisa, sa halip na kompetisyon at karahasan. Isang lipunan na hindi na paglabanin ang mga tao at kalikasan, ngunit sa halip ay ibabalik ang mga tao sa pagiging bahagi ng kalikasan.
Kapag isinaalang-alang natin ang posibilidad ng ganitong lipunan, hindi nagkukulang ang mga 'realista' na nagkibit-balikat at sinusubukang kutyain ang mga ganitong kaisipan: 'ito ay mga panaginip lang, mga alamat, mga utopya'. Siyempre, sa mga pribilehiyadong sektor ng lipunan at sa mga taong walang pakundangang nagtatanggol sa mga ito matatagpuan natin ang mga pinakapanatikong tagapagsalita at ang kanilang paghamak sa mga 'ideyang utopyan', ngunit dapat nating kilalanin na ang kanilang mga opinyon ay nakakaimpluwensya sa karamihan sa lipunan.Upang masagot ang lahat ng mga tanong na ito tungkol sa hinaharap, dapat muna nating balikan ang mga pakikibaka ng nakaraan.
Pagbabalik-tanaw sa mga alaala ng ating mga nakaraang pakikibaka upang maghanda para sa darating na mga pakikibaka
Ang pangarap ng isang ideyal na lipunan na walang pang-aapi at ang mga tao namumuhay ng magkasundo ay hindi na bago. Matatagpuan ang mga ito sa sinaunang Kristyanismo, sa Digmaan ng mga Magsasaka sa Alemanya noong ika-16 siglo (ang mga Anabaptist sa paligid ng monghe na si Thomas Müntzer), sa Rebolusyong Ingles noong ika-17 siglo (ang 'Diggers' o 'True Levellers') at sa Rebolusyong Pranses noong huling bahagi ng ika-18 siglo (Si Babeuf at ang 'Conspiracy of Equals'). Totoo na ang mga pangarap na ito ay utopyan. Hindi ito maaaring maisakatuparan dahil, noong panahong iyon, ang mga materyal na kondisyon para sa kanilang pagsasakatuparan ay wala pa. Ang pag-unlad ng uring manggagawa kasabay ng rebolusyong industriyal sa pagtatapos ng ika-18 siglo at simula ng ika-19 siglo ang naglatag ng pundasyon para sa isang lipunang komunista sa solidong materyal na batayan.
Ang mga pundasyong ito ay, sa isang banda, ang napakalaking kasaganaan ng kayamanan na naging posible sa pamamagitan ng mga batas ng kapitalismo, isang kasaganaan na maaaring magdulot ng ganap na satispaksyon sa mga pangangailangan ng tao, at, sa kabilang banda, ang napakalaking paglago ng uring lumikha ng karamihan sa kayamanang ito, ang modernong proletaryado. Sa katunayan, tanging ang uring manggagawa lamang ang may kakayahang magdulot ng napakalaking pagbabagong kinakatawan ng pagwasak ng kapitalismo at pagtatatag ng komunismo. Ito lamang sa lipunan ang may tunay na interes sa radikal na pagbuwag sa mga pundasyon ng kapitalismo at, una sa lahat, sa produksyon ng kalakal, na siyang nasa puso ng krisis ng sistemang ito. Sapagkat ang merkado mismo, ang dominasyon ng mga kalakal sa kapitalistang produksyon, ang siyang ugat ng pagsasamantala sa mga manggagawa. Ang natatanging katangian ng uring manggagawa, hindi tulad ng ibang mga kategorya ng mga prodyuser tulad ng maliliit na magsasaka o artisano, ay pinagkaitan ito sa pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon at napipilitan, upang mabuhay, na ibenta ang lakas-paggawa nito sa mga may-ari ng mga kagamitan sa produksyong ito: mga pribadong kapitalista o estado. Dahil sa sistemang kapitalista, ang lakas paggawa mismo ay naging isang kalakal, at sa katunayan ang pangunahing kalakal ng lahat, kung kaya't pinagsamantalahan ang proletaryado. Kaya naman ang pakikibaka ng proletaryado laban sa kapitalistang pagsasamantala ay kaakibat ng abolisyon ng sahurang paggawa at, dahil dito, ang abolisyon ng lahat ng anyo ng mga kalakal. Bukod dito, ang uring ito ang gumagawa na ng halos lahat ng yaman ng lipunan. Ginagawa nila ito nang sama-sama, salamat sa kolektibong paggawa na pinaunlad mismo ng kapitalismo. Ngunit hindi nagawang kumpletuhin ng sistemang ito ang sosyalisasyon ng produksyon na isinagawa nito sa kapinsalaan ng maliit na indibidwal na produksyon.
Isa ito sa mga pangunahing kontradiksyon ng kapitalismo: sa ilalim ng pamamahala nito, ang produksyon ay naging pandaigdigan, ngunit ang mga paraan ng produksyon ay nananatiling nakakalat sa maraming may-ari, mga pribadong amo o mga bansa-estado, na nagbebenta at bumibili ng mga produktong ginawa at nakikipagkumpitensya sa isa't isa. Samakatuwid, ang abolisyon ng pamilihan ay nangangailangan ng pag-agaw sa kapangyarihan ng lahat ng mga kapitalista at ang kolektibong pag-agaw sa ng mga kagamitan ng produksyon ng lipunan. Magagawa lamang ito ng uring walang pagmamay-aring kagamitan ng produksyon, kung kolektibo silang kikilos para gawin ito.
1917: ang rebolusyon sa Russia
Para sa mga patuloy na nagsasabing ang rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado ay isa lamang 'matamis na panaginip', kailangan lamang nating alalahanin ang istorikal na realidad. Sa katunayan, noong kalagitnaan ng ika-19 siglo, lalo na ang kilusang Chartist sa Inglatera, ang pag-aalsa noong Hunyo 1848 sa Paris, ang pagkakatatag noong 1864 sa London ng International Workingmen's Association (na mabilis na naging isang 'pwersa' sa Europa) at ang Commune noong 1871, sinimulang patunayan ng proletaryado na ito ay isang tunay na banta sa uring kapitalista. At ang banta na ito ay ganap na nakumpirma sa rebolusyon noong 1917 sa Russia at 1918-23 sa Germany.
Ang mga rebolusyong ito ay mga konkretong kumpirmasyon sa pananaw ng Manipesto ng Komunista na pinagtibay ng Communist League noong 1848 at isinulat nina Karl Marx at Friedrich Engels. Ang pangunahing dokumentong ito ay nagtapos sa sumusunod: "Namumuhi ang mga Komunista na itago ang kanilang mga pananaw at layunin. Hayagan nilang ipinapahayag na ang kanilang mga layunin ay makakamit lamang sa pamamagitan ng sapilitang pagpapabagsak sa lahat ng umiiral na mga kalagayang panlipunan. Hayaang manginig ang mga naghaharing uri sa isang rebolusyong komunista! Walang mawawala sa mga proletaryado kundi ang kanilang mga kadena. Mayroon silang mundong dapat ipagtagumpay".
At nangyari nga, mula noong 1917 pataas, ang mga naghaharing uri, at lalo na ang burgesya, ay nagsimulang manginig. Ang kapangyarihan ng pandaigdigang rebolusyonaryong alon, na nagtapos sa Russia at Germany, ay nagtulak sa mga pamahalaan na wakasan ang digmaan. Kaya namulat ang mga manggagawa sa kanilang kapangyarihan, inorganisa ang kanilang sarili bilang isang uri, nagpulong sa mga permanenteng pangkalahatang asembliya, inorganisa ang kanilang sarili sa mga sobyet (salitang Ruso para sa 'mga konseho'), nag-usap-usap, nagpasya at kumilos nang sama-sama. Nakita nila ang bukang-liwayway ng isang posibleng mundo na nangyayari sa harap ng kanilang mga mata.
