Submitted by ICConline on
Sa pasulong na yugto, noon, ayon sa ilang mga prinsipyong gabay, nagkaroon ng debate sa loob ng kilusang manggagawa hinggil sa kung aling pambansang mga pakikibaka ang suportahan. Matapos ang 1914, nang ang kapitalismo ay mapagpasyang pumasok sa yugto ng pagbulusok-pababa, sa kanyang permanenteng istorikal na krisis, ang hindi maiwasang di-pagtugma ng obhetibong kondisyon at ng suhetibong kamulatan ng proletaryado sa mga kondisyong ito ang nagpatagal sa debate sa loob ng rebolusyonaryong kampo. Ilang mga pundamental na makauring linya - gaya ng pangangailangang durugin ang burges na estado - ay naunawaas na ng mga rebolusyonaryo sa huling bahagi ng ika-19 siglo (matapos ang karanasan sa Komuna ng Paris). Pero ang iba pang makauring linya ay nalatag lamang matapos ang masaklap na karanasan sa unang imperyalistang digmaan at sa sumunod na rebolusyonaryong alon. Ang kontra-rebolusyonaryong papel ng mga unyon, parlyamentarismo, at Sosyal Demokrasya ay matibay na na-establisa sa takbo ng mga pangyayari. Subalit kahit ganun, sa napakahirap na panahong iyon, posible para sa isang organisasyon na magkaroon ng pundamental na rebolusyonaryong katangian at nagkaroon pa rin ng mabigat na mga ilisyon hinggil sa katangian ng mga ito. Hangga't ang rebolusyonaryong momentum ng buong uri ay may kislap pa ng buhay, posible pa na ang mga pagkakamali at kalituhan ng mga nangunang elemento ng uri ay patuloy na maituwid ayon sa karanasan ng proletaryado; sa ganap na paglaho lamang ng rebolusyonaryong alon na ang makauring mga linya sa pagitan ng mga organisasyon ay matibay na na-establisa, at ang dating mga pagkakamali ay naging normal na mga patakaran ng kontra-rebolusyonaryong mga tendensya. Sa ganitong paraan nagawa ng mga Bolsheviks sa isang panahon na pamunuan ang pandaigdigang rebolusyonaryong kilusan kahit pa sa kanilang kakulangan ng kalinawan sa maraming mga usapin; pero ang kanilang kawalan ng kapasidad na matutunan ang lahat ng mga aral sa bagong panahon ay katumbas ng kanilang kontribusyon sa pagiging intrumento ng kontra-rebolusyon. Ito ang kaso hindi lamang sa usapin ng mga unyon, parlyamento, at Sosyal Demokrasya kung saan ang mga Bolsheviks sa ilalim ng presyur ng umaatakeng kontra-rebolusyon ay sinubukang ilapat ang mga pormula na angkop lamang sa nagdaang panahon, kundi pati rin sa pambansang usapin.
Bilang resulta, ang diskusyon ng pambansang usapin ay binuksan bago pa malinaw na lumitaw ang bagong yugto sa pamamagitan ng imperyalistang pandaigdigang digmaan. Matapos ang 1871 ang burgesya sa mayor na mga kapital ay hindi na naglunsad ng pambansang mga digmaan sa lumang tipo; ang imperyalistang tulak sa huling bahagi ng ika-19 siglo ay kumakatawan sa mabilis na pag-unlad ng kapitalismo tungo sa kanyang tugatog - pero habang mas lumalapit ito sa ganung direksyon, mas lumalapit din siya sa kanyang pagbulusok-pababa. Ang bumibilis na imperyalistang tunggalian sa mga dekada bago ang digmaan, ang intensipikasyon ng pang-ekonomiyang mga problema, ang pagtaas ng taob ng makauring pakikibaka, ay mahalagang mga palatandaan sa pagdating ng bagong panahon, mga palatandaan na pinansin at pinagdiskasan ng kilusang manggagawa sa 1890 at maagang bahagi ng l900.
Kaya halimbawa, ang oposisyon ni Rosa Luxemburg sa pambansang paglayang Polish sa panahong iyon ay nakabatay sa pag-unawa na ang katangian ng Rusya ay nagbago mula sa panahon ni Marx. Ang Rusya ngayon ay mabilis na umuunlad bilang isang mayor na kapitalistang bansa, habang ang burgesyang Polish ngayon ay may interes na nakaugnay sa kapitalismong Ruso. Ganun din, ang posibilidad ng makauring alyansa sa pagitan ng manggagawang Polish at Ruso ay nabuksan, at giniit ni Luxemburg na dapat gamitin ng Sosyal Demokrasya ang lahat ng kanyang kapangyarihan para patibayin ang alyansa, hindi kampanya para ihiwalay ang mga manggagawang Polish sa ilalim ng ‘independyenteng' pagsasamantala ng burgesyang Polish. Pero pinanindigan pa rin niya na ang kagyat na tungkulin ng manggagawang Polish at Ruso ay ang pagtayo ng nagkakaisa, demokratikong republika, hindi sosyalistang rebolusyon. Dagdag pa, buong puso niyang sinuportahan ang pambansang pag-alsa ng mga Greeks laban sa mga Turks sa 1896, at giniit sa Reporma o Rebolusyon (1898) na ang panahon ng istorikal na krisis ng kapitalismo ay hindi pa nabuksan. Ang kanyang pagkakaiba sa buong Sosyal Demokrasya ay nasa usapin pa ng estratehiya, isang diskusyon hinggil sa pinakamahusay na resulta ng mga pangyayari sa mundo para sa manggagawa sa loob ng kapitalistang lipunan. Ang perspektiba ng kagyat na unipikasyon ng pandaigdigang proletaryado ay hindi pa totoong nailatag.
Pero, ang mga debate sa loob ng Sosyal Demokrasya sa panahong iyon ay ekspresyon ng nagbabagong istorikal na kondisyon. Sa isang banda, pinakita ng mga ideya ni Luxemburg ang tunay na pag-unawa sa pangangailangang umangkop sa mga pagbabagong ito. Sa kabilang banda, ang sclerosis ng Sosyal Demokratikong organisasyon hindi lamang nagpahayag ng kawalan ng kapasidad na unawain ang bagong mga pag-unlad, pero nagpahayag din ng mga palatandaan ng pag-atras kaugnay sa lohika ng Unang Internasyunal. Ang pag-atras na ito ay hindi maiwasan dahil sa konteksto ng pagkilos ng Sosyal Demokrasya sa kilusang manggagawa. Ang pangunahing tungkulin ng Sosyal Demokrasya ay ipaglaban ang mga reporma sa panahon ng kapitalistang istabilidad sa abanteng mga bansa; at ang pakikibaka para sa mga reporma ay ispisipikong mangyayari sa pambansang tereyn. Dahil ang pambansang burgesya ay makabigay ng mga reporma naging madali sa mga repormista na makipagtalo na ang mga manggagawa ay napakaraming mutwal na interes sa kanilang sariling bansa. Sa 1896 ang Ikalawang Internasyunal ay nagsimulang nagpatupad ng nakamamatay na pormula ng karapatan ng mga bansa para sa sariling pagpapasya, aplikable sa lahat ng mga mamamayan. Ang mga epekto nito ay naging napakalinaw sa sumunod na mga dekada.