Submitted by Internasyonalismo on
Kinondena ng serye na ito ang hindi masyadong nakikitang bahagi (nakatagong mukha) ng mga organisasyon ng kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital (Sosyalista, Stalinista, Trotskyista, Maoista, opisyal na anarkismo, ang 'bagong' kaliwa ng Syriza, France Insoumise, at Podemos). Sa unang artikulo ng serye ay nakita natin paanong tinanggihan ng mga organisasyong ito ang uring manggagawa na diumano pinagtatanggol nila, Sa ikalawa ay tinastas namin ang kanilang paraan at pag-iisip. Sa ikatlong artikulong ito ay nais naming suriin ang kanilang pagkilos, ang internal na dinamiko ng mga partidong ito at paanong ang kanilang pagkilos ay mismong pagwalang-bisa sa lahat ng mga komunistang prinsipyo at bumuo ng lahat ng hadlang sa anumang pagkilos para sa mga prinsipyong ito.
Ang mga pwersa ng Stalinismo, Trotskyismo, atbp., ay nagsagawa ng ganap na palsipikasyon sa proletaryong posisyon sa usapin ng kanilang organsiasyon at aktitud. Para sa kanila, ang sentralisasyon ay pagsunod sa makapangyarihang burukrasya, at ang disiplina ay bulag na pagsunod sa komisyon ng kontrol. Ang posisyon ng mayoriya ay resulta ng tunggalian sa kapangyarihan. At ang debate, sa diwa ng manipulasyon, ay sandata para talunin ang posisyon ng karibal na mga paksyon. At maari tayong magpatuloy ad nauseam.
Posible na ang isang proletaryong militante sa loob ng isang tunay na komunistang organisasyon ay magkaroon ng tendensya na tingnan ang kanyang mga organisasyunal na posisyon at aktitud mula sa lente noong mga panahon na nasa kaliwang organisasyon pa siya.
Ang disiplinang kwartel ng mga organisasyon ng kaliwa
Sa pinag-uusapan nating hipotetikal na militante sa pangangailangan ng disiplina, naalala nila ang bangungot na pinagdaanan nila ng sila ay nasa organisasyon pa ng kaliwa ng burgesya.
Sa mga organisasyong yaon, ang ‘disiplina’ ay nagkahulugan ng pagtatanggol sa mga walang katotohanang bagay dahil ‘hinihingi ito ng partido’. Isang araw sinabi nila na ang isang karibal ay ‘burges’ at sa susunod na linggo, ayon sa pagbabago sa pampulitikang alyansa ng liderato, ang bahaging ito ay ngayon naging pinaka-proletaryado na sa buong mundo.
Kung mali ang patakaran ng komite sentral ito ay tanging kasalanan ng mga militante na ‘nagkamali’ at ‘hindi tamang isinapraktika ang desisyon ng komite sentral'. Tulad ng sabi ni Trotsky: "Bawat resolusyon ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komunistang Internasyunal na nagtala ng panibagong mga kabiguan ay sa isang banda ay nagdeklara na lahat ay nasa plano at, sa kabilang banda, kasalanan ng mga nagbigay-kahulugan dito dahil hindi nila naintindihan ang binigay na linya sa kanila mula sa itaas"[1].
Matapos ng mga nakakasuklam na karanasang ito, ang militante na nakaranas sa mga partidong ito ay tuluyan ng itinakwil ang disiplina, na hindi naintindihan na ang proletaryong disiplina ay radikal na kaiba at salungat sa disiplina ng burgesya.
Sa proletaryong organisasyon, ang 'disiplina' ay nagkahulugan ng respeto sa lahat ng mga desisyon at ang bawat isa ay kabilang sa diskusyon para magawa ang mga ito. Sa isang banda ito ay pagiging responsable at, sa kabilang banda, ito ay praktikal na ekspresyon ng pangingibabaw ng kolektibo sa indibidwal - na sa kabilang banda ay hindi nagkahulugan ng bangayan ng indibidwal at kolektibo kundi ekspresyon ng magkaibang mga aspeto ng parehong pagkakaisa. Dahil dito, ang disiplina sa rebolusyonaryong organisasyon ay boluntaryo at mulat. Ang disiplinang ito ay hindi bulag kundi nakabase sa konbiksyon at isang perspektiba.