1920-1930-1940-1950: ang kontra-rebolusyon
Para sa burgesya, na nahaharap sa tunay na posibilidad na babagsak ang kanilang sistema ng pagsasamantala at sa gayon ay mawala ang kanilang mga pribilehiyo ay nakaramdam ng takot at poot. Noong 1871, nang ang proletaryado ng Paris ay nasa kapangyarihan sa loob ng dalawang buwan, ang burgesya ng Pransya, kasama ang pakikipagsabwatan ng mga tropang Prussian na sumasakop pa rin sa Pransya, ay nagpakawala ng isang kakila-kilabot na panunupil laban sa mga 'Komunard', isang 'madugong linggo' na nag-iwan ng 20,000 patay. Sa harap ng rebolusyonaryong alon ng 1917, ang pandaigdigang burgesya, at hindi lamang isa o dalawang bansa, ang nagpakawala ng kanilang poot at barbaridad. Nagkaisa ang mga pinuno ng lahat ng mga bansa, kahit na ang mga pinaka 'demokratiko', ay sumuporta sa mga Puting hukbo na pinamunuan ng mga opisyal ng bumagsak na rehimeng Tsarist, isa sa mga pinaka-reaksyonaryo sa mundo. Ang mas malala pa, ang mga partidong 'Sosyalista', na nagtaksil sa batayang prinsipyo ng proletaryong internasyonalismo sa pamamagitan ng aktibong paglahok sa Digmaang Pandaigdig, ay umabot sa kailaliman ng kahihiyan sa pamamagitan ng pangunguna sa panunupil ng rebolusyon sa Alemanya, na nagdulot ng libu-libong pagkamatay at pag-utos ng walang-awang asasinasyon sa dalawang pinakamaningning na personalidad ng pakikibaka ng proletaryado: sina Rosa Luxemburg at Karl Liebknecht. “Dapat may magsilbing asong-tagahanap. Hindi ako natatakot sa responsibilidad” pahayag ni Gustav Noske, isa sa mga pinuno ng Social Democratic Party (SPD) at Ministro ng Depensa.
Sa Rusya, ang mga Puting hukbo ay tuluyang natalo ng Pulang Hukbo. Ngunit sa Alemanya, nagawa ng burgesya na durugin ang mga pagtatangkang pag-aalsa ng mga manggagawa noong 1919, 1921 at 1923. Dahil dito nahiwalay ang Rebolusyong Ruso, na nagbukas ng daan para sa kontra-rebolusyon.
Ito ang tagpo ng pinakamalaking drama ng ika-20 siglo: sa Rusya, ang kontra-rebolusyon ay hindi nagtagumpay mula sa 'labas', sa pamamagitan ng mga baril ng isang dayuhang hukbo, kundi mula sa 'loob', na nagpapasama, dumudurog, nagpapatapon at pumapatay habang inaangkin at nagbabalatkayo bilang rebolusyong komunista. Sa katunayan, ang estadong lumitaw matapos bumagsak ang burges na estado ang nagdala ng kontra-rebolusyon. Ang estadong ito ay tumigil sa paglilingkod sa proletaryado sa Rusya at sa iba pang bahagi ng mundo at naging tagapagtanggol ng bagong estadong burgesya na humalili sa klasikal na burgesya at ngayon ay may tungkuling ipagpatuloy ang pagsasamantala sa uring manggagawa. Ito ay karagdagang kumpirmasyon ng pananaw na inilahad ng mga rebolusyonaryo noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo: ang rebolusyong komunista ay maaari lamang maging pandaigdigan. Ang pananaw na ito ay malinaw na nakasaad sa teksto ni Engels na 'Mga Prinsipyo ng Komunismo', na naghanda ng pundasyon para sa Manipesto ng Komunista: "Ang rebolusyong komunista ay hindi lamang magiging isang pambansang penomeno kundi dapat maganap nang sabay-sabay sa lahat ng sibilisadong bansa (...). Magkakaroon ito ng malakas na epekto sa ibang mga bansa sa mundo, at radikal na babaguhin ang takbo ng pag-unlad na kanilang sinundan hanggang ngayon, habang lubos na pinalalakas ang bilis nito. Ito ay isang unibersal na rebolusyon at, samakatuwid, ay magkakaroon ng unibersal na saklaw." Ang prinsipyong ito ay masigasig na ipinagtanggol ng lahat ng rebolusyonaryo ng ika-20 siglo, lalo na ni Lenin, sa kanya utang natin ang napakalinaw na pahayag na ito:
"Ang Rebolusyong Ruso ay isang bahagi lamang ng pandaigdigang sosyalistang hukbo, at ang tagumpay at matagumpay na rebolusyon na ating naisakatuparan ay nakadepende sa pagkilos ng hukbong iyon. Ito ay isang katotohanang hindi natin nakakalimutan (...). Ang proletyaryo ng Ruso ay mulat sa kanyang rebolusyonaryong pagkabukod, at maliwanag na nakikita na ang nagkakaisang interbensyon ng mga manggagawa sa buong mundo ay isang di-maiiwasang kundisyon at pangunahing batayan para sa kanilang tagumpay." (23 Hulyo 1918)
Ito ang dahilan kung bakit ang ideya ng “Sosyalismo sa Isang Bansa”, na ipinanukala ni Stalin simula 1924, ay nagpakita ng kanyang pagtaksil at ng Partidong Bolshevik, ng kung saan siya ay naging pinuno. Ang pagtataksil na ito ang unang hakbang ng nakasisindak na kontra-rebolusyon na bumagsak sa proletyaryo sa Rusya at sa internasyunal. Sa Rusya, nakita natin si Stalin at ang kanyang mga kasabwat na unti-unting inalis ang mga pinakamahusay na mandirigma ng rebolusyong 1917, lalo na sa madilim na 'Paglilitis sa Moscow' noong 1936-38, kung saan ang mga akusado, na pinahina sa pamamagitan ng tortyur at banta laban sa kanilang mga pamilya, ay umamin sa mga pinakamasamang krimen bago sila barilin sa batok. Kasabay nito, milyon-milyong mga manggagawa ang pinatay o itinapon sa concentration camps nang walang dahilan upang mapanatili ang klima ng takot sa populasyon. Sa labas ng Rusya, ang mga Stalinisadong 'Komunistang' partido ay nasa unahan ng pagsabotahe at maging pagsupilsa mga pakikibaka ng mga manggagawa, tulad ng nangyari sa Barcelona noong Mayo 1937, nang ang proletyaryo ng lungsod na iyon ay nag-alsa laban sa tumitinding pang-aalipin na ipinataw sa kanila ng mga Stalinista.
Sa Alemanya, ang pinakamahalagang bahagi ng pagtatanggol sa kapitalistang rehimen ay inako ng mga 'demokratikong' partido ng Republika ng Weimar, at lalo na ng Partidong Sosyal-Demokratiko, ngunit kinailangan para sa burgesya na magpataw ng 'parusa' ng walang kapantay na karahasan sa mga proletaryado ng bansang iyon upang permanenteng maalis ang anumang pagnanasang mag-alsa laban sa kapitalistang kaayusan. At ang Partidong Nazi ang umako sa kasuklam-suklam na gawaing ito nang may napakalaking kalupitan na alam nating lahat.
Kung tungkol sa mga 'demokratikong' paksyon ng burgesya, lalo na yaong may kontrol sa Pransya, United Kingdom at Estados Unidos, ginampanan nila ang kanilang parte sa kontra-rebolusyon na hindi masyadong kagila-gilalas ngunit parehong epektibo. Ang mga paksyong ito ay hindi lamang nasiyahan sa pagsuporta sa panunupil sa rebolusyonaryong proletaryado sa Rusya at Alemanya (halimbawa, ang Pransya, na tumalo sa Alemanya noong 1918, ay ibinalik ang 16,000 machine guns upang patayin ang mga rebeldeng manggagawa). Ang mga 'demokratikong' institusyon ang nagsilbing tuntungan para kay Hitler upang maupo sa kapangyarihan, at ang napakademokratikong Englatera ang pumabor sa tagumpay nina Hitler at ng kaalyado ni Mussolini sa Espanya, si Franco. Noong dekada 1930 din nagbigay ng respeto ang mga 'demokrasya' sa rehimeng Stalinista sa pamamagitan ng pagtanggap dito sa Liga ng mga Bansa noong Setyembre 1934, isang burgis na organisasyon na inilarawan ni Lenin bilang isang "lunggab ng mga magnanakaw" nang ito ay itinatag noong 1919. Ang respetong ito ay pinatibay ng paglagda noong Mayo 1935 ng Franco-Soviet Mutual Assistance Treaty (kilala bilang Laval-Stalin Pact).
Kaya naman, ang nakapangingilabot na barbarismo na nangyari noong dekada 1930 sa ilalim ng mga rehimeng Stalinista at Hitler, sa ang pakikipagsabwatan ng mga 'demokratikong' rehimen, ay nagbabala sa atin tungkol sa uhaw sa dugong galit na mananaig sa mapagsamantalang uri kapag ang mga pribilehiyo at kapangyarihan nito sa lipunan ay nanganganib.
