Eleksyon: Instrumento ng Uring Kapitalista

Printer-friendly version

Halos lahat ay nakatuon sa darating na halalan sa Mayo 2022. Pareho ang administrasyon at oposisyon at mga taga-suporta nila ay abalang-abala na sa paghahanda para sa Mayo. Ang Kaliwa ng burgesya – maoísta, leninista, sosyal-demokrata – ay pinakilos ang kanilang mga myembro at masang tagasuporta para maparami ang botong makukuha ng kanilang mga kandidato at mánalo.

Sa kabilang banda, ang mga surveys ng burgesya ay nakatuon naman sa paghubog ng opinyong publiko na ang layunin ay “turuan” ang mga botante kung sinu-sino ang mas malaki ang tsansang mánalo. Sabi pa nga ilang komentarista, sa pamamagitan ng surveys ay alam na ng mga botante kung sinu-sino ang mánanalo sa Mayo.

Burges na eleksyon: hindi na larangan ng pakikibaka ng uring manggagawa

Ang eleksyon at parliyamentarismo ng kapitalismo ay balwarte ng uring kapitalista para ipagpatuloy ang paghari nila sa lipunan. Isa ito sa mga haligi ng naghaharing uri para manatili sa pampulitikang kapangyarihan. Malinaw ito sa mga marxista at komunista.

Kung lumahok man sa eleksyon ang mga komunistang organisasyon noong 19 siglo (1800s), ito ay sa batayang progresibo pa ang kapitalismo. Progresibo ito laban sa mga labi ng pyudalismo. Progresibo ito dahil ang kanyang moda ng produksyon ay may kapasidad pa na magbigay ng mga makabuluhang reporma para sa kagalingan ng uring manggagawa bilang sahurang-alipin ng kapital. Sa 19 siglo, tunay na nagagamit ng uring manggagawa ang parliyamento bilang tribuna ng rebolusyonaryong propaganda at pagpapalakas ng sariling independyenteng kilusan.

Dahil progresibo pa ang kapitalismo, wala pa sa agenda ang rebolusyonaryong pag-agaw ng kapangyarihan ng uring manggagawa. Ang agenda sa 19 siglo ay pakikibaka para sa reporma at pagpaparami at konsolidasyon ng rebolusyonaryong pwersa.

Subalit, ng ganap ng nasakop ng kapitalistang moda ng produksyon ang buong mundo sa pagpasok ng 20 siglo (1900s), lubusan na ring naging reaksyunaryo ang sistema. Umabot na sa rurok ang krisis ng sobrang produksyon na siyang dahilan ng pag-agaw ng mga teritoryo ng mga karibal na kapangyarihan ng pambansang kapital sa pamamagitan ng mga imperyalistang digmaan (WW I at WW II). Ito ang tinawag na imperyalismo, ang huling yugto ng kapitalismo. Sa panahon ng imperyalismo o dekadenteng kapitalismo, wala ng maibigay na mga makabuluhang reporma ang sistema para sa kagalingan ng masang anakpawis maliban sa ibayong pagsasamantala at kahirapan.

Sa 20 siglo, nasa agenda na ang rebolusyonaryong pag-agaw ng kapangyarihan ng uring manggagawa sa pamamagitan ng komunistang rebolusyon at diktadura ng proletaryado sa pandaigdigang saklaw. Ang deklarasyon ng Ikatlong Internasyunal (COMINTERN) ay nasa yugto na ang lipunan ng mga digmaan at rebolusyon. Sa 20 siglo naganap ang Rebolusyong Ruso at ang Unang Internasyunal na Rebolusyonaryong Alon ng 1917-27.

Boykot Eleksyon

Istorikal at materyal ang batayan ng mga komunistang organisasyon at rebolusyonaryong manggagawa bakit boykot ang paninindigan nito sa burges na eleksyon simula 20 siglo.

Istorikal dahil pumasok na sa dekadenteng yugto ang kapitalismo kung saan lubusan ng naging reaksyunaryo ito at lahat ng paksyon ng uring burges. Ang parliyamento ay ganap ng instrumento para sa pagsasamantala at pang-aapi at wala ng kapasidad sa pakikibaka para sa reporma.

Materyal dahil nasa permanenteng krisis na ang pandaigdigang kapitalistang sistema bunsod ng permanenteng krisis ng sobrang produksyon. Ang tanging solusyon at paraan ay komunistang rebolusyon.

Noong huling bahagi ng 1920s hanggang 1930s ay matindi ang debate sa loob ng COMINTERN kung lalahok pa ba ang mga rebolusyonaryo sa eleksyon. Nagwagi man sa debate ang mga nanindigan sa paglahok, napatunayan naman ng kasaysayan at karanasan na tama ang mga nanindigan ng boykot.

Sa ibat-ibang bahagi ng mundo kung saan nanalo sa eleksyon ang mga “progresibo”, “radikal” at “maka-manggagawa”, walang nagbago sa hirap at pinagsamantalahang kalagayan ng masang anakpawis. Sa halip, ang mga “progresibo” at “radikal” ay nalantad at naging hayagang tagapagtanggol ng kapitalistang estado sa halip na ibagsak ito.

Malakas na ilusyon ng eleksyon sa Pilipinas

Noong 1980s sa kasagsagan ng kalakasan ng maoistang CPP-NPA, namayagpag ang panawagan nila na “Rebolusyon Hindi Eleksyon”. Subalit mali at bastardo ang batayan nila sa boykot. Ito ay nakabatay sa burges na demokratismo hindi sa marxistang materyalistang istoriko. Ang “rebolusyon” naman na sinasabi nila ay armadong gerilyang pakikidigma sa kanayunan kung saan ang programa ay peti-burges na “argraryong rebolusyon”. Ang boykot nila ay sa paraan ng ballot snatching at pananakot ng armadong hukbo hindi sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at mga welga ng uring manggagawa. Kung may mga welga man, ito ay nagsisilbi sa armadong gerilyang pakikidigma sa kanayunan.

