Submitted by Internasyonalismo on
Sa maraming okasyon, giniit ng organisasyon ang kahalagahan ng usapin ng militarismo at digmaan sa panahon ng pagbulusok[[1]], pareho sa punto-de-bista ng buhay ng kapitalismo mismo, at ng proletaryado. Dahil sa mabilis na sunod-sunod na mga pangyayari na may istorikal na kahalagahan sa nakaraang taon (pagbagsak ng bloke ng Silangan, digmaan sa Gulpo) na bumago sa sitwasyon ng mundo, dahil sa pagpasok ng kapitalismo sa kanyang pinal na yugto ng dekomposisyon[[2]], napakaimportante na absolutong malinaw sa mga rebolusyonaryo ang esensyal na usapin: ang papel ng militarismo sa loob ng bagong kondisyon ng mundo ngayon.
Ang marxismo ay buhay na teorya
1) Salungat sa Bordigistang tendensya, hindi kinilala ng IKT ang marxismo bilang "hindi nagbabagong doktrina", kundi bilang buhay na kaisipan na pinayaman ng bawat mahalagang istorikal na kaganapan. Ang naturang mga kaganapan ay maaring magpatibay sa balangkas o pagsusuri na umunlad sa nakaraan, at kaya suportahan sila, o patingkarin ang katotohanan na ang ilan ay lipas na, at kailangan ang repleksyon para mapalawak ang aplikasyon sa mga iskema na dati balido pero nilagpasan na ng mga pangyayari, o gamitin ang mga bago na tumutugma sa bagong realidad.
Ang mga rebolusyonaryong organisasyon at militante ay may ispisipiko at pundamental na responsibilidad na gawin ang repleksyon, laging pasulong, tulad ng ginawa ng mga nauna sa atin katulad nila Lenin, Rosa, Bilan, ang Kaliwang Komunistang Pranses, atbp, na may pag-iingat at katapangan:
- palagi at matatag tayong nakabatay sa mga batayang yaman ng marxismo,
- sinusuri ang realidad na walang anumang takip-sa-mata, at paunlarin ang ating kaisipan na "walang anumang iniiwasan" (Bilan).
Sa partikular, sa harap ng mga istorikal na pangyayari, importante na may kapasidad ang mga rebolusyonaryo na makita ang kaibahan sa pagitan ng mga pagsusuri na nalagpasan na ng mga pangyayari at yaong nanatiling balido pa, para maiwasan ang dobleng patibong: bumigay sa esklerosis o "ihagis ang bagong silang na bata sa tubig ". Mas eksakto, kailangang bigyang-diin ano sa ating pagsusuri ang esensyal at pundamental, at nanatiling balido sa ibat-ibang istorikal na mga sirkumstansya, at ano ang segundaryo at sirkumstansyal – sa madaling sabi, alamin paano pag-ibahin ang esensya ng realidad at ang kanyang ibat-ibang ispisipikong mga manipestasyon.
2) Sa loob ng isang taon, dumaan ang mundo sa malaking mga kaganapan, na malakihang bumago sa mundo magmula sa ikalawang imperyalistang digmaan. Ginawa ng IKT ang makakaya upang masusing obserbahan ang mga pangyayari:
- tingnan ang kanilang istorikal na kahalagahan,
- tingnan paano kinumpirma o pinawalang-bisa ang mga makauring balangkas na tama sa nakaraan.
Bagaman hindi namin eksaktong nakini-kinita paano magaganap ang mga istorikal na pangyayaring ito (paghihingalo ng Stalinismo, paglaho ng bloke ng Silangan, disintegrasyon ng bloke ng Kanluran), perpekto naman itong nakaangkla sa balangkas ng pagsusuri at unawa sa kasalukuyang istorikal na yugto na dating ginawa ng IKT: ang yugto ng dekomposisyon.
Ganun din sa kasalukuyang digmaan sa Persian Gulf. Pero ang kahalagahan ng pangyayaring ito at ang pangunahing mga kalituhan sa hanay ng mga rebolusyonaryo ang nagbigay responsibilidad sa aming organisasyon na malinaw na unawain ang epekto at pinsala ng mga katangian ng yugto ng dekomposisyon sa usapin ng militarismo at digmaan, ang suriin paano inilahad ang usaping ito sa bagong istorikal na yugto.
Militarismo ang bag-as ng pagbulusok ng kapitalismo
3) Militarismo at digmaan ang pundamental na katangian ng buhay ng kapitalismo ng pumasok ito sa dekadenteng yugto. Magmula ng makompleto ang pandaigdigang pamilihan sa simula ng siglong ito, at ang pagkahati ng mundo sa kolonyal at reserbang komersyal ng ibat-ibang abanteng kapitalistang mga bansa, nagbunga ito ng intensipikasyon ng kompetisyon na nagpalala sa mga tensyong militar, ang paglikha ng mas agresibong mga sandata, at ang lumalaking paggamit ng buong buhay ng ekonomiya at panlipunan sa mga pangangailangang militar. Sa totoo lang, ang militarismo at imperyalistang digmaan ang sentral na manipestasyon ng pagpasok ng kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto (katunayan ang simula ng yugto ay markado ng pagputok ng Unang Digmaang Pandaigdig), hanggang sa punto na para sa mga rebolusyonaryo ng panahong iyon, pareho ang kahulugan ng imperyalismo at dekadenteng kapitalismo.
