Sa unang tingin, tila lahat paborable para sa pagsabog ng galit ng uring manggagawa. Malinaw na may krisis at walang makaligtas dito. Maliit na bahagi lamang ng populasyon ang naniwalang matatapos ito sa kabila ng araw-araw na panggigiit sa kabaliktaran. Ang buong planeta ay tila nasa napakahirap na sitwasyon: mga digmaan, barbarismo, gutom, epidemiya, pagkasira ng kalikasan at kalusugan sa ngalan ng tubo.
Sa lahat ng ito na nasa ating harapan, mahirap isipin na hindi natin maramdaman ang galit ang pag-alsa. Mahirap isipin na maniwala pa rin sa magandang bukas sa ilalim ng kapitalismo. Pero hindi pa rin ganap na tinahak ng masa ang landas ng pakikibaka. Masasabi ba natin na tapos na ang laban, na napakalakas ng krisis, na hindi na talaga mapangibabawan ang demoralisasyon na dulot nito?
Hindi maipagkaila na ang uring manggagawa ngayon ay nakaranas ng mga mayor na kahirapan. Mayroong apat na dahilan nito.
Ang una, at pinaka-krusyal, ay ang proletaryado ay hindi mulat sa kanyang sarili, na nawala ang kanyang ‘makauring identidad’. Matapos bumagsak ang Berlin Wall, nakitaan ang 1990s ng malawakang kampanyang propaganda na kumbinsihin tayo na nasaksihan natin ang istorikong kabiguan ng komunismo. Ang pinakamaingay – at pinaka-istupidong –mga komentarista ay nag-anunsyo pa na ‘ang kataposan ng kasaysayan’, at ang ganap na tagumpay ng kapayapaan at demokrasya. Sa pamamagitan ng paghalo ng komunismo at ang nabulok na Stalinistang barbarismo, inunahan na ng naghaharing uri na siraan ang anumang perspektiba na naglalayong ibagsak ang kapitalistang sistema. Hindi pa nakontento na burahin ang anumang posibilidad ng rebolusyonaryong pagbabago, inilarawan nito ang anumang klase ng pakikibaka ng uring manggagawa na isang ‘memoryang kultural’, tulad ng dinosaur fossils o cave-paintings sa Lascaux.
Higit sa lahat, paulit-ulit na giniit ng burgesya na ang uring manggagawa sa kanyang klasikal na porma ay naglaho na mula sa panlipunan at pampulitikang entablado[1]. Ang mga sosyolohista, manunulat, politiko at mayayabang na pilosopo ay naghasik ng ideya na naglaho na ang mga uri sa lipunan, naglaho sa walang anyong magma ng ‘panggitnang pwersa’. Laging nangarap ang burgesya ng isang lipunan kung saan ang proletaryado ay titingnan ang sarili bilang ‘mamamayan’, nahati sa mga serye ng mga sosyo-propesyunal na kategoriya – white collar, blue collar, may trabaho, kontraktwal, walang trabaho, etc – lahat ay pinaghiwalay sa iba’t-ibang interes na mailabas lamang ang pampulitikang kahilingan sa pamamagitan ng pagboto sa halalan. At totoo na ang ingay hinggil sa paglaho ng uring manggagawa, na walang humpay na itinambol mula sa mga libro, pahayagan, TV at internet, ay nagsilbi upang pigilan ang maraming manggagawa na makita ang sarili na kabilang sa uring manggagawa, laluna bilang isang independyenteng panlipunang pwersa.
Ikalawa, ang pagkawala ng makauring identidad ay lalong nagpapahirap sa proletaryado na pagtibayin ang kanyang sariling pakikibaka at ang kanyang istorikal na perspektiba. Sa konteksto na ang burgesya mismo ay walang perspektiba na maibigay maliban sa paghihigpit-sinturon, bawat tao para sa kanyang sarili at pag-aagawan na makaligtas, sinamantala ng naghaharing uri ang kakulangan ng makauring kamulatan sa pamamagitan ng manipulasyon na magbangayan ang pinagsamantalahan sa isa’t-isa, hatiin sila at hadlangan ang anumang nagkakaisang tugon, sa pamamagitan ng pagtulak sa kanila sa kawalang pag-asa.
Ikatlong salik, bilang resulta ng naunang dalawang salik, ang brutalidad ng krisis ay pumaparalisa ng maraming manggagawa, na takot mahulog sa absolutong kahirapan, takot na hindi nila mapakain ang kanilang pamilya at manirahan na lang sa lansangan, nag-iisa at lantad sa panunupil. Kahit ang ilan sa kanila, na nasandal na sa pader, ay natulak na hayagang ipakita ang kanilang galit, tulad ng mga ‘Indignados’ sa Espanya, hindi pa rin nila nakita ang mga sarili bilang isang uri na nakibaka. Sa kabila ng relatibong malawak at malaki na katangian ng mga kilusang ito, nilimitahan nito ang kanilang kapasidad na labanan ang mga mistipikasyon at bitag na nilikha ng naghaharing uri, para matutunan ang mga karanasan ng kasaysayan, para umatras at malalim na halawin ang mga aral.
May pang-apat pa na importanteng rason na nagpaliwanag sa kasalukuyang kahirapan ng uring manggagawa para isulong ang kanyang pakikibaka laban sa sistema: ang buong arsenal ng pagkontrol ng burgesya, ito man ang hayagang panunupil, tulad ng pulisya, o ang mas mapanlinlang at mas epektibo tulad ng mga unyon. Sa huling punto sa partikular, hindi pa rin napangibabawan ang takot na makibaka labas sa kontrol ng mga unyon, sa kabila na bumaba na ang bilang ng mga manggagawa na may malalim na ilusyon sa kapasidad ng mga unyon na ipagtanggol ang kanilang interes. At itong pisikal na kontrol ay pinalakas ng ideolohikal na kontrol kung saan bihasa ang mga unyon, media, intelektwal, maka-kaliwang partido, atbp.
Ang susi ng ‘pagkontrol sa kaisipan’ ay walang duda ang ideolohiya ng demokrasya. Bawat signipikanteng kaganapan ay sinamantala para ipagyabang ang mga benepisyo. Pinakita ang demokrasya bilang balangkas kung saan yayabong ang kalayaan, lahat ng opinyon ay maipahayag, at ang kapangyarihan ay pinalakas ng sambayanan; kung saan bawat isa may inisyatiba, may karapatan sa kaalaman at kultura. Sa realidad, tanging maibigay lamang ng demokrasya ay pambansang balangkas para palaguin ang kapangyarihan ng mga elitista, ang kapangyarihan ng burgesya. Lahat ng iba pa ay ilusyon, ang ilusyon na sa pamamagitan ng pagboto ay may kapangyarihan ka, na ang boses ng populasyon ay maipahayag sa pamamagitan ng pagboto ng kanilang mga ‘kinatawan’ sa parliyamento. Huwag nating maliitin ang bigat ng ideolohiyang ito, tulad ng pagkagimbal na bunga ng pagbagsak ng mga Stalinistang rehimen sa huling bahagi ng 80s, na nagpalakas sa impluwensya ng demokrasya.
Idagdag din natin ang impluwensya ng relihiyon sa ideolohikal na arsenal. Hindi ito bago, dahil kasama ito ng sangkatauhan mula sa kanyang unang pagtatangka na magkaroon ng halaga ang kanyang paligid sa kanya, at matagal ito ginamit para bigyang katuwiran ang lahat ng tipo ng hirarkikal na kapangyarihan. Pero ang kaibahan ngayon ay ang papel nito para ilihis ang kaisipan ng isang bahagi ng uring manggagawa na naharap sa pangangailangan na maunawaan ang kapitalistang sistema na nasa yugto ng pagbagsak, sa partikular sa pagpaliwanag ng ‘pagbulusok-pababa’ ng kasalukuyang sistema sa pamamagitan ng pagpapakita ano na ang inilayo mula sa mga tradisyon na pinaliwanag ng relihiyon libong taon na ang nakaraan, laluna ang monotiyestikong mga relihiyon. Ang lakas ng relihiyosong ideolohiya ay pinawi nito ang labis na komplikasyon ng sitwasyon. Naghapag ito ng simpleng mga sagot, madaling sundin na mga solusyon. Sa kanyang pundamentalistang porma, kinumbinsi lamang nito ang minoriya ng proletaryado, pero sa pangkalahatan kumain ito tulad ng mga parasitiko sa repleksyon ng uri.
Ang larawan na aming ipininta ay tila puno ng desperasyon: katunggali ang burgesya na alam gamitin ang kanyang mga ideolohikal na sandata, kasama ang sistema na nagbabantang itulak ang populasyon sa labis na kahirapan, kung saan hindi pa ito malalim sa loob, may puwang pa ba ng positibong pag-iisip, ng pag-asa? May panlipunang pwersa ba talaga na may kakayahan na baguhin ang lipunan? Masagot namin ang tanong na ito na walang pag-aalinlangan: oo! Isang daang beses na oo!
Hindi usapin ng bulag na tiwala sa uring manggagawa, isang semi-relihiyosong paniniwala sa mga sulatin ni Karl Marx, o desperadong pagsugal sa rebolusyon. Ito ay usapin ng pagtanaw mula sa malayo, kalmadong suriin ang sitwasyon at lagpasan ang kagyat, subukang unawain ang tunay na kahulugan ng kasalukuyang mga pakikibaka ng uri at aralin ng malalim ang istorikong papel ng proletaryado.
Sa aming pahayagan nanindigan na kami na mula 2003 ang uring manggagawa ay nasa positibong pagkilos kumpara sa pag-atras na naranasan matapos bumagsak ang bloke ng silangan. Ang pagsusuring ito ay nakabatay sa maraming signipikanteng mga pakikibaka, pero lahat ng ito ay nagpakita na ang uring manggagawa ay patungo sa pagdiskubre ng kanyang istorikal na kasiglahan, tulad ng pagkakaisa, kolektibong diskusyon, o sa simple masiglang pagtugon sa kahirapan.
Nakita natin na gumagalaw sa pakikibaka ang mga elementong ito tulad ng laban sa ‘reporma’ sa pensyon sa Pransya 2003 at 2010, sa pakikibaka laban sa CPE, muli sa Pransya, sa 2006, kundi maging sa Britanya (wildcats sa Heathrow, the Lindsey refineries) kahit di masyado malawak, sa Amerika (New York subway), Espanya (steelworkers of Vigo), sa Ehipto, Dubai, China, etc. ang Indignados at kilusang Occupy sa partikular ay sumasalamin sa mas pangkalahatan at ambisyoso kaysa mga pakikibaka sa pabrika. Ano ang nakita natin sa kilusang Indignados? Mga manggagawa mula sa iba’t-ibang lugar, walang trabaho, part-time, full-time, nagtipon para sa kolektibong karanasan at para mas maunawaan kung ano ang nakataya sa kasalukuyang yugto. Nakita natin ang mga tao na muling nanumbalik ang kasiglahan dahil sa malayang talakayan sa isa’t-isa. Nakita natin ang mga tao na nag-uusap ng alternatibong mga karanasan at kinikilala ang kanilang mga tagumpay at limitasyon. Nakita natin ang mga tao na tumangging maging biktima ng krisis na hindi sila ang dahilan at tumangging sila ang magdusa. Nakita natin ang mga tao na nagtipon sa ispontanyong mga asembliya, lumikha ng mga porma bilang ekspresyon pabor sa repleksyon at tagisan ng mga ideya, at nilimitahan ang mga nagnanais na guluhin o i-sabotahe ang debate. Sa huli at higit sa lahat, ang kilusang Indignados ay nagluwal ng internasyunalistang sentimyento, isang pag-unawa na kahit saan sa mundo naharap tayo sa parehong krisis at ang ating pakikibaka ay walang pambansang hangganan.
Klaro na hindi natin narinig ang lantarang pag-uusap hinggil sa komunismo, proletaryong rebolusyon, uring manggagawa at burgesya, digmaang sibil, etc. Pero ang pinakita ng mga kilusang ito ay higit sa lahat ay ang nakakamanghang pagkamalikhain ng uring manggagawa, ang kanyang kapasidad na organisahin ang sarili, na nagmula sa kanyang kalikasan bilang independyentent panlipunang pwersa. Ang mulat na muling pag-angkin ng mga katangiang ito ay malayo pa at liku-liko ang daan, pero hindi maipagkaila na gumagalaw na ito. Hindi maiwasan na dadaan ito sa proseso ng decantation, paghina, parsyal na demoralisasyon. Pero sisindihan nito ang kaisipan ng mga minoriya na nasa unahan ng pakikibaka ng uring manggagawa sa pandaigdigang saklaw, at kung saan ang pag-unlad ay nakikita at nasusukat sa nagdaang ilang taon.
Panghuli, sa kabila na napakarami ang mga kahirapang naranasan ng uring manggagawa, wala sa sitwasyon ang papayag sa kongklusyon na tapos na ang laban, na wala ng lakas ang uring manggagawa para sa malawakan at tungo sa rebolusyonaryong pakikibaka. Kabaliktaran, dumarami ang buhay na ekspresyon, at sa pag-aaral kung ano talaga sila, hindi sa panlabas na ang makikita lamang ay ang pagiging mabuway, kundi sa ilalim, kaya ang potensyalidad, ang kinabukasan na masisilip ay mapanghawakan. Sa kabila ng kanilang ispontanyo, kalat-kalat, minoriyang katangian, hindi natin kalimutan na ang pangunahing mga katangian ng isang rebolusyonaryo ay pasensya at tiwala sa uring manggagawa[2]. Ang pasensyang ito at tiwala ay nakabatay sa unawa kung ano ang uring manggagawa, sa istorikal: ang unang uri na pareho pinagsamantlahan at rebolusyonaryo, at may misyon na palayain ang buong sangkatauhan mula sa kadena ng pagsasamntala. Ito ay materyalista, istorikal, pangmatagalang bisyon. Dahil sa bisyong ito nagawa naming sumulat, sa 2003 kung saan sinuma namin para sa ika-15 na internasyunal na kongreso:
“Tulad ng sabi nila Marx at Engels, ‘hindi ito usapin kung ano ang isang proletaryado, o kahit ang proletaryado sa kabuuan sa kasalukuyan, kundi ang pagkilala kung ano ang proletaryado at kung ano ang kanyang istorikal na misyon, batay sa kanyang kakanyahan’. Ang ganitong pananaw ay nagpakita na, naharap sa mga hambalos ng kapitalistang krisis, na magluwal ng mas mabangis na mga atake sa uring manggagawa, ang huli ay maobligang tumugon at paunlarin ang kanyang pakikibaka”. https://en.internationalism.org/wr/264_15cong.htm [1]
GD, 25.10.12
[1] Hindi ibig sabihin na walang materyal na pagbabago sa hugis ng uring manggagawa sa nagdaang ilang dekada, higit sa lahat sa pamamagitan ng de-industriyalisasyon at sa relokasyon ng tradisyunal na mga industriya tungo sa ‘paligid’ ng abanteng kapitalistang sistema, o ang mga pagbabagong ito ay hindi idinagdag sa kahirapan ng uring manggagawa para panatilihin ang kanyang makauring identidad. Babalikan namin ito sa ibang artikulo.
[2] Tila dinagdagan pa ni Lenin ng pagpapatawa!
Bakit ganito ang pamagat nito sa ngayon? Di ba ito’y parang wala sa panahon? Nandito na tayo sa ika 21 siglo. Di ba’t ang mga karapatan ng kababaihan, ang pagkapantay-pantay ng kababaihan, ay kinikilala na sa napakaraming mga kombensiyon at sa mga pormal na deklarasyon sa buong mundo?
Sa realidad, ang usapin ng pagdurusa ng babae sa lipunan na sa kasalukuyan ay nananatili at pangunahing patriyarkal, ay patuloy pa ring pinakamahalaga1. Sa buong mundo, ang karahasan sa loob ng tahanan, pagpilas ng ari bilang ritwal, at ang reaksyonaryo’t lipas sa panahong mga ideolihiya tulad ng pundamentalismong relihiyon, ay patuloy na naghahari at umuunlad pa.2
Ang tinatagurian ng mga sosyalista ng ika-19 na siglo na “ang usaping babae” ay nananatiling nakahapag sa kasalukuyan: paano lilikha ng lipunan kung saan ang kababaihan ay hindi na magdusa sa ganitong partikular na pang-aapi? At ano ang dapat na aktitud ng mga komunistang rebolusyonaryo hinggil sa mga “pakikibaka ng kababaihan”?
Isang bagay ang dapat nating sabihin sa panimula: ang kapitalistang lipunan ay naglatag ng pundasyon para sa pinaka-radikal na pagbabagong nasaksihan ng lipunan ng tao. Ang lahat ng mga nakaraang lipunan, na walang liban, ay nakabatay sa sekswal na hatian ng paggawa. Anuman ang kanilang makauring katangian, at kahit pa ang kalagayan ng kababaihan dito ay mas o hindi inaayunan, hindi maipagkaila na may mga gawaing tanging nakalaan lamang sa kalalakihan at ang iba’y sa kababaihan. Ang mga gawain ng kalalakihan at kababaihan ay maaaring nagbago-bago mula sa isang lipunan patungo sa iba, subali’t ang katotohanan ng ganitong hatian ay unibersal. Hindi natin maaaring pag-aralan ng malaliman dito kung bakit ito’y naging ganito: tama na ang sabihing ang hatian ay maaaring nag-umpisa sa pagsibol ng sangkatauhan at ito’y nagmula sa mga limitasyon ng pagsisilang ng kabataan. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, ang kapitalismo ay tila pinapawi ang ganitong hatian. Sa umpisa pa lamang ay tina-transporma na ng kapitalismo ang paggawa tungo sa abstraktong paggawa. Kung noo’y mayroong kongkretong paggawa ng magsasaka o ng artisano, na niregularisa ng mga guild o ng kinaugaliang batas, ngayo’y wala nang iba pa kundi lakas-paggawa na sinusukat kada oras o kada piraso at di na mahalaga kung sino ang aktwal na gumagampan ng trabaho. Dahil ang mga kababaihan ay binabayaran ng mababa, pinapalitan nila ang paggawa ng kalalakihan sa mga pabrika – ito ang nangyayari, halimbawa, sa mga manghahabi ng ika-18 siglo. Nang umunlad ang makinarya, ang trabaho ay nangangailangan na ng kaunti at papaunting pisikal na lakas dahil ang lakas-paggawa ng tao ay pinapalitan na ng mas malawak na lakas ng makina. Sa kasalukuyan, ang bilang ng mga trabaho na nangangailangan pa rin ng pisikal na lakas ng lalaki ay sukdulan nang napakalimitado at parami ng paraming kababaihan ang pumapasok na sa mga larangang dati’y nakalaan lamang sa kalalakihan. Ang mga makaluma at di matuwid na mga opinyon tungkol sa pagiging “irasyunal” ng kababaihan ay kusa nang naglalaho at parami ng paraming kababaihan ay matatagpuan na sa mga siyentipiko at medikal na propesyon na noo’y pinaniwalaang angkop lamang sa mga dapat sana’y mas “rasyunal” na kalalakihan.
Ang malawakang pagpasok ng kababaihan sa mundo ng pinagsama-samang paggawa3 ay may dalawang potensyal na rebolusyonaryong ibubunga:
– Ang una, ay sa pamamagitan ng pagpawi ng sekswal na hatian ng paggawa ay binuksan ng kapitalismo ang daan tungo sa isang mundo kung saan ang kalalakihan at kababaihan ay hindi na nalilimita sa mga itinakdang pangsekswal na gawain bagkus ay makakaya na nilang ipapatupad ang kanilang mga talento bilang ganap na mga tao. At bunga rin nito’y nabuksan ang posibilidad ng pagtatayo ng mga relasyon sa pagitan ng mga kasarian sa isang ganap na makabagong batayan.
– Ang pangalawa, na ang kababaihan ay nagkaroon ng pang-ekonomiyang kalayaan. Ang isang babae na sahurang manggagawa ay hindi na umaasa sa kanyang asawa upang mabuhay, at sa kauna-unahang pagkakataon ay nagbubukas ng posibilidad para sa maramihang manggagawang kababaihan na lumahok sa pampubliko’t pampulitikang buhay.
Sa ilalim ng kapitalismo, sa pagpasok ng ika-19 at ika-20 siglo, ang kahilingang lumahok sa pampublikong buhay ay hindi lang nalilimita sa kababaihang manggagawa. Ang kababaihan ng mga pang-itaas at panggitnang uri ay naghapag din ng mga kahilingan para sa pantay na mga karapatan at karapatang bomoto sa partikular. Ito’y nagdulot ng problema sa kilusang manggagawa sa aktitud na dapat panghawakan hinggil sa mga kilusang peminista. Habang ang kilusang manggagawa ay laban sa lahat ng mga pang-aapi sa kababaihan, ang mga kilusang peminista – dahil inihapag nila ang usapin mula sa paninindigan ng kasarian at hindi ng uri – ay itinanggi ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pagpapabagsak sa umiiral na kaayusan ng isang panlipunang uri na kinabibilangan ng kalalakihan at kababaihan: ang proletaryo. Bagama’t may ilan nang mga pagbabago, ito pa rin ang katanungang inihapag sa kasalukuyan: anong aktitud ang dapat panghawakan ng mga rebolusyonaryo hinggil sa kilusang mapagpalaya ng kababaihan?
Sa isang artikulo hinggil sa pakikibaka para sa karapatang bumoto ng kababaihan na inilathala noong 1912, ang rebolusyonaryong si Rosa Luxemburg ay gumawa ng isang malinaw na kaibahan sa pagitan ng kababaihan ng naghaharing uri at ng kababaihang proletaryo: “Karamihan ng mga burgis na kababaihan na umaastang parang mga babaing leon sa pakikipagtunggali laban sa ‘tanging karapatan ng kalalakihan’ ay magpapaso na parang maamong tupa sa kampo ng konserbatibo’t klerikal na reaksyon kung magkakaroon na sila ng karapatang bumoto (…) Sa usaping pang-ekonomiya’t panlipunan, ang kababaihan ng mga mapagsamantalang uri ay hindi isang nagsasariling bahagi ng populasyon.. Ang kanilang tanging panlipunang tungkulin ay ang maging mga kasangkapan sa natural na pagpapalahi ng mga naghaharing uri. Kung ihahambing, ang kababaihan ng proletaryo ay malaya sa usaping pang-ekonomiya. Sila ay produktibo para sa lipunan tulad ng kalalakihan”.4 Si Luxemburg samakatuwid ay gumawa ng malinaw na kaibahan sa pagitan ng pakikibaka ng kababaihan ng uring manggagawa para sa boto at ng burgis na kababaihan hinggil dito. Dagdag pa niyang iginiit na ang pakikibaka para sa mga karapatan ng kababaihan ay isang mahalagang usapin para sa buong uring manggagawa: “Ang karapatang bumoto ng kababaihan ay ang tunguhin. Subali’t ang kilusang masa na magsasakatuparan nito ay hindi gawain ng kababaihan lamang, kundi isang panlahatan na makauring tungkulin ng kababaihan at kalalakihan ng proletaryo.”
Ang pagtutol sa burgis na peminismo ay malinaw din para sa Bolshevik na si Alexandra Kollontai na noong 1908 ay naglathala ng Ang panlipunang batayan ng usaping babae: “ang likas na ugaling makauri – anuman ang sasabihin ng mga peminista – ay palagiang nagpapakita sa sarili nito na mas makapangyarihan kaysa mga dakilang pagkasigasig ng ‘higit sa uri’ na politika. Habang ang burgis na kababaihan at ang kanilang mga ‘nakakabatang kapatid’ ay pantay sa kanilang di pagkakapantay, ang una ay maaaring gumawa, ng may lubos na katapatan, ng mga dakilang pagpupunyagi upang ipagtanggol ang pangkalahatang interes ng kababaihan. Subali’t kapag ang balakid ay naibagsak na at ang burgis na kababaihan ay nakakatanggap na ng karapatan sa pampulitikang pagkilos, ang kasalukuyang mga tagapagtanggol ng mga ‘karapatan para sa kababaihan’ ay magiging masigasig na mga tagapagtanggol ng mga pribilehiyo ng kanilang uri (…) Kaya, kung ang mga peminista ay makipag-usap sa manggagawang kababaihan hinggil sa pangangailangan ng panlahatang pakikibaka para isakatuparan ang ilang ‘kabuuang prinsipyong pangkababaihan’, ang kababaihan ng uring manggagawa ay likas na di nagtitiwala.”5
Pinapakita ng Unang Digmaang Pandaigdig na ang di pagtitiwalang ito na isinalarawan nina Luxemburg at Kollontai ay ganap na nabigyang katuwiran. Nang pumutok ang digmaan, ang kilusang “suffragette” (kilusan para sa karapatang bumoto ng kababaihan) sa Britanya ay nabiyak sa dalawa: sa isang banda ay ang mga peministang pinamunuan ni Emmeline Pankhurst at ng kanyang anak na babaing si Christabel na nagbigay ng kanilang buong pusong suporta sa digmaan at sa gobyerno; at sa kabilang banda ay sina Sylvia Pankhurst sa Britanya at kanyang kapatid na babaing si Adeline sa Australia, na kumalas mula sa kilusang peminista upang ipagtanggol ang internasyunalistang paninindigan. Sa kasagsagan ng digmaan, unti-unting inabandona ni Sylvia Pankhurst ang anumang pumapatungkol sa peminismo: ang kanyang “Women’s Suffrage Federation” ay nagiging “Workers’ Suffrage Federation” noong 1916 at noong 1917 ang kanyang pahayagang Women’s Dreadnought ay pinalitan ang pangalan at naging Workers’ Dreadnought.6
Tanggap nina Luxemburg at Kollontai na ang mga pakikibaka ng mga peminista at ng mga kababaihang manggagawa ay maaaring pana-panahon ay magkaisa sa isang panlahatang batayan, subali’t hindi maaaring lusawin ng manggagawang kababaihan ang kanilang pakikibaka sa kilusang peminista sa ganap na batayan lamang ng “karapatan ng kababaihan”. Ang mga rebolusyonaryo kung gayon ay kailangang taglayin ang katulad na aktitud sa kasalukuyan, subali’t inaayon sa kalagayan mismo ng ating panahon.
