Submitted by Internasyonalismo on
Attachment | Size |
---|---|
nagkakaisang_pahayag_ukraine.pdf | 122.81 KB |
Ang mga organisasyon ng kaliwang komunista ay kailangang maglunsad ng nagkakaisang pagtatanggol sa kanilang komon na minana na pagsunod sa mga prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, laluna sa panahon ng malaking peligro para sa uring manggagawa ng mundo. Ang panahong ito ay ang panunumbalik ng imperyalistang patayan sa Uropa dahil sa digmaan sa. Kaya inilathala namin sa ibaba, kasama ang iba pang lumagda mula sa tradisyon ng kaliwang komunista (at isang grupo na iba ang linya pero lubusang sumusuporta sa pahayag), ang isang nagkakaisang pahayag sa pundamental na perspektiba para sa uring manggagawa na naharap sa imperyalistang digmaan.
*********************************************
Ang mga manggagawa ay walang bansa!
Ibagsak lahat ng mga imperyalistang kapangyarihan!
Kapalit ng kapitalistang barbarismo: sosyalismo!
Ang digmaan sa Ukraine ay nangyari dahil sa magkasalungat na mga interes ng lahat ng mga imperyalistang kapangyarihan, malaki at maliit – hindi sa interes ng uring manggagawa, na isang uri ng internasyunal na pagkakaisa. Ito ay digmaan para sa estratehikong mga teritoryo, para sa dominasyong militar at ekonomiko na ipinaglalaban sa hayag at patago ng mga nais ng digmaan - US, Rusya, ang mga estado ng Kanlurang Uropa, kasama ang naghaharing uri ng Ukraine bilang inosenteng peon ng pandaigdigang imperyalistang chess board.
Ang uring manggagawa, hindi ang estado ng Ukraine, ang tunay na biktima ng digmaan, sila man ay mga pinatay na walang kalaban-laban na kababaihan at kabataan, nagugutom na mga bakwit o pinilit maging sundalo bilang pambala ng kanyon ng magkabilang hukbo, o sa lumalalang kahirapan bilang epekto ng digmaan na maranasan ng mga manggagawa ng lahat ng mga bansa.
Ang uring kapitalista at kanilang burges na moda ng produksyon ay hindi kayang pangibabawan ang kanyang mapagkumpitensya at pambansang pagkahati-hati na dahilan ng imperyalistang digmaan. Hindi maiwasan ng kapitalistang sistema na lumubog sa lumalalang barbarismo.
Sa kanyang panig, ang pandaigdigang uring manggagawa ay hindi maiwasang isulong ang kanyang pakikibaka laban sa pagbaba ng sahod at istandard ng pamumuhay. Ang pinakahuling digmaan, ang pinakamalaki sa Uropa mula 1945, ay babala sa hinaharap ng kapitalismo para sa mundo kung hindi pamunuan ng uring manggagawa na ibagsak ang burgesya at palitan ito ng kapangyarihan ng uring manggagawa, ang diktadurya ng proletaryado.
Ang mga layunin at kasinungalingan ng iba’t-ibang imperyalistang kapangyarihan
Nais ng imperyalismong Rusya na baliktarin ang napakalaking pag-atras na natamo nito sa 1989 at muling maging imperyalistang kapangyarihan. Nais panatilihin ng US ang kanyang pagiging superpower at pamumuno sa mundo na nadungisan ng kanyang kabiguang militar sa Iraq, Syria at Afghanistan. Takot ang Britain, France, Germany sa pag-abante ng Rusya pero ganun din sa mapangwasak na dominasyon ng US. Nais ng Ukraine na makipag-alyado sa pinakamalakas na imperyalistang kapangyarihan.