Tulad ng tinuro ni Rosa Luxemburg, ang imperyalismo ay hindi ispisipikong manipestasyon ng kapitalismo kundi ang kanyang moda ng pag-iral sa bagong istorikal na yugto, hindi ang partikular na mga estado ang imperyalista, kundi lahat ng mga estado.
Sa realidad, kung ang militarismo, imperyalismo, at digmaan ay iniugnay sa yugto ng pagbulusok, ito ay dahil ang huli ay umaayon sa katotohanan na ang kapitalistang mga relasyon ng produksyon ay naging hadlang na sa pag-unlad ng mga produktibong pwersa: ang perpektong irasyunal na katangian, sa pandaigdigang ekonomikong antas, ang gastusing militar at digmaan ay ekspresyon lang ng anomalya ng mga relasyon ng produksyon na patuloy na umiiral. Sa partikular, ang permanente at lumalaking pakasira-sa-sarili ng kapital na bunga ng ganitong moda ng buhay na sumisimbolo ng naghihingalong sistema, at malinaw na ipinakita na ito ay kinondena na ng kasaysayan.
Kapitalismo ng Estado at Imperyalistang bloke
4) Naharap sa sitwasyon kung saan ang digmaan ay permanenteng umiiral sa buhay ng lipunan, umunlad sa dekadenteng kapitalismo ang dalawang penomena na siyang naging mayor na katangian ng yugtong ito: kapitalismo ng estado at ang mga imperyalistang bloke. Ang kapitalismo ng estado, na unang lumitaw sa panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig, ay tumugon sa pangangailangan ng bawat bansa na tiyakin ang maksimum na disiplina ng iba’t-ibang sektor ng lipunan at bawasan ang kumprontasyon pareho sa pagitan ng mga uri at sa pagitan ng mga paksyon ng naghaharing uri, para mobilisahin at kontrolin ang buong pang-ekonomiyang potensyal bilang paghahanda sa kumprontasyon sa ibang mga bansa. Sa parehong kadahilanan, ang pagbuo ng mga imperyalistang bloke ay tugon sa pangangailangan na ipataw ang kahalintulad na disiplina sa hanay ng iba’t-ibang pambansang burgesya, para limitahan ang kanilang mutwal na antagonismo at kabigin sila na magkaisa para sa ultimong kumprontasyon sa pagitan ng dalawang kampo-militar.
At habang mas lalupang nahulog ang kapitalismo sa kanyang pagbulusok at istorikal na krisis; ang dalawang katangiang ito ay mas lalupang lumalakas. Nakita sila laluna sa pag-unlad ng kapitalismo ng estado sa antas ng buong imperyalistang bloke magmula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ni ang kapitalismo ng estado, o imperyalismo, o ang kumbinasyon ng dalawa ay ekspresyon ng anumang "pasipikasyon" sa relasyon sa pagitan ng iba’t-ibang sektor ng kapital, at hindi rin “pampalakas” sa kanila. Kabaliktaran, sila ay walang iba kundi pagtatangka ng kapitalismo na labanan ang lumalaking tendensya ng dislokasyon nito[[3]].
Ang imperyalismo sa yugto ng pagkaagnas ng kapitalismo
5) Ang pangkalahatang pagkabulok ay ang huling yugto ng pagbulusok ng kapitalismo. Sa puntong ito, walang duda na nasa yugtong ito ang mga ispisipikong katangian ng yugto ng pagbulusok: ang istorikong krisis ng kapitalistang ekonomiya, kapitalismo ng estado, at ang pundamental na penomena ng militarismo at imperyalismo.
At saka, dahil ang dekomposisyon ay kulminasyon ng mga kontradiksyon ng bumubulusok na kapitalismo, ang mga ispisipikong katangian ng yugtong ito (pagbulusok) ay mas pinalala ng kanyang huling yugto (dekomposisyon):
- mas naging masama ang dekomposisyon, dahil sa hindi maiwasang pagbulusok ng kapitalismo sa krisis;
- hindi pinagdududahan ang tendensya patungong kapitalismo ng estado kahit pa naglaho ang ilan sa kanyang pinaka-parasitiko at abnormal na porma, tulad ng Stalinismo ngayon; kabaliktaran[[4]].
Ganun din sa militarismo at imperyalismo, gaya ng nakita natin sa buong 1980's kung saan lumitaw ang penomena ng dekomposisyon at umunlad. At ang realidad na ito ay hindi dapat pagdudahan dahil sa pagkawala ng pagkahati-hati ng mundo sa dalawang imperyalistang kampo bilang resulta ng pagkawasak ng bloke ng Silangan.
Ang pagbuo ng mga imperyalistang bloke ay hindi ang pinagmulan ng militarismo at imperyalismo. Ang kabaliktaran ang totoo: ang pormasyon ng mga blokeng ito ay sukdulang resulta lang (na sa ilang pagkakataon ay magpapatindi ng mga kadahilanan), isang ekspresyon (at hindi lang natatangi), ng pagbulusok ng kapitalismo sa militarismo at digmaan.
Sa isang kahulugan, ang pormasyon ng mga bloke ay kasing kahulugan ng imperyalismo katulad ng Stalinismo ay sa kapitalismo ng estado. Katulad ng ang kataposan ng Stalinismo ay hindi nagkahulugan ng kataposan ng istorikal na tendensya patungong kapitalismo ng estado, kung saan isa ito sa manipestasyon, kaya ang kasalukuyang paglaho ng mga imperyalistang bloke ay hindi ibig sabihin na pagdudahan ang pagtangan ng imperyalismo sa buhay ng lipunan. Ang pundamental na pagkakaiba ay batay sa katotohanan na habang ang kataposan ng Stalinismo ay tumugon sa eliminasyon ng isang partikular na abnormal na porma ng kapitalismo ng estado, ang paglaho ng mga bloke ay binuksan lang ang pintuan sa mas barbariko, abnormal, at magulong porma ng imperyalismo.