Nais naming magtapos sa ilang mga pagtingin hinggil sa “pagkakapantay” bilang kahilingan ng kababaihan. Dahil tinatrato ng kapitalismo ang lakas-paggawa na isang abstraktong pamamahala ng akawnts, ang pananaw nito ng pagkakapantay ay isa ring abstraktong pamamahala ng akawnts: “pantay na karapatan”. Subali’t dahil ang bawat tao ay iba, ang pagkakapantay sa batas ay dagliang naging di pagkakapantay sa realidad,7 at ito ang dahilan kung bakit simula pa noon si Marx at ang mga komunista ay di humihiling ng “panlipunang pagkakapantay”. Sa halip, ang islogan ng komunistang lipunan ay: “Mula sa bawat isa ayon sa kanyang kakayahan, para sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan”. At ang kababaihan ay may isang pangangailangan na wala ang kalalakihan: ang magsilang ng kabataan.
Ang bawat babae ay kailangang magkaroon ng pagkakataong isilang ang kanyang mga anak sa mundo at aalagaan sila sa unang mga taon ng kanilang buhay, na hindi nasasagkaan maging ang kanyang kalayaan o ang kanyang lubusang pagsali sa bawat aspeto ng panlipunang buhay. Ito ay isang pangangailangan, isang pisikal na pangangailangan na kailangang suportahan ng lipunan; ito ay isang kakayahan ng kababaihan na ang ekspresyon nito’y nangangailangan ng pagtataguyod dahil nakasalalay dito mismo ang kinabukasan ng lipunan.8 Madali kung gayon na makita na ang tunay na lipunan ng tao, ang lipunang komunista, ay hindi magtangkang ipataw ang abstraktong “pagkakapantay” sa kababaihan, na nagiging di pagkakapantay sa realidad. Sa halip ay pagsisikapan nitong isanib ang partikular na kapasidad na ito ng kababaihan sa panlipunang aktibidad sa kabuuan, at sabay nito ay habang kinukumpleto ang proseso na hindi na kailanman maiangat pa ng kapitalismo liban sa pagbubukas dito, at pawiin sa kauna-unahang pagkakataon ng kasaysayan ang sekswal na hatian ng paggawa.
Jens
1 Ayon sa isang pambansang pagsusuri sa Pransiya hinggil sa karahasan sa kababaihan na nailathala noong taong 2000, “noong 1999, mahigit 1.5 milyones na kababaihan ay nahaharap sa kalagayan ng berbal, pisikal, o sekswal na karahasan. Noong 1999 may isang babae sa bawat 20 ang nakaranas ng pisikal na agresyon, mula sa pananapak hanggang sa tangkang pagpatay, (habang) 1.2% ay biktima ng sekswal na agresyon, mula pangmomolestiya hanggang panghahalay. Ang datos na ito ay tumaas ng 2.2% sa grupo ng may edad na 20-24” (cf. http ://www.sosfemmes.com/violences/violences_chiffres.htm [2])
2 Isang halimbawa lang, ayon sa isang artikulong inilathala noong 2008 ng human rights watch, ang USA ay nakikitaan ng nakakabahalang pagdami ng karahasan laban sa kababaihan sa nakaraang dalawang taon. Tingnan (cf. http ://www.hrw.org/news/2008/12/18/us-soaring-rates-rape-and-violence-against-w... [3])
3 Di maipagkaila na ang kababaihan ay palagiang nagtatrabaho. Subali’t sa mga makauring lipunan bago ang kapitalismo, ang kanilang paggawa ay pangunahing nananatili sa pribado at pangbahay.
5 https://www.marxists.org/archive/kollonta/1909/social-basis.htm [5] [1]. Ang “nakakabatang kapatid” ay ang nagpakababang termino na ginagamit ng mga peminista na tumutukoy sa kababaihan ng uring manggagawa.
6 Ang pangalang ito’y tumutukoy sa isang tipo ng barkong pandigma ng Britanya
7 “Ang karapatan, ayon sa kanyang kalikasan, ay nabubuo lamang sa pagpapatupad ng pantay na panuntunan; subali’t ang mga di pantay na indibidwal (at di sila magiging mga makakaibang indibidwal kung hindi sila di-pantay) ay masusukat lamang sa pamamagitan ng pantay na panuntunan basta’t sila’y inilagay sa ilalim ng isang pantay na pananaw, at kinuha mula sa isang takdang panig lamang – halimbawa, sa kasalukuyang kaso, ay kinikilala lamang bilang mga manggagawa at wala nang iba pang nakita sa kanila, maliban dito, ang lahat ay binale-wala” (Marx, Critique of the Gotha programme).
8 Malinaw na nagsasalita tayo dito ng pangkalahatan. Di lahat ng babae ay naramdaman ang ganitong pangangailangan sa magkaparehong antas, o kaya’y wala nito.
Nitong Disyembre 18, 2011 muling kumitil ng mahigit 2,000 buhay at sumira ng daang milyong pisong ari-arian ang isang bagyo, ang bagyong Sendong. Matinding tinamaan ang mga syudad ng Cagayan de Oro at Iligan sa isla ng Mindanao. Hindi masukat ang paghihinagpis ng mga namatayan at nawalan ng bahay at ari-arian lalupa’t malapit na ang Pasko at Bagong Taon. Para sa mga biktima at kaanak ng trahedya, napakalungkot ang Pasko at Bagong Taon nila.[1]
Nakikita at naramdaman din ang pagdalamhati at suporta ng mga mamamayan na hindi direktang naapektuhan ng bagyo sa sinapit ng mga biktima. Bumuhos ang mga materyal, pinansyal at moral na suporta mula mismo sa mga kapwa manggagawa at mahihirap.[2]
Luhang-buwaya naman ang pinakita ng mga nasa naghaharing uri laluna ang rehimeng Aquino at mga politiko. ‘Nakikidalamhati’ sila gayong sila mismo at ang sistemang pinaglilingkuran nila ang dahilan kung bakit nangyari ang kriminal na trahedya.[3]
Sinisisi ng naghaharing uri at estado ang mahihirap
Habang ‘nakikidalamhati’, indirektang sinisisi naman ng gobyerno ang mga biktima dahil ‘hindi nakinig sa mga babala’ at ‘patuloy na nanirahan sa delikadong mga lugar’. Ayon kay NDRRMC Executive Director Benito Ramos, “Maraming mga iligal na nanirahan. Sana hindi pinahintulutan ng pamahalaang-lungsod na magtayo sila ng mga bahay sa tabi ng sapa”. Sinabi pa ni Ramos na marami sa mga biktima ay hindi nakinig sa babala ng PAG-ASA hinggil sa bagyo. Subalit kay Ramos na rin galing ang pahayag ng pagiging inutil ng gobyerno: “Hindi ito inaasahan ng taumbayan at ng gobyerno mismo, na magkaroon tayo ng 181 millimeters na ulan. Hindi ito ang daanan ng mga bagyo”.[4] Nahuli sa bibig ang kainutilan ng estado.
Ganito palagi ang sinasabi ng gobyerno: “hindi namin kasalanan kundi kasalanan ninyo kaya nangyari ito” o kaya, “ito ay kasalanan ng nagdaang rehimen”.
Ang tunay na may kasalanan
Taun-taon ay humigit-kumulang 20 bagyo ang mananalasa sa Pilipinas kung saan maraming buhay ang nasawi at bilyun-bilyong ari-arian ang nasira. Ang nasa ibaba ay ang pinakamabangis na mga bagyong dumaan sa bansa ayon sa TYPHOON2000.COM; INQUIRER ARCHIVES; NDRRMC:
Sa bawat hagupit ng bagyo, palala ng palala ang mga epekto nito at mas lalong nalalantad ang kainutilan ng gobyerno para protektahan ang buhay at ari-arian ng ordinaryong mamamayan anong paksyon o partido man galing ang may kontrol sa Malakanyang at kongreso.Mula 1960s hanggang 1980s ay mabilis na kinalbo ng mga loggers (ligal at iligal) ang kagubatan ng Pilipinas para magkamal ng tubo[5]. Kakutsaba ang gobyerno at armadong pwersa nito, sinira nila ang kagubatan at itinaboy ang mga nanirahan doon – settlers at lumad – gamit ang mga batas, pananakot at digmaan. Dagdag pa dito ang pagbutas sa ilalim ng kabundukan ng lahat ng klase ng pagmimina. Sa madaling sabi, nagkutsabahan ang mga kapitalistang Pilipino at dayuhan para sirain ang kagubatan at kabundukan ng Pilipinas. Tapat naman na instrumento nila ang estado laluna ang kongreso, mga opisyales ng gobyerno at armadong hukbo nito para tiyakin na magkamal ng tubo ang naghaharing uri sa pagkasira ng kalikasan.
Matapos makalbo ang kagubatan at mabutas ang kabundukan, saka pa naging mga ‘environment advocates’ at ‘green activists’ ang mga buwayang politiko at gobyerno. At bilang mga ‘tagapgtanggol ng kalikasan’, ang tinutugis at ikinulong nila ay ang mga mahihirap na kaingero sa kabundukan.
Pandaigdigan ang kalamidad
Kung bagyo lang ang pag-uusapan, ito ay pandaigdigan.[6] Ilan sa mga pinakabangis na bagyo ay ang sumusunod:
1. Bagyong Marie noong Setyembre 1954 na kumitil ng 1,361 buhay sa Hokkaido, Japan.
2. Super-bagyong Vera noong Setyembre 1959 sa Nagoya City, Japan na pumatay ng 5,098 tao.
3. Bagyong Nina noong Agosto 1975 sa China na pumaslang ng 100,000 at milyun-milyon ang nawalan ng tirahan.
4. Bagyong Morakot noong Augusto 2009 sa Taiwan na kumitil ng 600 buhay.
Hindi pa kasama dito ang Hurricane Katrina sa USA noong 2005 na kumitil ng mahigit 2,000 buhay. Ito ang pinakamalaking pinsala sa Amerika – USD80 bilyon – at naglantad sa pagiging inutil ng pamaahalaan para iligtas ang taumbayan at bigyan ng suporta ang mga biktima at nakaligtas.
Sa dami ng mga patay at nasirang ari-arian, hindi nahuhuli ang Pilipinas. Dagdag pa, mahigpit ang kaugnayan ng mga kalamidad sa bansa sa mga pangyayari sa daigdig sa pagkasira ng kapaligiran.
Kaya naman bukambibig ng mga ‘environment activists’ at mga gobyerno ngayon sa buong mundo ang pagbabago ng klima. Ang pagbabagong ito ang siyang dahilan ng paglala at sunod-sunod na mga ‘natural’ na kalamidad. Lahat, laluna ang naghahari at mapagsamantang mga uri ay sabay-sabay ang korus na “kailangan nating iligtas ang mundo!”. Biglang naging maka-kalikasan ang mga nangunguna sa pagsira ng kapaligiran!
Pandaigdigan ang mga kalamidad dahil pandaigdigan ang sistemang sumisira sa kalikasan. At dahil ganap ng integrado ang mga bansa, ang mga sakuna ay may epekto sa iba. Isa sa manipestasyon na pandaigdigan ang epekto ay ang global warming o climate change na naranasan ng lahat ng mga bansa.
Kapabayaan ba ng tao o dahil sa sistemang umiiral?
Kung ang burgesya ang tatanungin ang sagot nila ay hindi ang sistema ang problema kundi ang kapabayaan ng ordinaryong mamamayan o kaya ng pagiging ganid ng ilang kapitalista. Bagamat tama na may antas ng responsibilidad ang mga indibidwal na kapitalista o empresa o ordinaryong mamamayan pero ang kapitalismo sa kanyang katangian na magkamal ng maksimum na ganansya ang tunay na responsable. Ang una ay lubhang pinalaki ng mga gobyerno ng mundo habang pilit na itinatago ang huli. Kahirapan ang puno’t dulo kung bakit napilitan ang ordinaryong mamamayan na ‘sirain’ ang kalikasan at manirahan sa delikadong mga lugar. Higit sa lahat, napaka-minimal lang nito kumpara sa paninirang ginagawa ng mga malalaking pabrika, kapitalista at estado mismo.
Bilang mga marxista at komunista, responsibilidad natin na ipaliwanag sa malawak na masang anakpawis na hindi ang ganitong paksyon ng naghaharing uri o partido nito at kawalan ng ‘pampulitikang kapasyahan’[7] na ipatupad ang mga batas o magbuo ng mga polisiya na ‘kumakalinga sa kalikasan’ ang dahilan ng pagkasira ng kapaligiran kundi ang mismong dinamismo ng kasalukuyang panlipunang sistema.
Hindi kayang baguhin ng partikular na empresa, kapitalista o gobyerno ang mga batas ng kapitalismo na siyang puno’t dulo ng paglala ng mga kalamidad sa mundo. Katunayan, para magpatuloy ang kanilang negosyo at pag-iral, kailangan nilang sumunod sa mga mapanirang batas ng sistema.
At lalunang hindi ang mahihirap ang sisihin sa pagkasira ng mundo!
Ano ang puno’t dulo ng pagkasira ng mundo, ng lumalakas ng banta na ito ay ‘magugunaw’?
● Ang dibisyon ng paggawa at, higit pa, ang pangingibabaw ng pera at kapital sa produksyon, upang mahati ang sangkatauhan dahil sa walang hanggang kompetisyon;
● Dahil ang layunin ng produksyon ay hindi para sa gamit kundi para sa palitan, sa mga kalakal na kailangang maibenta sa anumang paraan, anuman ang epekto nito sa sangkatauhan at mundo, para magkaroon ng tubo.
Mas bumilis ang pagkasira ng kalikasan ng ganap ng nasakop ng kapitalismo ang buong mundo at lubusan ng integrado ang mga pambansang ekonomiya sa kapitalistang pandaigdigang pamilihan, ang yugto ng imperyalismo. Sa dekadenteng kapitalismo araw-araw ay mas naging kongkreto ang sinabi ni Marx sa Capital Volume 1, chapter 15, section 10: "Modern Industry and Agriculture":
"In agriculture as in manufacture, the transformation of production under the sway of capital, means, at the same time, the martyrdom of the producer; the instrument of labour becomes the means of enslaving, exploiting, and impoverishing the labourer; the social combination and organisation of labour-processes is turned into an organised mode of crushing out the workman's individual vitality, freedom, and independence. The dispersion of the rural labourers over larger areas breaks their power of resistance while concentration increases that of the town operatives. In modern agriculture, as in the urban industries, the increased productiveness and quantity of the labour set in motion are bought at the cost of laying waste and consuming by disease labour-power itself. Moreover, all progress in capitalistic agriculture is a progress in the art, not only of robbing the labourer, but of robbing the soil; all progress in increasing the fertility of the soil for a given time, is a progress towards ruining the lasting sources of that fertility. The more a country starts its development on the foundation of modern industry, like the United States, for example, the more rapid is this process of destruction. Capitalist production, therefore, develops technology, and the combining together of various processes into a social whole, only by sapping the original sources of all wealth - the soil and the labourer." (amin ang pagdidiin)
Walang pakialam ang mga kapitalista kung saan at paano nila kukunin ang mga hilaw na materyales na kailangan sa kanilang produksyon, makalbo man ang kagubatan o magkabutas-butas man ang kabundukan. Hindi nila iniisip kung ano ang epekto ng polusyon mula sa kanilang malalaking pabrika, ang mahalaga sa lahat ay mas mabilis na makagawa ng mga produkto sa pinakamurang gastos para matalo nila ang kanilang mga karibal sa kompetisyon sa pamilihan at magkamal ng mas malaking tubo.
“Kailangan ang mahigpit na interbensyon ng estado”
Ito ang lagi nating naririnig mula sa mga ‘environmentalists’ at mga organisasyong nasa kaliwa ng burgesya. Para sa kanila ang mga pribadong kapitalista na ganid sa tubo – transnational at multi-national corporations – ang dahilan ng pagkasira ng ekolohiya.
Pero may kapasidad ba ang gobyerno na tapusin ang kahibangang ito sa pamamagitan ng mas aktibong interbensyon tulad ng iniisip ng ibang grupo na kapitalismo ng estado o kaya totalitaryan na gobyerno ang solusyon? Hindi, dahil ang papel ng estado ay “kontrolin” lamang ang anarkiya ng produksyon at kompetisyon. Dahil pinagtanggol ng estado ang pambansang interes, mas lalo lamamg nitong paiigtingin ang kompetisyon. Salungat sa kahilingan ng mga NGOs o ng kilusang "anti-kapitalista", ang interbensyon ng estado – na hindi naman talaga nawala sa kabila ng "neo-liberalismo", at mas lalupang nakita ngayon sa panahon ng matinding krisis ng ekonomiya – ay walang kapasidad na bigyang solusyon ang problema ng kapitalistang anarkiya.
“Atrasado ang teknolohiya kaya hindi agad mabantayan ang pagdating ng mga sakuna”
Ito ang sinasabi ng mga politiko, ‘scientists’ at ‘environmentalists’, kasabay ng paghingi ng dagdag badyet mula sa mga estado para sa ‘epektibong paghahanda’ laban sa mga kalamidad. Ayon naman sa mga nasa kaliwa ng burgesya, “kailangan ang re-alokasyon ng badyet”.
Walang masama sa mga kahilingang ito. Kailangan talaga ang abanteng teknolohiya para mas uunlad pa ang sangkatauhan at mapangalagaan ang mundo. Ang problema lang ay hinihiling nila ito sa mga estado na ang tanging papel ay tiyakin na magkamal ng tubo ang uring kapitalista. Para silang humihiling na “kailangang maging vegetarian ang tigre”.
Sa kapitalismo napakamahal ng teknolohiya at ginagamit ito kung may pang-ekonomiyang benepisyo. Sa pangkalahatan, ang teknolohiya ng kasalukuyang kaayusan ay para makagawa ng mas maraming produkto sa pinaka-minimum na gastos para sa pandaigdigang kompetisyon.
Sabi ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos “Hindi ito inaasahan ng taumbayan at ng gobyerno mismo, na magkaroon tayo ng 181 millimeters na ulan. Hindi ito ang daanan ng mga bagyo”. Hindi lang ang gobyerno ng Pilipinas ang may ganitong klaseng palusot kundi maging ang abanteng mga bansa na di hamak na merong abanteng teknolohiya:
"The argument that this disaster was unanticipated is equally nonsense. For nearly 100 years, scientists, engineers and politicians have debated how to cope with New Orleans' vulnerability to hurricanes and flooding. In the mid-1990s, several rival plans were developed by different groups of scientists and engineers, which finally led to a 1998 proposal (during the Clinton administration) called Coast 2050. This plan called for strengthening and reengineering the existing levees, constructing a system of floodgates, and the digging of new channels that bring sediment-bearing water to restore the depleted wetland buffer zones in the delta, and had a price tag of $14 billion dollars to be invested over a ten year period. It failed to win approval in Washington, on Clinton's watch, not Bush's. Last year, the Army Corps requested $105 million for hurricane and flood programs in New Orleans, but the government approved only $42 million. Yet at the same time, Congress approved $231 million for the construction of a bridge to a small, uninhabited island in Alaska."[8] (amin ang pagdidiin)
Bago magsilbi sa interes ng tao at kapaligiran ang teknolohiya, kailangan munang wasakin ang kaalukuyang bulok na kaaysuan ng mundo.
Kailangan ng ibagsak ang kapitalismo
Inutil at walang kapasidad ang mga gobyerno na iligtas ang planeta at ang sangkatauhan mismo dahil unang-una sila ang dahilan ng pagkasira ng ekolohiya ng planeta natin. Marami pang mga mas matinding sakuna na darating sa mundo na tiyak kikitil ng mas marami pang buhay at sisira ng bilyung-bilyong ari-arian. Ang kinatatakutan ng lahat na global warming at climate change ay asahan natin na titindi pa sa hinaharap sa ilalim ng mapagsamantalang sistema.
Tulad ng sabi ni Amadeo Bordiga:[9]
"as capitalism develops then rots on its feet, it more and more prostitutes techniques which could have a liberating role to its need for exploitation, domination and imperialist plunder, to the point where it transmits its own rottenness into them and turns them against the species. In all areas of daily life, in the ‘peaceful' phases between two imperialist massacres or in between two operations of repression, capitalism, ceaselessly spurred on by the search for a better rate of profit, crowds together, poisons, asphyxiates, mutilates and massacres human individuals through such prostituted technology...Neither is capitalism innocent of the so-called ‘natural' catastrophes. Without ignoring the existence of natural forces beyond human control, marxism shows that many disasters have been indirectly provoked or aggravated by social causes.... Not only does bourgeois civilisation directly provoke these catastrophes through its thirst for profit and the domination of business interests over the administrative machine...it also shows itself incapable of organising effective protection to the extent that prevention is not a profitable activity".[10]
Ang tamang solusyon sa nakamamatay at mapanirang mga sakuna ay palakasin ang makauring pakikibaka ng proletaryado para ibagsak ang estado at kapitalismo. Kailangang tapusin na ang sistemang nakabatay sa kalakal, pamilihan, kompetisyon at sahurang pang-aalipin. Hindi ito makakamit sa paglahok sa burges na eleksyon, pagpasok sa estado bilang mga ‘representante’ at ‘boses’ ng masa o kaya sa panawagang mas palakasin pa ang interbensyon ng mga estado sa buhay ng lipunan. Makakamit ito sa nagkakaisa at sama-samang pagkilos ng mas maraming manggagawa at maralita sa mga pakikibaka sa lansangan bilang paghahanda sa tuluyang pagwasak sa bulok na sistema sa pamamagitan ng pandaigdigang komunistang rebolusyon.
Internasyonalismo, Enero 1, 2012
[1] Nitong huling linggo ng Disyembre ay tinamaan din ng matinding baha ang mga probinsya ng Davao del Note at Bukidnon dahil sa “low pressure”. Daan-daang pamilya ang apektado at daang libong piso ng ari-arian ang nasira.
[2] http [6]:// [6]newsinfo [6]. [6]inquirer [6]. [6]net [6]/115373/ [6]relief [6]- [6]drive [6]- [6]poor [6]- [6]show [6]- [6]again [6]- [6]they [6]% [6]E [6]2%80%99 [6]re [6]- [6]quick [6]- [6]to [6]- [6]give [6]- [6]than [6]- [6]rich [6]
[3] Ginamit pa ang bagyong Sendong ng mga politiko, laluna ng mga nag-aambisyong tatakbo sa susunod na halalan para magpasikat at maging popular sa masa. Sumakay din ang mga showbiz personalities at malaking media institutions bilang ‘maka-kawanggawa’ at magpasikat habang marami sa kanilang mga manggagawa ay kontraktwal at mababa ang sahod.
[5] Ayon mismo sa isang “environmentalist” NGO na nakabase sa Cagayan de Oro, nagpapatuloy ang ‘illegal’ logging sa mga probinsya ng Lanao del Sur at Bukidnon hanggang ngayon. Mas masaklap pa, patuloy na binigyan ng permiso ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga “legal” loggers para kalbuhin ang kagubatan.
[6] Sa pagkasira ng kalikasan hindi lang bagyo ang nanalasa at pumapatay kundi lindol, sunog sa kagubatan, sakit/epidemya at marami pang iba. Halos sabay-sabay ang mga ito na sumisira ng buhay at ari-arian. At habang tumitindi ang pananalasa ng mga ito, mas lalupang nalalapit sa ‘natural’ na pagkagunaw ang mundo.
[7] Mula noon hanggang ngayon lagi nating naririnig mula sa kasalukuyang rehimen na ang nagdaang mga rehimen ang dahilan ng pagkasira ng kalikasan, at ang kasalukuyang pamahalaan ay nagsisikap na maituwid ang mga pagkakamali ng nakaraan. O kaya labis ang diin sa responsibilidad ng mga dayuhang kapitalista, na bagamat totoo ay tinatago naman nito ang parehong kasalanan ng mga Pilipinong kapitalista (pambansang burgesya). Sinisisi naman ng iba’t-ibang ‘environmentalist’ groups ang mga partikular na batas, o kawalang kapasyahan na ipatupad ang mga ito. Samakatuwid, ang nasa likod ng kanilang ‘maka-kalikasan’ ay repormismo – repormahin lamang ang sistema at huwag itong ibagsak para palitan ng bago.
[8] "Hurricane Katrina: Capitalism is responsible for the social disaster", International Review n° 123.
[9] Bordiga: leader of the left wing of the Communist Party of Italy, who contributed a great deal to its foundation in 1921 and who was expelled in 1930 after the process of Stalinisation. Participated actively in the foundation of the Internationalist Communist Party in 1945.
