Estados Unidos, Rusya, Unyon ng Uropa, Ukraine... lahat ng mga estado ay responsable sa digmaan!

Printer-friendly version

Ang burges na lipunan, na bulok sa kaibuturan, may matinding sakit, ay muling sumuka ng maruming delubyo ng bakal at apoy. Araw-araw ang patayan sa Ukraine ay nakitaan ng matinding pambobomba, ambus, pagkubkob, habang ang milyun-milyong lumilikas na bakwit ay patuloy na nakaranas ng pambobomba mula sa naglalabanang mga hukbo.

Sa gitna ng bumabahang propaganda ng mga gobyerno ng bawat bansa, dalawang kasinungalingan ang partikular na matingkad: ang una ay pinakita si Putin bilang “baliw na diktador” na inihanda ang sarili na maging bagong Tsar ng muling binubuong emperyo habang hinahawakan sa kanyang mga kamay ang “kayamanan ng Ukraine”; ang isa pa ay tungkol sa ang may pangunahing responsibilidad sa sigalot ay ang “genocide” laban sa populasyon na ang lenggwahe ay Ruso sa Donbass kung saan nais iligtas ng mga “bayaning” sundalo ng Rusya. Palaging inaalagaan ng burgesya ang maskara sa tunay na mga dahilan ng digmaan sa pamamagitan ng pagtabon sa mga ito ng ideolohikal na bilo ng “sibilisasyon”, “demokrasya”, “karapatang pantao” at “internasyunal na kaayusan”. Pero ang tunay na responsable sa digmaan ay ang kapitalismo!

Panibagong hakbang ng kaguluhan

Mula ng maupo sa kapangyarihan sa Putin sa 2000, lubusan ng nagsisikap ang Rusya na bigyan ang sarili ng isang modernong hukbo at muling palakasin ang kanyang impluwensya sa Gitnang Silangan, laluna sa Syria, pati na rin sa Aprika kasama ang pagpapadala ng mga mersenaryo sa Libya, Sentral Aprika at Mali, na lalupang nag-udyok ng kaguluhan. Nitong nagdaang mga taon hindi ito nag-atubiling maglunsad ng direktang opensiba sa Georgia sa 2008, pagkatapos sinakop ang Crimea at Donbass sa 2014, para tangkaing pigilan ang paghina ng kanyang impluwensya pero may risgo na lumikha ng mayor na instabilidad sa kanyang mga hangganan. Matapos umatras ang US sa Afghanistan, iniisip ng Rusya na makakuha ito ng benepisyo sa paghina ng Amerika para kabigin ang Ukraine sa ilalim ng kanyang impluwensya, isang teritoryo na mahalaga sa kanyang posisyon sa Uropa at mundo, laluna dahil nagbanta ang Kyiv na makipag-ugnayan sa NATO.

Mula ng bumagsak ang bloke ng Silangan sa 1989, tiyak na hindi ito ang kauna-unahan na pumutok ang digmaan sa kontinente ng Uropa. Ang digmaan sa Balkans sa maagang bahagi ng 1990’s at ang sagupaan sa Donbass sa 2014 ay nagdala na ng kamalasan at lagim sa kontinente. Pero mas seryoso ang mga implikasyon sa digmaan sa Ukraine kaysa mga nagdaang mga sagupaan, na nagpakita paanong ang paglaki ng kaguluhan ay lumalapit na sa mga pangunahing sentro ng kapitalismo.

Ang Rusya, isa sa mga pangunahing kapangyarihang-militar ng mundo, ay direkta at malawakang kasangkot sa pagsakop sa isang bansa na may estratehikong posisyon sa Uropa, maging sa mga hangganan ng Unyon ng Uropa. Sa panahon na sinusulat ito, nawalan na ang Rusya ng 10,000 sundalo at mas marami ang sugatan o tumakas. Ilang mga lungsod ay natupok dahil sa pambobomba. Marami ang namatay na sibilyan. At halos isang buwan pa lang ang digmaan![1]

Mula ngayon ay makikita na sa rehiyon ang napakalaking konsentrasyon ng mga sundalo at abanteng materyal at kagamitang militar, kasama ang mga sundalo at mersenaryo mula sa maraming lugar. Subalit sa Silangang Uropa rin makikita ang pagpadala ng libu-libong sundalo ng NATO at ang mobilisasyon ng nag-iisang alyado ni Putin, ang Belorussia. Maraming mga gobyerno sa Uropa ang nagpasyang palakihin sa unang ranggo ang programa ng muling pag-aarmas kabilang na ang mga estado sa Baltic, at Germany kung saan ginawang doble ang kanyang badyet sa “pagtatanggol”.

