Skip to header Skip to main navigation Lumaktaw sa pangunahing nilalaman Skip to footer
englishfrançaisdeutschitalianosvenskaespañoltürkçenederlandsportuguêsΕλληνικά
русскийहिन्दीفارسی한국어日本語filipino中文বাংলাmagyarsuomi
Tahanan
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa!

Pangunahing paglalayag

  • Pakikipag-ugnay
    • Mga Batayang Posisyon
    • Plataporma ng IKT
    • Manipesto - 1991
    • Internasyonalismo - 2000s
    • Internasyonalismo - 2010s
    • Internasyonalismo - 2020s
    • Manipesto Para Sa Rebolusyong Oktubre, Rusya 1917
    • Mga unyon laban sa uring manggagawa
    • Bayan o Uri?
    • Komunistang mga Organisasyon at Makauring Kamulatan
    • Pagbulusok-pababa ng kapitalismo

Ang mga pakikibaka ng mga estudyante sa Pransya: tuktok lamang ng malaking iceberg ng pakikibaka ng pandaigdigang uring manggagawa

Breadcrumb

  • Tahanan
  • Internasyonalismo - 2020s
  • Internasyonalismo - 2026

Sabay-sabay na umuusbong sa Pransya, Belgium, Alemanya, Italya at Espanya, ang kabataan ng "Generation Z" ay bumabangon laban sa hinaharap ng kahirapan at digmaan na iniaalok sa kanila ng kapitalismo: “Mula nang kami'y isinilang, puro krisis na ang aming naranasan.” Bilang tugon sa kilusan sa Pransya laban sa mga kaltas sa edukasyon, “6 bilyon para sa hukbo, pero ni isang sentimo wala para sa mga paaralan,” bumubuhos ang mga mensahe ng pakikiisa mula sa iba't ibang panig ng mundo sa social media: “Ang inyong pakikibaka ay pakikibaka rin namin!”

Sa harap ng galit ng kabataan, brutal na represyon lamang ang sagot ng mga gobyerno. Sa Pransya, isang estudyante ang nawalan ng mata at isa pa ang nawalan ng kamay; sa Belgium, ipinagbawal ang mga demonstrasyon sa rehiyon ng Liège, ngunit sa kabila nito, 50,000 katao ang nagmartsa sa mga lansangan ng Brussels. Sa Madrid, binugbog rin ang mga estudyante habang nagpoprotesta bilang suporta sa welga ng mga guro. Sa Berlin, naglunsad ang mga kabataan ng mga demonstrasyon laban sa sapilitang serbisyo militar. At sa Italya, sa Turin, Roma at Naples, nagmartsa ang mga estudyante bilang pakikiisa sa pakikibaka sa Pransya.

Ang mga pakikibakang ito ay tuktok lamang ng malaking iceberg ng malalim na pagkabalisa at pagkadismaya na lumalaganap sa buong pandaigdigang uring manggagawa, na saanman ay humaharap sa patuloy na pagsama ng kanilang kabuhayan at kalagayan sa buhay, sa lumalakas na militarismo at paghahanda para sa digmaan: sa Airbus at sa sektor ng edukasyon sa Espanya, sa pampublikong transportasyon ng Paris (RATP), sa mga pakikibaka laban sa mga kaltas sa serbisyong panlipunan sa Belgium at Argentina, at sa mga welga ng mga manggagawa sa tela sa Faridabad (Delhi) sa India.

Ang mga kabataang may mga trabahong mababa ang sahod at walang kasiguruhan ay mga anak ng uring manggagawa. Ang kanilang pakikibaka ay humuhugot ng lakas mula sa pagtaas ng militansya mula pa noong “Summer of Discontent” sa Britanya noong 2022, mula sa paglaban sa pag-atake sa pensyon sa Pransya noong 2023, mula sa mga talakayan at pagninilay kung paano lalaban, at mula sa aral na ang mga sakripisyo ngayon ay humahantong lamang sa mas mabibigat pang sakripisyo bukas. Nakikipaglaban sila para sa kanilang kinabukasan na nanganganib dahil sa hindi malutas na krisis pang-ekonomiya, digmaan at sakunang pangklima. 

