Submitted by Internasyonalismo on
Ang mabilis na pag-atras ng US at ibang pwersa ng kanluran sa Afghanistan ay matinding manipestasyon ng kawalang kapasidad ng kapitalismo ng anumang maialok maliban sa paglaki ng barbarismo. Ang tag-init ng 2021 ay nakitaan na ng pagbilis ng magkaugnay na mga pangyayari at pinakita na ang planeta ay nag-aapoy na: ang pagsiklab ng heatwaves at hindi makontrol na sunog mula sa west coast ng USA hanggang sa Siberia, baha, ang patuloy na paninira ng pandemiyang Covid-19 at ang epekto ng ekonomikong dislokasyon. Lahat ng ito ay “rebelasyon ng antas na naabot ng pagkabulok sa loob ng nagdaang 30 taon”[1]. Bilang mga marxista, responsibilidad natin hindi lang komentohan ang lumalaking kaguluhan kundi suriin ang ugat nito, na nakabatay sa istorikal na krisis ng kapitalismo, at ipakita ang perspektiba para sa uring manggagawa at buong sangkatauhan.
Ang istorikal na dahilan na nasa likod ng mga pangyayari sa Afghanistan
Nakilala ang Taliban na kaaway ng sibilisasyon, isang panganib sa karapatang pantao at karapatan ng kababaihan sa partikular. Tunay ngang mabangis sila at nahimok sa pananaw mula sa pinakamasamang aspeto ng nakaraang Middle Ages. Subalit, hindi sila bihirang eksepsyon sa ating kasalukuyang panahon. Sila ay produkto ng reaksyonaryong panlipunang sistema: dekadenteng kapitalismo. Sa partikular ang kanilang pagsikat ay manipestasyon ng pagkabulok, ang kataposang yugto ng dekadenteng kapitalismo.
Ang ikalawang hati ng 70s ay nakitaan ng pagtindi ng Cold War sa pagitan ng imperyalistang bloke ng US at Rusya, kasabay ng paglagay ng US ng cruise missiles sa Kanlurang Uropa at pilitin ang USSR na lumahok sa arms race na hindi nito kakayanin. Subalit, sa 1979 ang isa sa mga haligi ng bloke ng kanluran sa Gitnang Silangan, ang Iran, ay bumagsak sa kaguluhan. Nabigo ang lahat ng pagtatangka ng intelihenteng paksyon ng burgesya na ipataw ang kaayusan at sinamantala ng pinakaatrasadong paksyon ng klero ang kaguluhan at umakyat sa kapangyarihan. Ang bagong rehimen ay hindi lang kumalas mula sa bloke ng kanluran kundi tumangging pumaloob sa bloke ng Rusya. Malawak ang hangganan ng Iran sa Rusya at umaktong pangunahing manlalaro sa estratehiya ng kanluran na palibotan ang USSR. Ngayon ito ay naging pakawalang kanyon sa rehiyon. Itong panibagong kaguluhan ang nag-udyok sa USSR na sakupin ang Afghanistan ng nagtangka ang Kanluran na ibagsak ang rehimeng maka-Rusya na inilagay nito sa Kabul sa 1978. Sa pagsakop sa Afghanistan, umasa ang Rusya na sa bandang huli ito ay makakuha ng access sa Indian ocean.
Kaya nasaksihan natin sa Afghanistan ang kagimbal-gimbal na pagsabog ng barbarismong militar. Pinakawalan ng USSR ang lahat ng lakas ng kanyang arsenal laban sa mga mandirigmang Mujahedin (“freedom fighters”) at sa populasyon sa pangkalahatan. Sa kabilang banda ang bloke ng US ay inarmasan, pinondohan at sinanay ang Mujahedin at ang mga warlord na Afghan na lumalaban sa Rusya. Kabilang dito ang maraming Islamikong pundamentalista at ang pumapasok na lumalaking bilang ng mga jihadis mula sa ibat-ibang bahagi ng mundo. Itong mga “freedom fighters” ay tinuruan ng lahat ng arte ng teror at pakikidigma ng US at mga alyado nito. Itong digmaan para sa “kalayaan” ay pumaslang ng 500,000 hanggang 2 milyon ka tao at iniwan ang bansa na wasak. Ito rin ang sinilangan ng mas pandaigdigang porma ng Islamikong terorismo, na kinatawan ng pagsikat ni Bin Laden at Al-Qaida.
