Submitted by ICConline on
Kahit pa pinakita ng kanilang de facto na isplit mula sa mga Mensheviks sa 1903 na ang mga Bolsheviks ay matatag na nasa loob ng rebolusyonaryong kampo sa Ikalawang Internasyunal, ang kanilang posisyon sa pambansang usapin ay nasa Sosyal Demokratikong gitna: ang karapatan ng lahat ng mga bansa sa sariling pagpapasya, na nasa kanilang programa sa 1903. Ang pagiging matatag ng mga Bolsheviks sa paghawak sa posisyong ito, kahit pa sa oposisyon mula sa labas at mula sa loob, ay mahusay na maipaliwanag ng katotohanan na ang Tsaristang Ruso ang pinakabangis na tagapagpatupad ng pambansang pang-aapi ("bilangguan ng mga bansa") at bilang pangunahing partido ng ‘Dakilang Rusya' sa hiyograpikal na usapin, kinukonsidera ng mga Bolshevik na ang pagbibigay sa mga bansang inaapi ng Rusya sa karapatang humiwalay bilang pinakamabuting paraan para makuha ang tiwala ng masa sa mga bansang ito. Ang posisyong ito, kahit pa mali, ay nakabatay sa perspektiba ng uring manggagawa. Sa panahong ang mga Sosyal Imperyalista sa Alemanya, Rusya, at saan man, ay nangatwiran laban sa karapatan ng mga mamamayang inaapi ng imperyalismong Alemanya o Rusya na makibaka para sa pambansang kalayaan, ang islogan ng pambansang sariling pagpapasya ay isinulong ng mga Bolsheviks bilang paraan para pahinain ang Rusya at iba pang imperyalismo at sa pagbuo ng mga kondisyon para sa unipikasyon sa hinaharap kapwa ng mga manggagawa sa nang-aapi at inaaping mga bansa.
Ang makita ang mga posisyong sa pinakamalinaw ekspresyon sa mga sulatin ni Lenin sa panahon patungo sa at sa panahon ng Unang Pandaigdigang Digmaan mismo (Ang Leninistang posisyon ay laging opisyal na patakarang Bolshevik sa usaping ito). Pero maykonsiderableng oposisyon dito na nagmula sa kaliwa ng partido bago at matapos ang 1917, mula sa prominenteng mga Bolshevik tulad ni Bukharin, Dzerzhinsky, at Piatakov. Si Bukharin sa partikular ay ibinatay ang kanyang pagsusuri sa konsepto ng pandaigdigang ekonomiya at imperyalismo, na ayon sa kanya ang pambansang sariling pagpapasya ay parehong utopyan at salungat sa proletaryong diktadurya. Kasama nila Marx at Engels, tamang nakita ni Lenin na ang pakikibaka sa pambansang paglaya ay may burges na katangian. Dagdag pa, kinilala niya ang pangangailangan ng isang istorikal na pagsusuri sa problema. Sa Karapatan ng mga Bansa para sa Sariling Pagpapasya sinabi niya na para sa rebolusyonaryong mga partido sa abanteng mga bansa sa kanluran ang kahilingan para sa pambansang pagpapasya ay patay na dahil nakamit na doon ng burgesya ang mga tungkulin sa pambansang unipikasyon at kalayaan. Pero pinagtanggol ni Lenin ang islogang Bolshevik mula sa mga kritisismo ni Luxemburg sa batayan na sa Rusya at sa kolonyal na mga bansa ang mga tungkulin ng burgesya sa pagpabagsak sa pyudalismo at pagkamit ng pambansang kalayaan ay hindi pa kompleto. Kaya, sa mga eryang ito, sinubukan ni Lenin na ilapat ang paraang nilapat ni Marx sa kapitalismo sa ika-19 siglo:
"Sa dahilang tiyak at tanging ang Rusya at katabing mga bansa ay dumadaaan sa yugtong ito na kailanagan nating ilagay sa ating programa ang karapatan ng mga bansa para sa sariling pagpapasya." (Lenin, Ang Karapatan ng mga Bansa para sa Sariling Pagpapasya)
Ayon kay Lenin, ang mga kilusan para sa pambansang kalayaan na dumarami sa kolonyal na mundo ng panahong iyon ay may progresibong laman na naglalatag ng batayan para sa independyenteng kapitalistang pag-unlad at sa pormasyon ng proletaryado. Sa mga bansang ito, ang pakibaka laban sa hindi-pa-kapitalistang panlipunang mga istruktura ay gumagawa ng mga kondisyon para sa ‘normal' na makauring tunggalian sa pagitan ng burgesya at uring manggagawa, kaya nanawagan si Lenin sa kritikal na partisipasyon ng proletaryado sa mga pakikibakang ito:
"Ang burges na nasyunalismo ng anumang inaaping bansa ay may demokratikong laman sa pangkalahatan na tuwirang lumalaban sa pang-aapi at ang laman na ito ang ating sinusuportahan ng walang pag-alinlangan. Subalit istrikto nating pinag-iba ito mula sa tendensya tungo sa pambansang elitismo; nakibaka tayo laban sa tendensya ng burgesyang Polish na apihin ang mga Hudyo, atbp, atbp." (Ibid.)