“On nous vole notre avenir, on refuse de se taire!” (“Ninakaw nila ang aming kinabukasan at tumatanggi kaming manahimik!”) 

Ang mga pakikibakang ito ng kabataan ay nagpapakita ng malalim na pagbabago sa kalagayang panlipunan sa pandaigdigang antas. Sa mga lansangan, nag-uusap ang mga dating hindi magkakilala tungkol sa kung ano ang dapat gawin at kung paano lalaban; sa mga asembliya at demonstrasyon, hayagan at walang takot na pinag-uusapan ng mga tao ang rebolusyon sa unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon. Ang bagong henerasyong pumapasok sa pakikibaka ay wala pang gaanong karanasan, ngunit napagpag na rin nito ang mga pasanin ng nakaraan, tulad ng mga kampanyang anti-Komunista matapos ang pagbagsak ng Stalinismo at ang matagal na paglayo sa pampulitikang pakikilahok.

Marami ang bumabalik sa karanasan ng Mayo '68 at nagtatanong sa mga nakatatanda kung paano ito noon. Ang pagkakatulad ng Mayo '68 at ng kasalukuyang sitwasyon ay, higit sa lahat, ang kakayahang maglatag ng pananaw ng isang ibang lipunan, isang alternatibo sa kapitalismo. At sa ganitong diwa, ang pakikibaka ng kabataan para sa kanilang kinabukasan ay kaugnay ng paglago ng kamalayan, hindi lamang sa mga minorya kundi sa buong uring manggagawa, hinggil sa pangangailangang harapin ang kapitalismo. Ipinapakita ng magkakasamang pakikibaka ng iba't ibang henerasyon na wala tayong maaasahang pagbuti ng ating kalagayan mula sa mga pangako ng burgesya. Pandaigdigan ang mga pag-atake sa ating mga buhay: pagnipis ng sahod dahil sa implasyon, tanggalan sa trabaho, pagbawas sa mga benepisyong panlipunan, mas mabilis at mas mabigat na takbo ng trabaho, mas mahahabang oras ng paggawa, kawalan ng disenteng tirahan, at kawalan ng maayos na kinabukasan para sa ating mga anak. Palalim nang palalim ang pagkalubog ng kapitalismo sa siklo ng krisis, digmaan at mga sakunang ekolohikal. 

“Pas d’avenir, pas de calme” (“Walang kinabukasan, walang katahimikan”).

Ito ang dahilan kung bakit ang pakikibaka ng kabataan ay hudyat ng pag-usbong ng malawakang pakikibaka ng uring manggagawa sa buong mundo, lalo na sa mga bansang Europeo kung saan naipon ang pinakamalawak na karanasan ng uring manggagawa. Ang pakikibaka ng manggagawa lamang ang may kakayahang maglatag ng alternatibo, bumuo ng tunay na pakikiisa, at magpakita kung ano ang tunay na pagkakaisa.

Sa isang programa sa radyo sa Pransya, nang tanungin ang isang historyador kung kailan matatapos ang kasalukuyang kilusan ng mga estudyante, sumagot siya: “Kapag ang kabataan ay kumikilos sa ganito kalawak na antas, ipinapahayag nila ang mga puwersang humuhubog sa ilalim ng ibabaw ng lipunan at ipinahihiwatig ang mga susunod pang mga kilusang panlipunan.”

Ganyan ang nangyari noong Mayo '68. Ngunit noon, halos isang taon pa ang lumipas bago sumiklab ang mga pakikibaka sa mga karatig-bansa, tulad ng “Autunno caldo” (Mainit na Taglagas) sa Italya noong 1969. Ngayon naman, halos sabay-sabay na lumilitaw ang mga pakikibaka sa iba't ibang bansa.