Sa burges na organisasyon, ay kabaliktaran. Ang disiplina ay nagkahulugan ng pagsuko sa makapangyarihan sa lahat na liderato at pagtakwil sa lahat ng responsibilidad sa pamamagitan ng pagbigay dito sa kung ano ang ginagawa at sinasabi ng liderato. Sa burges na organisasyon ang disiplina ay nakabatay sa oposisyon sa pagitan ng ‘kolektibo’ at indibidwal. Ang ‘kolektibo’ dito ay ang interes ng pambansang kapital at ng kanyang estado na pinagtatanggol ng mga organisasyong ito sa kanilang partikular na larangan, interes na hindi umaayon sa interes ng kanyang mga myembro. Kaya ang kanyang disiplina ay ipinataw kundiman ng pananakot ay pampublikong sumpa na maaaring hahantong sa pagtiwalag; o, kung boluntaryo itong niyakap, ito ay bunga ng pagkaramdam ng pagkakasala o kategorikal na pamimilit na mag-udyok ng pana-panahong tunggalian sa tunay na interes ng bawat indibidwal.
Ang kawalang unawa sa radikal na kaibahan sa pagitan ng disiplina ng proletaryado at burgesya ay kadalasan ang ilang mga militante na nagmula sa kaliwa at pumaloob sa proletaryong organisasyon, ay nahulog sa mapanirang pag-ikot-ikot. Dati sinusunod nila ang mga utos ng kanilang amo bilang tupa; ngayon, sa proletaryong organisasyon, itinakwil nila lahat ng disiplina at sinusunod lang ang isang utos: na dinidiktahan ng kanilang sariling indibidwalidad. Mula sa disiplina ng isang kwartel sinalungat nila ang disiplina kung saan maaring gawin ng bawat isa ang anumang gusto nilang gawin, ibig sabihin isang anarkistang disiplina ng indibidwalismo. Ito ay paikot-ikot, bilanggo sa pagitan ng mabangis at marahas na disiplina ng mga partido ng burgesya at indibidwalistang disiplina (ang disiplina ng "gagawin ko ang gusto kong gawin") na katangian ng peti-burgesya at anarkismo.
Ang burukratikong sentralisasyon ng lahat ng mga burges na organisasyon
Ang sentralisasyon ay isa pang konsepto na nagdulot ng reaksyon sa hanay ng mga militante na apektado ng lason ng impluwensya ng kaliwa.
Para sa kanila ang sentralisasyon ay:
- makapangyarihang liderato kung saan kailangang sumunod na walang reklamo;
- isang mapandurog na piramide ng burukrasya at pagsunod sa liderato;
- ganap na pagtakwil sa lahat ng personal na insiyatiba at pag-iisip, na pinalitan ng bulag na pagsunod at pagbuntot sa liderato;
- ang mga desisyon ay hindi sa pamamagitan ng diskusyon na may partisipasyon ng lahat, kundi sa pamamagitan ng mga utos at maniobra ng liderato.
Katunayan, ang burges na sentralisasyon ay nakabatay sa mga konseptong ito. Ito ay dahil sa katotohanan na sa loob ng burgesya, umiiral lang ang pagkakaisa kung naharap sa imperyalistang digmaan o sa proletaryado; maliban dito ay ang walang tigil na tunggalian sa pagitan ng ibat-ibang paksyon.
Para magkaroon ng kaayusan sa naturang kaguluhan, kailangang pwersahang ipataw ang awtoridad ng isang 'sentral na organo'. Kinakailangan na ang burges na sentralisasyon ay burukratiko at mula sa taas pababa.
Itong pangkalahatang burukratisasyon ng lahat ng mga burges na partido at kanilang institusyon ay kailangang-kailangan ng mga partido ng ‘manggagawa’ o ng kaliwa na itinanghal ang mga sarili na tagapagtanggol ng mga manggagawa.
Walang problema sa burgesya ang disiplinang bakal sa kanyang pampulitikang makinarya dahil nilalasap nito ang lubusang diktaduryang kapangyarihan sa kanyang sariling mga pabrika. Subalit, sa organisasyon ng kaliwa o dulong-kaliwa, mayroong iniingatang nakatagong antagonismo sa pagitan ng ano ang opisyal na sinasabi at ano ang tunay na nangyayari. Para maresolba ang kontradiksyong ito, kailangan nito ng burukrasya at bertikal na sentralisasyon.
