Paglusob sa Kapitolyo ng Washington: Amerika ang sentro ng kabulukan ng pandaigdigang kapitalismo

Printer-friendly version

“Ganito pinagtatalunan ang resulta ng halalan sa isang banana republic”. Ang deklarasyong ito ay nangyari matapos ang pagsalakay noong Enero 6 sa Kapitolyo ng daan-daang mga taga-suporta ni Donald Trump, para pigilan ang sertipikasyon ng pagkapanalo ni Joe Biden. Malamang iniisip ninyo na ang naturang mabagsik na hatol sa pampulitikang sitwasyon sa US ay galing sa isang tao na may galit-sa-loob sa Amerika, o mula sa isang maka-“kaliwang” Amerikano. Hindi: ito ay galing sa dating pangulo na si George W. Bush, kapartido ni Trump. Sinabi nito sa atin gaano kabigat ang nangyari sa Washington sa araw na iyon. Ilang oras bago ang pagsalakay, sa harap ng White House, ang natalong presidente, tulad ng isang mang-uudyok sa ikatlong daigdig, ay pinaiinit ang kanyang mga tagasuporta “Hindi tayo susuko. Hindi tayo tatanggap ng pagkatalo …hindi ninyo muling mabawi ang ating bansa sa pamamagitan ng kahinaan ...Alam ko na ang bawat isa dito ay malapit ng magmartsa patungong Kapitolyo para mapayapa at makabayan na iparinig ang inyong mga boses”. 

Bilang pagtalima sa may manipis na tabing na panawagan ng riot, ang mapaghiganting pangkat, sa pamumuno ng mga Trumpistang gang tulad ng Proud Boys, ay naglakad lang mula sa National Mall patungong Kapitolyo at inatake ang gusali, habang pinanood ng lubusang natulalang pwersang pangseguridad. Paanong nawalan ng kontrol ang mga kordon ng kapulisan na ang trabaho ay bantayan ang daan patungong Kapitolyo at pinayagan ang mga sumalakay na makapasok sila habang matinding pwersa sa harap ng parehong gusali ang ginamit sa panahon ng mga demonstrasyon ng Black Lives Matter? Ang naturang mga imahe ay nakadagdag sa teorya na ang pagsalakay sa simbolo ng demokrasya sa Amerika ay isang “pampulitikang Setyembre 11”.

Kahit na naharap sa ganitong kaguluhan, mabilis na nakapagpadala ang mga awtoridad: kumilos ang mga tropang anti-riot at National Guard, isang demonstrador ang binaril at tatlong iba pa ay namatay, ipinataw ang curfew habang nagpatrolya ang mga sundalo sa Washington. Itong nakamamanghang mga imahe ay tunay ngang kahawig sa mga gabi matapos ang eleksyon sa mga “banana republic” sa ikatlong daigdig, na pinunit ng madugong labanan sa pagitan ng mga pangkat ng mafia. Pero ang mga kaganapang ito, na naging ulo ng mga balita sa buong mundo, ay hindi dahil sa isang megalomaniac na heneral ng militar. Nangyari ito sa lugar ng pinaka-makapangyarihang bansa ng planeta, sa “pinakabantog na demokrasya ng mundo”.

Ang nangungunang kapangyarihan ng mundo ay naging sentro ng lumalaking kaguluhan

Ang “paglapastangan sa templo ng demokrasya sa Amerika” ng isang grupo na binuo ng mga white supremacist na armado ng selfie sticks, ng mga panatikong armadong milisya, isang conspiracy theorist na nagsuot ng horned fur helmet, ay garapal na ekspresyon ng lumalaking karahasan at irasyunalidad na nakahawa sa lipunang Amerikano. Ang mga bali sa kanyang pampulitikang makinarya, ang pagsabog ng populismo mula ng maupo si Trump, ay maliwanag na ilustrasyon ng katotohanan na ang kapitalistang lipunan ay nabubulok na sa kanyang kaibuturan. Katunayan, tulad ng pinatunayan namin mula huling bahagi ng 1980s[1], ang kapitalistang sistema, na pumasok na sa kanyang yugto ng pagbulusok sa panahon ng Unang Pandaigdigang Digmaan, ay sa nagdaang mga dekada ay lumulubog sa kanyang huling yugto ng pagbulusok, ang yugto ng dekomposisyon. Ang pinaka-nakagigilalas na ekspresyon ng ganitong sitwasyon ay ang pagbagsak ng bloke sa Silangan tatlong dekada na ang nakaraan. Itong mayor na kaganapan ay hindi simpleng indikasyon ng karupukan ng mga rehimen na namuno sa mga bansa ng blokeng ito. Ito ay ekspresyon ng istorikal na proseso na nakakaapekto sa buong pandaigdigang kapitalistang sistema at mas lumala mula noon. Hanggang ngayon ang pinakamalinaw na mga senyales ng dekomposisyon ay nakikita sa napakahinang mga bansa na nasa “gilid”: galit na mga tao na naging pambala ng kanyon para sa interes ng ganito o ganoong burges na paksyon, pinakamalalang karahasan araw-araw, ang pinakamadilim na kahirapan na nakikita sa bawat kanto, ang de-istabilisasyon ng mga estado at buong rehiyon …lahat ng ito ay tila nangyari lang sa mga “banana republic”.