Kabaligtaran ng huwad na lohikang “kanya-kanya ang bawat isa,” ang lumalaking kamulatan ay nahahayag sa pagsisikap na bumuo ng isang nagkakaisa at may malay na pakikibaka.

Pakikiisa, mga asembliya at paglawak ng pakikibaka: ang mga pamamaraan ng pakikibaka ng uring manggagawa

Mula pa sa simula, ang mga kamakailang pakikibaka ng kabataan sa Europa ay humugot na sa makasaysayang mga pamamaraan ng pakikibaka ng uring manggagawa at nagbibigay ng paunang larawan ng mga labanang lilitaw sa mga welga sa hinaharap.

Sa Pransya, nagwelga ang mga estudyante sa unibersidad bilang pakikiisa sa mga mag-aaral sa sekundarya; bumuo ang mga propesor ng human chain upang protektahan ang mga estudyante laban sa represyon ng pulisya; nakilahok sa malalaking demonstrasyon ang mga kapamilya at maraming manggagawa, at ang ilan ay sumama rin sa mga asembliya; sa Espanya, ang mga mag-aaral mismo ang nagpahayag ng kanilang pakikiisa sa mga guro; sa Belgium, Italya at Gresya, kumilos ang mga estudyante bilang suporta sa pakikibaka sa Pransya. Ang mga pagpapakitang ito ng pakikiisa, lalo na sa pandaigdigang antas, na nakita rin sa pakikibaka sa Airbus, ay mga unang usbong ng mga posibleng pandaigdigang pakikibaka sa hinaharap. Ito ang mismong dahilan kung bakit takot na takot ang burgesya rito anupat sa Belgium ay binabantayan pa nito ang pagpasok ng mga “radikal” na elementong maaaring magpalaganap ng “virus ng Pransya”.

Napakahalaga ng paglaban upang matiyak na ang mga talakayan at pagpapasya ay nagaganap sa loob ng mga asembliya, sapagkat ito ang paraan upang mapanatili ng mga kalahok ang kontrol sa kanilang sariling pakikibaka. Kailangang bukas ang mga asembliya sa lahat ng manggagawa at sektor, gayundin sa mga walang trabaho at retirado. Isang bitag ang pagsikil sa talakayan at gawing hungkag na pormalidad ang mga asembliya na basta na lamang bumoboto sa mga mungkahing inihain ng mga unyon. Dapat linawin ng mga asembliya ang mga suliranin ng pakikibaka at magpasya batay sa kolektibong pag-unawa. Ang mga asembliya sa Paris at iba pang mga lungsod sa Pransya ang nagpanatiling buhay sa kilusan at nagsikap na palawakin ito. Naging masigla ang mga debate hinggil sa pagpili sa pagitan ng walang saysay na pakikipagsagupaan sa pulisya, tulad ng huwad na radikalismo ng panawagang “sakupin ang Matignon”, tirahan ng punong ministro, at ng pagpapadala ng mga delegasyon sa mga manggagawang nasa mga lugar-paggawa upang hikayatin silang sumama sa pakikibaka. Sa malalaking demonstrasyon sa Pransya noong Oktubre 17, malinaw na nakita kung paano ginagamit ng burgesya ang malawakang teror ng estado upang tuksuhin ang kilusan tungo sa mga gawaing marahas at walang mapatutunguhan na magagamit upang siraan ito, habang ang masmidya naman ay inilalarawan ang pagsusunog at pandarambong bilang diumano'y pinakadiwa ng protesta.

