Ulat sa imperyalistang tunggalian (Hunyo 2018)

Printer-friendly version

Inilathala namin dito ang ulat sa imperyalistang sitwasyon na pinagtibay ng sentral na organo ng ICC sa pulong noong Hunyo 2018. mula noon, ang mga kaganapan sa pagbisita ni Tump sa Uropa ay napakalinaw na kinumpirma ang mga pangunahing ideya sa ulat, sa partikular ang ideya na ang Amerika ang pangunahing propagandista ng tendensyang “bawat isa para sa kanyang sarili” sa pandaigdigang saklaw, sa punto na sinira mismo nito ang mga instrumento ng kanyang sariling “pandaigdigang kaayusan” (tingnan ang aming artikulong “Trump in Europe”).

Ang pangunahing oryentasyon ng Nobyembre 2017 ulat sa imperyalistang tunggalian ay nagbigay sa atin ng esensyal na balangkas para maunawaan ang kasalukuyang kaganapan:

  • Ang pagkabuwag ng dalawang bloke panahon ng Cold War ay hindi nagkahulugan na naglaho na ang imperyalismo at militarismo. Bagamat ang muling pagbuop ng bagong mga bloke at paglitaw ng panibagong Cold War ay wala sa agenda, sumabog ang mga tunggalian sa buong mundo. Ang paglala ng dekomposisyon (pagkabulok) ay nagtulak sa madugo at magulong pagragasa ng imperyalismo at militarismo;
  • Ang paglakas ng tendensya ng bawat isa para sa kanyang sarili ay nagtulak sa mga segundaryo at tersyaryong imperyalistang kapangyarihan na palakasin ang kanilang imperyalistang ambisyon, kabilang na ang lumalaking paghina ng dominanteng posisyon ng Amerika sa mundo;
  • Ang kasalukuyang sitwasyon ay may katangian ng imperyalistang tunggalian sa lahat ng bahagi ng mundo at kaguluhan na halos hindi na makontrol; subalit higit sa lahat, sa kanyang mataas na irasyunalidad at pabago-bagong katangian, na may kaugnayan sa epekto ng populistang presyur, sa partikular na katotohanan na ang pinakamalakas na kapangyarihan ay pinamunuan ngayon ng isang populistang presidente na madaling magalit.

Sa kasalukuyang yugto, ang kahalagahan ng populismo ay mas lalupang naging kongkreto, pinalala ang tendensyang “bawat isa para sa kanyang sarili” at lumalaking pabago-bagong imperyalistang tunggalian;

  • Ang hindi pagsunod sa internasyunal na mga kasunduan, sa supra-nasyunal na istruktura (sa partikular ang EU), sa anumang pandaigdigang pakikitungo, ay lalupang nagpagulo sa imperyalistang tunggalian at nagpatingkad sa peligro ng kumprontasyong militar sa pagitan ng mga imperyalistang pating (Iran at Gitnang Silangan, Hilagang Korea at Malayong Silangan).
  • Ang pagtakwil sa tradisyunal na pandaigdigang pampulitikang elitista sa maraming mga bansa ay sinabayan ng pagpapalakas ng agresibong makabayang retorika sa buong mundo (hindi lang sa islogang “Una ang Amerika” ni Trump sa Amerika at sa Uropa kundi sa Turkey o Rusya rin).

Itong mga pangkalahatang katangian ng kasalukuyang sitwasyon ay makikita sa kanilang kongkretisasyon sa partikular ng mga serye ng signipikanteng tendensya.

