Submitted by Internasyonalismo on
Ang media ngayon ay sobra-sobrang nagpakita ng mga imahe ng kakila-kilabot na rehimen ni Bashar al Assad (tulad ng nakakatakot na bilangguan ng Saydnaya), habang nagagalak sa mga pagdiriwang ng populasyon dahil 'natapos na ang bangungot'. Ngunit ang kaginhawaan ng pagtatapos ng kasindak-sindak na rehimen na ito ay walang iba kundi isang walang kabuluhang ilusyon. Ang totoo ay ang populasyon (kapwa sa Syria at sa iba pang bahagi ng mundo) ay biktima ng isang bago at kriminal na panlilinlang, isang bagong pagpapakita ng mapanlinlang na pagkukunwari ng naghaharing uri: upang papaniwalain ang mga tao na ang sindak, digmaan at kalungkutan ay tanging responsibilidad ni Assad, isang 'baliw' na kailangang pigilan upang maibalik ang kapayapaan at katatagan.
Sa totoo lang, lahat ng imperyalista, mula sa pinakamaliit na kapangyarihan sa rehiyon hanggang sa mga pangunahing kapangyarihan sa mundo, ay walang hiya na nakibahagi sa kalupitan ng rehimen: Huwag nating kalimutan kung paanong baliktad ang paningin ni Obama, ang 'Nobel Peace Prize winner', noong 2013 nang si Bashar Al Assad ay nagbomba o gumagamit ng poison gas laban sa kanyang populasyon o ilan sa mga 'demokratikong' kapangyarihan, na ngayon ay binabati ang kanilang sarili sa 'pagbagsak ng tirano', ay tumulong sa pamilyang Assad sa loob ng ilang dekada, o kahit na ang kanilang mga personal na kasabwat, upang ipagtanggol ang kanilang mga nakapandidiring interes sa rehiyon. Ang mga pangunahing 'demokrasya' na ito ay muling walang hiya na nagsisinungaling kapag hinahangad nilang pagtakpan ang mga bagong lider ng bansa, na inilarawan bilang 'mga terorista' ilang taon na ang nakalipas: ang mga 'moderates' na ito, na may kakayahang makahanap ng isang 'mapayapa' na paraan bilang solusyon, ay walang iba kundi isang koleksyon ng mga Islamista at mamamatay-tao mula sa hanay ng Al Qaeda o Daesh!
Walang humpay na kaguluhan ang naghihintay sa atin
Isang taon na ang nakalipas, nang sumiklab ang digmaan sa Gaza, namahagi kami ng isang polyeto kung saan tinuligsa namin ang paglaganap ng barbaridad dulot ng mga masaker na ito:
“Ang pag-atake ng Hamas at ang reaksyon ng Israel ay may pagkapareho: ang patakaran ng pagwasak at pagdurog. Ang teroristang masaker kahapon at ang karpet na pambobomba ngayon ay maaaring humantong sa walang tunay at pangmatagalang tagumpay. Ang digmaang ito ay nagpalubog sa Gitnang Silangan sa panahon ng destabilisasyon at komprontasyon. Kung patuloy na latiguhin ng Israel ang Gaza at ilibing ang mga naninirahan dito sa ilalim ng mga guho, may panganib na masunog din ang West Bank, hahatakin ng Hezbollah ang Lebanon sa digmaan, at sa huli ay direktang masangkot ang Iran....Habang ang pang-ekonomiya at mala-digmaan na kumpetisyon sa pagitan ng Tsina at Estados Unidos ay mas lalong maging brutal at mapang api, ang ibang mga bansa ay hindi yumuko sa mga utos ng kahit kaninong sa dalawang higanteng ito; naglalaro sila ng kanilang sariling laro, sa kaguluhan, instabilidad at kaligaligan. Sinalakay ng Russia ang Ukraine salungat sa payo ng mga Tsino. Dinudurog ng Israel ang Gaza salungat sa payo ng Amerika. Ang dalawang alitang ito ay nagpahiwatig ng panganib ng kamatayan na nagbabanta sa buong sangkatauhan: ang pagdami ng mga digmaan na ang tanging layunin ay destabilisasyon o durugin ang kaaway; walang katapusang kadena ng mga di-makatwiran at nihilistikong mga aksyon; bawat tao para sa kanyang sarili, kasingkahulugan ng hindi mapigilan na kaguluhan”[1].
