Demokrasya o hunta-militar, parehong diktadura ng kapitalista

Printer-friendly version

Sa kamakailan lang na kudeta ng militar sa Myanmar, opisyal na muling inagaw ng militar ang kapangyarihan. Pero umalis ba talaga ito? Ang hukbo ng Myanmar, isang sentral na institusyon ng estado at, sa kasaysayan, ang punong gangster, ay nagpapataw ng kanyang diktadura at nakinabang sa kanyang posisyon ng ilang dekada. Katunayan, ito lang ang tanging pwersa na nagmintina ng kaayusan, istabilidad at pagkakaisa sa isang bansa na mayroong mahigit 130 etnikong mga grupo, kung saan napakaraming etnikong dibisyon at tunggalian. Dahil dito ang imperyalistang pagkagutom ng mga makapangyarihan tulad ng China, Russia, US at India ay nakatuon sa hukbo, na lalupang nagpainit sa tensyon sa napaka-estratehikong rehiyon sa Asya. Kadalasan iginiit ng hukbo ng Myanmar ang kanyang interes sa pamamagitan ng pwersa, na may hayagang suporta mula sa imperyalismong Tsina at Rusya.

Sa kabila ng eleksyon sa 2015 at paggawad ng isang mapagkunwaring demokratikong gobyerno, ang una mula 1961, ang kudeta sa Pebrero 1 ay bahagi ng lohika ng permanenteng dominasyong militar ng makapangyarihang hukbo na hindi tumigil bilang estado sa loob ng isang estado magmula ng kalayaan sa 1948. Ang Burma (nakilala ang bansa hanggang 1989) ay walang patid na pinamunuan ng mga heneral tulad ng ama mismo ni Aung San Suu Kyi na pinatay ng kanyang mga karibal sa 1947. Ang imahe ng demokrasya, na  diumano mukha ng kapayapaan, ngayon ay pinatalsik ng mga sundalo na dati umaresto sa kanya, pagkatapos ikinulong siya sa loob ng maraming taon, sa huli ay inilluklok siya sa kapangyarihan sa 2015. Walang alinlangang tinulungan si Aung San Suu Kyi ng parehong mga sundalo, dahil sa walang prinsipyong pagsuporta nito sa madugong panunupil sa mga Rohingya sa 2017. Katunayan, hindi binitawan ng armadong pwersa ng Burma ang kapangyarihan, binigyan ang mga sarili ng posisyon sa mga susing departamento at substansyal na porsyento sa parliyamento. 

Ekspresyon ng paglubog sa pagkabulok...

Sa 22 Disyembre 2020, ang pinuno ng Tatmadaw (ang opisyal na pangalan ng armadong pwersa ng Myanmar) ay muling pinagtibay na ang armadong pwersa ay kailangang may nangungunang papel sa pagtatanggol sa "mga pambansang patakaran, sa sasana [relihiyong Buddhist], tradisyon, kustombre at kultura". Maari niyang idagdag na ang hukbo ng Burma ay may kapangyarihan hindi lang sa militar at “kultural” (sic), kundi sa ekonomiya rin. Kontrolado ng militar ang ekonomiya ng bansa mula ng kudeta sa 1962. Ngayon, opisyal na hawak nito ang 14% ng pambansang badyet, sa kabila ng realidad na mas malaki pa dito, kung isama ang katiwalian at malabong malaking pananalapi.

Dagdag sa kanyang partisipasyon sa jade mining, ang teak wood industry, mamahaling bato at (ang pinakamalaking pinagkikitaan), ang napakalaking kita sa negosyo sa droga, nakinabang rin ang militar sa Myanmar mula sa tubo na nakulimbat ng pag-aari nitong isang conglomerate, ang Myanmar Economic Holding Public Company Ltd (MEHL), isa sa pinaka-makapangyarihan at tiwaling mga organisasyon. Lumawak ang impluwensya ng MEHL sa halos bawat sektor ng ekonomiya, mula sa inumin hanggang sa tabako, minahan at manupaktura ng damit. Sa kasaysayan, para sa kapitalistang estado, kadalasan ang hukbo, bilang huling paraan, ang nagtitiyak ng pambansang pagkakaisa at pagtatanggol sa burges na interes sa sitwasyon ng panloob na pagkahati-hati at komprontasyon. Hindi natatangi ang Myanmar, pero ito ay isang karikatural na halimbawa. Kung tiniyak ng hukbo ang pagkakaisa ng bansa sa harap ng etnikong pagkahati-hati, ang kanyang interes ay nanatili sa “hatiin at pamunuan”, para tiyakin ang kanyang tubo, dapat manatili ang bangayan ng ibat-ibang burges na paksyon para manatili sa kapangyarihan.