1) Polisiya ng imperyalistang Amerika: mula sa pandaigdigang pulis ay naging pangunahing propagandista ng bawat isa para sa kanyang sarili

Ang ebolusyon ng imperyalistang patakaran ng Amerika sa loob ng mahigit tatlumpung taon ang isa sa pinaka-signipikanteng penomena ng yugto ng dekomposisyon (pagkabulok): matapos mangako ng bagong yugto ng kapayapaan at kasaganaan (Bush Senior) ng nawasak ang blokeng Sobyet, matapos nito ay nagsumikap na labanan ang tendensya tungo sa bawat isa para sa kanyang sarili, ay naging nangungunang propagandista na ng tendensyang ito sa buong mundo. Ang dating lider ng bloke at tanging natirang mayor na imperyalistang superpower matapos mabuwag ang bloke sa Silangan, na sa loob ng 25 na taon ay naging pulis ng mundo, laban sa pagkalat ng bawat isa para sa kanyang sarili sa imperyalistang antas, ay ngayon tinatakwil na ang mga internasyunal na negosasyon at pandaigdigang kasunduan pabor sa polisiyang "bilateralismo".

Isang napagkasunduang prinsipyo, sa layuning mapangingibawan ang kaguluhan sa internasyunal na relasyon, ay masuma sa Latin na pangungusap: "pacta sunt servanda" - mga tratado, kasunduan, ay kailangang respetuhin. Kung pirmahan ang isang pandaigdigang kasunduan - o isa multilateral - dapat itong respetuhin, kahit man lang pakitang-tao. Pero binalewala ito ng Amerika sa ilalim ni Trump: “Pipirma ako ng tratado, pero pwede ko itong balewalain kinabukasan”. Nangyari na ito sa Trans-Pacific Pact (TPP), sa kasunduan sa Paris sa pagbabago ng klima, sa tratadong nuleyar sa Iran, sa pinal na kasunduan ng pulong ng G7 sa Québec. Itinakwil ngayon ng Amerika ang mga internasyunal na kasunduan pabor sa negosasyon sa pagitan ng mga estado, kung saan ang burgesyang Amerikano ay tahasang ipinilit ang kanyang interes sa pamamagitan ng pambabraso sa larangang ekonomiko, pulitikal at militar (makikita natin ito halimbawa sa Canada bago at pagkatapos ng G7 hinggil sa NAFTA o sa bantang gantihan ang mga kompanya sa Uropa na namuhunan sa Iran). Malaki at hindi masukat ang epekto nito sa paglala ng imperyalistang tunggalian at kumprontasyon (subalit sa ekonomiyang sitwasyon rin ng mundo) sa hinaharap. Ilarawan namin ito sa tatlong “nagliliyab na lugar” sa imperyalistang kumprontasyon sa kasalukuyan:

  • (1) Ang Gitnang Silangan: sa pagkondena sa kasunduang nukleyar sa Iran, hindi lang salungat ang Amerika sa Tsina at Rusya kundi pati na rin sa EU at maging sa Britanya. Ang tila kakatuwang alyansa ng Israel at Saudi Arabia ay tumungo sa panibagong pagsasaayos ng mga pwersa sa Gitnang Silangan (lumalaking paglalapitan sapagitan ng Turkey, Iran at Rusya) at pinalaki ang peligro ng pangkalahatang de-istabilisasyon sa rehiyon, sa mas maraming kumprontasyon sa pagitan ng pangunahing mga pating, at mas malawak na madugong mga digmaan.
  • (2) Ang relasyon sa Rusya: ano ang posisyon ng Amerika kay Putin? Dahil sa istorikal na kadahilanan (epekto ng panahon ng “Cold War” at the Russiagate na nagsimula noong huling eleksyong presidensyal), may malakas na pwersa sa burgesyang Amerikano na nagtutulak para sa mas malakas na kumprontasyon sa Rusya, pero ang administrasyong Trump, sa kabila ng imperyalistang kumprontasyon sa Gitnang Silangant, ay nanatiling hindi itinakwil ang pagpapaunlad ng kooperasyon sa Rusya: halimbawa noong huling G7, nagmukahi si Trump sa re-integrasyon ng Rusya sa Porum ng mga Bansang Industriyal.
  • (3) Sa Malayong Silangan: ang pabago-bagong kasunduan ay masyadong nakaapekto partikular sa negosasyon sa Hilagang Korea: (a) ano ang implikasyon sa kasunduan sa pagitan ni Trump at Kim, kung hindi direktang kasali ang Tsina, Rusya, Hapon at Timog Korea sa negosasyon sa kasunduang ito? Nalaman ito ng mundo ng sinabi ni Trump sa Singapore na nakadismaya sa kanyang mga “alyado” sa Asya na nangako siya na itigil ang magkasamang pagsasanay militar  sa Timog Korea (b) kung anumang kasunduan ay maaring itakwil ng Amerika anumang oras, paano magtiwala si Kim dito? (k) sa kontekstong ito ganap bang aasa ang Hilaga at Timog Korea sa kanilang “natural na alyado” [M1] at nag-iisip ba sila ng alternatibang estratehiya?

