Skip to header Skip to main navigation Lumaktaw sa pangunahing nilalaman Skip to footer
englishfrançaisdeutschitalianosvenskaespañoltürkçenederlandsportuguêsΕλληνικά
русскийहिन्दीفارسی한국어日本語filipino中文বাংলাmagyarsuomi
Tahanan
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa!

Pangunahing paglalayag

  • Pakikipag-ugnay
    • Mga Batayang Posisyon
    • Plataporma ng IKT
    • Manipesto - 1991
    • Internasyonalismo - 2000s
    • Internasyonalismo - 2010s
    • Internasyonalismo - 2020s
    • Manipesto Para Sa Rebolusyong Oktubre, Rusya 1917
    • Mga unyon laban sa uring manggagawa
    • Bayan o Uri?
    • Komunistang mga Organisasyon at Makauring Kamulatan
    • Pagbulusok-pababa ng kapitalismo

Ang Usapin ng Karahasan

Breadcrumb

  • Tahanan
  • Internasyonalismo - 2020s
  • Internasyonalismo - 2026

Sa nakalipas na isang buwan, binobomba tayo ng estado at ng mga midyang sunud-sunuran dito ng disimpormasyon, kasinungalingan at pagtatago ng katotohanan upang higit na mabigyang-katwiran ang kanilang patakaran ng panunupil. Walang tigil ang mga talumpati at larawang idinisenyo upang patunayang diumano'y napakasama ng kilusan sa France, na inilalarawan nilang walang iba kundi kaguluhan at pagkawasak. Kaya kinakailangan daw silang kumilos nang may matinding dahas, sa literal at pasalitang paraan, upang matiyak na ang lahat ay mananatili sa kanilang nakatakdang lugar bilang mga pinagsasamantalahan.

Samantala, ang mga estudyante sa unibersidad at sekundarya, sa pamamagitan ng kanilang matitibay na panawagan at seryosong pagninilay, ay humihingi lamang ng disenteng kalagayan sa pag-aaral at marangal na kinabukasan para sa lahat... ngunit ito pa ang tinatawag na "iresponsableng pag-uugali"!

Terorismo ng Estado

Nararanasan natin mismo ang karahasang ito. Sa mga demonstrasyon, sa mga salaysay ng mga saksi, at sa mga bidyong kumakalat sa social media. Ang kamay na naputol. Ang tangkang pagpatay sa pamamagitan ng pagkalunod. Ang pagsakal. Ang orkestrang binomba ng tear gas. Ang mga ulong binasag. Ang mga malulubhang pinsala sa ulo. Ang mga matang nasugatan o tuluyang nabulag. Ang mga nabaling daliri. Ang mga katawang pinagpira-piraso ng mga shrapnel mula sa mga granadang ginagamit sa pagkontrol ng mga tao. Ang mga halos hindi makahinga. Ang mga nawalan ng malay. Ang mga sigaw ng pagkalito. Ang kanilang marurumi at kasuklam-suklam na pang-iinsulto. Ang kanilang pananakot, iligal na pag-aresto, mga sasakyang ipinangsasagasa, at mga probokasyon... lahat ng ito ay parang nakaukit sa bawat isa sa atin. Kaya tayo'y sumisigaw. Sumisigaw sa sakit, nanlalamig sa takot, nagngingitngit sa galit sa harap ng lahat ng karumal-dumal, di-makatarungan at hindi masambit na mga krimeng ito!

At hindi ito nagtatapos sa mga lansangan. Nagpapatuloy ito sa mga presinto at hukuman, kung sa an ang mga kabataan ay gumugugol ng mahabang oras sa kustodiya ng pulisya o sa mga selda, kung minsan sa mga kalagayang nakapangingilabot tulad ng sa hukuman ng Bobigny[1]. Ang nakararami sa kanila ay mga ordinaryong kabataan lamang, na ang tanging "kasalanan" ay ang magkaisa upang igiit ang karapatan sa isang kinabukasan. Sunud-sunod ang mga mabilisang paglilitis, isang paglapastangan sa hustisya, bilang pagsunod sa mga utos ng "katigasan" mula sa isang ministro ng interyor na walang alam na ibang sagot kundi panunupil.