6) Pinaunlad na ng IKT ang pagsusuring ito ng binigyang-diin nito ang pagbagsak ng bloke ng Silangan:
"Sa yugto ng dekadenteng kapitalismo, lahat ng mga estado ay imperyalista, at ginawa ang kailangang mga hakbang para bigyang kasiyahan ang kanilang pagnanasa: ekonomiya ng digmaan, produksyon ng armas, atbp. Kailangang malinaw nating ipahayag na ang lumalalim na kombulsyon ng pandaigdigang ekonomiya ay patatalasin lang ang tunggalian sa pagitan ng iba’t-ibang mga estado, kabilang na at lumalaki pa sa antas militar. Ang kaibahan, sa darating na panahon, ang mga antagonismong ito na dati kontrolado at ginagamit ng dalawang malaking bloke ay malalantad na. Ang paglaho ng pagiging pulisya ng imperyalistang Rusya, at ang epekto nito sa pagiging pulis ng Amerika kaugnay sa kanyang “mga alyado”, ay nagbukas ng pintuan para pakawalan ang buong serye ng mas maraming lokal na tunggalian. Sa kasalukuyan, ang mga kompetisyon at tunggalian ay hindi hahantong sa pandaigdigang digmaan (kahit pa ipagpalagay na ang proletaryado ay wala ng kapasidad na lumaban). Subalit, sa paglaho ng disiplina na ipinataw ng dalawang bloke, ang mga tunggaliang ito ay mas magiging madalas at marahas, laluna syempre sa mga lugar na pinakamahina ang proletaryado" (International Review, no 61).
"Ang paglala ng kapitalistang ekonomiya sa pagiging pandaigdigang krisis ay hindi maiwasang mag-udyok ng panibagong pagtindi sa mismong mga internal na kontradiksyon ng burgesya. Katulad ng sa nakaraan, makikita ang mga kontradiksyong ito sa antas ng antagonismong militar: sa dekadenteng kapitalismo, ang digmaan sa kalakalan ay hindi mapigilang hahantong sa armadong tunggalian. Sa puntong ito, kailangang pursigidong labanan ang pasipistang ilusyon na maaring lumitaw dahil sa “mabuting” relasyon sa pagitan ng USSR at USA: hindi maglalaho ang tunggaliang militar sa pagitan ng mga estado, kahit pa hindi na sila magamit at ma-manipula ng malalaking kapangyarhihan. Kabaliktaran, tulad ng nakita natin sa nakaraan, ang militarismo at digmaan ay ang buhay mismo ng dekadenteng kapitalismo, at kinumpirma lang ito ng paglalim ng krisis. Subalit kabaliktaran sa nagdaang yugto, ang mga tunggaliang militar na ito ay hindi na nag-aanyong tunggalian sa pagitan ng dalawang makapangyarihang imperyalistang bloke ... " (International Review, no 63, 'Resolution on the International Situation').
Ngayon, ang pagsusuring ito ay lubusang nakumpirma sa digmaan sa Persian Gulf.
Ang digmaan sa Gulpo: unang palatandaan ng bagong pandaigdigang sitwasyon
7) Ang digmaang ito ay unang mayor na manipestasyon ng bagong pandaigdigang sitwasyon mula ng bumagsak ang bloke ng Silangan (sa puntong ito, ang kanyang kahalagahan ngayon ay napakalaki):
- Ang “hindi makontrol” na adbenturismo ng Iraq, pagsakop sa ibang bansa na dati kabilang sa kanyang dating dominanteng bloke, ay kumpirmasyon ng paglaho mismo ng bloke ng Kanluran;
- Pinakita nito ang pagtingkad ng tendensya (ispisipiko sa dekadenteng kapitalismo) na lahat ng mga bansa ay gumagamit ng armadong pwersa para tangkaing makawala sa hindi na matiis na tumitinding ng krisis;
- ang pambihirang pagpakilos ng militar ng USA at kanyang mga “alyado” ay nagpatingkad sa lumalaking katotohanan na tanging pwersang militar lang ang maaring dahilan ng minimum na istabilidad sa mundo na pinagbantaan ng lumalaking kaguluhan.
Sa puntong ito ang digmaan sa Gulpo ay hindi, katulad ng sinabi ng karamihan sa proletaryong kampo, "digmaan dahil sa presyo ng lana". Ni mabawasan ito dahil lang sa “digmaan para kontrolin ang Gitnang Silangan", gaano man kaimportante ang rehiyong ito. Kahalintulad, ang operasyong militar sa Gulpo ay hindi lang naglalayon na pigilan ang kaguluhan na lumalaki sa Ikatlong Daigdig.
Syempre, lahat ng mga elementong ito ay may papel. Totoo na halos lahat ng mga bansa sa Kanluran ay may interes sa murang lana (hindi katulad ng USSR, na sa kabila na lumahok sa aksyon laban sa Iraq ay limitado lang ayon sa kapasidad nito), pero hindi ‘yan ang paraan para mapababa ang presyo ng lana (itinaas na nila ang presyo ng krudo na mas mataas pa sa hinihingi ng Iraq).