Dahil nakabatay sa burges na demokratismo ang boykot ng maoistang kilusan, ng “bumalik na ang demokrasya” sa Pilipinas ay sila pa ang nangunguna sa paglahok sa eleksyon!

Dagdag pa sa katrayduran ng Kaliwa sa proletaryong kawsa ay ang walang hiyang pakikipag-alyansa nila (hayag man o tago) sa isang paksyon ng naghaharing uri para lang manalo sa eleksyon na sinamahan pa ng vote buying. Pinakahuling ginawa ng Kaliwa ay ang pakikipag-alyansa kay Manny Villar noong 2010, Rodrigo Duterte at Grace Poe noong 2016. Maliban sa estado, simbahan at midya, malaki rin ang papel at pananagutan ng Kaliwa bakit napakalakas ng ilusyon sa eleksyon sa Pilipinas.

Ang Kaliwa ang isa sa mayor na dahilan ng pagkabansot at pagkabaog ng kamulatan ng daang libong manggagawa na lumahok sa mga welga at pakikibaka noong 1980s. Dahil sa pananabotahe ng Kaliwa, marami sa mga militanteng manggagawa sa hanay nila ay nademoralisa at nawalan na ng pag-asa sa pakikibaka o kaya nasawi sa gerilyang pakikidigma sa kanayunan.

Ang ibang mga paksyon naman ng Kaliwa na humiwalay sa maoistang kilusan noong 1990s ay nakakulong pa rin sa ideolohiya ng kaliwa ng kapital. Katunayan, walang pagkakaiba ang lahat ng paksyon ng Kaliwa sa usapin ng pagiging traydor sa kawsa ng proletaryong rebolusyon.

Pagkabulok ng kapitalismo: Lalupang lumakas ang irasyunalismo

Sa pagpasok ng 1980s ang dekadenteng kapitalismo ay pumasok na sa kanyang huling yugto, ang yugto ng pagkabulok nito (dekomposisyon). Sa dekomposisyon, mas lumakas ang kaisipang bawat isa para sa kanyang sarili sa hanay ng burgesya. Kaalinsabay nito ay ang paglakas ng irasyunalismo at pagsamba sa mga personalidad.

Ang pag-upo sa kapangyarihan ng mga personalidad tulad nila Duterte, Trump, Edrogan, Bolsonaro at Putin ay bunga ng irasyunalismo, pagsamba sa personalidad, galit, paghihiganti, desperasyon, at kawalang pag-asa sa kakayahan ng masang anakpawis. Nangunguna sa irasyunalismo ang uring peti-burges na umiimpluwensya naman sa isang seksyon ng mga pinagsamantalahan laluna sa mala-proletaryado at maralitang taga-lungsod.

Dahil rin sa paglakas ng irasyunalismo at populismo sa buong mundo ay lumakas din ang impluwensya ng mga maka-kanan na populistang lider. Sa ganitong konteksto dapat ibatay ang pagsusuri bakit nangunguna sila Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr at Sara Duterte sa mga surveys maliban pa sa katotohanan na may manipulasyon sa mga surveys. Sila Duterte, Marcos, Trump at iba pa ay produkto ng kabulukan ng sistema.

Sa kabulukan ng sistema ay mas lalupang lumakas ang paghawak ng mga malalaking angkan sa pulitika ng Pilipinas at sa paghubog ng opinyong publiko. Sa kasalukuyan, ang mga angkang Marcos, Arroyo, Estrada at Duterte ay nagkutsabahan para sa eleksyong 2022. Ganun pa man, dahil sa pangingibabaw ng bawat isa para sa kanyang sarili, ang bawat angkan na ito ay may mga pansariling interes bakit sila “nagkakaisa” sa eleksyon 2022. Ang kanilang alyansa ay mabuway at temporaryo. Malaki ang posibilidad na hihina o di kaya mabuwag ang alyansang ito pagkatapos ng eleksyon sa 2022 dahil sa maniobrahan at manipulasyon ng bawat angkan.

Ang perspektiba ng pulitika sa Pilipinas ay katulad sa perspektiba sa internasyunal na saklaw: magulong pulitika kung saan ang mga ordinaryong masa ay ginagawang pambala ng kanyon sa inter-paksyunal na tunggalian ng naghaharing uri.

Rebolusyonaryong pakikibaka

Sa yugto ng dekomposisyon o kabulukan ng kapitalismo ang tanging daan na dapat tahakin ng uring manggagawa ay rebolusyonaryong pakikibaka at komunistang rebolusyon sa pandaigdigang saklaw. Tanging sa pagkakaisa lang ng manggagawa ng mundo at pakikibaka maibagsak ang kapitalistang sistema.

Ang eleksyon at pag-asa dito, ang pag-asa sa mga “progresibo” at “radikal na kandidato” o sa “lesser evil”, ang pakikipag-alyansa sa isang paksyon ng naghaharing uri, unyonismo at nasyunalismo, ay mga malaking balakid na dapat tibagin ng uring manggagawa kung nais nilang lumaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala. Ibig sabihin, itakwil ang programa at pagkilos ng lahat ng paksyon ng Kaliwa na sumisira at sumasabotahe sa pagkakaisa ng mga manggagawa.

Toribio
Enero 1, 2022

Rubric: 

Eleksyon