At sa ating isipan, iisang tanong ang bumabalik: bakit? Bakit nararapat tumbasan ng ganitong panunupil ang paghingi ng mga guro? Bakit sapat nang dahilan ang paghingi ng kinabukasan upang sindakin ang mga kabataan at kanilang mga magulang?

Bakit?

– Dahil nasa bingit ng pagkakasadlak ang kapitalismo. Matapos ang mga dekada ng krisis, halos wala nang puwang para makakilos ang estado: bawat euro na inilaan sa mga paaralan, unibersidad o sistemang pangkalusugan ay euro ring mababawas sa pondong kailangan upang mapanatili ang pagiging kompetitibo ng pambansang ekonomiya at tustusan ang digmaan at mga sandata nito. Ang nagsisiksikang mga silid-aralan, mga bakanteng posisyon ng guro at mga unibersidad na pabayaang mabulok ay hindi simpleng pagkakamali sa pamamahala. Mga bunga ang mga ito ng isang sistemang wala nang maiaalok sa kabataan kundi isang kinabukasang puno ng kawalang-katiyakan.

– Dahil patuloy na nagsisikap ang mga estudyante na kontrolin ang sarili nilang mga pangkalahatang asembleya at palawakin ang kilusan tungo sa uring manggagawa. Taglay ng kilusang estudyante ang mga binhi ng mas malalim na repleksyon sa hanay ng uring manggagawa, at hindi ito matanggap ng estado. Kaya upang pigilan ang paglaganap ng ganitong kamulatan at pag-unawa, ginagamit ng burgesya ang buong arsenal nito, na nakasentro sa isang patakaran ng pananakot at teror, mula sa lansangan hanggang sa mga hukuman at umaabot hanggang sa midya.

Kaya mula pa lamang sa mga unang barikada, unang mga demonstrasyon at unang mga okupasyon ng mga unibersidad, agad na nagpakawala ng panunupil ang estado. Gumamit ito ng tear gas at ipinadala ang mga pulis na nakasuot ng kumpletong kagamitang pandigma upang "linisin" ang mga pampublikong lugar. Sa katotohanan, ang nais nilang linisin ay hindi ang mga lansangan kundi ang anumang puwang para sa mapanuring pag-iisip at sama-samang pag-oorganisa. Layunin nilang maghasik ng takot upang pigilan ang mga tao sa paglaban. Layunin nilang hadlangan ang pag-access sa anumang lugar ng pagtitipon upang pigilan ang anumang kolektibong pagninilay. Walang seryosong talakayan o pag-uusap na maaaring umusbong sa mga barikada ng paaralan o sa mga demonstrasyon: kinukordon nila ang lugar, binobomba ng tear gas ang mga tao at hinahambalos sila ng mga baton. Walang puwang para sa mga pangkalahatang asembleya dahil natuto na ang burgesya sa karanasan ng 2006, nang idinaos ng mga estudyante ang kanilang mga asembleya sa loob ng mga lecture hall[2]. Ngayon, isinasara nito ang mga unibersidad at ikinakalat ang mga estudyante sa pamamagitan ng mga paglusob ng CRS.

At kapag hindi sapat ang lahat ng ito, mayroon pang ibang paraan ang estado. Wala bang magbabasag ng bintana? Wala bang maghahagis ng unang bato? Kung gayon, ang pulisya mismo ang magsisimula upang higit na mabigyang-katwiran ang panunupil[3]. Sa kanilang likuran, susunod naman ang mga pinaka-nalilito at pinakamatinik ang desperasyon, yaong mga gustong kumilos "dito at ngayon din", at mauuwi lamang sa walang saysay na pagbubuhos ng galit sa pamamagitan ng pagbabasag o pakikipagsagutan sa pulisya.