Kahit ang patakarang ito ay nagkahulugan ng paglaki ng kaguluhan at bawat isa para sa kanyang sarili, at sa huli mas lalupang pagbaba ng pandaigdigang posisyon ng nangungunang kapangyarihan sa mundo, walang kongkreto na alternatibang paraan sa Amerika. Matapos ang isang taon at kalahati sa imbestigasyon ni Mueller at iba pang pangigipit laban kay Trump, malabong mapatalsik si Trump sa kanyang posisyon, isa sa mga rason ay dahil walang alternatibang nakikita. Patuloy ang masamang kalagayan sa loob ng burgesyang Amerikano.

2) Tsina: patakaran na umiiwas sa sobrang kumprontasyon

Napakalinaw ng kontradiksyon. Habang tinuligsa ni Trump ang globalisasyon at bumalik sa mga kasunduang "bilateral", nagpahayag naman ang Tsina ng isang napakalaking pandaigdigang proyekto, ang “New Silk Road”, na suportado ng 65 na mga bansa sa tatlong kontinente, na kumakatawan sa 60% ng pandaigdigang populasyon at isang-katlo (1/3) ng GDP ng mundo, na may puhunan sa susunod na 30 taon (2050!) na aabot sa 1.2 trillion dolyar.

Mula ng kanyang muling paglitaw, na sistematikong planado, matagalang paraan, nagmo-modernisa ang Tsina ng kanyang hukbo, nagtayo ng “string of pearls” – na sinimulan sa okupasyon ng Coral Reefs sa South China Sea at mala-kadenang mga base militar sa Indian Ocean. Subalit sa ngayon, walang plano ang Tsina ng direktang kumprontasyon sa Amerika; kabaliktaran, plano nito na maging pinaka-makapangyarihang ekonomiya sa 2050 at naglalayong paunlarin ang ugnayan sa buong mundo habang umiiwas sa direktang banggaan. Pangmatagalan ang polisiya ng Tsina, kabaliktaran sa maiksing mga kasunduan na ginagawa ni Trump. Layunin nito na palawakin ang kanyang industriyal, teknolohikal at, higit sa lahat, militar na kakayahan at kapangyarihan. Sa antas na ito, malaki pa rin ang lamang ng Amerika sa Tsina.

Halos sabay sa panahon ng bigong G7 summit sa Canada (9-10.6.18), nag-organisa ang Tsina, sa Quingdao ng isang kumperensya ng Shanghai Cooperation Organisation katulong ang mga presidente ng Rusya (Putin), India (Modi), Iran (Rohani), at mga lider ng Belarus, Uzbekistan, Pakistan, Afghanistan, Tajikistan and Kirgizia (20% ng pandaigdigang kalakalan, 40% ng populasyon ng mundo). Ang kasalukuyang konsentrasyon ng Tsina ay ang Silk Road project - ang layunin ay palawakin ang kanyang impluwensya. Ito ay pangmatagalang proyekto at ang direktang kumprontasyon sa Amerika ay makasira sa mga planong ito.

Sa ganitong perspektiba, gagamitin ng Tsina ang kanyang impluwensya para itulak ang isang kasunduan tungo sa nyutralisasyon ng mga armas nukleyar sa rehiyon ng Korea (kasama na ang mga armas ng Amerika), na - sakaling tanggapin ito ng Amerika – ay magtulak sa mga pwersang Amerika sa Hapon at mabawasan ang kagyat na banta sa Hilagang Tsina.

