Submitted by ICConline on
Isa sa pundamental na mga layunin ng makauring pakikibaka sa nagdaang siglo ay makamit ang karapatan sa pag-organisa sa mga kombinasyon at unyon.
Matapos ang Rebolusyon sa 1789, ang burgesya sa Pransya na kakaupo pa lang sa pampulitikang kapangyarihan, ay pinagkait na sa uring manggagawa ang pagtatayo ng mga asosasyon, isang karapatan ng uri na bihirang mapanalunan niya mismo. Bilang resulta ng isang konstitusyonal na batas na pinagtibay sa 14 Hunyo 1791, anumang grupo ng mangagawa para ipagtanggol ang kanilang komon na mga interes ay tinuturing na isang "Atake laban sa Kalayaan at sa Deklarasyon ng mga Karapatang Pantao", na may parusang multa ng 500 livres (pounds) at pagkawala ng karapatan bilang mamamayan ng isang taon. Pagkatapos lamang ng mahigit kalahating siglo na mga pakikibaka ng manggagawa na nagkaroon ng pagbabago kung saan ‘pinabayaan' na ang karapatan ng pag-oorganisa habang pinaparusahan ang anumang ‘panggugulo sa malayang galaw ng industriya at kalayaan ng paggawa'. Sa Ingglatera dahan-dahang binawi ang mga batas laban sa pag-oorganisa bunga ng proletaryadong presyur. Sa Hunyo 1871, matapos ang mga reporma sa 1825 at 1859, kinilala na ng batas ang legal na pag-iral ng mga unyon - habang sinabayan ng paglimita sa lawak ng pagkilala sa pamamagitan ng pagpatibay ng bagong mga batas. Legal na kilalanin o hindi, hindi lilitaw o manatili ang mga unyon ng mga manggagawa kung hindi tuloy-tuloy na nakibaka at nagsakripisyo ang mga manggagawa laban sa burges na estado.
Sa kasalukuyan, ganap ng iba ang mga relasyon sa pagitan ng uring manggagawa, mga unyon at estado. Naging prinsipal na katangian ng anumang mahalagang proletaryong pakikibaka ang tunggalian sa pagitan ng mga manggagawa at mga unyon. Magmula 1919, nang lumahok ang mga unyon sa Alemanya sa madugong panunupil sa nag-alsang mga manggagawa sa Berlin, ang kasaysayan ng mahalagang pakikibaka ng mga manggagawa ay markado ng marahas na tunggalian sa pagitan ng proletaryado at mga organisasyon ng unyon. Ang ganitong penomenon, paulit-ulit sa lahat ng pagbabago ng mga pakikibaka, ay lumala sa bawat bansa sa muling paggising ng makauring pakikibaka magmula 1968: inilunsad ang malalaking alon ng welga sa Mayo 1968 sa Pransya sa kabila ng mga unyon. Sa Italya sa takbo ng mga welga na nangyari sa panahon ng ‘mainit na taglagas' sa 1969 hinabol ng mga manggagawa ang mga opisyales ng unyon mula sa mga asembliya ng welga. Sa Ingglatera, kung saan dumami ang mga welga magmula sa pagpasok ng dekada '60 at partikular mula 1968 hanggang 1972, karamihan sa mga welga ay ‘wildcats', ibig sabihin, laban sa mga unyon. Umunlad ang mga welga laban sa unyon sa Belgium sa 1970, at sa 1973 inatake ng mga manggagawa sa daungan sa Antwerp ang himpilan ng unyon habang nagwelga. Sa Venezuela, hinostage ng mga manggagawa sa pangunahing mga sentro ng industriya ng bansa ang mga opisyales ng unyon at sinagupa ang mga sundalo na gustong magpalaya sa kanila. Sa 1970 sinagupa ng mga manggagawa sa pagawaan ng barkong naval sa Poland ang ‘partido ng manggagawa' at mga unyon. Ang karahasan sa nangyaring pag-alsa ay nag-iwan ng daan-daang patay.
Sa kabilang banda, lalong humigpit ang relasyon sa pagitan ng mga ‘unyon ng manggagawa' at burges na estado. Sa estadong kapitalista na mga bansa, na kasuklam-suklam na tinawag na ‘komunistang' mga lipunan, opisyal na isinanib sa makinarya ng estado ang mga unyon tulad ng sa hukbo at pulisya. Bilang organo ng estado malinaw ang kanilang tungkulin - ang responsibilidad na kontrolin ang uring manggagawa sa loob ng mga pabrika, nagmamanman, nagpataw ng disiplina sa paggawa, at bilang pwersa para magampanan ang mga pangangailangan ng kapitalistang produksyon sa pamamagitan ng kanilang pagsisikap na pataasin ang produktibidad at pababain ang sahod. Kaya, halimbawa, ang Komiteng Tagapagpaganap ng Tsinong CGT (Confederation of Labour) sa kanilang pulong sa 10 Hulyo 1953, ay nag-atas, "panghawakan ng lahat ng mga kadre sa unyon na pundamental at permanenteng tungkulin nila ang pagpapalakas sa disiplina ng paggawa" at nagmungkahi na "parusahan ang matitigas na mga elemento na palaging gumagawa ng seryosong paglabag sa disiplina ng paggawa", (G. Lefranc, ‘Le Syndicalisme darts le Monde', in Que Sais-Je?). Ganun din, ang ika-10 Kongreso ng Unyon sa Rusya (1949) ay inilatag ang mga layunin ng mga unyon para "organisahin ang sosyalistang kompetisyon para tiyakin na ang kotang nakasaad sa planong pang-ekonomiya ay matupad at malagpasan para mapataas ang produktibidad at mapababa ang gastos sa produksyon".