Para maintindihan ang mga mekanismo ng burges na sentralisasyon na ginagawa ng kaliwa ng kapital, tingnan natin ang Stalinismo na siyang tunay na tagapanguna. Sa kanyang libro, The Third International after Lenin, sinuri ni Trotsky ang paraan ng burges na sentralisasyon na isinapraktika ng mga Komunistang partido.
Ginunita niya, para ipataw ang mga burges na polisiya, “pinagtibay” ng Stalinismo "ang isang sekretong organisasyon ng kanyang iligal na Komite Sentral (the septemvirat) sa kanyang mga sirkular, sekretong ahente at koda, atbp. Lumikha ang makinarya ng partido sa loob nito ng isang sarado at hindi makontrol na kaayusan na mayroong napakalaking mapagkukunan hindi lang para sa ganitong makinarya kundi ng estado na binago ang partido ng masa tungo sa pagiging instrumento ng pagbabalatkayo sa lahat ng mga maniobra at intriga." (idem).
Para lipulin ang rebolusyonaryong pagtatangka ng proletaryado sa Tsina at magsilbi sa interes ng estado ng imperyalistang Rusya sa mga taon ng 1924 - 28, inayos ang Partido Komunista ng Tsina mula sa itaas pababa na inilarawan ng saksi sa lokal na komite ng: "(Ang Komite Sentral) ay naglunsad ng mga akusasyon at sinabi na hindi mabuti ang Komite ng Probinsya; at bilang ganti, inakusahan ang mga organisasyon ng base at sinabi na masama ang Komite ng Rehiyon. Ang huli ay nagsimulang mang-akusa at sinabi na ang mga kasama sa batayang antas ang mali. At pinagtanggol ng mga kasama ang sarili at sinabi na hindi sapat ang pagiging rebolusyonaryo ng masa" (idem).
Nagpataw ng kareristang mentalidad ang burukratikong sentralisasyon sa mga myembro ng partido, kung saan sumunod sila sa kanilang nakatataas at walang tiwala at nagmamanipula sa ‘nasa ibaba sa kanila. Ito ay malinaw na katangian ng lahat ng mga partido ng kapitalismo, ng kaliwa at kanan, na sinusunod ang modelo na nakita ni Trotsky sa mga Stalinistang Partido Komunista at tinuligsa sa 1920's: "ito ay binuo ng buong pangkat ng mga akademikong kabataan sa pamamagitan ng maniobra, at sa pamamagitan ng Bolshevik na kakayahang bumaluktot, ay naintindihan ang pagiging lastiko ng kanilang sariling gulugod" (idem).
Ang resulta ng mga paraang ito ay "ang mataas na saray ay pinagbinhian ng burges na diwa, makitid na egotismo at makitid ang isip na mga kalkulasyon. Makikita na may matibay silang determinasyon na magkaroon ng puwang para sa kanilang mga sarili na walang pakialam sa iba, isang bulag at ispontanyong karerismo. Para maintindihan, dapat patunayan nila na may kapasidad sila sa walang prinsipyo na pakikibagay, isang walang kahihiyan na aktitud at sipsip sa mga nasa kapangyarihan. Ito ang nakikita natin sa bawat pagkilos, bawat mukha. Nakikita ito sa lahat ng mga pagkilos at talumpati, na sa pangkalahatan ay puno ng magaspang na rebolusyonaryong parirala" [2].
Bawiin ang tunay na kahulugan ng proletaryong konsepto ng organisayon
Kailangang bawiin - sa pamamagitan ng pagsusuri sa kanila sa kritikal na paraan - lahat ng mga konsepto ng organisasyon ng kilusang manggagawa bago ang napakalaking delubyo ng sa simula ay ang pagpasok ng mga Sosyalistang partido sa kapitalistang estado at sa huli ng transpormasyon ng mga partido Komunista sa pagiging Stalinistang pwersa ng kapital.