[10] (Anonymous) Preface to Drammi gialli e sinistri dell moderna decadenza sociale by Amadeo Bordiga, Iskra editions, pp 6-9. In French in the preface to Espèce humaine et croûte terestre, Petite Bibliotehque Payot 1978, pp 7, 9 and 10. An English version of some of Bordiga's writings on disasters can be found in Murdering the Dead, Amadeo Bordiga on capitalism and other disasters, Antagonism Press 2001.
Attachment | Size |
---|---|
![]() | 50.72 KB |
Ang sagot dito ng naghaharing uri ay: “HINDI. Ang kaya lamang natin ay repormahin ito. Eternal ang kapitalismo.”
Ang sagot naman ng Kaliwa at mga unyon: “KAYA PERO.....Sa mga atrasadong bansa tulad ng Pilipinas kailangan munang dumaan sa isang tunay na burges na demokrasya bago simulan ang sosyalistang rebolusyon. At ang sosyalismo ay walang iba kundi pag-aari ng estado (na kontrolado ng isang partido komunista) ang mga batayang industriya.”
Inamin mismo ng naghaharing uri na nasa malalim na krisis ang pandaigdigang kapitalismo ngayon. Pero sabi nila: “May solusyon pa ito. Kailangan lamang magsakripisyo tayong lahat.”. Ang “solusyon” ng uring kapitalista sa krisis ng kanilang sistema ay tanggalan, kontraktwalisasyon, pagtaas ng buwis, mababang sahod, at pagtanggal ng mga benepisyo.
Pero ang Kaliwa at mga unyon, sa kabila ng kanilang “radikal” at “sosyalistang” retorika ay paulit-ulit na nagsisigaw na “Hindi totoong may krisis ang sistema! Hindi totoong nalulugi ang mga kompanya! Gahaman lang sa malaking tubo ang mga kapitalista! Hindi totoong walang magawa ang gobyerno! Ayaw lang nitong gawin ang nararapat para sa kapakanan ng manggagawa!”. At ang sinabi ng Kaliwa na “ayaw lang nitong gawin ang nararapat para sa kapakanan ng manggagawa” ay sa esensya ay “dapat ariin ng gobyerno ang mga industriya!”; “dapat makipag-kompitensya ang gobyerno sa pribado at dayuhang kapitalista!”. Ito ang sinasabi nilang “demokrasyang bayan”, “gobyernong bayan”, at “bagong demokrasya”.
“Magkasalungat” man ang mga paliwanag nila, iisa lang ang kanilang mensahe: “Hindi kailangang ibagsak ang sistema ngayon dahil may kapasidad pa itong paunlarin ang produktibong pwersa. Ang kailangan natin ay ang mga nakaupo sa pwesto ay tapat na maglilingkod sa ordinaryong tao.”
Para sa malawak na masang manggagawa, “habang tatagal pa ang ganitong sistema mas lalong lalala pa ang aming hirap na kalagayan”. At karamihan sa kanila ay nagtatanong: “kaya pa bang mabago ang aming sitwasyon?”
Sa darating na mga buwan at taon walang duda na titindi pa ang krisis ng sistema. Titindi pa ang kawalan ng trabaho, kontraktwalisasyon, mababang sweldo at paglaho ng mga benepisyo; mga digmaan at pagkasira ng kalikasan. Ang hinaharap ng kalagayan ng mga kapatid na manggagawa sa “mayayamang” mga bansa ay ang kasalukuyang kalagayan ng mga manggagawa sa “mahihirap” na mga bansa. Ang kinabukasan ng mundo ay ang kasalukuyang kalagayan ng bansang Gresya.
Ang tanging “epektibong solusyon” ng burgesya sa kanyang krisis ay ang panibagong pandaigdigang digmaan. Subalit ang “epektibong solusyon” na ito ay malamang siya na ring kataposan ng mundo.
Ang materyal na batayan ng posibilidad at nesisidad na ibagsak ang kapitalismo ngayon ay dahil ganap na itong hadlang sa pag-unlad ng mga produktibong pwersa ng lipunan. Ang kinabukasan ng sangkatauhan sa dekadenteng sistema ay pagkawasak ng sanlibutan.
Ang tanging pwersa na may kapasidad na tatapos sa krisis at pigilan ang digmaan ay ang kolektibong kapangyarihan ng internasyunal na uring manggagawa. Mula 2003 ay nakita natin ang unti-unting pagbangon ng militanteng kilusang manggagawa sa maraming panig ng mundo. At mula 2007 ay naging saksi tayo sa mas ibayong paglakas ng mga panlipunang kilusan laban sa kahirapan mula Tunisia hanggang Amerika.
Subalit sa kabila ng unti-unting panunumbalik ng militansya ay nangibabaw pa rin sa kaisipan ng karamihan na “hindi pa kayang ibagsak ang sistema ngayon”. Malakas pa rin ang kawalang tiwala ng uri sa kanyang sarili na “kaya ba namin na pandayin ang bagong lipunan?”.
Ang pagdadalawang-isip ay dahil sa epekto ng paghari ng stalinismo-maoismo sa loob ng mahigit 50 taon; sa mga pananabotahe ng burges na ideolohiya sa kanilang pakikibaka na nagdulot ng matinding demoralisasyon at kawalang tiwala sa sariling lakas at kapasidad na itayo ang isang lipunang walang pagsasamantala. Higit sa lahat, sinira ng maling kahulugan ng sosyalismo/komunismo na inihasik ng stalinismo, maoismo at trotskyismo ang tiwala at pag-asa ng maraming manggagawa para sa bagong bukas.
Ganun pa man, sa iba't-ibang panig ng mundo ay lumitaw ang minoryang nagsusuring mga elemento, karamihan sa kanila ay mga kabataang manggagawa at produkto mismo ng mga kilusan mula 2003. Sila ngayon, bagamat minoriya pa lang sa loob ng kilusang paggawa ang nanawagan at nagpapaliwanag na kayang-kayang ibagsak ang kapitalismo ngayon; na wala ng maasahan sa sistema dahil ganap na itong naging hadlang sa pag-unlad ng mga produktibong pwersa. Pinakita nila na ang mga pagbangon ng independyenteng kilusan mula 2003 ay patunay na nasa kamay ng uring manggagawa ang kinabukasan ng mundo.
Sa kabilang banda, dumarami sa hanay ng malawak na masa ng uri ang muling naghahanap ng pakikiisa. Muli nilang nakita ngayon na dapat magtulungan, dapat mag-usap at magdiskusyon kung bakit hanggang ngayon, sa kabila ng mga matatayog na pangako ng mga “organisador” at “lider” ng kani-kanilang organisasyong sinamahan ay hirap pa rin ang kanilang kalagayan. Marami silang katanungan at naghahanap ng kasagutan; mga tanong na hindi na kayang sagutin ng paglahok sa eleksyon, ng pag-uunyon o kaya pag-akyat sa kabundukan para lumahok sa armadong labanan.
1. Dapat tayong magkaisa anuman ang uri o kategoriya ng ating trabaho; ano man ang istatus natin sa pagawaan – regular, kontraktwal, unyonista o hindi. Dapat tayong magkaisa may trabaho man o wala. At ang organo para tunay tayong magkaisa ay ang mga asembliya o komite ng welga, hindi lang sa antas pabrika kundi sa teritoryal na antas. Lahat ng ating mga pagkilos ay dapat ang magpasya ay ang asembliya o pangkalahatang pulong, hindi ang iilan lamang. Kailangan na nating lagpasan ang mga istruktura ng unyonismo o ng anumang umiiral na partido na walang ibang interes kundi ang makipag-negosasyon sa gobyerno at uring kapitalista at naghahanap ng mga kompromiso na laging hindi pabor sa atin.
2. Dapat kilalanin natin na ang ating pakikibaka ngayon ay isang pampulitikang pakikibaka. Ang ating pakikibaka ay naglalayong palitan ang sistema at ibagsak ang gobyerno, hindi para pasukin ito at maglunsad ng “rebolusyon sa loob” o gawing “rebolusyonaryong tribuna” ang bulok na parliyamento. Ang layunin natin na ang mga asembliya bilang organo ng pakikibaka ay matransporma bilang organo ng kapangyarihang pampulitika.
Ang usapin ng regular na trabaho, sapat na sahod, makataong kalagayan sa loob ng pagawaan, at iba pang pang-ekonomiyang kahilingan ay hindi na kayang ibigay ng kapitalismong nasa kanyang permanenteng krisis na. Para makamit natin ito at mas mapaunlad pa ito tungo sa paglaya bilang sahurang alipin, kailangan na nating ibagsak ang kapitalismo.
3. Ang anti-kapitalismo ay hindi kontra-pagiging gahaman sa tubo ng mga malalaking kapitalista, korporasyon o mga bangko na para bang ang maliit na mga kapitalista ay “mababait” at “mabuti” ang pagsasamantala. Ang anti-kapitalismo ay hindi nasyunalisasyon o pag-aari ng estado ng industriya. Nalantad na ang tunay na katangian nito sa paghari ng Stalinismo sa Silangan at ng Keynesianismo sa Kanluran. Ito ay kapitalismo ng estado na mas matindi ang pagsasamantala sa uring manggagawa.
Higit sa lahat, ang anti-kapitalismo ay hindi pagmamahal sa inangbayan o pagtatanggol sa pambansang soberanya.
Ang anti-kapitalismo ay pagpawi sa sistemang sahuran, ng tubo, ng pagsasamantala. Ito ay pag-aari at paglikha ng mga produkto sa sosyalisadong paraan, hindi ng iilan (ito man ay pribado o gobyerno). Ito ay ang pangangalaga sa kalikasan hindi pagsira nito para sa tubo. Ang anti-kapitalismo ay ang pagpapasya ng kabuuan sa pamamagitan ng kanilang mga delegado na maaring tanggalin anumang oras ng asembliyang naghalal sa kanila.
Ang anti-kapitalismo ay walang mga bansa, walang mga estado at walang digmaan.
Ngayong Mayo Uno 2012, muli nating panghawakan ang tunay na linyang anti-kapitalismo na sa loob ng ilang dekada ay binastardo ng mga organisasyong umaangkin na sila daw ay “komunista” o “sosyalista”.
Ang paghahanda sa susunod na mga labanan ay ang pagpapalakas ng anti-kapitalistang kilusan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. At para lalakas ang kilusang ito, kailangan ng uring manggagawa ang isang organisasyon na internasyunal ang saklaw at internasyunalista ang katangian.
Posible at kailangan ng ibagsak ang kapitalismo ngayon. Posible at kailangan ng itayo ang lipunang walang pagsasamantala at pang-aapi. Para ito ay maging realidad, kailangan nating lumaban. Lubhang napakahirap ang daan tungong sosyalismo. Pero ito lamang ang tanging daan para lumaya mula sa kahirapan.
Manggagawa ng daigdig, magkaisa!
-Internasyonalismo-
**Ang Internasyonalismo ang seksyon ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin (IKT) sa Pilipinas
website: www.internationalism.org [10]
email: [email protected] [11]
Bilang mga rebolusyonaryo at marxista, alam nating may kulang at may mali sa ating mga praktika sa kasalukuyan. Sinikap natin itong suriin kung ano ang mga ugat. Pero nahirapan tayong tukuyin at mas nahirapang itakwil ang mga pagkakamali dahil nakulong lamang ang ating pagsusuri sa ating makitid na praktika. Hindi natin nakita na ang ating mga praktika ay may kasaysayan 200 taon na ang nakaraan at mahigpit na nakaangkla sa pandaigdigang sitwasyon at karanasan ng proletaryong pakikibaka.
Ayaw tanggapin ng iba na may mali at kulang sa kanilang praktika dahil may mali at kulang sa teoryang gabay nila. Hindi dahil kulang o mali ang marxismo bilang buhay na rebolusyonaryong teorya ng internasyunal na proletaryado kundi dahil naniniwala sila na tama ang “marxismo” nila. Dahil dito, tinitingnan lamang nila ang mga kakulangan at pagkakamali sa makitid na pananaw ng “kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan”. Makitid dahil nakapokus lamang sa pambansang sitwasyon gayong sa marxismo ang ibig sabihin ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ay ang pandaigdigang ebolusyon ng krisis ng kapitalismo at ang mga implikasyon nito sa makauring pakikibaka ng proletaryado at maging sa programa nito.
Dahil sa “pambansang” marxismo, hindi nila namalayan na kahit ang pag-unawa sa rebolusyong Ruso ng 1905/1917, rebolusyong Aleman ng 1919 at pag-aalsang proletaryo sa Tsina noong 1927 ay ikinulong nila sa “pambansang partikularidad” sa halip na sa pandaigdigang realidad. Karay-karay nila ang ganitong kakitiran kahit sa pagsusuri sa makauring pakikibaka sa Pilipinas.
Hindi isinantabi ng marxismo ang partikularidad. Ang mali kung maging prinsipal ang mga partikularidad na ito at ibangga sa pagiging internasyunal ng marxismo at ng proletaryong rebolusyon.
Lumitaw at kumalat ang oportunismo at pagtraydor ng Ikalawang Internasyunal dahil sa pagbitaw nito sa pinaka-batayang prinsipyo ng marxismo: internasyunalismo. Pagtraydor din sa internasyunalismo ang teoryang “sosyalismo ng isang bansa” ng stalinismo at ng teoryang “depormadong sosyalismo” ng Trotskyismo sa mga bansang nagtraydor sa proletaryong rebolusyon.
Sa bandang huli, ang pagtutuwid nila sa mga kakulangan at kamalian ay ang mahigpit na pagkapit sa mga kakulangan at kamaliang ito sa kongklusyon na “walang problema sa teoryang gabay, ang problema ay ang pagpapatupad nito”.
Sa Pilipinas may mga organisasyong nagdeklarang itinakwil nila ang stalinismo-maoismo at hinawakan ang “marxismo-leninismo”. Pero naunawaan kaya nila na ang stalinismo at “marxismo-leninismo” ay walang pinag-iba? Na ang “marxismo-leninismo” mismo ay imbensyon ng stalinismo?
Ano naman ang kaibahan sa praktika ng mga “nagtakwil” sa stalinismo-maoismo sa teoryang hawak nila? Kung sila ang tatanungin “pundamental” ang pagkakaiba. Pundamental ba talaga ang pagkakaiba?
Sa Pilipinas, ang stalinismo-maoismo ay nanindigan sa 2-yugtong rebolusyon habang ang mga “marxista-leninista” ay nanindigan sa “tuloy-tuloy” na rebolusyon. Ang komonalidad nila ay kapwa naniwalang dadaan muna sa burges-demokrasya bago ang sosyalistang rebolusyon. Ang “kaibahan” ay ang una ay ginawang pangunahing pwersa ang magsasaka habang ang huli ay ang manggagawa. Ang una ay demokratikong programa habang ang huli ay minimum-maksimum na programa. Ang minimum ay sa pangkalahatan burges na kahilingan at ang maksimum ay sosyalistang kahilingan. Saan galing ang programang minimum-maksimum? Ito ay galing sa Ikalawang Internasyunal na itinayo sa panahon na progresibo pa ang pandaigdigang kapitalismo at ang pangunahing porma ng pakikibaka ay parliyamentarismo.
Kahit sa usapin ng taktika ay walang pagkakaiba ang mga organisasyong stalinista-maoista at mga "tutol" dito: nasyunalismo, unyonismo, pakikipag-isang prente at parliyamentarismo. Masahol pa, sa Pilipinas, sa taktikang parliyamentarismo halos lahat ay nagkaisa na gamitin ang burges na paraan, kabilang na ang maruming paraan para lamang manalo sa eleksyon. At ito ay sa pananaw na "the end justifies the means". Kahit sa panahon na lumahok sa burges na eleksyon ang Ikalawang Internasyunal ay walang praktika ang mga rebolusyonaryo noon na namili ng boto o kaya nakipag-negosasyon sa tipong COMELEC o kaya pumasok sa malalaking burges na partido para manalo. Nanalo sa eleksyon ang mga rebolusyonaryo noon tanging sa lakas ng kilusang manggagawa at suporta nito.
Dahil sa kabulukan ng sistema at eleksyon, nahawa na rin sa kabulukan ang mga umaangking "rebolusyonaryo" sila.
Tunay ngang mahirap aralin at unawain ang mga aral sa nakaraan lalupa’t ang mga rebolusyonaryong personaldiad ang siya mismong nagkamali. Pero kailangan ito para maunawaan natin ang kasalukuyan at maisulong ang komunistang rebolusyon sa tagumpay sa hinaharap. At sa pag-aaral ay lubhang kailangan ang praternal na mga diskusyon at debate ng lahat ng mga nagsusuring elemento na lumilitaw ngayon sa buong mundo mula noong 2003, ang panahon ng muling pagbangon ng internasyunal na kilusang manggagawa matapos bumagsak ang imperyalistang (“sosyalista”) kampo sa Silangan.
Napakadaling sabihin na tayo ay para sa internasyunalismo. Kahit ang mga traydor sa internasyunalismo ay ito rin ang sinasabi at isinulat. Pero makikita kung totoo ba talaga silang internasyunalista sa kanilang programa, pagsusuri sa mga kaganapanan at kanilang praktika.
Sa kasalukuyang tunggalian ng uri sa mundo walang isang organisasyon ang maaring umangkin na siya lang ang internasyunalista. Pero dapat suriin din nating mabuti ang mga organisasyong nagsasabing sila ay para sa proletaryong internasyunalismo.
Habang tumitindi ang krisis ng pandaigdigang capital at hinahatak ang buong populasyon ng mundo sa barbarismo, lumalakas naman ang sigaw ng mga traydor sa proletaryong rebolusyon na ang burges na demokrasya at nasyunalismo at pagmamahal sa inangbayan ay bahagi ng proletaryong internasyunalismo.
Kailangang matatag na bakahin ng mga internasyunalistang elemento at organisasyon ang mga pambabalasubas ng mga traydor sa internasyunal na komunistang rebolusyon dahil ang internasyunalismo ang bag-as ng marxismo.
Talyo, Hulyo 15, 2012
Ang lumalalang kalagayang kinakaharap ng sangkatauhan ay patuloy na nalalantad. Ang pandaigdigang kapitalistang ekonomiya, matapos ang apat na dekadang pagtatangkang resolbahin ang hayagang krisis pang-ekonomiya, ay gumuguho sa ating harapan. Ang mga tunguhing iniharap ng pagkasira ng kapaligiran ay mas nakakabahala sa bawat lumalabas na bagong syentipikong pagsusuri. Digmaan, gutom, panunupil at katiwalian ay araw-araw na nararanasan ng nakakarami.
Kasabay nito, ang uring manggagawa at ang ibang mga inaaping saray ng lipunan ay nag-umpisang labanan ang hinihingi ng kapitalismo na mga sakripisyo at paghihigpit. Mga panlipunang pag-aalsa, okupasyon, demonstrasyon at mga kilusang welga ay sumambulat sa mga magkasunod-sunod na bansa mula Hilagang Aprika hanggang Uropa at Hilaga at Timog Amerika.
Ang pag-unlad ng lahat ng mga kontradiksyon at bangayang ito ay kumukumpirma lamang sa pangangailangan ng aktibong presensya ng isang organisasyon ng mga rebolusyonaryo na kayang magsuri sa mabilis na nagbabagong kalagayan, makapagpahayag na malinaw at may nagkaisang boses lagpas ng mga hangganan at sa lahat ng mga bansa, sumali ng direkta sa mga kilusan ng mga pinagsasamantalahan at tumulong sa paglilinaw ng kanilang mga pamamaraan at layunin.
Hindi maipagkaila na ang pwersa ng IKT ay napakalimitado kung ihahambing sa napakalaking responsibilidad na aming kinakaharap. Nasaksihan natin ang pandaigdigang paglitaw ng isang bagong henerasyon na naghahanap ng mga rebolusyonaryong kasagutan sa krisis ng kasalukuyang sistema, nguni’t mas makabuluhan para sa mga sumisimpatiya sa mga pangkalahatang layunin ng aming organisasyon na makipag-ugnayan sa IKT at gumawa ng kanilang sariling ambag para sa kakayahan nitong kumilos at umunlad.
Hindi lamang kami nagsasalita hinggil sa pagsali sa aming organisasyon, subali’t darating kami diyan. Pinapahalagahan namin ang anumang suporta at tulong na maialok ng sinumang may pangkalahatang pagsang-ayon sa aming politika.
Paano ka makatulong?
Una, sa pakipagtalakayan sa amin. Sumulat sa amin sa pamamagitan ng koreo, email, o sumali sa aming online discussion forum. Dumalo sa aming mga pampublikong pulong at mga pulong na inoorganisa para sa mga kontak. Maghapag ng mga katanungan hinggil sa aming mga paninindigan, pagsusuri, kung paano kami sumulat, kung paano gumagana ang aming website, at iba pa.
Sumulat para sa aming website at mga pahayagan, ito man ay mga ulat tungkol sa mga pulong na iyong dinaluhan, mga kaganapan sa iyong tinatrabahoan, sektor, o komunidad, o mas maunlad na mga artikulo, o mga teoritikal na ambag, at iba pa.
Tulungan kaming isalin mula/tungo sa iba’t ibang wika na aming sinusulat: ang IKT ay may mga web pages sa English, French, Spanish, German, Dutch, Italian, Portuguese, Hungarian, Swedish, Finnish, Russian, Turkish, Bengali, Korean, Japanese, Chinese, at Filipino. May palagian at napakaraming mga artikulong isalin sa iba’t ibang wika, kasama na ang ilang pinakabatayang teksto ng aming organisasyon. Kung may kakayahan kang isalin tungo sa mga ito o sa ibang mga wika, ipaalam sa amin.
Sumali sa aming mga pampublikong pagkilos: magbenta ng mga pahayagan sa lansangan, magsalita at mamahagi ng aming pahayagan sa mga piket, demonstrasyon, okupasyon. Tulungan kaming mag-intervene sa mga pampulitikang pulong, makisali ka sa mga ito at makipagtalastas para sa mga rebolusyonaryong ideya; mag-ambag sa mga internet discussion forum kung saan kami ay regular na sumasali, katulad ng libcom.org [12] o revleft [13] (sa partikular ang left communist forum nito: www.revleft.com/vb/group.php?groupid=9 [14]), www.red-marx.com [15], at iba pa.
Kung may mga kakilala kang interesado rin sa usapin ng rebolusyonaryong politika at makauring pakikibaka, magtayo ng mga sirkulo ng talakayan, forum sa makauring pakikibaka o kahalintulad na mga grupo. Bukas loob kaming tutulong na maisakatuparan mo ito at sa aming pagsali mismo rito.
Mag-ambag ng mga praktikal na kasanayan at kakayahan: mga litrato, likhang-sining, kasanayan sa computer…
Tumulong sa pagpapalago ng aming limitadong pananalapi sa pamamagitan ng pagbibigay ng regular na donasyong pinansyal, pagtangkilik sa aming pahayagan, kumuha ng dagdag na kopya ng mga ito upang ibenta sa iyong mga kakilala, o ilagay sa mga lokal na bookshop.
Pagsali sa IKT
Buong galak naming tinatanggap ang mga kahilingan ng mga kasamang nais iangat ang kanilang suporta sa organisasyon sa mas mataas na antas sa pamamagitan ng pagiging mga kasapi.
Habang hindi lahat ng simpatisador ay sasali sa organisasyon, para sa amin ang pagiging kasapi ay ang pagiging lubos na kabahagi ng kasaysayan ng makauring pakikibakang proletaryo. Ang proletaryo ay likas na isang uri na ang lakas ay nakabatay sa kanyang kakayahan para sa kolektibong organisasyon, at ito’y totoo rin sa kanyang mga rebolusyonaryong elemento, na palagiang hinahangad ang pagkakaisa sa mga organisasyon para ipagtanggol ang komunistang tunguhin laban sa bigat ng dominanteng ideolohiya. Ang pagiging kasapi ng IKT ay magbibigay daan sa mga kasama sa direktang pagsali sa mga talakayan na palagiang inilunsad sa loob ng organisasyon at ang pagkakaroon ng pinakaepektibong ambag sa aming interbensyon sa makauring pakikibaka. Sa paghubog ng mga pagsusuri at patakaran ng organisasyon, ang pinakamakabuluhang lugar ng bawat militante ay sa loob nito. Habang para sa organisasyon sa kabuuan, ang mga kasapi ay ang di-mapapalitang rekurso na kanyang maaasahan at sa pamamagitan nito’y makapaglunsad at makapagpaunlad ng mga pagkilos sa pandaigdigang antas.
Bago magiging kasapi ng IKT, esensyal sa sinumang kasama na magkaroon ng malalimang talakayan hinggil sa aming mga pundamental na pampulitikang posisyon na iniugnay ng isang pangkalahatang marxistang pagkakaugnay na nakapaloob sa aming Plataporma, upang sinumang magiging mga kasapi ay magpasya mula sa dalisay na kapasyahan at may kakayahang ipaglaban ang aming mga pampulitikang posisyon dahil mayroon silang sapat na kaalaman hinggil dito. Mahalaga rin na talakayin ang aming batas pang-organisasyon at sumang-ayon sa mga batayang prinsipyo at patakaran na gumagabay sa aming pagkilos: paano kami kolektibong nag-oorganisa sa lokal, pambansa, at pandaigdigang antas, ang papel ng mga kongreso at mga sentrong organo, paano namin sinasagawa ang aming panloob na mga debate, anong inaasahan sa mga kasapi hinggil sa kanilang partisipasyon sa buhay ng organisasyon, at iba pa. Ang batayang pamamaraan na nakapaloob sa aming batas ay makikita sa tekstong ito: (‘Report on the structure and functioning of the revolutionary organization’).
