Submitted by Internasyonalismo on
Ang Internationalist Communist Tendency ay naglathala kamakailan ng isang pahayag tungkol sa kanilang karanasan sa No War But the Class War committees (NWBCW) na inilunsad nila sa simula ng digmaan sa Ukraine[1]. Sabi nga nila, "Walang katulad ng isang imperyalistang digmaan para sa pagbubunyag ng tunay na makauring batayan ng isang balangkas pampulitika, at ang pagsalakay sa Ukraine ay tiyak na ginawa iyon", na nagpapaliwanag na ang mga Stalinista, Trotskyista ay muling nagpakita na sila ay kabilang sa kampo ng kapital – maging sa pamamagitan ng pagsuporta sa kalayaan ng Ukraine, o pagsuporta sa propaganda ng Russia tungkol sa 'de-Nazification' ng Ukraine, ang mga kaliwa ay lantarang nanawagan sa uring manggagawa na suportahan ang isang panig o ang kabila sa isang kapitalistang digmaan na nagpapakita sa lumalalim na tunggalian ng mga magkaribal sa pagitan ng pinakamalaking imperyalistang pating sa planeta at sa gayon ay nagbabanta ng mapaminsalang kahihinatnan ng buong sangkatauhan. Nabanggit din ng ICT na malalim na nahati ang kilusang anarkista sa pagitan ng mga nanawagan na ipagtanggol ang Ukraine at ang mga nanatili sa internasyunalistang posisyon na tanggihan ang dalawang kampo. Taliwas dito, sinasabi ng ICT na "ang Kaliwang Komunista sa buong mundo ay nanatiling matatag na naninindigan sa internasyunal na interes ng uring manggagawa at tinuligsa kung ano talaga ang digmaang ito".
Mabuti hanggang sa puntong ito. Ngunit kami ay malinaw na hindi sang-ayon ng mangatuwiran sila na "Para sa aming bahagi, mas pinaunlad pa ng ICT ang internasyonalistang posisyon sa pamamagitan ng pagsisikap na makipagtulungan sa iba pang mga internasyonalista na nakikita ang mga panganib para sa pandaigdigang uring manggagawa kung hindi ito mag-oorganisa. Ito ang dahilan kung bakit kami ay sumali sa inisyatibo upang bumuo ng mga komite sa lokal na antas sa buong mundo upang mag-organisa ng isang tugon sa kung ano ang inihahanda ng kapitalismo para sa mga manggagawa sa lahat ng dako".
Ang pangangailangan para sa debate
Sa aming pananaw, ang panawagan ng ICT para sa pagbuo ng No War But the Class War committees ay kahit ano maliban sa "pagpapaunlad" sa internasyunalismo o isang hakbang tungo sa isang solidong pagkakaisa ng mga internasyunalistang pwersang komunista. Nakasulat na kami ng maraming bilang ng mga artikulo na nagpapaliwanag sa aming pananaw tungkol dito, ngunit ang ICT ay hindi tumugon ni isa man sa kanila, isang aktitud na binigyang katuwiran sa pahayag ng ICT na iginigiit na hindi nila nais na sumali sa "parehong lumang mga debate" sa mga taong sa tingin nila ay hindi naunawaan ang kanilang mga posisyon. Ngunit ang tradisyon ng kaliwang komunista, na minana kina Marx at Lenin at ipinagpatuloy sa mga pahina ng Bilan, ay ang pagkilala na ang polemiko sa pagitan ng mga proletaryong elemento ay napakahalaga sa anumang proseso ng paglilinaw pampulitika. At sa katunayan, ang pahayag ng ICT ay talagang isang nakatagong polemiko, higit sa lahat sa ICC – Ngunit sa kanilang likas na katangian ang gayong mga nakatagong mga debate, na umiiwas na tukuyin ang mga partikular na organisasyon at ang kanilang mga nakasulat na pahayag, ay hindi kailanman maaaring humantong sa isang tunay at tapat na komprontasyon ng mga posisyon.