Sa kanyang panig, regular na nagbabanta ang Rusya sa mundo ng paghihiganti at walang hiyang nag-amba ng kanyang armas nukleyar. Ang Ministro ng Depensa ng Pransya ay nagbabala rin kay Putin na haharapin niya ang “kapangyarihang nukleyar, bago kumalma sa mas “diplomatikong” tonada. Kahit hindi usapin ng sagupaang nukleyar, posible ang risgo ng aksidenteng industriyal. Ilang mabangis na labanan ang nangyari sa pasilidad nukleyar sa Chernobyl at Zaporizhzhia, kung saan nasunog ang mga gusali (mabuti at mga gusaling administratibo lang) dahil sa pambobomba.

Sa lahat ng ito maaring idagdag ang mayor na krisis ng bakwit sa Uropa mismo. Milyun-milyong Ukrainian ang lumikas papunta sa hangganang mga bansa upang tumakas sa digmaan at sapilitang konskripsyon sa hukbo ni Zelensky. Subalit sa paglaki ng populismo sa Uropa at minsan hayagang kapasyahan ng maraming mga estado na kutyain ang mga bakwit para sa kanilang imperyalistang interes (tulad ng nakita natin kamakailan lang sa hangganan ng Belorussia o sa pamamagitan ng regular na banta ng Turkey laban sa Unyon ng Uropa), kalaunan itong malaking bakwit ay lilikha ng seryosong tensyon at instabilidad.

Kung sumahin, dinadala ng digmaan sa Ukraine ang mayor na risgo ng kaguluhan, de-estabilisasyon at destruksyon sa internasyunal na antas. Kung hindi man magbukas ang sagupaang ito ng mas maraming madugong komprontasyon, patataasin lang nito ang peligro, na may risgo ng hindi makontrol na “pagdami” ng mga hindi maisip na mga kahihinatnan.

Rusya lang ba ang responsable sa digmaan?

Kung ang burgesyang Ruso ay binuksan ang labanan para depensahan ang kanyang karumaldumal na imperyalistang interes, ang propaganda na ang Ukraine at mga bansa sa kanluran ay biktima ng isang “baliw na diktador” ay isang iporitong pagbabalatkayo. Sa loob ng ilang buwan ang babala ng gobyernong Amerikano sa napipintong pag-atake ng Rusya ay malinaw na probokasyon, habang inaamin na hindi ito magpadala ng mga sundalo sa kalupaan ng Ukraine.

Mula ng nawasak ang USSR, patuloy na may banta sa mga hangganan ng Rusya laluna sa Silangang Uropa tulad ng sa Caucasus at Sentral Asya. Ang Estados Unidos at mga kapangyarihan sa Uropa ay napaatras ang Rusya sa kanyang nasasakupang impluwensya sa pamamagitan ng integrasyon ng maraming mga bansa sa silangang Uropa sa EU at NATO. Ito rin ang kahalagahan sa pagpatalsik kay dating Pangulo ng Georgia, si Shevardnadze, sa 2003 sa panahon ng “Rebolusyon ng Rosas” (“Rose Revolution”) na nagpaupo sa kapangyarihan ng paksyong maka-Amerikano. Ganun din sa “Rebolusyong Dalandan” (“Orange Revolution”) ng 2004 sa Ukraine at lahat ng sumunod na mga sagupaan sa pagitan ng ibat-ibang paksyon ng lokal na burgesya. Ang aktibong suporta ng mga kapangyarihan sa Kanluran sa maka-Uropang oposisyon sa Belorussia, ang digmaan sa High-Karabakh sa ilalim ng presyur ng Turkey (myembro ng NATO) at ang tunggalian sa estado ng Kazakh ay nagpatingkad lang sa damdaming pagmamadali sa loob ng burgesyang Ruso.

Kasing halaga ang “Tsarista” tulad ng “Sobyet” sa Rusya, laging kinakatawan ng Ukraine ang sentral na nakataya sa kanyang patakarang panlabas. Para sa Moscow ang Ukraine ang tanging daan para sa direktang ugnay sa Mediterranean. Ang pagsakop sa Crimean Peninsula sa 2014 ay sumusunod na sa pangangailangan ng imperyalismong Ruso, na direktang binantaan ng pagkubkob sa pamamagitan ng mga rehimen na karamihan ay suportado ng Amerika. Ang kapasyahan ng Estados Unidos na kabigin ang Ukraine patungong Kanluran ay para kay Putin at sa kanyang pangkat ay tunay na probokasyon. Sa puntong ito, kahit ang opensiba ng hukbong Ruso na tila irasyunal at tiyak ang pagkatalo sa simula pa lang, para sa Moscow ito ay desperadong “pag-agaw ng kapangyarihan” para manatili ang kanyang posisyon sa pandaigdigang kapangyarihan.