Sa ganitong pakahulugan, kami ay nasa tradisyon ng partidong Bolshevik, kung saan ang isang kasapi ay ang sinuman na hindi lang sumasang-ayon sa programa ng partido kundi naglalayon ding aktibong ipagtanggol ito sa mga pagkilos ng organisasyon, at kung sa gayon ay handa siyang sumunod sa pamamaraan ng pagkilos batay sa nakapaloob sa batas nito.
Hindi ito madaling proseso at nangangailangan ng panahon at tiyaga. Di tulad ng mga grupong kaliwa, Trotskyista at iba pa, na puno sa kasinungalingang nangangalandakang sila’y angkan mula sa Bolshevismo, hindi kami naglalayong mangrekluta kahit sa anong presyo, at humantong sa mga kasaping walang pinag-iba sa mga tau-tauhan ng laro ng burukratikong liderato. Ang tunay na komunistang organisasyon ay yayabong lamang kung ang mga kasapi nito ay may malalim na pag-intindi sa mga paninindigan at pagsusuri nito at sumasali sa kolektibong pagpupursige na maisakatuparan at mapaunlad ang mga ito.
Ang rebolusyonaryong politika ay hindi isang libangan: Kinabibilangan ito ng parehong intelektwal at emosyunal na komitment sa pagharap sa mga hinihingi ng makauring pakikibaka. Pero hindi rin ito isang gawaing monghe, na hiwalay sa buhay at usapin ng uring manggagawa. Hindi kami kulto, na naghahangad na kontrolin ang bawat bahagi ng buhay ng aming kasapian, at gawin silang panatiko na walang kakayahan sa mapanuring pag-iisip. Hindi rin namin inaasahan na ang bawat kasapi ay maging mga ‘eksperto’ sa lahat ng aspeto ng marxistang teorya, o sumapi sa amin na may mataas na antas na kasanayan sa pagsusulat o sa pampublikong pagtatalumpati. Kinikilala namin na ang bawat kasama ay may magkaiba-ibang kakayahan sa iba’t ibang larangan. Kami ay kumikilos batay sa komunistang prinsipyo na ang bawat isa ay mag-aambag batay sa kani-kanilang kakayahan – na ito’y tungkulin ng kolektibo na imaksimisa ang mga indibidwal na enerhiyang ito sa pinakamabisang paraan.
Ang kapasyahang pumaloob sa isang rebolusyonaryong organisasyon ay hindi basta-bastang ginagawa. Subali’t ang pagsapi sa IKT ay nangangahulugan ng pagiging kabahagi ng isang pandaigdigang kapatiran na nakikibaka sa iisang layunin – ang tanging layunin na tunay na makapagbigay ng kinabukasan para sa sangkatauhan.
IKT, Nobyembre 2011
Ano ba ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis? Kahit batang nasa elementarya ay alam na kung tataas ang presyo ng langis ay magsi-taasan din ang mga presyo ng iba’t-ibang bilihin dahil ayon sa mga negosyante, “direkta at indirekta ay ginagamitan ito ng langis”.
Alam din ng mga konsumador na sa atin ipinapasa ng mga negosyante ang pagtaas ng presyo ng bilihin – tayong mga manggagawa at mala-manggagawa sa kanayunan at kalungsuran. Syempre manggalaiti din sa galit ang maliit na mga negosyante dahil hindi na sila makaungos sa mabagsik na kompetisyon ng kapitalismo. Maiinis din ang mga nasa panggitnang uri dahil dagdag gastos sa kanilang mga sasakyan. Sa madaling sabi, malaking mayoriya ng populasyon ang nahihirapan. Subalit, ang mas nahihirapan ay ang masang anakpawis ng lipunan.
Bakit tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan?
Una sa lahat, dapat maintindihan na ang mundo ngayon ay kontrolado ng uring kapitalista kung saan ang laging ninanais ay magkamal ng tubo. Pangalawa, lahat ng mga gobyerno sa daigdig ay kontrolado ng at nagsisilbi para sa mapagsamantalang mga uri.
Mula pa noong 1973 ay patuloy na ang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Ang mga “pagbaba” ng presyo ay nilamon lamang ng ilang dekadang pagtaas ng presyo nito.
Mula pa noong huling bahagi ng 1960s ay nasa permanenteng krisis na ang pandaigdigang kapitalismo. Ang pagtaas ng presyo ng langis sa kasalukuyan ay epekto lamang ng tumitinding krisis ng sistema at hindi simpleng dahil sa pagiging ganid ng uring kapitalista sa tubo.
Dahil sa krisis ay mas lalong humina ang kapitalistang produksyon na siyang sentral na pinagkukunan ng tubo ng mga kapitalista. Sapagkat mahirapan ng makakuha ng tubo sa produksyon ay nagkasya na lamang ang mapagsamantalang uri sa ispekulasyon. Ito ang isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis. Ang pangingibabaw ng ispekulatibong ekonomiya ay manipestasyon ng malubhang krisis ng sistema.
Ikalawang dahilan ay ang kaguluhan ngayon sa Gitnang Silangan. Kaguluhan na hindi kagagawan ng masang anakpawis kundi kagagawan ng inter-imperyalistang digmaan at intra-paksyunal na bangayan ng mga pambansang burgesya na may kanya-kanyang among imperyalistang kapangyarihan.
Ikatlong dahilan ay ang pandaigdigang krisis sa utang na sumabog noong 2006-07. Ang lumalaking utang ng kapitalistang mundo mula pa noong 1970s ang mayor na dahilan ng inplasyon o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Samakatuwid, ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis ay ang wala ng solusyon na krisis ng pandaigdigang kapitalismo na nagsimulang sumabog noong huling bahagi ng 1960s.
Totoo ba na ang Oil Deregulation Law ang dahilan ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis sa Pilipinas?
Naniwala ang karamihan na ang Oil Deregulation Law ng 1998 ang dahilan kung bakit patuloy na tumataas ang presyo ng langis. Sabi nila, dahil daw binitawan ng gobyerno ang kontrol o regulasyon sa presyo ay tumaas ang presyo ng produktong petrolyo.
Pero bakit hindi nakaligtas ang Pilipinas sa krisis ng langis noong 1973 kung saan kontrolado o kaya regulado ng diktadurang Marcos ang presyo ng langis sa kabila na pag-aari ng estado ang Petron at dadaan sa kapasyahan ng gobyerno ang pagtakda ng presyo? Bakit hindi napigilan ng panghihimasok ng gobyerno sa pagtakda ng presyo ang pagtaas ng presyo ng langis noong 1979 at 1997 bago ang deregulasyon noong 1998?
Ang deregulasyon noong 1990s ay paraan ng mga gobyerno upang ipasa sa buong lipunan ang krisis na pinapasan ng una mula pa noong 1930s. Ang panghihimasok o kontrol ng pamahalaan sa ekonomiya ay tinatawag na keynesianismo sa Kanluran at stalinistang totalitaryanismo sa Silangan. Subalit kung nabigo ang keynesianismo at stalinismo na pigilan ang krisis noon, nabigo din ang deregulasyon na pigilan ang pagsabog ng krisis noong 2007 na mas lalong lumala ngayon.
Pag-aari man ng estado ang mga industriya – Keynesianismo o Stalinismo/Maoismo – o “luwagan” man ng estado ang kontrol dito – deregulasyon – hindi nito mahadlangan ang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin dahil hindi ang pamamahala sa kapitalistang ekonomiya ang problema kundi ang mga panloob na kontradiksyon mismo ng kapitalismo na nagbunga ng laganap na ispekulasyon sa ekonomiya, mataas na inplasyon at mabangis na kompetisyon para sa tubo sa pagitan ng mga makapangyarihang kapitalistang gobyerno. Sa madaling sabi, ang KAPITALISMO mismo ang problema.
Ano ang dapat gawin?
Aasa ba tayo sa gobyerno at sa mga batas nito?
Maraming nagsasabi sa hanay ng Kaliwa na ang solusyon sa krisis ay bumalik sa Keynesianismo o Stalinismo/Maoismo. Pero ito ay malaking kasinungalingan! Hindi napigilan ng Keynesianismo at Stalinismo ang pagsabog ng krisis noong 1920s-1930s na siyang dahilan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hindi rin nito napigilan ang pagsambulat ng panibagong krisis noong 1960s-1980s kahit pa sa anyo ng mga diktadurang pamamahala o kaya nasa pamumuno ng Kaliwa ang gobyerno.
Hindi na maaring gamitin ng burgesya ang mga paraang ginamit niya sa nakaraan – kontrol ng estado - na napatunayanng mas lalupang nagdiin sa sistema sa krisis. Katunayan, ng tangkaing isalba ng mga estado ang mga nabangkarotang bangko at korporasyon, ito na mismo ang nabangkarota ngayon – Greece, Spain, Portugal.
Kahit ano pang mga batas ang gawin ng gobyerno, hindi na nito mapigilan ang daluyong ng rumaragsang krisis ng sistema dahil ang unos ay ang mismong pundasyon ng ekonomiya.
Aasa ba tayo sa mga politiko ito man ay nasa administrasyon o oposisyon?
Ilang dekada ng nagpalit-palit sa pwesto ang iba’t-ibang paksyon ng mga politiko at nangakong isalba ang bansa sa krisis kung sila ang nasa pwesto? Ilang taon na mula ng pumasok ang mga “progresibo” sa kongreso at nagsabi sa hirap na mamamayan na “kami ang boses ninyo sa bulwagan ng mga buwaya”? Ano ang nangyari? Wala tayong maasahan sa mga politiko, ito man ay nasa adminsitrasyon, ‘oposisyon’ o nag-aastang ‘progresibo’ sa loob ng kongreso.
Sapat na ba ang isang araw na mga protesta?
Tama lamang na lumabas tayo sa lansangan at ipakita ang ating pagtutol sa mga atake ng kapitalismo sa ating kabuhayan. Tama lamang na sumama tayo sa mga rali, demonstrasyon at welga.
Pero ilang beses na ba tayong lumabas sa kalsada sa pamumuno ng mga unyon at partido ng Kaliwa mula ng tumaas ang presyo ng langis? Bakit walang nangyari?
Hindi sapat ang isang araw na malakihang rali at demonstrasyon. Hindi na uubra na “kurutin” lamang sa singit ang gobyerno. Kailangan na ang matinding dagok sa gobyerno hindi para mahimasmasan ito kundi para tuluyan na itong malugmok. Ilang beses ng ginawa ng mga unyon at “progresibong” organisasyon ang mga pagkilos upang “kurutin” lamang sa singit ang gobyerno pero walang epekto.
Ang kailangan ay ilang araw na sunod-sunod na mga malalaking rali at demonstrasyon sa pambansang saklaw. Ang kailangan ay mga malawakang welga ng manggagawa laban sa mga atake ng gobyerno at kapitalista. Ang kailangan ay suwayin ng masang anakpawis ang mga batas ng gobyerno na pumipigil upang maging epektibo ang ating pakikibaka. Ito ang pinakita sa atin ng ating mgakapatid na manggagawa at maralita sa Tunisia, Egypt, Greece, at Spain.
Pero mangyari lamang ito kung tayo mismong mga manggagawa at maralita ang magpasya sa ating laban.
Tayong mga manggagawa at maralita mismo ang magpasya!
Kung nais nating may mangyari pabor sa ating mga anakpawis, tayo mismo ang magpasya sa ating laban. Tayo mismo ang magbuo ng mga organo ng pakikibaka at magplano paano dadalhin ang laban. Huwag nating ibigay ang pagpapasya sa mga umaangking mga “lider” at “representante” natin na nakikipaglampungan sa mga politiko at kapitalista para lamang manalo sa eleksyon o para makaipon ng pera para palakihin ang gerilyang hukbo sa kanayunan.
Pinakita ng mga kapatid nating manggagawa sa Greece, Spain, France, Great Britain at USA kung paano hawakan sa ating sariling mga kamay ang pakikibaka. Ito ay ang pagbuo ng mga asembliya, gawing buhay ang mga talakayan at diskusyon at ihalal ang ating mga delegado sa mga asembliyang ito. Totoong hindi ito sapat dahil kailangan pa natin ang mas malawak, mas marami at tuloy-tuloy na mga pakikibaka para labanan ang mga atake ng kapital; kailangan nating magkaisa sa pandaigdigang saklaw laluna sa mga kapatid nating manggagawa sa Uropa. Higit sa lahat kailangan nating buuin ang kumpyansa sa ating sariling lakas at pagkakaisa.
Wala ng maibigay kahit anumang makabuluhang reporma ang gobyerno para sa atin. Para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin kailangan nating ibagsak ang gobyerno at ang bulok na sistema at itayo ang isang lipunan para sa masang anakpawis…ang lipunang sosyalismo.
Ang emansipasyon ng uring manggagawa ay nasa kamay mismo ng masang manggagawa!
Internasyonalismo
Marso 15, 2012
Contact us: [email protected] [11]
Ito ay isang internasyunal na pahayag na naglalayong gumawa ng isang pansamantalang sumada sa mga kilusang panlipunan ng 2011 upang makapag-ambag sa isang malawak na debate hinggil sa kahalagahan ng mga ito.
2011: mula sa galit patungo sa pag-asa
Ang dalawang pinakamahalagang pangyayari sa 2011 ay ang pandaigdigang krisis ng kapitalismo at ang mga kilusang panlipunan sa Tunisia, Egypt, Spain, Greece, Israel, Chile, USA, Britain…
Ang galit ay tumungo sa internasyunal na antas
Ang mga epekto ng kapitalistang krisis ay naging matindi sa malaking mayorya ng pandaigdigang populasyon: pagbagsak ng kabuhayan, matagal na kawalan ng trabaho na tumagal ng mga taon, di-permanenteng trabaho na naging imposible ang pagkaroon ng kahit minimum na istabilidad, matinding kahirapan at gutom…
Milyun-milyong tao ay nababahala sa pagkawala ng posibilidad na magkaroon ng istable at normal na buhay at ng kawalan ng kinabukasan para sa kanilang mga anak. Ito ay tumungo sa isang malalimang galit, mga pagtatangkang makawala sa pagsawalang-kibo sa pamamagitan ng pagkilos sa mga lansangan at mahalagang pook, sa mga talakayan hinggil sa mga sanhi ng krisis na sa kasalukuyang yugto ay tumagal ng mahigit 5 taon.
Ang galit na ito ay mas pinatindi ng pagka-arogante, kasakiman at pagsawalang bahala na ipinakita ng mga bankero, mga politiko at ng ibang mga kinatawan ng uring kapitalista sa paghihikahos ng karamihan. Ito rin ang nangyari sa pagiging inutil na ipinapakita ng mga gobyerno na naharap sa ganito katinding problema: ang kanilang mga hakbangin ay lalo lamang nagpalala sa kahirapan at kawalang trabaho na walang ibinungang solusyon.
Ang kilusang ito ng pagkasuklam ay lumawak sa internasyunal na saklaw: sa Spain, kung saan ang noo’y Sosyalistang gobyerno ay nagpataw ng isa sa mga una at pinakamabagsik na planong paghihigpit; sa Greece, ang simbolo ng krisis ng pampublikong utang; sa United States, ang templo ng pandaigdigang kapitalismo; sa Egypt at Israel, sentro ng isa sa mga pinakamalala at pinakakonsentradong mga imperyalistang bangayan, ang Gitnang Silangan.
Ang pagkamulat na ito’y isang internasyunal na kilusan ay nagsimulang umusbong sa kabila ng mapanirang impluwensya ng nasyunalismo na nakikita sa presensya ng mga pambansang bandila sa mga demonstrasyon sa Greece, Egypt o sa USA. Sa Spain, ang pakikiisa sa mga manggagawa ng Greece ay naipahayag sa mga islogan tulad ng “Athens lumaban, Madrid mag-alsa”. Ang mga welgista sa Oakland (USA, Nobyembre, 2011) ay nagsabi ng “Pakikiisa sa kilusang okupasyon sa buong daigdig”. Sa Egypt ay napagkaisahan sa Cairo Declaration na suportahan ang kilusan sa United States. Sa Israel ay sumisigaw sila ng “Netanyahu, Mubarak, El Assad ay magkapareho” at nakipag-ugnayan sa mga manggagawang Palestino.
Naabot na ng mga kilusang ito ang kanilang rurok at sa kabila na may mga panibagong pakikibaka (Spain, Greece, Mexico) ay marami pa rin ang nagtatanong: ano ba ang naabot nitong alon ng galit? Meron ba tayong nakamit?
Tumungo sa mga lansangan! Ang iisang islogan ng mga kilusang ito
Mahigit 30 taon na mula ng masaksihan natin ang ganitong kamangha-manghang dami ng taong umo-okupa sa mga lansangan at sa mga mahalagang pook upang makibaka para sa sarili nilang interes sa kabila ng mga ilusyon at kalituhan na nakaapekto sa kanila.
Ang mga taong ito, mga manggagawa, mga pinagsamantalahan na inilarawan bilang mga walang kwenta, mga tamad, walang kakayahang gumawa ng inisyatiba o gumawa ng anuman na nagkaisa ay nagawang magkaisa, magbigay ng inisyatiba at kumawala mula sa nakakalugmok na pagsawalang kibo kung saan ang araw-araw na normalidad ng sistemang ito ang sumusumpa sa kanila na maging ganito.
Ang prinsipyo ng pagpapaunlad ng kumpyansa sa kapasidad ng bawat isa, ang pagtuklas sa lakas ng kolektibong aksyon ng masa ay naging pampataas moral. Ang panlipunang tanawin ay nagbago. Ang monopolyo sa buhay publiko ng mga politiko, eksperto at ‘bantog na mga tao’ ay nalagay sa mariing pagtutol ng di kilalang masa na nais mapakinggan.
Matapos masabi ang lahat ng ito, tayo’y nasa mahina pa lamang na pagsisimula. Ang mga ilusyon, mga kalituhan, di maiwasang pabago-bagong kalooban ng mga nag-aklas; ang panunupil na pinapataw ng estado at ang mga mapanganib na paglihis na pinapatupad ng mga mapanghadlang na pwersa nito (mga partido ng Kaliwa at mga unyon) ay tumungo sa mga pag-atras at mapapait na mga kabiguan at pagkatalo. Ito ay usapin ng isang mahaba at mahirap na daan na kinalatan ng mga balakid at kung saan walang garantiya ng tagumpay: dahil dito, ang mismong akto ng panimulang pagtahak sa daang ito ay maituturing na unang tagumpay.
Ang puso ng kilusan: ang mga asembliya
Ang masang sumapi sa mga kilusang ito ay di lamang nililimita ang kanilang mga sarili sa pasibong pagsisigaw sa kanilang mga hinanakit. Aktibo silang lumahok sa pag-organisa ng mga asembliya. Ang mga asembliyang masa ay nagsasakongkreto sa islogan ng Unang Internasyunal (1864) “Ang pagpapalaya sa uring manggagawa ay gawain ng mga manggagawa mismo o wala ito”. Ito ay pagpapatuloy sa tradisyon ng kilusang manggagawa mula Komyun ng Paris, at sa Rusya noong 1905 at 1917, kung saan ito’y tumungo sa isang mataas na anyo, ipinagpatuloy sa Alemanya 1918, Hungary 1919 at 1956, Poland 1980. Ang mga pangkalahatang asembliya at konseho ng mga manggagawa ay ang tunay na mga anyo ng organisasyon ng pakikibakang proletaryo at ang ubod ng bagong anyo ng lipunan.
Mga asembliya na naglalayon na malawakang pagkaisahin ang ating sarili at nagtuturo ng daan patungo sa pagwasak sa kadena ng sahurang pang-aalipin, ng atomisasyon, “bawat isa para sa kanyang sarili”, pagkakulong sa mga sektoral o panlipunang kategorya.
Mga asembliya upang mag-isip, sama-samang magtalakay at magpasya, gawing kolektibong may pananagutan ang ating sarili anuman ang napagpasyahan, sa pamamagitan ng sama-samang paglahok sa paggawa ng mga kapasyahan at sa pagpapatupad ng mga ito.
Mga asembliya upang magpaunlad ng kumpyansa sa isa’t-isa, pangkalahatang pakiki-isang damdamin, pagkakaisa, na di lamang kakailanganin sa pagpasulong ng pakikibaka kundi magsisilbi ring mga haligi ng isang lipunan sa hinaharap na walang uri at pagsasamantala.
Ang 2011 ay kinikitaan ng pagsambulat ng isang tunay ng pagkakaisa na walang kinalaman sa mapagkunwari at makasariling “pagkakaisa” na pinangalandakan ng naghaharing uri. Ang mga demonstrasyon sa Madrid ay nanawagan ng pagpapalaya sa mga inaresto o nagpahinto sa pulisya na ikulong ang mga imigrante. May mga malawakang pagkilos laban sa sapilitang pagpapaalis sa mga naninirahan sa Spain, Greece at sa United States. Sa Oakland “Ang Asembliya ng welga ay sumasang-ayon na magpadala ng mga piket o mag-okupa ng anumang kumpanya o paaralan na nagbigay parusa sa mga empleyado o mga estudyante sa anumang kaparaanan dahil sa pagsali sa Pangkalahatang Welga ng ika-2 ng Nobyembre”. Buhay na buhay nguni’t manaka-naka pa ring mga sandali ang nangyayari kung saan ang bawat isa’y nakaramdam ng pagkalinga at pagtatanggol ng mga nasa paligid nila. Na ang lahat ng ito’y ganap na kabaligtaran sa kung anong itinuring na “normal” sa lipunang ito sa kanyang puno sa dalamhating damdamin ng kawalang-pag-asa at kahinaan.
Ang tanglaw para sa hinaharap: ang kultura ng debate
Ang kamulatang kakailanganin ng milyong manggagawa para baguhin ang daigdig ay di makamit sa pamamagitan ng pagpamana nito ng naghaharing uri o sa pamamagitan ng mga matatalas na islogan ng mga matatalinong lider. Ito ay bunga ng isang karanasan sa pakikibaka na kasabay at tinatanglawan ng debate sa malawakang antas, ng mga talakayan na nagbabalik-tanaw sa nakaraan nguni’t palagiang nakatuon sa hinaharap, tulad ng nakasaad sa isang bandera sa Spain na “Walang kinabukasan kung walang rebolusyon”.
Ang kultura ng debate, na isang bukas na talakayang nakabase sa respeto sa isa’t-isa at aktibong pakikinig, ay nagsimulang umusbong hindi lamang sa loob ng mga asembliya kundi maging sa palibot nito: madaling ilipat na mga aklatan ay iniorganisa, maging mga di mabilang na mga pulong para sa talakayan at palitan ng mga ideya… Isang malawak na gawaing intelektwal na pinapatupad sa isang limitadong kaparaanan na agarang nilikha sa mga lansangan at mahalagang pook. At tulad ng mga asembliya ito’y muling nagsasabuhay ng nakaraang karanasan ng kilusang manggagawa
“Ang pagkauhaw sa edukasyon, na matagal nang nikimkim, ay pinukaw ng rebolusyon tungo sa totoong kaalaman. Sa unang anim na buwan, bulto-bultong literatura na lulan ng karomata o ng karo na ibinugsong palabas ng Smolny Institute bawat araw, ay walang patid na sinisipsip ng Rusya na tulad ng mainit na buhanging sumisipsip ng tubig. Hindi ito mababaw na mga nobela, pinalsipikang kasaysayan, baluktot na relihiyon at mumurahing katha na nakakabulok kundi mga pang-ekonomiya’t panlipunang teorya, pilosopiya, mga sulatin nila Tolstoy, Gogol, Gorky”.Habang binabayo ng kultura ng lipunang ito na nakabase sa pakikibaka para sa “mga modelo ng tagumpay”na naging bukal lamang ilang milyong kamalian - mga mapanghati at maling konseptong ibinabayo ng dominanteng ideolohiya at ng midya nito - libo-libong tao na ang nag-umpisang maghanap ng isang makatotohanang popular na kultura na inako na kanilang sarili at nagpagana ng kanilang sariling kritikal at independyenting pamantayan. Ang krisis at ang mga sanhi nito – ang papel ng mga bangko at iba pa – ay masusi’t lahatang-panig na tinalakay. May mga pagtalakay hinggil sa rebolusyon, bagama’t maraming kalituhan; may talakayan hinggil sa demokrasya at diktadurya na nasusuma sa dalawang magkaugnay na islogang ito “tinawag nila itong demokrasya at ito’y hindi” at “ito’y isang diktadurya nguni’t di nakikita”.
Ang proletaryo ang susi sa hinaharap
Kung ang lahat ng ito’y nagtatanghal sa 2011 bilang taon ng pagsisimula ng pag-asa, tinitingnan namin ang mga kilusang ito sa pamamagitan ng isang mapanuri’t kritikal na pananaw na nakikita ang kanilang mga limitasyon at kahinaan na di hamak na marami.
Kung may dumaraming bilang ng mga tao sa daigdig na kumbinsidong ang kapitalismo ay isa nang lipas na sistema - na “upang makaligtas ang sangkatauhan, ang kapitalismo ay kailangang patayin” – mayroon ding isang tendensya na naghahalintulad sa kapitalismo sa kulumpon ng mga “masasamang tao” (walang-konsyensang mga namumuhunan, malupit na mga diktador) na sa kabaliktaran ay isang masalimuot na ugnayan ng mga panlipunang relasyon na kailangang atakihin sa kanyang totalidad at hindi ang pagkakupot sa pagtuon sa panlabas na mga anyo nito (pinansya, ispekulasyon, korapsyon ng mga nasa pampulitika at pang-ekonomiyang kapangyarihan).