Sa mga bansa na ginamit ng estado ang tinatawag na ‘demokratikong' mekanismo, hindi masyado malinaw ang kolaborasyon ng estado at mga unyon, hindi masyado opisyal, pero ganun pa rin. Kadalasan mas malinaw ito sa mga bansa kung saan ang mga unyon ay nakaugnay sa mga pampulitikang partido na kadalasan nasa kapangyarihan. Nangyayari ito sa mga bansa sa Scandinavia, Great Britain, Germany, Belgium, atbp. Sa Belgium, halimbawa, ang mga unyon magmula 1919 ay lumahok sa ‘round-table talks' na inoorganisa ng estado para pangasiwaan ang mabuting relasyon sa pagitan ng mga kapitalista at unyon. May kinatawan ang mga unyon sa hukumang paggawa ng estado, na nag-aayos sa mga tunggalian sa pagitan ng mga kapitalista at manggagawa. Nakaupo sila sa Sentral na Konseho ng Ekonomiya, kabilang na sa mga konseho na nagpapatakbo sa Pambansang Bangko ng Belgium. Responsable sila para pangasiwaan ang alokasyon ng kawalang trabaho sa hanay ng unyonisadong mga manggagawa, na sa tungkuling iyon ay tumatanggap sila ng subsidyo mula sa estado. Sa maikling salita, malapit sila sa pangangasiwa ng estado sa pambansang ekonomiya, ibig sabihin, sa pangangasiwa sa sahurang pang-aalipin. Sa mga bansa na konektado ang mga unyon sa mga partido ng oposisyon, ang kanilang ugnayan sa estado ay hindi masyadong halata. Napipilitan silang makipaglaro bilang oposisyon gaya ng mga partido mismo. Ito ang kaso sa pangunahing mga unyon sa Pransya at Italya sa isang panahon. Sa kabilang banda, hindi ito nakapigil sa kanilang intergrasyon sa makinarya ng estado, maging sa institusyunalistang mga porma, sa Pransya tumatanggap ng malaking subsidyo mula sa estado ang mga unyon, lumahok sa Konseho ng Pagplano, sa Panlipunan at Pang-ekonomiyang, sa mga komite ng negosyo, atbp., at may pagpapahalagang kinukonsulta ng gobyerno sa anumang mahalagang desisyon na may panlipunang katangian.
Sa lahat ng mga bansa, sa anumang kaso, ang malalaking mga unyon ay napaka-respetado at naging opisyal na ‘representante ng uring manggagawa', kumikilos katabi ang burges na estado, at naging integral na bahagi nito. Kaya hindi mahirap unawain kung bakit ang lider ng unyon ng mga kapitalista sa Pransya ay gumagawa ng sinsiro at mapagpasyang apelasyon para sa malakas na unyonismo ng manggagawa, bagay na lubusang nilalabanan mismo ng rebolusyonaryong burgesya sa 1791: "Bilang kapilas sa kalayaang natamasa ng mga kapitan ng industriya, kanais-nais na ang unyonismo ng mga manggagawa ay dapat igiit ang sarili para magkaroon ng balanse. Para sa akin, habang lalo kung tinataguyod ang malayang kalakalan,mas lalo akong umaasa sa malakas na unyonismo. Ito dapat sa isang nag-uugnayang lipunan", (F. Ceyrac, President of the CNPF, (the most representative organisation of the French bosses), in L'Express).
Ngayon, kailangang halawin ng proletaryado ang mga aral sa lahat ng bunga ng limampung taong matagumpay na kontra-rebolusyon at pagkatalo ng uring manggagawa. Habang lumalalim ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo at nagtulak ng muling pagbangon ng proletaryong pakikibaka, na kumalat mismo sa buong planeta sa walang katulad na lawak, kailangang iukit ng proletaryado sa kanyang kamulatan ang isang malinaw na tugon sa mga tanong na inihapag ng kasaysayan sa praktika. Ang mga welgang ‘wildcat' ba, itong mga pakikibakang anti-unyon na panaka-nakang pumutok sa loob ng nagdaang animnapung taon at dumarami ngayon sa apat na sulok ng mundo, ay hindi mahalaga, eksepsyonal na penomena, o sila ay mga makauring indikasyon sa tanging paraan ng pakikibaka ng proletaryado sa kasalukuyang istorikal na yugto? Ang intergrasyon ba ng mga unyon sa burges na estado ay isang totoong penomenon, ganap at hindi mabaliktad, o ito ay panlabas na anyo lamang? May makauring katangian pa ba ang mga unyon? Mareporma pa ba ito ng uring manggagawa o dapat na itong palitan ng panibagong porma ng organisasyon ng unyon? At mas pangkalahatan, magagamit pa ba ng proletaryong pakikibaka ang mga dating porma ngayon sa ilalim ng dekadenteng kapitalismo (uhugin na magmula Unang Pandaigdigang Digmaan) na ginamit sa panahon ng pasulong na kapitalismo sa 19 siglo? Mahalaw lamang ng proletaryado ang mga aral ng kanyang pakikibaka mula sa kanyang sariling istorikal na karanasan. Ang posibilidad para sa rebolusyonaryong aksyon ay nakabatay sa kapasidad ng uri na maunawaan ang kanyang sariling karanasan. Para masagot ang napapanahong mga tanong na ito, kailangang pag-aralan natin ang esensyal na mga aspeto kaugnay ng ebolusyon ng mga unyon, at sa pangkalahatang punto, ang mga porma ng pakikibaka ng manggagawa magmula sa 19 siglo.