Subalit sa loob ng maraming taon, itong pangkalahatang tendensya ay mas lalupang tahasang tumatama sa “sentral” na mga bansa. Oo naman, hindi lahat ng mga bansa ay pareho ang antas ng pagiging apektado, pero malinaw na tumatama ang dekomposisyon sa pinakamakapangyarihang mga bansa: ang pagdami ng mga teroristang atake sa Uropa, sorpresang panalo ng mga iresponsableng indibidwal tulad nila Trump o Boris Johnson, ang pagsambulat ng irasyunal na mga ideolohiya at, higit sa lahat, ang mapaminsalang tugon sa pandemiya ng Coronavirus na ekspresyon mismo ng walang katulad na pagpapabilis ng dekomposisyon. Ang buong kapitalistang mundo, kabilang na ang pinaka-“sibilisadong” mga bahagi, ay hindi mapigilang nag-eebolusyon patungong barbarismo at lumalaking malubhang mga kombulsyon.

Kung ngayon, sa hanay ng pinaka-maunlad na mga bansa, ang US ang pinaka-apektado sa ganitong pagkasira, kumakatawan rin ito sa isa sa mga mayor na salik ng instabilidad. Ang kawalan ng kapasidad ng Amerikanong burgesya na pigilan ang isang bilyonaryong payaso na kinalinga ng Reality TV sa pagkuha ng posisyon bilang pangulo ay nagpakita na ng lumalaking kaguluhan sa pampulitikang makinarya ng US. Sa panahon ng kanyang mandato, hindi huminto si Trump na palalain ang pagkahati-hati ng lipunang Amerikano, na mas kapuna-puna sa pagkakahati-hati sa lahi, at ginagatungan ang kaguluhan sa buong planeta, sa pamamagitan ng lahat ng klase ng matatapang na mga deklarasyon at malabong mga kasunduan na pinagyabang na banayad na mga maniobra ng isang dalubhasang negosyante. Magunita natin ang kanyang banggaan sa komand ng militar sa Amerika na pinigilan siya, sa huling sandali, mula sa planong bombahin ang Iran, o ang kanyang “istorikal na pulong” kay Kim Jong-un na ilang linggo bago ang pulong ay tinawag niya na “Rocket Man”.

Matapos sumiklab ang pandemiya ng Covid-19, matapos ang ilang dekadang pagkasaid ng sistema sa kalusugan, lahat ng mga estado ay nagpakita ng kriminal na kapabayaan. Subalit dito, muling nasa unahan ng sakuna, pareho sa pambansang antas, na may pinakamaraming patay [2], at internasyunal na antas, sa pamamagitan ng paninira sa institusyon ng pandaigdigang kooperasyon tulad ng World Health Organisation.

Ang pagsalakay sa Kapitolyo ng mga panatikong Trumpistang pangkat ay ganap na bahagi ng pagsambulat ng kaguluhan sa lahat ng antas ng lipunan. Ito ay ekspresyon ng paglaki ng lubusang irasyunal at marahas na tunggalian sa pagitan ng bahagi ng populasyon (puti laban sa itim, mamamayan laban sa mga elitista, kalalakihan laban sa kababaihan, mga bakla laban sa mga hindi bakla, atbp) – ang karikatura ay kinatawan ng mga armadong rasistang milisya at hibang na mga teoretista ng pagsasabwatan.

