Ang kapitalismo ay digmaan, digmaan laban sa kapitalismo! (Internasyunal na polyeto)

Printer-friendly version
AttachmentSize
PDF icon intl-polyeto-feb28.pdf80.05 KB

Ito ay internasyunal na polyeto ng IKT na inilathala sa maraming lenggwahe. Hinihikayat namin ang lahat na sumang-ayon sa laman ng polyeto na ipamahagi ito sa online man o sa papel (tingnan ang link ng PDF version).
 

Pumasok ang Uropa sa digmaan. Hindi ito ang unang pagkakataon mula ng ikalawang pandaigdigang masaker sa 1939-45. Sa simula ng 1990s, nanalasa ang digmaan sa dating Yugoslavia, na nagresulta ng 140,000 patay, kabilang ang maramihang masaker sa mga sibilyan, sa ngalan ng “ethnic cleansing” tulad ng sa Srebrenica, sa Hulyo 1995, kung saan 8,000 lalaki at kabataan ang walang awang pinatay. Ang digmaan na bunga ng opensiba ng hukbong Ruso laban sa Ukraine ay hindi pa malala sa ngayon, pero walang nakakaalam ilan ang magiging mga biktima sa huli. Sa ngayon, mas malawak ito kaysa digmaan sa ex-Yugoslavia. Ngayon, hindi mga milisya o maliit na mga estado ang nagdigmaan. Ang kasalukuyang digmaan ay sa pagitan ng dalawang pinakamalaking estado sa Uropa, na may populasyon na 150 milyon at 45 milyon ayon sa pagkakabanggit, at malaking hukbo na pinakilos: 700,000 tropa ng Rusya at 250,000 ng Ukraine.

Dagdag pa, kung ang malalaking kapangyarihan ay nakialam sa komprontasyon sa dating Yugoslavia, ito ay sa indirektang paraan, o sa pamamagitan ng partisipasyon sa “intervention forces”, sa ilalim ng kontrol ng United Nations. Ngayon, hindi lang Ukraine ang kinalaban ng Rusya, kundi ang lahat ng mga bansa sa Kanluran na nabuklod sa NATO na, bagamat hindi direktang nakialam sa digmaan, ay nagpataw ng signipikanteng ekonomikong parusa laban sa bansang ito kasabay ng pagpadala ng mga armas sa Ukraine.

Kaya, ang digmaan na kakasimula pa lang ay isang dramatikong kaganapan na napakahalaga, una sa lahat para sa Uropa, at sa buong mundo. Libu-libong sundalo na ang namatay sa magkabilang panig at sa hanay ng mga sibilyan. Daang libo ang naging bakwit. Mitsa ito para lalupang tumaas ang presyo ng gasolina at pagkain, na magpapalala sa lamig at gutom, habang sa halos lahat ng mga bansa ng mundo, ang mga pinagsamantalahan, mahihirap, ay mas nakitaan ng pagbagsak ng kanilang kalagayan sa pamumuhay dahil sa inplasyon. At laging ang uring manggagawa, ang tagapaglikha ng yaman ng lipunan, ang magsakripisyo dahil sa digmaan ng mga panginoon ng mundo.

Ang digmaang ito, ang trahedyang ito, ay hindi hiwalay sa sitwasyon ng mundo sa nagdaang dalawang taon: ang pandemiya, paglala ng ekonomikong krisis, pagdami ng ekolohikal na kalamidad. Ito ay malinaw na manipestasyon na ang mundo ay lumulubog na sa barbarismo.

Mga kasinungalingan sa propaganda ng digmaan

Bawat digmaan ay may kasamang malawakang kampanya ng kasinungalingan. Para tanggapin ng populasyon, partikular ang pinagsamantalahang uri, ang teribleng mga sakripisyo na hinihingi sa kanila, ang pagsakripisyo ng kanilang buhay para sa mga nag-udyok sa kanila na pumunta sa larangan ng digmaan, ang dalamhati ng kanilang mga ina, mga asawa, mga anak, ang matinding takot ng mga sibilyan, ang pagkait at paglala ng pagsasamantala, ito ay kailangan na ikintal sa kanilang mga utak gamit ang ideolohiya ng naghaharing uri.