Sa kanilang pahayag sa NWBCW, inaangkin ng ICT na ang inisyatiba nito ay pagpapatuloy sa ginawa ng kaliwang kampo na sinimulang proseso ng kumperensya ng Zimmerwald ng 1915, na gumawa na ng katulad na pang-aangkin sa artikulo na "NWBCW and the 'Real International Bureau' ng 1915: "naniniwala kami na ang inisyatibong NWBCW ay umaayon sa mga prinsipyo ng Kaliwa ng Zimmerwald".[2]
Ngunit ang mga aktibidad ng Kaliwa ng Zimmerwald, at higit sa lahat ni Lenin, ay kinakitaan ng walang humpay na polemiko na naglalayon ng dekantasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa. Pinagsama ng Zimmerwald ang iba't ibang tendensya ng kilusang manggagawa na sumasalungat sa digmaan, at nagkaroon ng malaking pagkakaiba sa maraming usapin; lubos na alam ng Kaliwa na hindi sapat ang isang karaniwang posisyon laban sa digmaan, tulad ng ipinahayag sa Manipesto ng Zimmerwald. Dahil dito, hindi itinago ng Kaliwa ng Zimmerwald ang mga pagkakaiba nito sa iba pang mga tendensya sa mga kumperensya ng Zimmerwald at Kienthal, kundi lantarang binatikos ang mga tendensyang ito dahil hindi sila naaayon sa kanilang pakikipaglaban sa imperyalistang digmaan. Sa debate na ito ay bumuo si Lenin at ang mga nakapaligid sa kanya ng isang nukleyus na nagiging similya ng Communist International.
Ang aming mga naunang pagpuna sa inisyatibong NWBCW
Tulad ng nakikita ng mga mambabasa mula sa paglalathala ng aming mga liham sa ICT tungkol sa panawagan ng ICC para sa isang komon na deklarasyon ng kaliwang komunista bilang tugon sa digmaan sa Ukraine, ang pagtanggi ng ICT na pumirma at ang kanilang pagsulong ng NWBCW bilang isang uri ng "karibal" na proyekto ay lubhang nagpahina sa kapasidad ng kaliwang komunista na kumilos nang magkasama sa mahalagang sandaling ito. Sinira nito ang posibilidad ng isang pagsama-sama ng kanyang mga pwersa sa unang pagkakataon mula ng mabuwag ang mga internasyonal na kumperensya ng kaliwang komunista sa simula ng 1980s. Pinili ng ICT na itigil ang pakikipagsulatang ito[3].
Naglathala rin kami ng isang artikulo na binaybay ang aktwal na kasaysayan ng NWBCW sa anarkistang kampo noong 1990s[4]. Nangangahulugan ito na ang mga grupong ito ay naglalaman ng lahat ng uri ng kalituhan, ngunit sa aming pananaw ay nagpahayag sila ng isang bagay na totoo - ang tugon ng isang maliit na minorya na kritikal sa napakalaking mga mobilisasyon laban sa mga digmaan sa Gitnang Silangan at Balkans, mga mobilisasyon na nasa malinaw na kaliwa at pasipistang larangan. Dahil dito, nadama namin na mahalaga para sa kaliwang komunista na makialam sa mga pormasyong ito upang ipagtanggol ang malinaw na internasyunalistang posisyon sa loob nito. Sa kabilang banda, kakaunti lamang ang gayong mga pagkilos ng mga pasipista bilang tugon sa digmaan sa Ukraine at ang anarkistang kampo, tulad ng nabanggit na namin, ay lubhang nagkahati-hati sa usaping ito. Sa gayon ay kakaunti lamang ang nakikita natin sa iba't ibang grupo ng NWBCW para kwestyunin ang aming kongklusyon sa artikulo: "Ang impresyon na nakukuha namin mula sa mga grupo na kung saan alam namin kung ano sila ay higit sa lahat 'mga duplicate' ng ICT o mga kaanib nito". Sa aming palagay, ang duplikasyong ito ay naglantad ng ilang malubhang hindi pagkakaunawaan pareho tungkol sa tungkulin at paraan ng operasyon ng rebolusyonaryong organisasyong pampulitika at ang kaugnayan nito sa mga minorya na nasa proletaryong tereyn, at sa uri sa kabuuan. Ang hindi pagkakasundo na ito ay bumabalik sa buong debate tungkol sa mga grupo ng pabrika at mga grupo ng pakikibaka, ngunit hindi namin balak na talakayin sa artikulong ito[5].