Perpektong napakalinaw ang sitwasyon sa Rusya, kahit pa hati-hati sa usaping ito, ang burgesyang Amerikano ay hindi nabigong itulak si Putin na tumugon sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga probokasyong ito. Ng lantarang sinabi ni Biden sa publiko na hindi ito direktang makialam sa Ukraine, sinadya nitong mag-iwan ng ispasyo na agad sinunggaban ng Rusya sa pag-asang mapigilan ang kanyang pagbulusok sa internasyunal na arena. Hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ng Estados Unidos ang ganitong Machiavellianismo para makamit ang kanyang ninanais: 1990 pa, tinulak ni Bush senior si Saddam Hussein sa bitag sa pamamagitan ng pagsabi na hindi ito makialam para ipagtanggol ang Kuwait. Alam na natin ang nangyari …

Maaga pa para maisip gaano katagal at kalawak ang pagkasira sa Ukraine, pero mula 1990s alam natin ang mga masaker sa Srebrenica, Grozny, Sarajevo, Fallujah at Aleppo. Kahit sino pa ang nag-umpisa ng digmaan ay tiyak na napahamak at nabagabag. Sa 1980s, nagbayad ng malaki ang Rusya sa pagsakop sa Afghanistan, na nauwi sa pagsabog ng USSR. May sariling kabiguan ang Estados Unidos, na nagpahina sa kanya pareho sa militar at ekonomiya. Lahat ng mga pakipagsapalarang ito ay nagtapos, sa kabila ng inisyal na mga tagumpay, sa masaklap na pag-atras at lalong nagpahina sa mga magkaaway. Ang Rusya ni Putin, kung hindi ito aatras matapos ang nakakahiyang pagkatalo, ay hindi makaligtas sa pagkapatas, kahit pa masakop nito ang mayor na mga syudad ng Ukraine.

Lahat ng mga bansa at lahat ng mga digmaan ay imperyalista

“Isang bagong imperyalismo ang nagbanta sa kapayapaan ng mundo”[2], “Nakipaglaban ang mga Ukrainian sa imperyalistang Rusya sa loob ng daan-daang taon”[3].

“Imperyalismong Rusya”, ayon sa burgesya – tila ang Rusya ang ganap na halimbawa ng imperyalismo kabaliktaran sa walang kalaban-laban na sisiw na Ukraine. Sa realidad, mula ng pumasok ang kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto, ang digmaan at militarismo ay nagiging pundamental na katangian ng sistema. Lahat ng mga estado, malaki o maliit, ay imperyalista; lahat ng mga digmaan, sabihin man nila na ito ay “makatao”, “mapagpalaya” o “demokratiko”, ay mga imperyalistang digmaan. Kinilala na ito ng mga rebolusyonaryo sa panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig: sa pagpasok ng 20 siglo, ang pandaigdigang merkado ay ganap ng nahati sa pagitan ng mga pangunahing kapitalistang bansa. Naharap sa lumalaking kompetisyon at imposibilidad na luwagan ang pagsunggab sa mga kontradiksyon ng kapitalismo sa pamamagitan ng bagong kolonyal o komersyal na pananakop, binuo ng mga pambansang estado ang mga higanteng arsenal at isinailalim ang buong ekonomiko at buhay panlipunan sa pangangailangan ng digmaan. Sa kontekstong ito pumutok ang Pandaigdigang Digmaan sa Agosto 1914, isang masaker na walang kapares sa kasaysayan ng sangkatauhan, isang nakakasilaw na ekspresyon ng isang bagong "panahon ng mga digmaan at rebolusyon".