Ang proletaryong posisyon sa usapin ng organisasyon, bagamat pareho ang kanilang pangalan ay walang kinalaman sa kanilang palsipikadong bersyon. Hindi kailangan ng kilusang proletaryo na mag-imbento ng bagong mga konsepto dahil ang mga konseptong ito ay pag-aari nito. Katunayan, ang nagbago ng kanilang terminolohiya ay ang kaliwa at dulong-kaliwa ng kapital, sila ang mga ‘tagatuklas’ na hiniram ang moral at organisasyunal na posisyon ng burgesya. Muli nating balikan ang ilan sa mga proletaryong konsepto at paano na ganap silang salungat sa Stalinismo, kaliwa at, sa pangkalahatan, sa anumang burges na organisasyon.
Proletaryong sentralisasyon
Ang sentralisasyon ay ekspresyon ng natural na pagkakaisa na umiiral sa loob ng proletaryado at, dahil dito, sa hanay ng mga rebolusyonaryo. Kaya, sa proletaryong organisasyon, ang sentralisasyon ang pinaka-lohikal na organisasyunal na pagpapaandar at resulta ng boluntaryo at mulat na aksyon. Samantalang ang sentralisasyon ng kaliwang organisasyon ay iniutos ng burukrasya at maniobra, sa proletaryong pulitikal na organisasyon, kung saan hindi umiiral ang magkaibang mga interes, ang pagkakaisa ay pinakita ng sentralisasyon; kaya ito ay mulat at lohikal.
Sa isang banda, sa kaliwang organisasyon, katulad sa anumang burges na organisasyon, umiiral ang ibat-ibang interes na nakaugnay sa mga indibidwal at paksyon na para pagkasunduin ang ibat-ibang interes, at nangangailangan ito ng burukratikong imposasyon ng isang paksyon o isang lider, o isang tipo ng 'demokratikong taga-koordina' sa pagitan ng ibat-ibang mga lider o paksyon. Sa lahat ng mga kaso ay kailangan ang agawan sa kapangyarihan, maniobra, pagtraydor, manipulasyon, at pagsunod para 'grasahan' ang pag-andar ng organisasyon dahil kung hindi mawasak ito at magkagulo. Sa kabilang banda sa proletaryong organisasyon "Ang sentralismo ay hindi isang opsyon o abstraktong prinsipyo para sa istruktura ng organisasyon. Ito ay kongkretisasyon sa kanyang nagkakaisang katangian. Ito ay ekspresyon na isa at parehong organisasyon ang pumuposisyon at kumikilos sa loob ng uri. Sa ibat-ibang mga relasyon sa pagitan ng mga bahagi ng organisasyon at kabuuan, parating ang kabuuan ang nangingibabaw"[3].
Sa loob ng kaliwa, itong "isa at parehong organisasyon na tumindig at pumusisyon sa loob ng uri" ay kung hindi man isang komedya ay isang monolitiko at burukratikong imposasyon ng isang ‘komite sentral’. Sa proletaryong organisasyon ito mismo ang kondisyon ng kanyang pag-iral. Ito ay usapin na ilatag sa harap ng proletaryado, matapos ang kolektibong diskusyon at ayon sa kanyang istorikal na karanasan, lahat ng nagsusulong sa kanyang pakikibaka at hindi lokohin na lumaban para sa interes na hindi kanya. Sa kadahilanang ito, kailangan ang pagpupunyagi ng buong organisasyon para ipaliwanag ang kanyang mga posisyon.
Sa loob ng kaliwa, naharap sa mga desisyon ng 'liderato' na minsan ay balintuna, ang mga militante sa batayang antas ay tumitingin at kumikilos ayon sa lokal na istruktura o mga grupo ng sirkulo sa mga posisyon na sa tingin nila tama. Sa ilang kaso ito ay malusog na proletaryong reaksyon sa harap ng opisyal na patakaran. Subalit, itong lokalistang hakbangin ng bawat isa para sa kanyang sarili ay hindi produktibo at negatibo sa loob ng proletaryong organisasyon at sa loob ng naturang organisasyon"ang pananaw na ang ganito o ganyang bahagi ng organisasyon ay magpatibay, sa harap ng organisasyon o sa uring manggagawa, ng mga posisyon o aktitud na iniisip nito na tama sa halip na yaong sa organisasyon na sa tingin nito mali. Ito ay dahil:
- kung ang organisasyon ay patungo sa maling direksyon, ang responsibilidad ng mga myembro na sa tingin nila nagtatanggol sila ng tamang posisyon ay hindi para iligtas ang sarili sa kanilang maliit na sulok, kundi maglunsad ng pakikibaka sa loob ng organisasyon para tulungan ito na tumahak sa tamang direksyon;
- ang naturang kaisipan ay hahantong na ang bahagi ng organisasyon ay arbitraryong ipataw ang kariling posisyon sa buong organisasyon hinggil sa ganito o ganyang aspeto ng kanyang gawain (lokal o ispisipiko)." (idem, Punto 3).