Ngunit noong dekada 1930, ang proletaryado, at ang pandaigdigang lipunan sa kabuuan, ay hindi pa umaabot sa pinakamababang antas. Ang mga taong ito ay minarkahan ng pagbagsak ng pandaigdigang ekonomiya na may kakila-kilabot na mga pag-atake sa uring manggagawa, ngunit ang huli, dahil sa lalim ng pagkatalo nito, ay hindi nakatugon sa mga pag-atakeng ito sa pamamagitan ng muling pagtahak sa landas ng rebolusyon. Kabaligtaran, ang mga taong ito ay humantong sa pinakamalaking trahedya na naranasan ng lipunan ng tao: ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung saan 60 milyong patay, karamihan ay mga sibilyan, ang pinaslang sa concentration camps ng Nazi o sa ilalim ng pambobomba sa mga lungsod sa magkabilang panig. Hindi na kailangang talakayin pa ang mga detalye ng trahedyang ito dito, walong dekada ang lumipas. Marami pa ring mga libro, artikulo, at programa sa telebisyon na nagbibigay sa atin ng mga salaysay tungkol dito. Kamakailan lamang, isang matagumpay na pelikula, ang Oppenheimer, ang nagpaalala sa isang partikular na kakila-kilabot na yugto ng panahong ito: ang mga bomba atomika na inihulog sa bansang Hapon ng 'dakilang demokrasyang Amerikano' noong Agosto 1945.
Isa sa mga pinaka-nakakatakot na aspeto ng digamang ito ay hindi ito nag-udyok ng reaksyon mula sa proletaryado, tulad ng nangyari noong Unang Digmaang Pandaigdig . Kabaligtaran, ang tagumpay ng mga Alyado noong 1945, na ipinakita bilang tagumpay ng sibilisasyon laban sa barbarismo, ng 'demokrasya' laban sa pasismo, ay nagpalakas sa mga ilusyon na pinapanatili ng burgesya sa loob ng uring manggagawa sa mga pangunahing bansa, lalo na ang tungkol sa 'demokrasya' bilang ang mainam na anyo ng organisasyong panlipunan, isang organisasyon na, lampas sa retorika ng mga tagapagtanggol nito, sa katotohanan ay nagpapatuloy sa pagsasamantala sa mga manggagawa, kawalan ng katarungan, pang-aapi at mga digmaan.
Kaya, pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinagpatuloy ng naghaharing uri ang mga pamamaraang nagbigay-daan dito upang pigilan ang proletaryado at sapilitang mobilisahin para sa imperyalistang masaker noong dekada 1930. Bago at pagkatapos ng digmaan, isa sa mga pangunahing panlilinlang na inihain ng burgesya sa proletaryado ay ang pagpapakita na ang kanilang mga pagkatalo bilang mga tagumpay. Walang alinlangan na ang mapanlinlang na alamat ng 'sosyalistang estado' na lumitaw mula sa rebolusyon sa Russia at ipinakita bilang isang balwarte ng proletaryado, gayong sa katunayan ito ay walang iba kundi tagapagtanggol ng nasyonalisadong kapital, na bumubuo bilang batayang sandata pareho para sa sapilitang mobilisasyon at demoralisasyon sa proletaryado. Ang mga manggagawa ng buong mundo, na siyang pinagmulan ng matinding pag-asa dahil sa pakikibaka noong 1917, ay inanyayahan na ngayong walang kondisyong isuko ang kanilang mga pakikibaka para sa pagtatanggol sa 'sosyalistang bayan', at kung saan may mga nagsimula nang maghinala sa katangian nitong laban sa uring manggagawa, nagawang itanim ng ideolohiyang burges ang ideya na ang rebolusyon ay walang ibang magiging resulta kundi ang nangyari sa Rusya: ang paglitaw ng isang bagong lipunan ng pagsasamantala at pang-aapi na mas malala pa kaysa sa kapitalistang lipunan.
Katunayan, ang mundong umusbong mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay nakasaksi ng paglakas ng kontra-rebolusyon, hindi na pangunahin sa anyo ng terorismo, mga asasinasyon sa mga manggagawa, at concentration camps, na ngayon ay nakalaan para sa mga estadong 'sosyalista' (tulad ng sa madugong panunupil sa Silangang Alemanya noong 1953, Hungary noong 1956, at Poland noong 1970), kundi sa mas tusong anyo ng ideolohikal na kontrol ng burgesya sa mga pinagsasamantalahan, kontrol na pinapaboran ng pansamantalang pagbuti sa sitwasyong pang-ekonomiya noong panahon ng rekonstruksyon pagkatapos ng digmaan.
Ngunit gaya ng sinasabi sa kantang La semaine sanglante (Ang Madugong Linggo), na isinulat pagkatapos ng panunupil sa Paris Commune ng Communard na si Jean-Baptiste Clément (may-akda rin ng ‘Temps des cerises’ (Panahon ng mga Cherries): “Les mauvais jours finiront” (May kataposan din masasamang araw). At ang ‘masasamang araw’ ng ganap na ideolohikal na dominasyon ng burgesya ay natapos noong Mayo 1968.
1968: ang pagpapatuloy ng pakikibaka ng proletaryado
Ang malaking welga noong Mayo 68 sa Pransya (na noon ay ang pinakamalaking welga sa kasaysayan ng pandaigdigang proletaryado) ay hudyat ng muling pagpapatuloy ng mga pakikibaka ng mga manggagawa at ang pagtatapos ng kontra-rebolusyon. Sapagkat ang Mayo 68 ay hindi 'sa Pransya lang'; ito ang unang pangunahing tugon ng pandaigdigang proletaryado sa mga pag-atake ng burgesya, na nahaharap sa isang krisis sa ekonomiya na nagmarka ng pagtatapos ng pag-unlad pagkatapos ng digmaan. Nakasaad sa Manipesto na pinagtibay sa aming unang kongreso:
“Ngayon, ang apoy ng proletaryado ay muling nagliliyab sa buong mundo. Madalas na nalilito at may pag-aalinlangan, ngunit may mga pagyanig na minsan ay ikinagulat pa nga ng mga rebolusyonaryo, itinaas ng higanteng proletaryado ang ulo nito at bumalik upang yanigin ang lumang istrukturang kapitalista. Mula Paris hanggang Cordoba [sa Argentina], mula Turin hanggang Gdansk, mula Lisbon hanggang Shanghai, mula Cairo hanggang Barcelona; ang mga pakikibaka ng mga manggagawa ay muling naging bangungot para sa mga kapitalista. Kasabay nito, bilang bahagi ng pangkalahatang muling pagsulong ng uri, muling lumitaw ang mga rebolusyonaryong grupo at tendensya, pasan ang napakalaking tungkulin ng muling pagbuo, kapwa sa teorya at praktika, ang isa sa pinakamahalagang kasangkapan ng proletaryado: ang partido ng uri nito.”
Isang bagong henerasyon ang umuusbong, isang henerasyon na hindi dumanas ng kontra-rebolusyon, isang henerasyon na humaharap sa pagbabalik ng krisis sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapahayag ng buong potensyal para sa pakikibaka at repleksyon. Nagbabago ang buong kapaligirang panlipunan: pagkatapos ng mga taon ng kakapusan, ang mga manggagawa ay sabik na ngayong magtalakayan, upang 'baguhin ang mundo', lalo na sa mga henerasyon ng kabataan. Ang salitang 'rebolusyon' ay narinig sa lahat ng dako. Ang mga sulatin nina Marx, Lenin at Luxemburg ay kumakalat at pumupukaw ng walang katapusang debate. Ang uring manggagawa ay nagsisikap na muling mabawi ang kasaysayan at mga nakaraang karanasan nito.Ngunit isa sa mga pinakapangunahing aspeto ng alon ng mga pakikibaka ng mga manggagawa ay nangangahulugan ito na ang burgesya ay walang malayang kamay upang tumugon sa krisis ng sistemang pang-ekonomiya nito. Para sa mga komunista, ngunit para rin sa karamihan ng mga historyador, malinaw na ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay resulta ng pangkalahatang krisis sa ekonomiya na nagsimula noong 1929. Ang digmaang ito ay nangailangan ng matinding pagkatalo ng uring manggagawa, ang tanging pwersang may kakayahang labanan ang pagsiklab ng digmaan, tulad ng nakita natin noong 1917 sa Rusya at noong 1918 sa Alemanya. Ngunit ang kakayahan ng pandaigdigang proletaryado na tumugon nang malawakan at determinado sa mga unang pag-atake ng krisis mula 1968 pataas ay nangangahulugan na ang mga pangunahing sektor nito ay hindi handa na sumama sa 'pagtatanggol sa Bayan', hindi tulad ng nangyari noong dekada 1930. At kahit na hindi ito direktang resulta ng mga pakikibaka ng mga manggagawa, ang pag-alis ng Estados Unidos sa Vietnam noong 1973 ay patunay na ang burgesya ng nangungunang kapangyarihan sa mundo ay hindi na kayang pakilusin ang mga kabataan ng uring manggagawa para sa digmaan, dahil napakaraming kabataan ang tumangging pumunta at magpakamatay o pumatay ng mga Vietnamese sa ngalan ng 'pagtatanggol sa malayang mundo'. Sa batayang kadahilanang ito na ang pag-unlad ng mga kontradiksyon sa pandaigdigang kapitalistang ekonomiya ay hindi humantong sa isang pangkalahatang komprontasyon sa pagitan ng dalawang bloke, sa isang ikatlong digmaang pandaigdig.
