Submitted by Internasyonalismo on
Attachment | Size |
---|---|
internasyunal_polyeto_feb2023.pdf | 81.7 KB |
Mga pangkalahatang welga at higanteng demonstrasyon noong Marso 7 sa France, Marso 8 sa Italya, Marso 11 sa UK. Kahit saan, lumalaki at kumakalat ang galit.
Sa UK, isang makasaysayang alon ng welga ang nangyayari sa loob ng siyam na buwan. Matapos dumanas ng walang patid na ilang dekadang paghihigpit-sinturon, hindi na tinanggap ng proletaryado sa Britain ang mga sakripisyo. "Tama na". Sa France, ang pagtaas sa edad ng pagretiro ang nagsindi sa pulbura. Ang mga demonstrasyon ay nagdala ng milyun-milyong tao sa mga lansangan. "Walang dagdag na isang taon, walang bawas na isang euro". Sa Spain, nagsagawa ng malalaking rali laban sa pagbagsak ng sistema ng pangangalagang pangkalusugan, at sumiklab ang mga welga sa maraming sektor (paglilinis, transportasyon, IT, atbp.). "La indignación llega de lejos / Ang galit ay nagmula sa malayo," sabi ng mga pahayagan. Sa Germany, sinasakal ng inplasyon, nagwelga ang mga manggagawa sa pampublikong sektor at kanilang mga kasamahan sa koreo para itaas ang suweldo, isang bagay na "hindi pa nakikita sa Germany". Sa Denmark, sumiklab ang mga welga at demonstrasyon laban sa pagpapawalang-bisa ng isang pampublikong holiday upang tustusan ang pagtaas sa badyet ng militar. Sa Portugal, ang mga guro, manggagawa sa tren at mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan ay nagprotesta rin laban sa mababang sahod at gastusin ng pamumuhay. The Netherlands, Denmark, United States, Canada, Mexico, China... parehong mga welga laban sa parehong hindi makayanan at hindi marangal na mga kondisyon ng pamumuhay: "Ang tunay na kahirapan: hindi makapag-init, kumain, pangalagaan ang sarili, magmaneho!”
Ang pagbabalik ng uring manggagawa
Ang pagkakasabay na ito ng mga pakikibaka sa lahat ng mga bansang ito ay hindi aksidente. Kinumpirma nito ang tunay na pagbabago ng diwa sa loob ng ating uri. Pagkatapos ng tatlumpung taon ng pag-atras at kawalan ng pag-asa, sa pamamagitan ng ating mga pakikibaka ay sinasabi natin: "Hindi na natin ito ipagwalang-bahala. Kaya natin at kailangan nating lumaban".
Ang pagbabalik na ito ng pakikibaka ng uring manggagawa ay nagbigay-daan sa atin na manindigan nang sama-sama, magpakita ng pagkakaisa sa pakikibaka, makaramdam ng pagmamalaki, dangal at pagkakaisa sa ating laban. Isang napakasimple ngunit napakahalagang ideya ang umuusbong sa ating mga utak: lahat tayo ay nasa iisang bangka!
Ang mga empleyadong nakasuot ng puting amerikana, asul na amerikana o kurbata, ang mga walang trabaho, mga estudyanteng walang katiyakan, mga pensiyonado, mula sa lahat ng sektor, pampubliko at pribado, lahat tayo ay nagsimulang kilalanin ang ating sarili bilang isang puwersang panlipunan na pinagsama ng parehong mga kondisyon ng pagsasamantala. Dumaranas tayo ng parehong pagsasamantala, ang parehong krisis ng kapitalismo, ang parehong mga pag-atake sa ating pamumuhay at mga kondisyon sa paggawa. Kasali tayo sa iisang pakikibaka. Tayo ang uring manggagawa.
"Magkasama ang mga manggagawa", sigaw ng mga welgista sa UK. "Makibaka tayo ng sama-sama, o lahat tayo ay pupulutin sa kangkongan", pagkumpirma ng mga demonstrador sa France.
Maaari ba tayong manalo?
Ang ilang mga nakaraang pakikibaka ay nagpakita na posibleng umatras ang gobyerno, para pabagalin ang mga pag-atake nito.
Noong 1968, nagkaisa ang proletaryado sa France sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga pakikibaka nito. Kasunod ng malalaking demonstrasyon noong Mayo 13 bilang protesta laban sa panunupil ng pulisya na dinanas ng mga estudyante, ang mga walkout at pangkalahatang asembliya ay kumalat na parang apoy sa mga pabrika at lahat ng mga lugar ng trabaho na humantong, kasama ang 9 na milyong welgista nito, sa pinakamalaking welga sa kasaysayan ng internasyonal na kilusang manggagawa. Naharap sa dinamikong ito ng ekstensyon at pagkakaisa ng pakikibaka ng mga manggagawa, ang gobyerno at ang mga unyon ay nagmamadaling pumirma sa isang kasunduan sa pangkalahatang pagtaas ng sahod upang matigil ang kilusan.
