Submitted by ICConline on
Kahit pa sa ilang mga kontradiksyon at limitasyon sa kanilang analisis - mga limitasyon na produkto mismo ng panahon - ang mga tagapagtatag ng syentipikong sosyalismo ay naintindihan ang isang pundamental na punto na pinakamahalaga pero nawala ngayon dahil sa makapal na halu-halong kalituhan mula sa limampung taong kontra-rebolusyon. Para kina Marx at Engels walang duda na ang bansa-estado at makabayang ideolohiya ay puro at simpleng produkto ng kapitalistang pag-unlad, na ang bansa-estado ay importanteng batayan para sa paglago ng kapitalistang mga relasyon sa produksyon sa labas at laban sa pyudal na lipunan. Anuman ang mga kontradiksyon sa kanilang mga sulatin hinggil sa posibilidad ng sosyalistang pag-unlad sa loob ng mga hangganan ng bansa-estado, ang pangkalahatang perspektiba nila Marx and Engels ay nakabatay sa pagsusuri sa pandaigdigang pamilihan at sa pag-unawa na ang sosyalista o komunistang lipunan sa hinaharap ay isang pandaigdigang asosasyon ng mga prodyuser, isang pandaigdigang komunidad ng sangkatauhan; at ang Unang Internasyunal ay itinatag sa pagkilala na ang uring manggagawa ay isang internasyunal na uri na dapat i-ugnay ang kanyang pakikibaka sa internasyunal na antas.
Sa kabilang banda, bilang mga komunistata at proletaryong internasyunalista, sila Marx at Engels ay kadalasan ay nagbibigay ng kanilang suporta sa mga kilusan ng pambansang paglaya, at ang kanilang mga sulatin sa usaping ito ay kadalasan ginagamit ng mga umaangking ‘marxista' ngayon para bigyang katwiran ang pagsuporta sa ‘mga pakikibaka para sa pambansang paglaya' sa kasalukuyang itorikal na yugto.
Subalit isang katotohanan na nabubuhay tayo ngayon sa magkaibang istorikal na yugto kumpara kina Marx at Engels kung saan nagawa ng mga komunista ngayon na tutulan ang mga pakikibaka para sa ‘pambansang paglaya' na isang susing elemento sa anumang rebolusyonaryong pandaigdigang pananaw. Sila Marx at Engels ay sumulat sa panahon ng istorikal na pasulong na kapitalismo. Sa panahon iyon ang burgesya ay isa pang progresibo at rebolusyonaryong uri na nakibaka laban sa mga kadena ng pyudal na paghari. Hindi maiwasang ang burges na rebolusyon laban sa pyudalismo ay magkahugis sa pambansang porma. Para mawasak ang mga harang sa pamuhunan na ipinataw ng lokal na awtomiyang pyudal, mga buhis sa kustom, mga karapatan sa lupa, guilds, atbp., dapat magkaisa ang burgesya sa pambansang antas. Alam ni Lenin ito ng sinulat niya:
"Sa buong mundo, ang panahon ng ultimong tagumpay ng kapitalismo sa pyudalismo ay nakaugnay sa pambansang mga kilusan. Para sa lubusang tagumpay ng produksyon ng kalakal, kailangang makuha ng burgesya ang lokal na pamilihan, at kailangang may pulitikal na nagkakaisang mga teritoryo na ang populasyon ay nagsasalita ng iisang lenggwahe, na ang lahat ng mga hadlang sa pag-unlad ng lenggwaheng iyon at konsolidasyon ng kanyang literatura ay dapat mapawi. Narito ang pang-ekonomiyang pundasyon ng pambansang mga kilusan. Ang pagkakaisa at tuloy-tuloy na pag-unlad ng lenggwahe ay napakahalagang mga kondisyon para sa malaya at malawak na negosyo sa antas kapantay ng modernong kapitalismo. Kaya ang tendensya ng bawat pambansang kilusan ay ang pagbuo ng mga pambansang estado, kung saan pinakamahusay na makamit ang mga rekisito ng modernong kapitalismo." (Lenin, Ang Karapatan ng mga Bansa sa Sariling Pagpapasya, 1914)
Mula sa pagtatayo ng hukbo ng mamamayan sa Rebolusyong Pranses hanggang sa Italian Risorgimento, mula sa Digmaang Amerikano para sa Kalayaan hanggang sa Digmaang Sibil, ang burges na rebolusyon ay nagkahugis sa mga pakikibaka para sa pambansang paglaya laban sa reaksytunaryong mga kaharian at uri na natira mula sa pyudalismo (ang mga panginoong may-alipin ng US ay isang eksepsyonal na kaso pero isa pa ring reaksyunaryong hadlang sa kapitalistang pag-unlad sa Amerika). Ang mga pakikibakang ito ay may esensyal na layunin na durugin ang naaagnas na pampulitikang super-istruktura ng pyudalismo at winalis ang maliitang parokyalismo at sapat-sa-sarili, na humahadlang sa nagkakaisang pagsulong ng kapitalismo:
