Skip to header Skip to main navigation Lumaktaw sa pangunahing nilalaman Skip to footer
englishfrançaisdeutschitalianosvenskaespañoltürkçenederlandsportuguêsΕλληνικά
русскийहिन्दीفارسی한국어日本語filipino中文বাংলাmagyarsuomi
Tahanan
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa!

Pangunahing paglalayag

  • Pakikipag-ugnay
    • Mga Batayang Posisyon
    • Plataporma ng IKT
    • Manipesto - 1991
    • Internasyonalismo - 2000s
    • Internasyonalismo - 2010s
    • Internasyonalismo - 2020s
    • Manipesto Para Sa Rebolusyong Oktubre, Rusya 1917
    • Mga unyon laban sa uring manggagawa
    • Bayan o Uri?
    • Komunistang mga Organisasyon at Makauring Kamulatan
    • Pagbulusok-pababa ng kapitalismo

Paano Makapag-ambag sa Hinaharap na Rebolusyonaryong Partido?

Breadcrumb

  • Tahanan
  • Internasyonalismo - 2020s
  • Internasyonalismo - 2026
  • International Review 175

Panimula

Limampung taon na ang nakalipas, noong Enero 1975, itinatag ang Internayunal na Komunistang Tunguhin. Mahabang panahon ito para sa isang pandaigdigang rebolusyonaryong organisasyon ng proletaryado kung isasaalang-alang, halimbawa, na ang International Workingmen's Association ay tumagal lamang ng labindalawang taon (1864-1876), ang Socialist International ng dalawampu't limang taon (1889-1914), at ang Communist International ng siyam na taon (1919-1928). Ang kalahating siglong pag-iral ng IKT ay ganap na bahagi ng kasaysayan ng proletaryado, ang uring pinagmulan ng ating organisasyon, tulad ng lahat ng rebolusyonaryong organisasyon ng nakaraan. Bagama't ang anibersaryong ito ay pagkakataon upang ilahad ang pangunahing mga aral na nahalaw natin mula sa limang dekadang pakikibaka, higit sa lahat, pagkakataon ito upang malinaw na iharap sa ating uri ang mga usapin at hamong kakaharapin nito sa mga darating na dekada. Sa harap ng walang tigil na pagsadsad ng kapitalismo tungo sa pagkawasak at kaguluhan, tungkulin ng mga lumalaban para sa rebolusyonaryong pagbagsak ng sistemang ito, ng mga komunista, na pandayin ang mga teoretikal at pampulitikang sandata upang armasan ang tanging pwersa sa lipunan na may kakayahang isakatuparan ang rebolusyong ito: ang pandaigdigang proletaryado. Oo, posible pa rin ang rebolusyon! Oo, higit kailanman, kailangan ang pag-usbong ng lipunang komunista para sa kinabukasan ng sibilisasyong pantao!

I - Ang uring manggagawa lamang ang may kakayahang buwagin ang kapitalismo

Matapos bumagsak ang Silangang Bloke at maglaho ang USSR, nagpakawala ang burgesya ng isang nakabibinging kampanyang ideolohikal sa buong mundo. Gamit ang napakalawak na makinarya ng midya at walang tigil na paglalason sa kamulatan, sinikap nitong ipalaganap ang kasinungalingan na ang pagbagsak ng mga rehimeng Stalinista ay nangangahulugan ng “kamatayan ng komunismo.”

Ito na raw ang “katapusan ng kasaysayan,” ayon sa propagandang burges, at ang tagumpay umano ng demokrasya at liberal na kapitalismo ang magdadala sa sangkatauhan tungo sa kasaganaan at pag-unlad. Malinaw nang pinasinungalingan ng nakaraang tatlumpu't limang taon ang trahedyang panlilinlang na ito. Araw-araw, saanman sa mundo, ipinapaalala sa atin ng mga pangyayari ang lantad na katotohanan: ang tanging kinabukasang maiaalok sa atin ng kapitalismo ay mabubuod sa tatlong salita: kahirapan, barbarismo at kaguluhan.