Higit pang mahalaga – ngunit konektado rin sa tanong ng pagkakaiba sa pagitan ng isang produkto ng tunay na kilusan at artipisyal na imbensyon ng mga pampulitikang minorya - ay ang paggigiit ng aming artikulo na ang inisyatibo ng NWBCW ay batay sa maling pagtatasa sa dinamika ng pakikibaka ng uri ngayon. Sa kasalukuyang kalagayan, hindi natin maaasahan na ang kilusang makauri ay direktang uunlad laban sa digmaan kundi laban sa epekto ng krisis sa ekonomiya – isang pagsusuri na sa palagay namin ay lubos na napatunayan ng pandaigdigang muling pagbuhay ng mga pakikibaka na sinimulan ng kilusang welga sa Britanya noong tag-init ng 2022 at, na may hindi maiiwasang mga paglakas at paghina, ay hindi pa rin napapagod. Ang kilusan na ito ay naging direktang tugon sa "cost of living crisis" at habang naglalaman ito ng mga binhi ng mas malalim at mas malawak na pagkuwestiyon sa pagiging bangkarota ng sistema at ang pagkilos nito patungo sa digmaan, malayo pa rin tayo sa puntong iyon. Ang ideya na ang mga komite ng NWBCW ay maaaring sa ilang kahulugan ay ang panimula para sa isang direktang tugon ng uri sa digmaan ay maaari lamang humantong sa isang maling pagbasa sa dinamika ng kasalukuyang mga pakikibaka. Binubuksan nito ang pintuan sa isang patakarang aktibista na, sa kabilang banda, ay hindi magagawang mapag-iba ang sarili mula sa mga "aksyon agad ngayon" na mga posisyon ng kaliwa ng kapital. Iginiit ng pahayag ng ICT na ang inisyatibo nito ay higit sa lahat pampulitika at ito ay salungat sa aktibismo at pagmamadali, at sinasabi nila na ang lantarang aktibista na direksyon ng mga grupo ng NWBCW sa Portland at Roma ay batay sa isang hindi pagkakaunawaan sa tunay na katangian ng inisyatiba. Ayon sa pahayag, "ang mga taong pumirma sa NWBCW na hindi naunawaan kung ano talaga ang tungkol dito, o sa halip, na nakita ito bilang ekstensyon ng kanilang nakaraang radikal na repormistang aktibidad. Nangyari ito pareho sa Portland at Roma kung saan nakita ng ilang mga elemento na ang NWBCW ay organisasyon para agad na mapakilos ang uri na kung saan ay hindi pa rin nakabangon mula sa apat na dekada ng pag-atras, at kung saan ay nagsisimula pa lang mahanap ang mga paa nito sa paglaban sa implasyon. Ang kanilang pagmamadali at ultra-aktibista na pananaw ay humantong lamang sa pagkalusaw ng mga komiteng iyon". Para sa amin, ito ay kabaligtaran, ang mga lokal na grupong ito ay mas mahusay na nakaunawa kaysa sa ICT na ang isang inisyatibo na inilunsad sa kawalan ng anumang tunay na kilusan laban sa digmaan – kahit na sa mga maliliit na minorya - ay maaari lamang mahulog sa mga pagtatangka upang lumikha ng isang kilusan mula sa wala.
Isang bagong "Nagkakaisang Prente"?