Noong 1980, sa Poland, na naharap sa pagtaas ng presyo ng pagkain, ang mga welgista ay nagpatuloy sa pakikibaka sa pamamagitan ng pagtitipon sa malalaking pangkalahatang asembliya, sa pamamagitan ng pagpapasya sa kanilang sarili sa mga kahilingan at aksyon, at higit sa lahat sa pamamagitan ng patuloy na pagmamalasakit na palawigin ang pakikibaka. Naharap sa ganitong pagpapakita ng lakas, hindi lang ang burgesya ng Poland ang nanginig, kundi ang burgesya ng lahat ng bansa.
Noong 2006, sa France, pagkatapos lamang ng ilang linggo ng mobilisasyon, inalis ng gobyerno ang "Contrat Première Embauche". Bakit ganito? Ano ang labis na ikinatakot ng burgesya kaya mabilis itong umatras? Ang mga walang katiyakang estudyante ay nag-organisa ng malalaking pangkalahatang pagpupulong sa mga unibersidad, bukas sa mga manggagawa, mga walang trabaho at mga pensiyonado, at nagharap ng isang nagkakaisang islogan: ang paglaban sa kaswalisasyon at kawalan ng trabaho. Ang mga pagtitipon na ito ay ang baga ng kilusan, kung saan ginanap ang mga debate at ginawa ang mga desisyon. Ang resulta: tuwing katapusan ng linggo, ang mga demonstrasyon ay nilahukan ng mas maraming sektor. Ang mga sahuran at retiradong manggagawa ay sumama sa mga estudyante sa ilalim ng islogan: "Mga batang lardon, matandang crouton, lahat sa iisang salad". Ang burgesya ng Pransya at ang gobyerno, na naharap sa ganitong tendensya na pag-isahin ang kilusan, ay walang pagpipilian kundi bawiin ang CPE.
Ang lahat ng mga kilusang ito ay may magkatulad na dinamika ng pagpapalawig ng pakikibaka salamat sa mga manggagawa na mismong may kontrol dito!
Ngayon, tayo man ay mga manggagawang sahuran, walang trabaho, pensiyonado, walang katiyakang estudyante, wala pa rin tayong tiwala sa ating sarili, sa ating sama-samang lakas, na maglakas-loob na kontrolin ang ating mga pakikibaka. Ngunit walang ibang paraan. Lahat ng "aksyon" na iminungkahi ng mga unyon ay humantong sa pagkatalo. Mga piket, welga, demonstrasyon, pagharang sa ekonomiya... walang kwenta hangga’t ang mga pagkilos na ito ay nanatiling nasa ilalim ng kanilang kontrol. Kung babaguhin ng mga unyon ang anyo ng kanilang mga aksyon ayon sa mga pangyayari, ito ay para palaging mas mapanatili ang parehong esensya: upang hatiin at ihiwalay ang mga sektor sa isa't isa para hindi tayo magdebate at magpasya para sa ating sarili kung paano isasagawa ang pakikibaka.
Sa loob ng siyam na buwan sa UK, ano ang ginagawa ng mga unyon? Pinaghiwa-hiwalay nila ang tugon ng mga manggagawa: araw-araw, ibang sektor ang nagwelga. Bawat isa sa kanyang sulok, bawat isa sa kanyang hiwalay na picket line. Walang mga pulong ng masa, walang kolektibong debate, walang tunay na pagkakaisa sa pakikibaka. Ito ay hindi isang pagkakamali ng diskarte ngunit sinasadyang paghati-hati.
Paano noong 1984-85 nagawa ng gobyernong Thatcher na buwagin ang uring manggagawa sa UK? Sa pamamagitan ng maruming gawain ng mga unyon na naghiwalay sa mga minero sa kanilang mga kapatid sa uri sa ibang sektor. Ikinulong nila ang mga ito sa isang mahaba at baog na welga. Sa loob ng mahigit isang taon, isinara ng mga minero ang mga hukay sa ilalim ng bandila ng "pagharang sa ekonomiya". Nag-iisa at walang kapangyarihan, ang mga welgista ay naubusan ng kanilang lakas at tapang. At ang kanilang pagkatalo ay ang pagkatalo ng buong uring manggagawa! Ang mga manggagawa ng UK ay ngayon pa lamang, tatlumpung taon na ang lumipas, itinaas ang kanilang mga ulo. Ang pagkatalo na ito kung gayon ay isang napakahalagang aral na hindi dapat kalimutan ng proletaryado ng mundo.