Kasabay nito ay tinulak ng US ang Iraq sa 8-taong digmaan laban sa Iran, kung saan 1.4 milyon ang pinatay. Habang pagod na pagod ang Rusya sa Afghanistan. Malaki ang naging kontribusyon nito sa pagbagsak ng bloke ng Rusya sa 1989. At ang Iran at Iraq ay nahatak sa pilipit na digmaan, pinakita ng dinamiko sa rehiyon na ang pinagmulan, ang transpormasyon ng Iran bilang isang “tampalasan” na estado, ang isa sa mga unang indikasyon na ang paglalim ng mga kontradiksyon ng kapitalismo ay simula ng paghina ng kapasidad ng mayor na kapangyarihan na ipataw ang kanilang awtoridad sa ibat-ibang rehiyon ng planeta. Sa likod ng tendensyang ito ay nakalatag ang mas malalim na dahilan: ang kawalang abilidad ng naghaharing uri na igiit ang kanyang solusyon sa krisis ng sistema – isa pang pandaigdigang digmaan – sa uring manggagawa ng mundo na pinakita ang kanyang pagtutol na isakripisyo ang sarili para sa kapitalismo sa mga serye ng pakikibaka sa pagitan ng 1968 at huling bahagi ng 80s, subalit, hindi nakayang igiit ang rebolusyonaryong alternatiba sa sistema. Sa madaling sabi, pagkapatas sa pagitan ng dalawang mayor na uri na siyang pumilit na pumasok ang kapitalismo sa kanyang huling yugto, ang yugto ng pagkabulok, na nakikita, sa imperyalistang antas, sa pagwakas ng sistema ng dalawang bloke at pagbilis ng “bawat tao para sa kanyang sarili”.
Afghanistan ang pusod ng imperyalistang rambulan
Sa 1990s, matapos umalis ang mga Ruso sa Afghanistan, ang nagtagumpay ng mga warlords ay binalingan ang isa’t-isa, gamit ang lahat ng sandata at kaalaman sa digmaan na binigay sa kanila ng Kanluran para makontrol ang mga lugar na nasira. Maramihang pagpatay, pagwasak at malawakang panggagahasa na tuluyan ng sumira sa anumang natirang panlipunang kaayusan na iniwan ng digmaan.
Ang panlipunang epekto ng digmaang ito ay hindi lang limitado sa Afghanistan. Ang salot sa adiksyon sa heroin na sumabog mula 1980s pataas, na nagdala ng kahirapan at kamatayan sa buong mundo, ang isa sa mga direktang epekto ng digmaan. Hinimok ng Kanluran ang oposisyon sa Taliban na magsaka ng opium para pondohan ang digmaan.
Ang malupit na relihiyosong panatisismo ng Taliban ay produkto ng ilang dekadang barbarismo. Minamanipula rin sila ng Pakistan, para subukan at ipataw ang porma ng kaayusan sa kanyang pintuan.
Ang paglusob ng US sa 2001, inilunsad sa palusot na durugin ang Al-Qaida at Taliban, kasabay ng paglusob sa Iraq sa 2003, ay mga pagtatangka ng imperyalismong US na ipataw ang kanyang awtoridad sa harap ng kanyang paghina. Tinangka nitong kabigin ang ibang kapangyarihan, laluna ang Uropa, na kumilos bilang tugon sa pag-atake sa isa sa kanyang mga myembro. Maliban sa UK, lahat ng ibang kapangyarihan ay matamlay. Sa totoo lang, may “independyenteng” daan na ang Germany simula pa sa maagang bahagi ng 90s, sa pamamagitan ng pagsuporta sa sesesyon ng Croatia na lumikha ng kagimbal-gimbal na patayan sa Balkans. Sa sumunod na dalawang dekada, lalupang lumakas ang loob ng mga karibal ng Amerika habang pinagmasdan nila na nasangkot sa gulo ang US sa hindi magtatagumpay na mga digmaan sa Afghanistan, Iraq at Syria. Ang pagtatangka ng USA na igiit ang kanyang paghari bilang nag-iisang kapangyarihan ay lalupang naglantad sa tiyak na paghina ng imperyalistang ‘liderato’ ng Amerika; at malayo mula sa tagumpay na ipataw ang monolitikong kaayusan sa buong mundo, ang USA ngayon ang pangunahing salik ng kaguluhan at instabilidad tanda ng yugto ng kapitalistang dekomposisyon.
Ang realpolitik ni Biden ay pagpapatuloy ng kay Trump
Ang patakarang umalis sa Afghanistan ay malinaw na halimbawa ng realpolitik. Dapat palayain ng US ang sarili mula sa magastos at nakapanghihinang mga digmaan para konsentrahan ang pagpapalakas sa pagkontrol at pagpapahina sa China at Russia. Pinakita ng administrasyong Biden na kasing mapangutya ito kay Trump sa paghahabol sa ambisyon ng US.
Kasabay nito, ang mga kondisyon sa pag-atras ng US na nagkahulugan na ang mensahe ng administrasyong Biden, “Bumalik na ang Amerika” – na mapagkatiwalaang alyado ang Amerika – ay bigo. Sa pangmatagalan posibleng umasa ang administrasyon sa pagkatakot sa China kaya napilitan ang mga bansa tulad ng Japan, South Korea, at Australia na makipagkaisa sa US sa kanyang “pivot to the east”, na naglalayong pigilan ang China sa South China Sea at iba pang lugar sa rehiyon.