Pero ang mga “baling” ito ay higit sa lahat repleksyon ng hayag na kumprontasyon ng mga paksyon ng burgesyang Amerikano: ang mga populista sa palibot ni Trump sa isang banda, yaong may mas malaking malakasakit sa pangmatagalang mga interes ng pambansang kapital sa kabilang banda. Sa loob ng Democratic Party kasama ang mga elemento ng Republican Party, sa mga mekanismo ng estado at hukbo, sa malaking mga pahayagan o sa tungtungan ng mga seremonya sa Hollywood, ang mga kampanya ng oposisyon laban sa mga kumpas ng populistang Presidente ay tuloy-tuloy at  minsan ay napaka-makamandag.

Itong mga sagupaan sa pagitan ng ibat-ibang sektor ng burgesya ay hindi na bago. Subalit sa isang “demokrasya” tulad ng US, at kabaliktaran sa nangyayari sa mga bansa sa ikatlong daigdig, sa normal na proseso, sila ay nagaganap sa balangkas ng mga institusyon, na may tiyak na “respeto sa kaayusan”. Ang katunayan na ginagawa nila ito sa marahas na porma sa isang “modelo ng demokrasya” ay patunay sa nakahihindik na paglala ng kaguluhan sa loob ng pampulitikang makinarya ng naghaharing uri, at ito ay tanda ng signipikanteng hakbang ng pagdausdos ng kapitalismo sa pagkabulok.

Sa paglatigo sa kanyang baseng taga-suporta, tumawid si Trump sa kanyang panibagong linya ng polisiya ng marahas na pag-agaw matapos siyang matalo sa eleksyong Presidensyal, na ayaw niyang kilalanin. Ang kanyang pag-atake sa Kapitolyo, ang lehislatibong simbolo ng demokrasya sa Amerika, ay nagbukas ng malaking bitak sa loob ng Republican Party, kung saan walang mapagpilian ang kanyang “moderatong” kampo kundi kondenahin ang “kudetang” ito laban sa demokrasya, at lumayo kay Trump para iligtas ang partido ni Abraham Lincoln. Para sa mga Demokrata, itinaas nila ang pusta sa pamamagitan ng pagpapalaki nito at sumigaw ng kriminal na aktitud ni Trump.

Para subukang ibalik ang imahe ng Amerika sa harap ng nagulantang na pandaigdigang burgesya, upang makontrol ang pagsabog ng kaguluhan sa “Lupa ng Kalayaan, si Joe Biden at ang kanyang paksyon ay kaagad nagdeklara ng buhay at kamatayang pakikipaglaban kay Trump, kinondena ang iresponsableng mga aksyon ni Trump, nanawagan na tanggalin siya sa kapangyarihan kahit maiksi na lang ang nalalabing oras bago pa ang inagurasyon ng bagong Presidente.

Ang sunod-sunod na pagbitiw ng mga ministro ng Republican, ang panawagan ng pagbitiw o impeachment kay Trump, kabilang na ang panawagan sa Pentagon na matyagang mabuti ang Presidente at tiyakin na hindi niya pindutin ang pindutang nukleyar, ay mga patunay ng determinasyon na tanggalin siya mula sa pampulitikang paligsahan. Isang araw matapos ang atake sa Kapitolyo, nagkahugis ang pampulitikang krisis sa pagkondena sa kanya ng kalahati ng baseng elektoral, habang ang isa pang kalahati ay patuloy ang pagsuporta sa kanya at binigyang katuwiran ang pagsalakay. Tila seryosong nakompromiso ang pampulitikang propesyon ni Trump. Sa partikular, ginagawa na ang mga hakbangin upang tiyakin na hindi na isya makatakbo sa eleksyon sa 2024. Ngayon, iisa na lang ang layunin ng natalong Presidente: iligtas ang sarili mula sa banta ng prosekusyon dahil sa pang-uugyok ng insureksyon. Sa gabi ng araw ng pag-atake sa Kapitolyo, si Trump, bagaman tumangging kondenahin ang kanilang pagkilos, ay nanawagan sa kanyang tagasuporta na “umuwi na. Makalipas ang dalawang araw kinain niya ang kanyang mga sinabi ng inilarawan niya ang paglusob na “karumaldumal” at sinabi niya na “nagalit siya sa karahasan,  rebelyon at  labanan”. At, nagpakumbaba, tahimik niya na kinilala ang kanyang pagkatalo sa eleksyon at nagdeklarang bababa siya sa kanyang trono para kay Biden, habang iginiit na hindi siya dadalo sa inagurasyon sa 20 Enero.