Kahit nasa kahustuhan ang pagtakwil sa karahasang ibinuga ng kapitalismo mula sa bawat butas ng balat nito (represyon, teror at terorismo, moral na barbaridad), ang sistemang ito ay hindi lamang basta-bastang maibagsak sa pamamagitang ng isang pasibong presyur ng mamamayan. Ang minoryang uri ay di boluntaryong bibitiw sa kapangyarihan at ito’y magtatago sa likod ng estado nito na tangan ang demokratikong legalidad sa pamamagitan ng eleksyon tuwing 4 o 5 taon. At ito’y sa pamamagitan ng mga partido na nangako ng di nila magawa at gumawa ng di nila pinangako at sa mga unyon na nagpakilos upang di makakilos at tumungo sa pagsang-ayon at paglagda sa lahat ng inihapag sa mesa ng naghaharing uri. Tanging isang malakihan, matatag at di natitinag na pakikibaka ang magbibigay sa mga pinagsamantalahan ng kakailanganing lakas sa pagwasak sa estado at sa mga kaparaanan ng represyon nito at gawing makatotohanan ang palagiang sinisigaw sa Spain na “Lahat kapangyarihan sa mga asembliya”.
Kahit ang islogang “tayo’y ang 99% laban sa 1%”, na naging popular sa kilusang okupasyon sa United States, ay nagpakita ng mga panimulang pag-intindi sa mga marahas na makauring dibisyon na nakaapekto sa atin, ang mayorya ng mga kalahok sa mga protestang ito ay kinokonsidera ang kanilang sarili bilang mga “aktibong mamamayan” na nagnanais kilalanin sa loob ng lipunan ng mga “malaya at pantay na mamamayan”.
Subali’t, ang lipunan ay nahati sa mga uri: uring kapitalistang nasa kanya na ang lahat at uring pinagsamantalahan – ang proletaryo – na lumikha ng lahat nguni’t ang inaari ay paunti ng paunti. Ang mapagpasyang pwersa ng panlipunang ebolusyon ay hindi ang demokratikong laro ng “ desisyon ng mayorya ng mamamayan” (ang larong ito ay walang iba kundi isang balatkayo na tumatago at nagbigay lehitimo sa diktadurya ng naghaharing uri) kundi ang makauring tunggalian.
Ang kilusang panlipunan ay kailangang nakaugnay sa pakikibaka ng pangunahing pinagsamantalahang uri – ang proletaryo – na kolektibong lumikha ng pangunahing yaman at nagpapanatili ng pagkilos ng buhay panlipunan: mga pabrika, pagamutan, paaralan, unibersidad, tanggapan, daungan, konstraksyon, koreo. Sa ilang mga pagkilos ng 2011 nasaksihan natin ang lakas, higit sa lahat ang alon ng mga welga na pumutok sa Egypt at sa kalauna’y pumuwersa kay Mubarak na magbitiw. Sa Oakland (California) ang mga “nang-okupa” ay nagpatawag ng pangkalahatang welga at tumungo sa daungan at nakakuha ng aktibong suporta ng mga manggagawa dito. Sa London ang mga nagwelgang elektrisyan at ang mga nag-okupa sa Saint Paul ay nagpatupad ng iisang pagkilos. Sa Spain ang ilang nagwelgang sektor ay nagtangkang makipagkaisa sa mga asembliya.
Walang oposisyon sa pagitan ng makauring pakikibaka ng makabagong proletaryo at ng mga batayang pangangailangan ng mga panlipunang saray na pinagsamantalahan ng kapitalistang panlulupig. Ang pakikibaka ng proletaryo ay hindi isang makasarili o ispesipikong kilusan kundi ang batayan ng “independyenteng kilusan ng malaking mayorya para sa kapakanan ng malaking mayorya” (Manipesto ng Komunista).
Ang mga kasalukuyang kilusan ay makakabenepisyo mula sa kritikal na pagbalik-tanaw sa karanasan ng dalawang siglo ng pakikibakang proletaryo at ng mga pagtatangka sa panlipunang pagpapalaya. Ang daan ay mahaba at puno ng mga naglalakihang balakid, na sumagi sa isipan ang pabalik-balik na islogan sa Spain na “hindi sa tayo’y humina, kundi tayo’y umabot na ng malayo”. Umpisahan ang hangga’t posibleng pinakamalawak na talakayan, na walang anumang balakid o panghihina ng loob, upang mulat na maihanda ang mga bagong kilusan na magbigay linaw na ang kapitalismo ay maari ngang palitan ng ibang lipunan.
Internasyunal na Komunistang Tunguhin, Marso 11, 2012
Attachment | Size |
---|---|
![]() | 66.45 KB |
“Manggagawa ng mundo, magkaisa!”. Ito ang katotohanan at realidad sa ilalim ng kapitalistang kaayusan. Tayong mga manggagawa ay walang pambansang interes na kinakampihan dahil ang interes natin ay bilang isang internasyunal na uri. Saan man tayong panig ng mundo, tayo ay pinagsamantalahan at inaapi ng uring kapitalista at ng kanilang mga gobyerno.
Ang interes ng isang lahi o bansa ay nagsisilbi sa interes ng partikular na uri. Ang kabansaan at pambansang estado ay matagal ng nahubaran ng kasaysayan: ito ay interes ng uring burges para kontrolin at pagsamantalahan ang uring manggagawa at iba pang masang anakpawis.
Sa kasalukuyang girian ng burgesyang Pilipino at burgesyang Tsino sa Spratly Islands, kung saan ang magkabilang kampo ay inaangkin na kanila ang maliit na mga islang puno ng likas na yaman, muli na namang umalingawngaw ang mga salitang “pambansang soberanya” at “teritoryal na integridad”; ang “pagkakaisa bilang bansa” at “pagtatanggol sa teritoryo ng bansa”. Gamit ang burges na media, ang mga salitang ito ay muling isinalaksak sa utak ng mga hirap na mamamayan upang lasunin na bilang iisang lahi, bilang iisang bansa, ang burgesya at manggagawa ay “magkapatid at magkasama”.
Ito ang ipinako ng burgesyang Tsino sa isipan ng manggagawang Tsino at ganun din ng burgesyang Pilipino sa manggagawang Pilipino para tayo ay mahati, mag-away at magpatayan sa isa't-isa sa ngalan ng “pagmamahal sa inangbayan”.
Agawan ng teritoryo sa Spratly Islands: Agawan para magkamal ng tubo at inter-imperyalistang kompetisyon dito sa Asya
Hindi lang Pilipinas at Tsina ang nag-aagawan sa Spratly Islands. Nakikipag-agawan din ang bansang Vietnam, Taiwan at Malaysia1. Sumali din ang bansang Brunei2. Ang batayan ng bawat pambansang paksyon ng burgesya ay ang kani-kanilang kasaysayan na punung-puno ng pananakop at pangongolonya, hindi sa sinasabi nilang “pambansang soberanya”3.
Pagkamal ng tubo ang pangunahing dahilan ng agawan ng mga pambansang paksyon ng burgesya sa Spratly Islands. Sinuman ang magwagi sa agawan nila, hindi makinabang dito ang masang anakpawis ng Tsina at Pilipinas. Ang tanging makinabang ay ang mga burukrata ng mga gobyerno nila at ang malalaking kapitalista.
Isa pang pangunahing dahilan ay ang imperyalistang interes ng mga nagbangayang pambansang burgesya dahil mayor na daanan ang Spratly Islands at pwedeng maging baseng militar. Isa Ito sa mayor na dahilan ng Tsina, Vietnam, Taiwan at USA. Ilang dekada ng nagkaroon ng girian at armadong labanan ang Tsina at Vietnam (na alyado ng Amerika).
Sa madaling sabi, ang girian sa Spratly ay mahigpit na nakaangkla sa imperyalistang kompetisyon ng Tsina at Amerika sa Asya. Dahil sa matinding krisis ng pandaigdigang kapitalismo, kailangang magpalawak ng teritoryo ang mga ambisyosong imperyalistang bansa tulad ng Tsina. Alam ito ng numero unong imperyalistang kapangyarihan, ng Amerika. Kaya naman nagsisikap ang huli na patibayin ang kanyang sariling “bakod” dito sa Asya4.
Sa kabila ng naturalesang kompetisyon ng bawat pambansang kapital ay nagkakaisa ang mga ito laban sa uring manggagawa.
Habang nilalason nila sa ideolohiyang nasyualismo/patriyotismo ang kani-kanilang manggagawa ay patuloy pa rin ang diplomatiko at ekonomikong kooperasyon ng mga bansang nag-aagawan sa SpratlyIslands5. Habang pinagtanggol ng isang seksyon ng mamamayang Tsino at Pilipino ang “soberanya” ng kani-kanilang mga bansa6, nagyayakapan, nag-iinuman o kaya naglalaro ng golf ang mga representante ng dalawang gobyerno at asosasyon ng mga kapitalista nila habang nag-uusap paano patibayin ang pang-ekonomiyang relasyon ng Tsina at Pilipinas at Tsina at Amerika. Sa madaling sabi, nagkakaisa sila sa pagsasamantala sa uring manggagawa.
Matinding pinagsamantalahan at inaapi ng mga bansang nag-aagawan ang kani-kanilang mga manggagawa. Halos araw-araw ay may mga “iligal” na pagkilos ang daan-daang libong manggagawa sa Tsina laban sa kanilang gobyerno. Maraming welga ang nagaganap sa Vietnam dahil sa mababang pasahod at halos kawalan ng benepisyo. Sa Pilipinas ay halos ganun ang mga isyung kinakaharap ng masang proletaryado. Ang pagdurusa ng “ikatlong daigdig” ay walang kaibahan sa mga pagdurusa ng manggagawang Amerikano at iba pang bansa sa “unang daigdig”.
Ang sentral na layunin ng bawat pambansang kapital sa patuloy na pagpapainit sa isyu ng Spratly ay para makabig nila ang suporta ng diskontentong mga mamamayan nila sa “pambansang pagkakaisa laban sa mga dayuhang yumuruyak sa ating soberanya”.
Makauring pagkakaisa at pakikibaka laban sa lason ng nasyunalismo at patriyotismo
Bilang mga manggagawa, ang ating pangunahing kaaway ay ang buong uring kapitalista, lokal at dayuhan.
Hindi natin dapat suportahan ang panawagan ng ating “sariling” pambansang burgesya ng “pambansang soberanya” at “pagtatanggol ng teritoryo” dahil ang katotohanan ito ay soberanya ng burgesya para pagsamantalahan at apihin ang manggagawa; ito ay teritoryo ng uring kapitalista upang magkamal ng tubo mula sa ating libreng lakas-paggawa.
Sa halip ay magkaisa tayong mga manggagawang Tsino at Pilipino sampu ng ating mga kapatid na manggagawa sa buong mundo upang ibagsak natin ang ating “sariling” mga pambansang burgesya. Dapat kondenahin natin ang “ating” mga gobyerno sa patuloy na pagtatambol ng banta ng digmaan; digmaan na ang tanging ibubunga ay ibayong kahirapan, kamatayan, pagkasira ng ari-arian at pagkahati-hati nating mga manggagawa.
Bagama’t alam natin na sa kasalukuyang sitwasyon ay walang interes at walang kapasidad ang mga bansang nagbangayan sa Spratly Islands na maglunsad ng todo-todong komprontasyong militar7, pero ang propaganda ng posibilidad ng digmaan ay malaking hatak sa hanay ng mamamayan na relatibong atrasado ang kamulatan na mabighani na suportahan ang kani-kanilang pambansang burgesya laban sa dayuhang burgesya. At ito ang sentral na layunin ng mga gobyerno ng Tsina at ng Pilipinas: lasunin ang kaisipan ng hirap na masa sa ideolohiyang nasyunalismo.
Mga kapatid na manggagawang Tsino at manggagawang Pilipino, huwag tayong padadala sa matamis pero nakakalasong propaganda ng nasyunalismo ng “ating” mga gobyerno! Ipagpatuloy natin ang ating mga pakikibaka laban sa mga atake ng kapital sa ating kabuhayan sa loob ng ating mga “bansa”. Ipagpatuloy natin ang paglantad sa mapang-api at mapagsamantalang katangian ng uring burges, ito man ay lokal o dayuhan. Kailangang patibayin natin ang ating pagkakaisa bilang isang uri!
Ang “pambansang soberanya” at “pambansang pagkakaisa” ay mga kadena na gumagapos sa atin para huwag lumaya sa bilangguan ng kapitalismo. Ang mga ito ay mapanghati sa atin bilang isang internasyunal na uri. Ang mga pagkilos sa linyang makabayan ay mga pagkilos upang pahinain ang ating makauring kilusan.
Manggagawang Tsino at manggagawang Pilipino, hindi natin interes at wala tayong pakinabang sinuman ang magmay-ari ng Spratly Islands. Ang interes natin ay lumaya mula sa kahirapan dulot ng pagiging sahurang alipin. Ang interes natin ay maglaho sa mundo ang kapitalismo at maitayo ang isang lipunan na walang pang-aapi at pagsasamantala. Kaaway natin pareho ang gobyernong Tsino at gobyernong Pilipino at lahat ng mga imperyalistang bansa8.
Kapitalismo ang puno’t dulo ng mga digmaan sa mundo. Ang pagwasak sa kapitalismo ang tanging garantiya para makamit ng sangkatuhan ang kapayapaan sa daigdig.
MANGGAGAWA NG DAIGDIG, MAGKAISA!
IBAGSAK ANG URING KAPITALISTA, LOKAL AT DAYUHAN!
IBAGSAK ANG ATING “SARILING” MGA GOBYERNO AT ANG IDEOLOHIYANG NASYUNALISMO!
IBAGSAK ANG IMPERYALISTANG TSINA AT AMERIKA!
IBAGSAK ANG IMPERYALISTANG SISTEMA NG MUNDO!
Internasyonalismo
Abril 28, 2012
3 Maliban sa internasyunal na batas, pinanindigan ng Pilipinas na pag-aari nila ang Scarborough Shoal noong panahon pa ng kolonyalismong Espanyol () habang ang Vietnam naman ay noong panahon pa ng kolonyalismong Pranses. At sa ganitong linya ng batayan din ang paninindigan ng imperyalistang Tsina.(https://en.wikipedia.org/wiki/Spratly_Islands#cite_note-encarta-23)
4 Sa balanse ng pwersa sa pagitan ng imperyalistang Tsina at Amerika dito sa Asya, tanging ang stalinistang Hilagang Korea lamang ang alyado ng una. Pero hindi ibig sabihin na ang Amerika ang pangunahing kaaway dito sa Asya at “taktikal na alyado” ang mga karibal nito. Parehong pangunahing kaaway ng internasyunal na proletaryado ang burgesya ng mundo.
5 Patuloy na lumalaki ang pang-ekonomiyang relasyon ng Tsina at Pilipinas (https://mb.com.ph/articles/346111/robust-philippineschina-trade-relations [19]) at ganun din ng Tsina at Amerika (https://www.census.gov/foreign-trade/balance/c5700.html [20]). Katunayan, ang Tsina ang pinakamalaking nagpapautang sa Amerika (https://money.cnn.com/2011/01/18/news/international/thebuzz/index.htm [21]).
6Ang mga cyber hackers ng Tsina at Pilipinas ay nagpaligsahan sa pagsira ng mga websites ng “kaaway” nilang bansa.
7 Sa hidwaan sa Spratly Islands nagkaroon ng maliitang komprontasyong militar Tsina at Vietnam ng ilang beses. Pero ito ay calibrated at pinipigilan ng dalawang bansa na sasabog tungong full-scale war dahil ang layunin lang nila ay palakasin ang ideolohiyang nasyunalismo sa kani-kanilang mga bansa. Sa panig naman ng hidwaang Tsina-Pilipinas, may posibilidad na mangyari din ang maliitang komprontasyong militar na tinatambol kapwa ng armadong pwersa ng Pilipinas, imperyalistang Amerika at Tsina. Nitong huli ay naglabas ang media ng Tsina ng posibilidad ng maliitang komprontasyong militar sa pagitan nito at ng Pilipinas,
8 Ang maoistang kilusan sa Pilipinas ay naging katulong ng burgesyang Pilipino upang maghasik ng ideolohiyang nasyunalismo sa manggagawang Pilipino ay mahigpit na pinanghawakan ang kontra-rebolusyonaryong taktika na “choose the lesser evil”. Litaw ito sa pahayag ng mga legal na organisasyon nito sa giriang Tsina-USA sa Asya (https://anakbayannynj.wordpress.com/2012/04/19/us-intervention-not-china-is-the-greatest-threat-to-peace-security-in-the-philippines-bayan-usa/ [22]). Subalit hindi lang ang maoistang kilusan ang may ganitong kaisipan. Halos lahat ng mga organisasyon ng Kaliwa ay nagapos sa bangkarotang taktikang ito.
Natapos ang "post war boom" sa kataposan ng 1967; ang maikling yugto ng relatibong pang-ekonomiyang kasaganaan ay sumibol matapos ang malagim na Unang Digmaang Pandaigdig, Bantog na Depresyon at Ikalawang Pandaigdigang Digmaan. Ang multo ng pang-ekonomiyang krisis ay muling lumitaw sa taong yun. Sa panahon ng unang kalahati ng taon, nahulog ang Uropa sa resesyon, sa ikalawang hati nagkaroon ng krisis sa intenasyunal na sistemang pinansyal. Mula noon, kawalan ng trabaho, kawalan ng seguridad, paglala ng kabuhayan at kondisyon sa pagawaan ang araw-araw ng naranasan ng mga pinagsamantalahan. Bilang madaliang pagbalik-tanaw sa mga mayor na pangyayari sa 20 siglo, isa sa mapanira at barbarikong kasaysayan ng sangkatauhan, sapat na para maunawaan na ang kapitalismo ay, tulad ng alipin o pyudalismo, lipas na at dekadente ng sistema.
Pero itong istorikong krisis ng kapitalismo ay sa isang banda pinalabo, inilibing sa ilalim ng propaganda at kasinungalingan. Sa bawat dekada, pareho pa rin ang lumang tono: isang bansa, isang bahagi ng mundo o isang pang-ekonomiyang sektor na may konting pag-unlad kaysa sa iba, ay pinalaki para makalikha ng maling impresyon na hindi nakakamatay ang krisis, na sapat na ang pagpatupad ng epektibong mga “repormang istruktural” sa kapitalismo para manumbalik at lumago at maging sagana. Sa 1980-1990, tinagurian ang Argentina at ang "Asian Tigers" bilang modelo ng tagumpay, pero simula 2000 ang Ireland at Spain ... Syempre kabaliktaran, ang mga “milagro” ay ilusyon lang pala: sa 1997 ang "Asian Tigers" ay napatunayang tigreng papel, sa huling bahagi ng 1990s, dineklarang bangkarota ang Argentina at ngayon Ireland at Spain ay nasa bingit ng pagkabangkarota ... Sa bawat okasyon, ang "nakakagimbal na paglago" ay pinondohan ng utang at ang maling pag-asa ay nauwi sa pagkalubog sa utang. Pero, dahil sa mababaw na memorya ng karamihan sa atin, ang parehong mga manlilinlang ay bumalik na naman. Para paniwalaan sila, ang sakit ng Uropa ay dahil sa ispisipikong mga dahilan na kagagawan mismo nito: kahirapan sa pagpapatupad ng mga reporma at ibahagi ang bigat ng utang sa pagitan ng kanyang mga membro; kakulangan ng pagkakaisa at pakikiisa sa pagitan ng mga bansa; isang bangko sentral na hindi maisulong ang ekonomiya dahil wala itong determinasyon na mag-imprinta ng pera. Pero hindi sinuring mabuti ang mga argumentong ito. May krisis sa Uropa dahil sa kakulangan ng reporma at kompetisyon at dapat matuto tayo sa Asya? Kalokohan, ang mga bansang ito ay nagkaproblema din. Hindi sapat ang rekoberi sa ilalim ng Bangko Sentral ng Uropa at ang sagot dahil hindi sapat ang na-imprintang pera? Kalokohan: ang Estados Unidos at ang kanyang bangko sentral ay nangunguna sa paglikha ng pera mula 2007, pero nasa hirap na kalagayan pa rin sila.
Ang "BRICs" ay ang apat na bansa na may pinakamatagumpay na ekonomiya sa nagdaang mga taon: Brazil, Russia, India at China. Subalit tulad ng Eldorado, ang magandang kalusugan ay mas mistipikasyon kaysa realidad. Lahat ng “paglago” ay pinondohan sa kalakhan ng utang at magtatapos, tulad ng kanilang mga nasundan, ng pagkalubog sa malagim na resesyon. Dagdag pa, ang maitim na hangin ay nasa atin na ngayon.
Sa Brazil, sumabog ang utang ng mga konsumador sa nagdaang dekada. Pero tulad sa Estados Unidos noong 2000s, maraming mga pamilya ang nahirapan ng bayaran ang kanilang utang. Ang lawak ng mga konsumador na hindi makabayad ng utang ay walang katumbas sa nakaraan. Malala pa, ang bola ng pabahay ay kahalintulad ng naranasan ng Spain bago ito sumabog: karamihan sa mga naitayong bahay ay bakante.
Sa Rusya, hindi na makontrol ang inplasyon: ayon sa gobyerno ito ay nasa 6%, pero ayon naman sa mga independyenteng tagasuri ito ay nasa 7.5%. At ang presyo ng prutas at gulay ay sumirit sa Hunyo at Hulyo ng halos 40%!
Sa India, nasa delikadong antas na ang pagtaas ng depisit sa badyet (tinatayang 5.8% ito ng GDP para sa 2012); nasa resesyon ang sektor ng industriya (- 0.3% sa unang kwarto ng taong kasalukuyan), mabilis ang pagbagal ng pagkonsumo, malakas ang inplasyon (7.2% sa Abril, noong Oktubre tumaas ang presyo ng pagkain ng halos 10%). Ang mundo ng pinansya ay kinikilala ngayon ang India na bansang peligroso sa pamumuhunan: ito ay nasa kategoriyang tripleng B (ang pinakamababang kategoriya sa "below average quality" na kategoriya). Nagbabanta na sa hinaharap mapabilang ito sa mga bansang kinikilalang masama sa pamumuhunan.
Patuloy na bumabagal ang ekonomiya ng Tsina at mayroong lumalaking delikadong mga senyales. Kumipot ang manupaktura nitong Hunyo sa loob ng sunod-sunod na walong buwan. Bumagsak ang presyo ng paupahang bahay at humina ang mga sektor na may kaugnayan sa konstruksyon. Isang malinaw na halimbawa: sa syudad ng Beijing lamang, mayroong 50% bakanteng kabahayan – mas malaki pa sa buong U.S. (3.8 million bahay ay bakante sa Beijing kumpara sa 2.5 milyon sa buong Amerika). Pero ang pinaka-nakakahala na walang anumang duda ay ang badyet ng estado sa mga probinsya. Kung hindi man opisyal na bumagsak ang estado dahil sa utang, ito ay sa dahilang ang bigat ng utang ay nasa lokal na antas. Marami sa mga probinsya ay nasa bingit ng pagka-bangkarota. Alam ito ng mga mamumuhunan na mahina ang ekonomiya ng BRICs, kaya iniiwasan nila ang apat na mga bansang ito – ang real, ang ruble, ang rupee at ang yuan – tulad ng isang epidemiya; patuloy silang lumalala sa nagdaang mga buwan.
Sa U.S., ang bomba ng utang
Ang syudad ng Stockton, California ay nagdeklara ng pagkalugi Martes, Hunyo 26 tulad ng naunang Jefferson County, Alabama at Harrisburg sa Pennsylvania. Sa kabila na sa loob ng tatlong taon, ang 300,000 populasyon ng syudad ay ininda ang bawat “sakripisyong kailangan para sa rekoberi": pagtagpas sa badyet ng $90 milyon, 30% ng mga bombero ay tinaggal kasama ang 40% na iba pang mga empleyado ng munisipyo, pagbawas ng $11.2 milyon sa sahod ng mga empleyado ng munisipyo, malaking bawas sa pondo ng pensyon ng mga reterado.
Itong kongkretong ehemplo ay nagpakita sa tunay na kalagayan ng nabubulok na ekonomiya ng U.S. Mga pamilya, negosyo, bangko, syudad, estado at ang pederal na gobyerno, bawat sektor ay literal na nalibing sa utang na hindi na mabayaran. Sa kontekstong ito, ang hinaharap ng negosasyon sa pagitan ng Republicans at Democrats sa panahon na pag-usapan na ang debt ceiling ngayong taglagas ay malamang maging psychodrama na naman tulad sa nangyari noong tag-init. Masasabi namin na naharap ang burgesyang Amerikano sa walang solusyon na problema: kailangan niya ng mas malaking utang para manumbalik ang ekonomiya habang kailangan niyang bawasan ang utang para maiwasan ang pagka-bangkarota.