Ang paraan ng kontribusyon mula sa anumang bahagi ng organisasyon (ma lokal na seksyon man o internasyunal na komisyon) para magkaroon ng tamang posisyon, sa pagsisikap ng lahat, ay umaayon sa pagkakaisa ng interes na umiiral sa isang rebolusyonaryong organisasyon sa pagitan ng lahat na kanyang mga myembro. Sa kabilang banda, sa organisasyon ng kaliwa, walang pagkakaisa sa pagitan ng ‘base’ at ‘liderato’. Ang layunin ng huli ay ipagtanggol ang pangkalahatang interes ng organisasyon, ang pambansang kapital, samantalanag ang 'base' ay napunit-punit sa pagitan ng tatlong pwersa, lahat sila ay iba-iba ang direksyon: ang interes ng proletaryado, ang responsibilidad ng organisasyon para sa kapitalistang interes o, mas nakakabagot, ay ginawang karera sa ibat-ibang burukratikong antas ng partido. Ito ay resulta ng oposisyon at paghiwalay sa pagitan ng mga militante at sentral na organo.
Ang mga myembro ng rebolusyonaryong organisasyon ngayon ay dapat maraming matutunan sa lahat ng ito. Nagdusa sila sa pagdududa na ang mga sentral na organo ay sa huli ‘magtraydor’, kadalasan ay kumikiling sila sa posisyon na lilipulin ng mga sentral na organo ang lahat ng pagtutol sa pamamagitan ng burukratikong paraan. Laganap naman ang mekanikal na kaisipan na 'maaring magkamali ang mga sentral na organo'. Yan ay ganap na totoo. Anumang sentral na organo ng isang proletaryong organisasyon ay maaring magkamali. Ngunit hindi dapat magkaroon ng patalismo sa mga magkakamali at kung may mga pagkakamali, may mga paraan ang organisasyon para ituwid ito.
Ipaliwanag namin ito sa isang istorikal na halimbawa: sa Mayo 1917, ang Komite Sentral ng Partidong Bolshevik ay nagkamali sa kanyang patakaran na kritikal na suporta sa Probisyunal na Gobyerno na lumitaw matapos ang rebolusyon ng Pebrero. Si Lenin na nakabalik sa Rusya sa Abril, naghapag ng bantog na April Theses para simulan ang isang debate na nilahukan ng buong organisasyon para ituwid ang pagkakamali at magkaroon ng re-oryentasyon ang partido[4].
Pinakita ng yugtong ito ang agwat sa umiiral sa pagitan ng haka-hakang ideya na ‘maaring magkamali ang sentral na organo’ at ang proletaryong bisyon na labanan ang anumang paglitaw ng oportunismo (sa hanay ng mga militante o sa loob ng sentral na organo). Lahat ng proletaryong organisasyon ay maaring maging biktima sa panggigipit ng burges na ideolohiya at ito ay makaapekto sa bawat militante at maging sa sentral na organo. Na ang pakikibaka laban sa panggiigipit ay tungkulin ng buong organisasyon.
Ang mga proletaryong organisasyon ay may paraan ng debate para ituwid ang kanyang mga pagkakamali. Makita natin ito sa ibang artikulo ng serye sa papel ng mga tendensya at praksyon. Ang nais naming idiin dito ay kung ang mayoriya ng organisasyon, laluna ang kanyang mga sentral na organo, ay nagkamali, ang mga kasama sa minoriya ay may mga paraan para labanan ang ganitong pagkaanod, tulad ng ginawa ni Lenin sa 1917, na nagtulak sa kanya na humingi ng ekstra-ordinaryong kumperensya ng partido. Sa partikular, "ang minoriya ng organisasyon ay maaring tumawag ng isang ekstra-ordinaryong Kongreso kung ito ay naging signipikanteng minoriya na (halimbawa 2/5). Bilang pangkalahatang polisiya, nasa Kongreso na ang pag-ayos sa esensyal na mga usapin, at ang pag-iral ng isang malakas na minoriya na humihingi na idaos ang Kongreso ay isang indikasyon na mayroong mahalagang mga problema ang organisasyon"[5].
