Nangangailangan ang nagharing uri ng mga sakripisyo sa digmaan

Printer-friendly version

Kung gusto mong umalis kasama ang iyong pamilya mula sa war zones ng Ukraine, kasabay ng iba pang daang libo, pilitin kang humiwalay sa iyong asawa, mga anak at matandang mga magulang kung ikaw ay lalaki na ang edad ay sa pagitan ng 18 at 60: obligado kang lumaban sa umaabanteng hukbong Ruso. Kung manatili ka sa mga syudad, makaranas ka ng panganganyon at missiles, na ang target lang daw ay mga kampo/gusali ng militar, pero laging may “collateral damage” na una nating narinig sa Kanluran sa bantog na Gulf War sa 1991 – mga residensyal, eskwelahan at ospital ang nasira at daan-daang sibilyan ang namatay. Kung ikaw ay sundalong Ruso, malamang sinabihan ka na tatanggapin ka ng mamamayan ng Ukraine bilang tagapagligtas, pero magbayad ka ng dugo dahil sa paniniwala sa naturang kasinungalingan. Ito ang realidad ng imperyalistang digmaan ngayon, at habang magtatagal ito, mas marami ang mamamatay at masira. Pinakita ng armadong pwersa ng Rusya na may kapasidad itong durugin ang mga syudad, tulad ng ginawa nila sa Chechnya at Syria. Ang mga armas galing Kanluran para sa Ukraine ay mas marami pa ang masira.

Panahon ng kadiliman

Isa sa kanyang kamakailan lang na mga artikulo sa digmaan sa Ukraine, ang maka-kanan na pahayagang British, The Daily Telegraph ay may ulong-balita ng The world is sliding into a new Dark Age of poverty, irrationality and war (telegraph.co.uk)

Ibig sabihin, napakahirap itago ang katotohanan na nabuhay tayo ngayon sa isang pandaigdigang sistema na lumulubog sa kanyang sariling kabulukan. Ito man ay epekto ng pandemiya ng covid sa buong daigdig, ng nakakatakot na prediksyon hinggil sa ekolohikal na kalamidad na kinaharap ng planeta, ng lumalaking kahirapan dulot ng krisis sa ekonomiya, ng napakalinaw na banta ng tumitinding inter-imperyalistang tunggalian, o ng pagdami ng pulitikal at relihiyosong mga pwersa na naniwala sa apokaliptong mga alamat at conspiracy theories, ang ulong-balita ng Telegraph ay humigit-kumulang pagsasalarawan sa realidad – kahit pa ang kanilang manunulat ay walang interes hanapin ang mga ugat nito na nasa mga kontradiksyon ng kapitalismo.

Mula ng bumagsak ang bloke ng silangan at ang USSR sa 1989-91, nagpaliwanag na kami na ang panlipunang sistema ng mundo na lipas na sa simula ng 20 siglo ay pumasok na sa bago at huling yugto ng kanyang pagbulusok. Salungat sa pangako na ang kataposan ng “Cold War” ay magdadala ng bagong pandaigdigang kaayusan ng kapayapaan at kasaganaan, iginiit namin na itong bagong yugto ay tanda ng lumalaking kaguluhan at militarismo. Ang mga digmaan sa Balkans sa unang bahagi ng 90s, ang Gulf war sa 1991,ang pagsakop sa Afghanistan, Iraq at Libya, ang pagdurog sa Syria, hindi mabilang na mga digmaan sa kontinente ng Aprika, ang paglitaw ng Tsina bilang pandaigdigang kapangyarihan at ang panunumbalik ng imperyalismong Rusya ay kumpirnasyon ng babalang ito. Ang pagsakop ng Rusya sa Ukraine ay tanda ng panibagong hakbang sa prosesong ito, kung saan ang paglaho ng lumang sistema ng bloke ay nagbunga ng nauulol na labanan ng isa laban sa lahat kung saan ang dating tagasunod o mahinang mga kapangyarihan ay umaangkin ng bagong posisyon para sa kanilang sarili sa imperyalistang kaayusan.