Ang bawat bahagi ng ekonomiya na may utang ay potensyal na bomba: dito isang bangko ang nagsara dahil lugi, doon isang syudad o kompanya ang halos bangkarota na ... at kung sasabog ang bomba, antabayanan ang maging epekto. Ngayon ang "bolang utang ng mga estudyante" ay problema ng mundo ng pinansya. Ang gastos sa pag-aaral ay lalupang tumaas at ang mga kabataan ay mas nahirapang maghanap ng trabaho matapos makapag-aral. Sa ibang salita, lumalaki ang posibilidad na ang utang ng mga estudyante ay hindi mabayaran. Para mas ispisipiko:
- pagka-gradweyt sa unibersidad, ang mga estudyanteng Amerikano ay may utang na 25,000 dolyares;
- ang kanilang utang ay lumagpas sa kabuuang utang ng mga konsumador sa bansa at ito ay $904 bilyon (halos nadoble sa nagdaang limang taon) at katumbas ng 6% ng GDP;
- ang tantos ng kawalang trabaho sa mga mababa sa 25 taon ang edad ay mahigit 9%;
- 14% sa mga nakapagtapos na estudyante na may utang ay hindi na makabayad tatlong taon matapos naka-gradweyt sa unibersidad.
Napakahalaga ng ehemplong ito para makita kung ano ang nangyari sa kapitalismo: isang sakiting sistema na walang kinabukasan. Ang kabataan ngayon ay kailangang mabuhay sa utang at “gastusin” ang kanilang sahod sa hinaharap … na hindi nila makikita. Hindi aksidente na sa Balkans, sa Ingglatera at sa Quebec, ang bagong henerasyon ay naglunsad ng mga malakihang demonstrasyon sa nagdaang dalawang taon laban sa pagataas ng gastusin sa pag-aaral sa unibersidad: nalunod sa utang sa loob ng 20 taon at naharap sa posibilidad ng kawalang trabaho at mababang sahod sa susunod na mga taon, ito ang perpektong simbolo ng “walang kinabukasan” na maibigay ang kapitalismo.
Ang Estados Unidos, tulad sa Uropa, tulad ng bawat bansa ng mundo, ay may sakit; at walang tunay at matagalang kaginhawaan sa ilalim ng kapitalismo dahil ang sistemang ito ng pagsasamantala ang siya mismong pinagmulan ng inpeksyon. Matapos mabasa ang artikulong ito, may magpapatuloy pa ba na umasa at maniwala na posible ang “milagro sa ekonomiya”? Kung isa ka sa mga taong ito ... paalala lang na ang badyet ng Vatican ay nasa peligro na.
Pawel, 6/7/12
Lahat kabilang na ang Kanan at Kaliwa ng burgesya ay nanawagan ng “pagkakaisa”. Pero ang pagkakaisa na nais nila ay kapitulasyon at pagpapailalim ng uring manggagawa sa interes ng naghaharing uri. Makikita ito sa pagbubunying isang “panimulang tagumpay” ang pagkakaisa ng mga lider-unyonista ng Kanan at Kaliwa para daw sa mga kahilingan ng masang proletaryado.
Ang makauring pagkakaisa ng manggagawa
“Manggagawa ng mundo, magkaisa!”. Ito ang panawagan at paninindigan ng mga marxistang kilusan mula ng ilathala ang Manipesto ng Komunista noong 1800s. Ito ang pangkalahatang gabay ng mga rebolusyonaryo ng kasalukuyang panahon. Hindi kailanman magkaisa ang burgesya at proletaryado. Kailangang ibagsak ng huli ang una at ito ang batayan ng makauring pagkakaisa.
Lumakas ang independyenteng kilusan ng manggagawa ng epektibo nitong mailantad sa malawak na masa ang mga oportunista at traydor na mga lider at organisasyon sa loob ng kilusang paggawa. Noong WW I, hindi nakabig ng mga rebolusyonaryo ang malaking bahagi ng proletaryado kung hindi nito nailantad ang pagtraydor ng Ikalawang Internasyunal sa internasyunalismo.
Hindi nagapi ang rebisyunismo sa loob ng proletaryong kampo kung walang matinding pagkondena at pakikipagdebate laban dito sa harap ng malawak na masa ng uri.
Nangibabaw ang Stalinismo dahil sa oportunismo
Matapos matalo ang rebolusyong Aleman noong 1919 ay nagsimula ng gumapang sa loob ng Ikatlong Internasyunal ang oportunismo na naging daan ng lubusang pangingibabaw ng “marxismo-leninismo” (Stalinismo) sa internasyunal na kilusang komunista mula 1920s. Ang “marxismo” na umabot sa Pilipinas noong huling bahagi ng 1920s ay ang kontra-rebolusyonaryong Stalinismo.
Isa sa oportunismo ng Ikatlong Internasyunal ay ang taktikang pakikipag-isang prente. Dahil sa pagkatalo ng unang rebolusyonaryong alon noong 1917-27 bumaling ang mayoriya ng Comintern sa pangunguna ng Partidong Bolshevik ni Lenin sa pakikipagkaisa sa mga traydor ng rebolusyon – Sosyal-Demokrasya. Si Stalin ang pinakamasugid na tagapagtanggol ng oportunismong ito sa ngalan ng pagiging “tapat kay Lenin”. Ang minoriyang tumutol dito sa loob ng internasyunal na partido ay binansagan ng mayoriya na may “sakit ng kamusmusan”.
Mula noon hanggang ngayon, ang mga “tapat” na tagasunod ni Lenin ay nagpapaligsahan kung sino sa kanila ang pinakamagaling na ipagkanulo ang proletaryong rebolusyon sa naghaharing uri sa ngalan ng “rebolusyonaryong taktika”. At “pinaunlad” pa ito ng kasalukuyang henerasyon ng mga “marxista-leninista” : pakikipag-isang prente kahit sa paksyon ng malalaking burgesya at mga partido nito hayag man o patago.
Sa loob ng kilusang paggawa, taas-noong ipinagmalaki ng mga “leninista” na “isang hakbang pasulong” para sa makauring pagkakaisa ang koalisyon ng Kanan at Kaliwang mga unyon.
Sa halip na lantarang batikusin sa harap ng malawak na masang manggagawa ang mga krimen ng burukratiko, repormista at anti-komunistang mga lider-unyonista, nagkasya na lang ito sa “tahimik” na pagkondena kung saan ang makarinig lamang ay ang mga kadre at tapat na aktibista ng Kaliwa para mapanatili ang “pagkakaisa”.
“Sakit ng kamusmusan”?
Noong 1920s nilait ng mayoriya ng Comintern ang mga komunistang tumutol sa oportunismo nito na may “sakit ng kamusmusan” at “sektaryan”. Ito pa rin ang naririnig natin mula sa malalaking organisasyon ng Kaliwa sa kasalukuyan.
Pero taliwas naman ang pinakita ng kasaysayan at resulta ng pakikipag-isang prente bilang taktika. Hindi lumakas ang independyenteng kilusang manggagawa. Sa halip ay nakaranas ito ng mga demoralisasyon at panghihina. Dahil sa pakikipag-isang prente sa Sosyal-Demokrasya ay nagawa ng Nazismo sa Alemanya at Pasismo sa Italya na mangingibabaw doon. Hindi rin dapat kalimutan ang masaker ng mga sundalong Amerikano na alyado ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Hukbalahap matapos ang WW II.
Noong 1970s at 1980s, hindi lumakas ang militanteng kilusan ng manggagawa sa Pilipinas sa pakikipag-alyansa sa maka-Kanan at anti-komunistang TUCP kundi kabaliktaran: lumakas ang militanteng kilusan dahil hayagan at lantaran itong binatikos sa harap ng masang manggagawa.
Ngayon, lumitaw na naman ang bagong sentrong paggawa na lantarang repormismo ang tinatahak na landas at walang kahihiyang lantarang nakipag-alyansa sa rehimeng Aquino sa pangunguna ng Akbayan at Alliance of Progressive Labor (APL).[1]
Bakit paulit-ulit na ginawa ang mga pagkakamali sa kasaysayan? Dahil ayaw matuto kung ano ang aktwal na resulta ng mga pagkakamaling ito. Sa halip ay dogmatikong kumapit sa mga sinabi at sinulat ng mga dakilang rebolusyonaryong lider sa nakaraan. Hindi materyalismo ang pinaghawakan kundi ang pagiging tapat sa mga personalidad ng internasyunal na kilusang komunista noong 19 siglo at unang bahagi ng 20 siglo. Ayaw tanggapin na ang mga rebolusyonaryo ay maaring magkamali. Subalit madaling sabihin na “maaring magkamali” ang mga rebolusyonaryong personalidad pero napakahirap tukuyin at suriin kung alin at bakit sila nagkamali. At mas lalong mahirap ang lubusang pagtakwil sa mga pagkakamaling ito.
Sa kasalukuyang antas ng pandaigdigang pakikibaka ng uri laban sa mga atake ng kapital, ang mga may “sakit ng kamusmusan” ang matatag na nagturo ano ang mga positibo (gaano man ito kaliit) sa mga pakikibaka ng manggagawa: pag-organisa ng mga manggagawa ng mga asembliya para sa pakikibaka na lagpas at hindi kontrolado ng mga unyon, ng mga “iligal” na welga ng uri laban sa mga atake ng kapital, ng lantarang pagbatikos ng mga mangagawa mismo sa mga unyon na lubusan ng integrado sa kapitalistang estado at higit sa lahat ng paglitaw ng proletaryong demokrasya sa loob ng mga organo ng pakikibaka ng manggagawa.
Ang lahat ng ito, bagamat maliit at mga binhi pa lamang[2] ay hindi dahil sa pakikipag-isang prente sa mga traydor at oportunistang mga organisasyon kundi sa lantarang pagbatikos at pagtakwil sa kanila.
Makauring pagkakaisa laban sa oportunismo at pagkanulo
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo (imperyalismo) at laluna sa kanyang naaagnas na yugto, ang TANGING makauring pagkakaisa ay ang SOSYALISTA at INTERNASYUNALISTANG pagkakaisa. Hindi makamit ang pagkakaisang ito kung hindi sasabayan ng malawakan at lantarang pagbatikos sa mga oportunista at traydor sa loob ng kilusang paggawa.
Sa naging resulta ng praktika hanggang ngayon, ang mga “musmos” noong 1920s ay napatunayan ng kasaysayan na TAMA habang ang mga “matatanda” at “matatalino” sa loob ng Comintern ay napatunayang MALI. Ang pakikipag-sang prente sa mga oportunista at traydor ng proletaryong rebolusyon ay nagbunga ng maraming pagkatalo hindi ng pagsulong ng sosyalistang kilusan. Sapat na ang halos 100 taong paninira ng kamaliang pakikipag-isang prente.
Huwag nating kalimutan na ang mga usaping kinakaharap natin ngayon paano magtagumpay ang komunistang rebolusyon ay pinagdedebatehan halos 100 taon na ang nakaraan. Kaya lubhang napakahalaga na matuto tayo at magsuri sa kasaysayan ng internasyunal na proletaryong kilusan.
“Ang hindi lilingon sa pinanggalingan ay tiyak hindi makakarating sa paroroonan”. Ito ang lagi nating tandaan bilang mga komunista na nasa unahan ng proletaryong pakikibaka.
M3, Mayo 31, 2012
[1] Kung si Manny Villar ang nanalong presidente noong 2010 malamang ang maoistang Bayan at KMU ang lantaran at walang kahiya-hiyang nasa loob ng rehimeng Villar. Hindi maitago ng “ultra-radikal” na lenggwahe ng maoismo ang pagiging kontra-rebolusyonaryo nito laban sa proletaryado.
[2] Napakalayo pa ng mga lumitaw na asembliya ng manggagawa sa Espanya, Gresya at Amerika mula 2007 sa mga asembliya ng uri noong panahon nila Luxemburg at Lenin, at maging sa panahon noong 1980-81 sa Poland. Ang malinaw, ang mga binhing ito, kung alagaan lamang ng mga rebolusyonaryong organisasyon ay posibleng maging matatag na puno sa susunod na daluyong ng mga rebolusyonaryong pakikibaka sa hinaharap.
Nasa pampitong araw na ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona sa senado para mapatalsik ito sa pwesto. Sa halip na maaliw ay pagkaasar at pagkabagot ang naramdaman ng mamamayan habang nanonood sa telenovelang ito.
Sino ba naman ang hindi maasar at mabagot sa bangayan at palusutan ng prosekusyon at depensa? Sino ba naman ang hindi makahalata sa papogi at pasikat na ginagawa ng mga senador-huwes at mabisto na ang mga ito ay may kinikilangan?
Interes ng paksyon Aquino
Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang interes ng naghaharing paksyon ay konsolidahin ang kanyang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagkontrol sa Korte Suprema. Sa totoo lang ay wala namang bago dito. Lahat ng nagdaang nagharing paksyon sa gobyerno ng Pilipinas ay nagsikap na kontrolin ang lahat ng mga institusyon ng estado laluna ang armadong pwersa, kongreso/senado at korte suprema.
Subalit may isa pang dahilan ang paksyong Aquino kung bakit nais nitong makontrol ang korte suprema sa lalong madaling panahon: ang kapasyahan ng korte na ipamahagi ang lupa ng Hacienda Luisita sa manggagawang bukid. Pero kailangang linawin na hindi maka-magsasaka ang desisyon ng korte.
Unang-una na, nakabatay ang desisyon ng korte suprema sa CARPER (batas ng estado) na naglalayong bilhin sa mga panginoong maylupa ang kanilang lupa para ipamahagi sa magsasaka/manggagawang bukid na babayaran din ng huli sa gobyerno. Hindi na muna natin pag-usapan ng malalim dito ang kahungkagan ng programang “lupa sa mga nagbubungkal ng lupa”. Tinalakay na ito sa https://fil.internationalism.org/node/155 [23].
Ang dahilan ay politikal: nais ng paksyong Aquino na ikulong si Arroyo, na amo naman ni Corona. Dahil dito ay lumaban at naghiganti ang paksyong Arroyo gamit ang Korte Suprema. Gumanti din ang paksyong Aquino.
Dahil ba malaki ang kasalanan ni Arroyo sa masa kaya nais itong ikulong ni Aquino? Hindi! Sinakyan lamang ni PNoy ang isyu ng korupsyon bilang bahagi ng kanyang kampanayng elektoral na “daang matuwid” para maging popular sa masang mahihirap. Paghihiganti ang tunay na motibo ng naghaharing paksyon.
Alam mismo ng buong naghaharing uri na bahagi na ng kanilang paghari ang korupsyon at katiwalian para mas magkamal ng kayamanan habang nasa kapangyarihan sa panahon na ang sistemang kanilang sinasandalan ay nasa matinding krisis. Ang isa sa mga dahilan ng kanilang bangayan ay kung sino ang mas makinabang sa pangungulimbat sa kaban ng bayan.
Sa kabila ng ‘radikal’ na pagtutol ng Kaliwa sa paksyong Aquino ay hayagan naman nitong sinusuportahan ang kampanya ni PNoy na “parusahan” si Gloria sa ilalim ng kapitalistang Konstitusyon. Kabilang sa prosekusyon panel ni PNoy ang maka-Kaliwang organisasyon na Bayan Muna at Akbayan.
Interes ng buong naghaharing uri
Bagamat nagbabangayan o kaya nagpapatayan ang magkaribal na paksyon ng mapagsamantalang uri, nagkakaisa pa rin sila na kailangang ipagtanggol ang bulok na sistema laban sa posibilidad ng isang rebolusyonaryong pag-aalsa ng uring manggagawa at maralita para ibagsak ito.
Dahil ang pangunahing interes ng buong naghaharing uri ay pigilan at ilihis ang masang anakpawis palayo sa landas ng rebolusyon, hindi ito mag-alinlangang palitan ang isang paksyon ng ibang paksyon para buhusan lamang ng malamig na tubig ang galit ng mamamayan at hadlangan na hahantong ito sa isang rebolusyonaryong sitwasyon. Ang nagdaang dalawang “People Power Revolution” ay mga halimbawa nito.
Sa ganitong layunin nakaangkla ang kabuuang konteksto ng impeachment trial kay chief justice Corona. Mas mahalaga sa buong naghaharing uri hindi ang paksyunal na interes ng paksyong Aquino at Arroyo kundi ang kabuuang pananatili ng kapitalistang sistema sa bansa. Makulong man si Gloria o mapatalsik man si Corona, para sa naghaharing uri dapat magsilbi ito sa konsolidasyon ng nagharing sistema. Paano?
Sa pamamagitan ng paglikha ng malawak na opinyong publiko na ang demokrasya ng kapitalistang sistema ang “tanging sandalan” ng masang anakpawis para makamit ang hustisyang kanilang minimithi. Samakatuwid, nais ng mapagsamantalang uri na maniwala ang malawak na masa na ang “rule of law” ng kapitalismo ay walang pinapanigan: mahirap ka man o mayaman, presidente o chief justice ka man o hindi. Ito ang pangunahing layunin ng Corona impeachment trial para sa buong naghaharing uri.
Nagkakaisa ang buong naghaharing uri, maging ang prosekusyon, depensa at senado na salungat sa demokrasya ang “mob rule” (rebolusyonaryong kilusang masa). Para sa mga gahaman sa tubo, sila lang dapat ang magpasya kung kailan at para saan kikilos ang masa (“ruling the mob”) tulad ng dalawang “Edsa Revolution”.
Para sa rebolusyonaryong manggagawa
Magkasalungat ang layunin ng uring manggagawa sa uring burges. Layunin ng una na ibagsak ang kasalukuyang sistema at palitan ng bagong sistema habang ang layunin ng huli ay panatilihin ang umiiral na kaayusan. Para sa uring manggagawa kaaway nito ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri. Para naman sa burgesya, nais nilang may papanigan ang masa para mahati ito at manghina.
Para sa burgesya dapat ikulong sa ilusyon ng demokrasya at demokratikong proseso ang kaisipan ng masa. Para naman sa rebolusyonaryong uri kailangang itakwil ng malawak na masa ang anumang proseso ng demokrasya ng burgesya para epektibo nitong maibagsak ang bulok na sistema.
Sa nakaraan, isa sa dahilan ng demoralisasyon ng kilusang masa ay akala nila ang pakikipag-alyansa ng kanilang mga lider sa burges na oposisyon – reaksyunaryong anti-Marcos, reaksyunaryong anti-Estrada – ay magdulot ng pagbabago sa kanilang hirap na kalagayan. Pero ng maupo sa pwesto ang mga ito, mas lumala pa ang hirap at aping kalagayan ng masang anakpawis. Mas masakit pa, nakabalik sa pwesto ang mga politikong pinatalsik nila.
Para sa rebolusyonaryong proletaryado malinaw ang aral ng kasaysayan: walang anumang alyansa sa anumang paksyon ng naghaharing uri.
Maparusahan man si Gloria at mapatalsik man si Corona, walang magbabago sa hirap na kondisyon ng masa. Walang kapasidad na makapagbigay ng hustisya para sa bayan ang rehimeng Aquino. Katunayan, kailangang managot din ang gobyernong ito sa kanyang mga polisiyang anti-manggagawa at anti-mahirap.
Wala sa demokratikong proseso ng burges na estado ang pagkamit ng panlipunang hustisya kundi nasa pagsulong ng makauring pakikibaka ng manggagawa sa lansangan hanggang tuluyang maibagsak ang bulok na kaayusan. Hindi representante ng taumbayan ang prosekusyon kundi ng paksyong Aquino. Wala sa kamay ng mga senador ang kapasyahan ng hustisya kundi nasa mga kamay ng rebolusyonaryong kilusang masa.
Lubusan lamang na maglaho ang mga kondisyon ng pag-iral ng mga tiwali at kriminal na politiko at opisyales ng estado matapos maibagsak ng uring manggagawa at maralita ang gobyerno mismo at maitayo nito ang kanyang makauring paghari, ang diktadura ng proletaryado.
Maghanda sa panibagong mga atake ng kapital
Habang nais tayong aliwin ng demokratikong proseso ng burgesya, patuloy ang atake ng rehimeng Aquino sa kalagayan ng manggagawa at maralita.
Sa ibayo pang pagtindi ng krisis ng pandaigdigang kapitalismo at tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan ay patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin. Ang masang manggagawa at maralita ay patuloy na binabayo ng kontraktwalisasyon, mababang sahod at demolisyon ng kanilang mga tirahan. Apektado din ang masang maralita sa kanayunan sa armadong labanan ng mga paksyon ng naghaharing uri doon. At dahil mas malakas pa ang estado, ito ang pangunahing naghasik ng lagim sa kanayunan gamit ang kanyang armadong hukbo. Sa armadong labanang ito, mas maraming inosenteng sibilyan ang naging biktima sa militarisasyon ng gobyerno.
Umiigting din ang bangayan ng imperyalistang Tsina, Iran at Amerika. Kumukulo ngayon sa Gitnang Silangan ang panibagong armadong tunggalian sa pagitan ng Iran at Amerika habang binabakuran ng huli ang pagpapalawak ng Tsina sa Asya.
Habang patuloy ang pakikipaglaban ng mga kapatid na manggagawa sa Ehipto, Espanya, Gresya at Amerika, ang manggagawang Pilipino naman ay demoralisado dahil sa pananabotahe ng mga unyon sa kanilang pakikibaka. Itinali ng mga unyon ang pakikibaka ng uri sa legal na labanan kung saan malaki ang posibilidad na matalo o kaya mapilitan ng kompromiso ang manggagawa.
Hindi naging mitsa ang pakikibaka ng manggagawa ng PAL ng malawakang paglaban at mga welga laban sa kontraktwalisasyon dahil mismong ang mga unyon ay takot labagin ang mga anti-welgang batas ng gobyerno.
Dapat pulutan ng aral ang mga pakikibaka ng mga kapatid na manggagawa sa ibang bansa kung nais nating maging handa sa susunod pang mga atake ng kapital. Isa sa mga aral ay ang mga sembliya, hindi mga unyon ang mamuno sa pakikibaka. Ikalawa, ang pangangailangang suwayin ang mga anti-welgang batas ng estado sa pamamagitan ng mga malawakan at maramihang pagkilos. Pero hindi ito mangyari kung patuloy na ang mamuno sa pakikibaka ng uri ay ang mga unyon. Dapat hawakan mismo ng mga manggagawa ang kanilang pakikibaka sa pamamagitan ng kanilang mga asembliya.
Benjie, Enero 26, 2012
Sa Pilipinas napakalakas pa rin ang impluwensya ng Kanan at Kaliwa ng burgesya sa kaisipan ng malawak na masang manggagawa. Ito ay sa kabila na ang uri ay marami ng katanungan at pagdududa sa mga paraan at solusyon na inihapag ng mga “lider” nila mula sa mga organisasyon at partido ng Kanan at Kaliwa. Katunayan, ang malaking dahilan ng demoralisasyon ng karamihan sa pakikibaka ay dahil palpak at walang makabuluhang tagumpay na naranasan ang masang nakibaka sa kumpas ng kanilang mga “kinatawan” sa unyon, organisasyong masa at loob ng gobyerno.
Subalit dahil ang kamulatan ay galing mismo sa pakikibaka ng uri, nagluwal ito ng mga nagsusuring elemento sa hanay mismo ng mga nakibaka; mga elementong naging kritikal sa praktika ng kanilang organisasyon at naghahanap ng mga kasagutan sa maraming tanong; mga kasagutan na makita lamang sa kasaysayan ng pakikibaka ng sariling uri sa mahigit 200 taon. Mga kasagutan na pilit tinatago at inilihis ng mga umaangking “abanteng destakamento” at “kinatawan” ng uri.
Ang kasalukuyang pandaigdigang kapitalismo ay wala ng maibigay sa sangkatauhan na magandang kinabukasan maliban sa mga digmaan, ibayong kahirapan at pagkasira ng kalikasan. Hindi na ito mareporma pa para pagsilbihin sa kapakanan ng masang anakpawis. Nasa yugto na tayo ngayon na posible at kailangan ng ibagsak ang kapitalismo at ang estado kung nais natin na may magandang kinabukasan pa ang mga susunod na henerasyon ng tao.
Nasa ibaba ang pahayag (polyeto) ng Internasyunal na Komunistang Tunguhin (IKT) sa inihasik na repormismo ng TUC sa Britanya. Ang linya ng TUC ay sa batayan walang kaibahan sa linya ng iba’t-ibang paksyon ng Kaliwa sa Pilipinas at iba pang panig ng mundo: “maari pang repormahin ang kapitalismo”; “pwede pang gamitin ang kapitalistang estado at parliyamento para isulong ang rebolusyon.”
Internasyonalismo
------------------------------------------
Rali ng TUC[2] Oktubre 2012
Ayon sa polyeto ng TUC ‘Kinabukasan na Gagana’[3], para sa partido ng Paggawa (Labour party), para kay François Hollande ng Pransya, sa buong ‘kaliwa’, ang kasalukuyang krisis sa ekonomiya ay kagagawan ng mga bangkero at hindi kailangang mangyari; pero muli, ang utang ay hindi masama at maari itong ganitin para palaguin ang ekonomiya mula sa resesyon.
Gusto namin sagutin ang mga ideyang ito, hindi mula sa konserbatibong punto-de-bista, kundi mula sa rebolusyonaryong pananaw.
Ayon sa TUC, ang sagot sa kasalukuyang resesyon at ang kaakibat na paghigpit-sinturon ay palaguin ang ekonomiya.
Pero ang ‘paglago’ ng lipunang ito (ibig sabihin ang buong pandaigdigang ekonomiya, hindi lang Britanya) ay nagkahulugang akumulasyon ng kapital, paghahanap ng tubo. At ang paglagong ito ang ugat ng krisis.