Ang kudeta sa pamumuno ni Heneral Ming Aung Hliang ang pinakahuling personapikasyon ng proseso ng lumalaking kaguluhan at dekomposisyon kung saan minsan mahirap magkaroon ng tikas sa gitna ng ligalig ng mga komprontasyon, karahasan,  etnikong paglilinis at barbarismo... At lahat ng mga demonstrasyon ng populasyon sa lansangan para ipagtanggol ang burges na paksyon ni Aung San Suu Kyi, itong pananampalataya sa mga demokratikong ilusyon, lahat ng ito ay magbunga lang ng mas kaguluhan at panunupil. Bawat krisis sa Burma, tulad sa 1988 o 2007, ay sa praktika, nauwi sa madugong panunupil na may libu-libong patay. Ito ay posibilidad pa rin ngayon dahil sa paggamit ng tunay na bala ng mga pwersa ng panunupil na nagkaroon na ng unang mga biktima. Kaya, bakit may kudeta ngayon?

Marami sa mga burges na komentarista ay kinilala ang kudeta na hindi inaasahan, hindi maunawaan, sa harap ng dominasyong militar na hindi naaalog, kabilang na ang huling nagdaang mga taon sa pagbukas ng demokrasya sa ilalim ng kontrol ng militar, at ang pag-upo sa kapangyarihan ni Aung San Suu Kyi sa Abril 2016. Mga haka-haka ay inilabas sa midya: ang hepe ng hukbo, si Min Aung Hlaing, na malapit ng magretiro, ay posibleng makasuhan sa International Court of Human Rights sa mga krimen laban sa sangkatauhan. Iba pang paliwanag: ang huling tagumpay ng partido ni Aung San Suu Kyi sa eleksyon sa parliyamento ay masaklap na dagok sa hunta-militar, na ayaw itong tanggapin... Lahat ng mga elementong ito, gaano man ka totoo sila, ay higit sa lahat ekspresyon ng paglala ng tunggalian sa pagitan ng ibat-ibang paksyon ng burgesya sa loob ng makinarya ng estado, lahat ng ito ay nakasira sa istabilidad at rasyunal na pamamahala ng estado mismo.

Sa madaling salita, ang interes ng bawat paksyon, naka-uniporme man o nakabalabal ng demokrasya, ay naging pangunahin kaysa pangkalahatang interes ng pambansang kapital, naging dagdag gasolina sa katiwalian sa tuktok ng estado labilang na sa lahat ng antas ng pag-andar ng lipunan. Ang delikadong ekonomikong sitwasyon sa Myanmar ay pinalala ng husto ng pandemiya. Dagdag sa tumataas na kawalang trabaho, sa kasaysayan ay laging mataas, at ang kahirapan ng populasyon, at habang bumubulusok ng todo ang GDP sa nagdaang mga taon bilang isa sa pinakamahirap na mga bansa sa mundo, ayon sa IMF, ay mayroong lumalaking krisis sa pangangailangan ng tulong at sa kalusugan, na naging dahilan ng pagbakwit ng daan libong mamamayan sa Bangladesh at Thailand. Sa huli, ang mga kaganapan sa Myanmar ay ekspresyon ng parehong pagkabulok na tumagos sa bawat butas ng burges na lipunan, mula sa paglusob sa Capitol hanggang sa pandaigdigang krisis sa kalusugan...

… at ang pag-igting ng imperyalistang tensyon

Pero itong mga tunggalian sa pagitan ng mga paksyon ay hindi sapat para lubos na maipaliwanag ang sitwasyon. Higit sa lahat nasa imperyalistang tunggalian at tensyon makikita kung ano ang nakataya. Ang pangunahing mga kapangyarihan sa Kanluran, sa pangunguna ng US, ay nagkaisang kinondena ang operasyong militar. Kaagad pagkatapos ng kudeta, hiniling ng US sa UN ang isang resolusyon para dito at humihingi ng parusa laban sa Myanmar. Hindi pinagtibay ang resolusyong ito dahil sa pagtutol ng Russia at China. Sa konteksto ng lumalaking komprontasyon sa pagitan ng China at United States, nanatiling estratehikong erya ang Burma. Nakataya ang kontrol sa South China Sea, Taiwan at Bay of Bengal. Absolutong walang interes ang imperyalismong Tsina na pahintulutan ang anumang "istabilisasyon", partikular ng anumang demokratikong palamuti, na higit sa lahat ay maaring makinabang ang US. Ang panatilihin ang burak sa Myanmar ay estratehiya ng Tsina sa Asya, ang makapasok sa Bay of Bengal ay mayor na layunin ng China, maging ng India. Kaya para sa interes ng Tsina na panatilihin ang instabilidad sa pamamagitan ng, halimbawa, pagsuporta sa mga gerilya sa hilaga, sa Estado ng Rakhine (Arakan), habang binibigyan ng suporta ang militar, sa pagsasabing ang kudeta ay isang “reorganisasyon ng gobyerno”! Isa sa mga layunin ng Beijing ay kompletuhin ang China-Myanmar Economic Corridor (CMEC), para makapasok sa Indian Ocean, na iniiwasan ang Straits of Malacca, na laging kontrolado ng US Navy. Komitido ito na panatilihin ang istabilidad ng relasyon sa kalakalan at pulitika sa Myanmar. Higit sa lahat, ito ay mayor na estratehikong bantay sa kanyang proyektong "Silk Road", kaagapay nito ang pangangailangan ng Beijing ng suporta pangseguridad, laluna ang base militar sa hinaharap at diplomatikong pakikipag-alyansa. Matapos ang pagpahayag ng suporta ng Beijing sa Pakistan, ang malakas na suporta sa rehiyon para sa rehimeng militar sa Myanmar ay isang oportunidad para depensahan ang kanyang interes habang hinaharangan ang panukalang embargo at parusa na hinihingi ng Estados Unidos.