Nagkaroon din ng mahahalagang debate hinggil sa mga panawagan ng mga unyon para sa mga “araw ng pagkilos” o maging sa mga pangkalahatang welga, na sa ngalan umano ng pagkakaisa ay sa katunayan ay nagpapanatili sa atin sa pagkakahiwa-hiwalay, bawat isa sa sariling sektor, may sariling hiwalay na mga kahilingan, at nasa ilalim ng bandila ng kanya-kanyang kumpanya o unyon. Ang tunay na paglawak ng pakikibaka ay nagsisimula kapag nagpapadala ang mga asembliya ng malalaking delegasyon sa mga lugar-paggawa upang makipag-usap sa mga manggagawa at hikayatin silang sumama sa laban; kapag nagkakaisa sila sa mga magkasanib na asembliya at sama-samang ipinagtatanggol ang magkakatulad na mga kahilingan; at kapag pinananatili nila sa kanilang mga kamay ang kontrol sa mga desisyon sa pamamagitan ng mga komite at sub-komiteng inihahalal at may pananagutan sa mga asembliya. 

Sa ngayon, ang pangunahing limitasyon ng pakikibaka ng kabataan sa Pransya ay ang katotohanang, sa kabila ng malawak na damdamin ng pakikiisa, hindi pa ito nakararating sa mga lugar-paggawa, hindi tulad ng nangyari noong Mayo '68 o sa pakikibaka laban sa CPE noong 2006.

“Ce n’est qu’un début, le combat continue !” (Simula pa lamang ito, nagpapatuloy ang pakikibaka! - islogan ng Mayo '68)

Kung ang pakikibaka ng proletaryong kabataan ay hindi lalawak tungo sa buong uring manggagawa, na hindi naman ganap na maiaalis bilang posibilidad, nakatakda itong mabigo. Ngunit magpapatuloy ang pakikibaka ng bagong henerasyon kasabay ng pag-unlad ng mga pakikibaka sa buong uring manggagawa. Magpapatuloy din ito sa pamamagitan ng mga pagsisikap, madalas na sinisimulan muna ng mga minorya, na pagnilayan ang kanilang mga karanasan at hugutin ang mga aral mula sa pakikibaka. Ang pagkatuto mula sa sarili nating mga pakikibaka ay hindi lamang nagpapalakas at nagpapalawak sa mga susunod na kilusan; binubuksan din nito ang landas tungo sa isang hayagang pampulitikang pakikibaka para ibagsak ang kapitalismo at palitan ito ng isang tunay na komunistang lipunan sa pandaigdigang antas. Mahaba at puno ng mga hadlang ang landasing ito, ngunit ito lamang ang daang makapagbibigay sa sangkatauhan ng tunay na kinabukasan sa planetang ito.

Internasyunal na Komunistang Tunguhin, Oktubre 2026

Aktibong nakikilahok ang mga kasama ng IKT sa kilusan. Isang mahalagang palatandaan ng paglago ng kamalayan ang katotohanang pinagtibay ng mga asembliya ang ilan sa aming mga mosyon na nagmumungkahi ng tunay na paglawak ng pakikibaka. Hinihikayat namin ang lahat ng nagnanais magnilay at makipagtalakayan tungkol sa mga ideyang nakapaloob sa polyetong ito na bisitahin ang aming website ((www.internationalism.org)) at sumulat sa amin ([email protected])

Nagsasagawa kami ng mga pampublikong pagpupulong sa iba't ibang bansa at iba't ibang wika, kapwa online at harapan, kung saan maaari nating direktang talakayin ang lahat ng mga usaping ito. Sumulat sa amin para sa karagdagang impormasyon.


Pinagmulan ng pagsasalin: https://en.internationalism.org/content/17865/student-struggles-france-tip-iceberg-struggle-world-working-class

Internasyonal na Polyeto

Book traversal links for Ang mga pakikibaka ng mga estudyante sa Pransya: tuktok lamang ng malaking iceberg ng pakikibaka ng pandaigdigang uring manggagawa

  • ‹ Ang Laban ng mga Estudyante sa Hayskul at Unibersidad ay Laban ng Buong Uring Manggagawa (polyeto)
  • Up
  • Ang nabubulok na kapitalismo ang dapat sisihin ›
Tahanan
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa!

Footer menu

  • Mga Batayang Posisyon
  • Kontakin kami