Sulat para sa aming mga mambabasa: Inatake ang IKT ng isang bagong ahensya ng burges na estado

Printer-friendly version

Bilang ekspresyon ng mahigpit na pagkondena ng Internasyonalismo (seksyon ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin sa Pilipinas) sa pinakahuling pang-aatake ng mga ahensya ng burges na estado sa aming organisasyon na may layuning maghasik ng panghihinala at kawalang tiwala sa loob ng aming organisasyon, ay isinalin namin sa Filipino ang “Communique to our readers: The ICC under attack from a new agency of the bourgeois state” na nasa link na ito: https://en.internationalism.org/icconline/201405/9742/communique-our-rea...

Sa harap ng mga atake ng mga kaaway sa uri mula sa labas at loob, mas lumalaki ang pangangailangan ng pagkakaisa ng mga komunistang elemento at organisasyon laban sa mga atakeng ito.

Internasyonalismo

Mayo 17, 2014


----------------------------------------------

Sulat para sa aming mga mambabasa: Inatake ang IKT ng isang bagong ahensya ng burges na estado

Noong Oktubre 2013, iniluwal ang isang bagong ‘pampulitikang grupo’ at bininyagan ang sarili ng isang mapagkunwaring pangalan na ‘International Group of the Communist Left’ (IGCL). Wala masyadong sinabi ang grupong ito sa kanyang sarili: ang totoo ito ay pinagsanib ng dalawang elemento ng grupong Klasbatalo ng Montreal at mga elemento ng tinawag na ‘Internal na Praksyon’ ng IKT (IFICC), na pinatalsik ng IKT noong 2003 dahil sa aktitud na salungat sa pagiging isang komunistang militante: kabilang na ang pagnanakaw, paninirang-puri, at pambabraso. Ang mga elementong ito ay sadyang may aktitud ng isang espiya, sa partikular ang paglathala, sa internet, sa petsa ng kumperensya ng aming seksyon sa Mexico bago pa ang naturang petsa at paglathala sa tunay na inisyal ng pangalan ng isa sa aming mga kasama, na sinasabi nilang ‘lider ng IKT’. Sa mga mambabasa na hindi alam ito, pakibasa ang mga artikulo na inilathala sa aming pahayagan noong panahong iyon1.

Sa isa sa mga artikulong ito, ‘Ang ala-pulisya na pamamaraan ng IFICC’, malinaw na inilantad namin na ang mga elementong ito ay libreng nagbigay ng kanilang serbisyo at katapatan sa burges na estado. Malaking bahagi ng kanilang panahon ay inilaan nila para manmanan ang website ng IKT, nagtangkang makakuha ng impormasyon sa lahat ng kaganapan sa loob ng aming organisasyon, nagpakawala ng nakakasukang tsismis (laluna tungkol sa mag-asawang Louise at Peter, dalawang militante ng IKT, na lubha nilang pinag-iinitan at malugod nilang minanmanan sa loob ng mahigit 10 taon!). Matapos lumabas ang artikulong ito ay agad nilang inilabas ang 114 pahinang dokumento mula sa mga pulong ng aming internasyunal na sentral na organo para diumano patunayan na totoo ang kanilang mga akusasyon laban sa IKT. Ang tunay na pinakita ng dokumentong ito ay may sakit sa utak ang mga taong ito, lubusan na silang nabulagan ng kanilang galit sa aming organisasyon, at mulat silang nagbibigay ng impormasyon sa pulisya na nakakatulong ng malaki sa gawain ng huli.

Matapos isinilang ang maling pangalan na ‘Internasyunalistang Grupo ng Kaliwang Komunista’, ang kanyang unang pag-iyak ay isang isterikal na propaganda laban sa IKT, na makita natin sa pamagat ng pahina ng kanilang website: ‘Bagong (pinal?) internal na krisis ng IKT!’, na sinamahan ng ‘Panawagan sa proletaryong kampo at sa mga militante ng IKT’.

Sa loob ng ilang araw, itong ‘internasyunal na grupo’ na binuo ng apat na indibidwal ay nagkukumahog sa pagpapadala ng mga sulat sa buong ‘proletaryong kampo’, kabilang na ang aming mga kasama at ilan sa aming mga simpatisador (na may hawak silang mga address) para iligtas sila mula sa mga kuko ng diumano 'likidasyunistang paksyon’ (isang klan nila Louise, Peter at Baruch).