Naharap sa mabangis na kompetisyon at sa palagiang presensya ng digmaan sa bawat bansa, maliit o malaki, dalawang penomena ang umunlad na naging mayor na katangian ng yugto ng pagbulusok: kapitalismo ng estado at imperyalistang bloke. “Ang kapitalismo ng estado […] ang tugon sa pangangailangan ng bawat bansa, na tinatanaw ang komprontasyon sa ibang mga bansa, upang makamit ang maksimum na disiplina sa loob nito mula sa iba’t-ibang sektor ng lipunan, para mabawasan sa minimum ang banggaan sa pagitan ng mga uri at sa pagitan ng magkaribal na mga paksyon ng dominanteng uri, upang, sa partikular, para mapakilos at makontrol lahat ng kanyang ekonomikong potensyal. Ganun din, ang pagbuo ng mga imperyalistang bloke ay tugon sa pangangailangan na ipataw ang kahalintulad na disiplina sa pagitan ng iba’t-ibang pambansang burgesya para limitahan ang kanilang mga antagonismo at pagkaisahin sila para sa ultimong komprontasyon sa pagitan ng dalawang kampo militar.”[4] Kaya nahati ang kapitalistang mundo sa buong 20 siglo sa magkaribal na mga bloke: Allies laban sa Axis powers, bloke ng Kanluran laban sa bloke ng Silangan.

Subalit sa pagbagsak ng USSR sa kataposan ng 1980s, nagsimula ang huling yugto ng dekadenteng kapitalismo: ang yugto ng kanyang pangkalahatang pagkabulok[5], na may tanda ng paglaho ng mga imperyalistang bloke ng mahigit 30 taon. Ang pagkatanggal ng pagiging “pulis” ng Rusya at ang de facto na dislokasyon ng bloke ng Amerika, ay nagbukas sa buong serye ng tunggalian at lokal na mga sagupaan na dati napigilan ng bakal na disiplina ng mga bloke. Nakumpirma ang tendensya ng bawat isa para sa kanyang sarili at lumalaking kaguluhan.

Mula 1990, ang tanging “superpower”, ang Estados Unidos, ay nagtangkang itatag ang minimum na kaayusan sa mundo at pabagalin ang hindi mapigilang pagbulusok ng kanyang sariling liderato … sa pamamagitan ng digmaan. Habang tumigil ang mundo na mahati sa dalawang disiplinadong imperyalistang kampo, ang bansa tulad ng Iraq ay inakalang posible ng kontrolin ang dating alyado sa parehong bloke, ang Kuwait. Ang Estados Unidos, na nasa ulohan ng koalisyon ng 35 bansa, ay naglunsad ng nakamamatay na opensiba na naglayong panghinaan ng loob ang anumang tukso sa hinaharap na gayahin ang mga aksyon ni Saddam Hussein.

Pero hindi napigilan ng operasyon ang bawat isa para sa kanyang sarili sa imperyalistang antas, isang tipikal na manipestasyon ng pagkabulok ng lipunan. Sa mga digmaan sa Balkan, ang mabangis na tunggalian sa pagitan ng mga kapangyarihan ng dating bloke ng Kanluran ay hayagang nalantad, sa partikular France, United Kingdom at Germany na, dagdag sa mamamatay-tao na interbensyon ng Amerika at Rusya, ay naglunsad ng digmaan sa pamamagitan ng iba’t-ibang magkaaway sa dating Yugoslavia. Ang teroristang atake sa Setyembre 11, 2001, ay tanda ng isa pang signipikanteng hakbang ng kaguluhan sa sentro ng pandaigdigang kapitalismo. Ang mga maka-kaliwang teorya hinggil sa pagiging ganid ng Amerika sa tubo mula sa lana bilang mayor na dahilan ng mga digmaan ay pundamental na pinabulaanan ng kanilang napakalaking gastos. Higit sa lahat ito ay sa konteksto ng pagsisikap ng USA na muling igiit ang kanyang pandaigdigang awtoridad ng sakupin nito ang Afghanistan sa 2001 at Iraq sa 2003, sa ngalan ng "digmaan laban sa terorismo".

Inihagis ng imperyalismong Amerikano ang sarili sa pagmamadali: sa panahon ng ikalawang digmaan sa Gulpo, ang Germany, France at Rusya ay hindi na kontento na hatakin ang kanilang mga paa sa likod ni Uncle Sam, lantaran silang tumanggi na magpadala ng mga sundalo. Higit sa lahat, bawat operasyon ay nagbunga lang ng kaguluhan at instabilidad kung saan sa huli natali ang Estados Unidos, sa punto na iwanan nito ang Afghanistan sa nakakahiyang paraan matapos ang 20 taon, iniwan nila ang mga guho sa mga kamay ng Taliban, ang mismong pinatalsik nila, katulad ng pag-iwan nila sa Iraq na nabalot ng anarkiya, na nagpagulo sa buong rehiyon, sa partikular ang karatig-bansa na Syria. Sa panahon ng pagkabulok, dahil mismo sa layuning panatilihin ang kanyang ranggo bilang numero unong kapangyarihan ng mundo, ang Estados Unidos ang pangunahing tagahasik ng kaguluhan.