Nabanggit namin na ang Italian Fraction ng Komunistang Kaliwa, na naglathala ng Bilan, ay iginiit ang pangangailangan ng mahigpit na pampublikong debate sa pagitan ng mga proletaryong pampulitikang organisasyon. Ito ay isang sentral na aspeto ng kanilang prinsipyadong pamamaraan tungo sa muling pagsama-sama, na sumasalungat lalo na sa oportunistang pagsisikap ng mga Trotskyista at ex-Trotskyista noon na gumamit ng mga pagsasanib at pagsasama na hindi batay sa isang matinding debate batay sa pundamental na mga prinsipyo. Sa aming pananaw, ang inisyatibong NWBCW ay batay sa isang uri ng "frontist" na lohika na maaari lamang humantong sa walang prinsipyo at maging sa mapanirang alyansa.
Aminado ang pahayag na may mga lantarang kaliwang grupo na nag-hijack ng islogan na "No War But Class War" para itago ang kanilang esensyal na suporta sa isang panig o sa kabilang panig sa labanan. Iginiit ng ICT na hindi nila mapipigilan ang naturang "false flag" operations. Ngunit kung basahin mo ang aming artikulo sa pambungad na pulong ng komite ng Paris NWBCW[6], makikita ninyo na hindi lamang na ang isang malaking bahagi ng mga kalahok ay nagtataguyod ng lantarang kaliwang "mga aksyon" sa ilalim ng bandila ng NWBCW, kundi pati na rin na ang isang grupong Trotskyista na nagtatanggol sa karapatan ng Ukraine sa sariling pagpapasya, Matière et Révolution, ay inimbitahan pa talaga sa pulong. Kahalintulad nito, ang grupong Rome NWBCW ay tila batay sa isang alyansa sa pagitan ng kaanib ng ICT sa Italya (na naglalathala ng Battaglia Comunista) at purung-purong grupo ng kaliwa[7].
Dapat naming idagdag na ang presidium ng pulong sa Paris ay binubuo ng dalawang elemento na itiniwalag mula sa ICC noong unang bahagi ng 2000s dahil sa paglalathala ng materyal na naglalantad sa aming mga kasama para magamit ng panunupil ng estado – isang aktibidad na tinuligsa naming bilang snitching. Isa sa mga elementong ito ay miyembro ng International Group of the Communist Left, isang grupo na hindi lamang tipikal na pagpapahayag ng pulitikal na parasitismo, kundi nakabatay sa pag-uugali nito na parang pulis at sa gayon ay hindi dapat magkaroon ng lugar sa loob ng internasyunalistang komunistang kampo. Ang isa pang elemento ay ngayon ay aktwal na kinatawan ng ICT sa France. Nang tumanggi ang ICT na lagdaan ang komon na deklarasyon, ipinagtatalunan nila na ang kahulugan nito ng kaliwang komunista ay masyadong makitid, higit sa lahat dahil ibinukod nito ang mga grupo na tinukoy ng ICC bilang parasitiko. Sa katunayan, napakalinaw na ipinakita ng ICT na mas gusto ng ICT na makasama sa publiko ang mga grupong parasitiko tulad ng IGCL kaysa sa ICC, at ang kasalukuyang patakaran nito, sa pamamagitan ng mga komite ng NWBCW, ay walang ibang resulta kundi ang bigyan ang mga naturang grupo ng sertipiko ng paggalang at palakasin ang kanilang matagal ng pagsisikap na ihiwalay ang ICC – dahil sa pagtatanggol nito sa malinaw na mga prinsipyo ng pag-uugali na paulit-ulit nilang nilabag.