Isa pang mahalagang aspeto ng muling pagpapatuloy ng pakikibaka ng uri ay hindi lamang nito ibinalik ang ideya ng rebolusyon sa kamalayan ng maraming manggagawa, kundi humantong din sa pag-unlad ng maliliit na minorya na umangkin ng katapatan sa Kaliwang Komunista, isang tunguhin na nakibaka mula pa noong unang bahagi ng 1920s, kapwa sa loob at labas ng mga partido komunista na sumapi sa kaaway, laban sa pagkabulok ng mga partidong ito at pagkatapos ay laban sa mobilisasyon ng proletaryado sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Tulad ng isinulat namin sa Manipesto ng Unang Kongreso ng IKT: "Sa loob ng maraming taon, ang iba't ibang mga praksyon, lalo na ang Aleman, Olandes, at lalo na ang Kaliwang Italyano, ay nagmintina kahanga-hangang antas ng aktibidad pareho sa mga tuntunin ng teoretikal na paglilinaw at pagtuligsa sa mga pagtataksil ng mga partidong patuloy na tinatawag ang kanilang sarili na proletaryado. Ngunit ang kontra-rebolusyon ay masyadong malalim at masyadong mahaba para manatili ang mga praksyong ito. Matinding tinamaan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ng katotohanan na hindi ito nagbunga ng anumang muling pagbangon ng uri, ang mga huling praksyon na umiiral noon ay unti-unting nawala o pumasok sa isang proseso ng pagkabulok, sclerosis o regresyon."
At katunayan nga, kasunod ng mga pakikibaka ng mga manggagawa na nagsimula noong Mayo 1968, nasaksihan natin ang paglitaw ng isang buong serye ng mga grupo at mga sirkulo ng diskusyon para muling tuklasin ang Kaliwang Komunista, nagkaroon ng mga diskusyon sa kanilang hanay, at, pagkatapos ng ilang internasyonal na kumperensya noong 1973-74, lumahok sa pagtatatag ng Internasyonal na Komunistang Tunguhin noong Enero 1975.
1970s, 1980s: Dalawang dekada ng pakikibaka
Ang unang alon ng mga pakikibaka na nagsimula noong Mayo 1968 ay walang dudang pinaka kagila-gilalas: ang 'Italian Hot Autumn' noong 1969 (tinawag din na 'Rampant May') ang marahas na pag -aalsa sa Cordoba, Argentina, noong Mayo ng parehong taon, at ang malaking welga sa Poland sa panahon ng taglamig ng 1970, pati na rin ang mga signipikanteng kilusan sa Espanya at Britanya noong 1972. Partikular sa Espanya, nagsimulang mag-organisa ang mga manggagawa sa pamamagitan ng malawakang asembliya, kahit na nasa kapangyarihan pa ang rehimen ni Franco. Umabot ang rurok nito sa Vitoria noong 1976. Ang internasyonal na lawak ng alon ng mga pakikibaka ay umaabot hanggang sa Israel (1969 at 1972) at Egypt (1972), isang rehiyon na dominado ng digmaan at nasyonalismo.
Sa isang banda, ang momentum ng alon na ito ng mga pakikibaka ay maaaring maipaliwanag sa dahilang nasorpresa ang pandaigdigang burgesya noong 1968. Matapos ang mga dekada ng kontra-rebolusyon at ideolohikal at pampulitikang dominasyon sa proletaryado, ang uri na ito ay naniwala na sa mga retorika ng mga taong nagsabing naglaho na ang anumang rebolusyonaryong perspektiba, maging ang makauring pakikibaka mismo. Ngunit agad nakabawi ang naghaharing uri mula sa kanilang pagkagulantang at naglunsad ng kontra-opensiba upang ilihis ang galit ng mga manggagawa patungo sa mga layunin ng burgesya. Kaya, kasunod ng serye ng mga welga noong Marso 1974 sa United Kingdom, ang pinakamatagal at pinaka may karanasan na burgesya sa mundo ay pinalitan ang konserbatibong punong ministro kay Harold Wilson, pinuno ng Labor Party, pinipresenta ang sarili bilang tagapagtanggol ng interes ng mga manggagawa, partikular dahil sa malapit na ugnayan nito sa mga unyon. Sa bansang ito, tulad ng sa marami pang iba, ang pinagsamantalahan ay hinimok na iwanan ang kanilang mga pakikibaka upang hindi mahadlangan ang mga gobyerno ng kaliwa na diumano ipinagtatanggol ang kanilang mga interes o tulungan silang manalo sa halalan.
Ang patakarang ito ng burgesya sa mga pangunahing maunlad na mga bansa ay pansamantalang nagtagumpay sa pagpapakalma ng militansya ng mga manggagawa, ngunit mula 1974, ang malubhang paglala ng krisis ng kapitalismo at ang mga atake sa proletaryo ay nagdulot ng signipikanteng muling pagbangon ng militansyang ito: mga welga ng mga manggagawa sa langis sa Iran, mga manggagawa sa bakal sa Pransya noong 1978, ang “Winter of Discontent” ng 1978-79 sa Britanya, mga manggagawa sa daungan sa Rotterdam (na pinamunuan ng isang independyenteng komite ng welga), at mga manggagawa ng bakal sa Brazil noong 1979 (na hinamon din ang kontrol ng mga unyon). Ang alon ng mga pakikibakang ito ay nagwakas sa malawakang welga sa Poland noong Agosto 1980, na pinangunahan ng isang independyenteng komite ng welga mula sa iba't ibang industriya (ang MKS), ito mismo ang pinakamahalagang kaganapan sa makauring pakikibaka magmula 1968. At bagamat napahinto ang alon na ito dahil sa matinding panunupil sa mga manggagawa ng Poland noong Disyembre 1981, hindi nagtagal ay muling sumiklab ang militansya ng mga manggagawa sa mga pakikibaka sa Belgium noong 1983 at 1986, ang pangkalahatang welga sa Denmark noong 1985, ang welga ng mga minero sa Englatera noong 1984-85, ang mga pakikibaka ng mga manggagawa sa riles at kalusugan sa Pransya noong 1986 at 1988, at ang kilusan ng mga manggagawa sa edukasyon sa Italya noong 1987. Sa partikular ang mga pakikibaka sa Pransya at Italya, tulad ng pangmasang welga sa Poland, ay nagpakita ng tunay na kakayahang mag-organisa sa sarili sa pamamagitan ng mga pangkalahatang asembliya at komite ng welga.
Hindi ito simpleng listahan ng mga welga. Ang alon ng mga pakikibakang ito ay hindi umikot sa hugis bilog, kundi talagang nagpaunlad sa makauring kamulatan. Ang pagsulong na ito ay nagbukas ng daan sa mga ‘koordinasyon’ na, sa ilang mga bansa, partikular sa Pransya at Italya, ay nagsimulang makipagkumpitensya sa mga opisyal na unyon ng manggagawa, na ang papel bilang mga bumbero na naglilingkod sa burges na estado ay lalupang naging malinaw sa mga pakikibaka. Ang mga koordinasyong ito, na madalas ay may katangiang korporatista, ay isang pagtatangka ng mga aparato ng unyon at mga organisasyon ng dulong-kaliwa na panatilihin, sa mga bagong anyo, ang kontrol ng mga unyon sa mga manggagawa para mapigilan ang politikalisasyon ng kanilang mga pakikibaka, na nangangahulugan ng pagkilala na ang mga pakikibang ito aay hindi lamang bilang anyo ng pagtutol sa mga atake ng kapitalista kundi paghahanda na rin para sa pakikibaka laban sa sistemang kapitalista.