Ang papel ng Kongreso
May mga nakakasukang palabas ang mga kongreso ng mga organisasyon ng burgesya. Ito ay isang palabas na may mga hostess at bukas na bar. Ang liderato ay nagpakita at nagsasalita na pinapalakpakan ng organisadong mga tao o nagpakita sa TV. Ang mga talumpati ay pinaka-walang kwenta, ang tanging layunin ng kongreso ay sabihin kung sinu-sino ang hahawak sa mga susing posisyon ng organisasyon at sinu-sino ang tatanggalin. Ang malaking mayoriya ng mga ganitong pulong ay hindi para sa diskusyon, klaripikasyon at pagtatanggol sa mga posisyon, kundi sa kota ng kapangyarihan ng ibat-ibang mga ‘pamilya’ ng partido.
Ang proletaryong organisasyon ay kailangang aandar ng absolutong salungat dito. Ang batayan ng sentralisasyon ng isang proletaryong organisasyon ay ang kanyang internasyunal na kongreso. Ang kongreso ay kaisahan at ekspresyon ng organisasyon sa kabuuan, na, sa independyenteng paraan ay magpasya sa oryentasyon at pagsusuri na maging gabay nito. Ang mga resolusyon na pinagtibay ng kongreso ang magbigay ng mandato sa mga gawain ng mga sentral na organo. Hindi ito pwedeng kumilos ng walang katuwiran ayon sa kagustuhan o kapritso ng mga myembro, kundi kailangang ang batayan ng kanilang aktibidad ay ang mga resolusyon ng kongreso.
Ang ikalawang Kongreso ng Russian Social-Democratic Labour Party sa 1903 ay nagbunga ng bantog na hiwalayan sa pagitan ng mga Bolsheviks at Mensheviks. Isa sa mga dahilan ng hiwalayan at ng malakas na kontrobersya sa pagitan ng dalawang partido ng organisasyon ay hindi nirespeto ng huli ang mga desisyon ng kongreso. Si Lenin, sa kanyang librong One step forward, two steps back ay nilabanan ang ganitong hindi tapat na aktitud na isa mismong burges na aktitud. Kung hindi sang-ayon sa mga desisyon ng kongreso, ang tamang aktitud ay malinaw na ihapag ang mga pagkakaiba at itulak ang isang pasensyosong debate para maabot ang klaripikasyon.
"Ang pinakamataas na yugto ng pagkakaisa ng organisasyon ay ang kanyang Internasyunal na Kongreso. Sa Internasyunal na Kongreso itinakda ang programa ng IKT, na pinaunlad o itinuwid; binuo ang mga paraan ng pag-oorganisa at pag-andar, mas pinatama o mino-modipika; na pinagtibay ang kanyang pangkalahatang oryentasyon at pagsusuri; na ginawa ang pagtatasa sa kanyang nagdaang mga aktibidad at ginawa ang perspektiba para sa mga gawain sa hinaharap. Kaya dapat paghandaan ng mabuti at masigasig ng buong organisasyon ang Kongreso. Kaya dapat ang mga oryentasyon at desisyon ng Kongreso ay kailangang maging permanenteng sanggunian ng buong buhay ng organisasyon bilang reeprensya sa susunod na panahon." Sa proletaryong kongreso walang mga sirkulo kung saan ginagawa ang mga sabwatan laban sa mga karibal, kundi diskusyon para maintindihan at makagawa ng posisyon sa pinaka-mulat na posibleng paraan.
Sa burges na organisasyon ang mga pasilyo ang puso ng kongreso ng tsismis, sabwatan laban sa mga karibal, panunulsol ng mga maniobrahan at intriga. Ang mga pasilyo ang lugar kung saan pinagpasyahan ang kongreso. Tulad ng sabi ni Ciliga: "Nakakapagod ang mga sesyon, ang mga pampublikong pulong ay purong panligoy. Lahat ay pinagpasyahan sa mga pasilyo".