Ngunit sa paglulunsad ng kampanya tungkol sa “kamatayan ng komunismo,” alam na alam ng naghaharing uri kung ano ang pinupuntirya nito. Tinarget nito ang dalawang pinakamakapangyarihang sandata ng proletaryado sa pakikibaka upang ibagsak ang kapitalistang pagsasamantala: ang organisasyon nito at ang makauring kamulatan nito. At mismong ang makasaysayang kamulatang ito ang walang tigil na sinisikap ng burgesya na pahinain at wasakin sa pakikibaka nito laban sa “sarili nitong maghuhukay ng libingan.” Binabaluktot at pinepeke nito ang kasaysayan, ang kolektibong alaala at karanasan ng ating uri upang lalo itong linlangin at, sa huli, kumbinsihin ang mga manggagawa na wala silang pag-iral bilang isang uri, na ang pakikibakang pang-uri ay isa lamang lumang alamat na dapat nang ibaon sa limot. Ngunit gaya ng ipinahayag nina Marx at Engels sa Communist Manifesto noong 1848: “Ang ating panahon, ang panahon ng burgesya, ay naiiba sa iba dahil sa isang natatanging katangian: pinasimple nito ang mga tunggaliang pang-uri. Lalong nahahati ang buong lipunan sa dalawang malaking magkaaway na kampo, sa dalawang malalaking uri na tuwirang nakatindig laban sa isa't isa: ang burgesya at ang proletaryado.” Halos dalawang siglo ang lumipas, higit kailanman ay nananatiling napapanahon ang pahayag na ito para sa mga pinagsasamantalahan at mga rebolusyonaryo sa buong mundo.

Sa loob ng dalawang siglong ito ng pakikibaka at paglaban, walang tigil na nagsikap ang proletaryado na pandayin ang malinaw na pananaw sa layunin at mga paraan upang mapalaya ang lipunang pantao mula sa sarili nitong mga tanikala. Gayunpaman, sa hanay ng masang manggagawa, ang pag-unlad ng kamulatang ito ay hindi kailanman naging tuwid at tuluy-tuloy. Sa kabaligtaran, dumaraan ito sa pagsulong at pag-atras kasabay ng mismong pagsulong at pag-atras ng pakikibakang pang-uri. Ngunit gaya ng sinabi ni Marx noong 1844, nang siya ay kakapanig pa lamang sa komunismo: “Ang mahalaga ay hindi kung ano ang iniisip ng ganito o ganoong proletaryo, o maging ng buong proletaryado, na kanilang layunin sa iba't ibang sandali. Ang mahalaga ay kung ano ang proletaryado at kung ano ang makasaysayan nitong kailangang gawin alinsunod sa sarili nitong kalikasan: ang makasaysayang layunin at pagkilos nito ay malinaw at di-mababagong nakaukit [at samakatuwid ay tiyak at hindi maaaring rebisahin] sa mismong kalagayan ng pag-iral nito, gayundin sa buong organisasyon ng kasalukuyang lipunang burges. Isinasakatuparan ng proletaryado ang hatol na ipinapataw ng pribadong pag-aari ng burgesya laban sa sarili nito sa pamamagitan ng mismong paglikha nito sa proletaryado.”[1]

Sa madaling salita, ang proletaryado ay hindi isang pansamantalang pwersang sumusulpot at naglalaho ayon sa pabagu-bagong takbo ng kasaysayan. Sa kabaligtaran, ito ay isang permanenteng pampulitikang pwersa, isang uri, isang “makasaysayang nilalang.” Ang proletaryado ang tanging pwersang may kakayahang buwagin ang kapitalismo!