Totoo rin na hindi maipagkaila ang interes ng USA na kontrolin ang oil-fields, at mapalakas nito ang kanyang posisyon laban sa kanyang mga karibal sa kalakalan: pero, bakit sinusuportahan ng mga karibal nito ang pagkilos ng US?
Gayundin, walang duda na may pangunahing interes ang USSR sa istabilisasyon ng rehiyon ng Gitnang Silangan, dahil ito ay malapit sa mga probinsya ng Rusya sa sentral Asya at Caucasia, na magulo na. Pero ang umuusbong na kaguluhan sa USSR ay hindi lang problema nito. Ang mga bansa sa Sentral, at sa Kanlurang Uropa ay partikular na binigyang-pansin rin ang mga nangyayari sa dating bloke ng Silangan.
Mas sa pangkalahatan, kung ang abanteng mga bansa ay nakatuon sa kaguluhan na lumalaki sa ilang rehiyon sa Ikatlong Daigdig, ito ay sila mismo ay mahina bilang epekto sa kaguluhang ito, dahil sa bagong sitwasyon ng mundo ngayon.
8) Sa realidad, ang pundamental na layunin ng operasyong "Desert Shield" ay para tangkaing kontrolin ang kaguluhan na nagbabanta sa mayor na maunlad na mga bansa at kanilang inter-relasyon.
Ang paglaho ng pagkahati sa mundo ng dalawang malaking imperyalistang bloke na nangalaga ng isang antas ng pagkakaisa sa pagitan ng mga estado. Ang tendensya ng bagong sitwasyon ay “bawat isa para sa kanyang sarili”, at kalaunan para sa karamihan ng makapangyarihang mga estado ay igiit ang sarili bilang kandidato para sa “liderato” ng bagong bloke. Pero kasabay nito, ang burgesya sa mga bansang ito ay mulat sa mga peligro ng bagong sitwasyon, at nagtatangkang kumilos laban sa tendensyang ito.
Naharap sa panibagong antas ng pangkalahatang kaguluhan na kinatawan ng adbenturismo ng Iraq (na sekretong sinulsulan ng “pampalubag-loob” na paninindigan ng Estados Unidos sa Iraq bago ang ikalawa ng Agosto na may layunin na “gumawa ng ehemplo” pagkatapos), ang "internasyunal na komunidad" na siyang bansag ng midya, na hindi lang nagbabalita sa dating bloke ng Kanluran kundi pati na rin sa USSR, ay walang ibang pagpipilian kundi pumailalim sa pinakamakapangyarihan ng mundo, at laluna sa kanyang kapangyarihang militar na siyang may tanging kapasidad na kontrolin saan mang bahagi ng mundo.
Pinakita ng digmaan sa Gulpo na, sa harap ng tendensya ng pangkalahatang kaguluhan na ispisipiko sa dekomposisyon at pinabilis ng pagbagsak ng bloke ng Silangan, walang ibang solusyon ang kapitalismo sa kanyang pagtatangkang kontrolin ang kanyang iba’t-ibang sangkap, maliban sa ipataw ang bakal na pwersang militar[[5]]. Sa puntong ito, ang mga paraan na ginamit nito para makontrol ang lumalaking madugong kaguluhan ay naging salik mismo sa paglala ng barbarismong militar na humahatak pababa sa kapitalismo.
Walang matatanaw na mabuo ang bagong mga bloke militar
9) Bagaman ang pormasyon ng mga bloke batay sa kasaysayan ay tila bunga ng pag-unlad ng militarismo at imperyalismo, ang paglala ng huli sa kasalukuyang yugto ng buhay ng kapitalismo ay kabalintunaan na naging mayor na balakid na sa muling pagbuo ng bagong sistema ng mga bloke na papalit sana sa dating nawala. Ang kasaysayan (laluna ang panahon matapos ang digmaan) ay nakitaan na ang paglaho ng isang imperyalistang bloke (eg the Axis) ay hindi lang nagkahulugan ng dislokasyon ng kabila (ang "Allies"), kundi ng paglitaw ng bagong pares ng magkatunggaling mga bloke (Silangan at Kanluran). Kaya nagpahiwatig ang kasalukuyang sitwasyon, sa ilalim ng presyur ng krisis at tensyong militar, ng tendensya patungong repormasyon ng dalawang bagong imperyalistang bloke.
Subalit, ang katotohanan mismo na ang pwersang militar ay nagiging – tulad ng kinumpirma ng digmaan sa Gulpo – isang nangibabaw na salik na sa bawat pagtatangka ng abanteng mga bansa na limitahan ang kaguluhan sa mundo ay isang konsiderableng balakid sa tendensyang ito. Ang parehong tunggalian ay sa totoo lang nagbigay-diin sa mapandurog na superyoridad (sa minimum) ng kapangyarihang militar ng US kumpara sa ibang maunlad na mga bansa (at ipakita na ang katotohanang ito ay mayor na layunin ng US): sa realidad, ang kapangyarihang militar ng US ay sa minimum katumbas sa karamihan o sa buong mundo. At ang pagiging hindi balanse na ito ay malamang hindi magbabago, dahil walang umiiral na bansa na may kapasidad sa darating na mga taon na labanan ang potensyal militar ng USA sa punto na may kapasidad itong igiit ang sarili na karibal na lider ng bloke. Kahit sa hinaharap, ang listahan ng mga kandidato para sa naturang posisyon ay napakalimitado.