Ang kalubhaan ng bagong digmaan sa Uropa

Hindi dapat maliitin ang kahalagahan ng panibagong hayag na digmaan sa kontinente ng Uropa. Ang digmaan sa Balkans ay markado ng tendensya na bumalik ang imperyalistang kaguluhan mula sa paligid na mga rehiyon patungo sa pusod ng sistema, pero ‘yun ay digmaan sa “loob” ng isang nagkawatak-watak na estado kung saan ang antas ng kumprontasyon sa pagitan ng mga imperyalistang kapangyarihan ay hindi masyadong direkta. Ngayon nasaksihan natin ang digmaan sa Uropa sa pagitan ng mga estado, at mas hayag na kumprontasyon sa pagitan ng Rusya at sa kanyang mga karibal sa kanluran. Kung ang pandemiya ay marka ng pagbilis ng kapitalistang pagkabulok sa maraming antas (sosyal, kalusugan, ekolohikal, atbp), ang digmaan sa Ukraine ay ganap na  paalala na ang digmaan ay isa ng natural na kalakaran ng kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto, at ang mga tensyon at tunggaliang militar ay kumakalat at tumitindi sa pandaigdigang saklaw.

Nagulat ang maraming ekspertong marami ang nalalaman sa bilis ng pagsalakay ng Rusya sa Ukraine, at kami mismo ay hindi sigurado na mangyari ito sa napakabilis at napakalaki[1]. Hindi namin iniisip na ito ay dahil sa anumang depekto ng aming batayang balangkas ng pagsusuri. Kabaliktaran. Ito ay nagmula sa pag-aalinlangan na lubusang ilapat ang balangkas na ito, na pinaliwanag na sa unang bahagi ng 90s sa ilang susing mga teksto[2] kung saan nangatuwiran kami na itong bagong yugto ng pagbulusok ay tanda ng lumalaking kaguluhan, brutal, at irasyunal na bangayang militar. Irasyunal maging sa punto-de-bista mismo ng kapitalismo[3]: samantalang sa kanyang pasulong na yugto, ang mga digmaan, higit sa lahat yaong nagbigay daan sa kolonyal na pagpapalawak, ay nagdala ng malinaw na mga ekonomikong benepisyo sa mga nanalo, sa yugto ng pagbulusok ang digmaan ay nagkaroon na ng mapanirang katangian at ang pag-unlad ng humigit-kumulang ekonomiya ng digmaan ay umubos ng malaki sa produktibidad at tubo ng kapital. Hanggang sa Ikalawang Pandaigdigang Digmaan ay mayroon pang mga “nanalo” pagkatapos ng digmaan, sa partikular ang USA at USSR. Subalit sa kasalukuyang yugto, kahit ang mga digmaan na inilunsad ng mga “pinakamalakas” na mga bansa ay napatunayang kabiguan pareho sa antas militar at ekonomiya. Ang nakakahiyang pag-atras ng US sa Iraq at Afghanistan ay malinaw na ebidensya nito.

Sa aming naunang artikulo tinumbok namin na ang pananakop o okupasyon sa Ukraine ay posibleng magsadlak sa Rusya sa bagong bersyon ng kumunoy na naranasan nito sa Afghanistan sa 1980s – at naging malakas na salik sa pagbagsak mismo ng USSR. May mga senyales na ito ang mangyayari sa pananakop sa Ukraine, na naharap sa malakas na armadong pagtutol, na hindi popular sa malaking bahagi ng populasyon sa Rusya kabilang na ang bahagi ng naghaharing uri mismo, at nagbunsod ng mapaghiganting parusa mula sa mga pangunahing karibal ng Rusya na tiyak na magpapalala sa materyal na kahirapan sa mayoriya ng populasyon sa Rusya. Kasabay nito, ang mga kapangyarihan sa kanluran ay pinasigla ang suporta sa armadong pwersa ng Ukraine, parehong sa ideolohikal at pagbigay ng mga armas at payong militar. Subalit sa kabila nitong mga prediktableng kahihinatnan, ang mga presyur sa imperyalismong Ruso bago pa ang pananakop ay patuloy na lumiliit ang posibilidad na titigil ang mobilisasyon ng kanyang pwersa palibot sa Ukraine bilang pagpakita lang ng kanyang pwersa. Sa partikular, ang pagtanggi ng NATO na itigil ang kanyang ekspansyon sa Ukraine ay hindi maaring magparaya lang ang rehimeng Putin, at ang kanyang pagsalakay ay may malinaw na layunin na wasakin ang malaking bahagi ng inprastruktutang militar ng Ukraine at itayo ang maka-Rusya na gobyerno. Ang irasyunalidad ng buong proyekto, na nakaugnay sa halos mesyanikong bisyon na ibalik ang dating imperyong Ruso, ang malaking posibilidad na mauuwi ito sa panibagong kabiguan, ay hindi makakapigil kay Putin at sa mga nakapaligid sa kanya na sumugal. 

Patungo ba tayo sa pormasyon ng panibagong imperyalistang mga bloke?