Nagpahiwatig ng suporta ang imperyalismong Ruso sa kudeta. "Isang linggo matapos ang kudeta, ang Ministro ng Depensa sa Rusya na si Sergey Shoygu ay bumiyahe sa Myanmar para kumpirmahin ang kasunduan ng suplay ng ground-to-air missile systems, surveillance drones at radar equipment, ayon sa Nikkei Asia Magazine. Pumirma rin ng kasunduan ang Rusya kay General Ming para sa flight safety, na nabanggit na binisita ang Rusya ng anim na beses sa nagdaang dekada". Nasa komplikadong sitwasyon naman ang India: habang matatag nitong tinutulan ang kudetang militar sa Burma 30 taon na ang nagdaan, hindi ito huminto sa pakikipagrelasyon sa rehimen ng Burma, pareho sa paksyon ng hunta at ni Aung San Suu Kyi. Ngayon, ang rehimeng Modi ay natuksong ipagpatuloy ang dayalogo sa kanyang katabing-bansa. Pero nais nito sa ano mang paraan na iwasan na magbigay kahit isang pulgada na bentahe sa Tsina.

Sa patibong ng pagtatanggol sa demokrasya

Naharap sa pangatlong kudeta, at sa konteksto ng krisis kung saan 60% ng mamamayan ay namuhay sa matinding kahirapan, umalma ang buong populasyon, partikular ang henerasyon ng kabataan. Maraming mga demonstrasyon sa lansangan at maging mga welga ang nangyari. Itong kilusan ng "civil disobedience" na may sabotahe sa transportasyon, telekomunikasyon at teknolohiya sa impormasyon, na naglalayong “ibalik ang demokrasya”, ay hindi magbigay wakas sa kaguluhan at karahasan. Kahit pa malinaw na minaliit ng hukbo ang pagtutol ng populasyon sa pamamagitan ng walang katulad na kilusang pagtakwil, laluna sa hanay ng kabataan, ang panlipunang kilusan na nakabatay sa purong burges na tereyn ng mga demokratikong kahilingan ay hindi naglalaman ng binhi para sa mas mabuting kinabukasan.

Nitong nagdaang mga taon maraming kabataan ang nabighani sa ilusyon ng burges na demokrasya. Subalit ang pagtatanggol sa demokratikong estado, ang pagtatanggol sa partido ni Aung San Suu Kyi, ang kasabwat sa mga krimen na ginawa ng hukbo sa mamamayan ng Rohingya, ay isang patibong na magdudulot lang sa kanila ng seryosong kabiguan. Sa kabila ng napakahinang rekord sa ekonomiya sa apat na taon sa kapangyarihan ni "State Counsellor" Aung San Suu Kyi, nanatili siyang popular sa populasyon na nagdusa sa mga taon ng diktadura (1962-2011). Subalit, ang demokratikong partido at hunta-militar ay magkabilaang panig ng iisang barya, ang burges na estado. Ang huli ay isang institusyon na ang papel ay panatilihin ang panlipunang kaayusan at status quo para mapreserba ang interes ng naghaharing uri at hindi para mapabuti ang kalagayan ng mga pinagsamantalahan at inaapi. Bilang resulta, ang daang libong kabataan at manggagawa na lumahok sa mga demonstrasyong ito ay mga bilanggo sa isang kilusan na nagtataguyod lang sa kapitalistang kaayusan. Ang pagtatanggol sa demokrasya ay isang patibong at tunay na walang patutunguhan. Mas malala pa: ang lumaban sa tereyn na ito ay tutungo lang sa kainutilan at madugong sakripisyo ng uring manggagawa at ng buong populasyon.

Stopio, 27 Pebrero 2021


Source URL: https://en.internationalism.org/content/16986/democracy-or-military-junt...

Rubric: 

Myanmar