10) Halimbawa, hindi na usapin na ang ulo ng bloke na bumagsak, ang USSR – ay maari pang mabawi muli ang posisyon. Ang katotohanan na nagawa ng bansang ito ang kanyang papel sa nakaraan ay isa ng paglihis mismo, isang istorikal na aksidente. Dahil sa kanyang seryosong pagiging atrasado sa lahat ng antas (ekonomiya, kabilang na ang pulitikal at kultural), hindi tangan ng USSR ang mga katangian para “natural” na mabuo nito ang isang imperyalistang bloke sa kanyang pamumuno[[6]]. Nagawa niya ito “salamat” kay Hitler (na humatak sa kanya sa digmaan sa 1941) at sa mga “Alyado” na sa Yalta ay nagbayad sa Rusya na bumuo ng ikalawang larangan laban sa Alemanya, at bilang parangal sa 20 milyon patay ng kanyang populasyon, sa pamamagitan ng pagpahintulot dito na kontrolin ang Silangang Uropa na inokupa ng kanyang mga tropa sa kataposan ng pagbagsak ng Alemanya[[7]].
Bukod dito; dahil sa kawalan ng kakayahan ng USSR na panatilihin ang papel bilang pinuno ng bloke kaya napilitan itong magpataw ng isang mapaminsalang ekonomiya ng digmaan sa mga produktibong kagamitan nito upang mapanatili ang imperyo nito. Ang kagila-gilalas na pagbagsak ng bloke ng Silangan, bukod sa pagkumpirma sa pagkabangkarote ng isang partikular na abnormal na anyo ng kapitalismo ng estado (na hindi rin nagmula sa isang "organikong" pag-unlad ng kapital, kundi mula sa pag-aalis ng "klasikal" na burgesya ng rebolusyong 1917), ay ekspresyon ng paghihiganti ng kasaysayan sa orihinal na pagkaligaw na ito. Ito ang dahilan kung bakit, sa kabila ng napakalaking arsenal nito, ang USSR ay hindi na muling magampanan ang malaking papel sa internasyonal na arena. Higit pa rito, dahil ang dinamika sa likod ng dislokasyon ng panlabas na imperyo nito ay patuloy na gagana sa loob, at matatapos sa pamamagitan ng pagbakbak sa mga teritoryong sinakop ng Rusya sa nagdaang mga siglo.
Dahil sinubukan nitong gampanan ang papel bilang makapangyarihan sa daigdig, na lampas sa mga kakayahan nito, hinatulan ang Rusya na bumalik sa ikatlong antas na posisyong sinakop nito bago ang paghari ni Peter the Great.
Hindi rin ang Alemanya at Hapon, ang tanging dalawang potensyal na kandidato para sa titulong pinuno ng bloke, ay hindi magagawang gampanan ang ganoong tungkulin sa hinaharap. Ang Hapon, sa kabila ng kanyang kapangyarihang industriyal at dinamikong pang-ekonomiya, ay hindi kailanman maaaring magpanggap sa ganoong posisyon dahil napakalayo nito kumpara sa pinakamalaking konsentrasyon ng industriya sa mundo: Kanlurang Europa. O ang Alemanya, ang tanging bansa na maaaring gumanap ng ganoong papel sa kalaunan, dahil ito ang posisyon niya sa nakaraan, aabot ng ilang dekada bago ito maging karibal ng USA sa antas ng militar (hindi man lang ito nagtataglay ng mga sandatang atomika!). At habang ang kapitalismo ay lumulubog nang mas malalim sa pagkabulok nito, mas lalong kailangan para sa isang lider ng bloke na may mapandurog na superyoridad-militar sa kanyang mga nasasakupan upang mapanatili ang posisyon nito.
USA: ang tanging pulis sa mundo
11) Sa simula ng dekadenteng yugto, at kahit hanggang sa mga unang taon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maaari pa ring magkaroon ng isang tiyak na "pagkakapantay-pantay" sa pagitan ng iba't ibang mga kasosyo ng isang imperyalistang koalisyon, bagama't nanatiling kinakailangan na magkaroon ng isang pinuno ng bloke. Halimbawa, sa Unang Digmaang Pandaigdig, walang anumang pangunahing pagkakaiba sa antas ng kapasidad militar sa pagitan ng tatlong "nagtagumpay": Great Britain, France at USA. Malaki na ang pinagbago ng sitwasyon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang ang mga "nagtagumpay" ay halos umaasa sa US, na higit na mas makapangyarihan kaysa sa mga "kaalyado" nito. Ito ay pinatingkad sa panahon ng "Cold War" (na katatapos pa lang) kung saan ang bawat pinuno ng bloke, parehong USA at USSR, ay may ganap na mapandurog na superyoridad sa iba pang mga bansa sa bloke, lalo na salamat sa kanilang pagmamay-ari ng mga sandatang nukleyar.
Ang tendensyang ito ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng katotohanan na habang ang kapitalismo ay lalo pang bumulusok sa pagkabulok:
- ang laki ng mga tunggalian sa pagitan ng mga bloke, at kung ano ang nakataya sa mga ito ay mas naging pandaigdigan at pangkalahatan ang katangian (mas maraming gangster ang dapat kontrolin, mas malakas dapat ang "ninong");
- Ang mga sistema ng armas ay humihiling ng higit pang kamangha-manghang antas ng pamumuhunan (sa partikular, ang mga pangunahing kapangyarihan lamang ang maaaring maglaan ng mga kinakailangang mapagkukunan sa pagbuo ng isang kumpletong arsenal nukleyar, at sa pananaliksik sa mas sopistikadong mga armas);
- At higit sa lahat, ang sentripugal na mga tendensya sa lahat ng mga estado bilang resulta ng paglala ng mga pambansang antagonismo, ay mas titingkad.
