Submitted by ICConline on
Ang 1960s ay kasiglahan ng third worldism at alamat ng pambansang pagpapalaya. Ang madugong digmaan sa Byetnam na inilarawan ng mga kaliwa at liberal bilang ‘dakilang pakikibaka ng mamamayang Byetnames laban sa imperyalismong US'; ang Tsina bilang moog ng inaaping mga mamamayan ng daigdig, at ang mga kaisipan ni Tsirman Mao hinggil sa di-maunlad na mga bansa na bumubuo ng napakalaking rebolusyonaryong hukbo at kumukubkob sa kapitalistang mga sentro; ang necrophiliac na kulto kina Che; Castro, Ben Bella, Fanon, Marcuse, black power ... isang buong henerasyon ng mga estudyante at maging ng mga militante sa uring manggagawa ang pinalaki sa mga alamat na ito at sa iba't-ibang mga kampanya ng pagkakaisa sa ‘anti-imperyalistang' pakikibaka. Ang manggagawang industriyal sa abanteng mga kapitalistang bansa, ayon sa alamat, ay nabili na ng imperyalismo; nagpaligaya sila sa mga benepisyo ng masaganang kapitalismo sa kapinsalaan ng mga mamamayan ng ikatlong daigdig. Ang proletaryado ay hindi na ang pangunahing rebolusyonaryong pwersa sa lipunan. Ang motibasyon para sa rebolusyon ay magmumula sa magsasaka at mahihirap na masa sa atrasadong mga bansa, na pinamunuan ng mahusay na gerilyang mga hukbo at nakipag-alyansa sa bagong rebolusyonaryong taliba sa abanteng kapitalistang mga bansa -- hindi sa mga manggagawa, kundi sa mga estudyante, mga ‘itim', ‘kababaihan' ...
Sa 1970s, lahat ng mga alamat na ito ay walang awang nalantad sa napakaliwanag na pandaigdigang krisis ng kapitalismo.
Ang krisis sa istorikal na bangkarotang pandaigdigang kaayusan ay nagbunsod ng dalawang pundamental na reaksyon mula sa dalawang pangunahing mga uri sa lipunan. Ang burgesya, nahati sa nagtunggaling mga pambansang estado at imperyalistang bloke, ay natulak papuntang pandaigdigang digmaan. Ang uring manggagawa, tagapaglikha ng panlipunang yaman, ay natulak tungong mga pakikibaka para ipagtanggol ang kanyang mga istandard sa pamumuhay - pakikibaka na hahadlang sa digmaan at magbukas sa posibilidad ng komunistang rebolusyon. Ang ebolusyon ng dalawang magkaibang mga tunguhin sa nakaraang dekada ay nagsilbi para durugin ang lahat ng kasinungalingan at mga ilusyon hinggil sa tinatawag na mga pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya.
Habang naanod ito papuntang pandaigdigang digmaan, napilitan ang burgesya na palakasin ang pagkapit sa kanyang imperyalistang sistema. Ang imperyalismo ay saktong nagkahulugan na ang buong daigdig ay dominado, pinaghatian, ng pangunahing kapitalistang kapangyarihan. Sa buong imperyalistang panahon ng pandaigdigang kapital walang bagong independyenteng kapitalismo na lumitaw o lilitaw: imposible ang pambansang kalayaan. Bawat bansa, bawat praksyon ng kapital ay napilitang isanib ang sarili sa military-economic complex na ipinataw ng pangunahing mga kapangyarihan - na sa ngayon ay ang mga imperyalistang bloke ng Amerika at Rusya. Bawat digmaan, bawat pagpihit ng internasyunal na pagkahanay, ay nagkahulugan lamang na ang pandaigdigang pamilihan ay nahahating muli, ang mga nakulimbat ay muling pinaghati-hatian. Ito ang nangyari sa buong ika-20 siglo pero mas malinaw ito sa mga panahon ng hayagang krisis, gaya ng naranasan natin sa mahigit sampung taon. Sa mga panahong yaon, kailangang palakasin ng mga imperyalistang bloke ang kanilang internal na pagkakaisa. Kailangang tipunin nila ang kanilang kontrolado na mga estado para panghimasukan ang anumang erya na nais pasukin ng ibang bloke. Hindi nila papayagan na maka-maniobra ang karibal na bloke na saan mang bahagi ng mundo. Itong nakakagimbal na realidad ng dalawang bloke na nagpapalakas sa kanilang mga sarili para sa paghahanda sa panghuling bakbakan ang siyang umiimpluwensya sa lahat ng mahalagang pangyayari na nababalot ng imahe ng makabayang mga pakikibaka sa nagdaang sampung taon:
- Tsina, ang diumanong tanglaw ng inaaping mga mamamayan ng mundo, hayagan at walang kahiya-hiyang isinanib ang sarili sa bloke ng US. Ginampanan nito ang patakarang panlabas na hayagang reaksyunaryo dahilan ng pagkakagulo sa daigdig ng Maoismo. Sa 1970 tinanggap ni Mao si Nixon sa Peking habang pinaulanan ng bomba ng US ang sosyalistang alyado nito sa Hanoi. Sa 1971 sumama ang Tsina sa US, Britain, Ceylon, India, Pakistan at Rusya para durugin ang pag-alsa sa Ceylon sa pamumuno ng Peoples Liberation Army (JVP). Sa parehang taon sinuportahan nito ang Yahya Kahn ng Pakistan sa kanyang pagsisikap na wasakin ang kilusan sa Bangladesh para sa kalayaan. Nagsagawa ito ng mapagkaibigang relasyon sa ultra-reaksyunaryong mga rehimen ni Pinochet sa Chile at Vorster sa Timog Aprika. Kinampihan nito ang sinusuportahan ng Timog Aprika na FLNA sa digmaan sa Angola sa 1976. Sa 1979, sinakop nito ang Stalinistang karatig-bansa na Byetnam. Lahat ng ito ay sinabayan ng paksyonal na alitan sa loob ng nagharing pangkat, sa pamamagitan ng biglaan at nakakalitong pagbabago sa pang-ideolohiyang linya ng burukrasya, para mapatalsik ang mas despotikong Gang of Four at ilagay ang maka-Kanluran na paksyong Teng.
- Sa Angola sa 1976, tatlong magkaribal na pambansang mapagpalayang prente ang nag-away sa isang madugong digmaan para husgahan kung sino ang tunay at totoong tagapagsalita ng masa ng Angola. Hindi na kayang ikubli ng panloob na tunggaliang ito ang pandaigdigang bangayan ng mga nagpalamon sa mga prente ng lokal na burgesya at nagbibigay sa kanila ng mga armas. Sa likod ng MPLA ay ang Rusya, Cuba, Silangang Alemanya; sa likod ng FLNA at UNITA ay ang US, Britanya, Pransya, Timog Aprika, Tsina ...
- Sa Sungay ng Aprika, ang Rusya at US ay nagpalitan ng mga tuta ayon sa kagustuhan nila; napunta ang Somalia mula sa Rusya sa kontrol ng US; ang Ethiopia mula sa Amerika papuntang Rusya; Ang sesesyonistang kilusang Eritrean sa Ethiopia, dati suportado ng Rusya, ay binomba at minasaker ngayon ng nagharing Dergue na may lubusang suporta ng Rusya, Cuba at mga ‘tagapayo' mula sa Silangang Alemanya. Ang tropang Kubano, na inaanunsyo bilang halimbawa ng di-makasariling internasyunalismo ng rehimeng Castro matapos ang kanilang panghimasok sa Angola, ay nagpakita sa kanilang tunay na papel: bilang ghurkas ng imperyalismong Ruso, na ginamit para durugin ang lokal na makabayang kilusan na hindi sumang-ayon sa estratehiya ng Kremlin.
- Sa Byetnam at Cambodia, ang "napalayang" populasyon ay nahulog sa barbarismo. Ang parehong mga bansa ay naging malawak na forced labour camp. Sa Cambodia tinutukan ng baril ang mamamayan sa syudad para magtrabaho sa kanayunan sa pinakamasahol na pagsasamantala; libu-libo ang pinatay ng nag-istirikal na makabayang rehimeng Pol Pot. Ganun din ang patakaran sa Byetnam na may pag-iingat, pero mas marahas kung etnikong Intsik ang pag-uusapan. Libu-libo ang pinalayas sa bansa na nakapagpagunita sa sobinistang pang-aatake ng Alemang Nazi. Sa pagsusuma, ang dalawang magkaibigang magkapitbahay ay nagkaroon ng madugong labanan sa hangganan na lumundo sa pagsakop ng Byetnam sa Cambodia at paglagay ng tutang rehimen ng Byetnames. Ang ‘anti-kapitalistang' mga pwersa kahapon ay nagpakita ng kanilang imperyalistang pangil. At muli, ang mga lokal na kombulsyong ito, na nagpakita ng mabilisang pagbagsak ng atrasadong mga bansa sa harap ng pandaigdigang krisis, ay hinubog ng pandaigdigang mga estratehiya ng mga pinakamakapangyarihan. Sa likod ng Cambodia ay ang Tsina; sa likod ng Byetnam ay ang Rusya. Ang digmaan ng Tsina at Byetnam ay nanawagan sa multo ng ikatlong pandaigdigang digmaan.