II- Ang permanenteng pangangailangan para sa organisasyon ng mga rebolusyonaryo

Ito ang dahilan kung bakit, sa buong kasaysayan, laging naramdaman ng proletaryado ang pangangailangang magtatag ng mga organisasyong may kakayahang lumahok sa pakikibaka para sa rebolusyon, at kumatawan at magtanggol sa makasaysayang katatagan at pagpapatuloy ng rebolusyonaryong proyekto ng proletaryado. Ang pundamental na prinsipyong ito ay ipinagtanggol na sa Communist Manifesto: “Ano ang katayuan ng mga komunista kaugnay ng proletaryado sa kabuuan? Ang mga komunista ay hindi bumubuo ng isang hiwalay na partido na nakatindig laban sa iba pang mga partido ng uring manggagawa. Wala silang anumang interes na hiwalay sa interes ng proletaryado sa kabuuan. Hindi sila nagtatakda ng sarili nilang mga sektaryong prinsipyo upang hubugin ang kilusang manggagawa ayon sa mga ito. Naiiba lamang ang mga komunista sa iba pang mga partido ng uring manggagawa sa dalawang bagay: 1. Sa iba't ibang pambansang pakikibaka ng mga proletaryo, binibigyang-diin at inilalagay nila sa unahan ang nagsasariling interes ng proletaryado na magkakatulad sa lahat ng bansa. 2. Sa iba't ibang yugto ng pakikibaka sa pagitan ng proletaryado at burgesya, lagi nilang kinakatawan ang interes ng kilusan sa kabuuan. Sa praktika, kung gayon, ang mga komunista ang pinakadesidido at pinakamatatag na seksyon ng mga partido ng manggagawa sa lahat ng bansa, ang seksyong nagtutulak sa lahat ng iba pa na sumulong; sa teorya, nakahihigit sila sa iba pang bahagi ng proletaryado dahil sa kanilang malinaw na pag-unawa sa direksyon ng pagsulong, sa mga kondisyon, at sa ultimong pangkalahatang resulta ng kilusang proletaryo.”

Ngunit bagama't permanenteng pangangailangan ang pagbubuo at pagtatayo ng mga pampulitikang organisasyon, maaaring mag-iba ang tiyak na papel at tungkuling kailangan nilang gampanan ayon sa pag-unlad ng pakikibakang pang-uri. Ang kanilang kasaysayan ay hindi maihihiwalay sa kasaysayan ng pangkalahatang kilusan ng uri, isang kasaysayang tinatakan ng mga magiting na pakikibaka, ngunit gayundin ng madudugong pagkatalo at pansamantalang pag-atras. May partikular na tatlong mahahalagang yugto na naging mapagpasya sa ebolusyon ng mga pampulitikang organong ito na nilikha ng uri:

  • Ang unang yugto ng kilusang manggagawa at ang pagpapatibay sa proletaryado bilang isang rebolusyonaryong uri (Communist League, IWA).
  • Ang panahon ng paghinog nito, na kinatangian ng pagbubuo ng mga partidong masa at mga unyon (Second International).
  • Ang pagpasok ng kapitalismo sa panahon ng dekadensya nito, nang matatag nang nailatag ang perspektiba ng rebolusyon (Third International).

III – Ang relasyon sa pagitan ng partido at ng organisasyong tulad ng paksyon

Sa kabilang banda, gaya ng itinuro ng Italian Paksyon ng Kaliwang Komunista sa teoretikal nitong publikasyong Bilan, may kwalitatibong pagkakaiba sa anyo ng organisasyon ng mga rebolusyonaryo at sa kaukulang mga tungkulin nito ayon sa panahon: ang panahon ng pag-unlad ng pakikibakang pang-uri at ang panahon ng mga pagkatalo at pag-atras nito. “Sa unang kalagayan, ang anyo ay partido, isang organisasyong maaaring magkaroon ng tuwiran at kagyat na impluwensya sa pakikibakang pang-uri; sa ikalawang kalagayan, isang organisasyong limitado ang bilang at may higit na mahinang impluwensya sa kagyat na buhay ng uri. Tinawag nitong ‘paksyon’ ang natatanging ikalawang anyo ng organisasyon na, sa pagitan ng dalawang panahon sa pag-unlad ng pakikabang pang-uri, ibig sabihin, sa pagitan ng dalawang yugto sa pag-iral ng partido, ay nagsisilbing kawing, isang organikong tulay sa pagitan ng nakaraang partido at ng hinaharap na partido.[2]”

Ito ang dahilan kung bakit ang iba't ibang organisasyong nagkaroon ng makasaysayang tungkuling gampanan ang papel ng partido ng uri ay palaging may panaka-nakang katangian: dumaraan sa yugto ng pagbubuo, yugto ng pag-unlad at pagtatayo, at sa huli, yugto ng paglaho nito bilang isang proletaryong organisasyon. Ganito ang naging landas ng Communist League, ng mga partidong sosyal-demokrata na kasapi ng Second International, at ng Comintern.