Tanggapin natin, ang US at mga imperyalistang kapangyarihan ng Kanluran ang may pinaka-kapani-paniwalang kasinungalingan, at may pinakamalaking makinarya ng midya para sa kasinungalingan, para bigyang katuwiran ang kanilang tunay na layunin sa digmaang ito – diumano sila ay tumugon lamang sa agresyon ng Rusya laban sa maliit at malayang mga estado, nagtatanggol sa demokrasya laban sa awtokrasiya ng Kremlin, naninidgan sa karapatang pantao laban sa brutalidad ni Putin.
Ang mas malakas na mga imperyalistang gangster ang may mas magaling na propaganda ng digmaan, mas malaki ang kasinungalingan, dahil maari nilang galitin at manipulahin ang kanilang mga kaaway upang unang magpaputok. Pero tandaan ang diumano mapayapang pagkilos ng mga kapangyarihang ito sa Gitnang Silangan, sa Syria, Iraq at Afghanistan, paano winasak kamakailan lang ng pwersang pamhimpapawid ng US ang syudad ng Mosul, paanong pinaslang ng pwersang koalisyon ang populasyon ng Iraq dahil sa maling palusot na may sandatang mapangwasak si Saddam Hussein. Tandaan na sa nakaraan maraming krimen ang mga demokrasyang ito laban sa mga sibilyan sa nagdaang siglo ito man ay sa Vietnam sa 60s, sa panahon ng 50s sa Korea, sa panahon ng ikalawang pandaigdigang digmaan sa Hiroshima, Dresden o Hamburg. Ang kalapastanganan ng Rusya laban sa populasyon ng Ukraine ay sa esensya batay sa parehong imperyalistang kalakaran.
Ang kapitalismo sa kasalukuyang panahon ay mabubuhay lang sa pamamagitan ng digmaan. Isang ilusyon na hilingin sa kanya na ‘itigil’ ang digmaan. Ang ‘kapayapaan’ ay patlang lamang sa digmaan ng kapitalismo.
Habang mas nalubog ito sa walang solusyon na krisis mas malaki ang destruksyon-militar ng kapitalismo kasabay ng kanyang lumalaking paninira dulot ng polusyon at mga salot. Ang bulok na kapitalismo ay hinog na para sa rebolusyonaryong pagbabago.
Ang uring manggagawa ay isang natutulog na higante
Ang kapitalistang sistema ay mas lalupang nagiging sistema ng digmaan at lahat ng mga kasindakan nito, ganap na umaasa sa pagpaparaya ng uring manggagawa sa lumalalang pagsasamantala sa kanyang lakas-paggawa, at sa ultimong sakripisyo na ipinawagan ng imperyalismo sa kanya para maganap ang digmaan.
Ang masugid, mulat na pakikibaka ng uring manggagawa laban sa lumalalang paghihigpit-sinturon bunsod ng imperyalistang digmaan ay ang tanging seryosong hadlang sa pagbilis ng militarismo.
Nakatago sa pagsulong ng pagtatanggol sa makauring interes ang mas malaking potensyal ng uring manggagawa, ang abilidad na magkaisa bilang uri para lubusang ibagsak ang pampulitikang makinarya ng burgesya tulad sa ginawa nito sa Rusya sa 1917 at nagbantang mangyari sa Germany at sa iba pang lugar sa panahong iyon. Ibig sabihin, ibagsak ang sistema na siyang dahilan ng digmaan. Sa totoo lang, ang Rebolusyong Oktubre at ang mga insureksyon na iniluwal nito sa ibang mga imperyalistang kapangyarihan ang dahilan ng pagtigil ng Unang Digmaang Pandaigdig.