Magaspang ang mga kasinungalingan ni Putin, at sumasalamin sa dating rehimeng Sobyet kung saan nagsimula siya bilang opisyal ng KGB, isang organisasyon ng pampulitikang pulis at espiya. Sinasabi niya na isang “special military operation” lang ang ginagawa para tulungan ang mamamayan ng Donbass na biktima ng “genocide” at pinagbawalan niya ang midya, dahil takot sa parusa, na gamitin ang salitang “digmaan”. Ayon sa kanya, nais niyang palayain ang Ukraine mula sa “rehimeng Nazi” na naghari. Totoo na ang populasyon sa Silangang Ukraine na ang lenggwahe ay Ruso ay sinusupil ng makabayang milisya ng Ukraine, na kadalasan kahalintulad ng sa rehimeng Nazi, pero walang genocide.

Mas banayad ang kasinungalingan ng mga gobyerno sa Kanluran at midya. Hindi palagi: nilinlang tayo ng Estados Unidos at kanyang mga alyado, kabilang mismo ang “demokratikong” United Kingdom, Spain, Italy at ... Ukraine (!) noong 2003 sa kanilang interbensyon sa Iraq sa ngalan ng – ganap na imbento – banta ng “weapons of mass destruction” sa kamay ni Saddam Hussein. Interbensyon na nagbunga ng daang libong patay at dalawang milyong bakwit sa hanay ng mamamayang Iraqi, at libu-libong namatay sa mga sundalo ng koalisyon.

Ngayon, ang mga “demokratikong” lider at midya ng Kanluran ay pinakain tayo ng kathang-kwento ng labanan sa pagitan ng “dimonyong dambuhala” na si Putin at ang “maliit na mabuting bata” na si Zelensky. Matagal na nating alam na si Putin ay nakakauyam na kriminal. Bukod pa, gaanun din ang kanyang mukha. Si Zelensky ay lamang kay Putin dahil wala itong kriminal rekord at, bago ito pumasok sa pulitika, ay isang popular na komedyanteng aktor (bilang resulta ay may malaking swerte  mula sa kanlungan ng buhis). Pero ang kanyang talento sa komedya ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon sa kanyang bagong papel bilang masiglang warlord, kabilang sa kanyang papel ang pagbawal sa mga lalaki na ang edad 18-60 na samahan ang kanilang mga pamilya na magtago sa labas ng bansa, at nanawagan sa lahat ng mga Ukrainian na mamatay para sa ‘amang bayan’, i.e. para sa interes ng burgesya at oligarkiyang Ukrainian. Dahil anuman ang kulay ng namahalang partido, anuman ang tono ng kanilang mga talumpati, lahat ng mga pambansang estado ay higit sa lahat tagapagtanggol ng interes ng mapagsamantalang uri, ng pambansang burgesya, pareho ang dalawa ay laban sa pinagsamantalahan at laban sa kompetisyon mula sa ibang mga pambansang burgesya.

Lahat ng mga propaganda ng digmaan, bawat estado ay kinatawan ang sarili bilang “biktima ng agresyon” na kailangang ipagtanggol ang sarili laban sa “mananakop”. Subalit dahil lahat ng mga estado ay sa realidad mga tulisan, walang saysay ang tanungin kung sino sa mga tulisan ang unang nagpaputok. Ngayon, si Putin at Rusya ang unang nagpaputok, pero sa nakaraan, ang NATO, sa ilalim ng kontrol ng US, ay kinontrol ang maraming bansa na, bago bumagsak ang bloke ng Silangan at Unyong Sobyet, ay dominado ng Rusya. Sa pagsisimula ng digmaan, ang tulisang si Putin ay naglalayong muling mabawi ang ilan sa pag-aari ng kanyang bansa sa nakaraan, mapapansin sa pagpigil nito sa Ukraine na sumama sa NATO.

Sa realidad, sa pagpasok ng 20 siglo, ang permanenteng digmaan, kasama ang lahat ng teribleng pagdurusa na dala nito, ay isa ng hindi mahiwalay na bahagi ng kapitalistang sistema, isang sistema na nakabatay sa kompetisyon sa pagitan ng mga kompanya at pagitan ng mga estado, kung saan ang digmaan sa kalakalan ay nauwi sa armadong digmaan, kung saan ang paglala ng kanyang ekonomikong mga kontradiksyon, ng kanyang krisis, ay nag-udyok ng mas maraming digmaan. Isang sistema na nakabatay sa tubo at sa mabangis na pagsasamantala sa mga manggagawa, kung saan pinilit ang mga manggagawa na magbayad ng dugo at pawis.