Subalit, ang ambisyon ng Tsina ay hindi maiwasang tutungo sa kumprontasyon sa imperyalistang mga layunin hindi lang ng Amerika kundi maging sa ibang kapangyarihan tulad ng India o Rusya:

  • Hindi maiwasang kumprontasyon sa India, isa pang malaking kapangyarihan sa Asya. Pareho sila na nagsimulang malakihang pinalalakas ang kanilang mga hukbo at naghahanda sa matinding tensyon sa hindi gaanong malayong hinaharap;
  • Sa ganitong perspektiba nasa mahirap na sitwasyon ang Rusya: ang parehong mga bansa ay nagtutulungan pero sa matagalan ang patakaran ng Tsina ay tutungo sa kumprontasyon sa Rusya. Nitong nagdaang mga taon ay lumalakas ang Rusya sa antas militar at imperyalista, pero hindi pa napangibabawan ang kanyang pagiging atrasado sa ekonomiya, kabaliktaran: sa 2017, ang GDP (Gross Domestic Product) sa Rusya ay 10% lang na mas mataas sa GDP ng Benelux!
  • Sa huli, posibleng ang ekonomikong panggigipit at probokasyong militar at militar ni Trump ay mapwersa ang Tsina na direktang harapin ang Amerika sa malapit na hinaharap.

3) Ang paglitaw ng malalakas na mga lider at paladigma na retorika

Ang paglala ng tendensyang bawat isa para sa kanyang sarili sa imperyalistang antas at ang lumalaking kompetisyon sa pagitan ng mga imperyalistang pating ang nagpalitaw ng isa pang signipikanteng penomenon sa yugto ng pagkabulok: ang pag-upo sa kapangyarihan ng mga "malakas na lider" na may radikal na lenggwahe, at agresibo, makabayang retorika.

Ang pag-upo sa kapangyarihan ng isang "malakas na lider" at radikal na retorika hinggil sa pagtatanggol ng pambansang identidad (kadalasan ay kombinasyon ng mga panlipunang programa pabor sa pamilya, mga bata, retirado) ay tipikal sa mga populistang rehimen (Trump, syempre, pero ganun din si Salvini ng Italya, Orbán ng Hungary, Kaczynski ng Poland, Babiš ng Czech Republic, …) subalit ito rin ang pangkalahatang tendensya sa buong mundo, hindi lang sa pinakamalakas na kapangyarihan (Putin ng Rusya) kundi sa segundaryong mga imperyalistang bansa rin tulad ng Turkey (Erdogan), Iran, Saudi-Arabia (sa “malambot na kudeta” ng crown prince Mohammed Ben Salman). Sa Tsina, ang limitasyon ng presidente sa dalawang limang taong yugto ay binurta sa konstitusyon, para madeklara ni Xi Jinping ang kanyang sarili bilang isang “lider hambambuhay", ang bagong emperador ng Tsina (bilang presidente, pangulo ng partido at sentral na komisyong militar, na hindi nnangyari mula noong panahon ni Deng Xiaoping). "Demokratikong" mga islogan o pananatili ng demokratikong maskara (karapatang-pantao) ay hindi na ang dominanteng talumpati (na pinakita sa pag-uusap sa pagitan nila Donald at Kim), hindi katulad noong panahon ng pagbagsak ng blokeng Sobyet at pagpasok ng 21 siglo. Nagbigay daan sila sa kombinasyon ng napaka agresibong pananalita at pragmatikong imperyalistang kasunduan.