At dahil hindi pa rin sapat ang lahat ng propagandang ito upang siraan ang kilusan, sadyang hinayaang mangyari ng estado ang pandarambong noong 17 Oktubre sa pamamagitan ng hindi pagprotekta sa mga tindahan, ng sadyang kakulangan ng pulisya sa mga lansangan, at ng pagpapabaya sa mga mandarambong na kumilos kahit pa laganap na sa social media ang mga panawagang manira at magwasak.

Nihilistikong Karahasan

Maging malinaw tayo: walang mararating ang pagbabasag, pandarambong, panununog at pag-atake sa mga diumano'y simbolikong sentro ng kapangyarihan. Ang ganitong klase ng karahasan ay nagbibigay lamang ng dagdag na katwiran sa panunupil at itinatabing ang tunay na pagninilay na umuusbong sa loob ng kilusan. Sa paligsahan kung sino ang may higit na dahas, laging ang estado ang mananaig. At iyan mismo ang dahilan kung bakit paulit-ulit na ipinapalabas ng midya ang mga larawang ito ng pagkawasak! Upang ipakita ang pagkawasak sa halip na mga panawagan at pagninilay; upang ipakita ang larawan ng isang kabataang diumano'y walang direksiyon sa halip na kabataang nagkakaisa at mapanuri; upang ipakita ang pandarambong sa halip na ang hangaring palawakin ang pakikibaka hanggang sa mga lugar ng trabaho.

"Ang makauring karahasan ng proletaryado ay hindi maaaring maging teror dahil ang dahilan ng pag-iral nito ay ang mismong pagwawakas sa teror... Hindi maaaring gumamit ang proletaryado ng mga pogrom, paglinch, mga paaralan ng tortyur, o mga paglilitis na tulad ng Moscow Trials bilang mga paraan upang maisakatuparan ang sosyalismo. Iniiwan nito ang mga paraang ito sa kapitalismo, sapagkat bahagi ang mga ito ng kapitalismo, angkop sa mga layunin nito at may iisang pangkalahatang pangalan: TEROR. Ni ang terorismo bago ang rebolusyon, ni ang teror pagkatapos ng rebolusyon ay maaaring magsilbing sandata ng proletaryado sa pakikibaka para sa pagpapalaya ng sangkatauhan."[4]

Ang Karahasan ng Ating Uri

Kung gayon, wala na ba tayong magagawa? Yuyuko na lamang ba tayo habang hinihintay ang susunod na hampas ng baton sa ating mga tadyang? Hahayaan na lamang ba nating bugbugin tayo nang walang pagtutol?

Nakatadhana na ba tayong magtiis sa walang katapusang mga ritwal na protesta ng mga unyon?

Hindi kailanman!

"Ang hindi magagaping lakas ng proletaryado ay hindi pangunahing nakasalalay sa pisikal o militar na pwersa, lalo nang hindi sa panunupil. Nasa kakayahan nitong pakilusin ang buong uri at maisama ang nakararami sa mga pinagtatrabahong di-proletaryong uri at saray sa pakikibaka laban sa barbarismo ng kapitalismo. Nakasalalay ito sa pag-unlad ng kamalayan nito at sa kakayahan nitong mag-organisa nang nagkakaisa at malaya, sa katatagan ng mga paninindigan nito at sa sigla ng mga pasya nito."[5]

Gayunman, hindi ito nangangahulugang mga pasipista tayo. Hindi kailanman kusang isusuko ng burgesya ang kapangyarihan nito, at darating ang panahon na kakailanganing harapin ito ng uring manggagawa. Ngunit ang makauring karahasan ng proletaryado ay walang kinalaman sa pagbabasag ng bintana ng tindahan o paghahagis ng bato sa hanay ng mga pulis na panlaban sa riot.