Bilang syentipikong mga sosyalista, na nakabatay ang paglaban sa kapitalismo sa materyal at hindi sa moral na pundasyon, naintindihan nila Marx at Engels na imposible ang sosyalismo bago mapaunlad ng kapitalismo ang isang tunay na pandaigdigang pamilihan at ang proletaryado ay naging totoong internasyunal na uri. Sa kanilang panahon, ang kapitalistang mga relasyon ng kalakal ay tanging batayan pa para sa progresibong pag-unlad ng produktibong mga pwersa. Mula lamang sa paninindigang ito na ang mga rebolusyonaryo ng panahong iyon ay nagbigay ng suporta sa mga kilusan para sa pambansang paglaya. Habang hindi pa ganap na umunlad ang pandaigdigang pamilihan, habang hindi pa nailatag ang inprastrukturang industriyal sa buong mundo, habang ang sistema ay nagpapalawak pa sa malaking hindi-pa-kapitalista na mga rehiyon sa mundo na umiiral pa noon, at habang ang burgesya ay may kapasidad pa na labanan ang pyudalismo at absolutismo, kailangan para sa kilusang manggagawa na aktibong suportahan ang mga pakikibaka para sa pambansang paglaya na naglalatag sa materyal na mga pundasyon para sa sosyalistang rebolusyon sa hinaharap. At sa panahong iyon meron talagang tunay na damdamin ng pakikiisa sa hanay ng uring manggagawa sa maraming mga digmaan para sa pambansang paglaya. Ang mga manggagawang English sa tela, kahit pa sa kahirapan at kawalan ng trabaho dahil sa Digmaang Sibil sa Amerika (resulta ng blokeyo sa pag-eksport ng bulak) ay buong pusong binigay ang suporta sa Hilaga at nangampanya laban sa patagong suporta ng nagharing uring British sa mga panginoong may-alipin sa Timog. Sa 1860, ang mga manggagawa sa daungan sa Liverpool ay nagtrabaho na walang bayad sa mga Sabado ng hapon para magkarga ng mga suplay para sa ekspedisyon ni Garibaldi sa Sicily. Ang mga aktitud na ito ay matalas na kabaliktaran sa pagiging malamig o pagkamuhi ng mga manggagawa ngayon sa kampanya ng Kaliwa na suportahan ang pambansang mga kilusan.
Pero dalawang bagay ang makikita sa proletaryo rebolusyonaryong aktitud sa makabayang mga digmaan sa panahong iyon. Una sa lahat, hindi kinikilala ng mga komunista ang anumang abstraktong ‘karapatan' ng pambansang sariling pagpapasya na mailapat sa lahat ng mga bansa sa lahat ng panahon.
Sinusuportahan lamang ang pambansang mga kilusan kung ito ay makaambag sa progresibong pag-unlad ng pandaigdigang kapitalismo. Para kina Marx at Engels ang isa sa pangunahing kriterya sa paghusga kung progresibo o hindi ang isang pambansang kilusan ay kung ito ay humahamon o hindi sa kapangyarihan ng absolutismong Ruso, na sa panahong iyon ay haligi ng reaksyon sa buong kontinente ng Uropa - reaksyon hindi lang laban sa komunismo kundi laban din sa burges na demokrasya,, liberalismo at pambansang pagkakaisa. Kaya sinusuportahan ang pambansang mga kilusang Aleman at Polish, habang tinutulan bilang reaksyunaryo ang iilan sa mga makabayang Slavic dahil sila ay dominado ng hindi-pa-kapitalistang mga uri at ginamit ng Tsarismo sa pagpalakas at pagpalawak ng absolutismong Ruso. Ganun din sa kapitalistang mga kolonya, habang kinundena ang kolonyal na pangulimbat at pagsasamantala, ang mga komunista ay hindi sumusuporta sa bawat pag-alsa ng mga lokal na panginoon at pinuno laban sa bagong imperyalistang mga panginoon. Sa pag-alsang pinamunuan ni Ahmed Arabi Pasha laban sa Britanya sa Ehipto, sumulat si Engels kay Bernstein sa 1882:
"Sa tingin ko maari tayong kumampi sa inaaping mamamayan na hindi sinusuportahan ang kanilang pang-ekonomiyang mga ilusyon (ang mamamayang pesante ay lilinlangin ng ilang siglo bago mamulat sa pamamagitan ng karanasan), at tutulan ang karahasang English na hindi sinusuportahan ang kanilang mga militar na kaaway sa kasalukuyan."