Mali kung ipagpalagay mula dito na simpleng umalis lang ang US sa Gitnang Silangan at Sentral Asya. Nilinaw ni Biden na ipagpatuloy ng US ang polisiyang “Over the Horizon” kaugnay sa mga teroristang banta (ibig sabihin, sa pamamagitan ng air strikes). Ibig sabihin, gagamitin nito ang kanyang mga base-militar sa buong mundo, ang kanyang navy at air-force para pahirapan ang mga estado sa mga rehiyong ito na may banta sa US. Ang bantang ito ay may kaugnayan rin sa lumalaking kaguluhan sa Aprika, kung saan ang mga bigong estado tulad ng Somalia ay malamang samahan ng Ethiopia habang sinalanta ito ng digmaang-sibil, kung saan ang mga karatig-bansa nito ay sumusuporta alin man sa magkabilang panig. Mas hahaba pa ang listahang ito dahil ang mga Islamistang teroristang grupo sa Nigeria, Chad, at iba pang lugar ay lumakas ang loob dahil sa tagumpay ng Taliban para paigtingin ang kanilang kampanya.
Kung ang pag-atras mula sa Afghanistan ay udyok ng pangangailangan na magpokus sa banta ng paglakas ng China at muling pagbangon ng Russia bilang pandaigdigang kapangyarihan, tila maliwanag ang mga limitasyon nito, hanggang sa punto na magbigay-daan mismo para sa imperyalismong Tsino at Ruso sa Afghanistan. Napakalaki na ang ginugol ng China sa kanyang New Silk Road project sa Afghanistan at parehong ang dalawang estado ay sinimulan na ang diplomatikong pakipagrelasyon sa Taliban. Pero alinman sa mga estadong ito ay hindi makaligtas sa lumalaking kontradiksyon sa pandaigdigang kaguluhan. Ang alon ng instabilidad na kumalat sa Aprika, Gitnang Silangan (pinakahuli ang pagbagsak ng ekonomiya sa Lebanon), Sentral Asya at Malayong Silangan (partikular sa Myanmar) ay kasing delikado sa China at Russia para sa US. Mulat sila na walang tunay na gumaganang estado sa Afghanistan at walang kapasidad ang Taliban na itayo ito. Alam ng lahat na banta sa bagong gobyerno ang mga warlords. Ilang bahagi ng Northern Alliance ay nagpahayag na hindi nila tatanggapin ang bagong gobyerno, at ang ISIS, na kumikilos rin sa Afghanistan, ay kinilala ang Taliban na traydor dahil handa itong makipagnegosasyon sa walang pananampalataya na Kanluran. Ilang bahagi ng lumang naghaharing uri sa Afghanistan ay posibleng makipag-alyado sa Taliban, at maraming dayuhang mga gobyerno ay nagbukas ng komunikasyon, pero ito ay dahil takot sila na bumalik ang bansa sa warlordism at kaguluhan na posibleng kumalat sa buong rehiyon.
Ang tagumpay ng Taliban ay magbigay-sigla lang sa Islamistang teroristang Uyghur na aktibo sa China, kahit pa hindi sila suportado ng Taliban. Alam ng imperyalismong Rusya ang mapait na kabayaran sa kaguluhan sa Afghanistan at nakikita na ang tagumpay ng Taliban ay magdulot ng pampalakas sa mga pundamentalistang grupo sa Uzbekistan, Turkmenistan at Tajikistan, mga estado na nagsilbing buffer sa pagitan ng dalawang bansa. Ang banta ay samantalahin nito para palakasin ang kanyang impluwensyang militar sa mga estadong ito at kahit saan, subalit nakikita nito na kahit ang malakas na makinaryang pandigma ng US ay hindi madurog ang naturang insurhensya kung ang huli ay makakuha ng sapat na suporta mula sa ibang mga estado.
Hindi nagapi ng US ang Taliban at itayo ang nagkakaisang estado. Umalis ito na alam na daranas ito ng tunay na kahihiyan, pero iniwan nito ang isang timebomb ng instabilidad. Ang Russia at China ngayon ay naghahanap paano makontrol ang kaguluhan. Anumang ideya na ang kapitalismo ay may kapasidad na magdala ng istabilidad at kinabukasan sa rehiyon ay purong ilusyon.