Ito lamang ang pinakamalinaw na mga halimbawa kung saan nailantad ng krisis ang sinasabing digmaan ng pambansang pagpapalaya ay walang iba kundi inter-imperyalistang mga masaker, hakbang tungo sa isang pandaigdigang holocaust. Sa kanilang sarili, sa isang banda, ang naturang mga halimbawa ay mauuwi laman sa pesimismo, sa ganap na negatibong pagtakwil sa ideolohiya ng pambansang pagpapalaya. Pero ang kontra-tendensya tungong pandaigdigang digmaan - ang internasyunal na makauring pakikibaka - ay hindi lang naglalantad sa alamat ng pambansang pagpapalaya. Ito ay nagbibigay ng positibong paraan para maligtas ang proletaryado, ang mga rebolusyonaryo, at ang inaaping mga masa ng daigdig.
Ang pakikibaka ng mga manggagawa sa diumano napalayang mga bansa sa ikatlong daigdig ay hindi lang nagpapakita sa lantarang anti-manggagawang katangian ng mga pwersa ng pambansang mapagpalaya, na sinalubong ang maliit na paglaban ng uring manggagawa ng walang awang represyon at istirikal, sobinistang mga pakiusap para sa disiplina ng paggawa at pambansang pagkakaisa. Pinakita nito na ang uring manggagawa ay umiiral at nakibaka sa lahat ng mga bansa, at pareho ang mga kaaway sa lahat ng mga bansa - ang pulis, sundalo, mga unyon, nasyunalismo, at ang pekeng ‘sosyalismo' ng kaliwa ng burgesya. Pinakita nito na ang mga kondisyon para sa pandaigdigang rebolusyon ngayon ay nahihinog kahit saan. Pinakita nito na ang mga manggagawa at rebolusyonaryo ay hindi pasibong tagamasid sa inter-imperyalistang bangayan: may mapagpilian silang kampo, ang kampo ng proletaryong pakikibaka laban sa lahat ng mga paksyon ng burgesya at lahat ng imperyalismo.
- Sa Tsina sa 1967, sinagot ng mga manggagawa sa Shanghai at ibang mayor na mga syudad ang probokasyon ng Pulang Gwardya ng marahas at malawakang mga welga, inilantad ang Rebolusyong Kultural - isang malawakang ideolohikal na kampanya para bigyang katwiran ang intensipikasyon ng pagsasamantala. Dagdag na mga alon ng maigting na mga pakikibaka ang nangyari sa 1974 - 76. Ang Tsina ngayon ang isa sa mga bansa sa mundo na napakadaling magkaroon ng mga welga, na makikita sa palagiang pakiusap ng kasalukuyang gobyerno para sa produktibidad at disiplina sa paggawa.
- Sa Timog Amerika, ang kaliwang hunta-militar sa Peru ay naharap sa malaking pagsabog ng pag-alsang proletaryo, sinusupil sila na kasing bangis ng kanan. Sa Chile, ang pakipaglaban ng mga minero ng tanso para depensahan ang kanilang istandard ng pamumuhay ay hinarap kapwa sila Allende at Pinochet. Sa Argentina pinigilan ng pag-alsang Cordoba sa 1969 at sa mga araw ng Hunyo sa 1976, ang kasinungalingan na ang rebolusyon sa Timog Amerika ay magagawa lamang ng maliit na mga pangkat ng mga gerilya sa syudad at kanayunan. Ang tugon ng mga gerilya sa Chile, Uruguay, at Argentina ay ibigay ang mga sarili bilang mga gwardyang praetorian ng mga popular na prente ng burgesya.
