Submitted by Internasyonalismo on
Kasalukuyan nating naranasan ang pinakamatinding kampanya ng propaganda para sa digmaan mula noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig – hindi lang sa Rusya at Ukraine, kundi sa buong mundo. Kaya esensyal para sa mga naghahanap ng tugon sa mga tambol ng digmaan na sunggaban ang mensahe ng proletaryong internasyunalismo sa pamamagitan ng anumang oportunidad na magsama-sama para sa diskusyon at klaripikasyon, para sa mutwal na pagkakaisa at suporta, at para ilatag ang seryosong rebolusyonaryong pagkilos laban sa pagsulong ng burgesya ng digmaan. Kaya ang IKT ay nagdaos ng serye ng online at pisikal na pampublikong mga pagtitipon sa maraming lenggwahe – English, French, Spanish, Dutch, Italian, German, Portuguese at Turkish, na may intensyon na magdaos pa ng dagdag na mga pagtitipon sa malapit na hinaharap.
Dahil maiksi lang ang artikulong ito, hindi namin kayang sumahin ang lahat ng mga diskusyon na nangyari sa mga pagtitipong ito, na markado ng seryoso at praternal na klima, isang tunay na pagnanasa na maunawaan ano ang nangyayari. Sa halip, nais naming konsentrahan ang ilan sa mga usapin o tema na lumitaw. Inilathala rin namin sa aming website ang ilan sa mga kontribusyon ng mga simpatisador na nagbigay ng kanilang sariling pananaw sa mga diskusyon at kanilang dinamika[1].
Pangunahin ang mga internasyunalistang prinsipyo
Ang una at malamang pinakamahalagang tema ng mga pagtitipon ay ang malawak na pagkakaisa sa mga pundamental na prinsipyo ng internasyunalismo – walang suporta alin man sa imperyalistang kampo, pagtakwil sa lahat ng mga pasipistang ilusyon, apirmasyon sa internasyunal na makauring pakikibaka bilang tanging pwersa na tunay na tututol sa digmaan – ay nanatiling balido gaya ng dati, sa kabila ng malaking ideolohikal na presyur, higit sa lahat sa mga bansa sa kanluran, na magkaisa para ipagtanggol ang “matapang na maliit na Ukraine” laban sa osong Rusya. Maaring ang reaksyon ng iba na ito ay pawang karaniwang paglalahat, pero hindi dapat silang balewalain, at hindi sila madaling isulong sa kasalukuyang klima kung saan napakaliit ang mga senyales ng makauring oposisyon sa digmaan. Dapat kilalanin ng mga internasyunalista na sila, sa ngayon, ay lumalangoy salungat sa agos. Sa puntong ito sila ay katulad sa sitwasyon ng mga rebolusyonaryo na sa 1914 ay may tungkulin na manindigan sa kanilang mga prinsipyo sa harap ng pagkaulol sa digmaan na nakita sa unang mga araw at buwan ng Unang Digmaang Pandaigdig. Pero maari rin maging inspirasyon natin ang katotohanan na sa bandang huli ang reaksyon ng uring manggagawa laban sa digmaan ay ang pangkalahatang islogan ng mga internasyunalista ay maging giya sa pagkilos na naglalayong ibagsak ang pandaigdigang kapitalistang kaayusan.
Ang pangalawang susing elemento ng diskusyon – at ang hindi masyadong napagkaisahan – ay ang pangangailangan na unawain ang bigat ng kasalukuyang digmaan, na, kasunod ng pandemiya ng Covid, ay nagbigay ng dagdag na patunay na ang kapitalismo na nasa kanyang yugto ng kabulukan ay lumalaking banta sa mismong kaligtasan ng sangkatauhan. Kahit pa ang digmaan sa Ukraine ay hindi paghahanda para sa pormasyon ng bagong mga imperyalistang bloke na magdadala sa sangkatauhan sa pangatlo - at walang duda panghuli – na pandaigdigang digmaan, ito ay ekspresyon ng intensipikasyon at ekstensyon ng barbarismong militar na, kombinasyon sa pagkasira ng kalikasan at iba pang mga manipestasyon ng naghihingalong sistema, ay sa huli pareho ang resulta sa pandaigdigang digmaan. Sa aming pananaw, ang kasalukuyang digmaan ay tanda ng signipikanteng hakbang sa pagbilis ng kabulukan ng kapitalismo, isang proseso na may banta na matabunan ang proletaryado bago pa ito makapag-ipon ng pwersa para sa mulat na pakikibaka laban sa kapital.