Ang naturang pormulasyon ay nagpahiwatig na ang burgesya ay may kapasidad pa na makibaka para sa demokratikong mga kalayaan at kaya ang manggagawa ay maaring lumahok sa mga pakikibakang ito habang pinagtanggol ang sariling pampulitikang awtonomiya. Sa ibang salita, posible pa ang burges na rebolusyon sa mga rehiyong ito. Ang proletaryado sa atrasadong mga rehiyon ay dapat sumuporta sa naturang mga kilusan dahil magarantiyahan nito ang demokratikong mga kalayaan na mahalaga sa paglunsad ng makauring pakikibaka, at dahil makatulong sila sa materyal na paglaki ng proletaryado. Ang mga manggagawa sa abanteng mapang-aping mga bansa sa kanilang bahagi ay dapat suportahan ang naturang mga pakikibaka dahil makatulong sila sa pagpapahina ng kanilang ‘sariling' imperyalismo at makuha ang tiwala ng masa sa inaaping mga bansa. (Isang magkatuwang na estrarehiya ang makikita dito, habang ang mga rebolusyonaryo sa nang-aaping mga bansa ay kinikilala ang karapatan sa paghiwalay ng inaaping bansa, ang mga rebolusyonaryo sa inaaping mga bansa ay hindi manawagan ng paghiwalay at idiniin ang pangangailangan na makiisa sa mga manggagawa sa nang-aaping mga bansa.)
Sa mga sulatin ni Lenin hinggil sa pambansang usapin mayroong pekulyar na kakulangan sa kalinawan kung ang burges na rebolusyon ba sa atrasadong mga rehiyon ay pangunahing ilunsad laban sa lokal na ‘pyudalismo' o sa dayuhang imperyalismo. Sa maraming kaso, ang dalawang pwersa ay parehong pantay na kaaway ng independyenteng kapitalistang pag-unlad, at ang mga imperyalista kung minsan ay sadyang pinanatili ang hindi-pa-kapitalistang nga istruktura sa kapinsalaan ng lokal na kapitalismo (kung suriing mabuti mayorya sa hindi-pa-kapitalistang mga istruktura na ito ay hindi pyudal, kundi klase-klaseng tipo ng Asyatikong despotismo). Sa kabilang banda, ang interes ng hindi-pa-kapitalistang nagharing uri ay marahas na tumutol sa kapitalismo ng kanluran, na banta sa kanilang paglaho. Pero anupaman, ang teoritikal na pagsusuri ni Lenin sa imperyalismo, na sinuma sa Imperyalismo: Ang Pinakataas na Yugto ng Kapitalismo (1916) ay dinala siya sa kongklusyon na ang burges na mga rebolusyon ay posible pa sa kolonyal na mga rehiyon.