1990s: Dekomposisyon (Pagkaagnas)
Sa realidad, nagsimula ng malantad sa dekada 1980 ang mga sagabal ng uring manggagawa para mas isulong ang ang kanilang pakikibaka at ipatupad ang kanyang rebolusyonaryong proyekto.
Ang pangmasang welga sa Poland sa 1980 ay ekstra-ordinaryo sa lawak at abilidad ng mga manggagawa na organisahin ang sarili sa pakikibaka. Pero pinakita rin nito na, sa mga bansa ng Bloke ng Silangan, napakalaki ng mga ilusyon sa kanlurang ‘demokrasya’. Sa mas seryoso pa, sa harap ng panunupil sa mga manggagawa ng Poland noong Disyembre 1981, ang pagkakaisa ng proletaryo sa mga kanlurang bansa ay umabot lang sa mga platonikong deklarasyon, hindi makita na sa magkabilang panig ng Kurtinang Bakal ay iisa at pareho ang pakikibaka ng uring manggagawa laban sa kapitalismo. Ito ang unang senyales ng kakulangan ng proletaryado na gawing politikal ang kanilang pakikibaka at higit pang paunlarin ang kanyang rebolusyonaryong kamulatan.
Ngunit ang mga sagabal na kinakaharap ng uring manggagawa ay pinalala ng bagong patakarang ipinatupad ng mga dominanteng sektor ng burgesya. Sa napakaraming mga bansa, ang 'kaliwang alternatibo' na nasa kapangyarihan naging daan para sa iba pang pormula para harapin ang uring manggagawa. Ang maka-kanan ay bumalik sa kapangyarihan at naglunsad ng walang kapantay na marahas na pag-atake laban sa mga manggagawa, habang ang kaliwa sa oposisyon ay sinabotahe ang mga pakikibaka mula sa loob. Kaya, noong 1981, tinanggal ni Pangulong Ronald Reagan ng US ang 11,000 tagakontrol ng trapik sa himpapawid dahil sa kadahilanang ilegal ang kanilang welga. Noong 1984, mas lumampas pa ang ginawa ng Punong Ministro ng Britanya na si Margaret Thatcher kaysa sa kanyang kaibigang si Reagan. Noong panahong iyon, ang uring manggagawa sa Britanya ang pinaka-militante sa mundo, na nagtakda ng mga bagong rekord para sa bilang ng mga araw ng welga taon-taon. Para sa burgesya ng bansang ito, at gayundin ng ibang mga bansa ay kinakailangang magtiis. Noong Marso 1984, ginalit ng 'Iron Lady' ang mga minero sa pamamagitan ng pag-anunsyo ng pagsasara ng maraming hoyo at, katulong ang mga unyon, inihiwalay sila mula sa iba pa nilang mga ka-uri. Sa loob ng isang taon, nag-iisang lumaban ang mga minero, hanggang sa sila ay napagod (naghanda si Thatcher at kanyang gobyerno sa pamamagitan ng palihim na pag-iimbak ng uling). Ang mga demonstrasyon ay brutal na sinupil (tatlo ang patay, 20,000 ang sugatan, 11,300 ang naaresto). Inabot ng apat na dekada bago malampasan ng mga manggagawang Briton ang demoralisasyon at pagkaparalisa na dulot ng pagkatalong ito. Ipinakita nito ang kakayahan ng burgesya, sa Britanya at sa iba pang bahagi ng mundo, na matalinong tumugon at epektibo laban sa pag-unlad ng mga pakikibaka ng mga manggagawa, para pigilan silang maging politikalisado ang proletaryado at maging, sa maraming mga bansa, hubaran ito ng damdamin ng makauring identidad, lalo na sa pamamagitan ng pagdurog ng kanilang mapanlabang diwa sa mga simbolikong sektor tulad ng minahan, pagawaan ng barko, bakal at mga sasakyan.
Isang maikling pangungusap mula sa isa sa aming mga artikulo noong 1988 ang nagsuma sa mahalagang problemang kinakaharap ng uring manggagawa noong panahong iyon: “Marahil ay hindi gaanong madaling pag-usapan ang rebolusyon sa 1988 kaysa noong 1968.”
Ang temporaryong kawalan ng perspektiba ay nagsimulang makaapekto sa lipunan sa kabuuan. Lumaganap ang nihilismo. Dalawang maliliit na salita mula sa isang kanta ng punk na banda na Sex Pistols ang ipininta sa mga dingding sa buong London: "Walang kinabukasan".
Sa ganitong konteksto, sa pagkapagod ng henerasyong 1968 at nagsimulang makita ang pagkaagnas ng lipunan, hinampas ng teribleng dagok ang ating uri: ang pagbagsak ng silangang bloke at pagkatapos ng Unyon ng 'Sobyet' noong 1989-91 na nag-udyok ng isang nakakabinging kampanya ng 'kamatayan ng komunismo'. Ang malaking kasinungalingan na ang 'Stalinismo = komunismo' ay muling todo-todong ginamit; lahat ng mga kasuklam -suklam na mga krimen ng rehimeng ito, na sa katotohanan ay kapitalista, ay sinisisi sa uring manggagawa at sa ‘kanyang’ sistema. Mas masahol pa, sinasabi ito araw at gabi: "Dito hahantong ang pakikibaka ng mga manggagawa: sa barbarismo at pagkabangkarota! Dito tutungo ang pangarap ng rebolusyon: sa isang bangungot!" Sa Setyembre 1989, sinulat namin: "Kahit sa kanyang kamatayan, nagbigay ng huling serbisyo ang Stalinismo sa dominasyon ng kapital; sa pagkaagnas, ang bangkay nito ay patuloy na nilalason ang hangin na nilalanghap ng proletaryado." (“Mga tesis tungkol sa krisis pang-ekonomiya at pampulitika sa mga bansang nasa silangan”, International Review No. 60) At ito ay dramatikong nakumpirma. Itong mayor na pagbabago sa sitwasyon ng mundo ay nagpapalala ng isang penomenon na nagsimulang lumitaw noong dekada 1980 at nag-ambag sa pagbagsak ng mga Stalinistang rehimen: ang pangkalahatang pagkaagnas ng lipunang kapitalista. Ang pagkabulok ay hindi panandalian at mababaw na sandali; ito ay malalim na dinamiko na nag-iwan ng bakas sa buong lipunan. Ito ang huling yugto ng dekadenteng kapitalismo, yugto ng matinding paghihirap na magtatapos sa pagkawasak ng sangkatauhan o sa pandaigdigang komunistang rebolusyon. Tulad ng sinulat namin noong 1990: “... ang kasalukuyang krisis ay umusbong sa panahon na ang uring manggagawa ay hindi na hinila-pababa ng kontra-rebolusyon. Sa kanyang istorikal na muling pagsulong mula 1968 pataas, napatunayan ng uri na hindi malaya ang mga kamay ng burgesya upang iwasiwas ang Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Kasabay nito, bagaman ang proletaryo ay sapat ang lakas upang pigilan ito na mangyari, hindi pa rin nito nagawang ibagsak ang kapitalismo, (...). Sa sitwasyong ito, kung saan ang dalawang mapagpasya - at nagtutungaling – mga uri sa lipunan na kinukompronta ang isa't isa pero wala sa kanila ang may kapasidad na ipataw ang sariling solusyon, gayunpaman hindi huminto ang kasaysayan. Sa kapitalismo man o sa nagdaang mga lipunan, hindi posible ang ‘paninigas’ o ‘istagnasyon’ ng buhay panlipunan. Habang ang mga kontradiksyon ng kapitalismong puno ng krisis ay mas lumalalim, ang kawalan ng kakayahan ng burgesya na mag-alok ng kahit kaunting perspektiba sa lipunan sa kabuuan, at ang kawalan ng kakayahan ng proletaryo sa ngayon, na isulong ang sariling perspektiba ay tutungo lamang sa isang sitwasyon ng pangkalahatang pagkaagnas. Ang kapitalismo ay nabubulok na.” ("Ang mga Tesis sa Pagkabulok, ang Huling Yugto ng Dekadenteng Kapitalismo", Punto 4)
Ang pagkaagnas na ito ay nakakaapekto sa lipunan sa lahat ng antas at umaaktong parang lason: paglakas ng indibidwalismo, irasyunalidad, karahasan, pagsira-sa-sarili, atbp. Ang takot at poot ay unti-unting nangingibabaw. Ang mga kartel ng droga ay lumalakas sa Latin America, may rasismo kahit saan... Ang pag-iisip na markado ng imposibilidad na tingnan ang sarili sa hinaharap, sa mababaw at makitid na pananaw; ang politika ng burgesya ay lalupang naging limitado sa patumpik-tumpik na paraan. Itong araw-araw na pagkalubog ay nakaapekto sa proletaryado. Atomisado, naging mga indibidwal na mamamayan, sila ang nagdusa sa kabulukan ng lipunan.