Ang naturang mga kilusan ng lokal na pyudal o Asyatikong diktador ay para panatilihin ang kontrol sa ‘kanilang' mga magsasaka sa halip na ekspresyon ng isang rebolusyonaryong pambansang burgesya. Sa kabilang banda ang iilang kolonyal na pag-alsa - tulad sa Tsina - ay sinuportahan hangga't nagbibigay ito ng batayan para sa independyenteng pambansang kapitalistang pag-unlad na malaya sa kolonyal na dominasyon, o bilang posibleng mitsa sa makauring pakikibaka ng nang-aaping bansa. Ang huling kriteryon na ito ay partikular na aplikable sa Ireland, kung saan kinukonsidera ni Marx na ang dominasyon ng England sa naturang bansa ay may epekto na mahadlangan ang makauring pakikibaka sa England at ilihis ang makauring kamulatan tungo sa pambansang sobinismo.
Hindi kami nagmungkahi na pasukin ang diskusyon kung tama o mali ba sila Marx at Engels na suportahan ang ganito o ganung makabayang kilusan. Sa ilang kaso, gaya ng Ireland, ang posibilidad para sa pambansang kalayaan ay nadurog na nang si Marx ay nanawagan nito; sa ibang mga kaso, ang suportang binigay sa makabayang mga kilusan ay napatunayang tama sa sumunod na karanasan. Ang mahalaga ay maintindihan ang balangkas kung saan ibinatay ng mga komunista ang kanilang paghusga kung ang makabayang mga kilusan ay progresibo o hindi. Hindi nila ibinatay ang kanilang desisyon sa ‘naramdaman' sa inaaping mga mamamayan, o sa walang hanggang ‘karapatan' ng pambansang sariling pagpapasya, o maging sa partikular na mga kondisyon na nasa anumang bansa. "Ang paghawak nila sa naturang mga posisyon, tama man o mali, ay palaging nakabatay kaugnay sa hindi mababagong linya: na sa pandaigdigang saklaw paborable para sa paghinog ng mga kondisyon para sa proletaryong rebolusyon ay progresibo at dapat suportahan ng mga manggagawa." (M. Berard, Rupture avec Lutte Ouvrière et le Trotskysme, Revolution Internationale, 1973)
Pangalawa, naunawaan ng mga komunista ang kapitalistang katangian ng mga pakikibaka para sa pambansang paglaya. Kaya naintindihan nila ang pangangailangan ng proletaryado na panatilihin ang istriktong pampulitikang independensya mula sa burgesya kahit pa ang mga manggagawa ay sumusuporta sa mga pakikibaka ng burgesya laban sa absolutismo. Walang kalituhan hinggil sa makabayang mga pakikibaka na pinamunuan ng mga paksyon ng burgesya na may kakayahan na itayo ang ‘sosyalismo' o mga ‘estado ng manggagawa' gaano man ito ka depormado, na isa sa malaking mga mistipikasyon ng Stalinismo at Trotskyismo (ang naturang teoritikal na kabulastugan ay nakabatay sa ideya na ang mga Stalinistang rehimen sa Tsina, Cuba, Byetnam, atbp ay may katangian ng uring manggagawa). Sa panahon ng burges demokratikong rebolusyon, sa pasulong na kapitalismo, nagawang mamintina ng proletaryado ang sariling permanenteng mga organisasyon at kaya posible ang estratehiyang ‘kritikal na suporta' ng proletaryado sa progresibong mga paksyon ng burgesya. Kahit laging may peligro - katulad ng mga rebolusyon sa 1848 - na maaring atakehin ng burgesya ang mga manggagawa kung sa tingin nito ay siyang dapat gawin, umaasa pa rin burgesya na ang uring manggagawa ang maging taliba sa mga digmaan para sa pambansang pagpapalaya, at kaya sa panahon na yun nagawang pabayaan ng burgesya ang independyenteng pag-iral ng pangmasang mga organisasyon ng uring manggagawa sa loob ng kapitalismo. Ang pakikibaka ng uring manggagawa para sa ‘demokratikong kalayaan' - kalayaan sa pagtitipon, unyon, atbp - ay hindi panlilinlang noon. Nasa yugto ng pagbulusok-pababa kung saan ang burgesya ay wala ng kapasidad na magbigay ng tunay na mga reporma para sa proletaryado. Kaya mayroong posibilidad noon para sa uring manggagawa na ilunsad ang pambansang mga digmaan para sa kanyang saring mga layunin at hindi simpleng pambala-sa-kanyon ng burgesya.