Ang krisis ng kapitalismo ay produkto ng kanyang sariling mga kontradiksyon, na nanatili pa rin kahit walang bonus ang mga bangkero at lahat ng mga bilyonaryo ay nagbabayad ng buhis.
Nagsalita din ang TUC na mamuhunan sa ‘berdeng ekonomiya’, pero ang kapitalistang ekonomiya ay hindi maging berde. Ang mabangis na bangayan sa pagitan ng mga kompanya at bansa ay nagkahulugan na kung hindi todo ang pagpapalago mo, dudurugin ka ng kompetisyon.
Hinggil sa ideya na “walang peligro” sa mga bansang lubog sa utang, hindi lang nito minaliit ang napakataas, imposibleng mabayaran ang utang na pabigat sa pandaigdigang ekonomiya, pero binalewala ang katotohanan na sa loob ng maraming dekada ngayon, tinuturukan ng kapitalismo ang sarili ng utang para hindi tuluyang bumagsak. Ang nangyari sa 2008 ay yugto kung saan ang medisina ng utang ay naging lason dahil sa sobrang gamit.
Naabot na ng kapitalismo ang kanyang istorikal na kataposan. Sa pagpapatupad nito ng mabangis na paghigpit-sinturon, mas lalo nitong pinakipot ang merkado at pinalala ang resesyon. Yan ang totoo sa polyeto ng TUC. Pero sumunod ito sa linya ni Obama at ‘kaliwa’, at nagtangkang solusyunan ang krisis sa pamamagitan ng pag-imprinta ng pera at mas malaking utang. Magbukas ito ng mas malaking krisis sa utang habang papalaki ang presyur ng inplasyon.
Kung sakaling may milagro at ‘lalago’ muli ang kapitalismo mas lalaki ang banta nito sa natural na kapaligiran na siyang sandigan ng atin mismong pag-iral. At ang lumalaking kapitalistang kompetisyon hindi lang dahilan ng polusyon ng mundo, pinabilis nito ang pagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga kapitalistang paksyon at bansa.
Saan man ito babaling, naharap ang kapitalismo sa krisis at pagwasak-sa-sarili. At ‘kanan’ o ‘kaliwa’ man ang mangasiwa, mapanatili lamang ng kapitalismo ang kanyang lumiliit na tubo sa pamamagitan ng mga atake sa istandard ng pamumuhay ng mga taong siya mismong lumikha ng yaman – ang uring manggagawa – sa kawalan ng trabaho, kontraktwalisasyon, pagpako ng sahod, pagbawas ng pensyon at panlipunang mga benepisyo, kawalan ng bahay, at marami pa.
Halos isang daang taon na ang nakalipas, ng naharap sila sa pagpili sa pagitan ng pagsuporta sa kapitalistang pandaigdigang digmaan at pagtatanggol sa interes ng mga manggagawa, ang mga Partido ng Paggawa at TUC ng mundo pinili ang kampo ng kapitalismo at digmaan. Ng ang uring manggagawa ng Rusya, Alemanya at iba pang lugar ay nagtangkang ilunsad ang rebolusyon laban sa barbarismo, ang mga Partido ng Paggawa at mga TUC ng mundo ay pinili ang kampo ng kontra-rebolusyon. Nanatili sila sa kampong yun hanggang ngayon, at kaya hindi natin sila pwedeng pagkatiwalaan ng tapat na kasagutan sa kasalukuyang krisis ng sistema.
Naharap sa mga polisiyang paghigpit-sinturon ng naghaharing uri, kailangang lumaban ang uring manggagawa. Hindi ito maaring manahimik at hintayin na huhupa ang bagyo. Pero para epektibo ang paglaban hindi natin maaring gamitin ang luma, hindi na angkop na mga institusyon na pumusturang kaibigan natin pero sa katunayan ay binubuhay ang ating mga kaaway. Kailangan natin ang mga porma ng organisasyon na pagkaisahin tayo lagpas sa dibisyon ng ating mga trabaho at unyon, kung saan maari tayong magdebate kung ano ang pinaka-epektibong paraan ng pakikibaka at ang ating pangkalahatang layunin sa paglaban; kung saan makabuo tayo at maipatupad ang mga kapasyahan, kung saan maipakita natin ang ating tunay na kapangyarihan. Ang kilusan ng ‘Indignados’ sa Espanya o katulad na pag-alsa sa Gresya at sa Gitnang Silangan ay nasisilip natin ano ang mangyari kung libu-libong pinagsamantalahan – mga estudyante, walang trabaho, kontraktwal na manggagawa - ay magtipon sa lansangan, nagsisikap makontrol ang buhay ng lipunan, at kinilala na bahagi sila ng pandaigdigang pakikibaka. Pero ang mga kilusang ito ay aangat lamang sa bagong antas kung ang mga nagtatrabahong manggagawa ay aktibong lalahok sa pamamagitan ng pagtangan sa hamon na pinakita ng mga kilusang ito: pag-oorganisa sa sarili sa mga asembliya; paglawak ng paglaban lagpas sa mga pambansang hangganan; isang pakikibaka na hindi lang laban sa ganito o ganoong aspeto ng kapitalismo, kundi laban sa kapitalismo bilang sistema, laban sa sahurang paggawa at produksyon para sa tubo.
Binabalewala ng mga ‘realistikong’ politiko ng kaliwa ang rebolusyon bilang utopya. Subalit ang mga utopyan ay mga taong naniwala na ang kapitalismo ay maisalba pa, mareporma o mapaunlad. Hindi lang posible ang rebolusyon: ito ay kailangan para magkaroon ng kinabukasan ang sangkatauhan.
Internasyunal na Komunistang Tunguhin
[1] Ang artikulong ito ay isang polyeto para sa distribusyon sa TUC rali ngayong Oktubre 20.
[2] TUC – Trade Union Congress
[3] ‘The Future That Works’. Ito ang polyeto ng TUC para sa rali nito ngayong Oktubre 20 sa London.
Habang lumalakas ang nakakalasong ideolohiyang nasyunalismo sa Tsina at Pilipinas, tumitindi naman ang propaganda ng internasyunal na burgesya na hindi ang kapitalismo ang nasa krisis kundi mga ispisipikong mga bansa lamang dahil sa maling pamamalakad ng ekonomiya at pulitika ng naturang mga bansa o kaya dahil sa korupsyon ng mga nasa kapangyarihan.
Sabi ng internasyunal na burgesya, kabilang ang Tsina sa mga bansang patunay na “may liwanag pa sa dulo ng krisis” dahil “umuunlad” ang kanilang ekonomiya.
Ang nasa ibaba ay salin mula sa English na nagsuri sa diumano “umuunlad” na mga kapitalistang bansa – “BRICS”. Ang katotohanan ay lahat ng mga bansa ng mundo ay walang ligtas sa krisis ng sistema at sa galit ng malawak na masang anakpawis.
Ang tungkulin ng mga rebolusyonaryong organisasyon ay paano mabigyan ng rebolusyonaryong direksyon ang pagkasuklam ng malawak na naghihirap na mamamayan sa kanilang kalagayan dahil ginagawa ng burgesya ang lahat para ilihis ang galit na ito tungo sa pag-rereporma lamang sa sistema.
Tinutulungan ng Kaliwa ang naghaharing uri sa paghasik ng ilusyon ng repormismo at palayo sa rebolusyonaryong landas gamit ang “ahitasyunal” na propagandang “may magagawa pa ang gobyerno” at “dapat kontrolin ng gobyerno ang mga industriya laban sa mga pribadong kapitalista”. At ang oportunistang palusot ng Kaliwa sa ganitong katrayduran sa hinihingi ng obhetibong kalagayan ay dahil “mababa pa ang kamulatan ng malaking mayoriya ng uring manggagawa”. Ang palusot na ito ay lalupang nagpababa sa kamulatan ng uri at pag-asa sa mga organisasyong instrumento ng burgesya sa loob ng kilusang paggawa.
Nasa agenda na ngayon ang pagbagsak sa sistema at estado. Ito dapat ang direksyon ng anumang porma at laman ng interbensyon ng mga rebolusyonaryo sa mga pakikibaka ng proletaryado laban sa mga atake ng kapitalismo.
Internasyonalismo
-----------------------------------------------------------------------------------------------------
China
Isinama ng mga eksperto ng burgesya ang China sa kanilang koleksyong ng mga malalakas na ekonomiya na nakilala bilang ang “BRICs”. Kabilang din dito ang Brazil, Russia at India na diumano’y siyang maging tagapagligtas sa balot sa krisis na kapitalismo. Ang mga bansang ito ay ibinibida bilang alternatiba sa “PIIGs” (Portugal, Ireland, Italy, Greece at Spain). Sa realidad, sila’y magkabilang mukha lamang ng iisang barya. Ang PIIGs ay mabilis ang pagbulusok sa hayagang krisis pang-ekonomiya, ang BRICs ay nag-umpisa na, na bumubura sa maliit na pag-asa ng naghaharing uri sa isang pang-ekonomiyang milagrong may kakayahang mangibabaw sa mortal na krisis ng kapitalismo. Ang International Review 148 ng ICC ay nagsabing: “Ang mga ‘lumalakas’ na bansa, tulad ng India at Brazil, ay nakikitaan ng mabilis na pagbaba ng kasiglahan. Kahit ang China, na noon pang 2008 ay ibinida na bilang bagong tagapagpaandar ng pangdaigdigang ekonomiya, ay opisyal na tumungo mula di-maganda tungong paglubha. Isang artikulo sa China Daily noong ika-26 ng Disyembre ang nagsabi na dalawang lalawigan (isa rito ay ang Guangdong na isa sa pinakamayaman sa bansa dahil ito ang tumanggap ng malaking bahagi ng sektor ng manupaktura ng mga pangmasang konsumong produkto) ang nagpaabot sa Beijing na maantala ang kanilang pagbabayad ng interes sa kanilang utang. Ibig sabihin, ang China ay naharap sa isang pagkalugi”.
Sa isang nakakabahalang kaganapan para sa ekonomiyang Tsina – at sa kapitalismo sa pangkalahatan – may malawakang pag-unlad/bula sa pabahay na patuloy ang paglobo na, tulad ng sa USA, Ireland, Spain at kahit saan, puputok lang at magdudulot ng mga masamang epekto. May isang malawak na sobrang kapasidad na makikita sa ilang daang milyong kwadradong talampakan ng nakatiwangwang at di naibentang ispasyo ng gusali sa Shanghai. Ang pabahay dito at sa Beijing ay pumipresyo ng 20 beses mahigit kay sa taunang sahod ng isang karaniwang manggagawa. 85% ng mga manggagawang nangangailangan nito ay di kaya ang isang bagong bahay. Hinihigpitan ng rehimen ang pautang dahil sa pagtaas ng implasyon kaya, tulad ng sa Britain, sa USA, Ireland, Spain, at iba pa, sa kalauna’y-puputok-na- bula ay yayanig sa sistemang pagbabangko, partikular sa bersyon ng China sa ‘sub-prime’, ang di-opisyal na merkado ng sistemang pagbabangko na tinustusan ng mga malalaking negosyong pagmamay-ari ng estado ng rehimen. Ang mga pagkaluging ito ay lubhang makaapekto sa mga mahahalagang lokal na otoridad ng estado na di na makatugon sa kani-kanilang mga obligasyon. Malayo pa doon sa sinasabing tanglaw ng pag-asa, ang namumuong pandaigdigang krisis ay mas higit na nangangahulugan na ang ekonomiyang Tsina ay isa lang sa mga paktor ng kapitalistang kabiguan.
Ang mga pag-unlad sa pakikibaka ng uring manggagawa sa China ay nagpakita na ito’y lubusang kabahagi ng pandaigdigang alon ng makauring pakikibaka at panlipunang protesta na umusbong mula pa 2003. At dahil ang lawak at lalim ng mga pakikibaka na sa kasalukuyan ay kinabibilangan ng bagong henerasyon na kalakha’y edukadong manggagawang migrante, ang mga kaganapan sa China ay may malaking potensyal. Hindi bilang isang ekspresyon ng burgis na ilusyon sa anumang ‘pang-ekonomiyang pagbangon’, kundi bilang isang mahalagang tanglaw para sa pandaigdigang proletaryo sa pagpa-unlad ng makauring pakikibaka.
Ang libo-libong ulat ng mga ‘kaganapan’ ng mga welga at mga protesta sa mga syudad, sabay ng pag-alburuto sa kanayunan ay dumarami sa bilang at lakas. Ang mga welga ay patuloy na lumalaki: ang tatlong araw na welga sa maagang bahagi ng Enero sa industriyal na sona ng Chengdu ay, ayon sa The Economist (2/2/12) “…di karaniwang laki sa isang empresa na pagmamay-ari ng sentrong gobyerno”. Ang mga manggagawa dito ay nanalo ng maliit na dagdag-sahod na $40 bawat buwan, nguni’t ang panunuhol sa mga welga sa ganitong paraan sabay ng mga hayagang panunupil ay di na makakasapat. Ang blak-awt ng midya sa pag-alburuto ay di na sapat sa harap ng paggamit ng mga maliitang ‘blogs’. Ang dalas ng mga welga sa mga pribadong pag-aaring pagawaan ay tumaas nitong huling taon.
Sa Pearl River Delta, na gumagawa ng mga sangkatlo (1/3) ng mga eksport ng China, libo-libong manggagawa ng Dongguan noong nakaraang Nobyembre, na nagpoprotesta laban sa pagkaltas sa sahod, ay tumungo sa mga lansangan at nakipaglaban sa mga pulis. Ang mga larawan ng mga nasaktang manggagawa ay lumabas sa internet. Sa huling mga linggo ay marami pang protesta ang naganap dito.
Habang nag-oobserba sa kasalukuyan at umuunlad na mga protesta sa Guangdong, na nag-iba ng hugis at kabaliktaran sa mga nagkasundo at payapang welga na naganap dito noong 2010, ang The Economist ay nagpatuloy: “…sa mga panahon ngayon, sa halip na magsumamo para sa pagbabago ng kanilang kalagayan, ang mga manggagawa ay nagrereklamo hinggil sa pagkaltas sa sahod at trabaho. Ang mga welgista ay mas naging militante… Sa isang ulat na nilathala sa buwang ito ng Chinese Academy of Social Sciences, ay sinabing kumpara noong 2010, ang mga welga ng 2011 ay mas organisado, mas palaban at malamang makalikha ng mga kaparehong aksyon. ‘Ang mga manggagawa sa kasalukuyan ay ayaw nang tumanggap na sila’y magsakripisyo, at pangalawa, kakaunti lang sa kanila ang gustong magligpit ng gamit at umuwi’”.
Ang panunupil ay siya pa ring mayor na sandata ng estadong Tsina – mga di-naka-uniporming pulis ay naglipana. Subali’t may mga panganib sa ganitong patakaran. Nang sinupil ng mga pulis ang isang buntis na manggagawa sa Guangdong kamakailan, libo-libong manggagawa ang umatake sa mga pulis at sa mga gusali ng gobyerno. Ang mga manggagawang ito ay mas malamang na di na babalik sa pagiging magsasaka laluna’t ang kanayunan ay nagpahayag na ng sarili nitong porma ng mga protesta laban sa epekto ng krisis – tulad ng sa Wukan kamakailan lang. Mayroong isang daan at anim-na-pung milyong manggagawang migrante ( 20 milyon sa kanila ay nawalan ng trabaho ng tumama sa China ang ekonomiyang tsunami ng 2008) at silay naninirahan sa mga syudad. Wala na silang babalikan at bilang mga migrante, sila mismo ang magbabayad para sa edukasyon ng kanilang mga anak at programang-kalusugan ng pamilya (na sasagutin sana ng mga kompanya subali’t tulad ng minimum na pasahod, ito’y binale-wala), isang larangan ng makauring tunggalian ang nabubuksan.
Ang pandaigdigang krisis pang-ekonomiya ay lumalalim at ito’y magkakaroon ng signipikanteng epekto sa China at sa ekonomiya nito. Sa kasalukuyan at sa umuunlad na lebel ng makauring pakikibaka sa bansang ito, aasahan natin ang mas maunlad na mga pakikibaka ng mga manggagawa sa China, magpapalakas at magpaparami sa bilang ng mga welga at protesta na iniulat nitong Enero.
Baboon, 2/2/12
Introduksyon:
Sa pagtatapos ng Coronavela sa Senado para patalsikin si Corona sa pwesto, muling umalingawngaw mula sa Kanan at Kaliwa ng burgesya ang panawagan at adbokasiya ng isang “malinis” na pamahalaan; isang pamahalaan kung saan ang mga opisyales nito ay bukas sa publiko ang laki ng kanilang yaman at kung saan nila ito kinuha.
Ang pamantayan ng ganitong “kalinisan” ng budhi ng mga nasa pwesto ay ang moralidad ng umiiral na sistema, ang moralidad ng lipunang kapitalista.
Ano ang layunin ng uring burgesya mula sa Kanan at Kaliwa? Ihasik sa malawak na masa ang ilusyon na sa ilalim ng isang bulok na sistema ay posible pa na maging malinis ang gobyerno at maupo sa pwesto ang mga hindi magnanakaw at tiwaling tao, ng sa ganun ay maging mabuti na rin ang lahat; maging matiwasay na ang pamumuhay ng nakakarami sa ilalim ng isang bulok na sistema na mayroong “malinis” na pamahalaan.
Ang interbensyon ng isang komunistang organisasyon sa ganitong mga ilusyon na inihasik ng naghaharing uri ay ilantad ang kahungkagan ng ganitong panawagan at propaganda at ipakita sa masang anakpawis na ang katiwalian at pagnanakaw sa kaban ng bayan ay maglalaho lamang sa lipunan kung maibagsak nito ang umiiral na bulok na kaayusan at ang estado/gobyerno na nagtatanggol sa bulok na sistema.
000000000000000000000000000
Ang katiwalian sa gobyerno ay kasing-tanda ng pag-iral ng makauring lipunan sa mundo. Kasabay ng paglitaw ng estado sa lipunan ay lumitaw din ang pagnanakaw ng mga nasa kapangyarihan sa kaban ng bayan para ang sarili ay yayaman.
Kaya naman marami ang nagsasabing wala ng solusyon ang katiwalin dahil ito na ang “naturalesa” ng anumang kaayusan o dahil ang tao mismo kung nasa pwesto na ng estado ay tiyak gagamitin ang posisyon para magkamal ng pera at ari-arian.
Walang katiwalian sa primitibo komunal na lipunan
Ang katiwalian ay nagmula kung ano ang panlipunang kaayusan. Pero ang pinagmulan nito ay isang partikular na panlipunang sistema at hindi naturalesa sa lipunan ng tao.
Ang sinaunang tao na namuhay sa komunal na paraan at pag-aari ng buong komunidad ang mga kagamitan ng produksyon ay hindi nakitaan ng pagnanakaw sa ari-ariang komunal para pagyamanin ang sarili. Ni sa panaginip ay hindi ito sumagi sa kaisipan ng sinaunang tao kung saan ang kinagisnang kapaligiran ay ang kanyang lakas-paggawa ay bahagi ng kolektibong paggawa ng komunidad at ang bunga ng paggawa ay pantay na pinaghahatian ng buong komunidad. Walang pagnanakaw at katiwalian sa isang lipunan na lantay na nakabatay sa kooperasyon at patas na paghati-hati sa anumang makukuha ng buong komunidad; sa lipunang walang estado at mga uri.
Ito ang yugto ng primitibo komunal kung saan nabuhay ang ating mga sinaunang ninuno sa loob ng ilang libong taon. Samakatuwid, hindi naturalesa sa tao ang magnakaw at magpayaman sa sarili mula sa lakas-paggawa ng ibang tao.
Sa makauring mga lipunan lumitaw ang katiwalian
Ang pagkahati-hati ng populasyon sa mga uri, sa nagsasamantala at pinagsamantalahan, sa pagitan ng mayayaman at mahihirap ang ugat ng paglitaw ng katiwalian ng mga taong nasa pamunuan. Ang estado o gobyerno, ang sentral na organo ng naghaharing uri sa mga lipunang makauri ay sentro ng pagnanakaw ng iba’t-ibang paksyon ng mapagsamantalang mga uri ng lipunan. Ang pagkontrol sa estado ang dahilan ng mga tunggalian at digmaan ng mga mayayamang uri ng lipunan.
Sa mga lipunang alipin, pyudal, asyatikong despotismo at kapitalismo lumitaw ang katiwalian at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Subalit nagiging sentral at mapagpasya ang katiwalian at pagnanakaw sa loob ng gobyerno sa panahon na ang lipunan ay nasa kanyang dekadenteng yugto na, sa panahon na ang krisis nito ay permanente na, sa panahon na ang bagong mga pwersa ng produksyon at ang bagong rebolusyonaryong uri ay obhetibo ng nangangailangan ng bagong panlipunang sistema para palitan ang luma at bulok na.
Sa panahon ng dekadenteng sistema bahagi na ng pagpapayaman ng mga nasa kapangyarihan ang pagnanakaw sa kaban ng bayan.[1]
Sistemang kapitalismo: rurok ng katiwalian at pagnanakaw sa lipunan
Ang mundo at Pilipinas ay nasa kapitalistang sistema na. Mula 1900s ay dekadente o bulok na ang sistemang kapitalismo.
Puno ng mga iskandalo at malalaking kaso ng katiwalian ang namayani sa mga bansang kapitalista mula ng pumasok ang kapitalismo sa kanyang imperyalistang yugto. At sa loob ng mahigit 100 taon ay iba’t-ibang pangako at solusyon ang inihapag ng burgesya para resolbahin ang talamak na katiwalian sa mga gobyerno nila. Pero mas lalupang lumala ang katiwalian sa lipunan.
Marami ng matataas na opisyal ng pamahalan ang pinarusahan ng pagkabilanggo at kamatayan para magsilbing “babala” at inaasahang pipigil sa katiwalian. Ang ilan naman sa kanila ay pinatalsik sa pwesto pero ang pumalit ay mas tiwali pa.[2] Ilang beses na binago o dinagdagan ang mga batas para sa isang malinis na gobyerno pero hindi maampat ang pagdami ng mga magnanakaw sa loob ng estado. Kapwa sa mga stalinista at demokratikong mga bansa ay pinagyayabang ng burgesya ang parusa sa mga “malalaking isda” para pakalmahin ang masa na maari pang repormahin ang kapitalistang sistema.[3]
Sa ating modernong panahon, dulot ng modernong teknolohiya, ang magagaling at matatalinong magnanakaw na mga opisyales ng gobyerno ay mas lalupang naging tuso at mas maingat sa kanilang masamang gawain hindi dahil nahihiya sila kundi para ipakitang ang sistema at gobyernong pinagtatanggol nila ay may kapasidad na linisin ang lipunan ng katiwalian.
Subalit ang moralidad ng burges na lipunan ay nakabatay sa pagpapatuloy ng paghari ng mayayaman. Para sa kapitalismo, hindi imoral ang magkamal ng malaking tubo; hindi imoral ang maging milyonaryo o bilyonaryo basta’t naaayon lang sa batas ng estado.
Ang usapin ng katiwalian sa lipunang kapitalista ay naaayon sa kung ano ang “tama” at “mali” batay sa kaisipan ng naghaharing uri at sa kagustuhan ng estado bilang sentral na organo para sa “kaayusan” ng bulok na lipunan.
Ang panawagang “sign a waiver” ni Corona at “disclose all” ng isang seksyon ng Kaliwa
Interesado ba ang naghaharing uri sa isang “malinis” na pamahalaan? Kung intensyon lang ang pag-uusapan tiyak na OO ang sagot dito. Katunayan, ang unang umaangal sa katiwalian ay ang mga panggitna at maliit na kapitalista. Mas lumalaki ang “gastos” nila dahil obligadong manuhol sila sa mga tiwaling opisyal para lamang mapabilis ang proseso ng kanilang negosyo at pagkamal ng tubo.
Sa kabilang banda, hindi “tamang” makakolekta ng buhis ang estado sa mga malalaking negosyante dahil sa pag-iwas ng mga ito sa “tamang” buhis sa pamamagitan ng panunuhol. Hindi pa kasama dito ang panunuhol ng mga karibal na armadong paksyon ng gobyerno sa mga tiwaling opisyales ng armadong sandatahan nito para makabili ng armas mula mismo sa gobyerno na “kaaway” nila.[4]
Subalit ang intensyon ay hindi maging realidad. Habang tumitindi ang krisis ng sistema mas dumarami ang mga tiwaling opisyales ng estado, mga taong nagpapayaman sa sarili gamit ang posisyon nila. Ang korupsyon ay hindi pang-aabuso sa sistema. Ito mismo ang demokratikong sistema ng parliyamentarismong burges.[5]
Intensyon ng bawat paksyon na uupo sa Malakanyang ang isang “malinis” na pamahalaan para mapanatili hindi lang ang ilusyon na may maasahan pa sa bulok na kaayusan kundi para maging maayos sana ang paghahari ng mga mapagsamantala.
Nagtuturuan ang mga magkaribal na paksyon alin sa kanila ang tiwali dahil wala namang umaamin alinman sa kanila sa kanilang pagnanakaw sa kaban ng bayan. Dito nakaangkla ang huling “opensiba” ni Renato Corona – “sign a waiver” - bago siya tuluyang pinatalsik ng senado sa Korte Suprema. Dito rin nakaugnay ang panawagan ng isang seksyon ng Kaliwa na “disclose all”.