Sa kabilang banda, ang tungkulin at anyo ng organisasyon ay nakasalalay hindi lamang sa balanse ng pwersa sa pagitan ng proletaryado at burgesya, kundi pati na rin sa pangkalahatang makasaysayang mga kondisyong kinapapalooban ng pagkilos nito. Halimbawa, nang itatag ang International Workingmen's Association (IWA) noong 1864, malaki na ang isinulong ng pandaigdigang kilusang manggagawa. Ang panahon ng pag-angat ng kapitalismo ay nagbigay-daan sa proletaryado na makibaka upang makamit ang makabuluhang pagpapabuti sa kalagayan nito sa pamumuhay at paggawa. Ngunit kasabay nito, nahuhuli ang pag-unlad ng kamulatan nito kumpara sa maliit na rebolusyonaryong taliba ng 1848. Dahil dito, ang partikular na makasaysayang mga kondisyong ito ang nagtakda sa hibridong anyo ng IWA, kung saan magkakasamang umiral ang iba't ibang pampulitikang tendensya, kasama ang mga kooperatiba, unyon at mga partido. Kaya kinailangang buong tatag na ipagtanggol ng Marxistang tendensya ang mga prinsipyong komunista habang umaangkop sa antas ng pakikibaka ng uring manggagawa.

Gayundin, sa huling sangkapat ng ika-19 na siglo, sa kasagsagan ng pag-unlad ng kapitalismo, umusbong ang mga organisasyong sosyal-demokrata na nakabatay sa masa at may minimum at maksimum na programa. Ang posibilidad na makamit ang kagyat na mga reporma, kapwa pang-ekonomiya at pampulitika, ay nagbago sa larangan ng pagkilos ng mga sosyalistang organisasyon. Ang kagyat at unti-unting pakikibaka ay may tendensyang mangibabaw sa mas malawak na perspektiba ng komunismo na ipinagtanggol na sa Communist Manifesto.

Ang pagpasok ng kapitalismo sa dekadenteng yugto nito ay nagdulot ng malalim at hindi na maibabalik na pagbabago sa tungkulin at anyo ng rebolusyonaryong organisasyon:

  • Sa “panahon ng mga digmaan at rebolusyon,” wala nang anumang batayan ang pakikibaka para sa mga reporma. Eksklusibong ipinagtanggol ng organisasyon ang pangangailangan ng proletaryong rebolusyon at ng diktadura ng proletaryado tungo sa pagtatatag ng komunismo.
  • Nagpatupad ito ng higit na “mahigpit” at mas konsentradong istruktura kaysa noong nakaraan, na may mahigpit na pamantayan sa pagiging kasapi batay sa isang malinaw na programa at mga prinsipyo.

Sa kabuuan, masasabi nating ang papel at anyo ng mga rebolusyonaryong organisasyon mula noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo ay nagtataglay ng mga katangiang “permanente,” habang ang iba naman ay nananatiling nakabatay sa kongkretong makasaysayang mga kondisyon kung saan umuusbong, kumikilos at umuunlad ang mga pampulitikang pwersang ito.

IV – Ang pagbuo ng Internayunal na Komunistang Tunguhin at ang pakikibaka para sa hinaharap na partido