Sa ilang mga kaso, tulad ng sa Glasgow, ang mga grupo ng NWBCW ay tila batay sa pansamantalang pakikipag-alyansa sa mga anarkistang grupo tulad ng Anarchist Communist Group na nanindigan sa mga internasyunalistang posisyon sa digmaan sa Ukraine ngunit may kaugnayan sa mga grupo na nasa burges na larangan (halimbawa Plan C sa UK). At kamakailan lamang ay ipinakita ng ACG na mas gugustuhin nitong makihalubilo sa mga naturang kaliwa kaysa makipagtalakay sa isang internasyunalistang organisasyon tulad ng ICC, na ibinukod nito mula sa isang kamakailang pulong sa London nang walang protesta mula sa CWO[8]. Hindi ito nangangahulugan na wala kaming layuning makipagdiskusyon sa mga tunay na internasyunalistang anarkista, at sa kaso ng KRAS sa Russia, na may napatunayang talaan ng paglaban sa mga imperyalistang digmaan, hiniling namin sa kanila na suportahan ang magkasanib na deklarasyon sa anumang paraan na maaari nilang gawin. Ngunit ang usapin ng ACG ay isa pang halimbawa kung paano binalikan ng inisyatibong NWBCW ang oportunistang patakaran ng Pakikipag-isang Prente, kung saan ipinahayag ng Communist International ang kahandaan nitong makipagtulungan sa mga taksil ng sosyal na demokrasya. Ito ay isang taktika upang palakasin ang impluwensya ng komunista sa uring manggagawa ngunit ang tunay na resulta nito ay upang mapabilis ang pagkasira ng CI at mga partido nito.
Ang Italian Communist Left ay, noong unang bahagi ng 20s, isang malupit na kritiko ng oportunistang patakaran na ito ng CI. Patuloy itong sumunod sa orihinal na posisyon ng CI, na ang mga partidong sosyal demokratiko, sa pamamagitan ng pagsuporta sa imperyalistang digmaan at aktibong paglaban sa proletaryong rebolusyon, ay naging mga partido ng kapital. Totoo na ang kanilang pagpuna sa taktika ng United Front ay may kalabuan – ang ideya ng "Nagkaisang Prente mula sa Ibaba", batay sa palagay na ang mga unyon ay mga organisasyong proletaryo pa rin at sa antas na ito maaaring magkasamang makipaglaban ang mga Komunista at sosyal demokratikong manggagawa.
Sa kanilang kongklusyon sa pahayag ng NWBCW, ipinahayag ng ICT na may makasaysayang pagkakahalintulad ang mga komite ng NWBCW sa rebolusyonaryong kilusan: ang apela para sa isang United Proletarian Front na inilunsad ng Internationalist Communist Party (PCInt) sa Italya noong 1945. Ang apela na ito ay pundamental na internasyonalista sa nilalaman, ngunit bakit ito nagsasalita tungkol sa isang "United Proletarian Front" At ano ang ibig sabihin ng sumusunod na kahilingan: "Ang kasalukuyang panahon ay nanawagan ng pagbuo ng isang nagkakaisang proletaryong prente, ibig sabihin, ang pagkakaisa ng lahat ng mga kontra sa digmaan, pasista man o demokratiko.
Mga manggagawa ng lahat ng proletaryo at di-partidong pormasyong pampulitika! Samahan ang ating mga manggagawa, talakayin ang mga suliraning makauri sa liwanag ng mga pangyayari sa digmaan at magkasamang bumuo sa bawat pabrika, sa bawat sentro, mga komite ng nagkakaisang prente na may kakayahang ibalik ang pakikibaka ng proletaryado sa tunay na makauring tereyn nito".
Sininu-sino ang mga "proletaryo at di-partido na pormasyon" na ito? Ito ba ay sa katunayan ay apela ito sa hanay ng mga ordinaryong miyembro ng mga dating partido ng manggagawa para pasamahin sila sa pampulitikang aktibidad ng mga militante ng PCInt?
Isang taon pa lamang ang nakararaan, inilathala ng PCInt ang "Apela" ng komite nito sa ahitasyon sa mga komite ng ahitasyon ng Partido Sosyalista, Partido Komunista at iba pang organisasyon ng burges na kaliwa, na nanawagan ng magkasanib na pagkilos sa mga pabrika. Naglathala kami ng isang salaysay nito sa International Review 32. Sa International Review 34 inilathala namin ang isang liham mula sa PCInt na tumugon sa aming mga pagpuna sa Apela. Sa liham na ito ay isinulat nila:
"Sa katunayan ba ay mali ito? Oo, nangyari nga; aminin natin ito. Ito ang huling pagtatangka ng Kaliwang Italyano na ilapat ang taktika ng 'nagkakaisang prente sa ibaba' na ipinagtanggol ng CP ng Italya noong 1921-23 laban sa Ikatlong Internasyonal. Dahil dito, ikategorya natin ito bilang isang 'venial sin' dahil kalaunan ay inalis ito ng aming mga kasama pareho sa pulitika at teorya nang may kalinawan na ngayon ay mahusay tayong armado laban sa sinuman sa puntong ito".