Ang pampulitikang tradisyon na ipinaglalaban, at patuloy na ipinaglalaban, ay internasyunalismo laban sa imperyalistang digmaan
Naging bantog ang mga kabayanan sa Zimmerwald at Kienthal sa Switzerland bilang lugar-pagtitipon ng mga sosyalista sa magkabilang kampo ng Unang Digmaang Pandaigdig para simulan ang internasyunalistang pakikibaka upang wakasan ang patayan at batikusin ang mga makabayang lider ng mga Sosyal-Demokratikong Partido. Sa mga pulong na ito ang mga Bolshevik, na suportado ng Kaliwang Bremen at Kaliwang Dutch, ay naghapag ng mga esensyal na prinsipyo ng internasyunalismo laban sa imperyalistang digmaan na balido pa hanggang ngayon: walang suporta sa alin man sa imperyalistang kampo, ang pagtakwil sa lahat ng mga ilusyon, at ang pagkilala na tanging ang uring manggagawa at kanyang rebolusyonaryong pakikibaka may kapasidad na wakasan ang sistema na nabubuhay sa imperyalistang digmaan. Sa puntong ito, isang bago at rebolusyonaryong internasyunal ang kailangang pumalit sa bumagsak na Ikalawang Internasyunal dahil sa kahihiyan sa 1914.
Malinaw na ang halimbawang dapat sundin ngayon ay ang matatag na mga internasyunalista sa Kaliwang Zimmerwald, hindi ang mga supling ng Sosyal Demokrasya na nagsisikap na pakilusin ang mga manggagawa para suportahan ang gobyerno ng Ukraine at NATO, o pagtakpan ang lumalaking imperyalistang tunggalian sa pamamagitan ng mga demonstrasyon na ‘Itigil ang Digmaan’.
Sa 1930’s at 1940’s tanging ang pampulitikang tendensya na tinatawag ngayon na Kaliwang Komunista ang matatag na nanindigan sa mga internasyunalistang prinsipyo na isinulong ng mga Bolshevik sa Unang Digmaang Pandaigdig. Ang Kaliwang Italyan at Kaliwang Dutch ay aktibong tinutulan ang magkabilang kampo ng ikalawang imperyalistang digmaan, itinakwil pareho ang pasista at anti-pasistang pangatuwiran para sa masaker. Tumanggi silang suportahan sa anumang paraan ang imperyalismo ng Stalinistang Rusya sa digmaan. Subalit, ibinigay ng Trotskyismo ang suportang ito, kabilang na ang kritikal na suporta sa Sosyal Demokrasya at anti-pasismo, kaya nagtraydor sa internasyunalismo ni Trotsky sa digmaan sa 1914-18 at pumanig sa isang imperyalistang kampo.
Ngayon, sa harap ng bumibilis na imperyalistang tunggalian sa Uropa, tanging ang mga organisasyon ng Kaliwang Komunista ang may karapatan na hawakan ang bandila ng matatag na proletaryong internasyunalismo, at maging sanggunian ng mga naghahanap ng mga proletaryong prinsipyo.
Kaya ang mga organisasyon at grupo ng Kaliwang Komunista ngayon, maliit man ang bilang at hindi kilala, ay nagpasyang maglabas ng nagkakaisang pahayag, at ibalita sa posibleng pinakamalawak ang mga internasyunalistang prinsipyo na pinagtibay laban sa barbarismo ng dalawang pandaigdigang digmaan.
Walang suporta sa alin mang panig ng imperyalistang patayan sa Ukraine.
Walang ilusyon sa pasipismo: nabubuhay lang ang kapitalismo sa walang kataposang digmaan
Tanging ang uring manggagawa ang magbigay wakas sa imperyalistang digmaan sa pamamagitan ng kanyang makauring pakikibaka laban sa pagsasamantala patungo sa pagbagsak ng kapitalistang sistema.
Manggagawa ng mundo, magkaisa!
--------------------------------------------
International Communist Current (www.internationalism.org)
Istituto Onorato Damen http://www.istitutoonoratodamen.it
Internationalist Voice (en.internationalistvoice.org)
Internationalist Communist Perspective (Korea) fully supports the joint statement (국제코뮤니스트전망 - International Communist Perspective (jinbo.net)
Source URL: https://en.internationalism.org/content/17159/joint-statement-groups-int...