Lumikha ng kaguluhan ang Estados Unidos sa pintuan ng isa sa mga prinsipal na sentro ng pandaigdigang kapitalismo

Ngayon, hindi maipagkailang nakapuntos ang Estados Unidos sa imperyalistang antas, kahit hindi direktang nakialam. Ang Rusya, na matagal ng kaaway, ay natali sa hindi maipanalong digmaan na magbunga, ano man ang resulta, sa mayor na paghina sa militar at ekonomiya. Nagpahayag na ang Unyon ng Uropa at Estados Unidos ano ang layunin: ayon sa pangulo ng diplomasiya sa Uropa, ito ay usapin ng “pagwasak sa ekonomiya ng Rusya "... at mas lalupang makasama sa proletaryado ng Rusya na siyang magbayad sa lahat ng mapaghiganting mga hakbangin. Kasama ang proletaryado sa Ukraine, sila ang unang biktima at hostage sa pagpapakawala ng barbarismong militar!

Muli ring nakontrol ng mga Amerikano ang NATO, na kamakailan lang inihayag ng Presidente ng Pransya na "brain dead", na malaki ang paglakas ng presensya sa Silangan at napwersa ang pangunahing mga kapangyarihan sa Uropa (Germany, France at United Kingdom) na umako ng mas mabigat na pang-ekonomiyang pasanin ng militarismo para depensahan ang mga hangganan ng Uropa sa silangan. Ito ang polisiya na nais ipatupad ng Estados Unidos sa loob ng maraming taon, laluna sa panahon ni Trump, at ngayon ay ipinagpatuloy ni Biden, para ikonsentra ang kanyang pwersa laban sa prinsipal na kaaway: China.

Para sa mga Uropeo, ang sitwasyon ay kumakatawan sa malaking pagkatalong diplomatiko at kawalan ng impluwensya. Ang sagupaan na ginatungan ng Estados Unidos ay hindi nais ng France at Germany na, dahil umaasa sila sa gas ng Rusya at merkado na kinatawan ng bansang ito para sa kanilang sariling kabutihan, ay walang mapapala sa sagupaang ito. Kabaliktaran, makaranas ang Uropa ng lalupang pagbilis ng krisis sa ekonomiya dahil sa digmaan at parusang ipinataw sa Rusya. Kaya naobligang luminya sa likod ng kalasag ng Amerika ang mga Uropeo matapos ang diplomatikong paghina dahil sa kabaliwan ni Trump at umasa sa malakas na pagbalik ng lumang kontinente sa internasyunal na eksena.

Ang paglinya ba ng mga kapangyarihan sa Uropa sa likod ng Estados Unidos ang simula ng pormasyon ng panibagong imperyalistang bloke? Ang yugto ng pagkabulok ay hindi, sa kanyang sarili, nagbabawal sa pagbuo ng bagong mga imperyalistang bloke, subalit ang bigat ng bawat isa para sa kanyang sarili ay pinipigilan ito na mangyari. Gayunpaman, sa sitwasyong ito ang irasyunal na kapasyahan ng bawat estado na ipagtanggol ang kanyang sariling imperyalistang interes ay mas lalupang tumibay. Pinipilit ng Germany ang sarili na ipataw ang parusa at patuloy na nag-alinlangan sa dagdag na parusa sa pag-angkat ng gas kung saan umaasa ito ng malaki. Dagdag pa, hindi ito tumigil, kasama ang France, na makialam sa pamamagitan ng pag-alok ng diplomatikong labasan ng Rusya, na nais naman ng Washington na iantala. Kahit ang Turkey at Israel ay inaalok ang kanilang “mabuting serbisyo” bilang tagapamagitan. Sa bandang huli, sa kanilang pagpalaki ng gastos militar, ang mayor na mga kapangyarihan sa Uropa ay makalaya mula sa kontrol ng Amerika, isang ambisyon na regular na pinagtatanggol ni Macron sa kanyang  proyektong “Depensa sa Uropa”. Habang hindi maikakaila na nakapuntos ang Estados Unidos sa maikling panahon, bawat bansa ay naglalaro rin ng kanilang sariling baraha, na naglagay sa kompromiso sa pagbuo ng bloke bagay na pabor sa China, dahil wala itong kapasidad na tipunin alinman sa mga signipikanteng kapangyarihan sa likod nito. Sa kasalukuyan ay pinipigilan ng digmaan ang China na ipagtanggol ang kanyang sariling interes at layunin.  