Dekada 2000s, 2010s: mga pagtatangka sa pakikibaka na nahadlangan ng pagkawala ng makauring identidad
Nagkaroon ng sunod-sunod na pagtatangka ng pakikibaka sa mga taong 2000-2010, lahat ng ito ay naharap sa katotohanan na hindi na alam ng uring manggagawa na umiiral pa sila bilang uri, na nagtagumpay ang burgesya na makalimutan nila na sila ang mapagpasyang panlipunang pwersa ng lipunan at sa hinaharap.
Noong 15 Pebrero 2003, naganap ang isang pandaigdigang demonstrasyon laban sa nalalapit na digmaan sa Iraq (na pumutok sa Marso, sa palusot na dahilang "pakikipaglaban sa terorismo," nagtagal ng walong taon at kumitil ng isang milyong buhay). Tinatanggihan ng kilusang ito ang digmaan, habang ang mga sunud-sunod na digmaan noong 1990s ay hindi nag-udyok ng anumang pagtutol. Ngunit higit sa lahat ito ay isang kilusan na bilanggo sa sibil at pasipistang larangan; hindi ang uring manggagawa ang nakibaka laban sa mga mapandigmang tendensya ng kani-kanilang estado, kundi isang koleksyon ng mga mamamayan na humihiling ng patakaran ng kapayapaan sa kanilang mga gobyerno.
Noong Mayo-Hunyo 2003, nagkaroon ng maraming demonstrasyon sa Pransya laban sa mga reporma sa pensyon. Nagkaroon ng welga sa sektor ng pambansang edukasyon, at napipinto ang banta ng isang "pangkalahatang welga", ngunit sa huli hindi ito nangyari at nanatiling nakahiwalay ang mga guro. Ang ganitong sektoral na pagkakahiwalay-hiwalay ay malinaw na sinadyang patakaran ng paghati-hati ng mga unyon, ngunit naging matagumpay ang ganitong pananabotahe dahil nakabase ito sa mismong malaking kahinaan ng uri: ang mga guro ay itinuturing ang kanilang mga sarili na hiwalay, hindi nila naramdaman na sila ay kabilang sa uring manggagawa. Kasabay nito, ang mismong konsepto ng uring manggagawa ay tila naglaho na, itinakwil, lipas na, at kahiya-hiya.
Sa 2006, maramihang kumilos ang mga estudyante sa Pransya laban sa mapanganib na kontrata partikular para sa mga kabataan: ang CPE (Contrat Première Embauche, o Unang Kontrata sa Pagtatrabaho). Nilantad ng kilusang ito ang isang pambabaligtad: ang uring manggagawa ay patuloy na nagnilay-nilay sa kanilang sitwasyon, pero hindi sila mulat nito. Muling natuklasan ng mga estudyante ang isang anyo ng pakikibaka na tunay na para sa uring manggagawa: mga pangkalahatang asembliya. Ang mga asembliya na ito ang naging lugar para sa mga tunay na talakayan at bukas sa mga manggagawa, mga walang trabaho, at mga pensiyonado. Pinalakas nila ang pag-unlad ng pagkakaisa ng uring manggagawa sa pagitan ng mga henerasyon at sa pagitan ng mga sektor. Ipinapakita ng kilusang ito ang paglitaw ng isang bagong henerasyon na handang tumanggi sa mga sakripisyong ipinataw sa kanila at lumaban. Gayunpaman, lumaki rin ang henerasyong ito sa dekada 1990 at sa gayon ay malakas na minarkahan ng maliwanag na kawalan ng uring manggagawa at ang pagkawala ng istorikal na proyekto at karanasan nito. Samakatuwid, ang bagong henerasyong ito ay hindi kumilos bilang pinagsamantalang uri kundi pinalabnaw ang sarili sa masa ng mga 'mamamayan'.
Ang kilusang ‘occupy’ na lumaganap sa halos buong mundo noong 2011 ay markado ng magkatulad na mga kalakasan at kahinaan. Dito rin, umuunlad ang pagiging mapanlaban, gayundin ang repleksyon, ngunit hindi naging sanggunian ang uring manggagawa at sa kasaysayan nito. Para sa Indignados sa Espanya o Occupy sa Estados Unidos, Israel at United Kingdom, ang tendensiyang makita ang kanilang sarili bilang mga ‘mamamayan’ sa halip na mga proletaryado ang naging dahilan upang ang buong kilusan ay naging bulnerable sa demokratikong ideolohiya. Bilang resulta, ang "Democracia Real Ya!" (Tunay na Demokrasya Ngayon!) ang naging islogan ng kilusan. At ang mga partidong burges tulad ng Syriza sa Greece at Podemos sa Espanya ay prinisenta ang kanilang sarili bilang mga tunay na tagapagmana ng mga pag-aalsang ito. Sa madaling salita, ang mga manggagawa at mga anak ng mga manggagawa, na kumilos bilang mga ‘mamamayan’ kasama ng iba pang galit na mga seksyon ng lipunan, maliliit na may-ari ng negosyo, mga mahihirap na tindero at artisano, mga magsasaka, atbp., ay hindi kayang paunlarin ang kanilang mga pakikibaka laban sa pagsasamantala at samakatuwid laban sa kapitalismo. Kabaligtaran, nasumpungan nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng bandila ng mga kahilingan para sa mas patas, mas makatao, at mas mahusay na pinamamahalaang kapitalismo, para sa mas mahusay na mga pinuno.
Ang panahon ng 2003-2011 ay kumakatawan sa buong serye ng mga pagsisikap ng ating uri upang labanan ang patuloy na paglala ng mga kondisyon sa pamumuhay sa ilalim ng kapitalismo na nasa krisis, ngunit, dahil pinagkaitan ng makauring identidad, ito ay napunta (pansamantala) sa mas matinding pagkasadlak.
At ang paglala ng pagkabulok sa dekada 2010 ay lalong nagpalala sa mga sagabal na ito: ang pag-usbong ng populismo, kasama ang lahat ng kawalang-katwiran at poot na taglay ng burgis na pampulitikang tendensya, ang internasyunal na paglaganap ng mga teroristang atake, ang pag-agaw ng kapangyarihan sa buong rehiyon ng mga nagtutulak ng droga sa Latin America at ng mga warlord sa Gitnang Silangan, Africa at Caucasus, malalaking alon ng mga migrante na tumatakas sa mga kakila-kilabot na taggutom, digmaan, barbarismo at pagka-desyerto na nauugnay sa pag-init ng mundo... ang Mediterranean ay naging matubig na libingan ng libu-libong tao.
Itong bulok at nakamamatay na dinamiko ay pinapalakas ang nasyonalismo at ang pag-asa sa 'proteksyon' ng estado, at maimpluwensyahan ng mga pekeng kritiko ng sistema na nilalako ng populismo (at, para sa minoriya, ng jihadismo). Ang kakulangan ng makauring identidad ay pinalala ng tendensiya tungo sa pagkakawatak-watak sa lahi, sekswal at iba pang partikular na kategorya, na siya namang nagpapatibay sa ekslusyon at pagkakahati-hati, samantalang tanging ang proletaryong pakikibaka ang makapagbigay ng pagkakaisa ng lahat ng sektor ng lipunan na biktima ng barbarismo ng kapitalismo. Ito ang pundamental na dahilan na tanging sa pakikibaka lamang maaaring makabuwag ang sistemang ito.
2020: ang pagbabalik ng militansya ng mga manggagawa
Ngunit ang kasalukuyang sitwasyon ay hindi na lang sa pagkaagnas ng lipunan. May mga pwersa malban yaong para sa pagkawasak at barbarismo ay kumikilos na rin: patuloy na lumalala ang krisis sa ekonomiya at araw-araw ay nagbunsod ng pangangailangan ng pakikibaka; ang kakila-kilabot na pang-araw-araw na buhay ay patuloy na nagbunga ng mga katanungang hindi maiwasang pag-isipan ng mga manggagawa; ang mga pakikibaka ng mga nakaraang taon ay nagsimulang magbigay ng ilang mga sagot, at ang mga karanasang ito ay nag-iiwan ng marka nang hindi natin namamalayan. Sa mga salita ni Marx: "kinikilala namin ang aming matapang na kaibigan, ... ang matandang mole kayang magtrabaho sa lupa nang napakabilis, na karapat-dapat na tagapanguna."