- Sa Aprika, ang MPLA ay tumulong upang buwagin ang wildcat na welga ng mga manggagawa sa daungan ng Luanda sa 1975; nang maupo ito sa kapangyarihan tulad ng kanyang karibal na FRELIMO (Mozambique), kinondena ang pakikibaka ng manggagawa at ang 'labis' na kahilingan sa sahod. Sa Timog Aprika, ang welga ng mga minero sa 1973 ay nagpaalala sa mundo na ang tanging tunay na oposisyon sa rehimeng apartheid, sa kapital ng Timog Aprika sa pangkalahatan, ay ang uring manggagawa. Sa Hilagang Aprika, ang makauring pakikibaka ng mga mangagawang Algerian, Tunisian at Mauritanian ay tinatawanan ang panawagan ng burgesya para sa pambansang pagkakaisa at hinadlangan ang mobilisasyon para sa lokal na imperyalistang digmaan sa Sahara. Ang pangmasang pag-alsa sa Ehipto sa 1977 at ang alon ng mga welga sa Israel ay nagpahirap sa parehong mga burgesya sa paghahanda ng isa pang digmaan.
- Sa Iran, ang pakikibaka ng manggagawa ang nagpabagsak sa isa sa pinakamapanupil na rehimen sa mundo, at nagpatuloy matapos mabuo ang Islamikong Republika ni Khomeiny. Sa pamamagitan ng pagbibigay lakas at gabay sa pag-alsa ng naghihirap na masa sa syudad, ang pakikibaka ng manggagawa sa Iran patunay na tanging ang proletaryado ang makapagbigay ng perspektiba sa mga masang ito sa pakikibaka laban sa kapital. Kung wala ang interbensyon at pamumuno ng uring manggagawa, ang diskontento ng mga istratang ito ay madaling mapagaling burgesya at madireksyonan tungo sa nasyunalismo, imperyalistang paksyunal na labanan.
Kung ang pagpipilian lang ng sangkatauhan ngayon ay sa pagitan ng imperyalistang digmaan at pandaigdigang rebolusyon, itanong lamang natin ang papel ng mga pakikibaka sa pambansang pagpapalaya. Bahagi ba sila ng kilusan patungong pandaigdigang rebolusyon gaya ng sinasabi ng mga Trotskyista at Maoista, o sila ba ay labolatoryo ng pandaigdigang imperyalistang digmaan? Sila ba ay katuwang ng pakikibaka ng manggagawa, isang potensyal na alyado ng mga manggagawa, o sila ay direktang salungat sa makauring pakikibaka, mobilisasyon ng uring manggagawa sa likod ng mga bandila ng kanyang pinaka-mortal na kaaway? Walang gitna sa usaping ito. Ang mga pangyayari sa nagdaang animnapung taon, at sa partikular sa mga pangyayari sa nagdaang dekada, ay malinaw ang pagpipilian:
"Alinman sa dalawa, tanggapin ang mga mistipikasyon ng pambansang pagpapalaya, na nagkahulugang bigyang katwiran ang pagsasamantala at panunupil sa mga manggagawa sa atrasadong mga rehiyon, at higit sa lahat nagkahulugan na sumapi sa paghahanda ng kapital para sa ikatlong digmaang pandaigdig;
O pumanig sa pandaigdigang proletaryado laban sa lahat ng mapagsamantala, laban sa masaker ng mga manggagawa at magsasaka sa altar ng pambansang pagpapalaya, laban sa mga hakbanging pangkagipitan na sinabayan ng paghahanda para sa digmaan sa abanteng mga bansa pati na rin sa ikatlong daigdig, laban sa mala-halimaw na solusyon ng burgesya sa krisis, para sa transpormasyon sa lahat ng imperyalistang mga tensyon at alitan tungo sa digmaang sibil ng proletaryado laban sa burgesya!" (ICC text for the second international conference of revolutionary groups)
Ang pampletong ito ay bahagi ng kontribusyon ng ICC sa tungkuling burahin ang mistipikasyon ng mapaminsalang ideolohiya ng pambansang pagpapalaya. Naglalaman ito ng orihinal na teksto ng pampletong Bayan o Uri?, unang inilathala sa 1976, at ang salin ng introduksyon ng edisyong Pranses ng pampleto, na dagdag na naglilinaw sa pagpapaunlad ng Marxistang posisyon hinggil sa makabayang mga digmaan.