Posible na ganap ng matanggal si Trump sa pampulitikang paligsahan, pero hindi ang populismo! Itong reaksyonaryo at oskurantista na ideolohiya ay nagmula sa ilalim na patuloy na lilitaw sa paglala ng kabulukan ng lipunan, kung saan naging sentro ang USA ngayon. Higit pa sa nakaraan lalupang nagkahati-hati at nagkagutay-gutay ang lipunang Amerikano. Patuloy na lalaki ang karahasan na may permanenteng peligro ng mga komprontasyon (kabilang na ang armadong labanan) sa loob ng populasyon. Ang retorika ni Biden ng “rekonsilyasyon” sa mamamayang Amerikano ay nagpakita gaano ka grabe ang sitwasyon, pero anuman ang parsyal o temporaryong tagumpay na makamit nito, hindi nito mapigilan ang malalim na tendensya patungong panlipunang dislokasyon ng nanungunang kapangyarihan ng mundo.

Ang pinakamalaking peligro sa proletaryado sa USA ay mahila ito sa bangayan ng ibat-ibang mga paksyon ng burgesya. Malaking bahagi ng baseng elektoral ni Trump ay mga manggagawa na itinakwil ang mga “elitista” at naghahanap ng “tagapagligtas”. Nagawang makuha ni Trump ang suporta ng maraming walang trabahong manggagawa mula sa “rust belt” dahil sa kanyang mga pangako na muling palakasin ang industriya. Peligro na magkaroon ng komprontasyon sa pagitan ng mga manggagawang maka-Trump at maka-Biden. Dagdag pa, ang pagbulusok patungong dekomposisyon ay banta rin upang tumindi ang pagkahati-hati sa kulay na laganap sa USA, na pinapakain sa mga ideolohiyang identidad at pinag-away ang itim at puti.

Ang napakalaking demokratikong kampanya ay patibong sa uring manggagawa!

Ang tendensya patungong kawalan ng kontrol ng burgesya sa kanyang pampulitikang paligsahan, na nakita natin sa pag-upo ni Trump bilang Presidente, ay hindi nagkahulugan na maaring samantalahin ng uring manggagawa ang dekomposisyon ng kapitalismo. Kabaliktaran, hindi tumigil ang naghaharing uri na gamitin ang mga epekto ng dekomposisyon laban sa uring manggagawa. Sa 1989 pa, ng ang pagbagsak ng bloke sa Silangan ay maliwanag na ekspresyon ng pagkabulok ng kapitalismo, ginamit ng burgesya sa pangunahing mga bansa ang nangyari upang pakawalan ang napakalaking demokratikong kampanya na naglalayong ilarawan na pareho ang barbarismo ng mga Stalinistang rehimen at ang tunay na komunistang lipunan. Ang sinungaling na salita ng “kamatayan ng rebolusyonaryong perspektiba” at “naglaho na ang uring manggagawa” ay nakakalito sa proletaryado, na nagbunga ng napakalalim na pagbaba sa kamulatan at diwang mapanlaban. Ngayon ginagamit ng burgesya ang mga kaganapan sa Kapitolyo upang simulan ang bagong kampanya ng kabantugan ng burges demokrasya.

Habang sinasakop pa ng mga “insureksyunista” ang Kapitolyo, Agad nagdeklara si Biden, “Tulad ng napakaraming Amerikano, ako ay tunay na nagulat at nalungkot na ang ating bansa, na matagal ng naging tanglaw ng liwanag at pag-asa para sa demokrasya ay nakaranas ngayon ng isang madilim na panahon …Ang gawain ngayon at gawain sa susunod na apat na taon ay kailangang panumbalikin ang demokrasya”. Ito ay sinundan ng talon ng mga deklarasyon na patungo sa parehong direksyon, kabilang na mula sa loob ng Republican Party. Pareho sa ibang mga bansa, partikular mula sa mga lider ng pangunahing mga bansa sa Kanluran. “Nagalit at nalungkot ako sa mga imaheng ito. Subalit sigurado ako na papatunayan mismo ng demokrasya sa Amerika na maging mas malakas kaysa mga manunulong at manggugulo”, deklara ni Angel Merkel. “Hindi tayo susuko sa karahasan ng mga tao na gustong sirain ang demokrasya alok ni Emmanuel Macron. At dagdag ni Boris Johnson: “Sa buong buhay ko ang Amerika ay nanindigan para sa napakahalagang mga bagay. Ang ideya ng kalayaan, ang ideya ng demokrasya”.