Barbarismo na may makataong mukha
Ginamit ng US, Britain at iba pang kapangyarihan ang Taliban bogeyman upang itago ang teror at paninira na ginawa nila sa populasyon ng Afghanistan sa loob ng nagdaang 40 taon. Ang suportado ng US na mujahidin ay pumatay, nanggahasa, nagtortyur at nangulimbat kasing dami ng mga Ruso. Ang mga Taliban naman ay naghasik ng teror sa mga syudad na kontrolado ng mga Ruso. Pero, tinatago ito ng Kanluran. Pareho ang nangyari sa nagdaang 20 taon. Ang teribleng brutalidad ng Taliban ay binigyang pansin ng midya sa Kanluran, habang ang balita ng pagpatay, panggahasa at tortyur na ginawa ng “demokratikong” gobyerno at mga tagasuporta nito ay mapang-uyam na winalis sa ilalim ng carpet. Kahit papano ang pira-pirasong pagsabog ng bata at matanda, babae at lalaki, mula sa kanyon, bomba at bala ng gobyernong suportado ng nagmamahal sa ‘demokrasya’, ‘karapatang-pantao’ na US at UK ay hindi na dapat sabihin pa. Katunayan, kahit ang buong katotohanan sa teror ng Taliban ay hindi iniulat. Ito ay ‘balitang walang halaga’ maliban na lang kung makatulong para bigyang katuwiran ang digmaan.
Inalingawngaw ng mga parliyamento sa Uropa ang sinabi ng mga pulitiko sa US at Britain na pagdadalamhati sa kalunos-lunos na sitwasyon ng kababaihan at iba pa sa Afghanistan sa ilalim ng Taliban. Ang parehong mga pulitikong ito ang nagpataw ng mga batas-imigrasyon na nagtulak sa libu-libong desperadong bakwit, kabilang na ang maraming Afghan, na ilagay sa panganib ang buhay para lang makatawid sa Mediterranean o sa Channel. Nasaan ang kanilang pagdadalamhati sa libu-libong nalunod sa Mediterranean sa nagdaang ilang taon? Ano ang pinakita nilang malasakit sa mga bakwit na napilitang hirap na mamuhay sa mga concentration camp sa Turkey o Jordan (tinustusan ng EU at Britain) o binenta sa mga slave market sa Libya? Itong mga burges na tagapagsalita na kinondena ang Taliban dahil hindi makatao ang nag-engganyo para itayo ang pader na bakal at kongkreto palibot sa Silangang Uropa para pigilan ang pagpasok ng mga bakwit. Napakalakas ng baho ng ipokrisiya.
Tanging ang proletaryado ang pwersa na tatapos sa impyernong ito
Talagang nakakatakot ang tanawin ng digmaan, pandemiya, ekonomikong krisis at pagbabago ng klima. Kaya pinupuno ng naghaharing uri ang midya sa mga ito. Nais nito na sumuko, matakot ang proletaryado sa madilim na realidad ng nabubulok na panlipunang sistema. Nais nila na tayo ay maging tulad ng bata na humahawak sa palda ng naghaharing uri at sa estado nito. Pinahintulutan ng matinding kahirapan para palakasin ang takot na makibaka ang proletaryado para ipagtanggol ang mga interes nito sa loob ng 30 taon. Ang ideya na tanging ang proletaryado ang pwersa na makapagbigay ng kinabukasan, isang ganap na bagong lipunan, ay tila walang katotohanan. Pero ang proletaryado ay isang rebolusyonaryong uri at hindi ito napuksa ng tatlong dekada ng pag-atras, kahit pa ang haba at lalim ng pag-atras nito ay mas lalupang nagpapahirap sa internasyunal na uring manggagawa na muling makuha ang kumpyansa sa kanyang kapasidad na labanan ang lumalaking mga atake sa kanyang pang-ekonomiyang kalagayan. Subalit tanging sa mga pakikibaka lang muling mapaunlad ng uring manggagawa ang kanyang lakas. Tulad ng sabi ni Rosa Luxemburg, ang proletaryado ang tanging uri na pinauunlad ang kanyang kamulatan sa pamamagitan ng karanasan ng mga kabiguan. Walang garantiya na magawa ng proletaryado ang kanyang istorikal na responsibilidad na bigyan ng kinabukasan ang sangkatauhan. Tiyak na hindi ito mangyayari kung ang proletaryado at ang kanyang rebolusyonaryong minoriya at sumuko sa nakakadurog na kondisyon ng desperasyon at kawalang pag-asa na isinusulong ng ating kaaway sa uri. Maisakatuparan lang ng proletaryado ang kanyang rebolusyonaryong papel sa pamamagitan ng pagtanaw sa madilim na realidad ng nabubulok na kapitalismo ng harapan at sa pagtanggi na tanggapin ang mga atake sa kanyang ekonomiko at panlipunang kalagayan, palitan ang pagkanya-kanya at kawalang magawa ng pagkakaisa, organisasyon at lumalaking makauring kamulatan.
IKT 22-08-2021
Source URL: https://en.internationalism.org/content/17056/behind-decline-us-imperial...