Parehong totoo rin ito sa huling salik na kapitalismo ng estado: winawasak ng iba't ibang praksyon ng burgesya ang isa't isa, habang pinatalim ng krisis ang kanilang kompetisyon sa isa't isa, kaya mas dapat palakasin ang estado upang magamit ang awtoridad nito sa kanila. Sa parehong paraan, habang mas lantarang naninira ang makasaysayang krisis sa pandaigdigang ekonomiya, kaya mas malakas dapat ang isang pinuno ng bloke upang mapigil at makontrol ang mga tendensya patungo sa dislokasyon ng iba't ibang pambansang bahagi nito. At malinaw na sa huling yugto ng pagbulusok, ang yugto ng pagkabulok, mas seryoso pang lumala ang penomenon na ito.
Sa lahat ng mga kadahilanang ito, lalo na ang huli, ang pagtatag ng panibagong pares na imperyalistang bloke ay hindi lang imposible sa darating na ilang taon, ngunit maaaring hindi na muling mangyari: maaring mauna ang rebolusyon, o ang pagkawasak ng sangkatauhan.
Sa bagong istorikal na yugto na pinasok natin, at kung saan kinumpirma ng mga kaganapan sa Gulpo, ang mundo ay naging isang malawak na libre-para-sa-lahat, kung saan ang ganap na gumagana ang tendensyang "bawat tao para sa kanyang sarili", at kung saan ang mga alyansa sa pagitan ng mga estado ay malayong magkaroon ng istabilidad na katangian ng mga imperyalistang bloke, subalit madominahan ng mga kagyat na sandaling pangangailangan. Isang mundo ng madugong kaguluhan, kung saan susubukan ng Amerikanong pulis na mapanatili ang pinakamaliit na kaayusan sa pamamagitan ng lalupang malawak at brutal na paggamit ng pwersang militar.
Tungo sa "super-imperyalismo"?
12) Ang katotohanan na sa darating na panahon ang daigdig ay hindi na mahahati sa mga imperyalistang bloke, at ang pandaigdigang "pamumuno" ay ipaubaya na lamang sa Estados Unidos, sa anumang paraan ay hindi nagpapatunay sa tesis ni Kautsky ng "super-imperyalismo" (o "ultra-imperyalismo") na binuo noong Unang Digmaang Pandaigdig. Ang tesis na ito ay ginawa ng oportunistang kampo ng Social-Demokrasya bago pa ang Digmaan. Nakabatay ang mga ugat nito sa gradualista at repormistang pananaw na isinasaalang-alang na ang mga kontradiksyon (sa pagitan ng mga uri at mga bansa) sa loob ng kapitalistang lipunan ay hihina hanggang sa punto ng paglaho. Ipinapalagay ng tesis ni Kautsky na ang iba't ibang sektor ng pandaigdigang kapital sa pananalapi ay may kakayahang magkaisa upang magtayo ng kanilang sariling matatag at pasipikong dominasyon sa buong mundo. Ang tesis na ito, na ipinakilala bilang "marxista", ay malinaw na nilabanan ng lahat ng mga rebolusyonaryo, na tinapos lalo na ni Lenin (kapansin-pansin sa Imperyalismo, pinakamataas na yugto ng kapitalismo), na itinuro na ang isang kapitalismo na pinutulan ng pagsasamantala at kompetisyon sa pagitan ng mga kapital ay hindi na kapitalista. Malinaw na ang rebolusyonaryong posisyong ito ay nananatiling ganap na wasto hanggang ngayon.
Hindi rin dapat malito na ang aming pagsusuri ay kahalintulad ng kay Chaulieu (Castoriadis), na kahit papaano ay nakakalamang sa tahasang pagtanggi sa "marxismo". Ayon sa pagsusuring ito, ang mundo ay gumagalaw patungo sa isang "ikatlong sistema", hindi sa pagkakasundo na mahal na mahal ng mga repormista, ngunit sa pamamagitan ng malupit na mga kombulsyon. Ang bawat digmaang pandaigdig ay hahantong sa eliminasyon ng isang imperyalistang kapangyarihan (Germany noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig). Ang Ikatlong Digmaang Pandaigdig ay mag-iiwan lamang ng isang bloke, na magpapataw ng kaayusan nito sa isang mundo kung saan mawawala ang mga krisis sa ekonomiya at kung saan ang kapitalistang pagsasamantala sa lakas paggawa ay papalitan ng isang uri ng pang-aalipin, ang paghahari ng "mga naghahari" sa "mga pinaghaharian".
Ang mundo ngayon, na umuusbong mula sa pagbagsak ng bloke ng Silangan upang harapin ang isang pangkalahatang pagkabulok, gayunpaman ay ganap na kapitalista. Isang hindi malulutas at lumalalim na krisis sa ekonomya, lalong mabangis na pagsasamantala sa lakas paggawa, ang diktadura ng batas ng halaga, nagpalala ng kompetisyon sa pagitan ng mga kapital at imperyalistang antagonismo sa pagitan ng mga bansa, walang tigil na militarismo, malawakang pagkawasak at walang katapusang masaker: ito ang kanyang tanging posibleng katotohanan. At ang tanging sa huli, ang kinabukasan nito ay ang pagkasira ng sangkatauhan.