Sa pamamagitan lamang ng pagtitipon na bukas para sa lahat, malakihan at nagsasarili na mga pangkalahatang asembliya, na talagang nagpapasya sa pagsasagawa ng pagkilos, maaari tayong magsagawa ng nagkakaisa at lumalaganap na pakikibaka, na isinusulong ng pagkakaisa sa pagitan ng lahat ng sektor, lahat ng henerasyon. Mga asembliya kung saan nadarama natin ang pagkakaisa at pagtitiwala sa ating kolektibong lakas, kung saan maaari nating pagtibayin ang mas nagkakaisang mga kahilingan. Mga pangkalahatang asembliya na maaaring bumuo ng malalaking delegasyon upang salubungin ang ating mga kapatid sa uri, ang mga manggagawa sa pinakamalapit na pabrika, ospital, paaralan, administrasyon.
Ang tunay na tagumpay ay ang pakikibaka mismo
"Pwede ba tayong manalo?" Ang sagot ay oo, minsan ay kung, at tanging kung, ilagay natin ang ating mga pakikibaka sa sarili nating mga kamay. Pansamantala nating mapigilan ang mga pag-atake, paatrasin ang gobyerno.
Ngunit ang katotohanan ay ang pandaigdigang krisis sa ekonomya ay magtulak sa buong seksyon ng proletaryado sa kahirapan. Upang makayanan ang pandaigdigang arena ng pamilihan at kompetisyon, bawat burgesya sa bawat bansa, kaliwa man, kanan o sentrista, tradisyonal o populista, ay magpapataw ng mas hindi matitiis na kalagayan sa pamumuhay at paggawa.
Ang katotohanan ay sa pag-unlad ng ekonomiya ng digmaan sa apat na sulok ng mundo, ang mga "sakripisyo" na hinihingi ng burgesya ay higit pang hindi na matitiis.
Ang katotohanan ay ang imperyalistang tunggalian sa pagitan ng mga bansa, lahat ng mga bansa, ay isang spiral ng pagkawasak at madugong kaguluhan na maaaring humantong sa pagkawasak ng sangkatauhan. Araw-araw sa Ukraine, ang dagsa ng mga tao, minsan ay 16 o 18 taong gulang, ay pinagtabas-tabas ng mga kasuklam-suklam na instrumento ng kamatayan, Russian man o kanluran.
Ang katotohanan ay ang mga simpleng epidemya ng trangkaso o bronchiolitis ay pinaluhod sa pagod ang sistema ng kalusugan.
Ang katotohanan ay ang kapitalismo ay patuloy na sumisira sa planeta at pinapahamak ang klima, na nagdudulot ng mapangwasak na baha, tagtuyot at sunog.
Ang katotohanan ay ang milyun-milyong tao ay patuloy na tatakas sa digmaan, taggutom, sakuna sa klima, o lahat sa tatlo, para lamang mabangga sa mga pader ng barbed wire ng ibang mga bansa, o malunod sa dagat.
Kaya ang tanong: ano ang silbi ng pakikipaglaban sa mababang sahod, laban sa kakulangan ng empleyado, laban dito o sa ganoong “reporma”? Dahil ang ating mga pakikibaka ay nagdadala ng pag-asa mayroong ibang mundo, walang uri o pagsasamantala, walang digmaan o hangganan.
Ang tunay na tagumpay ay ang pakikibaka mismo. Ang simpleng katotohanan ng paglunsad ng pakikibaka, ng pagpapaunlad ng ating pagkakaisa, ay tagumpay na. Sa pamamagitan ng sama-samang pakikibaka, sa pamamagitan ng pagtanggi na sumuko, inihahanda natin ang mga pakikibaka sa hinaharap at unti-unti nating nalilikha, sa kabila ng hindi maiwasang pagkatalo, ang mga kondisyon para sa isang bagong mundo.
Ang ating pagkakaisa sa pakikibaka ay kabaligtaran ng nakamamatay na kompetisyon ng sistemang ito, na nahahati sa mga kalabang kumpanya at bansa.
Ang ating pagkakaisa sa pagitan ng mga henerasyon ay ang kabaligtaran ng walang kinabukasan at ang mapangwasak na spiral ng sistemang ito.
Ang ating pakikibaka ay sumisimbolo sa pagtanggi na isakripisyo ang ating sarili sa altar ng militarismo at digmaan.
Ang pakikibaka ng uring manggagawa ay isang hamon sa mismong pundasyon ng kapitalismo at pagsasamantala.
Ang bawat welga ay nagdadala sa loob nito ng mga binhi ng rebolusyon.
Ang kinabukasan ay nauukol sa tunggalian ng mga uri!
Internasyunal na Komunistang Tunguhin (25 Pebrero 2023)