Mula 2015, ang pandaigdigang gastusing militar ay matalas na lumalaki. Mabilis lang na pinabangis ng digmaan ang prosesong ito. Bilang simbolo ng nakakamatay na pilipit: Inumpisahan na ng Alemanya na magpadala ng mga armas sa Ukraine, ito ay istorikal na kauna-unahan mula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig; sa unang pagkakataon, ang European Union ay bumili at nagpadala rin ng mga armas sa Ukraine; at ang Pangulo ng Rusya na si Vladimir Putin ay hayagang nagbanta na gamitin ang mga armas nukleyar para patunayan ang kanyang determinasyon at mapangwasak na kapasidad.

Paano natin wakasan ang digmaan?

Walang makahula paano ang eksaktong kahahantungan ng kasalukuyang digmaan, bagamat mas malakas ang hukbo ng Rusya kaysa Ukraine. Ngayon, maraming mga demonstrasyon sa buong mundo, at sa Rusya mismo, laban sa interbensyon ng Rusya. Pero hindi ang mga demonstrasyong ito ang magpatigil sa mga digmaan. Pinakita ng kasaysayan na ang tanging pwersa na tatapos sa kapitalistang digmaan ay ang pinagsamantalahang uri, ang proletaryado, ang direktang kaaway ng uring burges. Ito ang nangyari ng ibagsak ng mga manggagawa ng Rusya ang burges na estado sa Oktubre 1917 at nag-alsa ang mga manggagawa at sundalo ng Alemanya sa Nobyembre 1918, na pumilit sa kanilang gobyerno na pumirna ng armistice. Kung nagawa ni Putin na magpadala ng daang libong sundalo para mamatay laban sa Ukraine, kung marami sa mga Ukrainian ngayon ay handang ibuwis ang kanilang buhay para sa “pagtatanggol sa Amang bayan”, ito ay pangunahin dahil sa bahaging ito ng mundo partikular na mahina ang uring manggagawa. Ang pagbagsak sa 1989 ng mga rehimen na umangkin na “sosyalista” o “uring manggagawa” ay nagbigay ng brutal na bigwas sa uring manggagawa ng mundo. Ang bigwas na ito ay nakaapekto sa mga manggagawa na matinding nakibaka mula 1968 pataas at sa panahon ng 1970s sa mga bansa tulad ng France, Italy at United Kingdom, pero ganun din sa sinasabing mga “sosyalistang” bansa, tulad ng sa Poland na malawakan at determinadong nakibaka sa Agosto 1980, na pumilit sa gobyerno na itigil ang panunupil at tugunan ang kanilang mga kahilingan.

Hindi sa pamamagitan ng demonstrasyon “para sa kapayapaan”, hindi sa pagpili ng suportahan na bansa laban sa ibang bansa makamit natin ang tunay na pakikiisa sa mga biktima ng digmaan, ang mga sibilyan at sundalo sa parehong panig, ay mga proletaryado na ginawang sundalo para pambala ng kanyon. Ang tanging pagkakaisa ay kondenahin ang LAHAT ng mga kapitalistang estado, LAHAT ng mga partido na nanawagan ng pagkakaisa sa likod ng ganito o ganoong pambansang bandila, LAHAT ng nanlinlang sa atin ng ilusyon ng kapayapaan at “magandang relasyon” sa pagitan ng mga mamamayan. At ang tanging pagkakaisa na may tunay na epekto ay ang pag-unlad ng malakihan at mulat na pakikibaka ng mga manggagawa sa bawat bahagi ng mundo. At sa partikular, ang mga pakikibakang ito ay kailangang maging mulat sa katotohanan na ang mga ito ay bahagi ng paghahanda para ibagsak ang sistema na responsable sa mga digmaan at sa lahat ng barbarismo na lumalaki ang banta sa sangkatauhan: ang kapitalistang sistema.

Ngayon, ang lumang mga islogan ng kilusang manggagawa, na lumabas sa Manipesto ng Komunista sa 1848, ay mas higit pang nasa agenda na: Ang mga manggagawa ay walang bansa! Manggagawa ng lahat ng mga bansa, magkaisa!

Para sa pag-unlad ng makauring pakikibaka ng internasyunal na proletaryado!

Internasyunal na Komunistang Tunguhin, 28.2.22

www.internationalism.org
email: [email protected]

-----------------------------------------

Mga Pampublikong Pagtitipon

Halina at makipagtalakayan sa mga ideya na laman ng polyetong ito sa isa sa mga online na pampublikong pagtitipon ng IKT dalawang linggo mula ngayon. Sa English: Maso 5, 11:00 am at sa Marso 6, 6:00 pm (UK times). Sumulat sa aming email para sa mga ditalye.

 

Rubric: 

Imperyalistang Digmaan sa Ukraine