Ang proletaryado at imperyalistang digmaan
13) Higit kailanman, ang usapin ng digmaan ay nananatiling sentral sa buhay ng kapitalismo. Dahil dito, ito ay higit na mahalaga para sa uring manggagawa. Malinaw, ang kahalagahan ng tanong na ito ay hindi na bago. Sentral na usapin na ito bago pa ang Unang Digmaang Pandaigdig (tulad ng itinampok ng mga internasyonal na kongreso ng Stuttgart (1907) at Basel (1912).
Naging mas mapagpasya pa rin ito noong unang imperyalistang masaker (kasama ang paglaban nila Lenin, Luxemburg, at Liebknecht, at ang mga rebolusyon sa Germany at Russia). Nanatiling hindi nagbabago kahalagahan nito sa buong panahon ng digmaan, lalo na sa panahon ng digmaang Sibil sa Espanya, at siyempre ang kahalagahan nito sa panahon ng pinakamalaking holocaust ng siglo sa pagitan ng 1939-45. At ito ay nanatiling totoo, sa wakas, sa panahon ng iba't ibang digmaan ng "pambansang kalayaan" pagkatapos ng 1945 na nagsilbing mga sandali ng komprontasyon ng dalawang imperyalistang bloke.
Sa katunayan, mula pa noong simula ng siglo, ang digmaan ay ang pinaka mapagpasyang usapin na kinailangang harapin ng proletaryado at ng mga rebolusyonaryong minorya nito, higit pa sa usapin ng unyon o parliyamentaryo halimbawa. Hindi maaaring sa ibang usapin, dahil ang digmaan ay ang pinakakonsentradong anyo ng barbarismo ng dekadenteng kapitalismo, na nagpapahayag ng kanyang nakamamatay na paghihirap at ang bunga nitong banta sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Sa kasalukuyang panahon, kung saan ang barbarismo ng digmaan, higit pa kaysa sa mga nakaraang dekada, ay magiging permanente at elemento na umiiral-sa-lahat-ng-panahon sa sitwasyon sa mundo (sang-ayon man o hindi sila Bush at Mitterrand kasama ang kanilang mga propesiya ng isang "bagong kaayusan ng kapayapaan"), na kinasasangkutan ng dumaraming mauunlad na mga bansa (nalimitahan lamang ng proletaryado sa mga bansang ito), mas mahalaga pa rin sa uring manggagawa ang usapin ng digmaan.
Matagal nang iginiit ng IKT, taliwas sa nakaraan, ang pagsibol ng isang bagong rebolusyonaryong alon ay magmumula hindi sa isang digmaan kundi sa paglala ng krisis sa ekonomiya. Ang pagsusuring ito ay nananatiling ganap na wasto: ang mobilisasyon ng uring manggagawa, ang simula ng malakihang pakikibaka ng uri, ay magmumula sa mga pang-ekonomiyang atake. Sa parehong paraan, sa antas ng kamulatan, ang paglala ng krisis ay magiging pundamental na salik para ilantad ang istorikal na pagiging lipas na ng kapitalistang moda ng produksyon. Ngunit sa parehong antas ng kamulatan, ang usapin ng digmaan ay muling nakatadhana na may pangunahing papel:
- sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa pangunahing mga kahihinatnan ng istorikal na kataposan na ito: ang pagkawasak ng sangkatauhan,
- sa pagbuo na ang tanging obhetibong resulta ng krisis, pagbulusok at pagkabulok na tanging ang proletaryado lang ang makapagbigay ng limitasyon dito (hindi katulad sa alinman sa iba pang mga manipestasyon ng kabulukan), hanggang sa punto na sa mga sentral na bansa sa kasalukuyan ay hindi nakahanay sa ilalim ng mga bandila ng nasyunalismo.
Epekto ng digmaan sa kamulatan ng uri
14) Totoong mas madaling magamit ang digmaan laban sa uring manggagawa kaysa sa krisis mismo, at mga pag-atake sa ekonomiya:
- maaari nitong hikayatin ang pag-unlad ng pasipismo;
- maaari nitong bigyan ang proletaryado ng pakiramdam ng kawalan ng lakas, na nagpapahintulot sa burgesya na magsagawa ng mga pang-ekonomiyang pag-atake.
Sa katunayan ito ang nangyari sa panahon ng krisis sa Gulpo. Ngunit ang ganitong uri ng epekto ay limitado ang panahon. Sa kalaunan:
- ang pagiging permanente ng barbarismong militar ay patingkarin ang kawalang-kabuluhan ng lahat ng pasipistang pananalita;
- magiging malinaw na ang uring manggagawa ang pangunahing biktima ng kalupitan na ito, na binabayaran nito ang halaga bilang pambala ng kanyon at sa pamamagitan ng tumitinding pagsasamantala;
- at muling manumbalik ang pakikibaka, laban sa mas tumitindi at brutal na pag-atake sa ekonomiya.
Ang tendensyang ito ay mababaligtad. At maliwanag na nakasalalay sa mga rebolusyonaryo para pangunahan ang pag-unlad ng kamulatang ito: mas maging mapagpasya ang kanilang responsibilidad.
15) Sa kasalukuyang istorikal na sitwasyon, ang ating interbensyon sa uri, syempre bukod sa seryosong paglala ng krisis sa ekonomiya at ang mga resulta nitong pag-atake laban sa buong uring manggagawa, ay pinagtibay ng:
- ang pangunahing kahalagahan ng usapin ng digmaan;
- ang mapagpasyang papel ng mga rebolusyonaryo sa pagkamulat ng uri sa bigat ng nakataya ngayon.