Ang mga pundador ng bagong grupong ito, ang dalawang impormante ng dating IFICC, ay nagsagawa ng kahiya-hiyang hakbang katulad ng pamamaraan ng pulisya na naglalayong wasakin ang IKT. Nagpatonog ng batingaw ang tinatawag na IGCL at malakas na sumisigaw na hawak nila ang mga internal na buletin ng IKT. Sa pagpapakita ng kanilang tropeyo sa digmaan at panraraket, malinaw ang mensahe ng mga impormanteng ito: may ‘espiya’ sa loob ng IKT na nakipagkutsabahan sa dating IFICC! Malinaw na gawain ito ng pulisya na walang ibang layunin kundi maghasik ng pangkalahatang panghihinala, panggugulo at paninira sa aming organisasyon. Kahalintulad ito sa ginawa ng GPU, ang pampulitikang pulisya ni Stalin, para wasakin ang Trotskyistang kilusan mula sa loob noong 1930s. Ganito rin ang ginawa ng mga membro ng dating IFICC (partikular ang dalawa sa kanila, Juan at Jonas, pundador ng IGCL) ng nagsagawa sila ng espesyal na byahe sa maraming mga seksyon ng IKT para mag-organisa ng sekretong mga pulong at magkalat ng tsismis na isa sa aming mga kasama (ang “asawa ng pangulo ng IKT”, sabi nila) ay isang “pulis”. Sa kasalukuyan, ganito pa rin ang paraan sa pagtatangkang maghasik ng kaguluhan at durugin ang IKT mula sa loob, pero mas kalunus-lunos: sa ilalim ng ipokritong palusot na “tulungan” ang mga militante ng IKT at iligtas sila mula sa “demoralisasyon”, itong mga propesyunal na manggagantso ay talagang sinabi sa lahat ng mga militante ng IKT: “mayroong isang (o marami) traydor sa inyong hanay na nagbigay sa amin ng inyong internal na mga buletin, pero hindi namin ibigay sa inyo ang kanilang mga pangalan, kayo na ang maghanap sino sila!”. Ito ang teribleng layunin ng lahat ng mga ahitasyon ng bagong ‘internasyunal na grupo’: muling maglako ng lason ng paghihinala at kawalang tiwala sa loob ng IKT para mapahina ito mula sa loob. Ito ang tunay na paninira na kasing imoral katulad ng paraan ng pampulitikang pulisya ni Stalin o ng Stasi.

Maraming beses naming sinulat sa aming pahayagan ang sinabi ni Victor Serge, sa kanyang bantog na libro na ginawang sanggunian ng kilusang manggagawa, Ano ang dapat malaman ng bawat rebolusyonaryo hinggil sa panunupil, malinaw na ang paghasik ng panghihinala at paninirang-puri ay paboritong sandata ng burges na estado para sirain ang mga rebolusyonaryong organisasyon:

ang tiwala sa partido ang matibay na pundasyon ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa....ang mga kaaway ng aksyon, mga duwag, mga nagtatago, mga oportunista, ay masayang iniipon ang kanilang armas – sa mga kanal! Panghihinala at paninirang-puri ang kanilang mga armas para siraan ang mga rebolusyonaryo...Itong dimonyo ng panghihinala at kawalang tiwala sa ating hanay ay mabawasan at mapigilan lamang sa pamamagitan ng malakas na determinasyon. Kailangan, bilang kondisyon ng anumang tunay na pakikibaka laban sa probokasyon – at akusasyon ng paninirang-puri sa kasapian – na anumang akusasyon laban sa sinumang rebolusyonaryo ay imposibleng tanggapin kung walang imbestigasyon. Kung may paghinala, kailangang itayo ang isang komite ng mga kasama at ang alituntunin ng akusasyon o ng paninirang-puri. Simpleng mga alituntunin ang susundin habang istrikto sa paninindigan kung nais na ipagtanggol ang moral na kalusugan ng mga rebolusyonaryong organisasyon

Tanging ang IKT bilang rebolusyonaryong organisasyon ang nanatiling tapat sa tradisyon na ito ng kilusang manggagawa sa pamamagitan ng pagtatanggol sa mga prinsipyo ng mga Lupon para sa Karangalan (Juries of Honour) sa harap ng paninirang-puri: tanging mga adbenturista, kahina-hinalang mga elemento at mga duwag ang tutol na linawin ang mga bagay sa harap ng Lupon para sa Karangalan2.