Sa proletaryong organisasyon pinagbawal ang mga ‘pasilyo’ bilang mga sentro ng pagpapasya at ginawang panahon ng pahingahan kung saan may praternal na ugnayan sa pagitan ng mga militante. Ang puso ng kongreso ay kailangang tangi at ekslusibo sa kanyang opisyal na mga sesyon. Doon ang mga delegado ay seryosong tinatasa ang mga dokumentong sinumite sa kongreso sa pamamagitan ng paghingi ng klaripikasyon at pag-amyenda, pagpuna at proposisyon. Nakataya ang kinabukasan ng organisasyon dahil ang mga resolusyon ng kongreso ay hindi patay na letra o retorika lang, kundi mulat na pagkakaisa na kailangang magsilbing giya at oryentasyon sa mga pundamental na aktibidad ng organisasyon.
Ang mga oryentasyon at desisyon ng kongreso ay dapat ipatupad ng buong organisasyon. Hindi ibig sabihin na ang lahat ay walang pagkakamali. Ang regular na internasyunal na mga diskusyon ay maaring makita ang mga pagkakamali at ituwid o ebolusyon ng internasyunal na sitwasyon ay nagbago na kailangang kilalanin na maaring tumungo sa paglunsad ng ekstra-ordinaryong kongreso. Sa kasalukuyan, dapat ilunsad ang mahigpit at seryosong debate sa pinakamalawak at pinakamalalim na internasyunal na batayan. Wala itong kinalaman sa mga kaliwang organisasyon kung saan ang mga natalo sa kongreso ay maghiganti sa pamamagitan ng paghapag ng mga bagong posisyon na ginagamit laban sa mga nanalo.
Ang mga sentral na organo
Sa proletaryong organisasyon ang kongreso ang nagbigay ng mga oryentasyon na siyang nagbigay ng mandato sa sentral na organo na kumakatawan sa pagkakaisa at pagpapatuloy ng organisasyon sa pagitan ng mga kongreso at sa sumunod nito. Sa burges na partido, ang sentral na organo ay armas ng kapangyarihan dahil isinuko nito ang organisasyon sa mga pangangailangan ng estado at pambansang kapital. Ang sentral na organo ay isang elitista na nakahiwalay sa organisasyon at may kontrol dito, namamahala dito at nagpataw ng kanyang mga desisyon. Sa proletaryong organisasyon, ang sentral na organo ay hindi hiwalay mula sa organisasyon sa kabuuan kundi ito ang kanyang aktibo at nagkakaisang ekspresyon. Ang sentral na organo ay hindi napakamakapangyarihan na pribilihiyadong rurok ng organisasyon kundi isang paraan para makapagpahayag at mapaunlad ang kabuuan.
"Salungat isa ilang pananaw, laluna ng diumano mga ‘Leninista’, ang sentral na organo ay instrumento ng organisasyon, hindi ang kabaliktaran. Hindi ito ang rurok ng piramide tulad ng hirarkikal at militaristang pananaw ng rebolusyonaryong organisasyon. Ang organisasyon ay hindi binuo ng isang sentral na orgando at pandagdag ang mga militante, kundi isang mahigpit, nagkakaisang network kung saan ang lahat ng mga bahagi ay nagsasanib at nagtutulungan. Dapat tingnan ang sentral na organo bilang nukleyus ng selula na nagkokoordina sa metabolismo ng isang organikong entidad" (“Report on the structure and functioning of the revolutionary organisation”, Point 5).
Ang papel ng mga seksyon
Ang istruktura ng organisasyon ng kaliwa ay hirarkikal. Mula sa pambansang liderato tungo sa mga rehiyunal na organisasyon, sila ay hinati sa mga ‘prente’ (manggagawa, propesyunal, intelektwal, atbp), at sa ilalim nila, ang mga selula. Itong porma ng organisasyon ay minana mula sa Stalinismo kung saan sa 1924 ay nagpataw ng bantog na "Bolshebisasyon" sa ilalim ng palusot na “tumungo sa uring manggagawa".