Ang ating organisasyon, ang Internayunal na Komunistang Tunguhin, ay hindi eksepsyon sa tuntuning ito. Ang pagkakatatag nito noong Enero 1975 ay isa sa mahahalagang pangyayari sa panahong nagtapos sa apat na dekada ng kontra-rebolusyon*“Ang brutal na kontra-rebolusyong dumurog sa uring manggagawa matapos ang maluwalhati nitong mga pakikibaka kasunod ng Unang Digmaang Pandaigdig ay tumagal nang halos apatnapung taon. Ngunit nang maubos na ang huling bugso ng rekonstruksyon kasunod ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at muling naharap ang kapitalismo sa hayagang krisis ng ekonomiya nito sa pagtatapos ng dekada 1960, muling nagtaas ng ulo ang proletaryado. Mayo 1968 sa France, ang ‘rampant May’ sa Italy noong 1969, ang mga pakikibaka ng manggagawa sa Poland noong taglamig ng 1970, at ang sunud-sunod na mga pakikibaka ng manggagawa sa Europe at sa iba pang mga kontinente: tapos na ang kontra-rebolusyon. Ang pinakamalinaw na patunay ng pundamental na pagbabagong ito sa takbo ng kasaysayan ay ang paglitaw at pag-unlad, sa iba't ibang bahagi ng mundo, ng mga grupong bumaling, bagama't madalas sa isang malabong paraan, sa mga tradisyon at posisyon ng Kaliwang Komunista. Nabuo ang IKT noong 1975 mula sa muling pagpapangkat ng ilan sa mga organisasyong ito na iniluwal ng makasaysayang muling pagbangon ng proletaryado.[4]”*

Mula sa simula, naunawaan ng IKT ang pundamental nitong makasaysayang papel: ang kumilos tungo sa muling pagpapangkat ng mga rebolusyonaryong pwersa. Naunawaan din nito na ang hamong ito ay hindi na lumilitaw sa eksaktong parehong mga kondisyon tulad noong nakaraan: “Hindi binabalewala ng IKT ang napakalalaking paghihirap na kakaharapin sa pagtupad sa tungkuling ito. Ang mga paghihirap na ito ay malaking bunga ng brutal na kontra-rebolusyong dinanas ng uring manggagawa sa loob ng mahigit 40 taon, isang kontra-rebolusyong tumapos sa mga kaliwang paksyon na nagmula sa Communist International (CI) at pumutol sa organikong pagpapatuloy na umiral sa pagitan ng iba't ibang proletaryong pampulitikang organisasyon mula pa noong kalagitnaan ng nakaraang siglo.[5] Dahil sa pagkaputol na ito ng organikong pagpapatuloy, ang hinaharap na partido ay hindi mabubuo sa paraang nakita ng Italian Paksyon, kung saan ang Paksyon ang nagsisilbing tulay sa pagitan ng lumang partido at ng bagong partido.[6]”

Malaki ang ipinagbago ng kalagayan ng proletaryong pakikibaka sa nakalipas na kalahating siglo.[7] Ang mga balakid na kinaharap ng uring manggagawa sa landas tungo sa rebolusyon ay napatunayang higit na mabigat kaysa sa maaaring inakala noong itinatag ang ating organisasyon, partikular dahil sa pagkaputol ng organikong pagpapatuloy na nag-ugnay sa iba't ibang rebolusyonaryong organisasyon mula pa noong ika-19 na siglo. Kaya dapat nating malinaw na maunawaan na magiging napakahaba pa ng makasaysayang pakikibaka ng ating uri upang ibagsak ang kapitalismo. Sa landas na ito, sunud-sunod nitong haharapin ang mga balakid, bitag at pagkatalo. Upang sa huli ay magtagumpay, mangangailangan ang rebolusyonaryong pakikibakang ito ng pangkalahatang pagtaas ng kamulatan at organisasyon ng buong uring manggagawa sa pandaigdigang antas. Bagama't nananatiling malayong perspektiba ang proseso ng pagbuo ng partido, dapat tayong matatag na kumbinsido na ito ay isang napakahalagang pangangailangan. Gaya ng lagi nating ipinagtanggol, kung walang pagbubuo ng partido ng uri, walang matagumpay na proletaryong rebolusyon!

Upang lubos na maging handa sa pagharap sa mahirap ngunit kapana-panabik na pakikibakang ito, kailangang yakapin ng susunod na henerasyon ng mga rebolusyonaryo ang pananaw na ipinagtanggol ni Lenin sa What Is To Be Done?: “Sa ganitong diwa, ang pagbuo ng hinaharap na partido ay magiging bunga ng isang mulat at sinadyang pagsisikap […] Hinihingi ng pagsisikap na ito ang malinaw na pag-unawa kapwa sa pangkalahatang mga katangian ng proseso kung paano nabubuo ang partido, yaong may bisa sa lahat ng panahon, at sa partikular at walang kapantay na makasaysayang mga kondisyong magtatakda sa paglitaw ng partido ng hinaharap.[8]”