Ang pinakamalakas na halimbawa ay ang krisis sa Korean. Parehong gumagamit sila Trump at Kim ng malakas na panggigipit militar (sa punto na nagbanta ng isang kumprontasyong militar) at napaka agresibong lenggwahe bago ang pulong sa Singapore para makipagtawaran. Nag-alok si Trump ng malaking ekonomiko at pulitikal na pabor (modelong Burmese) na ang layunin ay kabigin si Kim sa kampo ng Amerika. Hindi ito ganap na imposible dahil sa hindi tiyak na relasyon ng Hilagang Korea sa at maging kawalan ng tiwala sa Tsina. Subalit, ang pagbanggit sa Libya bilang sanggunian ng mga opisyales ng Amerika (National Security Adviser John Bolton) – maaring ang kahinatnan ng Hilagang Korea ay matulad sa Libya, ng si Gaddafi ay hinimok na iwanan ang kanyang mga armas, at pagkatapos ay pwersahang pinatalsik at pinatay– ay nagbigay duda sa Hilagang Korea sa alok ng Amerika.

Ang ganitong pampulitikang estratehiya ay mas pangkalahatang tendensya sa kasalukuyang imperyalistang kumprontasyon, na makikita sa agresibong tweet ni Trump laban sa Primero Ministro ng Canada na si Trudeau, “isang peke at mahinang lider” dahil tumanggi ito sa mas mataas na buhis sa pag-angkat na patakaran ng Amerika. Nandyan rin ang brutal na ultimatum ng Saudi Arabia laban sa Qatar, na inakusahan ng “sentrismo” na pakikitungo sa Iran, o ang paladigma na mga pahayag ni Erdogan laban sa Kanluran at NATO hinggil sa Kurds. Sa huli,, banggitin namin ang napaka agresibong “State of the Union” na talumpati ni Putin, na presentasyon ng pinaka sopistikadong mga armas ng Rusya na may mensaheng: “Dapat seryosohin ninyo kami”!

Ang ganitong mga tendensya ay nagpapalakas sa pangkalahatang katangian ng kasalukuyang yugto, tulad ng intensipikasyon ng militarisasyon (sa kabila ng mabigat na pang-ekonomiyang epekto dulot nito) hindi lang sa hanay ng tatlong pinakamalaking imperyalistang , kundi isa na ring pandaigdigang tunguhin at sa konteksto ng pabago-bagong imperyalistang sitwasyon sa mundo at sa Uropa. Sa ganitong konteksto ng agresibong polisiya, ang banta ng limitadong bomba nukleyar ay talagang isa ng realdiad, dahil maraming mga pabago-bagong elemento sa mga tunggalian na nakapalibot sa Hilagang Korea at Iran.

4) Ang tendensya tungong pagkawatak-watak ng EU

Lahat ng mga tunguhin sa Uropa nitong mga nagdaan – Brexit, paglakas ng mahalagang populistang partido sa Alemanya (AfD), pag-upo sa kapangyarihan ng mga populista sa Silangang Uropa, kung saan karamihan sa mga bansa ay pinamunuan ng mga populistang pamahalaan, ay pinatingkad ng dalawang mayor na kaganapan:

  • Pagbuo ng isang 100% na populistang gobyerno sa Italya (binuo ng kilusang 5 Stars at ng Lega), na tutungo sa direktang kumprontasyon sa pagitan ng mga “burukrata mula sa Brussels” (ang EU), ang “kampyon” ng globalisasyon (suportado ng Eurogroup) at merkadong finansyal sa isang banda, at sa kabilang banda ng “prente populista” ng mamamayan;
  • Ang pagbagsak ni Rajoy at ng Partido Popular sa Espanya at ang nalalapit na pag-upo sa kapangyarihan ng Sosyalistang Partido na isang minoriyang gobyerno at suportado ng mga makabayan sa Catalan at Basque at ng Podemos, na nagpatingkad sa sentripugal na tunggalian sa loob ng Espanya at sa Uropa.

Malaki ang epekto nito sa pagkakaisa ng EU, sa istabilidad ng Euro, at impluwensya ng mga bansa sa Uropa sa imperyalistang entablado.