Sa panlabas, naharap ang Rusya ngayon sa “Nagkakaisang Prente” ng mga demokrasya sa kanluran at bagong masiglang NATO, kung saan may pangunahing papel ang US. Ang US ang pangunahing makinabang kung matali ang Rusya sa hindi maipanalong digmaan sa Ukraine, at mula sa tumataas na pagkakaisa ng NATO na naharap sa komon na banta ng ekspansyonismong Ruso. Subalit ang pagkakaisang ito ay marupok: bago pa ang pagsalakay, pareho ang France at Germany ay nagsumikap maglaro sa kanilang sariling laro, nagbigay diin sa pangangailangan ng diplomatikong solusyon at hiwalay na naghahabol ng pakikipag-usap kay Putin. Dahil sa hayagang labanan pareho silang napilitang umatras, sumang-ayon sa implementasyon ng mga parusa, kahit pa direktang masaktan ang kanilang ekonomiya kaysa USA (ang halimbawa ng Germany na ititigil ang suplay ng enerhiya ng Rusya na lubhang kailangan nito). Subalit may mga pagkilos din na ginagawa ng EU para paunlarin ang kanyang sariling armadong pwersa at ang desisyon ng Germany na palakihin ng todo ang kanyang badyet sa armas ay kailangan din tingnan mula sa anggulong ito. Kailangan din gunitain na ang burgesyang US mismo ay naharap sa mayor na pagkakahati sa pakikitungo sa kapangyarihan ng Rusya: si Biden at ang Democrats ay inalagaan ang pagmintina sa tradisyun na kaaway ang Rusya, pero ang malaking parte ng partidong Republican ay ibang-iba ang pakikitungo. Si Trump sa partikular ay hindi maitago ang paghanga sa “katalinuhan” ni Putin ng nagsimula ang pag-atake …

Habang napakalayo pa para mabuo ang bagong bloke ng US, ang pakikipagsapalaran ng Rusya ay hindi rin tanda ng pagkabuo ng bloke ng Tsina-Rusya. Sa kabila ng kamakailan lang na magkasamang military exercises, at sa kabila ng naunang pahayag ng Tsina na suporta sa Rusya sa mga isyu tulad ng Syria, sa okasyong ito ay dumistansya ang Tsina mula sa Rusya, umiwas sa pagboto sa resolusyon sa UN Security Council na kumastigo sa Rusya sa UN Security Council at ipinakilala ang sarili na isang “tapat na tagapamagitan” na nanawagan na itigil ang labanan. At alam natin na sa kabila ng komon na interes sa pagtutol sa US, mayroong sariling pagkakaiba ang Rusya at Tsina, laluna sa usapin ng proyektong “New Silk Road” ng Tsina. Sa likod ng pagkakaibang ito ay ang pagiging mapagbantay ng Rusya na magiging tagasunod sa sariling ambisyon ng pagpapalawak ng Tsina. 

Ang iba pang salik ng instabilidad na naglalaro din sa sitwasyong ito, laluna ang papel ng Turkey, na sa isang antas ay nanliligaw sa Rusya para mapataas ang istatus nito sa pandaigdigang antas, pero kasabay nito ay nagkaroon ng tunggalian sa Rusya sa mga digmaan sa pagitan ng Armenia at Azerbaijan at sa Libya. Nagbanta ngayon ang Turkey na harangin ang mga barkong pandigma ng Rusya na makadaan sa Black Sea via Dardanelles Straits, subalit ang aksyong ito ay dapat kalkulado sa batayan ng pambansang interes ng Turkey.

Pero, tulad ng sinulat namin sa aming Resolusyon sa Internasyunal na Sitwasyon mula sa ika-24 na Kongreso ng IKT, ang katotohanan na ang internasyunal na imperyalistang relasyon ay nanatiling markado ng sentripugal na tendensya ay “hindi nagkahulugan na nasa panahon tayo ng mas ligtas kaysa panahon ng Cold War, na tulad ng nakaraan ay minumulto ng Armagedong nukleyar. Kabaliktaran, kung ang yugto ng pagkabulok ay markado ng lumalaking kawalan ng kontrol ng burgesya, aplikable din ito sa napakalaking mapangwasak na mga armas – nukleyar, konbensyunal, biolohikal at kemikal – na natitipon ng naghaharing uri, at ngayon ay mas malawak na naipamahagi sa mas maraming mga bansa-estado. Habang hindi natin nakikita ang kontroladong martsa patungong digmaan sa pamumuno ng mga bloke militar, hindi natin pwedeng ipagwalang-bahala ang peligro ng unilateral na paglaganap o maging ang nakakatakot na mga aksidente na tanda ng lalupang nagpapabilis sa pagdausdos patungong barbarismo”[4].