Matapos ang mobilisasyon para sa eleksyong Presidensyal, na nakitaan ng mas maraming bomoto, at ang kilusan ng Black Lives na humihiling ng mas “makatuwiran” at “malinis” na kapulisan, malaking mga sektor ng pandaigdigang burgesya ang nagtangkang pakilusin ang proletaryado para ipagtanggol ang demokratikong estado laban sa populismo. Nanawagan sa proletaryado na suportahan ang “Demokratikong” paksyon laban sa “Diktador” na si Trump. Itong maling mapagpilian ay purong mistipikasyon, isang patibong para sa uring manggagawa!

Sa kalagayan ng internasyunal na kaguluhang ginawa ni Trump, Kaya ba ng Demokratang si Biden na buuin ang isang mas makatuwirang pandaigdigang kaayusan? Tiyak na hindi! Ang nanalo ng Nobel Peace Prize na si Barack Obama, at ang kanyang Bise-Presidente na si Joe Biden, ay nagsagawa ng walang patid na 8 taong digmaan. Hindi milagrosong maglaho ang tensyon sa pagitan ng Tsina, Rusya, Iran at iba pang imperyalistang manggagantso.

Kaya ba ni Biden ialok ang mas makataong kinabukasan sa mga migrante? Dapat tingnan lang natin kung gaano kabangis ang kanyang mga pinalitan, tulad ng lahat ng mga “bantog na demokrasya”, sa pagtrato sa mga “hindi kanais-nais”. Dapat lang natin balikan na sa walong taon ng presidenteng si Obama, si Biden bilang Bise-Presidente, mas marami ang deportasyon sa mga migrante kaysa sa walong taon ni George W. Bush. Ang mga hakbanging anti-imigrasyon ng administrasyong Obama ay nagbukas lang ng pintuan sa  pagdami ng anti-imigrasyon sa ilalim ni Trump.

Matatapos na ba ang mga atake laban sa uring manggagawa sa “pagbalik ng demokrasya”? Siguradong hindi! Ang pagbulusok ng pandaigdigang ekonomiya patungong krisis ay walang anumang solusyon, na pinalala ng pandemiya ng Covid-19, ay magdulot ng pagsambulat ng kawalang trabaho, ng kahirapan, ng mga atake sa kabuhayan at kondisyon sa pagtrabaho ng pinagsamantalahan sa lahat ng mga sentral na bansa na pinamunuan ng mga “demokratikong” gobyerno. At kung magawa ni Joe Biden na “linisin” ang kapulisan, ang mapanupil na pwersa ng demokratikong estado, sa US at sa lahat ng mga bansa, ay pakawalan pa rin laban sa anumang kilusan ng uring manggagawa, laban sa lahat ng pagtatangka nito para ipagtanggol ang kanyang kabuhayan at batayang pangangailangan.

Walang maaasahan sa “pagbalik ng demokrasya” sa Amerika . Hindi dapat mapakalma at mahulog sa patibong sa mga kanta ng sirena ng mga demokratikong paksyon ng burges na estado. Kailangan hindi nito makalimutan na sa ngalan ng pagtatanggol sa demokrasya laban sa pasismo nagtagumpay ang naghaharing uri na mobilisahin ang milyun-milyong manggagawa sa Ikalawang Digmaang Pandaigdi, na sa malaking bahagi sa ilalim ng pamumuno ng Kaliwa at mga prente popular. Ang burges demokrasya ay isa lang nakatago, ipokritong mukha ng diktadura ng kapital!

Ang atake sa Kapitolyo ay bagong sintoma ng naghihingalong sistema na dahan-dahang hinihila ang sangkatauhan sa impyerno. Naharap sa nabubulok na burges na lipunan, tanging ang uring manggagawa, sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng pakikibaka sa kanyang sariling larangan laban sa mga epekto ng krisis sa ekonomiya, ang may kapasidad na ibagsak ang kapitalismo at wakasan ang banta ng pagkawasak ng planeta at sangkatauhan.

IKT 10.1.21

 


[1] Tingnan ang aming “Theses on decomposition” sa International Review 107 at “Report on decomposition today” sa International Review 164.

[2] Sa panahon na sinusulat ito, sa opisyal na datos may 363,581 namatay na sa Covid-19 sa US, at 22 milyon ka tao ang nahawa (Source : “Coronavirus : el mapa que muestra el número de infectados y muertos en el mundo por covid-19”, BBC News Mundo)

Source URL: https://en.internationalism.org/content/16955/assault-capitol-washington...

Rubric: 

Pampulitikang kaguluhan sa USA