  • (a) Hindi handa ang EU at sa kalakhan walang magawa para tutulan ang patakaran ni Trump na embargo ng Amerika sa Iran: sumunod na ang mga multinational sa Uropa sa dikta ng Amerika (Total, Lafarge). Totoo ito dahil ibat-ibang mga bansa sa Uropa (Austria, Hungary, ang Czech Republic at Romania ay may mga kinatawan sa inagurasyon ng Embahada ng Amerika sa Jerusalem, laban sa opisyal na polisya ng EU) ay suportado ang populistang gawain at patakaran ni Trump sa Gitnang Silangan. Hinggil sa pagtaas ng buhis sa pag-angkat, malayong magkaroon ng kasunduan sa loob ng EU na sistematikong tugunan ang mas mataas na taripa sa pag-angkat na ipinataw ni Trump.
  • (b) Ang proyektong militar sa Uropa ay sa kalakhan nanatiling haka-haka  dahil dumarami ang mga bansa, sa tulak ng mga populistang nasa kapangyarihan o presyur sa gobyerno, ang ayaw sumunod sa Franco-German axis. Sa kabilang banda, habang ang pampulitikang liderato ng EU ay binuo ng Franco-German axis, tradisyunal naman na pinaunlad ng Pransya ang kanyang teknolohikal-militar na kooperasyon sa Britanya, na aalis na sa EU.
  • (c) Ang mga tunggalian sa pagtanggap ng mga bakwit ay hindi lang pinaglalaban ang koalisyon ng mga populistang gobyerno sa Silangang Uropa sa Kanlurang Uropa, kundi lumalaki na rin ang hidwaan sa pagitan ng Kanluraning mga bansa, na pinakita sa malakas na tensyon sa pagitan ng Pransya ni Macron at sa populistang gobyerno sa Italya, habang lumalaki naman ang dibisyon sa loob ng Alemanya sa usaping ito (presyur mula sa CSU).
  • (d) Ang ekonomiko at pulitikal na kahalagahan ng Italya (ang ikatlong ekonomiya sa EU) ay dapat isaalang-alang, hindi maikumpara sa kahalagahan ng Gresya. Ilan sa plano ng populistang gobyerno ng Italya,  ay bawasan ang buhis at magkaroon ng batayang sahod, na nagkahalaga ng mahigit sa isang daang bilyong euro. Kasabay nito, kabilang sa programa ng gobyerno ay hilingin sa European Central Bank na palagpasin ang isang bilyong euro na utang ng Italya!
  • (e) Sa antas ng ekonomiya pero imperyalista rin, tinutulak na ng Gresya ang ideya na makiusap sa Tsina na suportahan ang mahina nitong ekonomiya. Muli, plano rin ng Italya na manawagan sa Tsina o Rusya na suportahan at tustusan ang pagbangon ng ekonomiya. Ang naturang oryentasyon ay may mayor na epekto sa imperyalistang antas. Tinututulan na ng Italya ang patuloy na embargo ng EU laban sa Rusya matapos sakupin ang Crimea.

Lahat ng mga ganitong oryentasyon ay lalupang nagpalala sa krisis sa loob ng EU at sa tendensya ng pagkawatak-watak. Sa huli ay maapektohan nito ang polisiya ng Alemanya bilang pinaka-impluwensyadong bansa sa EU, habang panloob na nahati ito (presyur ng AfD at CSU), naharap sa pampulitikang oposisyon ng mga populistang lider sa Silangang Uropa, ekonomikong oposisyon sa mga bansa ng Mediterranean (Italya, Gresya, ...), at away sa Turkey, habang direktang pinupuntirya ng buhis sa taripa ni Trump. Ang lumalaking pagkawatak-watak ng Uropa dahil sa mga hambalos ng populismo at sa polisiyang “Una ang Amerika” ay isang malaking problema sa polisiya ng Pransya, dahil ang mga tendensyang ito ay ganap na salunga sa programa ni Macron, na sa esensya ay nakabatay sa pagpapalakas ng Uropa at ganap na asimilasyon ng globalisasyon.

ICC, Hunyo 2018

[M1] Sino siya?

Rubric: 

Imperyalistang Tunggalian