Naharap sa nakakabinging internasyunal na kampanya para ihiwalay ang Rusya at ang praktikal na mga hakbangin na naglalayong hadlangan ang kanyang estratehiya sa Ukraine, inilagay ni Putin ang kanyang depensang nukleyar sa high alert. Ito ay maaring napakanipis na banta pa lamang sa ngayon, pero ang mga pinagsamantalahan ng mundo ay hindi dapat magtiwala sa pagiging makatuwiran ng alin mang bahagi ng naghaharing uri.

Ideolohikal na atake sa uring manggagawa

Para mobilisahin ang populasyon, at higit sa lahat ang uring manggagawa sa digmaan, kailang ilunsad ng naghaharing uri ang ideolohikal na atake kaagapay sa kanyang mga bomba at bala ng kanyon. Sa Rusya, tila pangunahing umaasa ito sa garapal na kasinungalingan hinggil sa “Nazis at drug addicts” na nagpapatakbo sa Ukraine, at walang matinding propaganda upang makuha ang pambansang suporta para sa digmaan. Ito ay patunay ng miskalkulasyon, dahil may mga reklamo at pagtutol sa loob mismo ng kanyang sariling naghaharing sirkulo, sa hanay ng mga intektwal, at sa hanay ng mas malawak na sektor ng lipunan. Maraming mga protesta sa lansangan at mahigit 6,000 ka tao ang hinuli dahil nagprotesta laban sa digmaan. May mga ulat din ng demoralisasyon sa ilang bahagi ng mga sundalo na pinadala sa Ukraine. Subalit hanggang ngayon halos walang senyales ng kilusan laban sa digmaan na nakabatay sa uring manggagawa sa Rusya, na nawalan ng koneksyon sa loob ng ilang dekada sa kanyang rebolusyonaryong tradisyon dahil sa Stalinismo. Sa Ukraine mismo, mas madilim ang sitwasyon ng uring manggagawa: naharap sa lagim ng pananakop ng Rusya, sa kalakhan ay nagtagumpay ang naghaharing uri na pakilusin ang populasyon para ipagtanggol ang “lupang sinilangan”, kung saan daan-daang libo ang nagboluntaryo na labanan ang mga mananakop gamit ang anumang sandata. Hindi natin dapat kalimutan na daan-daang libo rin ang piniling umalis mula sa larangan ng digmaan, subalit ang panawagan na lumaban para sa burges na mga ideyal ng demokrasya at bansa ay nakakuha ng suporta sa seksyon ng proletaryado na nilusaw ang sarili sa pagiging “mamamayan” ng Ukraine kung saan nakalimutan ang realidad ng pagkakahati-hati sa mga uri. Mayoriya sa mga anarkistang Ukrainian ay tila naging dulong-kaliwa ng prente popular na ito[5].

Ang kapasidad ng mga naghaharing uri sa Rusya at Ukraine na kaladkarain ang “kanilang” mga manggagawa sa digmaan ay nagpakita na ang internasyunal na uring manggagawa ay hindi magkatulad. Iba ang sitwasyon sa pangunahing mga bansa sa kanluran, kung saan sa loob ng ilang dekada naharap ang burgesya sa uring manggagawa na hindi sang-ayon – sa kabila ng kahirapan at pag-atras – na isakripisyo ang sarili sa altar ng imperyalistang digmaan. Naharap sa tumitinding agresibong paninindigan ng Rusya, ang naghaharing uri sa Kanluran ay maingat na umiiwas na magpadala ng mga sundalo at salubungin ang adbenturismo ng Kremlin ng direktang pwersa militar. Pero hindi ito nagkahulugan na ang mga naghari sa atin ay pasibong tinatanggap ang sitwasyon. Kabaliktaran. Nasaksihan natin ang pinaka-koordinadong ideolohikal na kampanya pabor sa digmaan na nakita natin sa loob ng ilang dekada, ang kampanya para sa “pakikiisa sa Ukraine laban sa pananakop ng Rusya”. Ang mga pahayagan, mula sa kanan at kaliwa, ay inilathala at sumusuporta sa mga maka-Ukraine na demonstrasyon, pinalaki ang “paglaban ng mga Ukrainian” bilang tagapagdala ng mga demokratikong ideyal ng Kanluran, na nasa peligro ngayon mula sa baliw ng Kremlin. At hindi nila itinatago ang katotohanan na may mga sakripisyo – hindi lang dahil ang parusa laban sa suplay ng enerhiya ng Rusya ay dagdag presyur sa inplasyon na nagpapahirap na sa tao para painitin ang kanilang mga bahay, kundi dahil din, sinabihan tayo, na kung nais nating ipagtanggol ang “demokrasya”, kailangan natin palakihin ang gastos sa “pagtatanggol”. Tulad ng sinabi ng liberal Observer’s Chief Political Commentator Andrew Rawnsley nitong linggo:

Mula ng bumagsak ang Berlin Wall at ang sumunod na disarmament, ang UK at karatig-bansa nito ay pangunahing naglaan sa ‘peace dividend’ para mabigyan ang matatandang populasyon ng mas mabuting healthcare at pensions kaysa natamasa na nila. Nagpatuloy ang pag-aalinlangan na mas maglaan ng malaki sa pagtatanggol kahit pa nagiging mas agresibo ang Tsina at Rusya. Isang katlo lang sa 30 myembro ng NATO ang nakaabot sa komitment na gumastos ng 2% sa GDP sa kanilang armadong pwersa. Hindi nakaabot ang Germany, Italy at Spain sa target. 

Kagyat na kailangan ng mga liberal demokrasya na manumbalik ang resolusyon na ipagtanggol ang kanilang kasaysayan laban sa panunupil na pinakita nila sa panahon ng cold war. Ang mga awtokratiko sa Moscow at Beijing ay naniwala na ang kanluran ay nahati, decadente at bumubulusok. Dapat ipakita na mali sila. Kung hindi, lahat ng salita hinggil sa kalayaan ay isang ingay lang bago ang pagkatalo[6]”. Mas malinaw ito: tulad ng pahayag ni Hitler, maari kang magkaroon ng armas, o magkaroon ka ng pagkain, pero hindi maaring magkaroon ka pareho.

Kamakailan lang ang uring manggagawa sa maraming bansa ay nagpakita ng tanda ng kahandaang ipagtanggol ang kanilang kalagayan sa pamumuhay at trabaho[7], itong malawak na opensibang ideolohikal ng naghaharing uri, itong panawagan ng sakripisyo para ipagtanggol ang demokrasya, ay maging malakas na dagok laban sa potensyal para sa pag-unlad ng makauring kamulatan. Subalit ang lumalaking patunay na ang kapitalismo ay nabubuhay sa digmaan ay, sa hinaharap, magiging salik din sa paglitaw ng kamulatan na itong buong sistema, silangan at kanluran, ay tunay ngang “dekadente at bumubulusok”, na ang kapitalistang panlipunang mga relasyon ay kailangang bunutin mula sa mundo.

Naharap sa kasalukuyang ideolohikal na atake, na naglalayong idiskaril ang tunay na galit sa nasaksihan nating kahindik-hindik sa Ukraine tungo sa pagsuporta sa imperyalistang digmaan, ang tungkulin ng mga internasyunalistang minoriya ng uring manggagawa ay hindi madali. Magsimula ito sa paglantad sa lahat ng kasinungalingan ng naghaharing uri at igiit na, sa halip na isakripisyo ang mga sarili sa pagtatanggol sa kapitalismo at sa kanyang kahalagahan, kailangang matatag na makibaka ang uring manggagawa sa pagtatanggol sa kanilang sariling kalagayan sa pamumuhay at trabaho. Kaalinsabay, nagkahulugan ito na ituro sa pamamagitan ng pag-unlad ng kanilang depensibang pakikibaka, at sa pinakamalawak na repleksyon sa karanasan ng proletaryado sa pakikibaka, na maaring  manumbalik ang kanyang kaugnayan sa rebolusyonaryong pakikibaka sa nakaraan – higit sa lahat ang pakikibaka sa 1917-18 na pumilit sa burgesya na tapusin ang Unang Pandaigdigang Digmaan. Ito lang ang tanging paraan sa pakikibaka laban sa mga imperyalistang digmaan at ihanda ang sangakauhan sa pagdurog sa pinagmulan ng digmaan: ang pandaigdigang kapitalistang sistema!

Amos

 

Source URL: https://en.internationalism.org/content/17151/ruling-class-demands-sacri...

 

[3] Itong pundamental na irasyunalidad ng isang panlipunang sistema na walang kinabukasan ay syempre sinabayan ng lumalaking irasyunalidad sa antas ng ideolohiya at sikolohiya. Ang kasalukuyang akmang pagkabaliw sa mentalidad ni Putin ay batay sa kalahating katotohanan, dahil si Putin ay isa lang sa halimbawa ng isang lider na iniluwal ng kabulukan ng kapitalismo at paglaki ng populismo. Nakalimot na ba ang midya sa kaso ni Donald Trump?

Rubric: 

Imperyalistang Digmaan sa Ukraine