Sa 2019, isang kilusang panlipunan laban sa isang bagong reporma sa pensiyon ang nabuo sa Pransya. Higit pa sa militansya, na lubhang kitang-kita, ay ang tendensiya tungo sa pagkakaisa sa pagitan ng mga henerasyon na ipinahayag sa mga martsa: maraming manggagawa na nasa kanilang edad sisenta – at samakatuwid hindi direktang apektado ng reporma – ang nagwelga at nagprotesta upang hindi maranasan ng mga kabataang manggagawa ang ganitong atake ng burgesya.
Ang pagsiklab ng digmaan sa Ukraine sa Pebrero 2022 ay nagdulot ng pangamba; may takot sa hanay ng uring manggagawa na ang tunggalian ay lalaganap at lalala. Ngunit kasabay nito, ang digmaan ay lalong nagpalala sa implasyon. Dahil nahaharap na sa mapaminsalang epekto ng Brexit, ang Britanya ang pinakamatinding naapektuhan. Dahil sa paglala ng mga kondisyon sa pamumuhay at trabaho, sumiklab ang mga welga sa maraming sektor (kalusugan, edukasyon, transportasyon, atbp.): ito ang tinawag ng media na "Tag-init ng Diskontento", reperensya sa 'Taglamig ng Diskontento’ 1978-79!
Sa paghahalintulad sa pagitan ng dalawang mayor na kilusang ito na pinaghiwalay ng 43 taon, ang mga mamamahayag, kadalasang hindi sinasadya, ay nagbigay-diin sa isang pundamental na realidad: sa likod ng ganitong ekspresyon ng "diskontento" ay ang napakatinding kilusan. Dalawang ekspresyon ang narinig sa mga picket line sa buong bansa: "Tama na" at "Tayo ay mga manggagawa." Sa madaling salita, kung ang mga manggagawang Briton ay lumalaban sa implasyon, hindi lamang dahil hindi na nila matiis ito. Ito ay dahil rin nahinog na ang kamulatan sa isipan ng mga manggagawa, dahil ang mole na naghuhukay sa loob ng ilang dekada at ngayon ay nakialam na: nagsimula ng marekober ng proletaryado ang makuring identidad, nakaramdam ng tiwala sa sarili, nakaramdam bilang panlipunan at kolektibong pwersa. Ang mga pakikibaka ng uring manggagawa sa Britanya sa 2022 ay may kahalagahan at kabuluhan lagpas sa mga hangganan ng bansang yaon. Sa isang banda, ito ay nangyari sa isang bansang may pangunahing kahalagahan sa mundo, sa ekonomiya, panalapi at politika, lalo na dahil sa dominasyon wikang Ingles at mga labi ng Imperyo ng Britanya mula sa pag-usbong ng kapitalismo. Sa kabilang banda, ang kumikilos ay ang pinakabeteranong proletaryado sa mundo, isang proletaryado na, sa dekada 1970, ay nagpakita ng pambihirang militansya ngunit pagkatapos, sa mga taon ni Thatcher, ay dumanas ng malaking pagkatalo na nagparalisa sa kanya sa loob ng ilang dekada sa kabila ng malawakang atake ng burgesya. Ang kamangha-manghang muling paggising ng proletaryadong ito ay nagpapahiwatig ng isang matinding pagbabago sa kaisipan at kamalayan ng buong pandaigdigang proletaryado.
Sa Pransya, isang bagong mobilisasyon ang namumuo at, doon din, sinimulang binigyang-diin ng mga demonstrador ang pagkilala-sa-sarili na nasa kampo ng mga manggagawa at ginamit ang islogang "Tama na", na isinasalin bilang "C’est assez!". Sa mga martsa, lumilitaw ang mga pagsangguni sa dakilang welga sa Mayo 1968. Kaya naman tama ang aming isinulat noong 2020: "Ang mga natamo ng mga pakikibaka noong panahon ng 1968-89 ay hindi nawala, kahit pa maaaring nakalimutan na sila ng maraming manggagawa (at mga rebolusyonaryo): ang pakikibaka para organisahin ang sarili at pagpapalawak ng mga pakikibaka; ang mga simula ng pag-unawa sa kontra-manggagawang papel ng mga unyon at mga partido ng kaliwang kapitalista; pagtutol makaladkad sa digmaan; kawalan ng tiwala sa larong elektoral at parliyamento, atbp. Ang mga pakikibaka sa hinaharap ay kailangang ibatay sa kritikal na pag-asimilasyon sa mga tagumpay na ito, paunlarin ang mga ito, at syempre hindi sila balewalain o kalimutan." (International Review 164).
Kailangang kumilos ang uring manggagawa na mabawi ang sarili nitong kasaysayan. Sa konkretong paraan, ang mga henerasyong nakaranas ng 1968 at ang komprontasyon laban sa mga unyon sa dekada 1970 at 1980 ay buhay pa rin hanggang ngayon. Ang kabataan ng mga asembliya noong 2006 at 2011 ay dapat ding ibahagi ang kanilang mga karanasan sa mga kabataan ngayon. Ang bagong henerasyong ito ng dekada 2020 ay hindi dumanas ng mga pagkatalo noong dekada 1980 (lalo na sa ilalim nina Thatcher at Reagan), ni ang kasinungalingan noong 1990 tungkol sa 'kamatayan ng komunismo' at ang 'kataposan ng makauring pakikibaka', ni ang sumunod na mahigpit na mga taon. Lumaki ito sa isang permanenteng krisis sa ekonomiya at isang mundong pabagsak; kaya nanatiling buo pa rin ang mapanlabang diwa nito. Ang bagong henerasyong ito ay maaaring pamunuan ang lahat, habang nakikinig sa kanila at natututo mula sa kanilang mga karanasan, pareho ang kanilang mga tagumpay at ang kanilang mga pagkatalo. Ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ay maaaring muling magsama-sama sa kamalayan ng proletaryado.
Naharap sa mapaminsalang epekto ng dekomposisyon, dapat gawing politikalisado ng proletaryado ang mga pakikibaka nito.Tulad ng nakita natin, binuksan ng dekada 2020 ang posibilidad ng mga walang kapantay na kaguluhan sa buong mundo, na sa huli ay hahantong sa pagkawasak ng sangkatauhan.
Higit kailanman, ang uring manggagawa ay nahaharap sa isang malaking hamon: paularin ang kanyang rebolusyonaryong proyekto at sa gayon mag-alok ng tanging posibleng perspektiba: komunismo. Para magawa ito, una, kailangang labanan lahat ng mga pwersang sentripugal na patuloy na kumikilos laban dito. Kailangang iwasan nito na matali sa pagkawatak-watak ng lipunan na humahantong sa rasismo, komprontasyon sa pagitan ng naglalabanang mga gang, pag-atras at takot. Kailangang labanannito ang mga sirena ng nasyonalismo at digmaan (ito man ay pinipresenta na 'makatao', 'kontra-terorista', 'paglaban', atbp.). Ang iba't ibang burgesya ay palaging inaakusahan ang kaaway ng 'barbarismo' upang bigyang-katwiran ang kanilang sariling barbarismo. Ang paglaban sa lahat ng kabulukang ito na unti-unting nakakaapekto sa buong lipunan at magtagumpay sa pagpapaunlad ng kanyang pakikibaka at perspektiba ay kinakailangang magkahulugan na ang buong uring manggagawa ay kailangang itaas ang antas ng kamalayan at organisasyon nito, magtagumpay sa politikalisasyon ng kanyang mga pakikibaka, at lumikha ng mga kondisyon para sa debate, elaborasyon at kontrol mismo ng mga manggagawa sa mga welga. Dahil ang pakikibaka ng proletaryado laban sa kapitalismo ay:
-
Pakikiisa ng mga manggagawa laban sa pagkawatak-watak ng lipunan.
-
Internasyonalismo laban sa digmaan.
-
Rebolusyonaryong kamulatan laban sa mga kasinungalingan ng burgesya at populistang irasyonalidad.
-
Responsibilidad sa kinabukasan ng sangkatauhan laban sa nihilismo at pagsira sa kalikasan.