Kapwa ang “sign a waiver” at “disclose all” ay mga repormistang panawagan na naglalayong buhusan ng gasolina ang unti-unti ng namamatay na apoy ng ilusyon ng masa na may maaasahan pa sa kapitalistang sistema.
Ang pangkalahatang argumento ng mga pasimuno ng panawagang ito ay para daw mabisto sa taumbayan kung sinu-sino ang mga tiwali sa pamahalaan at maparusahan ayon sa batas. Sabi naman ng isang seksyon ng Kaliwa, kung ayaw ng lahat ng mga opisyales ng gobyerno na ilantad ang kanilang mga pera at ari-arian ay mabuti pang mag-resign na lang sila para mabuksan ang kondisyon sa isang transisyunal na gobyerno.[6]
Sinuportahan agad ng mga politikong hindi alyado ng paksyong Aquino ang panawagan ni Corona. Nagpirmahan ang mga ito ng “waiver” sa harapan ng media o kaya pinaalam agad sa media para maipakitang “malinis” at “walang tinatago” ang mga ito.
Naobliga namang sinuportahan ng isang seksyon ng Kaliwa ang panawagan ni Corona pero “mas pinalawak” lang nila ito para maipakitang “mas radikal” sila kaysa kay Corona.
Ano naman ang ganansya ng taumbayan sa panawagang ito? Wala.
Unang-una na, matagal ng alam ng nakararami na nagpapayaman lamang sa sarili ang mga politikong nakaupo sa pwesto. Ilang dekada ng naranasan ng hirap na mamamayan na ang kanilang mga ibinoto sa pwesto ay mas lalupang yumaman ng maupo sa pamahalaan.
Ikalawa, ilang daang opisyales man ng gobyerno ang maparusahan ay patuloy pa rin ang katiwalian dahil ang bulok na sistema mismo ang nagluwal ng korupsyon.
Ikatlo, sa bawat “paghihigpit” ng mga batas ng estado laban sa katiwalian ay mas lalupang naging magulang at “matalino” ang mga tiwaling opisyales. Higit sa lahat, laging abswelto sa parusa ang mga malalapit na alyado ng naghaharing paksyon. Kaya paikut-ikot lamang ang kampanya ng naghaharing uri laban sa korupsyon: ang papalit na bagong administrasyon ay hahabulin at parusahan ang pinalitan at karibal na paksyon at sa kanila isisi ang lahat ng pagiging bangkarota ng gobyerno habang ang bagong administrasyon na naman ang magpapayaman sa sarili. Sa loob ng ilang dekada ay ganito ang ikot ng kampanya ng naghaharing uri.
Ano ang solusyon ng rebolusyonaryong manggagawa sa katiwalian?
Layunin ni Corona at ng Kaliwa na magkaroon ng isang malakas na kilusang masa laban sa katiwalian. Bubuhos sa kalsada ang daang libong mamamayan para sa isang malinis na pamahalaan. Ang target nila: ang paksyong Aquino lamang hindi ang bulok na kapitalistang kaayusan.
Paanong bubuhos sa kalsada ang libu-libong mamamayan kung alam na mismo ng huli na walang mangyari? Mas “mataas” pa ang kamulatan ng ordinaryong masa sa mga “lider” nila dahil alam ng una kung anong nangyari sa pamilyang Marcos matapos maupo si Cory Aquino; kung anong nangyari sa pamilyang Estrada matapos makulong si Erap Estrada.
Ang Kaliwa mismo ay tumulong sa paksyong Aquino laban kay Corona sa pamamagitan ng impeachment trial ng senado. Ang tinatahak na proseso ng “paglaban” sa katiwalian ay naaayon sa batas na ginawa mismo ng mga tiwaling politiko sa kongreso at senado.
Inulit na naman ng Kaliwa ang bangkarotang taktika na para maging “malinis” ang kapitalistang gobyerno ay kailangang may mga bagong batas at may mga bagong politiko na uupo sa pwesto. Sa madaling sabi, hindi kapitalismo ang problema kundi ang mga tao at paraan lamang ng pangangasiwa dito! At ang bangkarotang taktikang ito ay para daw isulong ang tunay na panlipunang pagbabago.
Para sa rebolusyonaryong mga manggagawa ang katiwalian ay bunga lamang ng isang bulok na kaayusan hindi dahilan bakit naging bulok ang sistema.
Ang panawagan ng mga rebolusyonaryong manggagawa sa kanilang mga kapatid na manggagawa ay hindi para sa isang “malinis” na gobyerno kundi ibagsak ang gobyerno.
Paano? Saan magsimula?
Isang malawak na kilusang manggagawa na lalahukan ng libu-libong manggagawa na ang mga kahilingan ay para sa interes ng buong uri. Magsimula ito sa paglaban sa mga atake ng kapital sa kanilang kabuhayan: kontraktwalisasyon, mababang sahod, mababang benepisyo at hindi makataong kalagayan sa pagawaan.
Ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang paglikha ng mga kondisyon para sa malawakang pakikibaka sa lansangan, para sa mga pangmasang welga na ang magpasya ay hindi ang mga unyon kundi ang mga asembliya ng manggagawa o mga komite ng welga.
Sa ganitong mga laman at tipo ng pakikibaka malalantad ang mga nagmamalinis na politiko nasa administrasyon man o oposisyon kung ano ang kanilang paninindigan sa makauring mga kahilingan ng manggagawa.[7]
Nagkaisa ang lahat ng paksyon ng naghaharing uri na manawagan sa manggagawa na “sumunod sa mga batas” at sa mga “legal na proseso” para makamit ang mga kahilingan; mga batas at proseso na kontrolado ng mga mapagsamantala at para pahinain ang rebolusyonaryong pagkakaisa ng masang anakpawis.
Sa proseso ng pakikibaka mabuo ng uring manggagawa ang kapangyarihang pampulitika. Kapangyarihan na makamit lamang hindi sa pakikipag-alyansa sa alinmang paksyon ng naghaharing uri.
Tanging sa kapangyarihan ng manggagawa masimulan ang pagpawi sa katiwalian sa lipunan. Hindi magkaroon ng kapangyarihan ang masang anakpawis hangga’t nanatili ang kapitalistang estado at mga batas nito. Lalunang hindi makamit ang proletaryong kapangyarihan sa pamamagitan ng paglahok sa burges na eleksyon ng mga rebolusyonaryong manggagawa.
Ang pagpawi sa katiwalian ay mahigpit na nakaugnay sa pagbagsak ng gobyerno at ng sistemang pinagtatanggol nito hindi sa mga reporma, sa mga batas at paghawak ng pwesto sa estado.
M3, Hulyo 8, 2012
[1] Bagamat kahit sa panahon na pasulong pa ang isang makauring sistema ay mayroon ng katiwalian at pagnanakaw ng mga opisyales ng estado sa kaban ng bayan, hindi ito naging pangunahing problema ng naghaharing uri o kahit ng buong populasyon dahil pinauunlad pa ng mga pwersa at relasyon ng produksyon ang buong lipunan. Sa imperyong Romano, naging malaking problema lamang ang katiwalian sa loob ng estado ng pumasok na ang sistemang alipin sa kanyang dekadenteng yugto, panahon na permanente na ang krisis ng sistema. Ang iba’t-ibang paksyon ng naghaharing uri dahil sa krisis ay nagpapaligsahan kung sino ang unang makakulimbat sa lumiliit na yaman ng bayan.
[3] Pinagyabang ng Tsina ang kanilang death penalty bilang parusa sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Pero mas lumala ang korupsyon sa bansang ito. Ganun din ang nangyari sa ibang mga bansa. Sa Pilipinas ay napatalsik si Ferdinand Marcos Sr, nabilanggo si Joseph Estrada, inaresto si Gloria Arroyo at napatalsik si Renato Corona sa pwesto. Pero ang katiwalian ay patuloy na naranasan ng hirap na mamamayan.
[4] Ang gun smuggling ay hindi lang talamak sa Pilipinas kundi maging sa ibang mga bansa din. Nangyayari ang mga ito dahil sa katiwalian ng mga nasa sandatahang lakas ng estado. Ang maoistang New People’s Army at iba pang armadong rebeldeng gruo ay bumibili ng armas sa sandatahang lakas ng kanilang “kaaway”. Kaya nga ipokrito ang mga grupong ito sa kanilang panawagan na pawiin ang katiwalian sa kapitalistang pamahalaan. https://en.internationalism.org/wr/305/arms-deals [25]
[5] en.internationalism.org/worldrevolution/201003/3638/corruption-integral-part-parliamentary-politics [26]
[6] Habang ang Kaliwa at ang kanilang mga unyon ay nanawagan ng “walang katiwalian na kapitalismo”, kahit ang hanay nila ay nahawa na rin sa matinding katiwalian at karahasan ng pag-aagawan ng yaman mula sa pawis ng masang manggagawa at proyekto ng estado na ipinagkatiwala sa mga unyon. Sa Pilipinas, hitik sa kasaysayan ang mga tunggalian sa pagitan ng mga unyon. Ang TUCP ang pinakahuling nahati dahil sa pag-aagawan ng kapangyarihan sa loob ng unyon. Hindi pa kasama dito ang pamimili ng boto sa COMELEC tuwing eleksyon para lamang manalo. Ang “sosyalistang” Venezuela ni Hugo Chavez ay marahas ang tunggalian ng mga magkaribal na unyon http://news.bbc.co.uk/2/hi/americas/8583662.stm [27]
[7] Kabulastugan ang propaganda ng maoistang Kilusang Mayo Uno (KMU) at mga alyado nito na kaibigan daw ng uring manggagawa ang mga milyonaryong kapitalistang politiko tulad ni Manny Pacquiao dahil sinuportahan daw nito ang 125 legislated wage increase across-the-board nationwide. Sa halip na sa lahat ng seksyon ng manggagawa hihingi ng suporta at sa lansangan ang pangunahing porma ng pakikibaka, sa mga mapagsamantalahang kapitalistang politiko at sa bulok na kongreso sila umaasa ng suporta laluna sa panahon na nasa matinding krisis ang kapitalismo.
Mula ng pumutok ang WW I ay pumasok na ang mundo ng kapitalismo sa kanyang dekadenteng yugto. Yugto kung saan lubusan ng reaksyunaryo at kontra-rebolusyonaryo na ang pandaigdigang sistema. Sa yugtong ito ang panawagan ng komunistang kilusan ay “Proletaryong rebolusyon o digmaan”. Mula 1980s ang dekadenteng kapitalismo ay pumasok na sa kanyang naaagnas na yugto – dekomposisyon – kung saan ang panawagan ng mga komunistang organisasyon ay “Komunistang rebolusyon o pagkawasak ng mundo”.
“Pakikipag-isang Prente”
Ang terminong pakikipag-isang prente o “united front” ay lumitaw noong matapos ang WW I kung saan ay nanawagan ng alyansa ang Komunistang Internasyunal (COMINTERN) sa traydor na Sosyal-Demokrasya. Tinutulan ito ng minoriyang komunista sa loob ng COMINTER na tinawag na “kaliwang-komunista” ng mayoriya. Ibig sabihin, oposisyon sa loob ng Komunistang Internasyunal.
Sa praktika ang UF ay pakipag-alyansa ng isang komunistang organisasyon/alyado nila sa ibang mga organisasyonkabilang na ang mga tahasang repormista at burges ayon sa “maiinit na mga isyu” at sa linyang “opposed the greater evil”. Ito ang esensya ng “anti-fascist” front o “popular front” noong WW II.
Sa bandang huli, ang “united front” tactics ng COMINTERN ang kondisyon upang masakerin ng alyado nitong Koumintang sa China ang mga manggagawang nag-alsa sa Shanghai noong 1927 at Kemal Attaturk ng Turkey, ang alyado ng COMINTERN na paslangin ang daan-daang membro ng Partido Komunista ng Turkey noong 1921.
Sa Uropa ay hitik sa karanasan kung paanong isinapraktika ng mga stalinista/”sosyalistang” partido ang “united front” para makaupo sa kapangyarihan sa pamamagitan ng eleksyon. Ang mga sosyalistang partido ng Greece at Spain na naging gobyerno dahil sa “UF tactics” ang pasimuno ng mabagsik na austerity measures laban sa uring manggagawa.
Sa Pilipinas, hindi pa nabura sa kaisipan ng mga rebolusyonaryo ang masaker at pagdis-arma na ginawa ng mga sundalong Amerikano sa gerilyang Hukbalahap matapos ang “tagumpay” ng alyansa ng stalinistang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), lokal na burgesya at imperyalistang Amerika laban sa imperyalistang Hapon. Bahagi ng broad alliance ang isang paksyon ng naghaharing uri. Makita ito sa prenteng anti-Marcos, anti-Cory, etc etc…hanggang anti-Noynoy Aquino sa kasalukuyan, depende kung anong paksyon ang nasa Malakanyang. Sa panahon ng rehimeng Arroyo naging taktikal na alyado ng mga naniwala sa “united front” ang napatalsik na paksyon ni Erap. Hindi ito usapin ng makauring linya kundi usapin ng “mas maraming mamobilisa” laban sa “pangunahing” kaaway sa pamamagitan ng “taktikal” na pakipag-alyansa sa mga “segundaryong” kaaway.
Ang iba’t-ibang organisasyong “progresibo” sa Pilipinas, gamit ang “UF tactics” ay hayagan o kaya sekretong nakipagnegosasyon sa mga malalaking partidong burges, kabilang na ang mga lokal na politiko para lamang makakuha ng dagdag-boto o suportang pinansyal sa malalaking kampanya nito o sa gerilyang digma. Ang maoistang CPP at repormistang Akbayan ang makapal ang mukhang ihayag sa publiko ang alyansa nito sa mga malalaking burges na partido tulad ng Nacionalista Party ni Manny Villar at Liberal Party ni Benigno “Noynoy” Aquino III. Habang ang ibang mga “progresibong” organisasyon ay nahihiya pa at nagkasya na lamang sa sekretong negosasyon sa mga burges na partido at pulitiko.
Sabi ng karamihan, “pwedeng pumasok sa broad alliance ang mga komunista na independyente at dala-dala ang makauring linya”. Paano madala at maigiit ng proletaryado sa loob ng “broad alliance” na ito kung ang “basis of unity” ay tahasan ng oportunista/repormista at laban lamang sa isang paksyon ng naghaharing uri? “Napanatili” nga ng mga komunista ang “makauring linya” sa kanilang sarili habang sa praktika ay nilamon sila sa mga pagkilos/panawagan na naaayon sa interes ng burgesya.
Ang “broad alliance” na konsepto ng mga maoista ay walang pagsaalang-alang sa makauring linya dahil unang-una na hindi naman proletaryong programa ang dala-dala nito kundi burges. Ang importante sa kanila ay susunod sa pamumuno nila ang isang paksyon ng burgesya sa loob ng “broad alliance”. Ang paksyon ng burgesya na hindi susunod sa kanila, hindi kasama sa alyansa. Sa Nepal ay “matagumpay” na naisagawa ng mga maoista ang broad alliance tactics dahil nakaupo sila sa kapangyarihan. Subalit ang natural na kabayaran ay lalupang pagpapahirap sa masang manggagawa at maralita doon.
Ang “entryism” naman ng mga trotskyista ay pumasok sila sa mga repormista/maka-kapitalistang organisasyon sa loob ng kilusang paggawa at naging “revolutionary opposition” sa loob. Ito ang praktika nila sa loob ng burges na partidong Labor Party ng UK. Sa Egypt ngayon ay kasalukuyang lumalangoy sa “broad alliance” ang ilan sa mga trotskyistang partido doon.
Subalit ang iba ay naghahanap ng ibang implementasyon ng “broad alliance” o “united front” na salungat daw sa ginagawa ng mga maoista. Hindi naunawaan ng una kung saan ito hinugot ng huli: mula sa oportunistang “united front” tactics ng COMINTERN noong 1920-21 na siyang mahigpit na tinatangkilik ng Stalinismo bilang bahagi ng “Leninismo” at isinapraktika sa China, Turkey at iba pang bahagi ng mundo kabilang na ang Pilipinas noong panahon ng WW II at diktaduryang Marcos hanggang ngayon.
Sa Uropa at Amerika kahit ang mga organisasyong “anti-maoista” tulad ng “sosyalistang” mga partido at trotskyista ay nagsapraktika din ng “broad alliance” laluna sa parliyamentarismo.
Proletaryong Prente
Sa panahon ng dekadenteng kapitalismo ang tanging programa na maging daan para lalaya ang sangkatauhan mula sa lahat ng pagsasamantala at pang-aapi ng kapitalismo ay ang proletaryo o komunistang programa. Ang sentral na laman ng programang ito ay anti-kapitalismo at laban sa lahat ng klase ng burges na ideolohiya kabilang na ang lahat ng hibo ng nasyunalismo at demokrasyang burges.
Ibig sabihin, kailangang makabig ng rebolusyonaryong proletaryado ang malawak na masang anakpawis sa kanyang programa sa pamamagitan ng pagpaliwanag ano ang komunismo at paglantad sa lahat ng tipo ng burges na ilusyon. Ito ang tanging daan wala ng iba pa kung nais nating mailigtas ang sangkatauhan at mundo mula sa walang kataposang barbarismo.
Ang dapat gawin ng mga komunistang organisasyon at mga alyado nilang organisasyong masa ay matalas na kondenahin sa publiko ang oportunismo/repormismo ng mga paksyon ng burgesya habang hinihimok na pumaloob ang mas maraming masa sa bandila ng proletaryong linya/panawagan. Ibig sabihin, kabigin ang peti-burgesya/magsasaka sa linya ng proletaryado. Ito ang demarkasyon sa pagitan ng makauring pamumuno: proletaryado vs burgesya. Mangyari lamang ito kung hindi papaloob ang mga komunistang organisasyon/alyado nila sa “broad alliance” kasama ang mga repormista/oportunista.
Mahiwalay ba ang komunistang organisasyon? Tiyak mahiwalay ito sa mga oportunista/repormista. Mahiwalay ba ang mga komunista sa masang anakpawis? Maaring pansamantala laluna kung napakalakas pa ang hatak ng mga ilusyon ng repormismo at demokrasyang burges. Pero ang mga nagsusuring elemento sa hanay ng masa ang unang makaunawa sa tamang pagkakaisa na inihapag ng isang komunistang organisasyon. Noong WW I ay sa simula napakaliit at “hiwalay” sa malawak na masang manggagawa ang mga komunista habang “napakalawak” ang “suporta” ng sosyal-demokrasya. Pero walang pag-alinlangang kinondena ng minoriya ang mayoriya ng sosyal-demokrasya na traydor sa internasyunalismo at proletaryong rebolusyon. Noong WW II ay halos walang nakinig sa mga komunista at napakalakas ng impluwensya ng stalinismo sa hanay ng kilusang paggawa.
Makumbinsi lamang ang ibang mga pinagsamantalahang uri sa lipunan sa katumpakan ng proletaryong linya kung matatag na manindigan ang mga proletaryong organisasyon sa interes ng manggagawa sa pamamagitan ng hayagan at matalas na pagkondena at paglantad sa lahat ng tipo ng oportunismo at repormismo ng mga organisasyong malakas pa ang impluwensya sa kilusang paggawa. Makumbinsi lamang ang masa na pumaloob sa proletaryong prente kung malinaw na makita at maunawaan nito ang demarkasyon, ang kaibahan ng proletaryong panawagan sa burges na panawagan.
Hindi ito madali at napakahirap. Kung madali sana ito ay hindi nangyari ang WW I at WW II at mga digmaan sa kasalukuyan na sinisilaban ng lahat ng tipo ng nasyunalismo at ilusyon ng demokrasyang burges.
Ang layunin ng proletaryong organisasyon ay mabuo ang proletaryong prente na lalahukan ng malawak na masang anakpawis laban sa anumang mga ilusyong inihasik ng burgesya.
Pero kung hanap ay kantitatinong dami na walang pagsaalang-alang sa makauring prinsipyo at programa, “mas mabuti ang broad alliance kasama ang mga oportunista/repormista kabilang na ang mga traydor sa proletaryong rebolusyon.”
Hindi pa ba sapat ang mahigit 80 taon na karanasan ng “united front” para makita ano ang bunga nito kung ang sukatan ay pagpapalakas sa proletaryong kampo laban sa kapitalismo? Maaring hindi pa nga sapat dahil mas marami pa rin ang “matured” na mga organisasyon na naniniwala dito at tanging ang mga “musmos” pa lamang ang tumindig laban dito at nanawagan na ang dapat palakasin ay ang proletaryong prente. Dito dapat ang pokus ng mga komunistang organisasyon (sa proletaryong prente) paano paunlarin ang dinamismo at buhay na talakayan sa loob.
Ang mga binhi ng proletaryong kampo ay kumalat sa mga pag-aalsa laban sa kahirapan sa Gitnang Silangan, Uropa at USA: mga asembliya. Ang mga ito kundiman independyente sa mga partido ng Kaliwa at mga unyon ay nahirapan itong kontrolin ng huli tulad ng “broad alliance” na DRY (Real Democracy Now) sa Spain. Mga binhi din ng proletaryong kampo ang mga pagkilos na tahasang kumokondena sa mga oportunismo at pagkanulo ng mga partido ng Kaliwa tulad ng “socialist” parties, stalinistang partido at mga unyon nito.
Oo, marami pang dapat aralin ang uri sa kanilang sariling karanasan. Pero positibo ang tunguhin nito dahil nag-iisip at nagsuri mismo ang uring proletaryo na meron pang alternatiba sa ilang dekadang “broad alliance” na inilalako sa kanila ng kanilang mga “representante”…at ito ay ang “alyansa” ng buong uring manggagawa para sa kanyang sariling makauring interes at ang mga asembliya bilang organo ng pakikibaka. Habang nahubaran ang oportunismo ng “broad alliance” kung saan ang esensya nito ay “pagtugmain” ang interes ng iba’t-ibang mga uri sa lipunan, mas lalong lumilinaw na walang ibang magliligtas sa sangkatauhan mula sa delubyo ng kapitalismo kundi ang proletaryong interes at direksyon lamang ng laban.
Sa kasalukuyan ay minoriya at maliit pa lamang ang nanindigan laban sa “broad alliance” o “united front”. Pero hindi ibig sabihin na mali ito. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama ang mayoriya at mali ang minoriya. Ito ang masaklap na turo sa atin ng kasaysayan mula noong WW I.
Tama na gawing tungtungan ang kasalukuyang antas ng kamulatan ng malawak na masa. Subalit ito ay para itaas ang kamulatan nila, kamulatan na kailangan at kayang-kaya na ibagsak ang kapitalismo at estado nito. Hindi tataas ang kamulatan ng masa kung ang mga organisasyong taliba ng uri ang siya mismong maglatag ng mga kahilingang nagpapatibay sa atrasadong kamulatan sa halip na dudurog dito.
Ang kasalukuyang kamulatan ng malawak na masa ay unang-una dahil sa malakas na impluwensya ng burges na propaganda at ideolohiya sa kanila. Ang epektibong paraan para malabanan ang impluwensya ng kaaway sa uri ay ang pagsulong at paglakas ng makauring pakikibaka dala-dala ang abante at tumpak na mga panawagan na hinihingi ng obhetibong sitwasyon. At ang obhetibong sitwasyon sa kasalukuyan ay kailangan at posible ng ibagsak ang gobyerno at kapitalismo.
M3, Abril 12, 2012
Links
[1] https://en.internationalism.org/wr/264_15cong.htm
[2] http://www.sosfemmes.com/violences/violences_chiffres.htm
[3] http://www.hrw.org/news/2008/12/18/us-soaring-rates-rape-and-violence-against-women
[4] https://marxists.org/archive/luxemburg/1912/05/12.htm
[5] https://www.marxists.org/archive/kollonta/1909/social-basis.htm
[6] https://newsinfo.inquirer.net/115373/relief-drive-poor-show-again-they%E2%80%99re-quick-to-give-than-rich
[7] https://newsinfo.inquirer.net/byline/kristine-l-alave
[8] https://newsinfo.inquirer.net/source/philippine-daily-inquirer
[9] https://fil.internationalism.org/files/fil/mayo_uno_statement.pdf
[10] https://world.internationalism.org
[11] mailto:[email protected]
[12] https://libcom.org
[13] https://www.revleft.space/vb/
[14] http://www.revleft.com/vb/group.php?groupid=9
[15] http://www.red-marx.com
[16] https://fil.internationalism.org/files/fil/panawagan_sa_manggagawang_pilipino_at_manggagawang_tsino.pdf
[17] https://www.american.edu
[18] https://en.wikipedia.org/wiki/Spratly_Islands_dispute
[19] https://mb.com.ph/articles/346111/robust-philippineschina-trade-relations
[20] https://www.census.gov/foreign-trade/balance/c5700.html
[21] https://money.cnn.com/2011/01/18/news/international/thebuzz/index.htm
[22] https://anakbayannynj.wordpress.com/2012/04/19/us-intervention-not-china-is-the-greatest-threat-to-peace-security-in-the-philippines-bayan-usa/
[23] https://fil.internationalism.org/internasyonalismo/201001/155/walang-solusyon-ang-kapitalismo-sa-problemang-agraryo-sa-bansa
[24] http://www.tiptoptens.com/2011/05/05/10-most-corrupt-leaders-in-recent-history
[25] https://en.internationalism.org/wr/305/arms-deals
[26] https://en.internationalism.org/worldrevolution/201003/3638/corruption-integral-part-parliamentary-politics
[27] http://news.bbc.co.uk/2/hi/americas/8583662.stm