Itong demagohiya ay maskara para tanggalin ang mga istruktura ng mga organisasyon ng manggagawa na nakabatay sa mga lokal na seksyon kung saan lahat ng mga militante sa lungsod ay magpupulong para bigyan ang sarili ng pandaigdigang mga tungkulin at pandaigdigang pananaw. Salungat dito, sa istrukturang "Bolshebisasyon" hinati-hati ang mga militante sa bawat pabrika o empresa, ayon sa trabaho o panlipunang sektor... Ang mga tungkulin nila ay purong kagyat, korporatista at nakulong sa butas kung saan tanging kagyat, partikular at lokal na mga problema ang inaatupag. Sinarado ang maabot-tanaw ng mga militante at sa halip, ang istoriko, internasyunal at teoretikal na bisyon ay tinagpas sa pagiging kagyat, korporatista, lokalista at purong pragmatiko. Ito ay mayor na pagpapahirap at na-manipula ng liderato ang mga bagay para sa kanyang kaginhawaan at, kaya pumailalim sa interes ng pambansang kapital habang minaskarahan ito ng isang popular at maka-manggagawang demagohiya.
Ang resulta ng bantog na "Bolshebisasyon", ay sa realidad atomisasyon ng mga militante sa loob ng mga maralitang pagawaan, na napakahusay na isinalarawan ni Ciliga: "Ang mga tao na nakasalamuha ko doon - mga permanenteng kasabwat ng Comintern - parang anyo ng kakitiran ng institusyon mismo at pagiging abo ng gusali na nagpatuloy sa kanila. Wala silang lawak ni lalim ng pananaw at walang independyenteng pag-iisip. Naghintay ako ng mga higante at ang nakasalubong ko ay mga dwende. Umaasa ako na matuto mula sa mga tunay na maestro at ang nakita ko ay mga utusan. Sapat na ang dumalo sa iilang pulong ng partido para makita na ang diskusyon ng mga ideya ay ganap na segundaryo ang papel sa pakikibaka. Ang may pangunahing papel ay mga banta, intimidasyon at teror".
Para mas palakasin pa ang pagkabukod at pagkabaog sa teorya ng mga militante, nagtalaga ang ‘komite sentral’ ng buong network ng mga ‘pampulitikang opisyal’ na istriktong sinusunod ang kanyang disiplina at responsable para maging daluyan ng utos mula sa liderato.
Ang istruktura ng isang rebolusyonaryonaryong organisasyon ay kailangang radikal na iba dito. Ang pangunahing tungkulin ng mga seksyon ay pag-aralan at pumusisyon sa mga usapin ng organisasyon sa kabuuan, kabilang na ang pagsusuri sa istorikal na sitwasyon at pag-aaral sa pangkalahatang teoretikal na mga tema na kailangan. Syempre, hindi nito isinisantabi, kundi nagbigay kongkretisasyon sa mga lokal na aktibidad at interbensyon, sa pahayagan at diskusyon sa mga kasama o interesadong mga grupo. Subalit, ang mga seksyon ay kailangang “regular na maglunsad ng pulong at ilagay sa agenda ang pangunahing mga usapin na pinagdebatihan ng buong organisasyon: hindi ito dapat sugpuin sa anumang paraan" (idem). At kasabay nito, ang "pinakamalawak na posibleng sirkulasyon ng ibat-ibang kontribusyon sa loob ng organisasyon ayon sa tamang proseso". Ang internal na pahayagan ang paraan para daluyan ng debate at diskusyon sa lahat ng mga seksyon.
C. Mir, 16 January, 2018
1. The Third International After Lenin
2. Ante Ciliga, The Russian Enigma
3. "Report on the Structure and Functioning of Revolutionary Organisations" (January 82) point 3. https://en.internationalism.org/specialtexts/IR033_functioning.htm
4. Para sa analisis paanong nahulog sa bitag ang Partidong Bolshevik sa ganitong oportunistang kamalian at paano, sa pamamagitan ng debate ay nagtagumpay ito na ituwid ang pagkakamali, tingnan "The April Theses of 1917: signpost to the proletarian revolution", 1997, https://en.internationalism.org/international-review/199704/2088/april-t... [3]. At basahin rin ang mga tsapter na tumatalakay sa panahong ito sa sinulat ni Trotsky na History of the Russian Revolution.
5. "Report on the Structure and Functioning of Revolutionary Organisations", Point 6.