China ang ultimong target sa estratehiya ng Amerika

Subalit, ang mga maniobra ng burgesyang Amerikano ay hindi tangi o pangunahin laban sa Rusya lang. Kontrolado ng komprontasyon ng Estados Unidos at China ngayon ang pandaigdigang imperyalistang relasyon. Sa pamamagitan ng kaguluhan sa Ukraine, nahadlangan ng Washington ang pag-abante ng China sa Uropa sa pamamagitan ng “silk roads” na dadaan sa mga bansa ng Uropa mula sa silangan. Hindi malinaw kailan maglaho ang harang na ito. Matapos balaan ang daanang-dagat ng China sa rehiyong Indo-Pacific sa pamamagitan ng pagbuo ng alyansang AUKUS sa 2021[6],nahati ng malaki ni Biden ang Uropa, na pumipigil sa China na dalhin ang kanyang mga produkto sa pamamagitan ng transportasyon sa lupa.

Nagtagumpay rin ang Estados Unidos na ipakita ang pagiging inutil ng China na magkaroon ng malaking papel sa internasyunal na eksena dahil wala itong ibang pagpilian kundi suportahan ang Rusya sa napakahinang paraan. Sa puntong ito, ang opensiba ng Amerika na nasaksihan natin ay bahagi ng mas pandaigdigang estratehiya para pigilan ang China.

Magmula sa mga digmaan ng dating Yugoslavia, Afghanistan at Gitnang Silangan, ang Estados Unidos ay naging, batay sa nakita natin, pangunahing salik sa kaguluhan sa mundo. Ang tunguhing ito ay nakumpirma sa nasa gilid na mga bansa ng kapitalismo, bagaman nagdurusa ang sentral na mga bansa sa epekto (terorismo, krisis sa migrasyon, atbp). Pero ngayon, ang numero unong kapangyarihan sa mundo ay lumilikha ng kaguluhan sa mga pintuan ng isa sa mga pangunahing sentro ng kapitalismo. Itong kriminal na estratehiya ay pinangunahan ng isang “demokrata” at “moderatong” si Joe Biden. Ang nasundan niya, si Donald Trump, ay may karapat-dapat na reputasyon bilang mainitin ang ulo, pero ngayon tila malinaw na ito ay para nyutralisahin ang China, magkaiba lang sa estratehiya: nais ni Trump na makipagkasundo sa Rusya, si Biden at mayoriya ng burgesyang Amerikano ay paduguin ito. Si Putin at ang pangkat nitong mamamatay-tao ay walang kaibahan, katulad ni Zelensky na hindi nag-alinlangang gawing hostage ang buong populasyon at isakripisyo sila bilang pambala ng kanyon sa ngalan ng pagtatanggol sa amang bayan. At paano na ang ipokritong mga demokrasya sa Uropa na, habang luhang-buwaya sa mga biktima ng digmaan, ay nagpadala ng napakalaking bilang ng kagamitang militar?

Mula sa kaliwa at kanan, demokratiko o diktadurya, lahat ng mga bansa, lahat ng mga burgesya ay hinahatak tayo para piliting magmartsa patungong kaguluhan at barbarismo! Higit kailanman, ang tanging alternatiba ng sangkatauhan ay: sosyalismo o barbarismo! 

EG, March 21, 2022

 

 

[1] Para sa pagkumpara, nawalan ng 25,000 sundalo ang USSR sa loob ng siyam na taon na teribleng digmaan na sumira sa Afghanistan.

[2] “Laban sa imperyalismong Rusya, para sa internasyunalistang pag-igpaw”, Mediapart, Marso 2, 2022. Ang artikulong ito ay may titulong nagpahiwatig ng komedya, laluna sa kanyang awtor, si Edwy Plenel, isang bantog na tagapagtanggol ng imperyalismong Pranses na lantarang nanawagan ng digmaan.

[3] “Para maunawaan ang sagupaan sa Ukraine-Rusya, tingnan ang kolonyalismo”, The Washington Post, 24 Pebrero, 2022.

[5] https://en.internationalism.org/ir/107_decomposition

“Decomposition: the ultimate stage of decadent capitalism”.

Rubric: 

Imperyalistang Digmaan sa Ukraine