Iginiit din ni Victor Serge na ang mga motibo bakit ilan sa mga rebolusyonaryo ay nagbibigay ng kanilang serbisyo sa mapanupil na mga pwersa ng burges na estado ay hindi laging mula sa materyal na kahirapan o karuwagan:

mas delikado, ang mga walang budhi at adbenturista, na walang anumang pinaniniwalaan, walang pakialam sa ideyal na kanilang pinaglilingkuran, nahumaling sa ideya ng risgo, intriga, sekretong plano, komplikadong laro kung saan maari nilang malinlang ang sinuman. May talento sila, halos hindi mo mapansin ang kanilang papel

At bilang bahagi ng pagkatao ng mga impormante o ahente probokador, makikita, ayon kay Serge, ang mga dating militante na “nasugatan ng partido”. Simpleng nasaktan ang damdamin, personal na sama ng loob (paninibugho, pagkabigo, pagkadismaya...) ay magtulak sa mga militante dahil sa hindi makontrol na galit sa partido (o laban sa ilang militante na tingin nila karibal) at kaya nag-alok ng kanilang serbisyo sa burges na estado.

Ang mga alarma ng ‘Panawagan’ ng ahensya ng burges na estado, ang IGCL, ay walang iba kundi panawagan ng pogrom laban sa ilan sa aming mga kasama (at tinuligsa na namin sa aming pahayagan ang mga banta na ginawa ng isang membro ng dating IFICC na nagsabi sa isa sa aming mga militante, “Ikaw, gigilitan kita ng leeg!”). Hindi aksidente na itong panibagong ‘Panawagan’ ng mga manggagantso ng IFICC ay agad na inilathala ng isa sa kanilang mga kaibigan o kakutsaba, isang Pierre Hempel, sa kanyang blog, ‘Le Proletariat Universel’, kung saan mabasa ang salitang tulad ng “Peter at ang kanyang puta”. Ang sinasabing “puta” ay walang iba kundi ang aming kasama na ginugulo ng mahigit sampung taon ng mga manggagantso at potensyal na mamamatay-tao ng dating IFICC at kanilang mga kakutsaba. Ito mismo ang ‘proletaryong’ literatura na pinaiikot ng ‘Panawagan’ ng ‘IGCL’ para pukawin ang sama ng loob at pamboboso ng tinatawag na ‘proletaryong’ kampo. Nakuha ninyo ang mga kaibigan na nararapat sa inyo.

Pero hindi lang yan. Kung I-klik ninyo ang nota sa ibaba3, ang aming mga mambabasa na tunay na nasa kampo ng kaliwang komunista ay makakuha ng mas tamang ideya kung ano ang pinagmulan ng bagong ‘Internasyunal na Grupo ng Kaliwang Komunista’: sa loob ng maraming taon ito ay sinusuportahan ng isang tendensya sa loob ng burges na estado, ang NPA (ang ‘New Anticapitalist Party’ ni Olivier Besancenot na lumalahok sa eleksyon at regular na iniimbitahn sa TV). Ang tendensya ng NPA ay kadalasan maingay ang publisidad sa IGCL, na inilagay sa unang pahina ng kanilang internet site! Kung ang grupo ng ultra kaliwa ng kapital ay nagsagawa ng malaking publisidad para sa IFICC at sa kanyang bagong balatkayo, ang IGCL, ito ay patunay na kinilala ng burgesya ang isa sa kanyang tapat na lingkod: alam nito na maaasahan sila sa tangkang pagwasak sa IKT. Kaya ang mga manggagansto ng IGCL ay may karapatan na angkinin ang gantimpala mula sa estado (halata na mula sa Interior Minister), dahil nagbigay sila ng malaking serbisyo para dito kaysa iba na nakakuha ng mga medalya mula sa estado.

Iimbistigahan ng IKT ang nasa likod ng pangyayaring ito at ipaalam sa aming mga mambabasa. Posible na napasok kami ng isang (o marami) kanina-hinalang elemento. Hindi ito ang una at mataas ang aming karanasan sa ganitong problema mula pa noong nangyari kay Chenier. Si Chenier ay isang elemento na pinatalsik ng IKT noong 1981 at matapos ang ilang buwan ay opisyal ng naglingkod sa partido Sosyalista na nasa gobyerno noong panahonh iyon. Kung ito ang nangyari, malinaw na ipatupad namin ang aming konstitusyon katulad ng ginagawa namin sa nakaraan.