Samakatuwid kailangan na ang usaping ito ay palaging nasa unahan ng ating pahayagan. At sa mga panahong tulad ngayon, kung saan ang usaping ito ay nasa unahan ng mga internasyonal na kaganapan, dapat tayong makinabang mula sa partikular na kakayahang tumugon ng mga manggagawa dito sa pamamagitan ng pagbibigay dito ng espesyal na diin at prayoridad.
IKT: 4/10/90
[1] Tingnan ‘War, militarism, and imperialist blocs' sa International Review bilang 52 at 53.
[2] Para sa pagsusuri ng IKT sa usapin ng dekomposisyon, tingnan International Review bilang 57 at 62.
[3] Gayunpaman, dapat nating bigyang-diin ang isang malaking pagkakaiba sa pagitan ng kapitalismo ng estado at mga imperyalistang bloke. Ang una ay hindi maaaring kuwestiyunin sa pamamagitan ng mga tunggalian sa pagitan ng iba't ibang paksyon ng uring kapitalista (maliban sa mga kaso ng digmaang sibil, na maaaring katangian ng ilang atrasadong sona ng kapitalismo, ngunit hindi sa mga abanteng sektor nito): bilang pangkalahatang alituntunin, ang estado, na kumakatawan sa pambansang kapital sa kabuuan, ay nagtagumpay sa pagpapataw ng kanyang awtoridad sa iba't ibang bahagi ng kapital na iyon. Kabaligtaran, ang mga imperyalistang bloke ay walang parehong permanenteng kalikasan. Sa unang-una, sila ay nabuo tanging sa perspektiba lang ng digmaang pandaigdig: sa panahon kung saan ito ay hindi agarang posibilidad (tulad ng sa 1920s), maaaring napakadali nilang maglaho. Pangalawa, walang partikular na estado na ‘nakatakdang’ magiging kasapi ng isang partikular na bloke: ang mga bloke ay padaskul-daskol na pinipilit, bilang tungkulin ng pang-ekonomiya, pampulitika, heograpikal at militar na mga salik. Walang mahiwaga sa pagitan ng pagkakaibang ito ng istabilidad sa pagitan ng kapitalistang estado at mga imperyalistang bloke. Ito ay tumutugma sa katotohanan na ang burgesya ay hindi maaaring maghangad ng isang antas ng pagkakaisa na mas mataas kaysa sa bansa, dahil ang pambansang estado ay par excellence instrumento para sa pagtatanggol ng mga interes nito (pagpapanatili ng "kaayusan", malawakang pagbili ng estado, mga patakaran sa panalapi, proteksyon sa customs, atbp). Kaya ang alyansa sa loob ng imperyalistang bloke ay walang iba kundi isang kalipunan ng mga pundamental na magkatunggaling pambansang interes, na idinisenyo upang mapanatili ang mga interes na ito sa internasyonal na kagubatan. Sa pagdesisyon na ihanay ang sarili sa isang bloke o sa iba, walang ibang interes ang burgesya maliban sa pagtiyak ng sarili nitong pambansang interes. Sa huling pagsusuri, bagama't maaari nating isaalang-alang ang kapitalismo bilang isang pandaigdigang entidad, hindi natin dapat kalimutan na ito ay konkretong umiiral sa anyo ng magkaribal at nakikipagkumpitensyang mga kapital.
[4] Sa realidad, ito ang kapitalistang moda ng produksyon sa kabuuan, sa pagbulusok at higit pa sa yugto ng pagkaagnas, na isang abnormalidad mula sa pananaw ng mga interes ng sangkatauhan. Ngunit sa loob ng barbarikong nakamamatay na paghihirap ng kapitalismo, ang ilan sa mga anyo nito, tulad ng Stalinismo, na nagmula sa mga partikular na istorikal na pangyayari, ay may mga katangian na lalupang nagpapahirap sa kanila, at hinatulan silang mawala bago pa man mawasak ang buong sistema sa pamamagitan ng proletaryong rebolusyon, o sa pagkawasak ng sangkatauhan.
[5] Sa ganitong punto, ang paraan ng pagpapanatili ng "kaayusan" ng daigdig sa bagong yugto ay higit na magiging katulad ng paraan ng pagpapanatili ng kaayusan sa USSR sa kanyang dating bloke: terorismo at pwersang militar. Sa panahon ng dekomposisyon, at sa mga pang-ekonomiyang kombulsyon ng isang naghihingalong kapitalismo, ang pinakabarbariko at brutal na mga anyo ng internasyonal na relasyon ay malamang maging pamantayan ng bawat bansa sa mundo.
[6] Sa katunayan, ang mga dahilan sa likod ng kawalan ng kakayahan ng Rusya na kumilos bilang makina ng pandaigdigang rebolusyon (kung kaya't ang mga rebolusyonaryo tulad nina Lenin at Trotsky ay umaasa na ang rebolusyon sa Alemanya ay hihilain ang Rusya) ay pareho sa mga dahilan kung bakit ang Rusya ay ganap na hindi angkop na kandidato para sa papel bilang pinuno ng bloke.
[7] Ang isa pang dahilan kung bakit binigyan ng kalayaan ng mga Kanluranin ang USSR sa Gitnang Europa, ay inaasahan nilang ang huli ay mapupulis sa proletaryado sa rehiyon. Ipinakita ng kasaysayan (sa Warsaw sa partikular) kung gaano kahusay ang kanilang pagtitiwala.
Source URL: https://en.internationalism.org/content/3336/orientation-text-militarism-and-decomposition