Na sinagot naman namin:
"Kung ang isang panukala para sa isang nagkakaisang prente sa Stalinista at sosyal demokratikong mamamatay-tao ay isang 'minor' na kasalanan lamang ano pa ang maaaring gawin ng PCInt noong 1945 para mahulog ito sa isang talagang malubhang pagkakamali ... sumali sa gobyerno? Ngunit muling tiniyak sa amin ng BC: matagal ng itinuwid ang mga pagkkamaling ito na hindi naghihintay sa ICC at ito ay hindi kailanman sinubukang itago ang mga ito. Posible, ngunit noong 1977 nang ilabas namin ang mga pagkakamali ng PCInt sa panahon ng digmaan sa aming pahayagan, galit na sumagot ang Battaglia sa isang sulat na umamin na may mga pagkakamali ngunit ito ay kasalanan ng mga kasama na umalis noong 1952 upang itayo ang PC Internazionale".
Kaya ang apela ng 1944 ay hindi ang huling pagtatangka na ilapat ang taktika ng "United Front mula sa Ibaba' pagkatapos ng lahat. Ang panawagan noong 1945 para sa isang "United Proletarian Front" ay nagpakita na ang PCInt ay hindi ito "itinakwil pareho sa pulitika at teorya". At ang taktikang 'United Front from Below' mula 1921-23 ay inspirasyon pa rin ng oportunistang ‘kilusan’ na No War But Class War ng ICT.
Kaya tama ang ICT sa isang punto tungkol sa No War But Class War: ito ay pagpapatuloy sa oportunistang panawagan para sa isang 'Nagkakaisang Proletaryong Prente' ng PCint noong 1945. Ngunit hindi ito pagpapapatuloy na dapat ipagmalaki dahil aktibong itinatago ng taktikang ito ang makauring linya na umiiral sa pagitan ng internasyunalismo ng Kaliwang Komunista at ng kunwaring internasyunalismo ng kaliwa, parasitismo at anarkistang latian. Bukod dito, ang NWBCW ay nilayon na maging eksklusibong alternatibo sa matatag na internasyunalismo ng Joint Statement of the Communist Left, kaya pinahina ang mga rebolusyonaryong pwersa hindi lamang sa pamamagitan ng oportunismo sa kaliwa atbp, kundi pati na rin sa pamamagitan ng sektaryanismo sa iba pang mga tunay na grupo ng Kaliwang Komunista.
Amos
[1]The No War but the Class War Initiative, Revolutionary Perspectives 22
[5] Tingnan halimbawa Reply to the Internationalist Communist Party (Battaglia Comunista) in International Review 13; The organisation of the proletariat outside periods of open struggle (workers' groups, nuclei, circles, committees) | International Communist Current (internationalism.org) in International Review 21; also World Revolution 26, “Factory Groups and ICC intervention”
[6] A committee that leads its participants into a dead end, World Revolution 395
[7] Ang pahayag ay naglalaman ng link sa artikulo ng Battaglia Comunista sa kinahinatnan ng komite sa Roma, Sul Comitato di Roma NWBCW: un'intervista. Inilarawan nito ang negatibong resulta ng pakikipag-alyansa sa grupo na tinawag na Società Incivile (“Uncivil Society”). Isinulat ito sa malabong paraan na mahirapan makahalaw mula dito. Pero kung tingnan ninyo ang website ng grupong ito, sila ay parang purung-purong kaliwa, umaawit ng papuri sa mga anti-pasistang partisano at sa Stalinistang Partido Komunista ng Italya. Tingnan halimbawa https://www.sitocomunista.it/canti/cantidilotta.html; www.sitocomunista.it/resistence/resistenceindex.html; https://www.sitocomunista.it/pci/pci.html.