Ayon kay Lenin, ang imperyalismo sa esensya ay kilusan ng abanteng kapitalismo para mabawi ang pagbaba ng tantos ng tubo, na hindi na makayanang pinabigat ng mataas na organikong komposisyon ng kapital sa abanteng mga bansa. Sa Imperyalismo: Ang Pinakataas na Yugto ng Kapitalismo, ang pangunahing paraan na pagsalarawan ni Lenin sa penomena ng imperyalismo ay hindi dumako pusod ng usapin ng pang-ekonomiyang ugat ng imperyalistang ekspansyon. Subalit ang ideya na ang mataas na organikong komposisyon ng kapital sa abanteng kapitalismo ang nagtulak sa kanila na magpalawak sa kolonyal na mga rehiyon ay maintindihan sa kanyang konseptong "sobrang labis na kapital" sa abanteng kapitalismo at ang "super-tubo" na makuha sa pamamagitan ng pag-eksport ng kapital sa kolonyal na mga rehiyon. Ang pinakamahalagang katangian ng imperyalismo ay ang eksport ng kapital na naghahanap ng mas mataas na tantos ng tubo sa mga kolonya kung saan mura ang paggawa at maraming suplay ng hilaw na materyales. Kaya tumagal ang kanilang buhay sa pamamagitan ng ‘super-tubo' na nakuha mula sa kolonyal na pagsasamantala, ang abanteng kapital ay naging parasitiko sa mga kolonya at umaasa sa kanila para sila mabuhay - kaya nagkaroon ng pandaigdigang imperyalistang komprontasyon para makontrol ang mga kolonya. Ang naturang pananaw ay humati sa mundo sa imperyalistang mapang-aping mga bansa, at sa imaaping mga bansa sa kolonyal na mga rehiyon. Kaya ang pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo ay nangangailangan hindi lang sa rebolusyonaryong paglaban ng proletaryado sa imperyalistang mga bansa kundi sa mga kilusan din para sa pambansang kalayaan ng mga kolonya, kung saan sa pamamagitan ng pambansang kalayaan at pagwasak sa sistemang kolonyal ay mabigyan ng nakamamatay na hambalos sa pandaigdigang imperyalismo. Dapat linawin na si Lenin ay hindi sumusuporta sa ‘Third Worldism' na kahangalang dala ng ilang umaangking disipulo niya, na ayon dito ang mga pakikibaka para sa pambansang kalayaan ang aktwal na pupukaw sa proletaryado sa abanteng kapitalismo na rebolusyonaryong susulong sa pamamagitan ng ‘pagkubkob' sa abanteng mga bansa (ang mga kilusan mismo para sa pambansang kalayaan ay may ‘sosyalistang' katangian ayon sa mga Maoista, Trotskyistang Mandelite, et al). Subalit naitanim na ang binhi ng kalituhan sa loob mismo ng sulatin ni Lenin: ang kanyang ideya na ang ‘aristokrasya ng paggawa' ay kumakatawan ng isang istratum sa proletaryado sa abanteng mga bansa ay ‘nasuhulan' mula sa kolonyal na ‘super-tubo' para magtraydor sa uring manggagawa ay madaling mabago tungo sa Third Worldist na pananaw na ang buong uring manggagawa sa kanluran ay nasanib na sa kapitalismo sa pamamagitan ng imperyalistang pagsasamantala sa Ikatlong Daigdig. (Ang dakilang teoryang ito ay nakalasap ng matinding hambalos sa malakihang bagong alon ng pakikibaka ng uri sa abanteng kapitalistang mga bansa simula 1968.) Dagdag pa, ang ideya na ang mga pakikibaka para sa pambansang paglaya ay ikamamatay ng imperyalismo ay ginamit para bigyang katwiran ang kanilang pagsuporta sa mga kilusang makabayan at Stalinista sa Ikatlong Daigdig. Mas mahalaga kaysa halimaw na anak sa teorya ni Lenin, sa kabilang banda, ay ang katotohanan na nagbigay ito ng balangkas para sa praktikal na mga patakaran na pinatupad ng mga Bolsheviks matapos silang maluklok sa kapangyarihan sa Rusya; mga patakaran na makikita natin na aktibong nakaambag para sa pandaigdigang pagkatalo ng proletaryado sa panahong iyon.