Ito ang layunin ng seryeng ito ng mga artikulo: ilatag at ipagtanggol ang pamamaraang gagamitin ng IKT upang ipagpatuloy ang papel nito sa pag-aambag sa paglikha ng mga pampulitikang kondisyong magbibigay-daan sa pagbuo ng hinaharap na pandaigdigang rebolusyonaryong partido. Nakabatay ang tungkuling ito sa ilang mahahalagang haligi, na higit nating pauunlarin sa susunod na mga artikulo, kabilang ang:

  • Ang kakayahang magpatibay ng isang malinaw na programa at mga prinsipyo na magsisilbing batayan sa pagpapanday ng isang organisasyong may kakayahang gampanan ang papel nito sa mahabang panahon, habang ang mga rebolusyonaryo ay patuloy pang lumalangoy “kontra sa agos” ng lipunan.
  • Ang walang kompromisong pagtatanggol sa proletaryong organisasyon at mga prinsipyo laban sa walang tigil na mga pag-atake ng mga ideolohiyang dayuhan sa uring manggagawa.
  • Ang kakayahang magtatag ng isang matatag na balangkas ng paggana na magbibigay-daan sa organisasyon na kumilos nang nagkakaisa sa pandaigdigang antas.
  • Ang kakayahang pag-ugnayin ang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap upang kritikal na matuto mula sa makasaysayang pagpapatuloy ng mga organisasyon at maipasa ang mahahalagang aral nito sa mga susunod na henerasyon ng mga rebolusyonaryo.

Ilalahad ng unang artikulo ang pangunahing mga aral na nahalaw mula sa karanasan ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng nakaraan. Susuriin naman ng ikalawang artikulo ang 50 taong karanasan at pampulitikang buhay ng Internayunal na Komunistang Tunguhin. Sa huli, layunin ng ikatlong artikulo na balangkasin ang pangunahing mga hamon at mga pamamaraan ng organisasyon na kailangang paunlarin at isabuhay ng ating tunguhin sa mga darating na taon at dekada upang maghanda para sa hinaharap.

Kalakip ng seryeng ito ang mga mungkahing babasahin, kabilang ang mga artikulong nailathala na sa ating pahayagan, upang mabigyan ang mga mambabasa ng pagkakataong higit pang palalimin ang mga usaping tinatalakay dito.

[1] Karl Marx, The Holy Family, 1844

[2] “Tungkol sa Partido at sa Relasyon Nito sa Uri”, International Review 35, 1983

[3] Tingnan ang mga artikulo sa ating website na sumusubaybay sa kasaysayan ng IKT:

  • “Pagtatayo ng rebolusyonaryong organisasyon: 20 taon ng IKT”
  • “30 taon ng IKT: Matuto mula sa nakaraan upang itayo ang hinaharap”

[4] “Pagtatayo ng rebolusyonaryong organisasyon: 20 taon ng IKT”

[5] Tumutukoy ito sa ika-19 na siglo.

[6] “Tungkol sa Partido at sa Relasyon Nito sa Uri”, International Review 35, 1983

[7] Basahin sa website ng IKT: “Manipesto para sa Ika-50 Anibersaryo ng Internayunal na Komunistang Tunguhin: Nagbabanta ang kapitalismo sa sangkatauhan: Ang pandaigdigang rebolusyon ang tanging makatotohanang solusyon”

[8] “Tungkol sa Partido at sa Relasyon Nito sa Uri”, International Review 35, 1983


Pinagmulan ng pagsasalain: https://en.internationalism.org/content/17764/how-contribute-future-revolutionary-party

50 taon ng Internayunal na Komunistang Tunguhin

Book traversal links for Paano Makapag-ambag sa Hinaharap na Rebolusyonaryong Partido?

  • ‹ Ang Kapitalismo ay Itinutulak ang Sangkatauhan sa Kakatwang Lagim
  • Up
  • Pagkatuto mula sa mga Nakaraang Karanasan (Bahagi I) ›
Tahanan
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
Manggagawa ng buong daigdig, magkaisa!

Footer menu

  • Mga Batayang Posisyon
  • Kontakin kami