Ang parang kidlat na opensiba ng mga jihadists at sa likod nila ay ang iba't ibang mga pwersa tulad ng HTS at ang Syrian National Army (SNA) ay sinamantala ang lumalaking kaguluhan sa rehiyon: Si Assad at ang kanyang tiwaling rehimen ay nakabitin sa alanganin dahil ang hukbo ng Russia, na natali sa Ukraine, ay wala na sa kapasidad upang suportahan siya, at ang Hezbollah, na nasangkot sa pakikidigma nito sa Israel, ay iniwanan ang mga posisyon nito sa Syria. Sa kaguluhan ng patuloy na barbarismo sa Syria, ang koalisyon ng mga desperadong milisya ay nagawang sumugod sa Damascus nang walang gaanong pagtutol. Ang nasaksihan natin ngayon sa Syria, tulad kahapon sa Lebanon at Ukraine, ay ang paglaganap at paglakas ng mga mapangwasak at mapangdurog na digmaan kung saan wala ni isa sa mga magkatunggali ang nakakuha ng matibay na posisyon, pangmatagalang impluwensya o matatag na alyansa, sa halip ay nagpapalakas sa walang puknat na kaguluhan.
Sino ang makapag-angkin na nakakuha ng solidong tagumpay? Ang bagong rehimen ng Syria ay nahaharap na sa isang sitwasyon ng pagkapira-piraso at dislokasyon na kahalintulad ng post-Gaddafi Libya. Ang pagbagsak ng rehimeng Assad ay isa ring malaking dagok sa Iran, na nawalan ng isang mahalagang kaalyado sa panahong nauubos ang Hamas at Hezbollah. Samantala nakikinita na ng Russia na mawawala ang mga mahahalagang base militar nito sa Mediterranean at kasabay ng pagkawala ng kredibilidad nito sa pagtatanggol sa mga kaalyado nito... Kahit na ang mga tulad ng Israel o Estados Unidos, na maaaring natutuwa na makita ang pagdating ng mga bago, mas mapagkasundo na mga panginoon sa Damascus, ay walang relatibong tiwala sa kanila, tulad ng ipinapakitang mga pambobomba ng Israel upang wasakin ang mga arsenal at pigilan ang mga ito na mapunta sa mga kamay ng bagong rehimen. Ang Turkey, na lumilitaw na pangunahing benepisyaryo ng pagbagsak ni Assad, ay alam din na kailangan nitong harapin ang lumalaking suporta ng US sa mga Kurd at sa mas magulong sitwasyon sa mga hangganan nito. Ang 'pagbagsak ng tirano' ay walang ibang ipinangako kundi ang mas maraming digmaan at kaguluhan!
Ang kapitalistang dekomposisyon ay humahatak sa sangkatauhan tungo sa barbarismo at pagkawasak.