Ang pangangailangan ng lohikal na pagsusuri
Hindi na namin ipaliwanag dito ang mga dahilan bakit tinanggihan namin ang argumento na nakikita natin ang rekonstitusyon ng istableng mga bloke militar. Sasabihin lang namin na sa kabila ng totoong mga tendensya patungong “bipolarisasyon” ng mga imperyalistang anatagonismo, kinukonsidera pa rin namin na ang mga ito ay nahigitan ng salungat na tendensya ng bawat imperyalistang kapangyarihan ay nagtatanggol ng kanilang partikular na imperyalistang interes at tutol na maging tagasunod ng isang partikular na pandaigdigang kapangyarihan. Subalit itong huling tendensya ay kahalintulad ng lumalaking kawalan ng kontrol ng naghaharing uri, ng lumalaking irasyunal at hindi mahulaan na pagdausdos patungong kaguluhan, na sa maraming paraan ay hahantong sa mas delikadong sitwasyon kaysa ang mundo ay “pinamamahalaan” ng magkaribal na mga imperyalistang bloke, i.e. ang tinawag na “Cold War”.
Marami sa mga kasama na nasa pulong ay naghapag ng mga tanong sa pagsusuring ito; at ang ilan, halimbawa ang mga myembro ng Communist Workers Organisation sa mga pulong ng lenggwaheng English, ay malinaw na tutol sa aming konsepto ng pagkabulok ng sistema. Pero halos walang duda na ang sentral na sangkap sa hindi nagbabagong internasyunalistang posisyon ay ang kapasidad na paunlarin ang lohikal na pagsusuri sa sitwasyon, kung hindi may peligro na malito sa bilis at hindi mahulaan na kagyat na mga kaganapan. At salungat sa interpretasyon sa digmaan ng mga kasama sa Cahiers du Marxisme Vivant sa isa sa mga pulong sa Pransya, hindi simpleng ekonomikong paliwanag, ang paghahanap ng tubo sa maiksing panahon, ang tunay na pinagmulan at dinamiko ng imperyalistang tunggalian sa istorikal na yugto kung saan pataas ng pataas ang dominasyon ng mga pangangailang militar at estratehiko sa mga ekonomikong layunin. Ang mapanirang gastusin ng digmaang ito ang magbigay ng dagdag na ebidensya bilang patunay dito.
Kasing halaga sa pag-unawa sa pinagmulan at direksyon ng imperyalistang sagupaan ay ang gumawa ng isang matinong pagsusuri sa sitwasyon ng pandaigdigang uring manggagawa at ang perspektiba ng makauring pakikibaka. Habang may pangkalahatang kasunduan na ang kampanya ng digmaan ay seryosong bigwas laban sa kamulatan ng uring manggagawa na naghihirap na mula sa malalim na kawalan ng tiwala at pagiging mulat-sa-sarili, ilan sa mga partisipante ng pulong ay kinokonsidera na hindi na balakid ang uring manggagawa sa digmaan. Ang tugon namin ay ang uring manggagawa ay hindi isang magkaparehong masa. Malinaw na ang uring manggagawa sa Ukraine, na epektibong nalunod na sa mobilisasyon para sa “pagtatanggol sa bansa”, ay nakalasap ng tunay na pagkatalo. Pero kaiba sa Rusya kung saan may malinaw na malawak na pagtutol sa digmaan sa kabila ng brutal na panunupil sa anumang pagtutol, at sa hukbong Ruso kung saan may mga senyales ng demoralisasyon at maging rebelyon. Pero mas importante, ang proletaryado sa sentral na mga bansa sa kanluran ay hindi sumama na isakripisyo ang sarili sa ekonomiko o militar man na antas, at ang naghaharing uri sa mga bansang ito ay matagal ng gumagamit ng kahit ano maliban sa propesyunal na mga sundalo para sa kanyang adbenturismo militar. Pagkalipas ng mga pangmasang welga sa Poland sa 1980, binuo ng IKT ang kanyang puna sa teorya ni Lenin na ang kadena ng pandaigdigang kapitalismo ay maputol kung saan “pinakamahina ang kawing” nito – sa hindi masyadong maunlad na mga bansa batay sa modelo ng Rusya sa 1917. Sa halip iginiit namin na ang mas abante sa pulitika na uring manggagawa sa kanlurang Uropa ang magiging susi sa paglawak ng makauring pakikibaka. Sa artikulo sa hinaharap, ipaliwanag namin bakit ang pananaw na ito ay balido pa rin hanggang ngayon, sa kabila ng mga pagbabagong nangyayari sa pandaigdigang proletaryado[2].