Higit sa lahat, ito ay malawakan at kolektibo. Hindi ito gawain ng isang minoryang kumikilos para sa nakararami, kundi pagpapahayag ng pinagsamang lakas ng buong uri. Ito ay mulat na isinasagawa at pinagpapasyahan ng mga organong binubuo mismo ng pakikibaka, tulad ng mga asembleya at komite. Hindi ito paghihiganti o simpleng pagbubuhos ng galit. Hindi nito layuning hiyain o parusahan ang mga indibidwal, sapagkat hindi mga tao kundi isang sistema ang tinatarget nito: ang kapitalismo.

At higit sa lahat, nananatili itong nakapailalim sa layunin ng pakikibaka: ang mapalawak ang kilusan hangga't maaari upang maitulak ito nang mas malayo sa mga panawagan, islogan at pamamaraan ng pagkilos nito. Sa kabaligtaran, ang karahasang naghihiwalay sa kilusan, nagtutulak palayo sa mga nag-aalinlangang sumama rito, at nagbibigay sa estado ng katwirang matagal na nitong hinihintay ay nagsisilbi sa kaaway, anuman ang mabubuting layunin ng mga gumagamit nito. Ito ang dahilan kung bakit hindi bato ang pangunahing sandata ng proletaryado kundi ang kamulatan at organisasyon nito.

Huwag tayong magpalinlang: teror ang sandata ng burgesya; ang demokrasya ay maskara lamang na ikinukubli sa diktadura ng kapital. Bilang uring manggagawa, ang ating sandata ay ang mulat na pagninilay, pagkakaisa at malawakang pagpapalawak ng mga kilusan ng pakikibaka. Ito ang walang sawang binibigyang-diin ng mga pangkalahatang asembleya ng mga estudyante nitong nakaraang buwan. Dito nakasalalay ang kanilang tunay na lakas. At ito mismo ang kinatatakutan ng burgesya. Ang mga asembleyang ito at ang kanilang sariling pag-oorganisa ay naglalaman ng mga binhi ng mga pakikibaka sa hinaharap, sa France at sa iba pang panig ng mundo. Kaya naman sinisikap silang patahimikin ng midya.

Richard, 24 Oktubre 2026

[1] Sa pasilidad para sa mga detenido ng hukuman sa Bobigny, 84 katao, kabilang ang 20 menor de edad, ang isiniksik noong gabi ng Oktubre 21-22. Sampung kutson lamang ang mayroon doon. Napakalamig at marumi ng mga selda: tambak na basura, mga bote ng ihi... Ang ilan ay napakaliit para sa dami ng taong nakapaloob, samantalang ang iba naman ay masikip na masikip at hindi man lamang mahigaan. Tatlong menor de edad ang natagpuang nanginginig sa ginaw alas-sais ng umaga.

[2] France 2006: a victorious struggle by the French students against the CPE, World Revolution 407.

[3] Dumarami ang mga bidyong nagpapakitang may mga pulis na nagkukunwaring mga kabataan upang maghagis ng mga bagay, manira ng ari-arian, manghikayat ng kaguluhan at mag-udyok ng komprontasyon sa pulisya.

[4] Terror, Terrorism and Class Violence, International Review 14.

[5] Resolution on terrorism, terror and class violence, International Review 15.

 

Pinagmulan ng salin:
https://en.internationalism.org/content/17871/question-violence

 

Panlipunang Kilusan sa France

Book traversal links for Ang Usapin ng Karahasan

  • ‹ Ang Laban ng mga Estudyante sa Hayskul at Unibersidad ay Laban ng Buong Uring Manggagawa (polyeto)
  • Up
  • Ang mga pakikibaka ng mga estudyante sa Pransya: tuktok lamang ng malaking iceberg ng pakikibaka ng pandaigdigang uring manggagawa ›
Tahanan
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa!

Footer menu

  • Mga Batayang Posisyon
  • Kontakin kami