Pero hindi rin namin isinantabi ang isa pang hipotesis: na isa sa aming mga kompyuter ay na hacked ng pulisya (na nagmanman sa aming pagkilos sa loob ng mahigit 40 taon). At hindi ito imposible na ang pulisya mismo (sa pamamagitan ng pakukunwari na isang ‘espiya’, isang nagtatagong militante ng IKT) ang nagbigay sa IFICC ng aming mga internal na buletin dahil alam nila na itong mga manggagantso (at laluna ang dalawang pundador ng IGCL) ay agad na gamitin ito. Hindi ito nakapagtataka dahil ang mga kowboy ng IFICC (na mas mabilis pang bumaril kaysa kanilang sariling anino) ay ginawa na ito noon, sa 2004, ng umaalembong sila sa ‘nagtatagong’ elemento mula sa isang Stalinistang ahensya ng Argentina, ang ‘Citizen B’ na nagtago sa tinatawag na ‘Circulo de Comunistas Internacionalistas’. Itong hindi umiiral na ‘Circulo’ ay malaki ang naiambag sa paghasik ng nakakasukang kasinungalingan laban sa aming organisasyon, mga kasinungalingan kung saan tapat na tagahatid ang IFICC. Matapos malantad ang mga kasinungalingang ito, naglaho na si ‘Citizen B’, iniwan ang nanghihilakbot na IFICC at nagkagulo.

Sinabi ng IFICC/IGCL na “ang proletaryado ay mas lalupang nangangailangan ng kanyang pampulitikang mga organisasyon para mabigyan ng oryentasyon tungo sa proletaryong rebolusyon. Ang paghina ng IKT ay nagkahulugan ng paghina ng buong proletaryong kampo. At ang paghina ng proletaryong kampo ay nagkahulugan ng paghina ng makauring pakikibaka ng proletatyado”. Ito ang pinaka-kasumpa-sumpang ipokrisiya. Ang mga Stalinistang partido ay nagdeklara sa kanilang sarili na tagapagtanggol ng komunistang rebolusyon pero ang totoo sila ang pinaka-mabagsik na kaaway nito. Walang palalagpasin: anuman ang totoong dahilan – may 'impiltrador' ng IFICC o manipulasyon ng opisyal na mga pwersa ng estado – itong pinakahuling 'kudeta' ng IFICC/IGCL ay malinaw na nagpakita na ang kanyang bokasyon ay hindi pagtatanggol ng mga posisyon ng kaliwang komunista at pagkilos para sa proletaryong rebolusyon kundi para wasakin ang pangunahing organisasyon ng kaliwang komunista sa kasalukuyan. Ito ay ahensya ng pulisya ng kapitalistang estado, ito man ay binayaran o hindi.

Laging pinagtanggol ng IKT ang kanyang sarili laban sa mga atake ng kanyang mga kaaway, laluna sa mga nagnanais wasakin ito sa pamamagitan ng mga kampanya ng kasinungalingan at paninirang-puri. Ito rin ang gagawin namin sa kasalukuyan. Hindi kami magkagulo o matakot sa mga atake ng kaaway sa uri. Lahat ng mga proletaryong organisasyon sa nakaraan ay hinarap ang mga atake ng burges na estado na naglalayong wasakin sila. Matapang na pinagtanggol nila ang kanilang mga sarili at ang mga atakeng ito, sa halip na manghina sila, ay kabaliktaran ang nangyari: tumibay ang kanilang pagkakaisa at pagkakabit-bisig sa pagitan ng mga militante. Ito ang laging nangyayari sa IKT at sa kanyang mga militante sa mga atake at pangingispiya ng IFICC. Kaya, ng malaman ang kasuklam-suklam na panawagan ng IGCL, lahat ng mga seksyon at militante ng IKT ay agad kumilos para ipagtanggol, na may pinakamataas na determinasyon, ang aming organisasyon at ang mga kasama na target ng atake ng nasabing 'Panawagan'.

Internasyunal na Komunistang Tunguhin. 4.5.14


 

Source URL: https://en.internationalism.org/content/9742/communique-our-readers-icc-under-attack-new-agency-bourgeois-state

2 Tingnan sa partikulat ang aming opisyal na pahayag noong 21 Pebrero 2002, Revolutionary organisations struggle against provocation and slander

 

Rubric: 

Paratisismo