Ano ang dapat gawin?
Ang mga lumahok sa pulong ay pareho ang lehitimong iniisip hinggil sa ispisipikong responsibilidad ng mga rebolusyonaryo sa harap ng digmaan. Sa mga pulong sa Pransya at Espanya ito ang pangunahing pokus ng diskusyon, pero sa aming pagtingin ilan sa mga kasama ay kumikiling sa aktibistang paraan, masyadong pinalaki ang posibilidad na ang ating mga internasyunalistang islogan ay may kagyat na epekto sa magiging takbo ng mga kaganapan. Isang halimbawa ang panawagan ng praternisasyon sa pagitan ng mga proletaryado na nakauniporme: habang ito ay nanatiling perpektong balido bilang pangkalahatang perspektiba, kung walang pag-unlad sa mas pangkalahatang makauring kilusan tulad ng nakita natin sa mga pagawaan at lansangan sa Rusya at Alemanya sa 1917-18, napakaliit ng posibilidad na ang mga sundalo ng magkabilang kampo sa kasalukuyang digmaan ay makita ang isa’t-isa bilang mga kasama. At syempre, ang tunay na mga internasyunalista ay napakaliit na minoriya ngayon kaya hindi sila umaasa na may kagyat na epekto sa proseso ng makauring pakikibaka sa pangkalahatan.
Gayunpaman, hindi namin iniisip na ang mga rebolusyonaryo ay maging boses sa ilang. Muli, gawin nating inspirasyon sila Lenin at Luxemburg sa 1914 na nakaunawa sa pangangailangan ipunla ang bandila ng internasyunalismo kahit pa nabukod sila mula sa masa ng kanilang uri, patuloy na lumalaban para sa mga prinsipyo sa harap ng pagtraydor ng mga dating organisasyon ng manggagawa, at bumubo ng isang malinaw na pagsusuri sa tunay na mga dahilan ng digmaan sa harap ng mga palusot ng naghaharing uri. Ganun din, kailangang sumunod tayo sa halimbawa ng Zimmerwald at iba pang mga kumperensya na nagpahayag ng determinasyon ng mga internasyunalista na magkaisa at maglathala ng komon na manipesto laban sa digmaan, sa kabila ng magkaibang pagsusuri at perspektiba. Sa puntong ito ikinalulugod namin ang partisipasyon ng ibang mga rebolusyonaryong organisasyon sa mga pulong na ito, sa kanilang kontribusyon sa debate, at kanilang kahandaan na pag-isipan ang aming proposal para sa nagkakaisang pahayag ng kaliwang komunista laban sa digmaan[3]. Ikinalulungkot lang namin ang desisyon ng CWO/ICT na tanggihan ang aming proposal, isang problema na babalikan namin sa isang artikulo sa hinaharap.
Importante rin na, bilang sagot sa mga tanong ng mga kasama kung ano ang dapat gawin sa kanilang partikular na lokalidad o bansa, binigyang-diin ng IKT na pangunahin ang pagbuo at pagpapaunlad ng mga internasyunal kontak at pagkilos, ang integrasyon ng lokal at nasyunal na partikularidad sa mas pandaigdigan na balangkas ng pagsusuri. Ang pagkilos sa pandaigdigang saklaw ay makatulong sa mga rebolusyonaryo na labanan ang pagkabukod at ang demoralisasyon na maging bunga nito.
Nabigyang-diin lang ng isang mayor na imperyalistang digmaan ang realidad na ang rebolusyonaryong pagkilos ay magkaroon lang ng katuturan kaugnay sa mga rebolusyonaryong pampulitikang organisasyon. Tulad ng sinulat namin sa aming ulat sa istruktura at paggana ng rebolusyonaryong organisasyon, “Hindi iniluwal ng uring manggagawa ang mga rebolusyonaryong militante kundi ang mga rebolusyonaryong organisasyon: walang direktang relasyon sa pagitan ng mga militante at uri”[4]. Pinatingkad nito ang responsibilidad ng mga organisasyon ng kaliwang komunista sa pagbigay ng balangkas, isang militanteng sanggunian kung saan ang indibidwal na mga kasama ay magabayan ang sarili. Bilang resulta, ang mga organisasyon ay mapalakas lang sa pamamagitan ng mga kontribusyon at aktibong suporta na matanggap nila mula sa mga kasamang ito.
Amos
[1] https://en.internationalism.org/content/17166/some-impressions-icc-meeti...