Kung ang mga kaguluhan, teror at masaker ay tunay ngang gawa ng mga naghahari sa mundong ito, ng burgesya, na parehong awtoritaryan at demokratiko, higit sa lahat ang mga ito ay bunga ng lohika ng dekadenteng kapitalismo. Ang kapitalismo ay pawang kumpetisyon, pandarambong at digmaan. Ang katotohanan na ang digmaang ito ay kumakalat ngayon sa mas maraming bahagi ng mundo, na nagdulot ng walang kwentang pagkawasak at maramihang pagpatay, ay ekspresyon ng makasaysayang pagtigil na siya mismong kinakaharap ng kapitalistang sistema. Sa okasyon ng digmaan sa Gaza ay sinulat namin: "Anoman ang gagawin, hindi na maiwasan ang dinamismo tungo sa destabilisasyon. Kaya, ito ay isang makabuluhang bagong yugto sa pagbilis ng pandaigdigang kaguluhan. Ang tunggaliang ito ay nagpakita ng lawak ng naabot kung saan ginagawa ng bawat estado ang "pagwasak at pagdurog" upang ipagtanggol ang mga interes nito, na naghahangad hindi upang makakuha ng impluwensya o makakuha ng benepisyo, kundi upang maghasik ng kaguluhan at pagwasak sa mga karibal nito. Ang tendensyang ito tungo sa estratehikong irasyonalidad, kakitiran ng pananaw, hindi matatag na alyansa at "bawat tao para sa kanyang sarili" ay hindi isang arbitraryong patakaran ng estadong ito o ng estadong iyon, ni produkto ng lubos na kahangalan ng paksyon ng burges na ito o ng paksyon na iyon sa kapangyarihan. Ito ay bunga ng mga kondisyong istorikal, yaong sa dekomposisyon ng kapitalismo, kung saan ang lahat ng estado ay nakipag-away sa isa't isa. Sa pagsiklab ng digmaan sa Ukraine, lubhang pinalala ang makasaysayang tendensiyang ito at ang bigat ng militarismo sa lipunan. Pinatunayan ng digmaan sa Gaza gaano kalawak ang imperyalistang digmaan ngayon bilang pangunahing salik ng destabilisasyon sa kapitalistang lipunan. Ang produkto ng mga kontradiksyon ng kapitalismo, ang lawak ng digmaan ay siya ring nagpaapoy sa mismong mga kontradiksyong ito, na dumarami, sa pamamagitan ng bigat ng militarismo, ng krisis pang-ekonomiya, ng mga sakuna sa kapaligiran at ng pagkawatak-watak ng lipunan"[2]. Ang dinamikong ito ay posibleng magdulot ng kabulukan sa bawat bahagi ng lipunan, mapahina ang bawat bansa, na magsimula sa nangunguna sa kanila: ang Estados Unidos.
Bilang epekto ng dekomposisyon ng kapitalistang lipunan, nakita natin ang paglitaw ng mga penomena gaya ng mga napakalaking migrasyon ng mga refugee, tulad ng resulta ng digmaan sa Syria noong 2015, na may halos 15 milyong nawalan ng tahanan na tao (7 milyon sa Syria mismo, 3 milyon sa Turkey, at mga 1 milyon sa pagitan ng Alemanya at Sweden). Noong panahong iyon, tinuligsa namin ang mapagkunwaring 'refugees are welcome' ng burgesya[3], na hindi nangangahulugang ang mga mapagsamantala ay tagapagtaguyod na ngayon ng pakikipagkaisa, bagkus ay isang pagtatangka na pigilan ang pagsabog ng kaguluhan sa pamamagitan ng pagsasamantala sa murang paggawa. Ang mga benefactor na ito ay nagtutulak ngayon sa mga refugee na bumalik sa impyerno ng Syria, dahil 'wala na ang mapang-aping rehimen' at 'ang bansa ay kumikilos patungo sa pagpapanumbalik ng demokratikong normalidad'. Ito ang kasuklam-suklam na kabastusan ng mga 'demokrasyang' ito, na nagsagawa ng mga patakaran na itinataguyod ng mga populistang partido at ng dulong kanan na sinasabi nilang lumalayo sila. Ang alternatibo sa pagkawasak ng sangkatauhan ay internasyonal na pakikiisa ng uri, isang pakikiisa ng pakikibaka laban sa pandaigdigang kapitalismo.
Valerio, 13 Disyembre
(binagong bersyon 24.12.2024. Salamat sa Internationalist Voice sa ilang mungkahi na mas tamang pormulasyon).