Mga Rebolusyonaryo ng Mundo
Ang maikling pagsalarawan ng ilang dekadang pakikibaka ng mga manggagawa ay nagpakita ng napakahalagang ideya: ang istorikal na pakikibaka ng ating uri upang ibagsak ang kapitalismo ay napakahaba pa. Sa proseso, magkakaroon ng sunud -sunod na mga balakid, pain at pagkatalo. Upang lubusang matagumpay, ang rebolusyonaryong pakikibaka na ito ay mangangailangan ng isang pangkalahatang pagtaas ng kamalayan at organisasyon ng buong uring manggagawa, sa isang pandaigdigang antas. Para mangyari ang pangkalahatang pag-angat, kailangang harapin ng proletaryado ang lahat ng mga bitag na nilatag ng burgesya sa pakikibaka at, kasabay nito, muling panghawakan ang nakaraan, ang karanasan nito na naipon sa loob ng dalawang siglo.
Nang itinatag ang International Workingmen's Association (IWA) sa London sa 28 Setyembre 1864, naging sagisag ang organisasyong ito sa pandaigdigang kalikasan ng pakikibaka ng proletaryado, isang kondisyon para magtagumpay and pandaigdigang rebolusyon. Ito ang naging inspirasyon ng tula na sinulat noong 1871 ng komunard na si Eugène Pottier, na naging rebolusyonaryong awit na ipinasa ng henerasyon sa henerasyon ng mga proletaryado sa pakikibaka, sa halos bawat wika sa planeta. Ang mga liriko ng Internationale ay binibigyang diin kung paano ang pagkakaisa ng pandaigdigang proletaryado ay hindi isang bagay ng nakaraan ngunit tumuturo sa hinaharap:
Magkaisa tayo, at bukas,
Ang Internasyonale,
Magiging ang sangkatauhan
Nasa organisadong militanteng minorya ang pagsasagawa ng internasyunal na pagsama-sama ng mga rebolusyonaryong pwersa. Katunayan, habang ang masa ng uring manggagawa ay nagsisikap ng repleksyon at pag-oorganisa sa sarili pangunahin sa mga panahon ng hayagang pakikibaka, ang minorya ay palagian komitido, sa buong kasaysayan, sa patuloy na pakikibaka para sa rebolusyon. Ang mga minoryang ito ay kumakatawan at nagtatanggol sa pagtitiyaga at makasaysayang pagpapatuloy ng rebolusyonaryong proyekto ng proletaryado, na siyang nnagluwal sa kanila para sa layuning ito. Ayon sa Manipesto ng Komunista ng 1848: "Ano ang relasyon ng mga Komunista sa mga manggagawa sa pangkalahatan? Ang mga Komunista ay hindi bumubuo ng isang hiwalay na partido na sumasalungat sa ibang mga partido ng uring manggagawa. Wala silang mga interes na hiwalay at bukod sa mga interes ng proletaryado sa kabuuan. Hindi sila nagtatatag ng anumang sektarya na mga prinsipyo para sa kanilang sarili, na huhubog at momolde sa kilusang proletaryado. Ang mga Komunista ay naiiba lamang sa ibang mga partido ng uring manggagawa sa sumusunod: 1. Sa mga pambansang pakikibaka ng mga manggagawa ng iba't ibang bansa, itinuturo at pinalilitaw nila ang mga komon na interes ng buong proletaryado, independyente sa lahat ng nasyonalidad. 2. Sa iba't ibang yugto ng pag-unlad na kailangang pagdaanan ng pakikibaka ng uring manggagawa laban sa burgesya, palagi at kahit saan kinakatawan nila ang mga interes ng kilusan sa kabuuan. Samakatuwid, ang mga Komunista, sa isang banda, sa praktikal na paraan, ang pinaka-abante at pinaka-matatag na seksyon ng mga partido ng uring manggagawa ng bawat bansa, ang seksyong iyon na nagtutulak sa lahat ng iba pa; sa kabilang banda, sa antas ng teorya, kumpara sa malaking masa ng proletaryado, sila ang may higit ang bentahe ng malinaw na pag-unawa sa linya ng martsa, sa mga kondisyon, at sa ultimong pangkalahatang resulta ng kilusang proletaryado.”
Ang minoryang ito ang may pangunahing responsibilidad sa pag-oorganisa, pagdedebate, paglilinaw sa lahat ng isyu, pagkatuto mula sa mga nakaraang kamalian at pagbibigay-buhay sa naipon na karanasan. Sa kasalukuyan, ang minoryang ito, na napakaliit at hiwa-hiwalay sa maraming maliliit na organisasyon, ay dapat magsama-sama upang harapin ang iba't ibang posisyon at pagsusuri, panghawakan ang mga aral na ipinamana sa atin ng mga praksyon ng Kaliwang Komunista, at maghanda para sa hinaharap. Upang maisakatuparan ang pandaigdigang rebolusyonaryong proyekto, ang pagpapabagsak ng kapitalismo sa buong planeta, dapat hawak ng proletaryado ang isa sa pinakamahalagang mga sandata nito, ang kawalan nito ay labis na nagdulot ng malaking pinsala noon: ang internasyunal na rebolusyonaryong partido nito. Kaya, sa Oktubre 1917, ang Partidong Bolshevik ay gumanap ng mahalagang papel sa pagpapabagsak ng burges na estado sa Rusya. Kabaligtaran, ang isa sa mga sanhi ng pagkatalo ng proletaryado sa Alemanya ay ang kawalan ng kahandaan ng Partido Komunista sa bansang iyon, na itinatag lamang noong panahon mismo ng rebolusyon. Ang kawalan ng karanasan nito ay nagdulot ng mga kamalian na nag-ambag sa pinal na pagkatalo ng rebolusyon sa Alemanya at, dahil dito, sa iba pang bahagi ng mundo.
AT NGAYON?
Ang sitwasyon ng pakikibaka ng proletaryado ay lubhang nagbago sa nakalipas na kalahating siglo. Gaya ng nakita natin, ang mga balakid na kinaharap ng uring manggagawa sa landas nito patungo sa rebolusyon ay napatunayang mas malaki kaysa sa inaakala noong itinatag ang ating organisasyon. Gayunpaman, ang mga salitang nakasulat sa Manifesto na pinagtibay ng Unang Kongreso ng IKT ay nanatiling lubos na may kahalagahan ngayon: "Sa pamamagitan ng katamtaman pa rin nitong kakayahan, ang Internasyunal na Komunistang Tunguhin ay nakatuon sa mahaba at mahirap na gawain ng pagsama-sama ng mga rebolusyonaryo (...). Tinalikuran nito ang monolitismo ng mga sekta, nanawagan ito sa mga komunista ng lahat ng bansa na maging mulat sa napakalaking responsibilidad na mayroon sila, na talikuran ang mga maling alitan na naghiwa-hiwalay sa kanila, upang malampasan ang mapanlinlang na mga pagkahati-hati na ipinataw sa kanila ng lumang mundo. Nanawagan ang IKT sa kanila na sumama sa pagsisikap na ito na bumuo (bago ilunsad ng uri ang mga mapagpasyang pakikibaka nito) ng internasyunal at unipikadong organisasyon na abanteng destakamento nito."
Kahalintulad din, ang mga salita ng Manifesto ng ika-9 na Kongreso ng IKT ay nanatiling balido ngayon tulad noong 1991: "Wala pa sa kasaysayan ang ganito kalaking nakataya. Wala pa sa nakaraan ang responsibilidad na kinailangang harapin ng isang uring panlipunan ang ganitong responsibilidad tulad ng proletaryado ngayon. Kung mapatunayang hindi kayang gampanan ng uri ang responsibilidad na ito, ito na ang magiging katapusan ng sibilisasyon, at maging ng sangkatauhan mismo. Ang milenyo ng pag-unlad, paggawa, at pag-iisip, ay mabubura ng tuluyan. Dalawang daang taon ng mga pakikibaka ng proletaryado, milyun-milyong martir ng uring manggagawa, lahat ay magiging walang kabuluhan. Upang mapigilan ang mga kriminal na maniobra ng burgesya, upang ilantad ang mga kasuklam-suklam na kasinungalingan nito, at upang paunlarin ang inyong mga pakikibaka sa landas patungo sa pandaigdigang rebolusyong komunista, upang wakasan ang paghahari ng kakapusan, at upang makamit, sa wakas, ang mundo ng kalayaan.”
Mga manggagawa ng lahat ng bansa, magkaisa!
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
(Setyembre 2025)






del.icio.us
Digg
Newskicks
Ping This!
Favorite on Technorati
Blinklist
Furl
Mister Wong
Mixx
Newsvine
StumbleUpon
Viadeo
Icerocket
Yahoo
identi.ca
Google+
Reddit
SlashDot
Twitter
Box
Diigo
Facebook
Google
LinkedIn
MySpace